Work Text:
“Ayaw ko na talaga, Doc,” ani Joy.
“Baka naman nabigla ka lang. Hindi ba masyadong malaki ang desisyon na ito para sa napakaliit na pagsubok?”
Hindi na sumagot si Joy, kahit nagpantig ang tainga niya sa mga salitang “napakaliit na pagsubok.” Kumbinsido na siyang kahit ano ang sabihin niya sa kanyang duktor ay hindi nito makikita o mararamdaman ang kanyang saloobin.
“Sige, ganito na lang. Pag-isipan mo munang mabuti. Literal na mababago ang takbo ng buhay mo kapag isinagawa mo na ang unang hakbang na ‘yan” ika ng duktor.
Tumingin na lamang sa sahig si Joy. Iyon nga ang gusto niyang mangyari—ang mabago ang takbo ng buhay niya, dahil sukang-suka na siya sa kasadlakang kinaroroonan niya. Pero bakit parang napaka-negative ng tingin dito ng kanyang duktor? Hinintay na lamang niya itong matapos sa pagsusulat ng reseta ng gamot na pinapainom sa kanya.
“Sige, Doc. Salamat.” ani Joy habang kinukuha ang reseta.
Tumayo si Joy at naglakad papalabas ng clinic.
“Hay, paulit-ulit na lang,” buntong-hininga sa sarili, habang naglalakad papunta sa botika.
Nais sana niyang tawagan si AJ, ang kanyang matalik na kaibigan, pero sumagi sa isip niyang baka napapagod na sa kanya ang kaibigan. Nakakainis naman kasi para kay Joy. Mas maayos pa yatang therapist si AJ kaysa sa duktor niya. Mabuti na lamang at libre ang therapy niya sa pambansang pagamutan, at hindi siya nagsasayang ng pera para sa wala.
Pagdating sa botika ay binigay niya ang reseta sa taong nasa likod ng counter. Naghintay siya habang hinahanap ng pharmacy assistant ang kanyang gamot. Maya-maya’y nagbalik na rin ang taong kumuha ng gamot ni Joy. Binayaran niya ang kinuhang gamot at tuluyang umuwi.
Pagdating niya sa maliit niyang condo unit ay inilapag niya ang supot ng gamot sa mesa. Napansin niya ang pasong nasa may terrace, na dating kinalalagyan ng tanim niyang sunflower. Kasabay sana ng pamumukadkad nito ang pagtatapos ni Joy sa kolehiyo, pero nawalan na siya ng ganang alagaan pa ito nang ma-delay siya, kaya namatay na lamang ito, tila kasabay ng kanyang ganang mabuhay. Napabuntong-hininga na lamang ang dalaga at tuluyan nang humiga sa kanyang kama para matulog.
Pumunta si Joy sa kanyang unibersidad kinabukasan para magproseso ng kanyang Leave of Absence.
“O, Joy! Bakit hindi mo ako tinawagan kagabi? Kumusta ang therapy?” bati ni AJ nang pababa sa lobby ng kolehiyo, galing sa pakikipag-usap sa isang propesor.
“As usual, invalidated na naman ang feelings ko. Hindi na kita inistorbo kasi pareho lang naman ang sasabihin ko.”
“Uy, ano ka ba, kahit kailan, hindi ka naging istorbo. Teka, itutuloy mo na ang pag-LOA?”
“Oo eh. Ayaw ko na talaga rito. ‘Di naman nila nakikita worth ko rito, kahit binigay ko na ang lahat sa kanila. Magsh-shift na lang ako bago magsimula ang susunod na school year.”
“Parang… gusto ko na rin. Charooooot. Ano’ng sinabi ng therapist mo?”
“Pag-isipan ko raw mabuti, baka raw nagpapadalus-dalos ako. ‘Tang ina, AJ. Dalawang taon na kaming nag-uusap, at hindi nawawala sa pinag-uusapan namin ang walang hiyang kolehiyong ito, tapos sasabihin niya sa akin na nagpapadalos-dalos ako?”
“Girl, feeling ko kailangan mo ng panibagong therapist. Baka hindi lang kayo compatible niyan.”
“Baka nga, pero saka ko na iisipin ‘yan. Buti pa kayo ng therapist mo, mukhang compatible kayo.”
Napangiti si AJ, ngunit saglit lamang. Hindi siya umimik, at sinamahan na lamang si Joy sa pag-aasikaso ng kanyang LOA, at sinamahan niya rin ito sa kanyang tinitirhan. Pagpasok ni AJ sa condo ay napansin niya rin ang paso sa may bintana.
“Uy, ano kaya kung magtanim ka na ulit?” ani AJ habang nilalapitan ang paso.
“Ano naman ang itatanim ko?” tanong ni Joy.
Biglang naalala ni AJ ang nauusong makabago at kakaibang mga binhing nakita niya nang dumaan siya sa botika kahapon habang bumibili siya ng painkillers. Si Joy na kaagad ang naisip niya nang makita niya ang mga ito—dahil nabili naman na niya ang kailangan niyang bilhin—at baka makatulong ang mga ito sa kaibigan kaya binili niya ang mga ito.
“Ligaya Seeds? Ano ito?” tanong ni Joy nang makita ang isang pakete ng mga binhi na inabot ni AJ.
“Basta. Itanim mo, at tignan natin kung ano ang magiging bunga niyan. ‘Di ba uso ‘yan ngayon, ‘yong mga may pa-emeng genetically-modified? Sabi sa likod ng pakete, iba-iba raw, depende sa nagtatanim at nag-aalaga, ang tumutubo. Mabilis daw ang tubo nito, pero kailangan mo raw diligan kada labindalawang oras. ‘Di ko alam kung maniniwala ka, pero wala namang mawawala, ‘di ba? At saka mabilis na ang advancement sa research at technology nitong mga nakaraang buwan, kaya malay mo naman.”
Kinuha ni Joy ang pakete at binuksan. Natawa siya dahil pareho ang itsura ng apat na binhi sa iniinom niyang gamot. Pumunta siya sa may terrace at itinanim niya ang mga ito sa kanyang lumang paso, at diniligan.
Maya-maya ay kumuha ng dalawang silya si AJ at inilagay sa may terrace, habang inilabas naman ni Joy ang ilang pakete ng sitsirya at isa’t kalahating litrong bote ng naka-ref na softdrinks—pamalit sa alak na dati nilang pinagsaluhan sa terrace na ito, dalawang taon na ang nakalilipas.
Unang umupo si Joy sa isa sa mga silya sabay tingin sa mga gusaling tumutusok sa kalangitan ng Maynila, at saka siya tinabihan ni AJ sa katabing silya, at ipinatong ang mga pagkain at inumin sa maliit na mesa sa harap nila.
“Alam mo, ilang beses ko na rin ‘tong tinanong, pero paano ko kaya nakaya ‘yon noon?” ika ni Joy.
“Nakaya ang ano?” tanong ni AJ.
“Kasi, ‘di ba, simula noong bata pa ako, bihira ko talagang nakakasama ang mga magulang ko, dahil sa trabaho nila. Lagi ko silang iniiyakan tuwing aalis sila ng bahay. Pero kahit gano’n, hindi naman ako nagkaproblema sa pag-aaral, hindi rin ako nagtanim ng sama ng loob sa kanila. Paano ko nagawa ‘yon?” sagot ni Joy.
Tahimik lang na nakinig si AJ, habang umiinom ng softdrinks.
“Pero bakit ngayong tumanda ako, ngayong nasa kolehiyo na ako, kung kailan dapat mature na ako, bakit parang ngayon ko pa hinahanap-hanap ang pag-aalaga ng mga magulang ko sa araw-araw? Ngayon pa ako nagiging delingkwenteng estudyante?” dagdag ni Joy.
“Sigurado akong naiinis din sina Tito at Tita na hindi ka nila masamahan sa araw-araw, lalo na sa mga panahon na pinakakailangan mo ng pagdamay at gabay nila,” sagot ni AJ.
“Pero hindi naman talaga ako kina Mama naiinis eh. Alam mo ‘yon, mataas naman, kahit papaano, ang kumpiyansa ko sa sarili ko bago ako pumasok sa kolehiyo. Hindi ko lang inasahan na sisirain ng kolehiyong ito ang kumpiyansang ‘yon, at tila sinamantala pang wala ang mga magulang ko sa tabi ko kung kailan nila ginawa ‘yon.”
Natahimik ulit si AJ.
“Hindi ba nila nage-gets na hindi lang sa atin nakasalalay ang pagpapanatili ng prestige na ‘yan? Masyado nilang dinidiin sa atin ang responsibilidad na ‘yan, hanggang sa umabot sa pag-alis na lang ng iba sa atin. May ambag din dapat sila, ‘di ba? Lalo na sa pag-e-encourage ng mga estudyante,” tanong ni Joy.
“Joy…”
“Aminin mo, AJ. Hindi lang naman ako ang nagkakaganito sa mga estudyante nila, ah? Ang dami-dami namin—nating nagpapakonsulta sa Ward 7, at ang dami na ring naunang umalis. Bilib nga ako sa’yo, at nasisikmura mo pang manatili sa pasismo rito.”
Ngumiti nang bahagya si AJ, pero nararamdaman na niyang nangingilid ang kanyang mga luha.
“Mas bilib ako sa’yo, Joy, dahil may tapang at lakas ng loob kang umalis sa lugar kung saan hindi ka pinapahalagahan, para magsimulang muli, at harapin kung ano man, kahit hindi tiyak, ang mangyayari pagkatapos mong mag-LOA. Eh ako, nandito na rin ako, eh. Masyado na sigurong mahina ang loob ko para sumabak pa sa walang kasiguraduhan. Sabi rin ng mga magulang ko, bakit hindi ko na lang tapusin, kaunti na lang naman na.”
Napatingin si Joy kay AJ at napansing naluluha na siya. Tumayo siya, saka nilapitan at niyakap ang matalik na kaibigan. Niyakap naman pabalik ni AJ si Joy.
“Magkaiba man ang landas na pinili nating tahakin magmula sa puntong ito, pareho tayong matapang sa desisyong manatili o umalis,” ani Joy.
Nagkuwentuhan pa hanggang sa magdamag ang magkaibigan. Nanatili si AJ sa condo ni Joy nang matagal-tagal, dahil napansin niyang nararamdaman na naman ni Joy na mag-isa ito, lalo na at hindi ito tumawag kagabi pagkatapos ng kanyang therapy. Sa kalagitnaan ng pagdadrama ay naalala ni Joy na kailangan niyang diligan ang halamang katatanim lamang. Kumuha siya ng baso at nilagyan ito ng tubig, habang nagpupunas pa ng luha mula sa kanyang pisngi. Hindi niya namalayang natalsikan ng luha ang tubig na iniipon sa baso. Nang mangalahati ang baso ay binuhos na niya lahat ng ito sa paso. Maya-maya ay dinadalaw na rin ng antok si Joy, at pumasok na sila ni AJ sa condo
“Sige AJ, salamat sa pakikinig. Uwi ka na, ginabi ka na dahil sa akin.”
“Okay lang, salamat din. Matulog ka na. Hindi ako aalis hangga’t hindi kita nakikitang tulog.”
“Opo, ito na po. Bisita ka lang ulit dito ‘pag kailangan mo ako, ah?” ani Joy habang pumipirmi sa kama at nagkukumot.
Humiga na sa kanyang sofa bed si Joy at nakatulog, habang inaayos ni AJ ang kanyang mga gamit. Bago siya umalis, natanaw niya ang paso sa may terrace na para bang may tumutubo na. Agad niya itong nilapitan.
“Hala totoo? Ang bilis naman nito tumubo!”
Akala niya ay namamalikmata lamang siya sa antok, at hindi siya naniwala nang buong loob sa nakasulat sa pakete nito, pero tumubo na nga ito. Mayroon itong apat na tangkay mula sa lupa na nagtagpo sa isang malaking hugis bilugan na kulay luntian sa ibabaw ng mga ito. Mayroong isa pang tangkay na nagmumula sa likod ng mala-bilog na tila kumakaway sa kanya. Kung titingnan sa kabuuan, kahugis nito ang isang hayop na may apat na paa.
“Alagaan mo si Joy, ha?” ani AJ, tila naniniwalang siyang naririnig at nararamdaman siya nito, at saka humalik sa mala-bilog na katawan nito.
Bumilis ang kaway ng tangkay na nasa likuran. Napangiti si AJ, hanggang sa tumalikod na siya at tuluyan nang umuwi, habang tila sinusundan siya ng pagharap ng halaman.
Kinabukasan ay napansin agad ni Joy ang kanyang tanim. Hugis-bilugan ito na may apat na tangkay sa baba na tila mga paa, may isang tangkay sa likod na tila buntot, at may mas maliit na mala-bilog sa harap na may medyo patulis na parte, tila isang ulo na may nguso.
“Uy, ayos ‘to, ah. Aso?”
Walang-palyang diniligan ni Joy, ayon sa sinabi ni AJ, ang halaman nang sumunod na mga araw hanggang sa unti-unting nagpalit ng kulay mula luntian hanggang kayumanggi ang kulay ng bunga, at nangkakaroon na ng mga uwang na naging bibig at mga lalagyan ng mata sa mas maliit na bilog sa harap. Tila naiinip na siya at nais na niyang pitasin ang magiging alagang aso.
“Hay, ilang bukas pa ba ang natitira para makita mo ako? Sabik na akong mahawakan ka…hmm…Ligaya? Sige, Ligaya na lang din ang ipapangalan ko sa iyo.”
Natulog si Joy noong gabing iyon. Kinabukasan ay ginising siya ng tunog ng pagkiskis sa kanyang sofa bed. Nang buksan ang mga mata at lumingon sa gilid ng kama ay nakita niya ang pamilyar na hugis.
“Li…Ligaya? Ikaw na ba ‘yan?”
Binuhat ni Joy ang aso at niyakap. Kinuha niya ang kanyang cell phone para balitaan si AJ, pero hindi ito sumasagot sa kanyang tawag, kaya nag-text na lamang siya.
Joy: AJ!!! What time matatapos class mo today? Text mo ‘ko, ah?
Maya-maya’y naalala niyang may therapy session siya ngayong araw. Naghanda na siya para sa lakad. Nang kailangan na niyang umalis, nasa may pinto na siya nang dahan-dahan siyang sinundan ni Ligaya na tila malungkot ang mga mata.
“Huwag kang mag-alala, babalik din ako agad, at sana kasama ko si AJ, para makilala mo na rin siya! Magpakabait ka, ha?”
Malungkot pa rin ang mga mata ni Ligaya, pero kumakaway pa rin nang mabilis ang buntot nito, tila umaasang babalik nga agad si Joy. Pumunta na sa clinic si Joy, at hinarap ang therapist.
“Nakapag-isip ka na ba, Joy?”
“Tinuloy ko na po. Mas maraming oras pa po ang masasayang kapag pinatagal ko pa.”
“Sigurado ka ba talaga, 100%?”
“Opo, 200% pa nga po. Doc, magdadalawang taon ko nang nira-rant ‘to sa’yo, siguro naman po, ano?”
Natahimik ang duktor, at tinanggap na desidido nga si Joy sa nais niyang mangyari. Titigil muna siya sa pag-aaral para makapagpahinga at makapag-isip. Pero pakiramdam ni Joy ay hindi pa rin sumasang-ayon ang duktor.
Matapos ang session, gano’n pa rin. Binigyan si Joy ng reseta ng duktor bago siya umalis. Dumiretso si Joy sa botika, bumili ng gamot, at umuwi.
Pagdating sa pinto ng condo ay naalalang nag-aabang sa kanya ang alaga. Kahit tila bagot si Joy (lagi naman) pagkatapos ng therapy session, nasiyahan siya nang makita ang alaga na sabik na sabik sa pag-uwi niya. Kaagad niyang binuhat ang alaga, niyakap at nilambing. Pagdating ng pasado a las kuwatro ay nag-text si Joy kay AJ.
Joy: AJ! Saan ka? May class ka pa? Tapos na therapy ko today. Punta ka sa condo ‘pag free ka. See you (hopefully!!)!
Matapos ang ilang minuto ay nag-reply si AJ kay Joy.
AJ: Hello, Joy! Katatapos lang ng class ko, kaso may meeting kami para sa group report eh. Kumusta na ‘yong halaman?
Joy: Friend, masu-surprise ka ‘pag dinalaw mo rito! Hinog na siya!
AJ: Ay talaga? Huhu sige sige, basta this week siguro, sana makadalaw ako. ☺
Joy: Tapos ano, pinangalanan ko siyang Ligaya.
AJ: So ano, t-in-ranslate mo lang pangalan mo, gano’n?
Joy: ‘Di, ‘yon ‘yong pangalan ng mismong seeds. ‘di ba?
AJ: Ay oo nga. How original ha. Haha sige sige basta this week, promise! ☺
Joy: Okay, sige sige. Kung kailangan mo ng kasamang mag-acads, text mo lang ako, ah? See you!
Nagdaan ang ilang mga araw na magkasama sila ni Ligaya sa condo. Saksi si Ligaya sa paunti-unting pagsisimula ng mga hakbang sa pagpapabuti sa sarili si Joy. Nagsimula siyang mag-ehersisyo, tumuklas ng iba’t ibang sining bilang coping mechanism, at naghanap din ng mga posibleng pagkakaabalahan na makababawas sa kanyang stress. Hindi nga niya namalayan na dumaan ang isang linggo, at hindi nagparamdam sa kanya si AJ. Sinubukan niya itong i-text.
Joy: Hi AJ!! Kumusta? Hell week na ba? Kailangan mo ba ng kasama mag-all-nighter?
Hinintay ni Joy ang reply ni AJ buong araw ngunit walang dumating, hanggang isang hapong umiidlip siya, ginising siya ng pagtahol ni Ligaya. Nagulat siya dahil ito ang unang pagtahol ni Ligaya. Kasabay ng pagtahol ay ang pagtunog ng kanyang telepono. Tumatawag pala si AJ at hindi niya napansin.
“Hello AJ!” ani Joy.
“Hello, Joy? Si Tita Dely ito, mom ni AJ.”
“Ay, hello po, Tita. Kumusta po?”
Natigilan saglit si Tita Dely, pero ipinagpatuloy ang pagsasalita.
“I hate to break the news to you, but AJ’s gone.”
Hindi nakaimik si Joy sa narinig.
“Tita? Hindi magandang biro iyan.”
“Sana nga ay nagbibiro lamang ako, Joy.”
“Nasaan po kayo ngayon?”
Dali-daling pumunta si Joy sa bahay nila AJ, kasama si Ligaya, at may naabutan ngang lamay.
“Anong nangyari, Tita?” tanong ni Joy kay Tita Dely.
“Kinakatok namin siya kaninang umaga, dahil may pasok pa siya dapat, pero hindi siya sumasagot, at nang buksan namin ang kuwarto niya, ayon na nga, hindi na siya humihinga.”
Natahimik si Joy, at tahimik ding tumutulo ang kanyang mga luha. Hindi niya sukat-akalaing mauuna pa si AJ sa kanya.
“Oo nga pala, kaya rin ikaw ang isa sa una naming mga tinawagan dahil bukod sa ikaw ang best friend niya, nakita naming tila para sa’yo ang huling entry niya sa kanyang journal, katabi ng isang bote ng painkillers.”
Iniabot ni Tita Dely ang journal na nakabuklat sa pahina ng huling entry, at binasa ni Joy ang mensahe ng kaibigan.
“Joy! Sorry kung feeling mo minsan ay mag-isa ka na naman. Lagi mong tatandaang hindi ka kailanman nakaabala sa akin. Binilinan ko naman si Ligaya na alagaan ka, kaya sana ay tandaan mong laging may nagmamahal sa iyo, lalo na ako, at sana tuparin ni Ligaya ang bilin ko.”
Sinubukang pigilan ni Joy ang pagluha ng kanyang mga mata, pero hindi niya talaga mapigilan ang agos. Naalala niyang kasama nga pala niya si Ligaya nang bigla itong sumandal sa kanyang binti. Binuhat niya ang alaga, niyakap, at magkasama nilang sinilip si AJ sa loob ng kanyang kabaong.
“Hindi ko maintindihan kung bakit niya ginawa ‘to.” ani Tita Dely, na nasa tabi na pala nila.
“Iniisip ko pa rin sa mga huli naming pag-uusap, Tita, kung mayroon ba siyang pagpapahiwatig,” sagot naman ni Joy.
“Lagi ko naman siyang sinusubukang kumustahin. Kahit nasa iisang bubong kami nakatira ay parang wala rin siya rito dahil sa pagiging abala sa pag-aaral,” dagdag ni Tita Dely habang pabalik sa upuan sa unang hilera.
Sumunod naman si Joy at Ligaya, “Lagi ko rin po siyang itinetext, na kung kailangan niya ng kasamang mag-papers o magpuyat, tutal marami naman na po akong libreng oras pagkatapos kong mag-LOA.”
“Alam ko naman na nagpapakonsulta siya sa psychiatrist, at ang alam ko nga ay pagaling na siya, dahil pinahinto na siya ng duktor niya sa gamot.”
Nagulat si Joy at napatingin kay Tita Dely, “Po? Kailan pa po siya tumigil sa meds?”
“May tatlong buwan na siguro. Bakit?”
“Naalala ko po kasi, noong binigyan niya ako noong seeds ni Ligaya two weeks ago po yata, sinabay niya raw bilhin ‘yon ng mga gamot niya sa botika, e bakit siya bibili ng gamot kung hindi naman na pala siya nagme-meds?”
Napabuntong-hininga ang nanay ni AJ, “siguro nga, doon pa lang ay desidido na siya.”
Unti-unting naliwanagan ang isip ni Joy. Binili ni AJ ang mga painkillers kasabay ng Ligaya seeds, at umiiwas si AJ na makipagkita o makipag-usap sa kanya noong nakaraang mga araw. Baka nga, doon pa lang ay desidido na siya.
“Hanggang sa huli, ayaw na ayaw niya talagang maging pabigat,” sambit ni Tita Dely.
“Ano po ang ibig ninyong sabihin, Tita?”
“Nabanggit niyang nahihirapan na siya sa pag-aaral. Noong una niyang banggitin ito sa amin, ay sinubukan pa naman namin siyang i-encourage, na kaunti na lang ang natitirang panahon at matatapos naman na niya ang kanyang kurso.”
Tahimik lang na nakikinig si Joy, habang ipinagtatagpi sa kanyang isipan ang mga sinabi ni AJ noong huli silang nag-heart to heart talk.
“Kaso kalaunan, nakita ko na rin na talagang nahihirapan na siya. Sa pagtatapos nga sana ng semestreng ito, kapag may libreng oras na siya, ay gusto ko siyang kausapin na kung gusto niya talagang lumipat ay papalipatin ko na siya, at huwag na niyang isipin ang mga consequences at ako na ang bahala roon, kaso mukhang masyado pang naging matagal ang hinintay kong oras, at huli na ang lahat.”
Hinaplos ni Joy ang likod ng ginang, habang nararamdaman niyang pinipigil lamang nito ang pag-iyak sa harap niya.
“Tita, huwag mo sanang sisihin ang sarili mo, hindi mo kasalanan ang nangyari. Katulad nga po ng nabanggit ninyo kanina, matagal na po siyang desidido, bago pa man niya gawin ‘yon nang tuluyan.”
Napatigil din si Joy nang sandali, pinipigilan ang sariling pagluha, saka nagpatuloy.
“Magtiwala na lamang po tayo, sa desisyon man ni AJ o sa kalooban ng Diyos, na kung nasaan man siya ngayon, ay malaya na siya.”
