Actions

Work Header

Our Last Chapter

Summary:

Apat na taon na ang nakakalipas mula nang mawala si Jaehyun. 26 anyos na si Doyoung. Naliligaw sa kung ano nga ba dapat ang susunod na plot point sa sinusulat niya

 

 

 

or: may binunyag si jaehyun matapos gawing ligal ang same-sex marriage sa Pilipinas na ikinagulat ng ex niyang si Doyoung

or: isang angst filo writer!doyoung x actor!jaehyun fanfic

Notes:

(See the end of the work for notes.)

Work Text:

Pilipino STAR Ngayon
@PilStarNgayon

TAGUMPAY NG LGBT!

Pilipinas, ikalawang bansa sa Asya na nagligalisa ng same-sex marriage matapos pirmahan ng pangulo ang batas para rito

***

Ginising si Doyoung ng cellphone niyang vibrate nang vibrate. Ibinuka niya ang naalimpungatang mga mata at tiningnan kung ano ang oras mula sa kanyang relo. 4:22 pm. Sobrang sabog na ng kanyang sleeping schedule.

Tiningnan niya kung sinong Poncio Pilato ang nag-spam ng mga mensahe sa kanyang phone. Hindi niya inasahang ang group chat nilang magkakaibigan ang naging sanhi nito. Sa normal na mga araw naman ay halos walang nag-uusap dito bukod sa minsanang pangungumusta at mga pag-aayang nagiging drowing. Wala bang trabaho ang mga ito ngayon para mag-message nang mag-message?

Nagulat siya sa pinag-uusapan ng mga ito. Batas na raw ang same-sex marriage sa bansa. Ika pa ni Taeil, magkakatotoo na raw ang mga sinusulat na mga libro ni Doyoung: isang alternate universe kung saan reyalidad para sa mga Pilipino ang pagkakasal ng parehong kasarian, kung saan hindi na nakikibaka ang LGBT para sa kanilang mga karapatang garantiyahan ng pamahalaan ang kanilang pagsasama.

Lumundag ang puso ni Doyoung noong sandaling iyon. Masayang isiping may ambag ang mga sulatin niya para sa unti-unting paglalapag ng lugar ng LGBT sa lipunan. Unti-unti, dumarami ang tumatanggap sa pag-iral nila.

Nag-aya si Ten para sa inuman. Sumang-ayon ang lahat.

***

“Cheers, mga bebe!” malakas na pagkampay ni Ten sa magkakaibigan. Itinaas nila ang kanilang mga bote ng Smirnoff at pinagbangga ang mga ito. Kasabay ng hagikhikan at tawanan sa bar, maligaya ang kabuuang disposisyon ng kapaligiran nila. Mga bakla’t lesbiyanang nagpa-party bunsod ng dambuhalang kaganapan.

“So, Doy, kumusta na nga pala ang sinusulat mo?” tanong ni Jungwoo.

“Heto, work in progress pa rin. Hindi ko na nga alam saan makahugot ng inspo sa work ko,” tugon ni Doyoung.

“Grabe, the one and only Amado Victorio, hindi makapagsulat!” gulat na sabi ni Taeil.

“‘King ina naman nito ni Taeil, oh. Tumahimik ka nga!”

“I’ve been telling you, Doyoung. Maghanap ka na kasi ng date mo! Teh, may Tinder at Bumble. Kung ayaw mo du’n, mag-Grindr ka.” saad naman ni Ten.

“Oo nga. Puro ka happy ending diyan sa sinusulat mo, eh ikaw mismo, walang ka-happy ending,” suhay ni Taeil.

Nagbuntong-hininga si Doyoung upang bumwelo. “Kayo naman. Siyempre, happy ending, kasi ‘yon ang dapat nangyari para sa ‘kin. At least sa isip ko, maraming mga alternate na universe na masaya ako. Sinusulat ko lang ang gusto kong nangyari sa akin, at hindi ‘yung mangyayari pa lang.” Depinido ang diin sa salitang nangyari

“Grabe ha, Doy. Four years na since your last relationship, di ka pa rin nakaka-move on,” ani Jungwoo.

“Siyempre naman, sino ba namang makaka-move on sa the one and only Jay Jeong?” dramatikong pagpapakilala ni Ten.

Tumindig naman si Taeil, at nagsimulang um-acting. “Kaya ko nga pinagpilitan ang tayo, kasi mahal kita! Mahal na mahal kita!

“Wow, fresh from the film Only Us starring Jay Jeong and Kathryn Bernardo,” sabi ni Ten.

“Ayoko sa movie na ‘yon. Kathniel pa rin talaga,” reaksyon ni Jungwoo, may halong disgusto.

“Tanda mo na, Kathniel loyalist ka pa rin?! Hakot kaya ng awards sa MMFF at FAMAS ‘yon!” masidhing pagtutol ni Taeil.

“Grabe ka, Woo. Umiyak ako du’n. Ang ganda kaya ng dialogue saka story!” sabay ni Doyoung kay Taeil.

“Hala ka, teh. Gusto mo lang ‘yung movie kasi nandu’n si Jay.”

“Oh eh bakit ‘tang ina mo?” mapagbirong buwelta pabalik ni Doyoung. Wala na siyang masabi, sinubukan na lang niyang ibahin ang paksa. “Eh napanood ‘nyo na ‘yung film ni Taeyong Lee saka ni Nadine Lustre?”

“Hindi ako nanonood ng films na wala si Kathryn,” tugon ni Taeil.

Biglang napahindik nang malakas si Ten mula sa nabasa niya sa cellphone niya, saka tumingin sa mga kaibigan ‘yon.

“Magpapakasal na raw sina Jaehyun at Taeyong.” Daling umusisa sina Jungwoo at Taeil sa phone ni Ten.

Nakapirmi lamang si Doyoung sa kanyang inuupuan habang nababasag ang kanyang puso, nagkalat-kalat ang bubog nito sa sahig ng maingay na bar.

***

ABS-CBN News Showbiz
@ABSCBNShowbiz

LOVE WINS!

Co-stars and newly-revealed fiancees Jay Jeong and Taeyong Lee open up about their engagement and upcoming wedding after same-sex marriage legalization in the Philippines

***

Malabo ang paningin ni Doyoung, pero pamilyar ang eskena. Nasa tagpuan siya ng isa sa di-mabilang na mga nobela niya. Hindi na tanda ni Doyoung kung alin.

Malawak ang bahay. Sa gitna ay sofa kung saan nakakandong siya sa isang lalaki. Alam niyang asawa niya ito, batay sa partikular na kuwentong ito. Kung anumang pangalan nito. O si Jaehyun. Alam niya sa kaila-ilaliman niyang iisa lamang ang dalawa.

Hinaplos ang mukha niya saka hinalikan siya ni Jaehyun (na sa parehong panahon ay hindi). May sinabi itong ilang mga salita. Mahal kita o kung anupamang mga kasingkahulugan noon. Hindi niya marinig sa gitna ng istatik. Hindi niya mapirmi ang sarili niya bunsod ng bumabalot na tunog na ito.

Tumingin siya sa paligid. Kinakain ang bahay ng noise, iyong tipo na makikita mo sa TV sa mga channel na walang signal. Sinubukan niyang babalaan si Jaehyun (na hindi Jaehyun) ngunit patuloy pa rin ito sa pagsasabi ng mga hindi maintindihang salita. Napuno siya ng taranta sa nakikita niyang eksena lalupa’t hindi siya makaalis sa pagkakakandong sa kasama.

Kinain na ng kawalan pati si Jaehyun (na hindi si Jaehyun), pero dama pa rin niya ang pagkakandong. Istatik na lamang ang lahat pagkatapos.

***

Hindi pa rin maalis sa utak ni Doyoung ang imahe ng tweet sa kanyang utak kahit nilunod niya ang sarili niya sa alak kagabi. Dumadagdag lamang ito sa sakit ng ulo niya na dinulot ng ilang bote ng Smirnoff na sinundan ng di-mabilang na mga baso ng cocktail.

Tiningnan niya ang paligid. Pamilyar ang kama at ang mga kagamitan sa paligid, pero siguradong wala siya sa bahay niya. Nasa kuwarto siya ni Taeil, mag-isa sa nakalatag na comforter.

Pabale-balentong ang kanyang balanse nang tumungo siya sa labas. Dahan-dahang bumaba sa makitid na hagdan at nakita sa salas si Ten, gising na ngunit hindi makabangon, marahil sa hangover din tulad niya. Lumingon siya sa kusina at nakita si Taeil na nagpiprito at si Jungwoo na nagsasaing.

“Ano, kumusta? Sakit ng ulo mo, ‘no?”

“‘Wag mo muna ‘kong kausapin, Taeil. At oo, sobrang sakit pa rin ng ulo ko.” Umupo siya sa hapagkainan upang hilutin ang kanyang sentido.

“Parang ‘di mo tanda nangyari kagabi, ah,” wika ni Jungwoo.

Walang naaalala si Doyoung, dahil matapos ang ikasampung baso ng tequila ay diretso sa paggising na sa lapag ni Taeil ang sunod niyang gunita.

“Diyos ko, parang ayoko alalahanin.”

Hindi pinansin ni Jungwoo ang pagsalungat ng kausap. “Tamang kanta ka nga ng Stupid Love at Alaala Na Lang sa harap ng maraming tao. Tapos sumuka ka du’n sa pitsel. Iiwan ka na sana namin sa hiya, buti na lang at mabuti kaming friends mo.”

Tiningnan niya ng masama si Jungwoo, “Sabing ayoko ngang alalahanin.”

“Eh ‘di ayaw mo ring malaman ano ‘yung pinagsisisigaw mo kagabi?”

Nag-alinlangan nang kaunti si Doyoung, pero napangunahan ito ng matinding pagnanais na malaman. “Ano?”

Humarap si Taeil sa mga kaibigan, hawak ang spatula. “Oh, Jaehyun Jeong! Gawin mo na lang akong kabit mo, basta’t mahalin mo ako!

Sumigaw si Ten mula sa salas, “Grabe ka kagabi, Doyoung. Ang Kahati Ko starring Johnny Seo, Agot Isidro and Belle Mariano in the flesh.”

Kumuha si Jungwoo ng bote ng suka mula sa aparador. “And for Best Actor Na Maasim Pa for this year’s Metro Manila Film Festival, Taeil Moon!” sabay ibinigay ang bote na para bang nagbibigay ng award sa entablado.

“First of all, I wanna thank my mom and dad, and I wanna thank God for this opportunity… maybe for you! So please email us to arrange a personal interview. Thanks.” Naghalakhakan ang lahat.

Bukod kay Doyoung, na siyang unang nakaamoy ng nasusunog.

“Hoy, Taeil, ‘yung piniprito mo!”

***

18 taong gulang si Doyoung at kakatapos pa lang niya ng hayskul nang sinulat niya ang unang nobela, Sa Pagputok ng Bukang-Liwayway sa Bagong Taon, tungkol sa dalawang baklang high school sweethearts na pinipilit hanapin ang kanilang mga sarili sa lipunang sinusuka sila. Ayon sa mga publisher na kaya nilang makontak, medyo magaspang pa ang pagkakasulat, pero ang pinakaisyu ay masyadong mabigat ang paksa para pumatok. Ayon naman kay Doyoung, ganito talaga ang reyalidad ng mga bakla at hindi dapat ito itago.

Ayon kay Jaehyun, ito ang nagustuhan niya kay Doyoung, ang pagiging lapat sa lupa (bonus na lang daw ang napaka-cute na mukha). Kaya natanggap din ni Doyoung na ayaw ni Jaehyun ng isang relasyong public, dahil ganito ang lipunan. Hindi pa tanggap nang buo ang mga katulad nila, lalupa’t bagong sabak si Jaehyun sa mundo ng pag-aartista. Gagap na ito ng 18 taong gulang nilang mga isip.

Tumuntong si Doyoung sa kolehiyo at kinuha ang kursong Panitikang Pilipino. Patuloy pa rin siya sa pagsusulat ng mga nobela pero hindi na siya sumubok na pagkakitaan ang mga ito. Imbes na ilathala sa publishing house, ipinaskil niya ito sa Tumblr para makita ng lahat. Tungkol sa kabataan at ang pagiging parte ng LGBT community. Kung paanong dapat maintindihan ng mga nakatatanda na ang kabataan ang magmamana ng mundo at dapat na magkaroon sila ng boses sa kung ano ang mangyayari sa kanila.

Kasabay nito ang lalong paglalim ng relasyon nilang dalawa ni Jaehyun. Sa gitna ng pareho nilang mga punong iskedyul, nakakahanap sila ng panahon para sa mainit na sex sa mga tinitirhan nila, nilalasap ang mga panahong magkasama sila. Nanonood ng mga pelikula, kumakain nang magkasama, nagde-date at iba pang ginagawa ng tipikal na magjowa. Lahat ay kulong sa loob ng pribasiya ng kanilang mga bahay. Sa mga panahon namang hindi sila magkasama, lalo lamang nilang nami-miss ang isa’t isa. Absence makes the love grow fonder. Maaaring cliche, pero totoo.

Dumating ang araw ng pagtatapos ni Doyoung, 22 taong gulang. Pinuntahan siya ni Jaehyun sa mismong pagpaparangal, at niyakap siya nang napakahigpit. Tumungo ang dalawa sa tagong lugar, at hinagkan siya nito sa labi, sa gulat ni Doyoung.

“Regalo ko sa’yo ngayong araw, pag-kiss ko sa’yo sa labas.”

Kinabukasan, tinapos ni Jaehyun ang kanilang relasyon.

Medyo malabo na ang alaala ni Doyoung dito. May sinabi tungkol sa paparazzi, blind item, manager, bayad, at “mahal pa rin kita”. Pero ramdam pa rin niya hanggang ngayon kung paano umagos ang luha sa kanyang mga pisngi habang pinakikinggan ang malat na boses ni Jaehyun sa cellphone.

Desperado si Doyoung para sa mga kasagutan noon. Gusto niyang makausap muli si Jaehyun kahit sa isang huling sandali. Umaasang masulyapan man niya muli ang hitsura nito sa tapat ng kaniyang bahay, sa simbahan ng Quiapo, sa kahabaan ng dalampasigan ng Manila Bay. Sa mga bintana ng bus, sa bawat bagon ng tren na sasakyan niya, kahit sa mga sulok ng diyaryo.

Walang Jaehyun.

Sa huli, nakita niya si Jaehyun sa isip niya, nakasingit sa bawat lubak ng kaniyang utak. Dito niya nabuo ang iba’t ibang mga alternate universe nilang dalawa, kung ano nga ba ang gusto niyang nangyari sa kanilang dalawa. Binigyan niya ng iba’t ibang pangalan ang mga tauhan, pero ang mga nakasulat sa mga pahina niya ay iisa: silang dalawa at si Jaehyun na hindi nakipaghiwalay. Imbes na isang lipunang kailangan nilang magpanggap, lumikha siya ng isang lipunang mapagtanggap.

Matapos ang walong buwan, doon siya unang tinawagan ng publisher. Nakita ang kanyang mga sinusulat sa Tumblr (na mabilis nang sumisikat sa bago niyang mga kwento) at interesado silang ilathala. Dito nagsimula ang pagsikat niya bilang isang tanyag na manunulat ng mga kuwentong LGBT sa alyas na Amado Victorio. Inilathala ang Nakasulat sa mga Bituin, tungkol sa magkasintahang bakla na sinusubukang lagpasan ang mga problema sa buhay nila, pero hindi na siya katulad ng dati. Umiiral ang isang ideyal na lipunan sa mga likha niya. Instant best-seller.

Paglaon, nagkaroon ng pagkakataon si Doyoung upang ilathala ang nauna niyang mga likha bago pa man makipaghiwalay si Jaehyun. Hindi ito pumatok. Tinuloy na lang niya ang pormula ng kalimitang sinusulat niyang kumikita. Hindi naman nagreklamo si Doyoung. Sa totoo lang, therapeutic ang pagsusulat ng mga ganitong kuwento para magpakain sa ibang reyalidad.

Apat na taon na ang nakakalipas mula nang mawala si Jaehyun. 26 anyos na si Doyoung. Naliligaw sa kung ano nga ba dapat ang susunod na plot point sa sinusulat niya.

***

JAY JEONG FANS CENTER
@JJFansClub

Jay Jeong: “If I were to bring a book into life in film, I would choose ‘Sa Pagputok ng Bukang-Liwayway sa Bagong Taon’ by Amado Victorio. It reflects the struggle of the LGBT community very well, a struggle I am too familiar with.”

@jeongify - OMG may ganung book pala si AmVic???
@JayJeongFan01 - BIBILHIN KO LAHAT PARA SAYO JAEHYUN!!!
@maxijay - may copies pa raw po sa national, support po tayo sa author

***

Abala si Doyoung sa pag-iisip para sa susunod na plot point ulit (nang walang nagagatas mula sa tuyot niyang utak) nang tumawag ang kaniyang publisher.

“Doyoung! May good news ako for you!”

“Ano ‘yon?”

“Tumaas bigla ang sales ng Sa Pagputok ng Bukang-Liwayway!”

Fucking weird, naisip ni Doyoung. “Ha? Ano’ng nangyari?”

“Nag-tweet si Jay Jeong. Sabi niya, gusto raw niyang maging movie ang libro mo.”

Sumikip ang daluyan ng hangin ni Doyoung sa narinig niya.

***

Isa na namang eksena sa librong isinulat ni Doyoung. Ngayon, nasa malawak silang parang na binabalot ng bughaw na kalangitan. Pagtatapos ito ng aklat sa pagkakaalala niya.

Nakaupo sila sa sinapinang damuhan. May iba’t ibang pagkain sa harap nila. Nasa balikat niya ang ulo ni hindi-Jaehyun. Teka, sino pa ba ang niloloko niya? Si Jaehyun lang din naman ito na may ibang pangalan.

Akmang inipit ni Jaehyun ang mga hita ni Doyoung sa sarili niyang mga hita. Nakaluhod na si Jaehyun sa harap niya. Marahang tinulak niya si Doyoung upang humiga ito sa damuhan. May kakulitang nakalangkap sa ngiti ni Jaehyun.

Unti-unti, napansin ni Doyoung na umiinit ang paligid. Kulay dalandan na ang kalangitan at lalong umiigting ang katingkaran nito. Tiningnan niya ang kabuuan ng langit at namataan ang isang dambuhalang bulalakaw na nagbabadyang tumama sa kalupaan sa loob ng ilang saglit.

Sinubukang babalaan ni Doyoung ang kasama ngunit hindi ito marinig. Nakangiti pa rin ito sa kanya.

Sandaling nakita ni Doyoung ang marikit na mukha ni Jaehyun na pinaliligiran ng singsing ng liwanag. Ito ang liwanag na nagbibigay-anyo sa anino ng bulalakaw. Nagmukhang banal si Jaehyun bago ito natunaw sa labis na init.

Hindi dapat ito ang pagtatapos ng kuwento, ani Doyoung.

***

“Mga kapwa-badinger-z! Kaya ko kayo tinawag sa Zoom call na ‘to kasi I have a very important and shocking announcement to make,” masiglang bati ni Ten sa mga kausap niya. Umastang gulat si Jungwoo. Di-matinag ang walang emosyong mukha ni Doyoung.

“Ano na naman ‘to, baks?” tanong ni Taeil. Uminom ng tubig si Doyoung.

“Ang important announcement ko lang naman ay boyfriend ko si Johnny Seo.” Binugahan ni Doyoung ang monitor niya.

“Ilusyonada!” asar ni Jungwoo.

“Pakshet ka talaga, Ten-ten! Kaya walang nagmamahal sayo, eh,” pasaring ni Doyoung, pinupunasan ang nabasang screen ng computer.

“Hoy, kakasabi ko lang ah, boyfriend ko si Johnny for one month na! And yes, mahal niya ako, Doy. And yes, I have proof,” sabay pinakita ni Ten ang picture nila ni Johnny sa phone niya.

“Gaga ka ba? ‘Di porke may pic kayo ni Johnny ay magjowa na kayo,” ani Taeil.

“I knew that you would say that, bitchesa. Kaya hinanda ko ang video na ito,” ini-share screen naman ni Ten ang videocall nila ni Johnny.

“Edited! Fake! Fake news ka, Ten! Wag ka nang delulu!” sunud-sunod na bato ng mga salita ni Jungwoo. Pero totoong patunay ang video na pinapakita ni Ten, nag-uusap silang dalawa tungkol sa paano patutunayan nilang dalawa sa mga kaibigan ni Ten na magjowa sila.

“Bayad ‘yang si Johnny,” deny to the max pa rin si Taeil.

“Paano naman mababayaran ni Ten si Johnny, eh halatang mas mayaman naman ‘yon diyan sa baklang ‘yan,” saad ni Doyoung.

“Prak! Thank you for that, Doy. You made a very sound argument.”

Hindi namalayan ni Doyoung na pinagtanggol niya si Ten. “Ina mo, Ten. ‘Di kita pinagtatanggol.”

“I don’t care.”

“‘Yun na ba ‘yon? Alis na ako,” sabi ni Jungwoo, halatang hindi gusto ang narinig.

“Hoy, Woowoo! Alam kong you’re jealous! You’re just like a rat jumping in a corner looking for a food!”

“Ay, wow! Marites Trosper, ikaw na ba ‘yan?” pagha-hype ni Taeil.

“Oo, ako ang susunod na Marites Trosper! Makakapag-asawa na rin ng Kano!”

“Koreano si Johnny, beh,” pagtatama ni Jungwoo.

“Na pinalaki sa America! And your point being?” pagtatama pabalik ni Ten. “Anyway, ang iingay ninyo! May isa pa akong mas shocking na announcement.”

As if mas may mas nakakagulat pang announcement sa sinabi ni Ten. Uminom ulit si Doyung ng tubig.

“Imbitado tayo sa kasal nina Taeyong Lee at Jay Jeong.” At binuga ulit ni Doyoung ang tubig sa monitor. Nangwa-warshock talaga ‘tong si Ten kahit kailan.

“Hala ka mima, nabugahan na naman ni Doy ang computer screen niya. Kapag nasira ‘yan, ikaw pagbabayarin niyan,” babala ni Jungwoo kay Ten. Pinupunasan muli ni Doyoung ang tubig sa computer niya bago pa ito mababad.

“Sira ka ba, Ten? Di funny, ha,” seryosong sabi ni Doyoung.

“Hala siya, mars. Cross my heart hope to die, totoo sinasabi ko! Gusto nila na invite daw ‘yung pinakamaraming tao na p’wede. Invited daw kahit friends ng SO ng friends ni Jaehyun.”

“Sobrang engrande naman yata na’n,” reaksyon ni Taeil.

“Grabe talaga rich kids ‘no, magsayang na lang talaga ng pera, parang wala lang,” ika ni Jungwoo.

“So, bilang ako ang nag-imbita, the million dollar question is: sino’ng pupunta?”

“Wow, million dollar. Jowa mo yata ang may pera,” pangyayamot ni Doyoung.

“Pag nagpakasal kami, ipagsasama ang assets namin!”

Nakataas na ang kamay nina Jungwoo at Taeil. Si Doyoung na lang ang hindi.

“Doyoung Marie, bakit hindi? Hanggang reception naman daw tayo,” tanong ni Ten.

“Ay, parang nalimutan ata natin, ex ko lang naman ang the one and only Jaehyun Jeong.”

“Alam mo, Doy, mukha man kaming patawa lagi pero sobrang concerned namin para sa’yo. Four years na rin, Doyoung,” samo ni Taeil.

“Baka rin paraan para maka-move on kang makitang masaya na si Jaehyun,” suporta ni Jungwoo.

“Hala, ba’t ako magmu-move on? Alam ‘nyo, pupunta na ako du’n para patunayan ko sa inyo na hindi pa nakaka-move on ‘yon laluna kapag nakita ako!” depensa ni Doyoung.

“Sisigaw ka ng itigil ang kasal, ha?” bilin ni Ten.

“This is gonna make good TV,” sabi ni Jungwoo.

Dumampi na lang ang palad ni Taeil sa mukha niya.

***

Nasa beach si Doyoung, may red carpet sa kanyang paanan. Hindi pamilyar ang eksenang ito sa kanya. Maaaring isa sa mga alternate universe na hindi pa niya nabibigyang-buhay sa papel. Kita niya ang mga ngiting nakapaligid sa kanya. Sa harap ay anyo ng pari at lalaking nakaitim na amerikana. Hinuha niyang ito ang pakakasalan niya.

Tumingin siya sa kanyang ibaba. May dala siyang pink na mga rosas na terno sa puti niyang amerikana. Marahan siyang lumakad, nakatungo at nakatingin.

Naglakad at naglakad na para bang oras ang lumipas sa bawat sandali, at ang saya ay unti-unting napalitan ng pagtataka. Tumingala muli siya, at ganoon pa rin ang pagitan ng carpet na tinatahak niya.

Ang pagtataka ay agad napalitan ng taranta.

Tumulin ang paglalakad niya hanggang naging takbo. Sumigaw siya para sa pakakalasan niya. “Jaehyun! Jaehyun!” Isa nang treadmill ang inaapakan niya.

Tumingin siya sa paligid niya. Ang naunang mga ngiti ay napalitan ng mga halakhak. Ang iba naman ay lumulupasay sa paghagulgol.

Paglingon niya sa likuran, kinakain ang carpet ng kumunoy na malalim. Lalong napuno ng matinding pagkabalisa si Doyoung. Hindi na kaya ng kanyang mahihinang binti ang pagtakbo.

Habang kinakain siya ng kumunoy, sinisigaw niya ang pangalan ni Jaehyun, hanggang pinuno ng buhangin ang bibig at ilong niya.

***

“Ano’t pinapunta mo ‘ko ngayon dito, Doyoung Kim?” pag-aalala ni Ten habang tinatanggal niya ang mga sapatos niya sa bungad ng bahay. May mahihinang paghikbi na nanggagaling sa kuwarto ni Doyoung. Dali-daling tumungo si Ten dito dala ang kanyang pasalubong. Tumambad ang kaibigan niya, nakadapa at iniiyakan ang kanyang unang basa sa luha.

Kaysa magbulalas tulad ng nakasanayan, marahang hinaplos ni Ten ang kahabag-habag na likod ng kanyang kaibigan. Kumurba ang katawan nito hanggang magmukhang sanggol sa loob ng bahaybata. Tinuloy niya ang pagpapatahan hanggang sa wala nang luhang kayang mailabas ang namumugtong mga mata ng kaibigan. Dahan-dahan siyang tumindig mula sa pagkakahiga, sinusuportahan ng mahihinang mga bisig ang kanyang timbang.

“Ten…” aniya sa gitna ng mga tiyak na hikbi.

Hinimas ni Ten ang pisngi ni Doyoung upang aluhin ito. “Ano ‘yon, Doy?”

“Si Jaehyun, Ten… si Jaehyun… napanaginipan ko. Na naman.” Humihigpit ang pagtangan ni Doyoung sa mga balikat ng nagpapatahan.

Lanta na ang Doyoung na karaniwang puno ng pag-asa. Ang pag-asang lagi niyang panggatong sa araw-araw na buhay ay sumidhi sa desperasyong hanapin si Jaehyun, tulad noong bagong-hiwalay pa lang ang dalawa. Kada tanghali ay kumakain siya sa karinderya katapat ng studio ng Star Magic Entertainment upang masulyapan man lang ang ex. Naging mapagmatyag sa bawat showbiz balita ng ABS-CBN upang masiguradong okay lamang siya. Tumungo sa bawat meet and greet ng mga noo’y ruki ng SM Entertainment, pero sa bawat pagpunta ay bigong mamataan si Jaehyun.

Labis na habag ang naramdaman ng mga kaibigan noon ni Doyoung. Pero wala silang magawa kundi magpayo. Kay Doyoung ang huling desisyon, hanggang sa huli nang hawakan niya muli ang laptop upang gumawa ng bagong mga kwento.

Naging therapy ang bawat kumpas ni Doyoung sa mga letra ng keyboard. Hindi na lamang ito simpleng pagsulat, pero paglikha ng mga bagong mundo. Mga mundo ng mga sana ni Doyoung. Sa una ay may pag-aatubili pa sina Ten sa ginagawa ni Doyoung na nagpapakalulong sa nakaraan. Sinubukan nilang babalaan, pero nakita nilang bumalik ang dating sigla ng kaibigan nila. Hindi na nila inabala ang awtor.

Ngayon, iniisip ni Ten kung naging mabuting kaibigan ba sila kay Doyoung. Imbes na maging suhay sila sa pag-move on, pinanood lamang nilang kalimutan ni Doyoung ang nangyari sa kanila ni Jaehyun. Sa pagkalimot, hindi na kinilala ng kanilang kaibigan ang hapdi ng nangyari hanggang ngayong nakikita niya ang ex niyang lumadlad at magpapakasal na sa ibang lalaki.

Dumaluyong lalo ang awa ni Ten sa kaibigan nilang hindi nakatindig para sa kanyang sarili. Nagsimula na ring tumulo ang luha sa kanyang mga mata para kay Doyoung. Humigpit ang akbay ng bisig ni Ten sa likod ng kaibigan.

Napuno ang kuwarto ng mga hagulgol ng pares, walang mga salitang nasasambit. Tuluy-tuloy ito hanggang nakatulog sila nang magkasiping[1].

***

Madilim na ang kuwarto nang nagising si Doyoung, tuyot ang bibig sa kawalan ng likido sa katawan. Ramdam niya ang akap ni Ten sa kanyang tagiliran. Mahina itong humihilik sa mahimbing nitong tulog.

Bumangon siya saka tumungo sa banyo upang maghilamos. Marahan niyang hinugasan ang panis na laway sa tagiliran ng bibig. Nakita niya sa salamin ang repleksiyong nakatitig sa kanya pabalik, ang paga nitong mukha at mugto nitong mga mata.

Bumalik siya sa kuwarto at nakita ang plastik na dala ni Ten. Binuksan niya ang kahon sa loob nito at nakita ang mga strawberry, hindi na napalamig dahil hindi nasabi ni Ten. Inuga niya ang katawan ng natutulog para gisingin. Kumunot ang mukha nito.

“Ten, para sa ’kin ba ‘to?” Itinango niya ang ulo upang magpahiwatig ng oo.

Umupo siya sa sahig at kinain ang mga strawberry. Hindi malamig at medyo maasim tulad ng gusto niya pero hindi na siya nag-abalang kumuha pa ng asukal.

***

Binabasa ni Doyoung ang una niyang nobela, ang Pagputok ng Bukang-Liwayway sa Bagong Taon, sa ilalim ng desk lamp. Nasa bahagi siya kung saan naging tampulan ng tukso si Miko, ang bida ng istorya, matapos magladlad bilang bakla. Bumalik ang alaala niya noong hayskul kung saan laging big deal para sa mga kaklase niya ang pinili niyang kasarian. Si Jaehyun lamang ang naging sandigan niya noong panahong iyon.

Buti at naroon si Jaehyun.

Gumising si Ten mula sa malalim nitong tulog.

“Doy, ano’ng oras na?” tanong ng inalimpungatan.

“Alas dos na ng umaga. Hindi na kita ginising, sobrang himbing ng tulog mo.”

Dahan-dahan siyang bumangon mula sa pagkakahiga.

“So, Doyoung. Pupunta ka ba sa kasalan?”

Ikinorte ni Doyoung ang kanyang bibig sa isang mabuway na ngiti.

“It’s time to send my best regards.”

***

Dire-diretso ang himig ng takatak ng mga daliri sa keyboard sa kuwarto ni Doyoung. Kasabay nito ay paglabas sa monitor ng mga titik na mabilis na nagiging salita, na nagiging mga pangungusap, na nagiging mga talata, na nagiging mga kabanata. Paglaon, patapos na ang kanyang bagong nobela.

Nagpahinga siya nang sandali at nag-unat-unat. Inalala niya ang nakakatuwang paglingkis ni Ten sa maskuladong bisig ni Johnny habang pinakikilala niya sa kanilang magkakaibigan. Binilinan pa siya ng mga kaibigan niyang huwag mag-iiskandalo sa kasalan (wala naman talaga siyang pakay na gawin). Napansin niya ang artistang si Mark Lee na may suspetsosong relasyon sa kasama niyang may ginintuang balat (wala naman siyang pakialam sa kung anumang ginagawa ng mga artista).

Pero higit sa lahat, nakita na niya si Jaehyun sa kabuuang anyo nito. Napakamatikas pa rin sa suot nitong amerikana sa gitna ng bulwagan, hinihintay ang ikakasal sa kanya. May tiyak na sidhi sa mga mata nito habang binabasa ang sumpaan ng kinakasal. Lagi akong nasa tabi mo, gaano man kalayo o kalapit ang distansya sa pagitan natin, anito. Napakahigpit ng pagtangan niya sa kamay ng kapares nang matapos ang seremonya, isinisigaw sa mundo ang pagsinta niya sa minamahal niya.

Sana ako na lang, inisip ni Doyoung.

Napupuno pa rin ang payak na isip ni Doyoung ng mga sana. Kung mababalik lamang niya ang araw para humindi siya sa pag-aya ni Jaehyun na hagkan siya sa labas. O para mas sarapan pa niya ang niluto niyang spaghetti noong anniversary nila. O para mas pilitin pa ang mga publisher na ilathala ang pinakauna niyang nobela.

Pero kailanman ay hindi siya babalik sa araw na nagkakilala sila ni Jaehyun. Hindi niya ipagpapalit ang araw na iyon para sa kahit anuman.

Alam niyang maglalagalag pa rin ang mga mata niya upang hahanapin ang ex niya sa gitna ng mabigat na trapik, sa malalayong mga isla, mga dumaraan na dyip patungong Antipolo. Alam niyang may bahagi ng utak niya na aasang naroon si Jaehyun sa sa istasyon ng Carriedo, sa mga makikipot na eskinita ng Divisoria, o sa mga sangandaan. Alam niyang lilipad pa rin ang isip niya upang hanapin ang iba pang mga bersiyon ng sila na hindi nangyari sa reyalidad.

Pero ngayon, hindi na lamang sa nakaraan iikot ang mundo niya. Alam na niyang darating ang panahong tanggap na niyang hindi na niya kasama si Jaehyun. Hindi nga lang sa ngayon, pero laging dumarating ang kinabukasan. Nagbibigay muli ito ng bagong pag-asa sa bawat pagputok ng bukang-liwayway.

Lalapat muli ang kaniyang talampakan sa lupa.

Bumalik si Doyoung sa pagta-type. Alam na niya kung paano tatapusin ang kuwento. Panahon na siguro muli para sa isang sad ending.

###

Notes:

ginamit ko 'yung word na "siping" for cuddling haha

 

tumblr