Chapter Text
Maingay ang kapaligiran sa cafe na kinaroroonan ng tatlong magkakaibigan. Isa si Tew sa mga matatalik na kaibigan ni Shin simula pa lang noong high school sila. Sadyang hindi lang niya ito kasundo dahil nagkagusto ito kay Shin, kaya hanggang ngayon marinig pa lang niya ang panagalan ay tila ba naiinis na siya.
Karibal! Salita na lagi niyang naririnig sa tuwing nakikita ito.
“Tagal na rin natin hindi nagkita. Buti sumama ‘tong si Saint?” Nakangisi nitong tanong na para bang inaasar pa siya.
“Oo nga, lahat ata tayo busy na sa uni. Sa wakas nga at nagtagpo rin schedules natin!” Maligalig ang tono ni Shin kaya pinili nalang niyang mag pokus dito at huwag nalang tingnan ang kumag sa harapan nila.
Lumipas ang ilang segundo nang napansin niya ang pananahimik ng dalawa. Napilitan tuloy siyang lumingon sa dalawa at tila ba may pinapahiwatig sila sa isa’t isa at parang nangungusap ang mga mata. Sumisikreto pa ata.
Maya-maya ay hindi na nakapagpigil si Shin at tinapik na ang tuhod niya, “Order ka muna? Alam mo na yung sakin. Bayaran ko mamaya.” Tinitigan niya ito ng ilang segundo na para bang hindi siya makapaniwala. At talagang pinapaalis ako?
Tumango nalang siya at tatayo na sana para pumunta sa counter, “White mocha sakin, Saint. Kung interesado kang tanungin. Kung sakali lang naman.” Natatawang sambit ni Tew dahil parang wala talagang balak si Saint na isama siya sa order.
“Bayad mo?” Masungit na tanong niya dito na agad namang ikinalagapak ng kamay ni Shin sa tuhod niya.
“Sabi ko nga ako na rin.” Walang nagawa ang kawawang utusan at tumayo na para sa counter. Nakarinig pa siya ng ‘salamat’ mula sa kinaiinisan niya na hindi niya pinansin.
Ano naman kaya ang pag uusapan ng dalawang iyon at kailangan pa talaga siyang paalisin? Kala ko pa naman talaga date na eh, may asungot pa lang kasama.
Kahit labag sa loob, hindi na muna siya bumalik sa pwesto nila para bigyan ng oras ang dalawa na mukhang hindi pa rin tapos sa pinaguusapan.
Lumabas muna siya at umupo sa bakanteng lamesa habang hawak ang number— hinihintay na tumunog ito.
Hindi niya mapigilan makuryoso sa pinaguusapan ng dalawa. Masayang masaya kasi ang mga ito na para bang sobrang interesado ng topic nila. Muli na namang sumama ang loob ni Saint nang makita ang magandang ngiti ng sinisinta. Kahit kasi alam niyang magkaibigan nalang ang dalawa, hindi niya pa rin mapigilan makaramdam ng tensyon— takot na rin na baka maunahan na naman siya nitong umamin. Oo, isang beses na kong naunahan umamin ng kumag na ‘yan.
Malaki ang ngiti ng binatang si Saint habang hawak ang bracelet na may disenyong ‘My Melody’. Pinag-ipunan pa niya ito mula sa kanyang baon, halos hindi na siya kumain sa araw-araw kaya naman nakikihati siya sa baon ng mga barkada. Paborito kasi ito ng kaibigan niyang si Shin na matagal na niyang gusto. Grade 8 pa lang kasi ay interesado na siya sa kaibigan kaya naman ngayong nasa Grade 9 na sila, naiisipan niyang umamin at sabihin ang nararamdaman.
Naiisip pa lang niya ang magandang ngiti ni Shin ay kinikilig na agad siya. ‘Sana ay magustuhan niyo ‘tong regalo ko.’
Ilang araw na rin kasi niyang pina-practice ang mga katagang sasabihin sa oras na umamin siya. Sa harap ng salamin, bago matulog at bago pumasok ay ‘yun lang ang nasa isip niya. Kaya naman habang naglalakad sa mahabang koridor, ganon pa rin ang takbo ng diwa niya.
‘Shin, gusto kita. Matagal na.’
Mali, isa pa at hahabaan ko.
‘Shin, gusto kita higit pa sa kaibigan. Matatanggap mo ba—’
Ah, erase, erase.
‘Shin, gusto ki—’
“Shin, may gusto ako sayo. Alam kong mag kaibigan tayo pero gusto talaga kita.”
Tila ba huminto ang oras ni Saint sa narinig niya.
Si Tew. Ang umamin kay Shin sa dulo ng koridor kung saan malapit ang kanilang classroom. Si Tew na matalik na kaibigan ni Shin ay naunahan siyang umamin.
Unti-unti ay nabura ang ngiti sa kanya at ang kanina pang hawak na bracelet ay bigla niyang tinago sa bulsa ng uniporme. Bakas ang gulat sa mukha ni Shin sa narinig niya. Hindi na nag aksaya ng panahon pa si Saint at nauna na siyang tumalikod at lumabas ng paaralan. Iniwan niya ito kahit na may kasunduan silang sabay na uuwi.
‘Masama ba kung ayaw ko marinig ang isasagot niya rito? Ayokong masaktan.’
Ang regalo ay nanatili lang sa kanyang bulsa, katulad nalang ng nararamdaman niyang tila mas lumala pa yata at dala-dala pa rin hanggang ngayong kolehiyo.
Mula noon hanggang ngayon, si Shin pa rin.
“Number 28 po!”
Natigil sa pagmu-muni si Saint nang marinig ang sigaw ng empleyado na lumabas pa ata para sadyang iparinig sa kanya ang numerong kanina pa pala tinatawag. Kanina pa rin kasi tumutunong ang hawak niyang hindi niya namamalayan.
Kinuha nalang din niya ang order at bumalik na sa table. Ang ngiti ni Tew ang bumungad sa kanya na halata mong may laman at kahulugan. Inirapan niya ito at inabot na kay Shin ang inumin at ang tinanggal sa plastic na straw. Hindi nakatakas sa katabi ang ginawa niyang pag irap kaya tinapik nito ang pisngi niya.
“Tigilan mo si Tew.” Sinamaan pa siya ng tingin nito at ang kaharap ay mapang asar na dumila sa kanya. Hindi nalang niya pinansin ang dalawa at pinalipas ang oras sa pakikipag usap kahit na may kasama itong sama ng loob.
“Naks! Heto na pala si loverboy. Musta ‘tol? Nag date kayo?” Ito agad ang bungad sa kanya pagpasok sa klase dalawang araw makalipas ang date nila. Sabay pa ang pag akbay sa kanya ng kambal na si Knot at Nate.
“May pa instagram story pang nalalaman. Naka close friends naman na hindi kasama sa list yung iniistory niya. Duwag.” Maangas na gatong ni Ken.
Nag post kasi siya ng litrato ni Shin sa kanyang account, na lagi rin naman niyang ginagawa. Naka close friends ito tulad ng sabi ng kaibigan dahil ang account niya ay umiikot lang talaga kay Shin. Siya kasi ang kadalasan na laman noon.
“Mga chismoso tangina, tigilan niyo ko.” Masama pa rin ang timpla ng emosyon niya. Nang ihatid kasi niya si Shin kahapon ay magdamag itong nakangiti habang may kausap sa cellphone. Kinakailangan pa niya itong alalayan sa siko para lang hindi mapatid. Hindi niya na sinubukan pang usisain ang kaibigan at tumahimik nalang.
Hindi niya rin nakita buong araw si Shin ngayon dahil magkaiba ang schedule nila na nagpatabang lalo sa pakiramdam niya. Wala rin itong paramdam sa kanya sa kahit anong social media kaya hanggang sa makauwi ng condo unit niya, hindi pa rin niya makuhang ngumiti.
Badtrip.
Naisipan nalang niyang mag gym para mabuhos ang sama ng loob. Isa rin kasi sa paborito niyang libangan ang boxing. Gamit ang camera ng cellphone, nag picture muna siya sa salamin na kita ang paligid niya at saka pinost sa story, naka public para makita ng dapat makakita.
Swabeng update lang para sa taong wala namang pake.
Hanggang sa matapos ang session niya sa gabing iyon, wala pa rin paramdam ang target niya. Nakita naman nito ang story niya pero wala talaga. Ipinawalang bahala nalang niya ito dahil kahit papano, gumaan ang pakiramdam niya sa eksersisyo.
Habang bitbit ang duffel bag sa kanyang balikat, nagulat siya sa taong bumungad sa kanya sa lobby ng kanyang condo.
“Shin.”
Lumingon ito sa kanya gamit ang mapupungay na matang halata na ang antok. Malapit na rin kasi sumapit ang alas dose nang makauwi siya. Ngunit itong kaibigan niya ay tila ba galing pa sa klase suot ang puting uniporme nila. Alas nuebe pa natapos ito ngayon ah?
Para bang nawala lahat ng tampo niya at dali-daling lumapit dito at tinabihan sa malambot na sofa. Nasa dulo sila ng lobby kaya tago ang pwesto nila kahit papano. Nakasandal si Shin sa kinauupan at nakatukod ang braso dito.
Marahan niyang hinawi ang buhok na nakaharang sa mata nito, “Akyat tayo?” Malambing niyang tanong. Tumango lang ito at sinandal ulit ang ulo, na ngayon ay sa balikat na ni Saint.
Kinuha niya ang bag sa binata at inalalayang tumayo. Antok na antok na kasi ito, hindi rin niya alam kung bakit pa dumiretso sa unit niya gayong pagod na.
Hanggang sa elevator ay nakasandal sa kanya ang kaibigan. Nakatulala lang ito na tila wala pa sa wisyo. Kung tutuusin, napawi na yata lahat ng pagtatampo sa katawan ni Saint dahil lang sa mga kinikilos ni Shin ngayon. Sino nga ulit ang nagtatampo?
‘Wala, bali na naman agad ang paninidigan mo, Saint.’
Sukbit ang duffel bag sa kaliwang balikat habang ang tote bag naman ni Shin ay hawak niya rin sa parehong kamay. Habang sa kanan naman ay ang binata na nakasandal sa kanya at ang braso ni Saint na nakaalalay sa likod nito. Kung may makakakita man sakanila ay paniguradong pagkakamalan silang magkasintahan.
Nang makapasok sa unit ay diretso nang pumasok si Shin habang siya naman ay kinuhanan ito ng maiinom. Halata ang pagod dito lalo nang ramdam mo ang lambing sa katawan. Ganito kasi ito madalas, na pabor din naman talaga sa kanya.
“Maliligo ka o gusto mong mag palit nalang muna?” Marahan pa rin na tanong ni Saint.
“Shower.”
Tumayo si Shin at dumiretso na sa kwarto kung nasan ang banyo at ang aparador ng mga damit. Inasikaso nalang muna ni Saint ang gamit nila, nilabas na rin niya ang manok mula sa freezer at inilagay sa chiller para kung sakaling gutom ang kaibigan, madali nalang ang lulutuin. Nag palit na rin siya ng damit pantulog, buti ay naligo na siya kanina pagtapos magpapawis.
Tahimik na naghihintay si Saint habang tumitingin sa instagram. May story pala si Shin na kanina lang pinost, musika lang ito na may litrato ng madilim na kalangitan. 30 minutes ago.
Amiel Sol
Agad na sinara ni Saint ang hawak na cellphone nang lumabas si Shin. Suot nito ang puting damit ni Saint na may kaluwagan sa kanya. Ang bahagyang nakalabas na balikat ay lalong lumantad nang humiga ito sa tabi niya. Nangingiti niyang inayos ito at hinaplos ang buhok ni Shin.
“Galit ka ba?” Mahinang bulong nito.
Nagulat si Saint sa naging tanong ni Shin. Ganon na ba siya kahalata at napansin pa ito ng binata. Tinubuan naman agad siya ng hiya dahil alam niyang mababaw lang naman ang rason ng pagtatampo niya.
Napansin ni Shin ang saglit niyang pananahimik at lalong sumiksik sa tagiliran niya.
“Sorry.. ‘wag ka na magalit hm?”
Tila natunaw si Saint sa malambing na boses ng katabi. Hindi niya inaasahan ang pagsuyo nito sa kanya. Kaya rin siguro ito dumiretso sa unit niya sa pagaakalang galit siya.
“Hindi.. hindi ako galit. Sorry, kung iyon man ang naparamdam ko sa’yo.” Hindi na niya napigilan pang haplusin ng dahan-dahan ang likod nito at ang magaang pag lapat ng labi niya sa tuktok ng buhok ng kaibigan.
“Ayokong nagagalit ka…” Kung hindi lang sobrang tahimik ng paligid nila ay baka nakaligtaan niya ang puno ng lambing na tinig nito.
Maingat na itinaas ni Shin ang ulo niyang kanina lang ay nakasiksik sa kaibigan. Lumagpas ang ilang segundo… hanggang sa tumagal ng ilang minuto na nakatingin lang sila sa isa’t isa. Hindi mapigilan ni Saint ang paglakbay ng paningin niya sa kaibigan, mula sa mata nitong nangungusap.. sa labi nitong kulay rosas patungo sa mga marka ng nunal sa leeg.
Mabagal na napalunok si Saint kasabay ng mabibigat na paghinga. Nagtagal ang paningin niya sa leeg nito at para bang naramdaman niya ang distansya nilang katiting. Umiwas siya ng tingin at mariin na napapikit— kinokontrol ang sarili. Kaya nang kumalma ay binalik niya ang tingin sa kaibigan na ngayon ang mata ay nakatungo nalang sa dibdib niya.
Ngunit hindi rin nakatiis si Saint, sa marahan na aksyon ay lumapat ang malambot na labi sa noo ng sinisinta.
“Sorry.. hindi na mauulit. Pahinga na tayo?”
Muli ay nag tagpo ang mga mata nila at pinatakan niya rin ng halik ang mumunting bakas ng luha sa gilid ng mahahabang pilikmata. Doon ay nag tagal ang labi niya, tila ninanamnam ang oras.
Kung pwede lang, Shin. Kung kaya ko lang…
Handa akong maging sandalan mo sa oras ng pagod, lungkot, at saya. Hangga t hawak mo ang kamay ko, hindi ako bibitiw. Hanggat malaya kang nasa tabi ko, hindi ako mawawala.
“Tulog na, mahal ko.”
Aamin na ‘ko.
