Work Text:
“Aray ko naman, Jaemin!” munting sigaw ni Renjun nang mapatid siya noong hinatak ang puti niyang sando na ngayon ay nagkulay tsokolate na sa kakatakbo. Tagaktak ang pawis ng magkakaibigan dahil kanina pa sila naglalaro ng habulan pagkatapos ng kanilang klase sa eskuwelahan.
“Lalampa lampa ka naman kasi- hala!” Tinulungang tumayo ni Jaemin si Renjun na nakaupo sa maruming sahig habang iniinda ni Renjun ang gasgas sa tuhod. Pinagpag ni Jaemin ang dumi sa short ng kasama at dinala siya sa isang gawa sa kahoy na bench para makaupo. Tumakbo papalapit sa kanila sila Mark at Haechan na kanina’y nagtatago sa puno ng mangga.
“Anong nangyari?” Tanong ni Haechan. Na naghahabol ng hininga at ngayo’y pinupunasan ang pawis.
Hindi siya sinagot ng mga kasama. Halos maiyak na si Renjun nang makita ang maliit na sugat. Kinagat niya ang pang ibabang labi para pigilang maglabas ng tunog ngunit ang panginginig ng mga ito ay hindi niya mapigilian. Agad siyang tinahan ni Jaemin at kinuha ang panyo sa bulsa.
“May dugo oh!” Sigaw ni Renjun.
“Sorry, Renjun. Napalakas yung hatak ko. Teka punasan ko lang.” Kinuha ni Jaemin ang baon niyang tumbler at binuhusan ng tubig ang kaniyang panyo.
“Lagot ko kay Tita Ryla, Jaem.” Sambit ni Mark. Protective kasi ang nanay ni Renjun at ayaw niyang nagagalusan ang anak. Noong isang beses nga na nagkaroon ng sugat sa balikat si Renjun dahil sa natumbang bike, pinagbawalan na siyang sumakay doon pati na ang paglabas sa bahay ng isang linggo.
Agad naman siyang sinaway ni Haechan at sinabing hindi naman ito sinasadya ni Jaemin.
Hindi na nakinig si Jaemin sa bangayan ng dalawa at tinuon ang pansin sa tuhod ni Renjun. Binuhos niya ang natitirang tubig sa tuhod para mawala ang dumi, saka niya pinunasan ang kaonting dugo gamit ang basang panyo. Seryoso ang pagpupunas ni Jaemin at sinisikap na patigilin ang pagdaloy ng dugo sa pamamagitan ng pagdiin sa parteng natamaan. Nakakunot ang noo at tila ba may galit sa particular na parte ng katawan. Ngumiwi si Renjun sa diin na naramdaman ngunit hindi na nagreklamo.
“Masakit pa?” Tanong ni Jaem habang nag-angat ng tingin. Nagtama ang kanilang mga mata. Puno ng pag-aalala ang mga mata ni Jaemin at ang mamasa-masang mga mata ni Renjun dahil sa nagbabadyang luha ay napatigil. Umihip ang hangin at nilipad ang iilang hibla ng buhok nilang pareho.
Hindi alam ni Renjun kung bakit pero naramdaman nalang niya ang pagkabog ng bata niyang puso.
“Ren?” Tanong ulit ni Jaemin nang hindi siya sumagot. Natauhan naman si Renjun at mabilis na hinanap ang nawalang galit.
Pinagsalubong niya ang kanyang kilay at pinalobo ang mga pisnge sabay sabing. “Malamang! Kita mong may sugat eh. Ayaw mo kasing magdahan-dahan. Isa pa, madaya ka!”
“Sorry na nga. Hindi ko na uulitin, pero ‘di ako madaya ah.”
“Anong hindi?! Ang usapan kakalabitin o basta mahawakan lang yung braso. Damit ko naman yung hinila mo!”
Natatawa si Jaemin sa apila ni Renjun. Ang cute cute kasi nitong magalit.
“Tumatawa ka pa diyan. Tsaka ‘di na talaga mauulit kasi ‘di nako makikipaglaro sa’yo.”
Nawala ang ngisi sa mukha ni Jaemin. “Hindi pwede, sabay pa tayong uuwi bukas.”
“Kaya kong umuwi mag-isa.”
“Baka kung saan ka dalhin ng driver.”
“Service natin ‘yon!”
“Oh diba, kaya wala kang magagawa. Sabay tayo!”
“Wala namang connect ‘yon sa hindi ko pakikipaglaro sa’yo.” Saad ni Renjun sabay kurot sa tagiliran ni Jaemin.
“Aray… aray!” Hinuli ni Jaemin ang kamay ni Renjun na aamba pang kukurot ulit.
“Ganito nalang. Sakay ka sa likod ko para ‘di ka na maglakad.”
Lumiwanag ang mga mata ni Renjun dahil gustong-gusto niyang sumasakay sa likod ni Jaemin. Lagi nila itong ginagawa bilang parusa kapag natatalo si Jaemin sa bato bato pick. Mabango rin ang balikat at leeg ni Jaemin dahil amoy pulbo at halatang hindi tinipid ang downy.
Kaya pa naman niyang lumakad dahil hindi naman ganon kalala ang sugat niya. Hindi nga lang kumportable dahil malamang ay kikirot ito lalo na’t hindi napahinga.
“Tama na ‘yan! Umuwi na tayo. Mag-gagabi na.” Pagpapaalala ni Mark.
Nagiging kahel na nga ang langit kaya’t napagdesisyunan na nilang umuwi.
Iniluhod ni Jaemin ang kaliwa niyang tuhod. Patalong sumampa si Renjun kaya muntikan na silang tumumba. Tinawanan lang ni Renjun ang nahihirapang si Jaemin at nagulat nang bigla silang umangat.
Napatili si Renjun at napakapit sa leeg ni Jaemin. Naubo-ubo naman si Jaemin dahil malakas ang pagkapit ni Renjun.
“Ano yan, rides bayan sa enchanted kingdom?” Pang-aalaska ni Haechan.
“Tuwang-tuwa si Huang, ‘kupo.” Napailing-iling nalang ang tatlo. Habang malapad ang ngiti ni Renjun.
<3
