Actions

Work Header

mutya

Summary:

"bahagyang dampi, subalit parang hinatak ang kuwerdas ng puso sa sandaling diit. mula noon, napagtanto ang kawalan ko — na iisang dampi lamang ay sapat na upang kumawalas ang pananabik na lingid sa kaalaman kong nakabaon nang malalim sa akin."

ang ebolusyon ng wika ng pag-ibig ni satoru hatid ng kanyang sariling pagkukuro.

Notes:

hi! first time kong gumawa ng creative work ulit (i think the last time i really did one was more than 3 years ago pa). actually, i don't even know if i can call this a fic kasi mukha siyang love letter. anyway, sana magustuhan niyo parin! tried writing in tagalog and first-person pov para mas dama. feedback would be appreciated mga lodicakes!

(See the end of the work for more notes.)

Work Text:

nilakad natin ang mahabang eskinita matapos ang misyon. bumibigat ang alangaang sa hindi mo pag-imik, kaya’t inaliw ko ang sarili sa munting pagsabay ng yapak ng ating mga paa.


kaliwa, kanan, kaliwa, kanan, kaliwa . . . kaliwa? 


naligaw ako sa bilang nang mainda ko ang bahagyang dampi ng hinliliit mo sa hinliliit ko. bahagyang dampi, subalit parang hinatak ang kuwerdas ng puso sa sandaling diit. mula noon, napagtanto ang kawalan ko na iisang dampi lamang ay sapat na upang kumawalas ang pananabik na lingid sa kaalaman kong nakabaon nang malalim sa akin. 


sa wakas, isang pagdiit na hindi panganib ang hatid.   


unti-unting naging hawak ang dating tila’y dampi noong hinawakan mo ang aking pupulsuhan habang tayo’y tumatawid sa tamang (syempre dahil ika’y si suguru) tawiran. 

paumanhin at mukhang nakaugalian mo na ata ang hindi ko pagsilay sa kaliwa at kanan bago tumawid.  


teka, paumanhin? dapat ko ba 'tong pagsisihan kung ang hawakan mo ko’y kapalit? 


biniyayaan ka ng kamay na tila’y sakto ang sukat sa pupulsuhan kong balutin ito. nararamdaman mo ba, suguru? ang tulin ng tibok ng puso sa dugong dumadaloy? sa mga ugat na nasa ilalim ng iyong kapit? 


nagsimula ang pagmimithi, hangarin ko’y labis na humigit pa. at humigit pa. at humigit pa. hanggang sa ako’y natakot, nabalisa. dahil naramdama’y hindi kailanman magiging sapat. kailanma’y hindi makukuntento.


kaya’t nagpasalamat, dahil ang munting hawak ay naging akbay noong kumuha tayo ng litrato. ngunit ako’y nakatitig  sa marahuyong dala ng ngiti mo. at sa bungisngis mong ikinagagalak ng puso kong umindak sa himig nito. ‘di alintanang binalot ko ang balikat mo ng aking braso, mga mata ko’y hindi kailanma’y tumigil pagmasdan ang ngiti mo, kung papalya man ito, sakaling mapansin mong ang lapit ko masyado sa‘yo. balat sa balat. dibdib sa dibdib. 


at guminhawa ang puso nang makita ang ngiti mong tila’y lumapad pa.  mga pisnging itinulak ang mga mata mo hangga’t maging kawangis ang gasuklay na buwan. 


ang sarap ibabad ang sarili sa lugod ng iyong dampi, hawak, at akbay. malayo na ang narating natin, suguru. balat sa balat.  mga balat nating hindi na namimitig, na parang mga taong hindi magkakilalang nag-aatubli kung pag-uusapan nila ang lagay ng panahon hindi. 


ang mga balat natin ay tila’y laging malalim ang usapan, ng mga pilosopiyang binibingwit ang tanging katotohanan ng mundo. 


katotohanan ng nararamdaman ng puso. 


at nung isang araw na magising ako matapos umidlip sa malapad mong balikat, unang naramdaman ang bigat ng ulo mong nakasandal sa ulo ko. iniusog ko pa ang sarili sa’yo, upang mas madama ang kanlungang dala ng leeg at balikat mo. tinangghihan ang karampot na espasyo sa ating pagitan, sa mundong may kapangyarihan akong gawing walang hanggan ang agwatan, ikaw ang natatangi, suguru. 


ikaw lamang. 


nung sabay ulit nating nilakad ang naturang mahabang eskinita, hinawakan ko ang iyong kamay, hinabi ang ating mga daliri, iniunat ang mga siwang ng akin gamit ang iyo. ako’y nag-alala, na baka mapawisan ang palad ko sa init ng hawak mo at bitawan ito. ngunit ito’y nagpatuloy. at nagpatuloy. papunta man o pabalik tayo sa paroroonan, hinawakan mo ang kamay ko. at nagpatuloy, hangga’t maisaulo ang bawat umbok ng kamay mo, ang umpisa at wakas ng daliri mo. at ako’y buong buo. 


suguru, pagod na’ko. pagod na’kong pasanin ang akalang hanggang tugon na lang ako ng pangalan mo sa bawat sulyap ko ng tala at bulalakaw. ‘di na kayang ikubli ang pag-ibig. 


“okay ka lang ba, satoru? mukhang malalim ang iniisip mo.” ang sabi mo. 


“oo.” 


“sigurado?”


“sigurado.” ang tugon ko. 


inangat ko ang magkakabit na kamay natin sa labi ko,  at gumuhit ng munting halik sa likod ng iyo. sumikip ang dibdib sa mayuming kilos ko,  habang nainda ang bahagyang pag-igting mo.


pasensya ka na, suguru, kung nabigla ka man. ‘di na kayang tipunin pa ang umaapaw na pagtingin ng puso sa’yo. nais ko lang malaman mo na handa akong bakasin ang bawat piyesang bumubuo sa’yo. sa susunod, magpapaalam ako. 


magpapaalam ako. 


“limang segundo, walang malisya?” 


at nagawa ko pang magpaalam, kahit halos mabaliw na ako sa tindi ng usisa ko sa labi mo. ako ay yari sa mga mithiing para sa bawat parteng bumubuo sayo, kaya’t wari’y hindi na sapat ang pansalat lamang, dahil nais na ring matugunan ang panlasa. 


naramdaman ang pulupot sa kwerdas ng puso dulot ng iyong pagtango, tumingin sa mga labi mong may anyong tila’y kabisado ko sa kadalasang pagtitig ko rito tuwing sinasambit ang mga salitang lingid sa kaalaman kong kailangang marinig, kapara ng malamig na simoy sa gitna ng pagkayamot bunsod ng matinding tag-araw. ang labi mo, kalimbahin na maihahalintulad sa gumamelang sinusuksok ko sa taas ng tainga mo tuwing naglalalakad sa mga kalyeng tahimik. ako’y lumapit, at lumapit, at lumapit, hangga’t sa mapalitan ng init ng ‘yong hininga, ang ginaw ng hangin sa silid. limang sentimetro ang pagitan. ngunit bakit tila’y kilometro ang agwat. 


at bumuntong-hininga sa kaginhawaan nang maramdaman (sa wakas), ang dampi ng labi mo sa labi ko. marahan, magiliw, bahagyang naroon na parang halik ng isang aparisyon. ngunit, biglang idiniin mo upang lubos kong mainda ang hugis ng labi mo. aking dama ang katiyakan ng puso sa bawat galaw ng labi mo na parang nakakalitong bugtong na sa wakas ay natuklasan ang tanging sagot. at unti-unting umapaw ang pamilyar na pakiramdam, ang sikip ng dibdib dulot ng humaling sa bighani mo. 


laking yamot ko nang bigla mong hinila palayo ang sarili mo, kumunot ang noo habang kusang hinabol ang bakas na iniwan ng labi mo, unang nasulyapan ang gasuklay na buwang hatid ng iyong mga mata sa halip ng pagdilat ko. ika’y nakangisi. 


“sabi mo limang segundo lang?”  ang manudyong sabi mo. 


ako’y humagikgik. hahayaan mo bang panatilihing nakaw na sandali lamang ito? inalam ko sa pamamagitan nang paghatak ko sayo. 


at hinalikan kita ulit. mistulang hindi na kayang gapiin ang silakbo ng damdaming umaalab. napangiti sa masidhing pagbalik mo sa akin ng iyong halik. saka ko napagtanto, na ito’y hindi dahil ako’y nahahawakan nang ganito, ngunit ito’y dahil ikaw. ikaw ang humahawak sa akin. sa wakas, natagpuan sa bisig mo, sa kamay mo, sa balikat mo, at sa labi mo, ang payapa ko. 


suguru, aking minumutya, isang karangalang masilayan ang hiwaga mo. 



Notes:

wala akong masabi. mahal talaga ni satoru si suguru.