Chapter Text
Nang matapos lutuin ni Aling Nena ang biniling lugaw ni Winwin ay sinundan nila ito ng tingin habang naglalakad ito papalayo sa kanila. Hindi naitago ni Donghyuck ang ngisi sa kaniyang mukha habang pinagmamasdan ang likod ng binatang kaibigan.
“Mukhang ayos na si Winwin kay Yuta," Aniya. “Inlababo si Gago pero defensive lang.”
Sabay na natawa ang magkapatid. Tumango si Jeno, “Hindi na rin ako magugulat kung magkakatuluyan yung dalawang yon.”
Nakaka-isang bote pa lamang sila ngunit alam ni Jeno na unti-unti nang umaapekto ang alak kay Donghyuck lalo na at kanina pa ito tumutungga. Mukhang mapipilitan pa tuloy sina Jaehyun na manatiling nasa tuliro pa para maalagaan si Donghyuck kung sakaling tuluyan na itong malasing.
Inilapag ni Jaehyun ang kaniyang shotglass nang malakas at minataan si Jeno.
“Eh, kayo ni Jaemin?” tanong niya. “Kailan mo balak umamin?”
Naramdaman ni Jeno ang pait ng alak na kanina'y hindi niya naman nalalasahan. Lasing na ba 'to si Kuya? tanong niya sa sarili dahil hindi niya inaasahan na bigla nalang itong magtatanong sakanya tungkol sa nararamdaman niya para kay Jaemin.
Umiwas diya ng tingin at nagkibit-balikat.
“Hindi ko alam," tumigik siya saglit para mag-isip. “Wag na siguro.”
“Jeno, hindi ko alam kung ano sino mas malala sainyo ni Jaemin. Manhid siya, torpe ka. Tapos si Lucas, ubod ng angas at yabang.” Dinaan ni Donghyuck sa isang agresibong pagtungga ang kaniyang inis.
Naubusan na ng salita na sasabihin si Jeno, wala siyang ideya kung ano pa ang isasagot kay Donghyuck sa totoo lang ay maski siya'y wala na ring alam tungkol sa mga nararamdaman niya para kay Jaemin.
Tinapik ni Jaehyun ang kaniyang braso na nakapatong sa lamesa, "Bakit hindi mo ibigay sakanya yung mga tulang naisulat mo?"
Ang mga maliliit na mata ni Jeno ay namilog dahil sa sinabi ng kapatid. Tama ito na may mga naisulat ngang tula si Jeno kapag siya'y mag-isa sa kwarto.
Nakasulat ang mga iyon sa binigay na notebook ni Jaemin dahil sira-sira na nga ang kaniyang naunang mga ginagamit. Naalala niya kung paano siya pinilit ni Jaemin na tanggapin ang binili niyang notebook.
"Oh, ito." Ani Jaemin habang busy sa paggawa ng thesis si Jeno sa kaniyang tabi. Napatigil si Jeno sa pagsulat at dinapuan ng tingin ang hawak-hawak na notebook ni Jaemin.
"Ano gagawin ko dito?" Tanong ni Jeno at kinuha ang makapal na notebook. Binuksan niya ito at wala pa itong sulat ni isa. Halata rin na bagong bili palang ito dahil malinis at maayos pa ito, pati na rin ang amoy ng papel na bagong bukas pa lamang.
"Binili ko para sayo," Nakangiting paliwanag ni Jaemin. "Eh kasi naman, malapit na mapuno yung notebook na pinagsusulatan mo tapos lukot-lukot na."
Inagaw ni Jaemin ang notebook mula sa kamay ni Jeno at hinarap ito sakanya, "Ito, matigas yung cover niya. Panigurado tatagal ito sayo tapos hindi malulukot agad kasi nga matigas, saka yung papel makapal din."
Tumango-tango si Jeno bago kinuha mula ang notebook at nilagay sa loob ng kaniyang bag. Kinuha niya ang pitaka sa kaniyang bulsa, "Magkano bili mo?"
Otomatikong umikot ang mata ni Jaemin at inilayo sa kaniyang harap ang kamay ni Jeno na may hawak ni pitaka.
"Hindi mo na ako kailangan bayaran, Jeno. Setenta lang naman yan." Minataan siya ni Jaemin na may seryosong ekpresyon, tinaas niya ang kaniyang daliri at tinuro-turo sa binata. "Siguraduhin mo lang talaga na iingatan mo yan. Dapat hindi malulukot ang mga pahina at lagi mong ilagay sa loob ng bag mo para hindi ngatngatin ng mga kung anumang hayop na nasa bahay niyo."
Mula nuon ay ang notebook na bigay ni Jaemin ang pangalawang bagay na pinaka-iniingatan ni Jeno bukod sa kanyang gitara.
Sinunod niya ang mga bilin ni Jaemin kagaya ng wag na huwag niya itong gagamitin kung may tubig malapit sa kaniyang pwesto, na huwag niya itong hahayaan na nakabukas lang sa may mesa, inalala niya na rin ang mga sinabi ni Jaemin na huwag itong ipapahiram kela Donghyuck dahil baka'y paglaruan ito at masira.
Maski'y si Jeno ay nagulat na mahigit tatlong linggo niya na itong sinusulatan ngunit maayos pa rin ang itsura nito. Nuong sa dati niyang notebook, isang araw palang ay kinagat na ito ng aso na dumaan sa kanilang pwesto habang siya'y nagsusulat sa tindahan ni Aling Nena. Totoo ngang matibay talaga ang biniling notebook ni Jaemin kaya't pinangako niya sa kaniyang sarili na hindi ito masisira dahil na rin ay ayaw niyang magalit sakanya si Jaemin.
Hindi alam ni Jeno kung paano nalaman ni Jaehyun ang tungkol sa mga tulang naisulat niya. Kailanma'y hindi niya hinayaang makita ito ng kahit sino man sakanila.
"Paano mo nalaman?"
"Nung nag banyo ka kasi saglit, nilipad yung ibang mga papel na naka-ipit sa notebook mo kaya inayos ko." Kalmadong paliwanag ni Jaehyun.
Ngumisi si Donghyuck sa may harap ni Jeno, "Oh ayon naman pala eh, ipabasa mo sana yung mga tula at kanta na ginawa mo tungkol kay Jaemin.” Suhestyon niya.
Pinigilan ni Jeno ang sarili na ikutan ng mata si Donghyuck.
Naririnig niya ba ang sarili? Gusto niya bang mabugbog ako ni Lucas na member ng fraternity? isip niya sa sarili.
“May nobyo na nga si Jaemin,” Mahina niyang sambit. “Mas mabuti na kung umiwas nalang ako.”
“Nang hindi man lang pinapaalam kay ligaya ang nararamdaman mo?” Mabilis na pambara ni Donghyuck.
“Sa tagal nyong nagsama, dapat din sigurong malinawan kayo sa mga nararamdaman niyo sa isa’t isa.” Ani Jaehyun. “Maganda kung maitanggal mo muna lahat ng emosyon na gustong kumawala sa dibdib mo. Mahirap huminga kung pag-ibig mismo ang sumasakal sayo. "
Hindi na kumibo si Jeno hanggang sa matapos ang kanilang inuman. Marami na kasing bumabagabag sa isip niya at humahalo pa ang alak sa sistema niya. Hindi na siya makaisip pa nang maayos maski paglakad niya'y hindi na diretso.
Maganda ang panahon nuong naisipan nilang bumalik sa tindahan ni Aling Nena pagkatapos ng klase. Ngayon, kumpleto na sila. Nangako pa si Winwin na babawi siya sa susunod nilang inuman dahil hindi siya sumama sa huli nilang pag-tagay. Magaling naman na si Yuta at malusog na ulit kaya't hindi niya na ito kailangang paghigpitan pa sa pag-alaga.
Ang kakaiba nga lang sa araw na ito ay ang suot ni Jeno.
"Naks, angas ng pormahan mo ngayon, ah?" Ani Donghyuck nang makarating si Jeno sa kanilang pwesto. Nilapag niya ang bag ng gitara sa gilid ng lamesa at nilingon ang nang-aasar na kaibigan.
Ang pang-araw-araw na suot ni Jeno ay madalas isang itim na t-shirt lamang na minsan may larawan ng mga banda sa gitna habang ang suot niya namang pang-ibaba ay palaging itim na pantalon lamang.
Ngunit ngayon ay naka-puti ito sa pang-ilalim at may suot din na checkered flannel na usong-uso ngayon. Ang buhok niya rin ay naka-ayos, hindi kagaya nuon na palaging gulo-gulo.
Inayos niya ang kaniyang suot na salamin, unti-unti nang nakakaramdam ng pagka-ilang dahil sa mga komenti ng tropa tungkol sa kaniyang suot.
"Mukhang may pino-pormahan na ata eh," Kantyaw ni Winwin at tinuro ang suot na flannel ni Jeno. "Bente bili mo dito, diba?"
Tumango siya, "Bagay ba?"
"Bagay na bagay." Pagsang-ayon ni Jaehyun sa gilid na para bang hindi siya ang nanlibre kay Jeno sa flannel na suot niya ngayon na binili nila sa may Baclaran noong isang araw.
"Kung hindi kita tropa papatulan kita." Ani Donghyuck.
Mabilis siyang nilingon ni Winwin at pinagkunutan ng noo, "Gago, ngayon ka ba talaga aamin?"
"Tanga, biro lang." Mahinang bumatok si Donghyuck sa nakakatandang kaibigan. "Kay Mark na ako, sorry pare."
"Eh, wala pa kayong label no'n diba?"
Kinagat ni Jeno ang ibabang labi upang pigilan ang sarili na tumawa dahil sa komento ni Jaehyun. Habang si Winwin naman ay nginitian lang nang maloko si Donghyuck, "Awtsu, wala raw label?"
"Ikaw, palibhasa syota mo na si Taeyong eh." Maangas na sagot ni Donghyuck at sinamaan ng tingin si Jaehyun, tinapunan lamang ito ng isang pilyong ngiti ng matanda.
Dumating si Aling Nena sa kanilang gilid upang ibigay ang mga biniling softdrinks. Habang inaayos ang mga inumin ay hinarap ni Jeno si Winwin.
"San na raw si Yuta?"
"Papunta na raw."
Nabanggit kasi ni Yuta na hindi pa pala ito kumakain ng tanghalian dahil sa dami ng ginagawa sa kanilang department.
Plano nilang kumain lang sa may karinderya ni Aling Nena at magpalipas pa ng oras bago dumiretso sa Night Gillies upang panuorin ang gig nina Jeno mamayang gabi.
"Uy, kanina pa kayo?"
Sabay silang tatlo na napalingon kay Yuta nang marinig ang boses nito 'di kalayuan sa kanilang pwesto. Tila na-estatwa si Jeno sa kaniyang inuupuan nang makita si Jaemin na kasama pala ni Yuta.
Nagtapunan silang tatlo ng mga malilisyosong tingin at pare-pareho na lamang na ngumisi dahil sa paglalaro ng tadhana.
"Sinama ko na si Jaemin kasi nakasalubong ko sa hallway. Sakto, nagugutom din daw siya." Paliwanag ni Yuta at kumuha ng isa pang bakanteng upuan para kay Jaemin na mabilis niya ring tinanggap. Umupo ito sa gitna ni Jeno at Yuta.
"Uy Jaemin, sakto." Panimula ni Donghyuck sa may gilid. Bahgyang tinapik ni ito ni Jaehyun sa may hita sa ilalim ng lamesa dahil baka'y madulas pa si Donghyuck sa kadaldalan niya at may masabi siyang hindi maganda lalo na at katatapos lang nilang pag-usapan ang tungkol sa nararamdaman ni Jeno tungkol kay Jaemin nung huli nilang inuman ngunit kalaunan ay sumabay nalang din ito sa tawa.
Inosente siyang nilingon ni Jaemin at tinapunan ng matamis na ngiti, "Bakit? Ano meron?"
"Wala naman," tuloy ni Jaehyun at umaktong lumilingon-lingon sa paligid. "Wala bang bago ngayon?"
"Anong bago?" Kumunot ang noo ni Jaemin at sumabay din sa paglingon sa paligid.
"Sa paligid? Wala ka bang napapansin?" Pagdiretso pa ni Winwin.
Maski si Yuta na nasa gilid ay naguluhan na rin sa nangyayari, "Ano meron? May patay ba?"
"Sa paligid?" pag-ulit ni Jaemin sa sinabi ni Winwin ngunit umiling lang ito. "Wala naman. Bakit, ano meron?"
Bumigat ang balikat ni Jeno sa hindi malamang dahilan. Umiwas na lamang siya ng tingin kay Jaemin at kunwari'y nakatuon lang ang atensyon niya kay Aling Nena na niluluto pa rin ang pagkain na binili nila.
"Walastik." Sabay-sabay na tumawa ang tatlo habang si Yuta ay sinusubukan pa ring intindihin ang nangyayari kagaya ni Jaemin.
Nilingon ni Jaemin si Jeno na tahimik lang sa kaniyang tabi, nilapit niya ang kaniyang mukha sa mukha ng binata.
"Huy, ano meron?" Pabulong niyang tanong kay Jeno na muntik nang mabilaukan sa sariki niyang laway nang mapansin niya kung gaano kalapit si Jaemin sa mukha niya.
"Wala, wala." Nilayo ni Jeno ang kaniyang mukha kay Jaemin at pinagpag ang suot na flannel. "Ang init, noh?"
"Oo nga, eh." Nakangising sabi ni Jaehyun at pinagpag din ang flannel, "Oh ayan, pagpagin mo para mahanginan ka."
Hindi mapigilan ni Yuta ang sarili na tumawa nang unti-unti niya nang naiintindihan kung ano ang pinaplano ng apat. Habang si Jaemin naman ay nagmadaling nagkalikot sa loob ng kaniyang at inabot kay Jeno ang isang pamaypay, "Ito, may pamaypay ako."
Maski si Yuta ay napa-"tangina" nalang din dahil sa kawalan ng alam ni Jaemin. Alam niyang manhid ang binata pero hindi niya alam na ganito na pala ito kalala para makapansin.
"Alam mo, mabuti pa," panimula ni Donghyuck. "Nuod tayo ng gig nina jeno mamayang gabi, sumama ka na Jaemin. Yuta, ikaw din kung gusto mo matuwa sa mga mangyayari."
"Sige lang." Inosenteng pag-apruba ni Jaemin. Sinabayan lang din ng tawa ni Yuta ang kaniyang pag-tango dahil gustong-gusto niya ring masubaybayan ang mangyayari sa dalawa.
"Papakitaan tayo ni Jeno ng malupet na tugtugin, lahat ng tao ay kikiligin." Pagtulot pa ni Donghyuck. "Tangina, buti nalang hindi ko dadalhin si Mark mamaya."
"Gago." Saad ni Jaehyun na may natigas na tono pagkatapos batukan nang mahina ang binata.
"Oo nga, balita ko maraming bagong kanta si Jeno ngayon na tungkol sa pag-ibig hindi ba?" Kaswal na banggit ni Winwin.
Parehong nanlaki ang mata ni Jaemin at nilingon muli si Jeno sa kaniyang tabi, "Talaga? Nagsusulat ka na rin tungkol sa pag-ibig?"
"Oo, simula nung ilang linggo palang."
"Marami-rami yon, diba?" tinapik-tapik ni Jaehyun ang balikat ni Jeno. "Ah, kung sino man makakarinig non magkakandarapa talaga."
"Oo, Jaemin. Nung nakita ko yung mga tula, handa na akong isuko ang lahat para sakanya."
Tumango si Donghyuck sa sarili niyang mga sinabi at nagpatuloy pa, "Hindi ako lasing ngayon pare seryoso."
Mabilis nilang tinapos ang pagkain para makapunta na rin agad sa Night Gillies diretso. Hindi naman bago kay Jeno ang kumanta at tumugtog sa harap ni Jaemin-- sa katunayan ay isa nga iyon sa mga gusto niyang gawin, ngunit ngayon ay parang lahat ng klase ng paru-paro ay nasa loob na ng kaniyang sistema.
Miyerkules ngayon kaya si Jeno ang naka-atas na kumanta ngayon para mababagal na tugtugin, saktong-sakto sa kung ano man ang balak niyang gawin kapag naghari na ang mga bituin.
Pinagmasdan niya si Jaemin na masayang nakikipag-kwentuhan kela Donghyuck na nauuunang maglakad kesa sa kanya at sa katabi niyang si Winwin.
Hindi niya mawari kung ano ang pinag-uusapan nila sa harap, halos sabay-sabay silang nagsasalita at nagtatawanan na para bang sila-sila lang ang nagkakaintindihan sa mundo. Maski nga ang mababang tawa ni Jaehyun ay pumapasok sa tenga ni Jeno. Siniko siya ni Winwin sa gilid.
"Ano gagawin mo?" Bulong ng nakatatandang kaibigan.
"Huh?"
"Anong balak mo mamaya kako?" Pag-ulit nito. "Sigurado ka ba?"
Nagnakaw siya ng tingin kay Jaemin para tignan kung posible bang marinig nito ang kanilang usapan ngunit masyado naman itong okupado sa kung ano man ang kinekwento ni Yuta. Binalik niya ang tingin kay Winwin at nagkibit-balikat.
Nawalan na naman siya ng mga salitang sasabihin. Ramdam niya ulit kung gaano kagaspang ang kaniyang lalamunan at unti-unti na namang namumuhay ang mga paru-paro sa kaniyang tiyan na parang wala nang bukas.
Kailanma'y hindi naging magaling sa salita si Jeno. Lahat ng nararamdaman niya ay kailangan nalalapatan ng tono. Simula kasi nang mawala ang kaniyang nanay at namuhay siya sa puder ng tatay ni Jaehyun ay hindi na siya nakapag-bukas pa ng saloobin sa iba. Imbes din kasi na hikayatin siyang magsalita ng kaniyang nanay ay tinuruan siya nitong kumanta at tumugtog ng gitara. Lumaki siyang umaasa lamang sa musika.
Siguro nga tama si Jaehyun. Idaan niya nalang siguro sa mga tulang nilapatan niya ng tono ang mga nais niyang sabihin sa binata. Sa ganoong paraan ay siguro hindi naman ito maghihinala na para sa kanya ito. Delikado, may nobyo si Jaemin. Sino ba naman siya para makisali pa sa relasyon na hindi naman para sakanya? Isa lang naman siyang tumutulong kay Jaemin na mag-aral at sa paggawa ng thesis nito tuwing hapon.
"Uy,"
Sa lalim ng iniisip ni Jeno ay hindi niya na namalayan na nagkapalit na ng pwesto si Jaemin at Winwin. Si Winwin na ngayon ang nakikitawa kasama sina Yuta habang si Jaemin na ang naglalakad malapit sa kaniyang tabi.
"Galit ka ba?"
Ilang beses sinubukan ni Jeno na kuhain ang atensyon nina Donghyuck o ng kahit sino man sa kasama nila na masyadong mabilis maglakad at naiiwanan na silang dalawa. Unti-unti na ring bumibilis ang lakad ni Jeno dahil sa kaba pero sumasabay lang din si Jaemin sa kaniyang bilis.
"Hindi," ani Jeno. "Iniisip ko lang yung mga kakantahin ko mamaya."
Nawala ang pag-aalala sa mukha ni Jaemin at napalitan ito ng pilyong ngiti. Mahina niyang hinampas ang braso ni Jeno, "Ikaw, ha! Nagsusulat ka na pala ng mga kanta tungkol sa pag-ibig, hindi mo man lang ako binabalitaan."
Maganda ang ngiti ni Jaemin ngayon, ang problema lang talaga ni Jeno ay kung makakangiti pa ba ito nang ganito kalaki sa kaniyang harap kung sakaling umamin na si Jeno. Napansin ni Jaemin na mukhang walang balak magsalita ang binata kaya'y hinayaan niya nalang ito habang sumasabay sa kaniyang lakad.
Sobrang bilis ng tibok ng puso ni Jeno nang makaabot sila sa Night Gillies at nang tumungtong na siya sa entablado. Para siyang baguhang musikero na sasabak sa isang paligsahan sa kanilang barangay. Sa tagal niyang tumutugtog ay ngayon lang siya nakaramdam ng ganitong klase ng kaba.
"Ayos ka lang?" tanong ng kabanda na si Yangyang sa may gilid. Nasa entablado na sila at nag-aayos na ng mga gamit. Pinapanuod na rin sila ng mga bisita na bumwelo bago tumugtog.
Bahagyang tumango si Jeno nang hindi tinatapunan ng tingin ang kabanda, okupado ito sa paglagok ng tubig bago ito nilapag sa gilid ng kaniyang upuan at pinaglaruan ng strings ng kaniyang gitara.
"Pangalawang bote ng tubig mo na ata yan," ani Yangyang na may ngisi sa mukha. "Kabado ka ba?"
"Hindi naman," bulong niya pabalik.
Hindi kumbinsido si Yangyang sa sagot ng bokalista ngunit nagsimula na rin siyang magbilang bilang cue sa buong banda.
Prenteng nakaupo sina Jaemin at ang iba sa sarili nilang pwesto sa may gilid. Mga iba't-ibang makukulay na ilaw ang tumatama sa kaniyang mukha, sapat na para masilip ni Jeno ang malaki niyang ngiti na hindi mawala-wala.
Napansin ni Jaemin kung gaano kabilis ang pag-iwas ng tingin ni Jeno nang kawayan niya ito. Napanguso siya at nilingon si Jaehyun na nasa kaniyang tabi.
"Kinakabahan ba si Jeno ngayon?" tanong niya.
Nagkibit-balikat si Jaehyun habang naka-ekis ang kaniyang mga braso, "Siguro? Ewan. Baka may nangyari lang sa klase niya kaya medyo badtrip."
Iyon na ang pinaka-magandang rason na naisip ni Jaehyun na mukhang kinagat naman ni Jaemin dahil tumango-tango ito. Mabilis na nagtapunan na naman ng tingin ang mga magkakaibigan sa mesa at maski si Yuta ay nasasama na.
"Kinakabahan siguro kasi balita ko sariling kanta ata ulit tutugtugin nila." ani Winwin gamit ang kaswal na tono kahit na gusto niyang ipahalata kay Jaemin na tungkol sakanya ang kantang tutugtugin ni Jeno.
"Ah, ganun ba?" Inosenteng reaksyon ni Jaemin at binalik na lamang ang atensyon kay Jeno.
Nagsimulang tumutugtog ang banda, kasabay nito ang hiyaw ng mga tao sa loob ng restaubar. Si Donghyuck nga na hindi naman nakainom ay mas malakas pa ang hiyaw kesa sa kalahati ng mga tao na naki-sigaw para sa banda. "Tropa ko yung bokalista!" pahabol niya pa.
"Dito ka lang humimbing sa aking piling, antukin."
Parang isang makina na sabay-sabay napakagat ng labi ang tatlong magkakaibigan upang pigilan ang pag-ngisi habang si Yuta ay nagpanggap na lamang na tumitingin sa malayo. Si Jaemin lamang ang nanatiling nakatuon ang atensyon kay Jeno na umaawit sa harap.
Mahalin mo na lang ako nang sobra-sobra
Para patas naman tayo, 'di ba?
"Eh-hum!" pekeng pag-ubo ni Donghyuck sa gilid at mabilis na tumungga ng tubig. "Putangina," bulong niya sa sarili.
Dahil katabi lamang ni Jaehyun si Jaemin ay sinubukan niyang basahin ang ekspresyon nito ngunit kalmado lang ang kaniyang mukha at nakatingin lang nang diretso sa harapan. Hindi mawari ni Jaehyun kung manhid ba talaga si Jaemin at hindi niya masyadong binibigyan ng malisya ang kanta ni Jeno o kaya'y magaling lang ito magtago ng kaniyang nararamdaman.
Kung ayaw, may dahilan, kung gusto, palaging mayro'ng paraan
Gumawa na lang tayo ng paraan
Kagaya ni Jaehyun ay inabangan din ng iba ang magiging reaksyon ni Jaemin. Akala nila'y makakapansin ito at bigla nalang tatakbo palayo ngunit siya pa ang pinaka-unang pumalakpak para sa banda. Sumabay nalang din sila sa pagpalakpak dahil mukhang hindi naman napansin ni Jaemin ang kanina pa nilang pagbabatuhan ng tingin.
"Galing ni Jeno, ano?" Ani Yuta at pasimpleng umabot sa kinakaing fries ni Donghyuck na sa kasamaang palad ay nahuli.
"Ikaw, buraot ka rin kagaya ng jowa mo ah."
Ang pilyong ngiti ni Yuta ay napalitan ng pagka-ilang. "Hindi ko jowa si Winwin."
"Oh, wala naman akong binabanggit na pangalan na sinasabi kong jowa mo, ah?" Tagumpay na humalakhak si Donghyuck ngunit isang mahinang kurot lamang ni Winwin sa kaniyang hita ay otomatiko niyang binigyan ng pirasong fries si Yuta.
"Lahat nalang talaga dito inaaway ako," muktol ni Donghyuck at madramang hinila si Jeno papalapit sakaniya na kararating pa lamang sa kanilang pwesto. "Jeno, ipagtanggol mo ko."
"Asa ka pa na kakampi yan sa'yo." Inikutan ni Donghyuck ng mata si Jaehyun at nagpaawa pa kay Jeno na hindi naman siya binibigyan pansin.
Diretso itong nakatingin kay Jaemin na mukhang wala pa ring alam sa nangyayari ni isa. Naisip ni Jeno kung kinaya niya nang kantahin ang isang kanta na sinulat niya para kay Jaemin, siguro'y may sapat na lakas ng loob na rin siya para diretsahang umamin para isang bagsakan nalang.
"Jaemin, usap tayo sa labas."
Natahimik sila at napatigil sa kanya-kanyang ginagawa. Maski si Jaemin ay bahagya ring naestatwa dahil sa biglaang pagyaya ni Jeno. "Ah," nauutal-utal na panimula ni Jaemin at tumayo. "Sige."
Singbilis ng paglakad ni Jeno palabas ang pagtibok ng kaniyang puso. Nanunuyo ang kaniyang lalamunan at gulong-gulo na ang kaniyang isipan. Tahimik lang na sumusunod sa kaniyang likod si Jaemin na masidhing inaalala ang mga bagay na posible nilang pag-usapan ni Jeno ngayong oras at kung bakit kailangan pa nilang lumayo sa mga kasamahan.
Hindi kaya papagalitan niya ako? Isip ni Jaemin sa sarili at napanguso. Wala naman akong ginagawang atraso sakanya. Galit ba siya kasi laging mali yung nilalagay ko sa thesis ko?
Hindi namalayan ni Jaemin na tumama na siya sa malapad na likod ni Jeno nang tumigil ito sa paglalakad. Nilingon-lingon niya ang paligid at napagtanto niyang hindi naman sila gaanong lumayo sa Night Gillies ngunit maayos na espasyo na ito para mag-usap ng pribado dahil wala masyadong tao na naglalakad sa paligid.
Hinarap siya ni Jeno. Tinitigan niya ang mata ng bokalista at taimtim na hinintay kung ano ang kaniyang sasabihin.
Sana hindi ito tungkol sa thesis paper ko.
"Jaemin, may sasabihin sana ako."
"Ano yon?" Tugon ni Jaemin. Kinagat niya ang ibabang labi dahil nagsisimula na rin siyang kabahan kahihintay sa sasabihin ni Jeno.
Kung tungkol 'to sa thesis paper ko, yari na talaga ako.
Bago pa makapagsalita si Jeno ay umalingawngaw sa paligid ang malakas na ringtone ni Jaemin. Napatigil si Jeno at pinanuod si Jaemin na natatarantang kinuha ang kaniyang cellphone sa bulsa. "Saglit lang, sagutin ko lang 'to."
Hindi na hinintay ni Jaemin ang pag-apruba ni Jeno dahil sinagot niya na rin agad ang tawag. Umiwas na lang ng tingin si Jeno at napilitang tumayo lang sa kaniyang harap at taimtim na naghintay na matapos ang tawag.
"Carlo?"
Napa-angat ang tingin ni Jeno nang magbanggit ng hindi pamilyar na pangalan si Jaemin. Carlo? Sinubukan niyang alalahanin ang lahat ng Carlo na kakilala niya sa UNC ngunit ni isang Carlo ay walang pumasok sa isip niya. Sino si Carlo?
"Ano nangyari kay Lucas?" Unti-unting tumataas ang boses ni Jaemin, nakakunot na rin ang kaniyang noo. "Ngayon ba? Sige, sige. Hintayin niyo ako."
Mabilis na binaba ni Jaemin ang tawag nang may hindi kaaya-ayang ekspresyon sa mukha. Bakas dito na hindi siya natutuwa sa mga nangyayari.
"May problema ba?" tanong ni Jeno.
"Tumawag yung kaibigan ni Lucass, lasing daw siya ngayon sa isang tindahan. Susunduin ko nalang." Paliwanag ni Jaemin na may malungkot na tono. Nagsimula na siyang maglakad pabalik sa loob ng Night Gillies habang habol-habol siya ni Jeno sa kaniyang likod.
"Aalis ka na?" Salubong ni Yuta nang makaabot sila sa kanilang lamesa. Gulong-gulo sila sa natatarantang aksyon ni Jaemin at hindi na napigilan ni Jaehyun ang mag-alala tungkol sa nangyari sakanilang dalawa sa labas kahit wala naman talaga.
"Oo, pasensya na. kailangan kasi ako ni Lucas ngayon, baka kasi mapaaway yon habang lasing." Ani Jaemin, kinuha niya ang bag sa upuan at hinarap si Jeno na blangko lamang na nakatayo sa kaniyang gilid. Pinakawalan niya ito ng isang maliit na ngiti, "Ang ganda ng kantang sinulat mo. Nagustuhan ko."
Hindi na nagtangkang magsalita pa si Jeno dahil hindi na rin siya binigyan ng pagkakataon ni Jaemin na magsalita dahil mabilis itong naglakad palabas ng Night Gillies.
Walang-walang ibinagsak ni Jeno ang sarili sa upuan at nilapag ang gitara sa gilid. Naramdaman niya ang pagsunod ng tingin ng mga kabigan sa bawat galaw niya. Naramdaman niya ang pagtapik ni Jaehyun sa kaniyang balikat.
"Gusto mo magkwento?" Mahinahon na tanong ni Jaehyun.
Umiling si Jeno bilang tugon dahil wala naman siyang maikekwento. Wala namang nangyari sa kanila ni Jaemin sa labas, wala siyang dapat ikwento.
Ginulo ni Jeno ang kaniyang buhok at nagsalita, "Inom nalang tayo. Sagot ko na alak."
--
