Chapter Text
ִֶָ𓂃 ࣪˖ ִֶָ🏐་༘࿐
“Chine-check ko lang kung mainit siya. Medyo masama kasi pakiramdam niya kanina pa."
“Ah,” mahinang sagot ni Seungcheol, sabay taas ng kilay. “Iba na rin pala pag-check ngayon, ‘no? Labi sa pisngi na?”
Gusto na lang din talagang magpalampn sa lupa si Wonwoo. Shutangina. Nahuli lang naman siya, literal, na nagpatak ng halik sa pisngi ni Mingyu, tapos ang naisip pa niyang palusot, ganitong ka-walang kwenta?
Bakit ko kasi ginawa ‘yun?
Nanigas siya sa kinatatayuan niya, parang biglang hindi niya alam kung saan ilalagay ang mga kamay niya. Bago siya sumagot, napalingon siya kay Mingyu. Nakatingin na rin ito sa kanya na parang naghihintay lang kung anong sasabihin niya.
Mas lalo tuloy siyang na-pressure.
Si Seungcheol pa ‘yan–captain ng Alas Pilipinas Men’s Volleyball Team at best friend ni Mingyu since high school.
May alam kaya ‘to?
Hindi niya sigurado. Pero kahit may idea man si Seungcheol o wala, hindi pa rin nababawasan ang hiya na gumapang na sa buong katawan niya.
“Ganun na ‘yung uso ngayon, e,” sagot niya ulit, kunyari kalmado siya kahit na ramdam niya na umaakyat na ang init sa mukha niya. Halos sigurado siyang pulang-pula na siya.
Sandaling katahimikan.
Tinignan sila ni Seungcheol at sinabing. "Usap-usap tayo bukas."
“Tara na,” si Mingyu na ang nagsalita. “Hinahanap na raw ni Coach.” Lumapit ito kay Seungcheol at inakbayan siya. “Tara, pre.”
Ni hindi man lang siya nilingon. At doon, may kung ano na namang bigat sa dibdib ni Wonwoo. Tahimik lang siyang nakatayo habang pinapanood silang dalawa na lumabas ng locker room.
Napatitig na lang siya sa likod nila na para bang wala siyang ginawang kabobohan ilang segundo lang ang nakalipas. Pagkasara ng pinto, doon lang siya nakahinga nang maayos. Napabuntong-hininga siya at saka hinagod ang mukha niya gamit ang palad.
At this point, hindi na niya iniisip kung anong paliwanag ang ibibigay niya kay Seungcheol. Mas iniisip niya kung bakit mas tumatak sa kanya ‘yung katotohanang na ni hindi man lang siya nilingon ni Mingyu.
May iba na talaga. Hindi naman ganyan si Mingyu sa kanya, e. Noon, isang kiss lang sa pisngi, kaya na niyang kunin ang atensyon nito at may reaction agad, may banat, may kung anong ibabalik. Pero ngayon? Wala. As in walang-wala.
Ni hindi man lang siya kinibo ulit nung nahuli sila ni Seungcheol. Walang side comment, walang asar, walang kahit anong acknowledgement. As if nothing happened. As if wala lang ‘yun. And that bothered him more than it should. Kasi sanay siya na may sinasabi lagi si Mingyu, e. Hindi ‘yung ganitong tahimik lang siya.
Agad na napaupo si Wonwoo, napasandal habang nakatitig lang sa lapag. Mukhang seryoso na nga si Mingyu na titigilan niya na si Wonwoo. Mukhang sigurado na siyang hindi na talaga siya manliligaw.
Sabagay nga naman, everything just made sense. Sa halos isang taon na ganito ang setup nila, na wala namang assurance siyang binibigay sa binata, how could he blame him? Walang pang label, ano pa bang ie-expect niya? He kept Mingyu in that in-between space, never really letting him in, but never letting him go either.
Hindi rin naman niya masisisi si Mingyu kung napagod na talaga ito. Kung pinili na nitong umatras. Kung tutuusin, ang tagal na nga nitong naghihintay.
Ilang beses na rin siyang binigyan ng pagkakataon kung saan pwede na siyang magsalita, maging klaro, magbigay ng kahit konting assurance sa binata. Pero every time, pinipili niyang manahimik. Overthink. Delay.
At ngayon, mukhang huli na. Napabuntong hininga ulit siya, pilit pinipigilan ‘yung kung anong kumikirot sa dibdib niya.
You can’t blame him, ulit niya sa sarili niya. Hindi mo siya pwedeng sisihin, Wonwoo.
Kasi kung siya ang nasa posisyon ni Mingyu, baka matagal na rin siyang umalis sa ganitong setup, e.
Masakit lang tanggapin na ngayong handa na sana siyang magsalita, doon pa nawala ‘yung taong handang makinig. Pero sabagay, baka okay na rin na hindi na nila ituloy kasi kung ngayon pa lang, ganito na siya ka-distracted, what more pa kung may label na? Kung may expectations na, kung may mas mabigat na responsibilidad sa isa’t isa?
Napailing siya habang pilit na inaayos ang sarili niyang isip. Sobrang daming tumatakbo sa isip niya ngayon.
Hindi niya pwedeng hayaang maapektuhan ‘yung focus niya lalo na ngayon. Malapit na ang international games, tapos pagbalik ay mag-aaral na ulit siya kasabay ng mga trainings, tapos next year ay last playing year na niya sa collegiate. That’s it. Last run. Last chance to prove himself, to leave a mark, to make everything count.
After that, diretso na siya sa pro league at panibagong laban na naman. He couldn’t afford distractions. Hindi na pwede ‘yung hati ang isip niya. Hindi ganon mag-isip ang isang atleta na may layunin sa buhay.
Kung may kailangan siyang piliin ngayon—it had to be volleyball.
ִֶָ𓂃 ࣪˖ ִֶָ🏐་༘࿐
Pagkatapos ng unang araw ng training nila, halos bagsak ang lahat. Nagpahinga lang sila saglit sa gilid ng court, uminom ng tubig,, tapos kumain nang mabilis bago dumiretso pabalik sa hotel kung saan sila nag-stay.
Totoo nga ‘yung sinabi ni Jeonghan—grabe ang training in preparation for international games. Iba siya sa nakasanayan ni Wonwoo sa collegiate level. Mas mabilis ang pace, mas mabigat, at halos walang patid ang drills.
Since first time niya ‘to sa ganitong klaseng camp, ramdam na ramdam niya ‘yung adjustment. From the very start pa lang, pinasabak na agad sila sa serve receive patterns, tapos sunod-sunod na offensive plays katulad ng mga quick sets, combination plays, back row attacks, lahat kailangang maayos.
Hindi pa doon natatapos. May blocking drills pa na halos paulit-ulit katulad ng mga timing ng jump, hand positioning, reading the setter. Tapos transition drills agad pagkatapos mula block, baba, then approach for attack. Walang pahinga.
At syempre, hindi mawawala ang conditioning. Sprint dito, shuffle doon, footwork na parang hindi nauubos at natatapos. Sinusukat ni Coach Gil kung gaano sila ka-efficient at consistent kanina.
Ang maganda lang ngayon, sanay na si Wonwoo sa techniques at system ni Coach Gil. Hindi na bago sa kanya ‘yung style ng training, e. ‘Yung disiplina, ‘yung atensyon sa mga detalye, at ‘yung paraang ng pag-run ng drills. Siya na rin ang coach niya simula pa noong pumasok siya sa UAAP, and even before that, nakakasama na niya ito noong high school pa lang siya.
Kaya kahit sobrang intense ng training ngayon, hindi siya tuluyang naliligaw. Alam niya kung ano ang ine-expect sa kanya atkung paano gumalaw sa sistema, paano mag-adjust sa rotation, at paano magbasa ng plays. Familiar na siya sa structure, kaya mas nakakafocus siya sa execution kaysa sa paghabol sa instructions.
Maganda talaga ang program ng UST pagdating sa volleyball. Hindi lang basta skills ang hinahasa, kundi pati game IQ, discipline, at mental toughness. From basic fundamentals hanggang sa advanced plays, malinaw ang progression. Kaya pagdating sa ganitong level ng international training ay hindi siya totally nangangapa.
In a way, malaking advantage ‘yun para kay Wonwoo. Kasi habang ang iba nag-a-adjust pa sa sistema, siya nakakasabay na agad dahil na rin sa coach.
Ngayon, nakaupo lang siya sa kama niya habang hinihintay si Mingyu na matapos maligo. Isa lang kasi ‘yung banyo sa hotel room nila, kaya wala siyang choice kundi maghintay.
Tahimik lang ang buong kwarto, tanging tunog ng shower ang maririnig mula sa loob at pati na rin siguro ‘yung pagnguya niya sa chocolate na kinakain niya. Nakatingin siya sa sahig, hawak ang phone pero hindi naman talaga nagbabasa o nagche-check ng kahit ano.
At this point, napapaisip na siya—sana dalawa na lang ‘yung banyo.
Hindi dahil nagmamadali siya, kundi dahil gusto niya lang iwasan si Mingyu. Kahit ilang minuto lang na hindi sila magkaharap sa iisang espasyo.
Kahit na sabay naman silang pumasok sa kwarto kanina nang walang imikan, it was just pure silence.
Napatingin siya sa side ng kama ni Mingyu, may nakalatag doon na dalawang hoodie. Gusto niyang kunin ‘yung isa roon para isuot, e. Medyo namimiss niya ‘yung physical contact nila ni Mingyu. Sa training kanina, ang tanging contact lang nila ay nung sinubukan niyang i-block si Mingyu, ‘yung tipong sabay silang tumalon, saglit na dikit ang mga kamay sa ere, tapos naghiwalay na ulit. And that was it.
Napailing siya, medyo naiinis na siya sa sarili niya.
Namimiss niya rin ‘yung pang-aasar ni Mingyu. ‘Yung mga banat nito na minsan nakakairita pero madalas nagpapagaan ng pakiramdam niya. ‘Yung presensya nito na hindi niya namamalayan na hinahanap na pala niya.
Ugh. Nakakainis.
Kasi nandito lang naman si Mingyu. Ilang hakbang lang ang layo, nasa loob lang ng banyo—pero pakiramdam niya, ang layo-layo na.
Ilang minuto rin siyang nag-reminisce ng mga ganap nila ni Mingyu nang narinig niyang tumigil na ‘yung shower kaya agad siyang tumayo at itinapon ‘yung balat ng chocolate sa trash can malapit sa may kusina tapos kinuha ang mga damit na pagbibihisan niya mula sa kama niya, at saka nagtungo na sa direksyon ng banyo.
Nang malapit na siya roon ay saka namang bumukas ‘yung pinto. Napahinto si Wonwoo sa mismong tapat.
Kasabay niyang lumabas si Mingyu na naka-jersey short lang at walang pang itaas, basa pa ang buhok, may ilang patak ng tubig na dumudulas mula sa gilid ng leeg pababa sa collarbone hanggang sa dibdib. Hawak nito ang tuwalya habang pinupunasan ang ulo, pero nang mapansin siya, bahagyang tumigil ang galaw nito.
Jusko po naman! Talagang sinusubok ako, Lord?
Nagkatinginan sila.
Isang segundo.
Dalawa.
Walang nagsalita.
Parang sabay nilang na-realize na masyado silang malapit sa isa’t isa.
Kumilos agad si Wonwoo, bahagyang umatras at umusog pakaliwa para makadaan.
Pero kasabay nun, gumalaw rin si Mingyu nang pakaliwa rin.
Halos magkadikit ang balikat nila.
Napahinto ulit si Wonwoo, napakurap, saka bahagyang napabuga ng hangin na hindi niya namalayang pinipigil niya pala. Sumubok ulit siya, this time pakanan naman, mas mabilis ang galaw para makadaan na siya.
Pero gano’n ulit. Sumabay na naman si Mingyu.
Napahinto silang dalawa, halos magkatapat, parang may sariling tunog na hindi nila sinasadyang sabayan.
Nakakailang naman. Bwisit.
Napatingin si Wonwoo sa sahig sandali, saka muling gumalaw pakaliwa, this time, mas mabilis na at makadaan na siya. But it was like a reflex dahil sumunod na naman si Mingyu sa parehong direksyon at halos magbanggaan na sila.
Napatingin siya rito, bahagyang nakakunot na ang noo niya, may halong inis at hiya at the same time. Si Mingyu naman, nakatingin lang din sa kanya at hindi iniiwas ang tingin.
Lord, naman, bakit naman ho kasi ganito? Hindi niyo ba ‘ko mahal?
Ngayon naman, mas malapit na sila kaysa kanina.
Ramdam ni Wonwoo ang init ng katawan ni Mingyu, pati ‘yung amoy ng sabon at shampoo. May ilang patak pa ng tubig na tumulo mula sa buhok ni Mingyu at bumagsak sa sahig, na halos marinig niya sa sobrang tahimik ng paligid (oa lang).
Kung hindi sila magkaaway ngayon, hindi ganito ka-big deal ‘yung simpleng pagdaan nila ngayon sa harap ng isa’t isa, e. Baka nga binuhat pa siya ni Mingyu kanina pa. But at this point, hindi pa rin siya makagalaw agad-agad.
Parang sandaling nakatigil ang lahat. Hanggang sa napabuntong-hininga na lang siya, bahagyang umatras ng konti at tuluyang tumabi, this time hindi na muna siya gumalaw para hayaang makadaan si Mingyu.
“Daan ka na,” aniya sabay tingin kay Mingyu na kanina pa rin nakatingin sa kanya.
“Teka lang,” sagot ni Mingyu. Malalim ang boses nito.
Napakunot ang noo niya. “Bakit?”
Hindi sumagot si Mingyu. Nakita ni Wonwoo na itinaas ni Mingyu ang kamay niya at saka itinuro ang ilalim ng labi niya.
Saglit siyang napahinto roon. Literal na hindi agad gumana ang utak niya.
Nanghihingi ba siya sa’kin ng kiss ngayon? In this economy?! In this situation?! Nakikipagbati na ba siya sa’kin!? Gusto niya na ng kiss ko?!
“Uhm, wait,” sagot niya agad. “Sure ka?”
Tumango si Mingyu.
Sure ka pala! Huh! Sabi ko sa’yo ‘di mo ‘ko matitiis, e!
“Okay,” sagot niya at saka siya tumingkayad ng kaunti, ipinikit ang mga mata, at saka dinampian ng halik ang babang labi ni Mingyu.
My God! Medyo namiss niya ‘yun.
Nang matapos niyang gawin ‘yon ay agad siya lumayo sa mukha ng binata at tinignan ulit ito.
“Bakit mo ‘ko kiniss?” tanong ni Mingyu sa kanya.
“Huh?” balik niyang tanong at dahil na rin mukhang gulat si Mingyu sa ginawa niya. Kumag pala ‘to, e? Siya ‘tong nanghihingi ng kiss! “‘Di ba nanghingi ka ng kiss? Tinuro mo pa nga ‘yang baba ng labi mo?”
“Wonwoo,” sambit ni Mingyu. “Ang sinasabi ko kasi may dumi ka diyan sa baba ng labi mo. Chocolate ba ‘yan?”
Putangina talaga.
Pak is shet.
Lin is tek.
Let is che.
Gusto na lang maghimatay-himatayan ni Wonwoo at this point. Halos gusto na niyang humimlay sa sahig, pakiramdam niya ay walang tigil ang init sa mukha niya.
Nakakahiya. Hindi lang basta nakakahiya, kundi grabe, sobrang nakakahiya. All this time, akala niya humihingi ng kiss si Mingyu. Ngayon, parang gagapang palabas ng dibdib niya ang puso niya sa sobrang kahihiyan.
Bwisit. Chocolate lang pala. Chocolate?! Putangina, shet. Dapat hindi na ako kumain ng chocolate!
Gusto na niyang magpahigop sa hangin para mawala ang pakiramdam ng pagkahiya. Nakakainis, nakakabaliw, at nakakaloka kung paano ang simpleng halik ay siyang napapahamak sa kanya. At sa oras na ‘to, hindi na niya alam kung tawa o iyak ba ang ilalabas niya. Pwede bang itago ang sarili sa ilalim ng kama? Pwede bang burahin ang sarili sa mundo?
“Akala ko nanghihingi ka ng kiss!” agad niyang sagot. “Makaturo ka naman kasi diyan sa labi mo!”
“Bakit naman ako manghihingi ng kiss?” tanong agad sa kanya ni Mingyu.
Natahimik siya roon. Bakit nga ba? Eh magkagalit nga kayo tapos manghihingi siya ng kiss? Oo nga naman, Wonwoo. Ang tanga mo naman kasi!
“Akala ko lang,” mahina niyang sagot. “Sorry.”
Gusto na talaga niya umiyak. Mingyu, iiyak talaga ako! Naiiyak na talaga ako! Nung nakaraan mo pa ‘ko pinapaiyak!
“Okay lang,” sagot ni Mingyu.
“Okay.”
Akala ni Wonwoo maglalakad na lang pabalik si Mingyu, pero bago pa man siya makagalaw, naramdaman niya ang banayad na pagdampi ng daliri ni Mingyu sa baba ng labi niya. Dahan-dahan nitong hinaplos ang lugar kung saan may natira pang chocolate at pinupunasan ang maliit na dumi.
“Ang dumi mo naman kasing kumain e,” sabi ni Mingyu pagkatapos nang ginawa niyang ‘yon.
Gustong sumigaw ni Wonwoo. Pakshet. Para bang nanatili ang buong mundo sa katahimikan at ang tanging naririnig niya ay ang tunog ng sarili niyang tibok ng puso. May pake pa rin sa kanya si Mingyu?
“Thank you,” sagot niya habang nakatingin sa binata.
Tumango si Mingyu. “Sige na. Ligo ka na. Maaga raw dinner ngayon para maaga makatulog.” At saka ito umalis sa harap niya.
Agad na kumilos si Wonwoo at saka nagdire-diretso sa banyo. Nang tuluyan na niya itong masara ay agad siyang sumandal sa pintuan at hinawakan ang dibdib niya na kanina pa malakas ang kalabog.
“Lecheng ‘yan. Ang daming kahihiyang nangyari today, Lord. Baka gusto niyong pagpahingahin ako?” na lang ang naitanong niya kay Lord.
Talaga namang susubukin siya ngayong SEA Games.
Good luck, Wonwoo Gabrielli Jeon.
