Chapter Text
Tumingin sa orasan si Baekhyun, mag-1:45 na ng hapon, hindi pa siya kumakain ng tanghalian para matapos ang trabahong iniutos sa kanya. Kanina pa siya palihim na nagtetext sa nobyo pero hindi nito sinasagot ang mga mensahe niya. Di na nga siya pinayagan mag leave, yung halfday niya maaberya pa. Di pa naman kasi siya lisensyadong Psychometrician, kaya assistant lang siya sa Recruitment department ng kumpanyang pinagtatatrabahuhan niya. Sayang ang pera pang review, sayang ang pera pang asikaso sa boards, mas inuna niya ang tuition ng kapatid, at tulong pinansyal sa ate niyang tumigil magtrabaho dahil maselan ang pagbubuntis sa ikalawang anak. Ilang beses na kasi nakunan ito at ayaw na ni Baekhyun makitang ganun kalungkot at nasasaktan ang ate kaya gusto niyang matulungan ito sa lahat ng makakaya niya.
Si Chanyeol, maswerte dahil nagwwork siya sa family business nila. Workaholic pero may work-life balance. Kaya nung sinabi ni Jaemin na Valedictorian siya, agad na nagfile ng leave ang magnobyo. Hindi nila pwede palagpasin ito. Para narin nilang anak si Jaemin. Si Baekhyun ang nagpapaaral dito, at bawat buwan, binibigyan ni Chanyeol palihim ng pera ang bata para naman makatulong kay Baekhyun. Pero sikreto lang natin yun. Si Baekhyun ay sobrang mapagmahal sa pamilya. Selfless kumbaga. Loko nga ng mga kabarkada nila na kung walang Chanyeol tatandang binata ito kaka-alaga sa pamilya. Halos magkanda kuba na sa trabaho, minsan suma-sideline pa maging test administrator sa national tests para dagdag pera na maibibigay sa pamilya.
“Hello B? San ka na, andito na kami sa loob ng venue.” Pabulong na sinagot ni Chanyeol sa unang ring ng tawag ng nobyo.
“Shit nandyan ka na? Papadaanan ko sana yung bouquet na inorder ko. Chaka di ko pa nacoconfirm yung reservation sa restaurant mamaya.”
Narinig ni Chanyeol ang pagsinghot ng nagaalalang minamahal. Hay nako ang baby kong iyakin.
“Okay na, nadaanan ko ang bulaklak at natawagan ko ng personal, hindi ni Lia yung restaurant kanina. Kaya sabi ko sa’yo good move yung pagsync ng calendar mo sa cellphone ko eh. Para kahit to do list mo, kaya kong ma-check at matulungan kita kung kaya. B, hinga ka lang. I got it covered. Basta umabot ka lang. Ikaw ang magsasabit ng medal sa kapatid mo.”
Sabay silang napangiti kahit di naman nakikita dahil di naman sila nakavideo chat. Si Baekhyun na gusto pa makatipid hangga’t makakaya at nag-aabang na ng fx papunta sa graduation venue. Pero pag-ibig nga naman, nagkakamental telepathy ang jowa kaya’t sinabi ni Chanyeol na “mag-Grab ka na, kahit yung pinakamahal, gamitin mo yung credit card natin pangbayad.” Sasagot pa sana ng “Pero” si Baekhyun pero nagmamadali na siya at ginawa nalang niya ito.
*Pagkatapos ng graduation*
Nagkainan ang pamilya Byun sa isang eat all you can restaurant. Si Chanyeol ang nag-aya, pero ayaw na ayaw ni Baekhyun na maglalabas ng pera si Chanyeol para sa pamilya niya. Kaya naman niya eh, kinakaya niya . Hinahayaan niya ang nobyo ibigay ang mga luhong gusto niya pero di kailangan, ang mga mamahaling gamit, damit, pagkain, at lahat ng gastos sa kanilang condo, hinahayaan niyang sagutin ito ni Chanyeol para maiwasan ang alitan. Para din maiwasan na tanungin siya ulit ni Chanyeol ng isang tanong na minsa’y nasagot na niya pero hindi pa ata siyang handa na harapin ulit.
Laking gulat ni Baekhyun pagdating sa kainan ay dinala sila sa isang pribadong kwarto at pagbukas ng pinto ay nandoon ang malalapit niyang mga kamaganak. Yung mga pinsan, tito, tita, lolo at lola na tuwing Pasko at piyesta lang niya nakikita bawat taon. Nanlaki ang mata ni Baekhyun at bago pa niya kalkulahin sa utak niya kung magkano ang dagdag gastusin dahil off budget na ito, binulungan siya ng nobyo ng “I invited them. Kanina nung tumawag ako naginquire ako kung may good for 7 na table, e waiting lang daw ang option, walang assurance na makakapasok tayo, kaya tinanong ko kung may private room, good for 20 kaya inaya ko na sila.”
Tinitigan lang ni Baekhyun ang nobyo, hindi niya pa alam kung maiinis siya o magagalit. Chanyeol Park and his ways nga naman. “At tsaka, gusto nila nanay na maipagyabang na valedictorian si Nana, ikasasaya niya yan, gusto mo naman masaya siya diba?” Itong si Chanyeol, kilalang-kilala na talaga ang nobyo, kayang-kaya niya manipulahin pero para naman sa ikabubuti.
“Sinong nagdesign dito?” Naglalakad na sa uupuan nila ang magkasintahan nang napansin ni Baekhyun na todo ang graduation theme ng kwarto.
“Uh, si Lia?” Sagot ni Chanyeol na pa-inosente pa.
Si Lia ang longtime secretary ni Chanyeol. Kadalasan kakampi ito ni Baekhyun sa pagtitipid niya, pero basta kahit anong tungkol kay Baekhyun at sa kapakanan niya at kanyang pamilya, team Chanyeol ang secretarya, “Akala ko ba di ka humingi ng tulong kay Lia?” Pabulong pero nilalakihan na ni Baekhyun ng mata ang matangkad na nobyo. Aba cool na cool pa ito!
“Ang sabi ko, ako ang tumawag to reserve. Di ko sinabing di ako nagpatulong. At siya nagpresenta, hindi naman ako. Alam mo naman pag halfday ako, pinaghahalfday ko rin siya. Ayaw pa umuwi, kaya naisipang designan ito.” Bago pa magsungit ulit si Baekhyun inakbayan siya ni Chanyeol para mapalapit ito sa kanya sabay halik sa bumbunan.
Sa simpleng aktong ito, napawi ang pagsusungit ni Baekhyun at nagpasalamat nalang sa nobyo. “I love you, Champ. Thank you, di ko alam gagawin ko kung wala ka.” Yumakap din ito sa nobyo at nakahinga na silang dalawa ng malalim.
Maingay man dahil sa kwentuhan ng pamilya, nagkakasiyahan naman ang mga ito habang kumakain. Ang paboritong tita ni Baekhyun na si Tita Luz, na siya ring nagmamayari ng tinitirhan nila sa Maynila, at parang nanay-nanayan ng lahat ng magpipinsan dahil mas pinili nitong hindi mag-asawa. Pero pinaka protective siya sa inaanak na si Baekhyun dahil nakikita nito ang sarili sa kanya dahil inaalay ang katawan at kaluluwa sa trabaho para lang sa pamilya. Kaya naman ng nalamang nakahanap ito ng isang gwapong nobyo, agad itong kinilatis kung sapat ba siya para sa paborito niyang si Buchi .
Madali naman nahulog ang loob ng pamilya ni Baekhyun kay Chanyeol. Ang malungkot lang ay kahit kailan di pa nila nakikita ang pamilya nito. Natutukoy ang pamilya pero hindi pinaguusapan. Hindi tuloy alam ni Tita Luz kung anong problema, ang daming tumatakbo sa isipan niya, may pamilyang ba itong si Chanyeol? O di kaya, tago sa pamilya niyang lalaki din ang mahal nito? Palaisipan sa pamilya Byun kung bakit sa halos 10 taon na magkarelasyon ni Chanyeol at Baekhyun ay wala silang nakilalang kapamilya ni Chanyeol. Family business ang hinahawakan ni Chanyeol, pero isang branch ang hawak niya kaya di niya nakakasalamuha ang mga kapamilya.
Sumubo ng kanin na may balat ng lecho na pinagbudburan ng Mang Tomas si Chanyeol nang nagtanong ang Tita Luz “‘Nak, magsampung taon na kayo magkasama ng Buchikoy, wala pa ba kayong planong mag-isang dibdib?”
Halos mabuga ni Baekhyun ang iniinom na mango shake. Buti nalang malaki ang naisubo ni Chanyeol dahil pinakita niya talagang nginunguya pa niya ito (binagalan niya para makapag-isip siya ng sagot). Uminom muna siya ng tubig at nakabuka na ang kanyang bibig para magsabi ng panibagong excuse, pero nauna na si Baekhyun magsabi ng “Ninang, iisang bubong, at nag-iisang dibdib na naman kami. Mahal magpakasal, ang importante, magkasama kaming dalawa, at masaya. Diba Champ?”
Tumango nalang si Chanyeol at inakbayan ang nobyo. Sa tuwing ito ang tanong, hinahayaan niyang si Baekhyun ang sumagot dahil sa kanya naman talaga manggagaling ang sagot dapat. Nakapagtanong na dati si Chanyeol at na kay Baekhyun ang alas.
Hinatid na ng magnobyo ang pamilya ni Baekhyun pauwi. Sa kanila muna tutuloy si Baekhyun dahil naglambing ang kanilang bunso na namimiss na raw niya makabonding ang kuya. Lagi kasing subsob sa trabaho, at paminsan uuwi nga sa kanila pag linggo, para naman tumulong sa maliit na eatery nila.
Pagkababa ng mga gamit, humalik sa noo si Chanyeol at nagpaalam na kay Baekhyun. “Sunduin kita pag uuwi ka na ha? Love you, B” sabay yakap ng mahigpit.
“O kuya, si Kuya Champ, hindi dito matutulog?” Nagtatakang tanong ng bunsong kapatid.
“Hindi tayo kasya, san natin siya isisiksik dito?” Natatawang sagot ni Baekhyun.
“Ay sayang, gusto ko pa naman maglaro ng PUBG kalaro kayong dalawa, tapos sabi kasi niya magjajamming kami gamit yung bago kong gitara na regalo ni Tito Choi sakin.” Hala mukang nalungkot nga ang baby bunso ni Baekhyun. Kahit kailan ayaw niya makitang malungkot ang kahit sinong mahal niya sa buhay.
“O siya, sandali, di pa ata nakakaandar yung kotse, hahabulin ko na po, mahal na prinsipe” Naabutan niyang nagtatapon ng basura nila si Chanyeol sa lagayan, oras na kasi ng pagpickup ng basura, kaya nilabas narin niya.
“Champ, park mo na yan dito sa tapat, dito ka narin matulog, yung lambing ni bunso, abot sa’yo”. Agad naman napangiti na kita pa ang dimples ang nobyo. Halatang natuwa sa narinig.
“May damit ako sa kotse, sandali kukunin ko.” Patalikod na dapat siya ng bigla na siyang hinila ni Baekhyun papasok.
“May mga damit pa ako dito, na damit mo naman talaga, kaya halika na, wag mo nang antayin magtamporurut si Jaemin sa’yo.”
Pagkatapos maglinis ang magbihis ng pambahay, napagpasyahan ng tatlo na sa sala maglaro. Nagluto din ng chilimansi pansit canton si Chanyeol para sa kanilang tatlo. Nakakagutom kaya maglaro!
“Kuya Champ, naglalaro ba kayong ganto sa condo niyo?”
“Ako naglalaro, pero kuya mo, hindi masyado kasi laging busy sa trabaho”
“Kuya, sorry, dahil samin di ka nakakapahinga. Wag ka mag-alala, pag doctor na ako, di niyo na lahat kailangan magtrabaho, ako na ang gagastos para sa ating lahat!”
“Naku, ikaw talaga! Bago ka pa umabot doon, mag-aral ka muna mabuti. Wag mo akong isipin, kaya ko pa naman. Basta ikaw, unahin mo sarili mo ha? Di naman namin hinihiling na sustentuhan mo kami, basta maabot mo lang ang pangarap mo, masaya na kami.”
“Ay si kuya nagsalita! Lagi din yan sinasabi ni mama sayo, pero ano? Nagbibigay ka parin sa amin!”
“E siyempre, pamilya ko kayo eh!”
“Ang swerte niyo sa isa’t isa mga kuya, ang alaga niyo sa amin, paano pa kaya kung may sarili na kayong pamilya!” Natigilan ang mag nobyo at naramdaman naman agad ni Jaemin ang paninigas ng dalawa dahil di alam ang isasagot. Sabay bawi naman siya na “Pero wag kayong makikinig o magpapaapekto sa mga boomers! Lalo na sa mga kamag-anak natin. Bakit ba nila kayong minamadali magpakasal e magkasama na naman kayo diba?”
“Ay nako, pag valedictorian nga naman ang daming alam!” Sabay subo ng pandesal ni Baekhyun sa bunsong kapatid. “Magtitimpla ako ng juice, diyan muna kayong dalawa.”
Nang nakasiguardo na si Jaemin na nasa kusina na ang kuya niya, lumapit at sumiksik ito kay Chanyeol at bumulong ng “Kuya Champ, wag mong papakawalan si Kuya Baekhyun ha! Sana hindi ka magsawang mahalin siya. Di lang yun lagi nagsasabi sa’yo, pero samin, proud na proud yun na mahal ka niya.” Kinilig naman si Chanyeol, dahil oo, hindi nga ganun kasweet ang nobyo, marahil dahil sampung taon na rin silang magkasama. Hindi sila pareho ng paraan ng pagpapakita ng pagmamahal, pero alam niyang mahal siya nito.
Malayo na ang narating ng iniisip ni Chanyeol, kaya nagulat siya nang may dagdag pang hirit si Jaemin sa kanya. “Kung dumating yung araw na gusto mo na siya pakasalan, ako ang una mong sabihan, ako bahala sa’yo! Hindi yun makakahindi sa ating dalawa! Baekhyun best boys!” Natawa ng malakas si Jaemin, bunga ng excitement kapag dumating na ang araw na iyon. Ang hindi niya alam, tapos na, lipas na, nagawa na ng Kuya Champ niya ang ayaing magpakasal ang Kuya Baekhyun niya.
2012
Mag-iisang taon na ang nakalipas nang makatapos sila sa kolehiyo. Parehas mataas ang pangarap at kita ang kislap ng pag-asa sa kanilang mga mata. Kasama sila sa mga maswerteng studyante na nakahanap agad nang disenteng trabaho na may maayos na sweldo para sa mga baguhang katulad nila.
Si Baekhyun nag-umpisa bilang isang HR associate sa isang kumpanya. Si Chanyeol naman, isang management trainee sa business ng malayong kamag-anak niya. May sari-sarili mang pangarap, nagmamahalan at nagkakaintindihan naman ang dalawa. Ang hindi alam ni Chanyeol ay ang pinaghahandaan niyang kinabukasan nila ay hindi niya madaling makukuha dahil sa daming personal na plano ng nobyo na magbabalakid sa kanilang pagsama.
Inaya ni Chanyeol si Baekhyun kumain sa isang mamahaling restaurant dahil ipagdiriwang nila ang unang taon sa trabaho. Napromote kasi si Chanyeol bilang Junior Manager, at ito na yata ang hudyat na inaantay niya para maglakas loob tanungin ang nobyo kung pwede na silang humantong sa susunod na hakbang sa kanilang relasyo.
Maulan noong gabing iyon, Biyernes, sweldo, at walang pasok sa Lunes, kaya isipin niyo na lamang kung gaano ka-traffic. Si Baekhyun manggagaling pa sa trabaho niya sa BGC, habang si Chanyeol ay alas-singko palang ay naghahanda na sa kakainan nila sa Rockwell. Hangga’t sa makakaya, ayaw na ayaw ni Baekhyun na magpasundo kay Chanyeol dahil “aksaya sa gas, ipunin mo nalang yung pera”, yan ang lagi nitong sinasabi. Kaya’t kahit gaano kahirap makahanap ng masasakyan papuntang Makati, hindi nagpasundo si Baekhyun sa nobyo.
Nang makarating sa restauarant, walang pinakitang pagkadismaya si Chanyeol kahit halos isang kalahating oras naipit sa traffic ang kanyang mahal. Nanginginig niyang iniabot ang isang pulang rosas, at dinala sa kanilang lamesa.
Nung nagtext si Baekhyun ng “Traffic Champ, will be late, sorry. Ako na magbabayad ng dinner, pambawi” nagreply nalang si Chanyeol ng “okay, I’ll just be here”. Dahil sa apat na taon nilang magkasama, isa sa natutunan niya ay ayaw na ayaw ni Baekhyun na nakakaaberya ng ibang tao. Gustuhin man niya itext ito bawat sandali para itanong kung nasaan na siya, o di kaya sabihing “libre ko to eh, di mo kailangang bayaran” , alam niyang mas makakadagdag alala lang ito para dito kaya pinigilan niya ang kanyang sarili.
At sa gabing iyon, si Baekhyun ang importante, ang ang magiging sagot niya.
Habang kumakain ng hapunin, binaba ni Chanyeol ang hawak niyang kubyertos, uminom ng wine at humingang malalim. Ito na ang tamang panahon.
“B, naka 1 year na tayong nagta-trabaho! How was the past year for you?” Excited si Chanyeol. Dahil nirason niyang 1 year work celebration ito, gusto niyang umpisahan ang speech niya tungkol dito.
Ngumiti ng pahapyaw ni Baekhyun at pinaglalaruan nalang ang Strawberry cheesecake sa harapan niya. “To be honest, I just feel tired.”
Patay, hindi ata ito ang tamang oras? Kinabahan si Chanyeol. Pero nagising siya kaninang umaga at napagdesisyunan niyang its now or never, KAYA ITUTULOY PA RIN NIYA.
Mahal na mahal niya si Baekhyun, kaya kung kailangan nitong maglabas ng hinaing ngayon, papakinggan niya muna.
Hindi nagsalita si Chanyeol pero ang buong atensyon nito ay na kay Baekhyun, kaya’t nagpatuloy magsalita ito. “Nakapagboard exam na yung mga batchmates ko, licensed Psychometricians na sila, pero ako, ito, nagtatatrabaho din naman gaya nila, pero walang RPsy sa dulo ng pangalan” sabay buntong-hininga. “Kinausap ako ng boss ko nung isang araw, I have a lot of potential daw, kaso hindi niya ako mabigyan ng position kasi dapat lisensyado ako.”
Naintindihan naman ni Chanyeol ang hinaing ng nobyo, pero natatakot din siyang magsalita dahil alam niyang una pa lamang wala naman itong choice, at ayaw niyang kaawaan siya para sa mga napili niyang mga desisyon.
“Baka nga hindi ito ang tamang oras para sabihing napromote ako”, naisip ni Chanyeol habang nakitang nangingilid ang luha ng kanyang mahal na si Baekhyun. Ngayon lang niya nakita ang bakas ng pagod sa mukha nito na kanina’y di niya agad napansin, marahil dahil iniisip niya ang kailangan niyang gawin ngayong gabi.
Sumubo ng isang malaking kutsarita ng cheesecake si Baekhyun bago nagsalita muli. “Champ, si Jaemin nagsabi, gusto niyang mag Medicine.”
Wow palang ang nasasabi ni Chanyeol, pero dinugtungan na agad ni Baekhyun nang “kaya ko ba siya paaralin ng medisina? Matinding kayod pa yun! At tsaka si Kuya, natanggal sa trabaho dito. Manganganak na si Ate sa pangalawa nilang anak. Di naman kaya nila mama at papang yun, kaya kailangan ko tumulong.”
Nahiya si Chanyeol dahil ang bigat bigat na pala ng nararamdaman ni Baekhyun, samantalang siya, halos isang buwan niyang pinaghandaan ang gabing ito. Mahal niya ito, kaya gusto niyang makatulong.
“B, alam mong mahal kita diba? At parang pamilya ko narin ang pamilya mo. Gusto kong hatian ka sa lahat ng problema mo…”
“Pero—“ Alam na ni Chanyeol na tututol si Baekhyun, kaya’t inunahan nalang niya ito.
“Marry me, share your burdens with me, we’ll get through everything together.” Sabay tulak ng isang maliit na kahon palapit kay Baekhyun.
Nakakabinging katahimikan. Tanging naririnig lang ni Chanyeol ay ang malakas na pagtibok ng kanyang dibdib. Nawala ang biyolin na tumutugtog sa kanilang gilid, nawala ang malakas na ulan sa labas at ang busina ng mga kotse sa kalsada.
“Di mo ba narinig sinabi ko, Champ? Medicine - si Jaemin, si Kuya, walang trabaho. Sila mama, malapit na maging senior citizen, pero nagaasikaso parin sa eatery. Ang dami ko pang kailangan gawin sa pamilya ko, at ayaw kitang idamay sa problema namin. So I am really so, I can’t marry you now, NOT YET.”
Niyakap nalang ng mahigpit ni Chanyeol si Baekhyun dahil hindi pa niya lubos na naproseso ang nangayari. Hindi naman sila nagbreak diba? Humindi lang naman ito sa proposal niya.
Wag daw muna ngayon, pero kailan?
Hanggang kailan ang validity ng not yet?
Walang pinagsabihan si Baekhyun sa naganap noong gabing iyon. Pero kinakain siya ng konsensya niya sa paghindi kay Chanyeol. Kaya bilang pambawi, pumayag siyang magsama na sila sa iisang bubong. College palang ay inaya narin naman siya nitong magsama, pero dahil nasa labas lang ng university ang bahay nila Baekhyun naisip niyang para saan pa ang pagsama kung halos magkapitbahay lang naman sila?
Pang limang taon na nilang magkasama nang opisyal na lumipat si Baekhyun sa condo ni Chanyeol sa Taguig, kung saan malapit ang pinagtatrabahuhan nilang dalawa. Sa wakas, mas magkakaoras na silang dalawa, kaya sobrang saya ni Chanyeol noong mga unang buwan nila sa iisang bubong. Pero di nagtagal, ang oras na di kayang ibuhos ni Baekhyun sa pamilya ay pinupunan niya ng mga materyal na bagay… at para mabigay ito, kinakailangan niyang magovertime palagi sa trabaho.
Iisang condo nakatira pero kadalasan mag-isa din naghahapunan si Chanyeol. Minsan na ngang nabiro ni Jongdae na “bedspacer lang ba siya sa bahay mo? Umuuwi lang para matulog eh.” Syempre pinagtanggol naman ni Chanyeol ang nobyo, pero sa loob-loob niya, makirot dahil buti pa ang bedspacer, pag walang trabaho nakikihalubilo sa may ari ng bahay, e si Baekhyun? Hay nalang ang masasabi ng ating bida.
“Champ, nagpapatulong si Jaemin para sa feasibility study niya, baka doon na ako matulog ngayong gabi”
“Chan, si ate, may bagong sideline, di nagpaawat, alam namang maselan ang pagbubuntis niya. Pupuntahan namin siya ni Mama sa Linggo, tutulong kami.”
“Sa weekend, toka ako sa eatery kasi uuwi ng probinsya sila Papang.”
Sanay na sanay na si Chanyeol sa mga excuse ni Baekhyun. Mas magugulat pa nga siya kung magtext ito isang araw at sabihing uuwi ito ng maaga at sabay silang maghahapunan.
Ayaw naman magreklamo ni Chanyeol dahil nung una pa lamang ay alam na niya ang pinasok niya. Ginusto niyang magmahal ng taong mahal ang pamilya e, edi ganun na nga ang nangyayari ngayon. Ang gusto lang naman niya ang ibahagi ng nobyo sa kanya ang hirap, na hayaan siyang tumulong. Para ano pa’t nagsama sila kung hindi naman talaga niya nakakapiling si Baekhyun kung kailan niya gusto.
