Chapter Text
May kakaiba sa katahimikan ng langit, ang banal na pook kung saan nananahan ang mga diyos. Walang huni ng mga hayop, o mga kaluskos na uswal sa mundo ng mga mortal. Payapa roon, may kahinahunan. Isang eteryal na tahanang ganap ang pangakong kapahingahan.
Sa kabila nito’y bagbag pa rin ang damdamin ni Cupid—Kyu, ang ngalang niyakap niya sa pagpapalit ng huling milenyo. Nakaupo siya sa silyang tila yari sa liwanag na walang pinagmulan, walang umpisa’t walang hanggan. Sa kanlungan niya’y ang talâ ng buhay ng treinta y uno anyos na henyo—demonyo—sa likod ng kilalang Soul Publishing.
Si Zyke Espiritu.
Nagsimula si Zyke bilang manunulat ng maiikling kwento online, nakapaglathala ng sariling mga libro sa iba’t ibang publikasyon habang inaaral ang industriya, nanghikayat sa kapwa-manunulat na magpasa ng kwento sa kanya, hanggang sa wakas ay magbukas ang maliit na kumpanyang noon ay pangarap niya lang.
Sa liit nito’y siya lang ang nag-iisang tao. Siya ang main editor, siya ang taga-check ng email, siya ang point of contact ng suppliers, printers, at iba pa. Ilang gabi rin ang ginugol niya sa pagbabasa at pag-aayos ng dumating sa kanyang manuscripts—na karamihan ay “reject” na sa ibang publishing houses ngunit gustong gusto ng may akda kaya ipinasa sa kanya para mabigyan ng pagkakataong maimprenta.
At makalipas lang ang dalawang buwan ay nakapag-release ang Soul Publishing ng unang batch nito ng mga libro.
Maliit pa lang ang puhunan ni Zyke noon. Sampung pamagat lang ang nailabas, may mga limitadong kopya, at mabibilang sa kamay ang bilang ng bookstore na nagbenta nito.
Bumenta naman. Mabilis na bumalik ang pera ni Zyke na in-invest niya lang ulit sa munti niyang negosyo. Ang unang sampung libro ay nagkaroon ng multiple reprints, at unti-unting na-distribute sa buong bansa.
Dumami ang may gustong magpasa ng manuscript sa Soul Publishing, nag-hire na rin ng isa pang editor si Zyke. Sa loob lang ng isang taon ay naging kilala ang brand niya sa industriya.
Ngunit kung gaano niya kabilis na narating ang rurok ay ganoon din kalala ang kanyang pagkadausdos. Dumami ang kumokonsumo ng mga kwento online. Libre. Interactive pa ang iba kaya lalong naging exciting ang pagbabasa. Naglipana ang mga self-published authors, mas tinangkilik ang mga aklat na malakas ang online hype, hanggang sa puntong na-adapt ang mga ito bilang tv series o movie.
Habang ang mga nobelang bagong lathala’t hindi pa nababasa’y di na binibigyan ng pansin at pagkakataon. Unti-unting nilangaw ang mga pisikal na libro. Maraming publishing company ang pinanood lang ang dahan-dahang pagbagsak ng sales at stocks nila. At gayundin ang dinanas ng Soul.
Hanggang sa pumasok sa inbox ni Zeke ang isang mensaheng may subject na:
ᴛʜᴇ ʀᴇᴛᴜʀɴ ᴏꜰ ꜱᴛᴇʟᴀ (ᴍᴀɴᴜꜱᴄʀɪᴘᴛ ꜱᴜʙᴍɪꜱꜱɪᴏɴ)
Natapos ni Zyke ang paunang edit sa 73-page manuscript sa loob ng humigit-kumulang tatlumpung minuto. Matagal-tagal na rin mula nang may manunulat na magpangiti kay Zyke nang nakakaloko. Kakaiba ang kwento. Tungkol sa dalagang matagal inapi, nawala, at bumalik para maghiganti. Mahusay ang pagkakasulat niyon, mapaglaro ang mga salita, maiging nakahabi ang dark themes sa likod ng comedic lines.
Palaban ang bidang si Stela, pero pa-victim kapag kaharap ang leading man niyang si Fabio, ang ex niyang kasama sa mahabang listahan ng mga taong gusto niyang paghigantihan. Romance iyon at sa huli’y nagkatuluyan sila.
At iyon ang bagay na hindi gaanong nagustuhan ni Zyke. Pinapalitan niya sa writer ang ending, bagay na tinutulan nito sa umpisa kaya’t ilang beses din silang nagsagutan sa email. Nagtapos ang sagutan sa isang kompromiso.
Hindi nagpang-abot sa airport sina Fabio at Stela. Huli na nang huminto ang taxing may lulan kay Fabio. Kalilipad lang ng eroplano ng dalaga.
Pero hindi totoong umalis si Stela. Hindi siya sumakay ng eroplano. At kitang kita niya mula sa malayo ang pagguho ng mundo ni Fabio sa pag-aakalang nagpakalayo-layo na siya.
Happy ending na ba? Meh.
Roller coaster ang huling pahina nang mailathala ang kwento. Sinadyang saktan at paasahin ang mambabasa. Dahil sa huli, pumihit si Stela at naglakad, hindi patungo kay Fabio kundi palayo, may suot na sunglasses na kasing itim ng maikli niyang bestida. Hatak-hatak niya ang pulang maleta pasakay sa parehong taxing sinakyan ni Fabio. Ngumiti si Stela pagkasara ng pinto, isang mapait na ngiting tila naging finish line ng nag-iisang patak ng luhang gumulong mula sa ilalim ng sunglasses niya.
Umani ng iba’t ibang reaksyon ang librong iyon. Ilang buwang naging usap-usapan online ang ending kaya sulit na sulit ang ginastos ni Zyke para sa promotion. Naglipana ang maraming fan theories at fan fictions. Kinalampag din ang Soul Publishing para magkaroon ng pangalawang libro, bagay na pinagbigyan ni Zyke, at sa wakas ay nagkabalikan ang dalawa’t nauwi sa kasal.
Happy ending na!
Masaya at kalmado na ang lahat.
Tahimik na.
Mas matagal pa ang pagluluksa ng mga tao sa original ending kaysa sa hype ng book 2.
Doon natutunan ni Zyke ang isang mahalagang leksyon—ang mga happy ending ay isang malaking tuldok. Isinasara nito ang kwento, ikinakandado sa sigurado. Satisfied ang readers, oo, pero mabilis silang mananawa at makakalimot.
Pero ang mga akdang may kirot ang dulo? Iyon ang mga istoryang nagtatagal sa puso. Tila isang bukas na sugat. Malalim ang pinaghuhugutan, at walang may tiyak ng katapusan. Tatakpan nila ang sugat gamit ang ibang kwento, ang ibang libro. Naroon ang posibilidad na masasaktan lang silang muli. Ngunit bibili ulit sila ng libro. Susugal nang paulit-ulit para sa tiyansang makatiyempo ng matinong pagtatapos.
Asar na napangisi si Kyu sa mga nabasang impormasyon. Well, tama si Zyke. Effective ang business model nito. Anupa’t bumaba agad si Kyu sa mundo ng mga mortal para maghanap ng bagong libro matapos iyakan ang ending ng Sa Iyong Tabi.
“Paano kita hahanapan ng jowa kung ganyan ka kawalang-puso? Kawawa yung magiging partner mo sa’yo. Sadista ka pala!” simangot na komento ni Kyu bago isara ang hawak na tala. Nagniningning pa rin sa liwanag ang mga gintong letrang bumubuo sa pangalang Zyke Espiritu.
Binitiwan na ni Kyu ang aklat, ngunit sa halip na bumagsak iyon sa mala-salaming sahig ay nanatili lang iyong nakalutang sa ere. Isang kumpas lang ni Kyu at kusang gumalaw ang aklat patungo sa Selestyal na Bulwagan, pabalik sa istante kasama ng ibang talambuhay.
Nag-unat ng mga braso si Kyu. Halos nangalahati rin siya sa binabasa. Noon di’y tumunog ang cellphone niya. Syempre, may cellphone siya! Isa iyong mahalagang kasangkapan sa pagtupad niya sa kanyang mga plano. At kung siya ang tatanungin, kakat’wa ang mga imbensyon ng mga mortal.
Yung additional copies ng Heat Syndrome napickup na ba sa printers?
Bumuntong-hininga si Kyu pagkabasa sa text. Sa dami ng ginugol niyang oras sa pagbabasa ukol sa buhay ni Zyke ay nalimot na niyang aralin ang publishing industry. Kung kailan naman naisingit na niya ang sarilii sa Soul!
Tumayo si Kyu, ang tila bola ng liwanag na kinauupuan niya’y dagling naglaho. Dumanak ang puting usok sa paligid niya’t nagliwanag nang husto, matingkad at parang sasabog. Nang unti-unting maglaho ang usok ay iba na ang suot ni Kyu, may hawak siyang paper cup ng kilalang brand ng kape sa kanang kamay, at attaché case sa kaliwa. Iba na rin ang paligid niya. Nasa tapat na siya ng pinto ng maliit na opisina ng Soul Publishing.
Binuksan niya ng pinto at tumungo sa pwesto niya.
“Good morning!” bati niya sa dalawang babaeng naroon—si Tin, ang head editor at office manager, at si Lei, ang production manager. Sales and marketing manager naman ang posisyon ni Kyu.
“Good morning!” sabay na sagot ng dalawa.
“Ay Kyutie, na-receive mo ba yung text ko? Hindi ka nagreply. Sa’kin hinahanap ng Araneta branch yung copies. Tapos yung pubmat ng restock ha? Post mo all socmed,” tuloy-tuloy na sabi ni Lei habang kaharap ang computer. “Ay, Tin. Alam mo ba if na-release na ni sir yung mga cheke? Para ma-email ko na ‘yung mga may pending.”
“Naka-print naman na yun. Yung pirma na lang ni boss ang kulang. Pero pupunta naman siya mamaya eh. I-remind ko na lang,” sagot ni Tin na nagpataas ng isang kilay ni Kyu. Sakto pala ang pagpasok niya.
Hindi nga nagtagal ay may dumating na matangkad na lalaki sa office, nakasuot ng loose black shirt, maong na tastas ang laylayan, at itim na sapatos na gasgas ang unahan. Tila masyado itong simple manamit para sa posisyon at laki ng kinikita.
May suot itong antipara—manipis at bilugan ang frame, katamtaman ang kapal ng lenteng nangingislap sa ilaw ng opisina.
“Tin, paki-follow up yung edits sa manuscript ni Ken ha. At yung revision sa book cover ng, uh, ano ngang title non—”
“Sir, yung book cover po kay Lei,” mabilis na sagot ni Tin. “Siya yung poc ng artists natin.”
“Ah, yeah, right,” ani Zyke bago pumihit paharap kay Lei. “Paki-follow up na lang. Forward mo agad sa’kin pag meron na so we can finalize.” Tapos ay pumihit itong muli. “And yung reprints ba okay na Ky—”
Parang huminto ang oras nang magtama ang mga mata ni Zyke at Kyu. Nanatiling bahagyang nakabukas ang mga labi ng CEO, kunot ang noong tila may pagtataka. Makailang-ulit namang kumurap lang si Kyu, patay-malisya sa tanong na pakiwari niya’y naglalaro sa utak ni Zyke.
Pero bakit? Paano?
“Kyu,” ika nito sa wakas. “Who the fuck are you?”
