Actions

Work Header

Tinatangi

Summary:

Akala ni Jeonghan ay hindi na siya makatatagpo pa ng pag-ibig, akala niya ay hindi niya na maranasan pang mahulog kahit hindi siguradong may sasalo, na sumugal ng walang katiyakan. Pero nagbago ang lahat nang mapagtanto niya na unti-unti nang tumitibok ang puso niya para kay Seungcheol--ang kaniyang propesor.

Notes:

LL008 - AU kung saan teacher ni Jeonghan si Seungcheol. Nung una ay biruan lang nilang magkakaibigan na 'crush' raw kuno ni Jeonghan si Professor Choi ngunit habang tumatagal ay talagang nahuhulog na ang loob ni Jeonghan dito. Ngunit ganon rin nga ba ang nararamdaman ni Seungcheol para sa kanyang estudyante? Posible kaya ito?

Chapter 1: Kung saan nagsimula

Chapter Text

"PH 101… 103...107… Ah ito!!!"

Tagaktak ang pawis ni Jeonghan nang makapasok siya sa kwarto para sa una niyang klase. Akala niya ay late na siya pero nagulat siya nang makita niyang wala pa ang kanilang propesor.

"Han!!! Dito!!!"

Kumaway naman ang bestfriend niyang si Joshua na nakapwesto na sa loob. Finally, a familiar face. Wala kasing block section na tinatawag sa UP kaya naman iba-iba ang magiging kaklase ng mga estudyante. Maaaring may first year, maaaring may fourth year, minsan ay may fifth o sixth year pa nga. Pero no judgments, normal iyon sa UP. Swerte na lang talaga kapag may kaklase ka na kakilala mo.

"Huy bakit wala pa tayong prof? 10:20 na. Malapit na mag-free cut.", Tanong ni Jeonghan nang makaupo sa tabi ni Joshua.

"Nako ewan ko rin. TBA nakalagay sa form 5 di ba?"

"Oo. Sana naman hindi terror prof natin. Gusto ko sumablay on time please lang."

BA Philosophy ang kinukuhang kurso ni Jeonghan habang BA Filipino naman ang bestfriend niyang si Joshua. Nagkakilala sila sa isang GE course noong freshmen pa sila at simula noon ay hindi na sila mapaghiwalay. Talagang nag-click ang personalidad nilang dalawa at naging mag-bestfriend sila. Ultimong suot nila na undergarment ay kaya nilang hulaan mula sa isa't isa. Ganoon sila ka-close.

"Han, nga pala… may boyfriend na ko.", Kilig na kilig na banggit ni Shua.

"Ang pogi niya tapos ang bait pa tapos--ARAY!!! Bakit ka nangungurot?!"

"Ang harot mo! Bakit hindi mo yan sinabi sa'kin ha?"

Natawa naman si Shua. "Eh… baka ma-jinx?"

Kinurot muli ni Han ang tagiliran ni Shua at patuloy na nagkwentuhan ang dalawa. "Si Seokmin Lee, law student. Grabe talaga feeling ko naka-jackpot ako as in!"

"Ang daya mo. Sabi mo never tayong magbo-boyfriend unless nakatapos na tayo ng thesis.", Pagsimangot naman ni Han. Pabirong nagtampo.

"Sorry na! Di ko napigilan eh, mapilit."

"Malandi ka lang talaga.", Natatawang sabi ni Han.

"I mean… you're not wrong…", sagot ni Shua na nagdulot ng paghampas ni Jeonghan sa kanya. "Uy pero seryoso wag mo na panghawakan yung bagay na yun. Minsan lang tayo maging college noh. Sulitin na natin. Malay mo yung Mr. Right mo sumulpot today."

At para bang nagdilang anghel si Joshua dahil dalawang minuto bago ang kanilang free cut ay may pumasok na lalaki--naka-polo na black, slacks na puti, black shoes, nakasalamin at nakataas ang buhok. Ang bango tignan. Ang gwapo. Ang gwapo-gwapo. Pasok na pasok sa ideal man ni--

"Han baka matunaw yan."

Nagbalik sa ulirat si Jeonghan dahil sa bulong ni Shua at dahil sa malalim na boses ng lalaking nasa harap.

"Magandang umaga. Ako si Seungcheol Choi, ang magiging instructor ninyo para sa Pan Pil 20. Pasensya na kung ngayon lang ako nakarating dahil na-stuck ako sa traffic. Sige, kung pwede sana ay magsimula tayo ngayong unang araw sa pagpapakilala niyo ng sarili."

Biglang parang naging ice cream na natunaw si Jeonghan. Never siyang nagkaroon ng crush sa kahit na sino sa unibersidad. Never. Talagang naka-pokus lang siya sa pag-aaral dahil may inaalagaan siyang scholarship at bilang nag-iisang anak sa konserbatibong pamilya, ayaw niyang ma-disappoint ang kanyang mga magulang.

Pero iba ito. Mukhang tinamaan ata siya.

"Simulan natin kay… ikaw. Naka-maroon shirt. Anong pangalan mo?"

Gulat na napatingin si Jeonghan. Maroon shirt. Siya lang ang naka-maroon sa kwarto. "A--ako po?"

"Yes, ikaw. Anong pangalan mo, kurso at year level, expectations mo sa klase."

Napatingin siya kay Joshua at agad namang ngumiti ang kanyang kaibigan, halatang alam nito na siya ay kinakabahan. "Uhm… Jeonghan Yoon po. BA Philosophy, third year. Narinig ko po na maganda raw pong kunin yung subject na ito as GE kaya po kinuha ko at ine-expect ko po na marami akong matututunan tungkol sa pop culture in relation po sa literature."

Nakayuko si Jeonghan habang nagsasalita at inangat niya lamang ang ulo niya nang siya ay tapos na. Buti na lamang at hindi niya tinignan ang instructor sa kanyang harapan dahil kung hindi ay baka tuluyan siyang natunaw. Nakatingin ito sa kanya. Nakatitig. Nakangiti.

"That's nice. Thank you, Jeonghan. Oh wait, Jeonghan na lang ba ang itatawag ko sa iyo?"

"Pwede rin pong hannie."

Nagulat naman ang instructor. "Honey? As in you're my honey? Hindi, biro lang. Anong spelling ba?"

Namula si Jeonghan dahil nangantyaw ang kanyang mga kaklase. "H-a-n-n-i-e po sir."

"Okay. Maraming salamat, Hannie."

___

"Shua please gusto ko nang magpalamon sa lupa.", Saad ni Jeonghan habang ibinabaon ang mukha sa bag niyang dala.

Hindi nagtagal ang una nilang subject dahil unang araw pa lang naman. Nagpakilala lang ang buong klase na may labinlimang estudyante at pagkatapos ay nagbilin na si Sir Seungcheol na maghanda ng index card para sa susunod na klase.

"Hannie pala ha… ganyan ka pala magka-crush. Duma-damoves agad.", Pang-aasar naman ni Joshua.

"Bwisit ka!"

Natawa na lang ang kanyang bestfriend habang kinukuha nito ang inorder nilang pancit canton at kwek-kwek sa Vinzons. Dito ang madalas nilang tambayan lalo na kapag oras na ng pananghalian.

"Eh kasi naman… obvious na obvious ka. Crush mo ano?"

"Huy tumigil ka nga. Prof natin yun. Ayokong maging awkward sa kanya."

"Eh ano naman?", Sagot ni Shua matapos sumubo ng pancit canton. "Ayaw mo yun? Mas maeengganyo kang pumasok sa klase niya. Inspired ka ganon."

"Alam mo tigil-tigilan mo ko ha. Ikwento mo na lang sa akin kung paano mo nakilala yang boyfriend mo.", Pag-iiba ni Jeonghan ng kanilang pinaguusapan.

"Diba nga student assistant ako sa Law? Ayun, dun ko siya nakilala. Lagi siyang tumatambay sa lib. Sipag eh. Naging close kami nung lagi niya akong nakikita doon. Tapos small chats hanggang sa kumakain na kami sa labas ganyan. Tapos hanggang sa nagde-date na kami, hinahatid niya na ko pauwi, formal ligaw tapos ayun sinagot ko na siya last week."

Napailing si Jeonghan. "Nakakaloka ka. Hindi ako makapaniwala na never ko yun napansin eh halos lagi tayong magkasama."

Natawa naman si Shua at niyakap ang bestfriend. "Sorry na. Babawi ako, papakilala ko siya sa'yo."

"Oo na oo na. Haynako basta siguraduhin lang niya na hindi ka niya papaiyakin kung hindi babasagin ko nguso niyan.", Mataray na saad ni Jeonghan.

"Ang brutal ha? Sabagay kapag sinaktan ka rin ni Sir Choi magagalit din ako."

"Huy ano ka ba magtigil ka! Baka may makarinig sa'yo!", Pagtatakip naman ni Jeonghan sa bibig ng kaibigan.

Wala naman talaga yun kay Jeonghan. Nagwapuhan lang talaga siya kay Sir Seungcheol. Talaga naman kasi na gwapo ang binata. Ang bango at ang linis pang tignan. Matipuno pa ang pangangatawan. Lahat naman siguro ng makakakita sa kanya ay hahanga.

Ang hindi alam ni Jeonghan, isa siya sa mga iyon.

___

"Sir ito na po yung papers namin sa klase."

Free cut ang pang-apat na session nina Jeonghan kay Seungcheol at siya ang naatasan na mangolekta ng mga reaction paper mula sa klase na magsisilbing attendance na rin.

"Salamat, Hannie. Lapag mo na lang dun sa table.", Nakangiting saad ni Seungcheol habang patuloy na nagta-type sa laptop.

Paalis na sana si Jeonghan nang may mapansin ito sa lamesa ng kanyang propesor. Kung may isang ugali si Jeonghan na hindi niya talaga maialis sa kanyang sarili, ito ay ang magsimula ng usapan kapag may napansin siya sa isang tao na kapareho niya ng mga gusto at hilig.

Tulad na lang ngayong nakita niya sa corkboard ng kanyang propesor ang litrato ng mga paborito niyang BL series.

"Oh my god sir… Favorite niyo rin po yung Kieta Hatsukoi? Pati Cherry Magic?!"

Nagulat naman si Seungcheol. Tinignan nito ang direksyon kung saan nakatingin si Jeonghan at bigla siyang namula. "A-ah… oo. Paborito ko yan.", Nahihiya nitong sagot.

"Hala sir!!! Paborito ko rin po yan!!!", Napatakip ng bibig si Jeonghan dahil talagang na-excite siya sa nakita. Bihira lang kasi siyang makatagpo ng mga taong kapareho niya ng hilig sa buhay.

Napatingin sa kanya si Seungcheol. Aliw na aliw ito. "Ni-recommend lang sa akin ang series na yan ng mga dati kong estudyante. Maganda raw. Pinanood ko. I think dun na rin nagsimula yung interes ko sa mga BL Series, especially Japanese."

"Ako naman sir nakita ko lang sa Twitter yung posters ng mga series na yan. Na-curious po ako kaya pinanood ko.", Natutuwa namang sabi ni Jeonghan.

Nagkwentuhan pa sila hanggang sa biglang natauhan si Jeonghan. "Hala ang daldal ko. Sorry sir naistorbo ko po kayo."

Agad namang umiling si Seungcheol. "No, it's okay! Sobrang refreshing din makakita ng kapareho ko ng interes at hilig. If it's not too much okay lang ba if hihingi ako sa'yo ng recommendations?"

Nagliwanag ang mga mata ni Jeonghan. Napangiti ito. "Sige sir! Next meeting po ibibigay ko yung listahan."

___

"Kaya nga masasabi natin na sinasalamin ng panitikan o ng kahit anong uri ng sining ang lipunan. Sige, bigyan niyo ako ng halimbawa ng pagsasalamin ng lipunan sa sining o panitikan."

Tahimik ang lahat sa klase ni Jeonghan at Joshua. May naiisip na sagot si Jeonghan pero hinayaan niya munang may sumagot.

"Sir ano… yung mga teleserye ngayon. Halos lahat may kabit. Ibig sabihin yung lipunan natin ngayon talagang mayroon at marami nang nagiging kabit."

"That's a good observation. Pero other than that, tignan din natin kung paano ba ang portrayal ng mga kababaihan sa mga teleseryeng ganito. Antagonized ba sila, hindi ba patas ang judgement pagdating sa lalaking nanloko at babaeng kumabit, etcetera. Palalimin natin ang panunuri sa mga ganitong usapin sa mga nakikita natin sa media kasi it's more than the surface lang. Sige, yung iba." Saglit na tumigil si Seungcheol at tumingin sa kanyang klase. "Ikaw, Hannie, mayroon ka bang pwedeng ibahagi sa klase?"

"Paborito ka na talaga niyan ni sir sure ako.", Natatawang bulong ni Shua sa kaibigan na sinundan naman ng pagsiko ni Jeonghan.

"Ano sir… Diba po sa mga BL films and series… Kahit na marami pong nagpo-portray ng idealistic gay couple life, hindi lang po basta ganoon yung goal nun. Parang ano po… it's more of showing us na just like heterosexual couples, dapat din ituring at tignan na normal yung ganitong relasyon lalo na nasa modernong panahon na tayo at hindi po tayo dapat makuntento lang sa tolerance. Acceptance po dapat."

Tahimik ang klase sa sagot ni Jeonghan. Karamihan ay tumatango lalo naman ang kanyang bestfriend. Si Seungcheol naman ay napangiti sa kanyang sagot, dahilan para siya ay maging conscious.

"Very good. Gusto ko yung sagot mo na yun. Acceptance, hindi tolerance. Hindi naman natin maitatanggi na hanggang ngayon tolerance pa rin ang umiiral sa lipunan natin pagdating sa mga kapatid natin mula sa LGBTQ+ community. At gusto ko yung take mo, yung pagtingin mo sa BL films at series. It's more of a message eh, ano? Salamat Hannie sa sagot. Nga pala, yung recommendations na hinihingi ko ha?", Banggit ni Seungcheol na nagpatango na lang din kay Jeonghan.

"Huy bakla ka ng taon. Ano yun?!", Bulong ni Shua.

"Manahimik ka mamaya na tsismis.", Sagot naman ni Jeonghan na hindi mapigilang mapangiti.

"Hindi raw niya crush~ Suuuus."

"Alam mo ikaw lalagyan ko na ng tape yang bibig mo.", Saad ni Jeonghan na may halong pagbabanta.

Hindi naman niya talaga maitatanggi. Crush niya na talaga ang instructor nilang si Seungcheol. At hindi niya rin mapigilang mapansin na para bang paborito siya nito sa klase. Laging natatawag, laging napapansin.

Syempre, as usual, hindi ito bibigyan ng pakahulugan ni Jeonghan. Mahirap na.

___

"Jeonghan, anak, kumusta ka?", Bati ng ina ni Jeonghan sa telepono.

Katatapos lang ng klase ni Jeonghan. Kapag ganitong maulan at may duty si Shua bilang Student Assistant ay umuuwi na lang siya sa kanyang dorm sa loob ng UP.

"Okay lang ma. Kakauwi ko lang po."

"Naku ikaw ba ay kumakain sa tamang oras? Hindi ka ba nahihirapan sa mga subjects mo ngayong sem?"

"Hindi naman po ma. Okay lang naman po ako."

"Sige. Basta kapag may problema ka magsabi ka lang ha?"

Sana nga ay ganoon kadali magsabi sa kanila.

"Nga pala anak, naipadala ko na ngayon ang allowance mo para sa buong linggo. Wag mong gutumin ang sarili mo ha? Wag mong papabayaan ang sarili mo. Osiya sige na, andito na ang papa mo. Ipaghahanda ko muna siya ng makakain. Bye anak. Ingat ka."

"Okay po ma. Salamat po. Bye po. Ikumusta niyo na lang po ako kay papa."

Pagkababa ng tawag ay humiga si Jeonghan sa kama at nagbuntong hininga. Pwede niya naman kausapin ang papa niya kung gugustuhin niya. Pero pagkatapos ng huli nilang pagtatalo bago siya bumalik sa campus para sa kanyang ikatlong taon sa kolehiyo, hindi niya na talaga gustong makausap muna ito.

Lalo na nung nag-away sila nang malaman niyang bakla si Jeonghan.

Kaya ang motibasyon talaga ngayon ni Jeonghan sa pagtatapos ay ang pagpapatunay sa kanyang magulang na kaya niyang magpakatotoo sa kanyang sarili kasabay ng kaniyang pagtatagumpay sa buhay.

Sa mga ganitong pagkakataon talaga hindi niya maiwasang maiyak pero hindi niya hinayaang mangyari yun ulit. Kinuha ni Jeonghan ang wallet niya, laptop at bag, sinuot ang jacket at nagpunta sa paborito niyang coffee shop sa Katipunan.

___

"Shua? Nasaan ka?"

"Kakauwi ko lang. Hinatid ako ni Seok eh. Bakit?"

Napangiti naman si Jeonghan. Nagkita at nagkausap na sila ni Seokmin at kitang-kita naman niya na talagang mahal nito ang kanyang bestfriend.

"Yayayain sana kita dito sa Starbucks eh. Kakakuha ko lang ng allowance ko."

Napatigil si Shua. "Okay ka lang? Nakausap mo si tita? Si tito?"

Alam na alam ni Joshua na kapag ganitong panahon ay nalulungkot talaga si Jeonghan. Alam niya kung ano ang nangyari kay Jeonghan at sa mga magulang nito.

"Sorry Han. Sana pala nagstay na lang ako."

"Ano ka ba hindi mo naman alam at hindi mo naman kasalanan. Saka biglaan lang ito."

"Sure ka na okay ka lang? Gusto mo ba puntahan kita?"

"Loko loko ka ba? Napakalayo ng Espanya sa Katipunan. Okay lang ako. Magmo-movie marathon na lang ako dito sa coffee shop."

"Okay sige. Basta tawagan mo lang ako kung kailangan mo ng makakausap ha? Love you Han!"

"Salamat Shua. Love you too!"

Pagkababa ni Jeonghan ng tawag ay nagulat siya sa nakatayo sa harap niya.

"Mind if I share the table with you?"

Si Sir Seungcheol.

"Sir…"

Nakangiti sa kanya ang lalaki. Ang gwapo talaga. Nakapolo siya, as usual. Puting polo na tinernuhan ng itim na jacket. Nakababa ang buhok nito, ibang-iba sa aura niya kapag nasa klase. Nakasalamin pa rin, parang isang college student.

"Ano, sige po. Upo lang po kayo. Wala naman po akong kasama."

"Hindi mo ba kasama ang boyfriend mo?", Tanong si Seungcheol habang inilalapag nito ang tray sa mesa.

"Po? Boyfriend?"

"Hala sorry ang chismoso ko. Narinig ko kasi na may sinabihan ka ng 'i love you' sa tawag.", Nahihiyang sabi ni Seungcheol sabay kamot sa batok.

Ibang-iba talaga sa Seungcheol na nakikita niya sa klase.

"Ay sir… si Joshua po yun, kaklase ko sa klase niyo. Bestfriend ko po.", Natatawang sabi ni Jeonghan. "Saka ano po… wala po akong boyfriend."

"So girlfriend meron?"

"Wala sir. Never po nagkaroon."

Nagulat naman si Seungcheol. "Wow. Ikaw? Hindi pa naranasan pumasok sa isang relasyon?"

"Hindi pa po. Strict po ang parents ko."

Natawa si Seungcheol. "Sabagay."

Biglang naging tahimik ang dalawa. Sa totoo lang nanginginig si Jeonghan. Kinakabahan. Hindi niya alam kung dahil ba sa lamig sa loob ng coffee shop, sa kape na kaniyang ininom, o dahil sa binatang kaharap niya.

"Nga pala Hannie, napanood ko na yung isa sa ni-recommend mo. Yung Beautiful Man? Kakaiba yung tema nun kumpara sa tema ng Cherry Magic saka Kieta Hatsukoi! Medyo halo-halo yung emosyon ko."

"Hala sir same tayo!!! Ako rin!!! I mean, kailangan nila pareho ng therapy."

Natawa si Seungcheol. Malakas. Dahilan para mapatingin ang ibang nasa coffee shop sa kanila. "Alam mo that's what I was exactly thinking about. Sobrang eccentric ng relasyon nila diba? It started from 'bullying' tapos nagka-developan silang dalawa? Tapos yung isa pang main character ang turing niya dun sa isa ay God?"

"Kaya nga sir! Tapos that same character eh nagka-jowa pero hindi niya naman talaga pala gusto. Nakakaloka."

Time passed by quickly nang hindi namamalayan ng dalawa. Sobra silang nag-enjoy sa kanilang kwentuhan hanggang sa umabot sila ng alas nuwebe ng gabi.

"Nako Hannie alas nuwebe na pala. Ihahatid na kita sa inyo. Saan ka ba nakatira?"

"Hala sir oo nga. May curfew pa naman sa dorm. Sa Ipil lang po ako sir pero pwede naman po akong magjeep na lang."

Umiling si Seungcheol. "Nako I insist. Ihahatid na kita."

Hindi na nakatanggi pa si Jeonghan. Nahihiya man ay nagpahatid na rin siya.

Habang nasa byahe ay nagpatugtog si Seungcheol.

Aking sinta
Ano bang mayro'n sa iyo
'Pag nakikita ka na
Bumabagal ang mundo
'Pag ngumingiti ka para bang may iba
'Pag tumitingin sa'kin mapupungay mong mga mata
Wala akong takas sa nakakalunod mong ganda (ha)
Halika nga (ha ha ha)

"Sir ang ganda ng kanta na yan.", Komento ni Jeonghan.

"Paborito ko nga ito eh. Actually karamihan sa mga kanta ni Zack paborito ko.", Ngiting sagot ni Seungcheol.

Kumanta kanta si Jeonghan, sumabay sa tugtog. Ang hindi niya alam, sa pagkanta niya ay may unti-unti na ring nahuhumaling sa kanya.

"Sir dito na lang po. Ayan. Sobrang salamat po sa paghatid. Una na po ako ha? Ingat po kayo."

"Jeonghan teka…"

Nagulat naman si Jeonghan. Pangalan niya ang binanggit ni Seungcheol, hindi palayaw.

"Po?"

Natigilan naman si Seungcheol. Ngumiti. "Wala. Ingat ka. Kita tayo next week sa klase."

Nang makaalis na si Jeonghan ay napabuntong hininga si Seungcheol at napasandal sa kanyang manibela. Parang mas lalong lumakas ang tugtog sa kanyang sasakyan.

'Wag ka nang matakot 'wag kang mangamba
Andito ako 'pag ika'y mag-isa
Wala akong takas sa nakakalunod mong ganda
Halika nga (ha ha ha)

"Mukhang delikado na ata ako.", Napapailing na bulong ni Seungcheol.

___

"Haaaaan ayoko naaaaa…", reklamo ni Joshua sa kaibigan.

Kasalukuyan silang nakasalampak sa corridor ng Palma Hall, nagre-rebyu para sa mga subjects nilang may midterm exams.

"Hindi ka pwedeng sumuko. Sige ka, wala kayong date ni Seokmin sa Biyernes.", Sabi ni Jeonghan na abala naman sa pagsulat ng kanyang papel para sa isang major subject.

"Eto na nga eh mag-aaral na nga.", Sagot naman ni Joshua habang pilit na binabasa ang kanyang notes at readings.

Nakapokus si Jeonghan sa kanyang ginagawa kaya naman nagulat siya nang may biglang bumulaga na pagkain sa harap niya.

"Anong-- Sir Seungcheol!!!", Gulat na sabi ni Jeonghan.

"Kumain muna kayo.", Nakangiting sabi nito sabay abot ng dalawang pagkain sa kanila. "Naghahanap ako ng mapagbibigyan nito, sayang kasi. Sobra dun sa pakain sa amin kanina sa forum. Eh kayo lang yung nakita kong estudyante ko rito."

Siniko naman ni Joshua si Jeonghan, nang-aasar.

"Naku sir salamat po pero si Jeonghan na lang po bigyan niyo. Hindi pa nga po kumakain yan eh."

Napasimangot naman si Seungcheol. "Alam mo Hannie pwede mo naman ipagpamamaya yang paggawa mo ng paper. Ilang minuto lang naman ang kailangan para makakain ka eh. Mas mahirap pag nagkasakit ka. Mas lalong hindi mo magagawa ang mga kailangan mong gawin."

"Yan yan. Sige sir pagalitan niyo nga."

Napangiti naman si Seungcheol sabay haplos sa ulo ni Jeonghan. "Sige na, sa iyo na itong pagkain. Wag kang magpalipas ha?"

Hindi na nakasagot pa si Jeonghan. Tumango na lang ito at ngumiti.

"Sige, una na ko. Good luck sa inyo ha?"

"Sige sir salamat pooo!!!", Masayang bati naman ni Joshua.

Nang makaalis na si Seungcheol ay tumawa ito nang malakas. "Alam mo kung hindi lang natin prof yang si Sir Seungcheol feeling ko da-damoves na yan sa'yo eh."

Namula si Jeonghan. Hindi na niya maipagkakaila na gusto niya si Seungcheol. Mas lalong tumindi ito nang magkasama sila noon sa coffee shop. "Alam mo ikaw ang ingay mo. Sige na mag-review ka na jan."

Natawa na lang si Joshua dahil napansin niyang namumula na ang kaibigan. "Basta pag yan nanligaw sa'yo sabihan mo ko ha?"

Imposible, isip ni Jeonghan. Sino ba naman siya? Isang estudyante. Hindi magawang maipagtanggol ang sarili at pagkatao sa magulang. Si Seungcheol? Perpekto. May narating na sa buhay. Walang-wala siya kumpara rito.

Sa ngayon, mas iintindihin niya muna ang papers niya kaysa sa puso niyang sobrang bilis ng tibok. Tama, yun ang tama at dapat gawin.

___

"Ibabalik ko na ang papel niyo at may kasama na itong grado at komento. Basahin niyo at tignan kung ano ang kailangan niyong baguhin para mas mapaghandaan niyo ang papel niyo sa finals. Tandaan na dito rin ito ibabase, maliwanag ba?"

Isa-isang tinawag ni Seungcheol ang kanyang mga estudyante.

"Hannie?"

Napansin ni Seungcheol na matamlay si Jeonghan. Wala rin sa tabi nito si Joshua at ang sabi nito sa email na pinadala noong umaga ay may sakit siya.

"Hannie? Okay ka lang ba?"

"Ah sir sorry po. Opo okay lang po.", Sagot nito matapos abutin ang papel.

"Kung masama ang pakiramdam mo pwede kang umuwi na muna."

"Ay sir hindi po. Okay lang po ako saka uminom na rin po ako ng gamot."

Hindi na nagsalita pa si Seungcheol. Hinaplos na lang nito ang ulo ni Jeonghan at bumalik na sa harap.

Nag-discuss na si Seungcheol pero hindi niya maiwasang tignan at sulyapan si Jeonghan. Halatang pinipilit na lang nito na mag-concentrate sa klase.

"Sige bale yun na lang muna ang magiging talakayan natin sa araw na ito. Wag niyong kalimutang sagutin ang tanong ko sa susunod na sesyon. Salamat at paalam."

Nang makaalis na ang lahat ay pinuntahan na ni Seungcheol si Jeonghan na nakatulog sa kinauupuan nito.

"Hannie? Hannie… gising na."

Hinaplos niya ito at nagulat siya dahil napakainit ni Jeonghan. Hindi na siya nag-aksaya pa ng oras. Buti na lamang at wala siyang bitbit papasok sa klase kaya naman nakarga niya agad si Jeonghan at nabitbit niya agad ang mga gamit nito. Wala ng malay si Jeonghan at talagang umaapoy na ito dahil sa lagnat.

Nakatingin ang mga tao kina Seungcheol ngunit wala siyang pakialam. Dali-dali siyang tumakbo papunta sa sasakyan niya upang maisakay si Jeonghan at madala ito sa infirmary.

"Nurse! Nurse! Tulong!"

Agad namang nailagay sa stretcher si Jeonghan at nasaksakan ng IV. Ayon sa doktor, over fatigue ang dahilan kaya nagkasakit si Jeonghan.

"Wag po kayong mag-alala, sir. Naturukan na po namin siya ng gamot. Magiging okay na po siya. Sa ngayon kailangan niya lang po talaga ng pahinga."

"Sige po, dok. Maraming salamat po."

Umupo si Seungcheol sa tabi ni Jeonghan. Sa buong buhay niya ngayon niya lang naramdaman ang ganito. Sobra siyang kinabahan at nag-alala nang makita niya ang kalagayan ni Jeonghan.

Natatakot man siyang aminin pero alam niya na sa insidenteng ito hindi niya na maipagkakaila na may gusto na talaga siya sa binata.

Hinaplos niya ang ulo ni Jeonghan. Isa, dalawa, tatlong beses. Pinagmasdan niya ang mukha nito. Ang maganda nitong pilikmata, mala-anghel na mukha, manipis na mga labi. Ang ganda-ganda ni Jeonghan.

"Si--Sir Seungcheol?"

Nagulat naman si Seungcheol at agad nitong binawi ang kamay na nasa ulo ni Jeonghan.

"Kumusta ka? Anong pakiramdam mo?"

"Ano pong nangyari?", Garalgal ang boses ni Jeonghan.

"Nawalan ka ng malay sa klase. Akala ko natutulog ka lang pero nung ginigising kita hindi ka sumasagot. Sobrang taas din ng lagnat mo kaya sinugod na kita rito sa infirmary."

Pinilit naman ni Jeonghan na bumangon at inalalayan siya ni Seungcheol.

"Salamat po, Sir. Pasensya na rin po sa abala."

"Hindi ito abala, Jeonghan. Wag mong isipin yan."

Jeonghan. Tinawag na naman siya ni Seungcheol sa pangalan niya.

"May kasama ka ba sa dorm? May mag-aalaga ba sa iyo?"

"Ako lang po sir. Saka kaya ko naman po.", Sagot ni Jeonghan.

Natahimik si Seungcheol, halatang nagiisip.

"Sa condo ko na muna ikaw umuwi. Ako na muna ang mag-aalaga sa iyo."

Nagulat si Jeonghan. "Sir! Hindi na po. Nakakahiya po."

"Hindi ako tatanggap ng pagtanggi. Wala namang pasok bukas kaya ayos lang. Sinabi ko naman sa'yo hindi ba? Ingatan mo sarili mo. Mas mahirap kapag nagkasakit ka. Sige na, doon ka muna tumuloy sa condo ko."

Saglit na natahimik si Jeonghan. Sobrang nahihiya talaga siya at nag-aalangan sa alok ni Seungcheol.

"Wag kang mag-alala.", Nakangiting saad ni Seungcheol. "Gusto ko lang talaga na mapaigi ka. Kung nag-aadmit lang overnight dito sa infirmary iiwan na kita rito eh kaso hindi. Saka mas mahirap magkasakit kapag walang nag-aalaga sa iyo."

Bumuntong hininga na lang si Jeonghan. Sa totoo lang hindi rin siya makatanggi dahil hindi pa rin maayos ang pakiramdam niya.

"Sige po sir. Sobrang salamat po."

___

Nakatulog si Jeonghan sa biyahe at hinayaan naman siya ni Seungcheol. Hininaan niya ang aircon at kinumutan ito gamit ang jacket na baon niya.

"Hannie… gising na. Andito na tayo."

Inalalayan ni Seungcheol si Jeonghan hanggang sa makarating sila sa unit. Agad niyang pinaupo si Jeonghan sa sofa at kumuha ng mga damit upang makapagpalit ito. Nahihilo man ay nagawa pa rin na obserbahan ni Jeonghan ang interior ng condo ni Seungcheol. Malinis ito. Cool tones ang kulay ng kwarto. Blue, white, may kaunting touch of gold. Sophisticated ang dating. Maganda, pasok din sa taste ni Jeonghan.

Kaya siguro talagang nahuhulog na siya kay Seungcheol dahil pareho ang mga gusto nila.

"Hannie, nagprepare na ako ng warm bath sa banyo. Ito na rin yung pajama. Lahat yan bago. Sakto kakabili ko lang last week. Sige na, maglinis ka na doon."

Agad namang tumalima si Jeonghan. Nang nasa banyo na ito ay naghanda na si Seungcheol ng makakain nila. Nagluto siya ng lugaw at aglio olio.

Sa totoo lang wala pang kahit sino na dinadala si Seungcheol sa kanyang condo kahit na kaibigan niya pa. Si Jeonghan pa lang. Kinakabahan siya, hindi siya mapakali.

Lalo pa't kasama niya sa tinuturing niyang tahanan ang taong gusto niya.

Nang matapos siyang magluto ay sakto namang paglabas ni Jeonghan sa banyo.

"Tapos ka na? Sige na, dun ka na sa kwarto. Humiga ka na doon. Dadalhin ko na lang itong pagkain mo saka mga gamot mo."

Tumalima naman si Jeonghan dahil nahihilo at nanghihina pa rin siya.

Pinakain siya ni Seungcheol. Binigyan ng gamot. Pagkatapos ay hinayaang makatulog sa mismong kwarto nito.

"Eh sir kayo po? Saan po kayo matutulog?"

Ngumiti si Seungcheol, hinaplos ang ulo ni Jeonghan. "Wag mo na akong alalahanin. Dun ako matutulog.", Sabay turo sa sofa sa loob ng kwarto nito. "Sige na, matulog ka na. Magpahinga ka na."

Aalis na dapat si Seungcheol nang hinawakan ni Jeonghan ang kamay niya. Nagulat siya pero hindi niya yun pinahalata.

"Sobrang salamat sir. Thank you po."

Pinisil niya ang kamay ni Jeonghan. "Wala yun. Sige na."

Paglabas ni Seungcheol ng kwarto ay umupo muna siya sa sofa sa sala. Hinilamos ang kamay sa mukha at inalala ang paghawak ni Jeonghan sa kamay niya.

"Seungcheol ano ka ba naman…"

Saglit siyang nanahimik, nag-isip ng gagawin. Tatayo na sana siya nang biglang nag-ring ang cellphone niya.

"Oh, bakit ka napatawag?"

Jihoon chuckled. Jihoon, his bestfriend, his ex, his first love, his first heartbreak.

"Ito naman. Mangungumusta lang. Naramdaman ko namomroblema ka eh.", Sagot ni Jihoon habang tumatawa.

"Ang weird mo pero tama ka."

"Totoo nga? May problema ka? Bakit?"

Bumuntong hininga si Seungcheol. "May nagugustuhan ako."

Rinig na rinig ang pagsinghap ni Jihoon. "Seryoso? Sabihin mo lang kelan ka papainom. Susugod ako. Pero teka, bakit ka namomroblema? Diba dapat masaya ka?"

"Yun na nga yung problema eh. Estudyante ko siya."

"At sa UP ka nagtuturo. At isang sem mo lang tuturuan yan dahil isang subject lang naman ang hawak mo. Anong problema dun?"

Oo nga naman, tama nga naman si Jihoon. Wala naman talagang kaso doon. So bakit…

"Look, Cheol. If this is still about what happened to us I am really, really sorry. I'm sorry if we didn't work out before and I'm sorry if I decided to marry somebody else. Minahal kita, alam mo yan. Pero things weren't going great for us before. That's why we ended our relationship, right? Sana hindi ka na mag-hold back sa nararamdaman mo dahil lang sa nangyari dati. Iba ako, iba ang mga taong makakasalamuha at makikilala mo. Oo, iniwan kita noon. Pero malay mo, yang tao na yan ang hindi na mang-iiwan pa sa'yo."

Nanatili pa rin naman na mabuting magkaibigan sina Jihoon at Seungcheol pero hindi talaga maiwasan na may lamat na naiwan sa puso ni Seungcheol, dahilan para mag-alangan siya sa nararamdaman niya.

"Thanks, Ji. Mas na-realize ko ngayon kung bakit talagang mas bagay tayong maging magkaibigan. Kahit paano nabawasan yung iisipin ko."

"So paano, liligawan mo na?", May tonong pang-aasar na sabi ni Jihoon.

Natawa naman si Seungcheol. "Pag natapos na yung sem."

___

Umaga na nang magising si Jeonghan. Nagulat pa siya dahil hindi siya sa kwarto niya nagising pero naalala niya agad na dinala siya ni Seungcheol sa condo nito upang maalagaan. Hindi pa rin gaanong maigi ang pakiramdam niya. Sinubukan niyang luminga-linga pero wala na si Seungcheol sa kwarto.

Medyo malabo ang ala-ala niya pero kahit paano ay may natatandaan siya. Natatandaan niyang ginising siya ni Seungcheol upang painumin ng gamot. Natatandaan niya rin kung paano siya nito pinunasan at nilalagyan ng malamig na tuwalya sa noo, kung paano ito maya't mayang tumatayo sa kinahihigaan nito upang tignan ang kanyang kalagayan, kung paano nito hinaplos haplos ang kanyang ulo…

Napapikit si Jeonghan. Ganito ba talaga mag-alala at mag-alaga si Seungcheol para sa isang tulad niya na estudyante lang naman? Napakaraming tumatakbo sa isip ni Jeonghan kaya naman hindi niya namalayan ang pagpasok ni Seungcheol sa kwarto.

"Gising ka na pala. Eto, may dala akong pagkain. Kumain ka na para makainom ka na ulit ng gamot. Kumusta na pakiramdam mo?"

Hindi agad nakasagot si Jeonghan kaya naman nilapitan siya ni Seungcheol. Nilapag nito ang tray na dala at hinaplos ang kanyang noo. Ang init ng kamay ni Seungcheol, para bang naramdaman ni Jeonghan na ito ang kailangan niya para gumaling nang tuluyan.

"Medyo mainit ka pa pala. Gusto mo ba subuan kita?"

Nanlaki naman ang mata ni Jeonghan at sunod-sunod ang pag-iling. "Sir nako hindi na po kailangan. Nakakahiya po."

Ngumiti naman si Seungcheol. "Biro lang. Sige kumain ka na. Tawagin mo lang ako kapag may kailangan ka ha?" Akmang lalabas na si Seungcheol sa kwarto nang lumingon siya ulit kay Jeonghan. "Nga pala Hannie, kapag wala tayo sa klase, wag mo na akong tawaging sir. Cheol na lang."

Pagkalabas ni Seungcheol sa kwarto ay agad na hinawakan ni Jeonghan ang dibdib niya. Ang lakas ng tibok ng puso niya, para bang sasabog ito anumang oras.

"Cheol…"

Ang sarap bigkasin ng pangalan ni Seungcheol. Kakaiba, pero gusto itong ulit-ulitin ni Jeonghan.

Sa unang pagkakataon sa buhay niya ay nagkaroon siya ng kakaibang kahilingan. Hindi makatwiran, kahit sino man ang makaririnig.

Sana hindi na matapos ang panahong ito, ang oras na ito.

___

"Han? Huy kumusta ka?", Bungad ni Joshua nang sagutin ni Jeonghan ang tawag nito.

Hapon na nang muli siyang magising. Mas maayos na ang pakiramdam niya. Hinanap niya si Seungcheol sa loob ng condo ngunit umalis ito.

"Okay lang naman, eto medyo magaling na. Ikaw kumusta ka? Nagkasakit ka rin diba? San mo pala nalaman na nagkasakit ako?"

"Okay na ko, iba talaga pag inaalagaan ng jowa.", Natatawang sabi ni Joshua. "Nagchat kasi ako sa isa nating kaklase, si Jun. Hindi ka kasi sumasagot sa akin eh akala ko may na-miss ako sa class natin kay Sir Seungcheol. Ayun nabanggit niya na parang may sakit ka nga raw. Teka, nasaan ka nga pala? Nasa dorm ka? Padalhan kita ng pagkain saka gamot."

"Uy teka lang… kasi ano…" hindi maituloy ni Jeonghan ang sasabihin niya.

"Ano yun? Anong meron?"

"Pangako mo muna wag kang magpapanic ha?"

"Aynako. Ano ba kasi meron?"

Huminga nang malalim si Jeonghan bago nagsalita. "Andito ako sa condo ni Sir Seungcheol."

"ANO?!?! OH MY GOD KA!!!"

"SABI KO DI BA WAG KANG MAGPAPANIC?!?!"

"EH NAKAKALOKA KA!!! HINDI MO NAMAN SINABING KAYO NA?!?!"

"Huy anong kami na?! Baliw! Hindi kasi ganon yun!!!", Napahilamos si Jeonghan sa kanyang mukha. "Pakinggan mo kasi muna ako."

At ikinuwento na ni Jeonghan ang nangyari sa kanya nang magkasakit siya.

"So… inalagaan ka niya for two days? Tapos pinatuloy ka niya sa condo kasi walang nag-aalaga sa'yo? Like super alaga, tipong boyfriend levels alaga?"

"Mm hmm."

Narinig ni Jeonghan ang pagbuntong hininga ni Joshua at ang paimpit na tili nito. "Sinasabi ko sa'yo Jeonghan iba na talaga yan."

"Huy ano ba. Ayoko na nga mag-overthink eh."

"OH MY GOD KA ANONG OVERTHINK?! Ibig sabihin bet na bet mo na talaga si sir?!"

Natahimik si Jeonghan nang ilang segundo bago siya nakasagot. "Eh paano kung oo? Shuaaaa… hindi ko na alam."

"Well… ang problema niyo lang naman ay estudyante ka niya ngayon at professor mo siya. Aside from that wala naman na."

"Anong wala? Eh malay ko ba kung gusto niya rin ako."

"Han… ganun talaga. Kaya nga diba sinasabi nila na sugal ang pag-ibig? Tumataya ka kahit hindi sigurado. Nakakatakot kasi baka masaktan ka, oo. Pero parte yun eh. Kasama yun. At kailangan tapangan mo ang loob mo, ang sarili mo. Kasi maaaring pumabor sa'yo yung tadhana, pwede ring hindi."

Napangiti si Jeonghan sa sinabi ng kaibigan. "Grabe naman. Pag-ibig agad?"

"Alam mo Jeonghan kilala kita. Wag mo na itanggi. Pero seryoso. Susuportahan kita kung saan ka masaya. Kung masasaktan ka, dadamayan kita. Magagamit mo yun para matuto. Tapos tuloy ang buhay. Mahirap oo. Pero ganun lang yun."

"Sana nga ganun kadali. Eh paano pag umabot na sa stage na kailangan ko na sabihin ito kina mama? Lalo na kay papa?"

"Han, anak ka nila. Pero hindi naman ibig sabihin nun pwede na nilang kontrolin kung sino ka, kung sinong magugustuhan mo, kung ano ang magiging future mo. Diba lagi ko naman yang sinasabi sa'yo? Saka alam ko, naniniwala ako na mahal ka talaga ng parents mo kaya matatanggap ka rin nila. Hindi man ngayon o bukas, darating din ang panahon na yun. Mas mahalaga na sundin mo kung anong nagpapasaya sa'yo basta wala kang tinatapakan o sinasaktang ibang tao."

Rinig na rinig ni Joshua ang pagsinghot ni Jeonghan. "Sinisipon ka ba o umiiyak ka na naman?"

Natawa naman si Jeonghan. "Alam mo sobrang nagpapasalamat talaga ako na nakilala kita at naging bestfriend kita. Thank you, Shua. Thank you."

"Para namang ano 'to. Wala yun, ano ka ba. So pano? Gusto mo na talaga si Sir Seungcheol."

Napangiti si Jeonghan. Mas sigurado na siya sa nararamdaman. "Oo Shua, gusto ko na talaga si Sir."

Ang hindi alam ni Jeonghan ay may iba pang nakarinig ng usapan nila ni Joshua. Muntik nang mabagsak ni Seungcheol ang groceries na pinamili niya sa narinig.

Gusto ni Jeonghan si Seungcheol.

___

Nagkahiyaan ang dalawa nang lumabas na si Jeonghan sa kwarto. Para bang may sikretong tinatago sa isa't isa.

"Sir--ay… Cheol… nakabalik ka na pala."

Napangiti naman si Seungcheol. "Oo, namili lang ako ng pagkain. Medyo konti na lang kasi yung supplies ko. Kumusta ka? Kumusta pakiramdam mo?"

"Medyo okay naman na po ako… Thank you sa pag-aalaga sa akin."

Lumapit si Seungcheol kay Jeonghan at hinaplos ang noo bito, dahilan para magitla ang isa.

"Sorry, just checking if okay ka na talaga. Sige na, kain na tayo. Nagluto ako."

Sinigang na baboy ang niluto ni Seungcheol. Tamang-tama sa malamig na panahon at tuluyang pagpapagaling ni Jeonghan.

"Ang sarap!!!'

"Thank you. Sa totoo lang hindi talaga ako marunong magluto dati pero nung mag-isa na lang ako, ayun natuto at nasanay rin."

Ayaw sana ni Jeonghan magtanong pa pero hindi niya mapigilan ang kanyang kuryosidad. "Nasaan po ang parents niyo? May mga kapatid po ba kayo?"

"Nasa abroad ang mga magulang ko. Nag-retire na sila dahil matatanda naman na kami. Isa lang ang kapatid ko. Kuya. May asawa at anak na. Ako na lang yung single.", Nakangiting sabi ni Seungcheol. "Saka nga pala, wag mo na akong i-po, Hannie. Ilang taon ka na ba?"

"21… Ikaw?"

"25. Apat na taon lang pala ang tanda ko sa'yo eh. Wag mo na ako i-po pag nasa labas tayo saka Cheol na lang ha? Hindi na sir."

Tumango na lang si Jeonghan. Hindi pa rin talaga siya sanay pero ayaw niya rin talagang magkaroon sila ng pagkailang ni Seungcheol sa isa't isa.

"How about you? Nasaan ang mga magulang mo?"

"Sa probinsya po sila nakatira. Sa Masbate. Wala akong kapatid. Siguro yun na rin ang makakapagpaliwanag kung bakit strikto sila sa akin."

"Eh buti pinayagan ka nila na dito sa UP mag-aral?"

"Ayaw nga nila nung una. Iba raw ang buhay dito sa Manila, baka raw mahirapan ako… pero gusto ko kasi maranasan na lumaya. Kahit ngayon lang. Nakaka-suffocate na rin kasi."

"Suffocate? Bakit?"

Malungkot na ngumiti si Jeonghan.

"Kung ayaw mong sabihin Hannie okay lang.", May ngiting paninigurado na saad ni Seungcheol.

"Bakla ako…", pagbubunyag ni Jeonghan. Tinitignan niya ang magiging reaksyon ni Seungcheol pero nakatitig lang ito sa kanya, parang walang epekto ang sinabi niya, parang hindi ito kakaiba. "Naramdaman ko na iba ako simula pa nung hayskul. Tinago ko kasi yung kinalakihan kong pamilya ay hindi naman bukas sa ganoong mga bagay. Kaso ang hirap magpanggap bilang isang taong hindi naman talaga ikaw. Kaya talagang sobrang saya ko nung nakapasa ako sa UP. Sabi ko baka ito na yung tyansa ko na makalaya kahit paano."

Tinapos muna ni Jeonghan ang kanyang pagkain bago nagpatuloy. "Kaso nitong nakaraang bakasyon, nagkaroon kami ng pagtatalo sa bahay. Hindi ko napigilang sumagot nung pinag-uusapan nila papa at mama yung kapitbahay naming bakla. Ang sabi ni papa salot daw, malas daw sa pamilya. Hindi ko na kinaya, sinabi ko na sa kanila kung ano ako, kung sino ako, na bakla ako. Hindi na ako umasa na magiging okay kami pagkatapos nun kaya lumuwas na ako agad kahit may isang linggo pang natitira sa bakasyon. Buti na lang pinayagan akong mag-early check in sa dorm. Simula non si mama na lang ang nangungumusta sa akin. Nagpapadala pa rin naman sila ng mga kailangan ko pero hindi na ulit kami nakapag-usap ni papa."

Naramdaman ni Seungcheol ang lungkot sa tinig ni Jeonghan. Kahit hindi niya naranasan ang sinabi nito dahil simula't sapul ay tanggap siya ng kanyang mga magulang ay ramdam niya ang hirap na pinagdaanan nito. Kaya naman kahit nag-aalinlangan ay hinawakan niya ang kamay nito. "Hindi ko alam kung anong eksaktong nangyari, pati yung nararamdaman mo ngayon. Pero ang alam ko, wala kang ginawang mali. Gusto mo lang magpakatotoo sa sarili mo, Hannie. Gusto mo lang makilala ka nila kung sino ka talaga, kung ano ka talaga. Alam ko, nakikita ko, at nararamdaman kong mabuti kang tao. Kung may mali man dito, yun yung persepsyon at pananaw nila sa mga katulad natin."

Gulat namang napatingin si Jeonghan kay Seungcheol na siyang ikinatawa ng isa. "Hindi mo pa ba nahalata nung pareho ang taste natin sa BL series at films?" Pinisil ni Seungcheol ang kamay ni Jeonghan bago ito patuloy na nagsalita. "Matatanggap ka rin nila. Sigurado ako. Dahil nagawa nilang magpalaki ng mabuting tao na tulad mo, hindi malabong matatangap ka rin nila."

Malamig ang kamay ni Jeonghan pero naramdaman niya ang unti-unting pag-init nito dahil sa paghawak ni Seungcheol. Ito yung init na hinahanap niya. Simula pa nang madiskubre niya na hindi siya tulad ng iba, na kakaiba siya, pakiramdam niya ay mag-isa lang siya. Malamig, madilim, pakiramdam niya ay walang makakaunawa sa kanya. Kahit nga magkagusto ay hindi na siya umaasa pa. Kaya sa pagdating ni Seungcheol, sa paghawak nito ng kanyang kamay, para bang naglaho na ang lahat ng masalimuot niyang pinagdaanan.

"Oh, wag kang umiyak!", Taranta namang sabi ni Seungcheol.

"Thank you.", Sagot ni Jeonghan na may matamis na ngiti sa kabila ng mga luha nito. "Lagi ko nang naririnig yan kay Shua pero ang gaan sa pakiramdam na marinig sa iba."

Sa iba.

Seungcheol smiled. Sana lang dumating na ang panahon na hindi na "iba" ang turing sa kanya ni Jeonghan.

___

Nang matapos kumain ay nanood muna sina Jeonghan at Seungcheol sa sala.

"Meron ako actually DVD collection ng mga BL films.", Banggit ni Seungcheol matapos maghugas ng mga pinagkainan. "Nandyan sa may cabinet sa may TV. Tignan mo na lang. Pili ka na rin kung gusto mo tapos panoorin natin."

Tuwang-tuwa na lumapit si Jeonghan sa may cabinet. Tinignan ang laman nito at totoo ngang may koleksyon si Seungcheol ng mga BL DVDs. May BL series, BL movies, pati mga anime ay meron din.

"Ang dami!!! Hala nandito rin yung mga paborito ko!!!", Saad ni Jeonghan habang tinitignan isa-isa ang mga koleksyon.

"May napili ka na?"

"Hmm… ito. Napanood ko na ito dati pero nakalimutan ko na yung plot eh. Ito na lang."

Kinuha ni Jeonghan ang isang DVD. Doukyuusei. Tungkol ito sa magkaklase na unti-unting nahulog sa isa't isa.

Kumuha si Seungcheol ng dalawang kumot at mga unan. Binigyan niya si Jeonghan, pinatay ang ilaw, at inilagay sa DVD player ang CD.

Pansin ni Seungcheol na tutok na tutok si Jeonghan sa panonood. Pansin niya rin na napakaganda talaga nito. Kung paano ito ngumingiti, kumukunot ang noo, tumatango… lahat ng ginagawa nito habang sila ay nanonood ay pansin na pansin niya. Umiiwas lang siya kapag akmang titingin sa kanya ang binata o di kaya ay kakausapin siya.

"Young love… ang ganda ng kwento…", komento ni Jeonghan habang patuloy na pinapanood ang pelikula.

Hindi maintindihan ni Seungcheol ang nararamdaman. Ngayon niya lang ito naranasan. Kahit pa noong naging sila ni Jihoon ay hindi siya naging ganito.

Muli niyang tinignan si Jeonghan at nagulat siya nang makatulog na ito. Pinatay niya na ang TV at kinumutan si Jeonghan.

"What have you done to me, Jeonghan?", Bulong niya dito sabay haplos sa buhok. "Gustong-gusto na talaga kita."