Work Text:
.
.
.
Ang kanto siguro nila tignan, naisip ni Shoko habang binuga ang usok mula sa kaniyang mga labi. Katabi niya ang bente anyos niyang nakatatanda. Habang siya ay naninigarilyo, si Utahime naman ay naglalasing. Simula noong ika-bente anyos niyang kaarawan, para bang araw-araw siya umiinom. Gusto niya sana pagsabihan kaibigan niya, pero sino siya para pagsabihan si Utahime na tigilan ang bisyo niya kung siya mismo, hindi tumigil sa paninigarilyo kahit ilang beses siyang pagsabihan.
Quits na siguro sila ngayon, kunot-noong inisip ni Shoko.
"Kamusta na siya?" Tinanong siya ni Utahime, tahimik at mahina ang boses niya; mga mata niya'y nakatingin lang sa lata ng serbesang iniinom niya.
Nakaupo silang dalawa sa gilid ng 7-Eleven, sa bangketa nito. Malapit na maghatinggabi. At kada may papasok sa tindahan, gulat na napapatingin ang mga mamimili sa kanila at biglaang napapatakbo papalayo.
Astig siguro nila tignan, mapait na inisip ni Utahime. Saan ka ba naman makakakita ng naka-uniporme ng pan-hayskul na naninigarilyo, na ang lalim-lalim at ang itim-itim ng mga lowat, na napaka-putla ng pisngi at nakakunot ang noo.
Naisip din niya na hindi rin siguro siya katuwatuwang tignan. Suot-suot pa rin niya ang duguan niyang uniporme, ang kaniyang gutay-gutay na hakama.
Duguan pa rin ba pisngi niya? Napaisip siya ng nakasimangot. Nagtataka, kinalmot niya ang gilid ng kaniyang mukha. At nang makita niya ang tuyong dugo na kumaltas mula sa kaniyang pisngi, walang-bahala niyang inisip na - oo, duguan pa pala siya. At linaklak lang uli niya ang kaniyang serbesa.
"Bakit ayaw mo na lang siya diretsuhin?" Sinipsip ni Shoko ang malamig na hanging dala ng nicotine, ng sigarilyo niya, kada higop, napapalagay ang kaniyang loob, natatahimik ang kaniyang mga pangamba.
Tinaas ni Shoko ang kilay niya nang walang sinagot si Utahime, nang nanahimik lang ang kaniyang kaibigan.
"Matagal-tagal mo na siyang iniiwasan." Sabi ni Shoko ng diretso. "Bakit?" Tinanong niya.
At napabuntong-hininga si Utahime sa tabi niya.
"Tapos na ako." Sabi nito. "Ayoko nang problemahin pa mga kalokohan niya."
"Ayoko na siyang isipin." Tahimik niyang sinabi, tapat. "Bahala na siya sa buhay niya." Uli siya napabuntong-hininga; at pinigilan niya ang pagkunot ng noo niya, ang pagtulo ng mga luhang akala niya matagal nang nanuyo.
Ang tagal na niyang umiiyak. Inis niyang inisip nang agad niyang pinunasan ang mukha niya gamit ng kaniyang maruming kamay. Ang dami na niyang naiyak. Pero bakit ang dami pa rin niyang luhang iniiyak.
Tama na. Tinago niya ang mukha niya sa kaniyang malalamig na mga kamay; nanginig, tuluyan nang umiyak. Ayaw ko nang umiyak. Nakiusap siya sa sarili niya, desperado, dismayado. Pagod na akong umiyak.
At nang yinakap siya ng kaibigan niya, nang tinago ni Shoko ang mga iyak niya sa kaniyang yakap, inis, galit sa sarili na tinanong ni Utahime sa kaibigan niya - "Bakit ko siya iniiyakan, Shoko?" Nanginginig siya sa kakaiyak. "Ang gago niya sa'kin." Iyak niya.
"Pero lagi ko siyang iniisip. Lagi ko siyang iniiyakan." Ang sakit. Ang sakit ng lalamunan niya kakahikbi, ang hapdi ng kirot ng dibdib niya kakaisip sa kaniya.
"Ayoko na, Shoko. Ayoko na siyang iyakan."
Tahimik lang si Shoko sa tabi niya, tahimik na nagdadalamhati, tahimik habang sinubukan niyang itahan ang mga iyak ni Utahime.
Ilang araw, ilang linggo na ang lumipas mula noong tumiwalag si Suguru, mula noong umabot sa kanila ang balita ng mga sunod-sunod niyang pagpatay ng mga inosenteng tao; ng pagpaslang niya sa kaniyang mga magulang.
Mula noon, hindi magawang lumapit ni Utahime kay Satoru. Isang tingin niya lang sa kawalan sa pisngi nito, nagugunaw, nawawala ang onti niyang tapang, na lagi siyang napapatakbo palayo, nagtatago, takot na makita nito ang kaniyang mga luha. Takot na pagtawanan, pagdiskitahan, tawaging mahina ng paulit-ulit.
"Bakit niya kinailangang maging gago?" Galit na kagat ni Utahime habang siya ay naiyak. Ang swapang niya, ang gago - nang hindi niya man lang magawa siyang lapitan, nang hindi niya man lang siya madamayan sa pagpighati niya.
"Alam mo naman biro lang lahat kay Satoru." Sabi sa kaniya ni Shoko.
At nakakunot noo si Utahime, galit na sinabi - "Hindi sa akin! Hindi yun biro sa akin!"
"Ang sakit-sakit niya magsalita! Ang samasama niya lagi sa akin!"
"Hindi yun biro, Shoko!"
"Hindi yun biro sa akin!"
Nagulat siya nang natawa lang sa kaniya si Shoko. At napatahimik siya, napasimangot; ang mukha niya, basa mula sa kaniyang mga luha.
"Alam mo naman," Tawa ni Shoko. "Alam mo naman na kaya siya ganun sayo, kasi gusto ka nun."
Napatigil sa pagiyak si Utahime. At ang mga luha niya ay napalitan ng inis.
"Ano?" Higishis ni Utahime, galit at lito, pero mas galit; inis sa kuro-kuro na may gusto sa kaniya ang pinakanakakairitang tao sa balat ng lupa.
Tinawanan lang ulit siya ni Shoko.
"Hindi lang siguro yun natuto paano maging normal na tao." Ngumiti siya sa malalim na kunot ng mga kilay ni Utahime.
"Gusto ka nun." Sinabi ulit ni Shoko. Sigurado siya. Kahit hindi sabihin ni Satoru, kahit hindi niya aminin kailanman, kitang-kita nila ni Suguru kung gaano kadalas naiisip ni Satoru si Utahime; kung gaano siya sumasaya pagnakikita niya ang kanilang ate at agad-agad na niyang iniinis at ginagalit.
Naisipan nilang hanapin sila ni Mei Mei dati dahil kay Satoru, dahil hinanap niya si Utahime.
Kaya, oo, ngumiti si Shoko sa lito sa mukha ni Utahime, sigurado siya na may gusto kaklase niya sa nakakatanda niyang kaibigan.
"Kaya diretsuhin mo siya, Utahime." Sinabi nito. "Malaki lang ulo nun, pero sigurado akong matagal ka na niyang hinihintay. Sigurado akong gusto ka nung makausap."
Tumahimik lang si Utahime, hindi makapaniwala; hindi naniniwala. Pero, alam niya, kahit para sa sarili niya lang, alam niyang gusto niyang puntahan si Satoru; alam niya gusto niyang damayan ang nakababata niyang kaeskwela.
Malungkot siguro siya. Isip nito. Napakalungot siguro niya. Alam ng puso niya na totoo to. Kasi kahit siya mismo, na kaeskewalahan lang, na ate lang nila, lunod na lunod sa lungkot sa balita tungkol kay Suguru.
Paano nagawang taksilan sila ni Suguru? Paano niya nagawang taksilan si Satoru? Hindi niya maintindihan. Hindi niya magawang subukang intindihin. Sa dalawang taon na magkakakilala sila, si Suguru ang naging konsensiya ni Satoru. Kahit malaki rin ulo ni Suguru, alam niya na mabait siyang tao, na may mabusilak siyang puso. Sa dalawang taon na magkakasama sila sa eskwelahan, sa dormitoryo, magkakasamang kumain, naglalaro ng kung ano-ano pag may oras, nagkakatawanan at sinusubukang pagaanin ang mahirap nilang buhay -
Bakit, Suguru? Naluha ulit si Utahime. Bakit hindi mo kami kinausap man lang? Iyak na tinanong ni Utahime sa sarili niya, kay Suguru; bakit, Suguru -
Bakit ka pumunta kung saan hindi kami makakasunod?
"Utahime,"
Pagod sa kakaiyak, lumingon si Utahime pataas, sa tawag ni Shoko. At nang makita niya ang mga mata nitong lumayo, tumuturo sa tapat nila; litong sinundan ni Utahime ang tingin ni Shoko. At gulat siya nang makita niya si Satoru.
"Umiiyak ka nanaman?" Tinaas ni Satoru ang kilay niya nang nagkatinginan na sila ni Utahime.
Agad na kumunot ang noo ni Utahime, agad na nagpula sa galit ang kaniyang pisngi; "Hindi ako umiiyak!" Sigaw niya ng dismaya. At tumindi pa ang galit niya nang tinawanan lang siya ni Satoru. Kitang-kita sa mukha ni Utahime ang mga luha niya.
"Satoru." Binati siya ni Shoko. "Nakabalik ka na pala."
"Oo," Lumapit si Satoru sa kanila, sa lilim na tinataguan nila sa gilid ng 7-Eleven; winalang-bahala ang suklam sa mukha ni Utahime nang tinabihan niya ito. "Pero aalis uli ako mamayang umaga."
"Ang hirap ng buhay ng special grade." Ngiti sa kaniya ni Shoko.
"Onti lang naman." Balik na ngiti ni Satoru sa kaniya, nagbibiro.
Natawa sa kaniya si Shoko. At dahan-dahan, maingat niyang binitawan ang yakap niya kay Utahime at tumayo.
"Una na ako sa inyo." Sabi ni Shoko sa kanila.
At nagwala ang mga sirena sa ulo ni Utahime, agad-agad na nangamba, papatayo, susunod, takot, ayaw niyang maiwan kasama ni Satoru.
Pero pinigilan siya ni Shoko gamit lang ng isang ngiti.
"Kita na lang uli sa susunod, Satoru." Sabi ni Shoko. "Ingat sa biyahe."
"Hm." Tumango si Satoru.
At nang umikot si Shoko, nang naglakad na siya palayo, nanigas si Utahime sa kinauupuan niya. Galit na naiwan, na napuwersahan siyang samahan si Satoru.
"Magtatagal ka ba?" Pitik niya ng lumpias ang oras ng walang sinasabi si Satoru, ng mukhang wala siyang bibilhin sa tindahan.
Tinaas lang ni Satoru mga kilay niya kay Utahime, nagtataka kung bakit nanaman siya galit nang wala pa naman siyang ginagawa o sinasabi man lang.
"Maglasing din kaya ako?" Tinanong niya si Utahime, binalewala ang tanong nito sa kaniya, ang kaniyang inis. At, nang makita niya ang bukas na serbesa sa tabi ng nakatatanda niyang kaibigan, kinuha niya ito at tinikman - habang galit na pinagsabihan ni Utahime na hindi pa siya legal, na hindi pa siya pwedeng uminom!
Onti lang natikman niya bago niya dinura ang ininom niya, namutla at nagmukhang masusuka.
Inirapan lang siya ni Utahime. Buti nga, nakasimangot niyang inisip.
"Paano mo yan naiinom?" Iyak ni Satoru. Nakakunot noo niya nang binalik kay Utahime ang serbesa niya. "Ang kadiri ng lasa."
Napangiti si Utahime ng patago. At ininom niya ang natitirang laman ng lata.
"Masyado ka pa kasing bata." Tukso niya kay Satoru nang nakangiti. "Pang matatanda lang mga ganito. Hindi para sa batang-isip."
Nang tumirik ang mga asul na mata ni Satoru, natawa lang si Utahime.
"Matagal-matagal na tayong 'di nagkikita, no?"
Tumango si Utahime, may maliit na ngiti sa kaniyang mga labi, ang kaniyang tingin, nakababa sa kaniyang mga kamay.
"Dahil iniiwasan mo kasi ako." Sinabi ni Satoru, tinapos ang buong iniisip niya.
At napahalakhak siya ng agarang napatingin si Utahime sa kaniya, pula ang kaniyang pisngi, galit ulit; pumitik, "Hindi kita iniiwasan!" Sigaw niya, nagsisinungaling.
Nginitian lang siya ni Satoru. "Sabi mo e."
At nanginig sa inis si Utahime sa kaniya.
Nang tumahimik sila, magkatabi lang, ang isa, nakatingin pataas sa langit, ang isa naman ay nakatingin pababa sa kaniyang mga kamay, naiilang, nagiisip; sinabi niya bigla, tinanong ni Utahime bigla - pagod na sa kakaisip, sa kakatakbo, sa kakaiyak - tinanong niya si Satoru,
"Kamusta ka na?"
Nagkatinginan sila. At ngumiti si Satoru nang makita niya sa mga mata ni Utahime ang kaniyang malasakit, ang kaniyang pangangalaga.
"Okay lang." Sagot niya ng diretso. "Okay siguro."
Napangiti si Utahime sa kaniya. At nang tumagal ang tingin nila sa isa't isa, nang nailang siya sa pagtingin ni Satoru, lumingon siya palayo at sinabi niya sa nakababata niyang kaibigan,
"Okay lang yan. Okay lang na hindi mo alam."
"Basta alam mo na nandito lang ako para sayo, okay lang." Inulit pa niya. "Basta alam mo na nandito lang ako pagkailangan mo ako."
"Okay lang." Ngiti ni Utahime sa kaniyang mga kamay.
Sa tabi niya, tumango si Satoru; alam niya. Alam niya na lagi lang nandiyan si Utahime. Para sa kanila, lagi siyang nakaabang para tumulong.
"Salamat, Utahime." Tahimik na sinabi ni Satoru sa kaniya. At nang lilingon si Utahime sa kaibigan niya, bago niya ito mangitian at sabihan pa na - bilang ate niyo, nandito lang ako para inyong lahat; kasi yun ang responsibilidad ko bilang nakakatanda sa inyo, na gabayan at alagaan kayo - nagulat siya, nanigas, nakalimutan paano huminga, nang naramdaman niyang dahan-dahang dumulas at sumuot sa kaniyang mga daliri ang kamay ni Satoru hanggang tuluyang hinawakan ang kaniyang kamay.
Lumingon si Utahime kay Satoru, gulat. At nang nagkita ang kanilang mga tingin, nang makita niya ang pula sa pisngi ni Satoru, biglang pumasok sa isip niya ang sinabi sa kaniya ni Shoko -
Gusto ka nun.
May gusto sayo si Satoru.
Paunti-onti, nanahimik si Utahime at lumingon palayo sa tingin ni Satoru.
At sa gabing yun, habang sila ay nanahimik, habang sila ay nakaupo sa bangketa katabi ng 7-Eleven, pinabayaan ni Utahime na hawakan ni Satoru ang kamay niya. Pinabayaan niya itong pisilin ang kaniyang kamay, pinabayaan niyang sumandal sa balikat niya. At hindi niya pinansin, binalewala niya ang pamumula ng kaniyang pisngi at napaisip sa sarili, napatanto - na maganda pala sa pakiramdam, na nakakataba pala ng puso - ang hawakan ang kamay ng ibang tao.
.
.
.
.
.
.
