Work Text:
Sa isang gabi ng Nobyembre, naalimpungatan si Kyungsoo mula sa pagkakahimbing ng tulog ng mga bandang madaling araw. Nararamdaman niyang medyo nagpapawis siya dahil biglang uminit sa kwarto nila. Kanina pa siya paikut-ikot sa pwesto niya kung san magtatanggal ng kumot tas bigla ring ibabalik pag medyo nalamigan siya. Akala niya naputulan sila ng kuryente dahil sa biglang pag-init ng paligid. Nung hindi na siya makatiis at alam niyang tuluyan na siyang magising, bumangon siya at nilingon ang asawa. Mahimbing ang tulog ni Jongin at parang hindi naistorbo sa paggalaw galaw niya. Naisipan niyang magpunta nalang muna sa kusina para uminom ng tubig at sumaglit din ng konting hangin mula sa labas.
Dumiretso siya sa kusina habang pinupunasan gamit ang kanyang kamay ang kaunting pawis niya at saka binuksan ang ref. Di na niya kinailangang buksan ang ilaw dahil memoryado naman niya ang bahay nila. Nahimasmasan siya sa lamig na bumalot sa katawan niya at pinampaypay saglit ang neckline ng kanyang damit para umabot sa panloob niya yung hangin.
Kumuha siya ng baso at uminom habang nakatambay lang siya sa bukas nilang ref, dinadama ang preskong dala nito. Di niya maiwasang maala-ala ang panahon ngayon dahil Nobyembre na at nagsisimula nang lumamig pero tila mainit parin dito sa tinitirhan nila.
Di naman na bago ito sa kanya sa kadahilanang sensitibo siya pagdating sa temperatura. Gusto niya lagi mahangin o medyo malamig. Ayaw niyang napapawisan. Baliktad naman sila ng asawang si Jongin. Siguro daw kasi dahil hindi kasing aktibo ni Kyungsoo ang asawa, habang ang asawa ay panay ehersisyo kaya maganda ang pangangatawan nito.
Tumagal din ng ilang minuto si Kyungsoo dun, nagpapakalma at nagpapa-antok. Sinigurado niyang okay na siya bago isinara ang ref. Pagkasara niya ng ref ay napansin nitong gumagamit ng banyo si Jongin. Ilang hakbang lang ito mula sa kusina at kwarto nila. Madadaanan muna ang banyo bago makarating sa kwarto nila. Hindi mahirap makita mula sa pwesto niya kung may papunta ng banyo. Sa katunayan, lagi nila itong sinasara pagkagamit, pero parang hindi ata niya narinig na binuksan ng asawa ang pinto ng banyo nila.
Bago siya bumalik sa kwarto, pinasadahan niya ng tingin ang buong kusina para siguraduhing ayos ito at wala siyang maiiwang kalat. Nang palakad na siya sa kwarto nila, nilingon niya ang banyo at nakita ang asawang umiihi, bukas ang pinto.
“Mahal, una nako sa kwarto ha. Wag mo kalimutang patayin yung ilaw,” paalala niya sa asawa bago dumiretso sa kwarto nila. Makakalimutin kasi talaga itong isa.
Iniwan lang ni Kyungsoo na may maliit na uwang ang pinto ng kwarto dahil nasa labas pa nga si Jongin. May liwanag na nasisinagan mula sa banyo. Bilang mag-asawa, pareho nilang hindi na sinisindi ang ilaw sa kwarto kapag magbabanyo o lalabas ng kwarto pag gabi para hindi na maistorbo ang isa sa pagtulog. Yung ilaw nalang sa labas ang maaaninag kaya naman wala namang inasahan si Kyungsoo na kakaiba sa kwarto nila pagbalik niya, except na wala nga si Jongin sa kama. Nang makapwesto na siya ng maayos, ipinikit na niya ang mga mata para makatulog na ulit. Di pa man nagtatagal…
“Mahal nag-CR ka ba? Nakalimutan mo ata patayin yung ilaw.” Narinig niyang sabi ni Jongin sa tabi niya habang naramdaman niyang umikot ito paharap sa kanya at niyakap siya sa baywang.
Bata pa lang si Kyungsoo ay namulat na siya sa kwento ng kababalaghan sa probinsya nila. Di niya naiiwasan ito sapagkat laki siya kasama ang lola niya at kilala ang lola niya bilang “manggagamot”. Karamihan ng mga kababayan nila ay sa kanya lumalapit kapag na-”engkanto” diumano sila. At para bang may milagro nga rin dahil gumagaling sila sa tulong ng lola niya. Marami na nasaksihan si Kyungsoo na mga kaganapan. Nasabihan na rin siyang may lahi sila na bukas ang ikatlong mata nila. Hindi niya masabing naniniwala siya dito nung bata pa siya pero nuong tumuntong na siya ng bente, para bang nagkaroon siya ng mas malakas na pakiramdam sa lahat at nagsimula siyang makakita ng hindi naman pangkaraniwan.
Ang “manggagaya” ang pinakamadalas niyang makita. At sa tuwing makakakita siya nito, nababalitaan nalang niya na may nangyayaring masama sa taong nabibiktima di katagalan mula ng makita niya ang espiritu.
Parang binuhusan si Kyungsoo ng tubig na may yelo dahil sa takot.
-end.
