Chapter Text
Pagpapatuloy…
Maagang-maaga pa lamang ay gising na ang buong hacienda. Ang banaag ng nag-aagaw na dilim at liwanag ay dahan-dahang gumagapang sa malawak na lupain, kasabay ng malamig na simoy ng hangin na nagdadala ng amoy ng basang lupang pumatak mula sa hamog.
Sa malayong bukirin, tila isang mahinang echo ang tawag ng mga katiwala habang inihahanda ang mga kalabaw para sa maghapon na pag-aararo. Sa loob naman ng kusina, nagpapatuloy na ang pamilyar na himig ng umaga: ang maindayog na paghalukay ni Aling Marta sa tsokolate na kumukulo sa malaking tansong kaldero, na nakikipagpalitan ng samyo sa bagong lutong pandesal at sa natutunaw na mantikang ipinapalaman sa mainit-init pang tinapay.
Tahimik na bumaba si Josephine mula sa ikalawang palapag. Ang bawat hakbang niya sa makinang na hagdang narra ay tila isang pag-iingat na huwag mabasag ang payapang atmospera ng bahay.
Nakasukbit pa rin sa kaniyang leeg ang kuwintas na ibinigay ni Soledad kagabi. Ang lamig ng metal at ang gaspang ng palawit nito sa kaniyang balat ay nagsisilbing angkla niya sa katotohanan. Hindi niya namalayang ilang ulit na pala niya itong nahahawakan mula nang magising siya. Minsan, dahan-dahan niyang pinapasadahan ng daliri ang mga kurba ng palawit upang tingnan ito. Minsan nama’y marahan niya itong pinipisil, para bang tinitiyak na hindi iyon isang panaginip lamang at naroon pa rin sa kaniyang leeg.
Napahinto siya sa gitna ng hagdan, napatitig sa sariling kamay na nakahawak pa rin sa kuwintas.
“Ano ba ‘to? Parang teenager…” mahina niyang bulong sa sarili, bago napailing at nagpatuloy sa pagbaba.
Pagpasok niya sa kusina, naabutan niya si Aling Marta na nagpupunas ng mga pinggan. Agad siya nitong napansin at ginawaran ng isang mainit na ngiti.
“Narito ka na pala, hija.”
“Opo.” Lumapit siya sa mesa at kusang kumuha ng isang tinapay upang takpan ang bahagyang pagkakailang.
Ngunit bago pa man umabot ang kaniyang daliri sa basket, isang pamilyar at maingat na kamay ang marahang naglapag ng isang plato at tasa sa kaniyang mismong harapan. May laman itong mainit na pandesal na may munting hiwa ng keso sa gitna, at isang tasang umuusok pa ang kasingki ng tsokolate.
Napatigil si Josephine. Unti-unti niyang itinaas ang kaniyang tingin mula sa plato, patungo sa bisig, hanggang sa makasalubong ang mga mata ng taong naglapag niyon.
Si Soledad.
Matapos nitong paghainan si Josephine, marahan itong naglakad patungo sa kabilang panig ng mesa. Simple lamang ang kaniyang kasuotan ngayong umaga, isang mapusyaw na saya na may banayad na kulay ng dahon at manipis na pañuelo na maayos na nakapatong sa kaniyang mga balikat. Wala ang karaniwang pormalidad o kaunting tila pader na madalas nitong dala kapag nasa harap ng mga bisita o sa mga pormal na pagtitipon.
Para lamang itong ordinaryong umaga. Ordinaryong kilos ng isang taong nakasanayan nang mag-alaga.
Ngunit hindi iyon ordinaryo para kay Josephine. Nagwala ang ritmo ng kaniyang dibdib dahil hindi kailanman siya hiningan ni Soledad ng pahintulot upang ihain iyon sa kaniya. Parang… alam na nitong iyon ang kukunin niya. Parang kabisado na nito ang kaniyang mga galaw.
“Salamat po” mahina niyang sabi, pilit na pinatitibay ang sariling boses.
Bahagyang tumango si Soledad bago marahang naupo sa katapat niyang upuan.
Tahimik silang kumain sa loob ng ilang sandali. Ang tanging maririnig ay ang paminsan-minsang pagdaiti ng pinggan at ang ingay ng kaldero ni Aling Marta sa kabilang dako.
Maya-maya’y marahang nagsalita si Soledad, hindi itinataas ang tingin mula sa kaniyang tasa.
“Nakagawian mo na bang hawakan nang paulit-ulit ang kuwintas na nasa leeg mo?” Napasinghap si Josephine. Tila napaso ang kaniyang mga daliri kaya mabilis niyang binitiwan ang palawit na hindi niya namalayang hawak-hawak na naman pala niya.
“H-Hindi!”
Bahagyang umangat ang isang kilay ni Soledad, ang mga mata ay may bahid ng pagsubok at pilya.
“Hindi?”
“Oo—este, hindi.” Mabilis na umiling si Josephine, nadadapa sa sariling mga salita. “Hindi ko po siya hinahawakan.”
Tahimik na pinagmasdan siya ng señorita. Ang titig nito ay malamay ngunit mabusisi, na tila binabasa ang bawat mumunting ekspresyon sa mukha ni Josephine. Pagkaraan ng ilang segundong pagpapahirap ay marahan nitong ibinaba ang tasa ng tsokolate sa platito.
“Sa loob ng limang minuto…” Bahagya itong ngumiti—isang manipis at halos hindi mapansin na ngiti sa gilid ng kaniyang labi. “…pitong ulit mo na siyang nahawakan.”
Natigilan si Josephine. Nanlaki ang kaniyang mga mata at napalingon siya kay Aling Marta na abala sa kabilang mesa. Hindi ito nakikialam sa usapan, ngunit kitang-kita ni Josephine ang bahagyang pag-uga ng mga balikat ng matanda habang pilit nitong pinipigilan ang sariling mapangiti.
Muling bumaling si Soledad sa kaniya, itinagilid nang kaunti ang ulo.
“Kung hindi mo nais isuot…” mahina nitong sabi, may bahagyang pagbaba ng tono na tila ba sinusubok ang lalim ng reaksyon ng dalaga, “…maaari mo naman iyong itago o ibalik sa akin.” Agad na umiling si Josephine.
“Hindi!”
Masyado iyong mabilis. Masyadong madiin.
Ang lakas ng kaniyang boses ay umalingawngaw sa kusina dahilan upang pareho silang matahimik nang ilang sandali. Unti-unting uminit ang kaniyang mga pisngi hanggang sa maramdaman niyang nag-aagaw ang pula at hiya sa kaniyang mukha.
“Ang ibig kong sabihin…” Napakamot siya sa kaniyang batok, ibinababa ang tingin sa hawak na pandesal. “…maganda kasi. Lubos kong nagustuhan.”
Hindi agad sumagot si Soledad. Gayunman, hindi nakaligtas kay Josephine ang bahagyang paglambot ng matatalim na mata nito at ang munting ngiting tuluyang sumilay sa gilid ng mga labi ng señorita.
"Maigi kung gayon," mahina nitong tugon, na tila ba sapat na ang sagot na iyon upang kumpletuhin ang kaniyang umaga.
.
.
.
Makalipas ang agahan ay nagtungo silang dalawa sa silid-aklatan para sa kanilang karaniwang aralin sa Kastila.
Unti-unti nang nasasanay si Josephine sa ganitong mga umaga. Hindi na lamang sa mga baluktot at lumang salita ng Kastila na pilit niyang isinasaulo, kundi maging sa payapang katahimikang lagi niyang kasama sa tuwing naroroon si Soledad.
Marahil mula nang mapadpad siya sa panahong ito, sa mundong wala siyang kakilala at puno ng kawalan ng kasiguraduhan—mayroon na siyang taong hinihintay makita sa pagsapit ng bawat umaga.
Tahimik na isinusulat ni Soledad ang ilang salita sa isang malinis na papel gamit ang pluma habang pinababasa si Josephine ng mga katumbas nitong kahulugan.
Minsan ay iniisip ni Josephine na kung naging guro si Soledad sa kaniyang sariling panahon sa kasalukuyan, tiyak na magiging paborito ito ng maraming estudyante. Dahil ngayon pa lang… nagiging paborito niya na ito.
Hindi ito mahigpit sa paraang nakatatakot. Marunong itong maghintay. Marunong itong makinig sa bawat nauutal niyang pagbigkas. At higit sa lahat, hindi ito kailanman nangmamaliit sa mga pagkakamali ng iba.
Napangiti siya sa kaniyang naisip habang nakatitig sa gilid ng mukha ng señorita.
"Mayroon ka bang nais sabihin?" tanong ni Soledad nang hindi itinataas ang mukha sa papel, ngunit halatang napansin ang titig ng dalaga.
Mabilis na umiling si Josephine, pilit na inaayos ang sarili. "Wala."
Saglit siyang natahimik. Tiningnan niya ang mga pahina ng leksyon, bago marahang isinara ang aklat na nasa kaniyang harapan.
"Pwede ba akong magtanong?" tanong ni Josephine.
Tumigil sa pagsusulat si Soledad. Ibinaba nito ang pluma sa patungan at dahan-dahang nilingon ang binibini.
"Tungkol saan?" Napatingin si Josephine sa makakapal na aklat na nakapaligid sa kanila.
"Kung maaari kang mamili..." mahina niyang simula, na tila ba nagtatapon ng isang lihim na kaisipan sa hangin "...ano ang nais mong maging?"
Hindi agad sumagot si Soledad. Sa halip ay bahagya nitong ibinaba ang tingin sa kaniyang mga kamay bago humarap at tumingin sa labas ng bintana. May mahabang katahimikang namagitan sa kanilang dalawa, ang tanging ingay ay ang kaluskos ng mga dahon sa labas. Parang pinipili ng señorita kung alin sa napakaraming kaisipang nakakulong sa kaniyang dibdib ang dapat niyang sabihin.
"Ang tanong mo..." mahina nitong sambit, ang boses ay tila may halong pait at pagtataka, "...ay hindi pa naitanong sa akin ng kahit sino."
Napakurap si Josephine. "Talaga?"
Bahagyang tumango si Soledad, hindi iniaalis ang tingin sa malayo.
"Kadalasan ay iba ang kanilang itinatanong."
"Ano po?"
"Kailan ako mag-aasawa." Tumingin ito nang bahagya sa kaniya. "Kung sino ang magiging asawa ko. Kung ilang anak ang nais kong magkaroon."
Bahagyang ngumiti ang señorita, ngunit ang ngiting iyon ay isang pormal at malamig na balatkayo, hindi man lamang iyon umabot sa kaniyang malalalim na mga mata.
"Walang nagtatanong kung ano ang nais kong gawin."
Unti-unting bumigat ang katahimikan sa pagitan nila. Hindi alam ni Josephine kung bakit, ngunit tila may kung anong kirot sa paraan ng pagkakasabi ni Soledad ng mga salitang iyon. Parang matagal na nitong tinanggap na ang kaniyang sariling mga pangarap ay mga bagay na hindi kailanman hihingiin o pahihintulutan ng lipunang kaniyang ginagalawan.
"At ano nga ba ang nais mo?" mahinang tanong ni Josephine, ang kaniyang boses ay puno ng pagnanais na tunay itong maunawaan.
Hindi na tumingin si Soledad sa bintana. Sa pagkakataong ito ay deretso na nitong sinalubong ang mga mata ni Josephine.
"Nais kong magtayo ng isang paaralan."
Napangiti si Josephine, naisip ang mga karaniwang institusyon sa panahong ito. "Para sa mga bata?"
Bahagyang umiling ang señorita. "Para sa mga babae."
Natigilan si Josephine.
"Marami sa kanila ang marunong lamang manahi, magburda, at tumugtog ng piyano," mahinahon ngunit may matatag na paninindigan ang tinig ni Soledad. "Wala namang masama roon. Ngunit naniniwala akong karapat-dapat din silang matutong magbasa. Matuto ng agham. Matuto ng pilosopiya. At matutong magtanong."
Huminto ito sandali, tila binubuo ang pinakamahalagang kaisipan sa kaniyang puso.
"Sapagkat kung ang kababaihan ay hindi bibigyan ng pagkakataong matuto... paano sila magiging malaya sa sariling pag-iisip?"
Hindi nakapagsalita si Josephine. Hindi dahil wala siyang maisagot, kundi dahil alam niyang ang mga salitang iyon—sa siglo labing-walo at labing-siyam ay napakalayo at napakatapang para sa panahong kanilang kinalalagyan. Isang pangarap na sa panahong ito ay maaaring ituring na subversive o mapanganib.
At marahil... isa rin itong dahilan kung bakit nahumaling si Soledad sa mga aklat na nakatago sa kadiliman, mga babasahing hindi nais makita ng maraming prayle.
Bahagyang natawa ang señorita, tila nais basagin ang bigat ng kaniyang sariling mga salita. "Marahil ay masyado akong mapangarapin."
Mabilis na umiling si Josephine. "Hindi."
Mahina ngunit matatag ang kaniyang tinig, diretso sa mga mata ng señorita. "Sa panahon ko..."
Bigla siyang natigilan. Tumigil ang mundo niya nang marealize ang kaniyang sinabi. “Muntik na.”
Agad niyang itinama ang sarili bago pa man makapagtaka si Soledad. "Ang ibig kong sabihin... kung magkakaroon man ng paaralang ganiyan... sigurado akong maraming batang babae ang magpapasalamat sa iyo."
Hindi alam ni Soledad kung bakit, ngunit sa unang pagkakataon ay tila may nakitang pag-asang hindi niya maipaliwanag sa mga mata ni Josephine—isang uri ng paniniwalang hindi pa kailanman ibinigay sa kaniya ng kahit sino.
Matagal itong nanatiling tahimik, nakatitig lamang sa mukha ng dalaga. Pagkaraan ay marahan itong tumayo, inayos ang kaniyang saya.
"May nais akong ipakita sa iyo."
Napakunot-noo si Josephine. "Ano po iyon?"
Bahagyang ngumiti ang señorita, may pahiwatig ng isang lihim. "Halika."
Tahimik niyang sinundan si Soledad palabas ng silid-aklatan. Naglakad sila sa mahabang pasilyo. Hindi sila lumiko patungo sa hardin, at hindi rin patungo sa pormal na tanggapan. Kundi patungo sila sa mismong silid ng señorita.
.
.
Sa kabilang dulo ng pasilyo, habang papalapit sila sa nakasarang pintuang yari sa mahogany, hindi pa alam ni Josephine na ang silid na iyon ay nagtatago ng isang bagay na minsan na niyang hinawakan at pinag-aralan sa kaniyang sariling panahon sa hinaharap.
---
Sa loob ng silid ng Señorita.
Marahang isinara ni Soledad ang pinto. Hindi ito nakaawang, ngunit hindi rin nakapinid nang mahigpit na para bang may itinatagong krimen. Sapat lamang upang hindi marinig ng mga katulong na naglalakad sa pasilyo ang kanilang magiging pag-uusap.
Tahimik namang nakatingin si Josephine sa paligid, inilibot ang kaniyang mga mata.
Mas simple ang silid kaysa sa inaasahan niya para sa isang unica hija ng pinakamayamang pamilya sa bayan. May malaking kamang yari sa inukit na kahoy na may puting kulambo. Isang matibay na aparador na yari sa narra. At isang maliit na mesa sa tabi ng malaking bintana na may nakapatong na ilang nakatiklop na liham, isang plorera ng sariwang sampaguita na nagpapakalat ng banayad na amoy sa buong silid, at ilang aklat na halatang paulit-ulit nang nababasa dahil sa gasgas sa gilid ng mga pabalat.
Marahang lumapit si Soledad sa mesa at isa-isang inayos ang mga aklat na nakapatong doon. Marahang inilabas ni Soledad ang isang bagay mula sa ilalim ng mesa—isang aklat na maingat na binalot sa manipis na telang seda.
"May nais akong ipakita sa iyo." Tinanggal nito ang tela nang may labis na pag-iingat.
Nanlaki ang mga mata ni Josephine. Napasinghap siya.
Hindi siya maaaring magkamali. Nakilala niya agad ang pamilyar na berdeng pabalat, ang gintong mga titik na nakatatak sa harap, at kahit mula sa kaniyang kinalalagyan ay tila amoy na amoy niya ang amoy ng natatanging lumang papel.
“Noli Me Tangere.” Sa isip niya.
Hindi niya namalayang napahakbang siya palapit, halos hindi makapaniwala na nakikita niya ang unang edisyon nito sa ganitong paraan.
"Bagong limbag lamang ito," magaan ang ngiti ni Soledad, bagaman may bahid ng pag-iingat sa kaniyang boses. "Ipinadala ito ng isang kaibigan ni Papa mula sa Europa."
Marahan nitong hinaplos ang pabalat ng libro na tila ba isang mamahaling hiyas. "Marami ang nagsasabing mapanganib ang aklat na ito. Na ito ay naglalaman ng mga lason laban sa Simbahan at pamahalaan." Bahagya siyang napangiti, may liwanag sa kaniyang mga mata. "Ngunit kapag mas maraming taong natatakot sa isang aklat... lalo kong nais itong basahin."
Hindi napigilan ni Josephine ang mapangiti, napailing nang bahagya. "Classic Soledad."
Maya-maya'y marahang isinara ni Soledad ang aklat. Lumingon siya sa binibini, ang kaniyang mga mata ay may pait at pag-aalinlangan. Parang may gusto itong itanong na matagal na nitong pinag-iisipan, ngunit nagdadalawang-isip kung nararapat.
Napansin agad iyon ni Josephine.
"Bakit po?" mahina niyang tanong, inililipat ang buong pansin sa señorita. "Parang may gusto kang sabihin."
Saglit na umiwas tumingin si Soledad, "Josephine..." tahimik ang boses nito, halos kapantay lamang ng bulong. "May naghihintay ba sa iyo?"
Natigilan ang binibini. Hindi niya agad naunawaan ang lalim ng tanong. "Sa... akin?"
Tumango si Soledad, ang mga mata ay nakatitig sa kaniya nang may pagsusuri. "Sa lugar kung saan ka nagmula."
Hindi agad nakasagot si Josephine. Sa isang sandali, mabilis na lumabas sa kaniyang isip ang kaniyang lumang buhay: ang maliit at maingay niyang apartment sa Laguna, ang mga kaibigan niyang paminsan-minsan lamang niyang nakakasama dahil sa busy na buhay, ang trabaho niyang nakapapagod, ang maingay na trapiko sa EDSA, at ang mundo niyang tila hindi tumitigil sa pagtakbo.
Ngunit nang isa-isahin niya ang mga alaalang iyon sa kaniyang utak... may kakaiba siyang napansin. Wala ni isa roon ang may mukha na malinaw niyang gustong balikan. Walang taong nag-iiwan sa kaniya ng dahilan upang sabik na bumalik sa siglo dalawampu't isa.
Marahan siyang umiling. "Wala," mahina ang kaniyang tinig, may bahagyang lungkot na hindi niya maitago. "Walang... taong naghihintay."
Saglit siyang natawa—isang mahinang tawang puno ng pangungulila at pagtanggap. "May pamilya ako. May mga kaibigan. Pero..." napabuntong-hininga siya, "...hindi yata ako iniiyakan ng mga iyon kapag nawala ako."
Marahang tumingin si Soledad sa kaniya, may panibagong emosyon sa kaniyang mga mata. “Bukod sa iyong pamilya at kaibigan... may tao na bang nagmamay-ari ng iyong puso?” diretsang tanong ng dalaga.
“Ah... hahahaha! Akala ko naman kung ano!” natatawang sagot ni Josephine, pilit na binabasag ang seryosong atmospera.
“Ganon pala tanungin dito kung single ka ba” sa isip-isip ng binibini habang napapailing.
“Marahil ay mayron pagkat wagas ka kung makatawa. Gusto mo na ba mag-asawa?” Tila may pagbabago sa timpla ng boses ng señorita—naging mas malamig at bahagyang pormal.
“Bakit, tila interesado ka?” pang-aasar ni Josephine, itinataas ang kaniyang mga kilay.
“Masama bang magtanong?” masungit na tugon ng Señorita, sabay iwas ng tingin.
Nawala ang tawa ni Josephine at naging seryoso muli. “Walang nag-aantay sa akin. Marahil ay 'di ako kaantay-antay.”
“Kung ako ang tatanungin, mas nanaisin kong mag-antay kaysa ako ang hinihintay. Ngunit maiging malaman na hindi ka pala gustuhin,” may konting pang-aasar na sagot ni Soledad, bagaman halatang pilit lamang ang kaniyang pagiging pormal.
"Masakit ka magsalita, Señorita," napangiti si Josephine, alam naman niyang biro at pambabakod lamang iyon ng Señorita sa sarili nitong damdamin. "'Kung ika’y sinaktan, gantihan mo ng pagmamahal'—’yun ang sabi ng aking lola."
"Wehhh? Sinabi niya talaga 'yun?" pang-uusisa ni Josephine habang muling tumatawa sa sariling hirit.
Binigyan lamang siya ng matalim na tingin ni Soledad na parang nagbabanta, ngunit may bahid ng lambot sa mga mata.
"Ikaw?" tanong naman ni Josephine, inililipat ang usapan. "May naghihintay ba sa iyo?" Hindi agad sumagot ang señorita. Tumingin ito sa kaniyang mga daliri.
"Sapagkat ako ang unica hija ng aming pamilya..." mahina nitong sambit, "...marami ang naghihintay.
Sandali itong tumigil, ang boses ay naging mas mabigat. "Ngunit hindi lahat ng naghihintay..." bahagya nitong ibinaba ang tingin, "...ay siyang nais kong pagbigyan."
Hindi na nagtanong pa si Josephine. Hindi niya alam kung bakit, ngunit pakiramdam niya ay hindi lamang tungkol sa obligasyon sa pamilya ang tinutukoy ni Soledad. May iba. May taong hindi pa nito pinapangalanan.
At bago pa man niya iyon mapag-isipang mabuti...
*Tok. Tok. Tok.*
Isang marahang katok ang umalingawngaw sa pintuan, mabilis na pumatid sa pahiwatig ng kanilang usapan.
Tahimik na lumingon si Soledad. "Maaari po ba akong pumasok, Señorita?" Boses iyon ni Ines, ang katulong.
At sa sumunod nitong sinabi... unti-unting naglaho ang payapang katahimikan ng silid.
"Narito na po si Señorito Emilio de Almeda mula sa Maynila. At hinihiling po niyang kayo ang unang sumalubong sa kaniya."
Nagkaroon ng kakaibang katahimikan sa silid. Napatingin si Josephine kay Soledad. Hindi niya kilala ang pangalang iyon, ngunit may napansin siyang kakaiba sa reaksyon ng señorita: hindi ito nagulat, at hindi rin ito nagtanong kung sino ang dumating.
Para bang... matagal na nitong inaasahan ang pagdating na ito.
Marahan lamang na tumango si Soledad. "Sabihin mong ihahanda ko lamang ang aking sarili."
"Opo." Tahimik na isinara ni Ines ang pinto.
Naiwan muli silang dalawa, ngunit ang kaninang magaan na hangin ay pinalitan ng isang hindi maipaliwanag na tensyon.
Bahagyang napakunot-noo si Josephine. "Sino si Señorito Emilio?"
Tahimik na inilapag ni Soledad ang librong hawak sa mesa bago tumingin sa bintana. "Anak siya ni Don Ignacio de Almeda."
"Wala akong kilala."
Bahagyang napangiti si Soledad sa kapayakan ng sagot ng dalaga. "Hindi nga." Sandali itong tumahimik. "Isa ang kaniyang pamilya sa pinakamayayamang may-ari ng lupain sa Maynila."
Napasingit si Josephine. "Kanegosyo?"
"Sa ilang pagkakataon." Saka... bahagyang nag-atubili ang señorita, "...matagal nang magkakilala ang aming mga pamilya."
Tumango si Josephine. Hindi niya alam kung bakit, ngunit tila may kung anong mabigat na dumiin sa kaniyang dibdib. Marahil ay dahil ngayon lamang niya tunay na naisip, hindi lamang si Soledad isang mabait na dalagang nakilala niya sa lumang panahong ito. Isa itong señorita. May mataas na pangalan. May mayaman na angkan. May lipunang ginagalawan. May mga taong kabilang sa mundong iyon na kapantay nito.
At siya... isang dalagang walang tunay na pagkakakilanlan, isang estranghero mula sa hinaharap.
Tahimik siyang napabuntong-hininga, pilit na pinatatakbo ang boses sa magaan na tono. "May mahalaga ba kayong pag-uusapan?"
"Marahil," payak ang naging sagot ni Soledad. "Kapag dumarating siya rito, kadalasa'y may dala siyang mga aklat mula sa Maynila."
Napatingin agad si Josephine. "Mga libro?"
Bahagyang tumango ang señorita. "May mga pagkakataong nagpapadala rin siya ng mga babasahin mula sa Europa."
Napangiti si Josephine—isang ngiting hindi umaabot sa kaniyang mga mata. "Uy, ang bait naman pala."
Hindi sumagot si Soledad. Sa halip ay marahan lamang nitong isinara ang takip ng maliit na baul na pinaglalagyan ng kaniyang mga aklat. Pagkatapos ay tumayo ito. Maingat nitong inayos ang laylayan ng kaniyang saya, bahagyang hinaplos ang manggas, at inayos ang pañuelo sa harap ng salamin.
Simple lamang ang mga kilos na iyon, ngunit hindi nakaligtas kay Josephine na tila mas naging maingat ang señorita sa kaniyang anyo kaysa karaniwan. At sa hindi niya maipaliwanag na dahilan... parang may kung anong kumirot sa kaniyang dibdib.
Hindi niya gusto ang pakiramdam na iyon. Hindi rin niya alam kung bakit siya nasasaktan. Marahil... normal lamang iyon. May bisita ang pamilya, natural lamang na kailangan itong salubungin ni Soledad. Hindi naman maaaring siya ang kasama nito buong araw.
Tahimik siyang ngumiti, isang pilit na ngiti upang itago ang kaniyang kawalan ng kapanatagan.
"Sige," sabi ni Josephine. "Ako na lang ang aalis."
Napatingin si Soledad, natigilan sa kaniyang pag-aayos. "Bakit?"
Napakibit-balikat si Josephine, pilit na nagpapakaswal. "Baka istorbo lang ako."
"Hindi." Mabilis ang naging tugon ng señorita, halos kasabay ng huling salita ni Josephine.
Pareho silang natigilan sa bilis ng sagot na iyon. Bahagyang kumurap si Soledad, tila maging siya ay nagulat sa sariling reaksyon. Marahan nitong ibinaba ang tingin at pinagdaop ang mga kamay.
"Ang ibig kong sabihin..." mahina nitong pahiwatig, "...hindi ka kailanman naging sagabal."
Naramdaman ni Josephine ang bahagyang pag-init ng kaniyang mga pisngi. Ngunit umiling pa rin siya at ngumiti.
"Hindi bale. Titingin na lang ako sa hardin. O baka tumulong kina Aling Marta. Huwag mo na akong intindihin."
Hindi na siya naghintay ng sagot ni Soledad. Marahan siyang lumabas ng silid at tahimik na isinara ang pinto bago pa man ito makapagsalita ang huli.
---
Pakiramdam ni Soledad ay biglang naging napakatahimik at napakalawak ng kaniyang silid. Hindi niya maipaliwanag kung bakit, ngunit kusa siyang napalingon sa pintuang kalalabas lamang ni Josephine.
Lumipas ang ilang sandali bago tuluyang bumaba si Soledad mula sa ikalawang palapag.
Tahimik ang buong bahay, ngunit dama pa rin ang bahagyang pagbabago sa himpapawid na karaniwang dala ng pagdating ng isang importanteng panauhing nagmumula sa Maynila. Ang mga katiwala ay mas maingat sa kanilang pagkilos, at maging si Aling Marta ay dalawang ulit nang sumilip sa pintuan ng kusina upang tiyaking maayos ang lahat ng ihahain.
Marahang inayos ni Soledad ang laylayan ng kaniyang saya habang tinatahak ang malapad na hagdan. Hindi niya namalayang kusa siyang napalingon sa bintanang nakaharap sa hardin.
Wala roon si Josephine.
Nagpatuloy siya sa pagbaba. Pagdating sa unang palapag ay muli siyang napalingon sa bukas na pinto ng silid-aklatan. Tahimik. Wala rin doon ang dalaga.
Bahagya siyang napahinto sa gitna ng bulwagan. "Saan kaya siya nagpunta?" mahina lamang niyang naitanong sa sarili bago agad na napailing.
Hindi na niya dapat iniisip iyon. May bisita silang hinihintay. Nasa hacienda lamang si Josephine at walang dahilan upang alalahanin pa niya kung nasaan ito. Gayunpaman... pagpasok niya sa malaking bulwagan ay kusa pa rin siyang napalingon sa bawat sulok ng bahay. Parang may hinahanap ang kaniyang mga mata na hindi niya maamin sa sarili.
Hindi niya iyon namalayan, ngunit napansin iyon ng kaniyang ama. Si Don Rafael ay tahimik na nakaupo sa paborito nitong silid-paupahan habang isinasara ang librong kaniyang binabasa.
"Mayroon ka bang hinahanap, anak?" tanong ng matanda.
Bahagyang natigilan si Soledad. "Wala po." Isang payak na sagot.
Ngunit bahagyang ngumiti ang kaniyang ama, may malalim na pagkaunawa sa kaniyang mga mata. Bago pa man lumalim ang usapan ay narinig na nila ang mahinang paglangitngit ng malaking pintuan sa harapan, kasunod ang magalang na tinig ng punong katiwala.
"Dumating na po si Señorito Emilio."
Sabay-sabay na napalingon ang lahat. Mula sa bukas na pintuan ay pumasok ang isang binatang marahil ay nasa dalawampu't lima o dalawampu't anim na taong gulang.
Matangkad ito at maayos ang tindig. Nakasuot siya ng isang maitim at mamahaling amerikana na halatang ipinatahi sa pinakamagaling na tailor sa Maynila, na may malinis na puting camisa sa loob at kurbatang maayos ang pagkakatali. Sa kaniyang kaliwang kamay ay may hawak siyang baston na may ukit na pilak na higit na nagsisilbing palamuti kaysa sandigan, habang sa kanan naman ay may hawak na isang maliit na kahong yari sa pinakintab na kahoy.
May tiwala sa sarili ang bawat hakbang nito, ngunit hindi iyon mayabang. Sa halip ay bunga iyon ng isang taong lumaki sa lipunang sanay sa mga pormal na pagtitipon, edukasyon sa Europa, at pakikisalamuha sa mga makapangyarihang pamilya.
Paglapit ng binata ay magalang siyang yumuko kay Don Rafael. "Magandang hapon po, Don Rafael."
"Maligayang pagdating, Emilio." Tumayo ang matanda upang salubungin siya nang may mainit na yakap. "Napakatagal mula nang huli kitang makita."
"Abala lamang po sa Maynila," ngumiti ang binata. "Marami pong pagbabago roon."
Pagkatapos ay marahan siyang lumingon kay Soledad. "Señorita Soledad." Bahagya siyang yumuko nang may tanging paggalang. "Lubos kong ikinagagalak na muli kayong makita."
Magalang ding yumuko si Soledad bilang tugon, pinanatili ang tamang distansya. "Magandang hapon din po, Señorito Emilio."
---
Sa di kalayuan... mula sa bukas na bintana ng silid-kainan ay natanaw iyon ni Josephine.
Hindi naman niya sinasadyang manood. Nagkataon lamang na doon siya napadaan matapos tulungan si Aling Marta sa pag-aayos ng mga baso. Ngunit nang makita niya ang binatang kaedad ni Soledad, ang maayos nitong tindig, ang mamahaling damit, at ang magalang nitong kilos—hindi niya maiwasang huminto.
Tahimik lamang niyang pinagmasdan ang eksena mula sa lilim. Ang magalang na pagyuko ni Emilio. Ang magaan at pormal nilang pag-uusap. Ang paraan ng pagtawag nito sa pangalan ni Soledad na tila matagal na silang may malalim na ugnayan.
Bigla niyang naalala ang sinabi ng señorita kanina: "Matagal nang magkakilala ang aming mga pamilya."
Unti-unti siyang napaatras mula sa bintana. Hindi niya alam kung bakit, ngunit pakiramdam niya'y biglang lumitaw ang isang malaking pader sa pagitan nila ni Soledad—isang espasyong hindi para sa kaniya. Isang mundong puno ng tradisyon at antas na hindi kailanman magiging bahagi ang isang tulad niyang walang nakaraan sa panahong ito.
Tahimik siyang ngumiti sa sarili, isang ngiting hindi umabot sa kaniyang mga mata. Pagkatapos ay marahan siyang tumalikod at naglakad palayo.
Hindi niya napansin na sa mismong sandaling tumalikod siya, napatingin si Soledad sa bintana ng silid-kainan... at nakita lamang nito ang likod ni Josephine habang mabilis na lumalayo.
Hindi na narinig ni Soledad ang sumunod na sinabi ni Emilio tungkol sa kaniyang biyahe. Sapagkat sa buong hapon, ang kaniyang isip ay wala sa panauhin mula sa Maynila, kundi sa isang dalagang tahimik na lumayo nang hindi man lamang nagpapaalam.
---
Tahimik na isinara ni Josephine ang bintana ng maliit na silid sa likod. Hindi niya alam kung bakit tila biglang naging masikip at nakalulunod ang pakiramdam sa loob ng malaking bahay.
Humugot siya ng malalim na hininga bago marahang ngumiti sa sarili upang gumaan ang dibdib.
"Busy lang siya," mahina niyang bulong sa walang taong silid. "Hindi naman puwedeng sa akin lang umiikot ang araw niya.
Tinapik niya ang sarili niyang magkabilang pisngi nang dalawang ulit. "Josephine. Ang arte mo. Ano'ng akala mo, ikaw lang ang tao rito?"
Bahagya pa siyang natawa sa sariling iniisip, ngunit ang tawa niya ay mabilis na napawi.
Pagkatapos ay tahimik siyang naglakad patungo sa pinakalikurang bahagi ng hacienda. Mas payapa roon. Naroon ang maliit na harding pinagtataniman ni Aling Marta ng iba't ibang gulay at halamang gamot. Sa di kalayuan ay maririnig ang tawanan ng ilang batang anak ng mga katiwala habang naghahabulan sa ilalim ng malalaking puno ng mangga.
Naupo siya sa isang lumang bangkong kahoy sa ilalim ng lilim. Mula roon ay hindi na tanaw ang malaking bahay, at hindi na rin naririnig ang pormal na kwentuhan sa sala.
---
Samantala... sa malaking sala ng bahay ng mga Sevilla ay magaan ang naging usapan nina Don Rafael at Señorito Emilio. Nagmula ang kanilang paksa sa ani ng tubo at presyo nito sa merkado, lumipat sa kalakalan sa Maynila, hanggang sa mga bagong balitang dala ng mga barkong nanggagaling sa Europa.
Tahimik lamang na nakikinig si Soledad. Paminsan-minsan ay sumasagot siya kapag tinatanong. Paminsan-minsan ay nagtatanong din siya para sa pormalidad. Ngunit kung pagmamasdang mabuti ng sinumang nakakakilala sa kaniya, tila wala roon ang kaniyang buong pansin.
Dalawang ulit na siyang napalingon sa hagdanan. Tatlong ulit sa bukas na pintuan patungo sa kusina. Minsan naman ay sa bintanang nakaharap sa hardin.
Hindi niya iyon namamalayan, subalit napansin iyon ni Don Rafael. At maging ni Emilio ay napapansin ang paminsan-minsang paglutang ng isip ng señorita.
"May inaasahan pa ba tayo, Señorita?" magalang na tanong ng binata, inilalapag ang kaniyang tasa.
Bahagyang napakurap si Soledad, tila nagising sa isang panaginip. "Wala," payak niyang tugon.
Ngunit ilang sandali lamang, matapos magsalita si Emilio tungkol sa kaniyang mga dala, muli na naman siyang napalingon sa daan patungong likod ng bahay.
Tahimik na napangiti si Don Rafael sa kaniyang tasa ng tsokolate. Hindi ito nagsalita, ngunit tila may unti-unti na itong nauunawaan sa ikinikilos ng kaniyang anak.
Makalipas ang ilang minuto ay marahang yumuko si Soledad sa dalawa. "Kung mamarapatin ninyo... sandali lamang po akong magpapaalam."
Tumango si Don Rafael. "Walang anuman, anak."
Tumayo ang señorita. Hindi niya rin alam kung saan siya pupunta. May dahilan ba? Marahil... may nais lamang siyang kuning aklat sa itaas. O baka nais niyang tingnan kung maayos ang silid-aklatan. Iyon ang pilit niyang sinasabi sa kaniyang sarili.
Tahimik niyang tinahak ang mahabang pasilyo. Una niyang sinilip ang silid-aklatan. Wala si Josephine. Napahinto siya. Marahan siyang lumingon sa panlabas na hardin. Wala rin. Nagpatuloy siya patungo sa kusina.
Naroon si Aling Marta na nag-aayos ng mga gagamitin sa hapunan.
"Ina Marta..." tawag ni Soledad. "Narito po ba si Josephine?"
Napangiti ang matanda, may ibig sabihin ang tingin. "Hindi ko po alam, señorita. Kanina lamang ay narito siya."
Tumango si Soledad. Pagkatapos ay nagtungo naman siya sa maliit na patio sa gilid. Tahimik. Wala rin doon ang dalaga.
Bahagya siyang napabuntong-hininga, napahawak sa kaniyang pañuelo. "Saan kaya siya..."
Hindi niya naituloy ang tanong. Bigla siyang natigilan sa gitna ng bakuran at napakunot-noo.
Bakit nga ba niya hinahanap si Josephine? May kailangan ba siya rito? May ipag-uutos ba siya? May nais bang ipakita? Wala. Wala siyang maisip na importanteng dahilan.
At gayunman... hindi niya magawang bumalik sa sala at makipagkwentuhan kay Emilio. Pakiramdam niya ay may kulang sa kaniyang hapon. Na para bang may isang pamilyar na tinig na nakasanayan na niyang marinig sa loob ng bahay ang biglang nawala at nag-iwan ng katahimikan.
Tahimik siyang napailing sa sarili. "Hindi maaari..." mahina niyang bulong. "Hindi ko dapat hinahanap ang isang taong ilang sandali pa lamang nawala sa aking paningin."
Sa kabilang dako... mula sa likuran ng lumang puno ng santol sa may gulayan, ay bahagyang sumilip si Josephine.
Nakita niyang naglalakad si Soledad sa bakuran, tila may hinahanap. Sandali itong tumigil, tumingin sa paligid, pagkatapos ay nagtungo sa kusina.
Napangiti si Josephine—isang malungkot na ngiti. "Siguro may hinahanap siyang libro para ipakita kay Emilio," mahina niyang sabi sa sarili.
Bago pa man siya makita ng señorita, mabilis siyang muling nagtago sa likod ng malaking puno. "Hindi ko siya dapat istorbohin."
Hindi niya alam... na ang mismong taong iniiwasan niyang gambalain at abalahin... ay siya mismo ang hinahanap.
---
Pagsapit ng gabi ay isa-isang nagsidating sa malaking hapag-kainan ang iba't ibang putaheng inihanda ng kusina.
Umaalingasaw sa buong silid ang nakagugutom na samyo ng bagong lutong kanin na umuusok pa, inihaw na isdang pinalamanan ng kamatis at sibuyas, ginataang gulay, at ang pinakanatatanging amoy sa lahat—ang isang malaking mangkok ng mainit na sinigang na may sariwang kangkong, labanos, at malambot na karneng baboy.
Tahimik na pinagmasdan iyon ni Josephine habang nakatayo sa may lilim ng pintuan ng kusina. Pinagmamasdan niya ang maingat na pag-aayos ng mga baso at pilak na kubyertos sa mahabang mesang kahoy.
“Halika na, Binibini.” Napalingon siya kay Ines na nakangiti sa kaniyang tabi.
“Pinatatawag ka ni Señorita.”
“Ako?” napaturo si Josephine sa sariling dibdib, nagtataka.
Tumango ang batang katulong. “Sinabi niyang sumabay ka sa hapunan ngayong gabi.”
Bahagyang nag-alinlangan si Josephine, ibinababa ang tingin sa sariling pambabahay na damit. “Hindi na siguro. May mahalaga kayong bisita.”
Umiling si Ines. “Iyan mismo ang bilin ni Señorita Soledad. Nais ka raw niyang ipakilala kay Señorito Emilio.”
Lalong nailang si Josephine, bahagyang kumunot ang noo. “Bakit pa?”
Bahagyang natawa si Ines sa kaniyang reaksyon. “Ewan ko rin po.” Pagkuwan ay bahagya itong yumuko at inilapit ang mukha kay Josephine na tila may ibinubulong na isang napakahalagang lihim. “...Sabi pa niya, ikaw raw ang dahilan kung bakit siya nagluto ng sinigang ngayong gabi dahil nais niyang matikman mo ito.”
Nanlaki ang mga mata ni Josephine. “Si... Señorita Soledad ang nagluto?”
“Opo,” nakangiting pabulong ni Ines. “Kanina pa siya nasa kusina matapos niyang iwan si Señorito Emilio sa sala. Paulit-ulit pa niyang tinikman ang sabaw kung sapat na raw ba ang asim para sa iyo.”
Hindi napigilan ni Josephine ang bahagyang pagngiti. Nagwala ang pamilyar na kaba sa kaniyang dibdib. Para sa kaniya? Nag-abala ang señorita na magluto para lamang sa kaniya?
Hindi niya alam kung bakit, ngunit sa isang iglap ay biglang gumaan ang kaniyang pakiramdam. Ang anumang kurot ng pag-aalinlangan na naramdaman niya kaninang hapon ay tila natunaw sa init ng sabaw ng sinigang.
“Wala na po kayong dahilan para tumanggi,” ngumiti si Ines at bahagya siyang itinulak nang banayad patungo sa bulwagan. “Naghihintay na siya–este sila sa hapag.”
Ilang sandali pa'y nakaupo na silang lahat sa paligid ng malaking mesa na naiilawan ng matatayog na kandila. Naroon si Don Rafael sa kabisera. Naroon si Señorito Emilio sa kabilang gilid. Naroon si Soledad... at ngayon ay naroon na rin si Josephine, pilit na pinagkakasya ang sarili sa pormal na atmospera ng hapunan.
“Josephine.”
Mahinang tawag ni Soledad. Napatingin agad ang dalaga sa kaniya.
“Itong katabi ko.” Marahan nitong itinuro ang bakanteng upuan sa kaniyang mismong kanan.
Nag-alangan man dahil sa pormalidad ng paligid, marahang lumapit si Josephine at naupo sa katapat na gilid ni Emilio. Napansin niyang bahagyang napangiti ang binata nang makita siya, ang mga mata ay may bakas ng pagkilala.
“Kaya pala,” maikling natawa si Emilio, itinutuwid ang kaniyang tindig. “Ikaw pala ang binabanggit ni Señorita Soledad kanina pa.”
Bahagyang natigilan si Josephine, tila napatigil ang kaniyang paghinga. “Ako po?”
Tumango si Emilio, magalang ang boses. “Marami na akong narinig ngayong araw tungkol sayo at sa iyong kakaibang talino.”
Tahimik lamang na yumuko si Josephine upang itago ang bahagyang pamumula ng kaniyang mukha. Samantala, marahang hinawakan ni Soledad ang malaking sandok, nagsalok ng mainit na sinigang, at maingat iyong inilagay sa mangkok sa tapat ni Josephine.
“Tikman mo,” mahina ngunit malambot nitong sabi.
Lalong uminit ang magkabilang pisngi ni Josephine. Hindi niya alam kung saan titingin—sa mangkok ng sinigang, kay Soledad, o kay Don Rafael na tahimik lamang na nagmamasid.
Nang halos matapos na ang hapunan at nagliligpit na ang mga katulong, marahang nagsalita si Soledad.
“Señorito Emilio.”
Napatingin ang binata, itinataas ang kaniyang tasa. “Ano iyon, Señorita?”
“Gabi na rin naman,” mahinahon ang boses ni Soledad. “Kung mamarapatin ninyo... maaaring dito na kayo magpalipas ng gabi sapagkat delikado na ang maglakbay sa kadiliman.”
Bahagyang nagulat si Emilio ngunit kitang-kita ang galak sa mukha nito. “Hindi na po sana ako makaaabala sa inyo...”
Ngunit sumingit si Don Rafael, napahawak sa kaniyang baba habang nag-iisip. "Ibig ko man, Emilio... ngunit wala nang bakanteng silid sa pangunahing bahay. Lahat ng maaaring tuluyan ng bisita ay ginagawaan pa ng pagkukumpuni."
Saglit na tumingin ang matanda sa dulo ng mesa. “Ang Casa Huespedes ay ginagamit ngayon ni Josephine.”
Tahimik na napahinto si Josephine sa pagsubo. Ang kutsara ay nanatiling nakabitin sa hangin. Ngunit bago pa man siya makapagsalita o makapagprisinta ng kaniyang maiutulong, mabilis at mahinang nagsalita si Soledad.
“Walang magiging suliranin.” Napatingin ang lahat kay Soledad.
“Lilipat na lamang si Josephine.”
Napatitig si Josephine sa señorita, ang kaniyang dibdib ay tila binagsakan ng mabigat na bato. “...Lilipat?”
Hindi na nagdagdag pa ng paliwanag si Soledad. Tahimik lamang nitong ipinagpatuloy ang pag-inom sa kaniyang tasa. Ngunit para kay Josephine... parang biglang nawalan ng lasa ang lahat ng pagkain na nasa kaniyang plato. Napaurong ang pagkanta niya sa kanyang isipan ng ....
"Asim kilig~~~" Ang natitirang sabaw ng sinigang na paborito niya ay naging matabang at malamig na sa kaniyang panlasa.
Ganito ba kadali? Dahil lamang kay Emilio... siya agad ang kailangang umalis at magparaya?
Pinilit niyang ngumiti, dahan-dahang ibinababa ang kaniyang kutsara upang hindi makalikha ng ingay. Ngunit sa kaibuturan ng kaniyang dibdib, may mabigat at malamig na damdaming unti-unting namuo.
Marahil... tama nga ang kaniyang naiisip kanina. May mga taong sadyang panandalian lamang ang pananatili sa isang lugar at sa buhay ng ibang tao.
At sa mundong ito na hindi kaniya... isa lamang siyang estrangherong madaling itabi kapag dumating na ang tunay na kabilang.
---
Tahimik at may mabigat na hiningang nagtapos ang hapunan.
Isa-isang nagsitayuan ang mga naroon sa hapag. Nagpaalam si Señorito Emilio kay Don Rafael nang may buong paggalang bago siya sinamahan ng isang katiwala na may hawak na lampara upang ipakita ang daraanan patungo sa Casa Huespedes sa kabila ng bakuran.
Samantala, naiwan namang nakatayo si Josephine sa may beranda, ang kaniyang mga daliri ay nakakapit nang mahigpit sa malamig na patpat ng balustre habang nakatitig sa dilim ng gabing lumalamon sa bakuran.
Hindi pa rin maalis sa kaniyang isip ang mga salitang napakabilis na binitiwan ni Soledad kanina.
“Lilipat na lamang si Josephine.” Paulit-ulit iyong umuukit at umaalingawngaw sa kaniyang isipan.
Marahil... dahil sa isang iglap ay pakiramdam niya'y napakadali lamang pala siyang itabi at ilipat upang mabigyan ng lugar ang isang taong mas mahalaga, mas may karapatan, at mas kabilang sa mundong ito.Tahimik siyang napabuntong-hininga.
Maya-maya’y marahang lumapit si Ines sa kaniyang likuran. "Binibini?"
Napalingon si Josephine, pilit na pinatitigas ang kaniyang boses upang hindi mailabas ang anumang basag sa kaniyang tono. "Bakit, Ines?"
"Nakahanda na po ang inyong mga gamit?" tanong ni Ineas.
"Ahh...Oo naka impake na ako" sagot ng binibini.
"Maigi po" nakangiting sagot ng batang katulong. "Ilipat na po natin."
Sandaling natahimik si Josephine, at isang mapait na ngiti ang sumilay sa kaniyang mga labi. "Kung gano'n... saan ako matutulog ngayong gabi? Sa kuwadra ba o sa silid ng mga katulong?"
Napansin ni Ines ang bahagyang lungkot at pait sa kaniyang mga mata. Ngunit sa halip na mag-alala, umiling lamang ang katulong at ngumiti nang malawak isang ngiting may bitbit na lihim na katuwaan.
"Sa silid po ni Señorita."
Natigilan si Josephine. "...Ano?"
"Sa silid po ni Señorita Soledad," ulit ni Ines, malinaw at walang alinlangang bawat pantig. "Iyon po mismo ang kaniyang pormal na bilin sa akin bago pa man magsimula ang hapunan."
"Sandali..." nalilitong napahawak si Josephine sa kaniyang noo. "Akala ko... akala ko ba pinapaalis ako sa Casa Huespedes para kay Emilio?"
Bahagyang natawa si Ines sa kaniyang naging reaksyon, pilit na pinipigilan ang hagikhik. "Akala ninyo po ba ay pauuwiin kayo sa kuwadra o sa silid ng mga katulong?"
Mabilis na uminit ang mukha ni Josephine sa sobrang kahihiyaan. "H-Hindi naman sa gano'n..."
"Ang Casa Huespedes lamang po ang ipahihiram kay Señorito Emilio sapagkat iyon ang pormal na tuluyan ng mga bisita," paliwanag ni Ines habang inililipat ang hawak na ilawan. "At sinabi ni Señorita Soledad na ayaw niyang mag-isa ka sa kabilang bahay. Kaya simula ngayon ay sa kanyang silid na kayo matutulog”
Hindi alam ni Josephine kung ano ang mararamdaman. Ang kaniyang dibdib na kanina lamang ay puno ng pait at tampo, ay biglang napuno ng isang nag-uumapaw na saya at kaba.
“Siguro ay ninuno ni Nadine Lustre ang Señorita… dahil siya ay para-paraan” malokong isip ni Josephine
.
.
.
Tok. Tok. Tok.
"Señorita."
"Bukas," mahinahon at banayad na tugon mula sa loob.
Dahan-dahang binuksan ni Ines ang pinto at bahagyang itinulak si Josephine papasok at iniwan ang mga gamit sa loob ng silid. Pagkatapos ay nagmadaling umalis na tila may isang ilegal na transaksyong tinapos.
Hindi ito ang unang beses ni Josephine sa silid na ito ngunit ang pamilyar na kuwarto ay tila nag-iba ng anyo ngayong gabi. Ang amoy ng kandila at ang banayad na samyo ng sampaguita mula sa bintana ay nagbigay ng mas pambihirang presensya sa buong kuwarto.
At sa isang sulok... nandoon si Soledad.
Nakahubad na ang kaniyang pormal na hikaw at wala na ang pañuelo sa kaniyang balikat, nakasuot na lamang ng isang payak na puting saya-pambahay. Maingat nitong isinasara ang isang aklat na kaniyang binabasa. Nang mapansin niya ang pagpasok ni Josephine, dahan-dahan itong tumayo at marahang ngumiti.
"Dumating ka na."
Tahimik na yumuko si Josephine "Pasensya na po..." Hindi niya alam kung bakit iyon ang unang salitang lumabas sa kaniyang bibig.
Bahagyang ikiniling ni Soledad ang kaniyang ulo, nagtataka ngunit may bahid ng lambot sa mga mata. "Para saan?"
"Akala ko kasi..." huminto si Josephine, napakagat sa kaniyang ibabang labi bago nagpatuloy. "...pinapaalis ninyo na ako."
Saglit na natigilan si Soledad. Ang kaniyang matatalim na mata ay bahagyang nanlaki sa pagkagulat sa narinig. Pagkaraan ng ilang segundong katahimikan, napailing siya at bahagyang natawa
"Bakit naman kita papaalisin?" natatawang sabi nito.
"Kasi... nang sabihin ninyong lilipat na lamang ako habang nasa hapag tayo kanina... inakala kong..." Hindi na niya natuloy ang kaniyang sasabihin.
Marahang lumapit si Soledad. Ang kaniyang mga hakbang ay walang likha ng ingay sa sahig. Huminto ito sa kaniyang mismong harapan at hinawakan ang kanyang balikat—
"Josephine." Napatingala ang dalaga, direktang nakasalubong ang malalalim at taimtim na mga mata ni Soledad.
"Wala akong balak na ilayo ka," mahina at seryoso ang boses ng señorita, walang bahid ng pagbibiro.
Sandali itong natigilan, tila pinipili nang maigi ang mga salitang matagal nang nakatago sa kaniyang dibdib.
"...Kung maaari nga lamang, mas gusto kong malapit ka sa akin....palagi"
Hindi na muling nakapagsalita si Josephine. Ang mga salitang iyon ay tila ba nagpalutang sa kaniyang isip at nagpadaloy ng kuryente sa kaniyang buong katawan. Pakiramdam niya'y muling bumilis ang tibok ng kaniyang puso sa bilis na hindi na niya kayang kontrolin.
.
.
.
Tahimik na ang buong silid.
Tanging ang mahinang huni ng mga kuliglig mula sa bakuran at ang banayad na ihip ng hanging-gabi mula sa nakabukas na bintana na nagpapagalaw sa manipis na kurtina. Magkatabi silang nakahiga sa malawak na kama.
May sapat na pagitan sa pagitan nilang dalawa upang manatili ang pormalidad. Ngunit sa gitna ng katahimikan ng gabi, sapat din iyong malapit upang maramdaman ni Josephine ang kakaibang init na nagmumula sa katawan ng señorita at marinig ang bawat mahinang paghinga nito.
Nakapikit si Josephine, pilit niyang pinatitigas ang kaniyang katawan at pinakakalma ang kaniyang paghinga upang magmukhang tulog. Akala ni Soledad ay tuluyan na itong nadala ng kapaguran at antok.
Marahan at walang anumang likha ng ingay na bumaling ang señorita sa kaniyang tagiliran upang pagmasdan ang payapang mukha ng dalaga. Pinagmasdan niya ang mga pilikmata nito, ang nunal sa taas ng gilid ng labi, ang kurba ng kaniyang ilong, at ang bahagyang pagtaas at pagbaba ng kaniyang dibdib dala ng paghinga.
Hindi namalayan ni Soledad na napangiti siya…
.
.
“Te amo.”
Pagkasambit niyon, tila ba nabawasan ng napakabigat na dusa ang kaniyang dibdib. Dahan-dahan siyang tumalikod sa dalaga at ipinikit ang kaniyang mga mata upang mamahinga.
Ngunit sa kanyang pagpikit ay siya namang dilat ng mga mata ni Josephine, nakatitig lamang siya sa kisame habang naninigas ang buong katawan.
Hindi man siya tubong-Espanya at hindi man siya bihasa sa wikang Kastila...
.
.
.
ngunit alam niya ang kahulugan ng mga salitang binitawan ng Senorita.
