Work Text:
10:00 AM. Nakita ni Sunghoon na may nagtext sa kanya, saying na nag-aaccept na ulit ‘yung scholarship na pinag-applyan ng senior niyang si Seungkwan. Medyo nadistract nga siya sa klase kaya naman natawag pa ng prof niya, ang kilalang terror prof ng Business Tax sa AMV, si Miss Bae. Buti na lang at nasagot pa rin niya ang tanong kahit gaano ito kahirap at distracted pa siya nang lagay na iyan. Nang paupuin siya, siniko siya ng seatmate niyang si Jongseong. “Oh, laki ng ngiti mo ah. Ano ‘yun?” bulong nito. Masaya naman niyang binalita kay Jongseong ang text, na mahina pa rin ang boses dahil ayaw niyang buminggo nang malala. “Pwede na daw ako mag-apply ng scholarship, Pre. Sayang naman, bawas gastos rin eh.” Napangiti naman si Jongseong at tinapik ang likod nito nang mahina. “Claim mo na agad, Pre. Congrats agad.” Nangiti rin si Sunghoon dahil sa wakas, nagkaroon na rin ng slot ang inaabangan niyang scholarship nang makabawas naman siya sa alalahanin ng mga magulang at may kapatid pa siyang nag-aaral sa high school.
11:00 AM. Saktong nagring ang bell, nagdismiss na rin ang prof niya. Agad niyang inayos ang mga gamit niya habang papalapit ang blockmates nilang sina Jaeyun at Riki. “Oy, kakain tayo, diba?” bungad naman ni Riki sabay tapik sa likod ni Jongseong na kakatapos lang mag-ayos ng gamit. “Pre, habol ako. Magrerequest lang ako ng transcript eh.” Napatingin naman si Jaeyun sa kanya sabay tanong, “Open na daw ‘yung scholarship? Goods ah! Sige na, bilisan mo. Maaga sarado ng Accounting Department,” bilin ni Jaeyun kaya tumakbo na lang agad si Sunghoon palabas ng classroom at pababa ng AMV building. Napailing na lang ang tatlong naiwan at umalis na rin kinalaunan.
11:06 AM. Hingal si Sunghoon na nakababa ng AMV building, at halos hindi makadaan sa dami ng taong naglalakad, papunta at paalis ng Carpark. Medyo naiinis na nag-eexcuse si Sunghoon sa mga nakakasalubong para lang makapaglakad siya nang maayos papuntang Main Building. Halos tapatan lang naman ito pero takang taka siya bakit parang ang dami ng tao sa Plaza Mayor ngayon. Hindi niya sigurado kung galing Pharma o Science ba ‘tong mga ‘to, basta nakaputi, pero ang dami nila for an unreasonable cause at gusto lang naman ni Sunghoon makapunta sa Main Building nang matiwasay. Kaya naman laking pasalamat niya nang makarating siya sa may guard, at tsaka niya iniscan ang ID niya. Kitang kita naman sa screen ang ID picture niya (na daig pa ang bagong huling isda sa sobrang fresh) at info niya. Pero wala na siyang pake kaya nang makapasok siya sa lobby ay agad siyang tumungo sa hagdan para akyatin ang Main Building at puntahan ang destinasyon niya, ang Registrar’s Office.
11:15 AM. Nakarating si Sunghoon sa Information Window at inattendan siya ng cute at maliit na Working Scholar na taga AB base sa uniform at Journalism na lanyard nito. “Yes po?” mahinang tanong sa kanya ng scholar. Hiningal naman saglit si Sunghoon. “Transcript po, Kuya.” Tinignan naman siya ng scholar at parang napataas ang kilay nito at naghihintay ng kasunod. “Para saan gagamitin?” Sungit naman nito, komento ni Sunghoon pero hindi na lang niya sinabi ito, mahirap na. “Ah, pang-apply po sa scholarship,” sagot niya. Tahimik naman itong kumuha ng form, may mga chineckan sa mismong form at huli nitong binilugan ng scholar ang salitang INSTRUCTIONS sa itaas na parte ng papel sabay abot nito kay Sunghoon. Hindi naman alam ni Hoon ang gagawin, first time niya kasing magrequest dito. Oo, nakakahiya naman at third year na siya pero first time pa lang niyang magawi sa Registrar sa buong Thomasian life niya, at walang siyang kaide-idea sa kung ano bang dapat gawin. Kaya naman nilapitan niya ang scholar sa window para magtanong ulit. "Kuya, ano po gagawin?" bungad niya. Napataas ang kilay ng estudyante sabay turo nito sa papel. "Pakibasa po instructions. Fill out. Payment doon. Balik ka dito after." Napatingin naman si Sunghoon sa katapat na office sa kabilang dulo at saktong kokonti na lang ang tao sa loob. Tumango naman si Sunghoon pagkatapos, "Ahhh, sige po, thanks po."
11:20 AM. Palakad na sana si Sunghoon papunta sa Accounting sabay naalala niyang hiniram pala ni Riki ang ballpen niya. Puta, nagkataon pa oh. Kaya naman agad siyang bumalik sa window, saktong nandun pa rin ang scholar na kumausap sa kanya, sabay tanong "Kuya, pwede po ba makahiram ng ballpen...?" Sabay ngiti ni Sunghoon. Hindi naman makita ni Sunghoon ang reaksyon ng scholar at agad na lang siyang inabutan ng ballpen. "Balik ko after, kuya, thank you!" sabi niya habang nakangiti nang malawak sabay takbo papunta sa Accounting Department na malapit nang magsara.
11:00 AM. Pagod na si Jungwon sa dami ng ginagawa sa office pero hindi naman siya makapagreklamo at nakasalalay ang pag-aaral niya sa UST dito. Natawa na lang ang mga kascholar niyang sina Heeseung at Sunoo na kasama niya sa office at ginagawa ang mga trabahong nakatoka sa kanila. Bwisit si Jungwon lalo dahil nauna pang maglunch ang boss nilang halos wala namang ginawa pero hinayaan na lang niya. Nagbabantay na lang siya sa window habang nag-aayos ng mga forms sa gilid para hindi naman messy ang mga ito. Mahirap na’t baka masermunan pa sila ng supervisor nilang masyadong organized sa gamit. Napabuntong hininga na lang siya’t natawa naman ang senior scholar niyang si Heeseung. “Pagod na, Won? One hour na lang, lunch na. End na rin ng sched mo, diba?” Pagkumpirma nito kaya’t napatango na lang siya. Oo nga pala, may klase pa pala siya hanggang ala siete mamayang gabi kaya maaga palang, exhausted na si Jungwon sa gawain dahil sa dami ng tao kanina at buti na lang eh naaccommodate pa nila ang mga ito at hindi na inabot ng tanghali. Kaya naman medyo rest mode na rin sila. “Sabay sabay ba tayo maglunch?” tanong naman ni Sunoo na busy mag-encode ng mga requests na nakuha nila para bawas trabaho na mamaya. Napa-sige naman ang dalawa dahil wala naman kasabay si Jungwon at late pa kung magsipasok ang mga kaklase niya, at tulad ni Sunoo, may afternoon schedule rin si Heeseung sa office. Chineck na lang niya ang oras habang nag-aantay ng mga hahabol na magrerequest bago sila maglunch break.
11:15 AM. Sakto namang may dumating na estudyante, mukhang taga-AMV, base sa uniform na suot. Inoobserbahan lang ni Jungwon noong una at halata namang bagong salta lang ito sa lugar, kahit mukhang ilang taon nang kinwawa ng course niya. Normal transaction lang kung isipin ni Jungwon, pero parang medyo mali ata ang akala niya. Tinanong niya ng “Yes po?” nang lumapit si Kuyang AMV. Narinig naman niyang napahingal pa ito saglit bago sabihing “Transcript po, Kuya.” Tinignan naman niya ng scholar at napataas ang kilay nito. Puta bilis. Medyo nawalan siya ng pasensya habang naghihintay ng kasunod na sasabihin ito, pero hindi naman agad sinabi kaya naman tinanong na niya ulit. “Para saan gagamitin?” Medyo inis na tono niya kasi nauubusan na siya ng pasensya. “Ah, pang-apply po sa scholarship,” sagot nito kaya naman agad siyang kumuha ng form at nagcheck ng para sa nirerequest na dokumento nito, at binilugan pa ang instructions sa ibabaw ng form para ipaalala sa estudyante na basahin ito. Nakita naman niyang nakatitig lang ito sa papel. "Kuya, ano po gagawin?" tanong sa kanya. Puta. Lord, give me patience , bulong niya sa isip. Napataas ang kilay niya at sabay itinuro nito ang salitang INSTRUCTIONS sa papel. "Pakibasa po instructions. Fill out. Payment doon. Balik ka dito after," sagot niya at napatano na lang ang si Kuyang AMV bago ito naglakad papaalis sa harapan niya. Natawa naman si Heeseung at Sunoo na nakikinig sa kanya. “Wonie, chill! Tubig ka muna!” biro ni Sunoo. Napailing na lang si Heeseung habang nagpprint ng waybill. Napabuntong hininga na naman ulit si Jungwon. Hindi pa ba matatapos ang araw na ‘to, Lord?
11:20 AM. Nakita na ni Jungwon na naglalakad na ito paalis pero nagulat siyang pabalik na naman ito at ngayo’y nasa harap na naman niya si Kuyang AMV. Napairap si Jungwon sa inis kasi mukhang may irerequest na naman. Hindi naman sa maiinitin ang ulo niya, natataon lang talaga kasi may sobrang busy ng araw at nakakausap pa siya ng kupal na estudyante kanina kaya naman kinuha na nito ang buong energy ni Jungwon kahit umaga pa lang. Kita niyang ngumiti si Kuyang AMV at sinilip siya sa may butas ng window. "Kuya, pwede po ba makahiram ng ballpen...?" tanong nito. Puta, estudyante yan pero walang ballpen? May pambayad ng tuition pero ballpen wala? Putang ina naman, Lord, ‘wag ako. Awat na please. Pero pigil na pigil si Jungwon na ipakitang naiinis siya kaya naman inabot na lang niya nang tahimik ang ballpen at tinitigan si Kuyang AMV. "Balik ko after, Kuya, thank you!" sabi nito bago tumakbo papunta sa may Accounting. Leche, laki pa ng ngiti oh.
11:35 AM. Kita ni Jungwon na naglalakad na ang makulit na si Kuyang AMV pabalik ng Information Window. Nang makarating, inabot sa kanya ang form at resibong magkasamang nakastapler. Tinanggal naman ni Jungwon ang resibo at unang tinabi ang form sa lalagyan nito sa may gilid bago niya tatakan ang resibo. Humarap naman siya sa window at ipinakita kay Kuyang AMV ang details ng pagkuha ng dokumento nito. “Pwede na siya makuha bukas ng after lunch. Present mo lang ‘yung resibo para makuha ‘yung document, okay?” Bilin niya at tumango na lang ito. Pagod nang mag-isip si Jungwon at iniabot na nito ang resibo. Nginitian na naman siya ni Kuyang AMV bago umalis. “Hay puta,” bungad ni Jungwon nang makita niyang bumaba na si Kuyang AMV kaya napasandal na lang siya sa may pader at pumikit nang saglit.
11:55 AM. Nakita niyang nagsarado na ng window ang mga boss sa kabilang counter kaya naman binaba na rin niya ang blinds ng window nila at napastretch siya ng braso pagkatapos. “Sa wakas.” Nakita naman niyang itinabi muna ni Sunoo ang mga forms na hindi pa niya na-encode at kakatapos lang rin magdikit ni Heeseung ng mga waybill sa mga ipapadala nilang documents ngayon. “Saan tayo kakain?” tanong niya nang kunin niya ang bag at inayos ang mga gamit dito. “Dapitan na lang, para malapit ka, Wonie.” sabi ni Heeseung at bigla namang na-excite si Sunoo nang isuot ang bag. “Angkong tayo!” Napangiti naman si Jungwon kasi namiss na niya ang fried siomai dito. Maya maya’t pinatay na ni Heeseung ang ilaw sa office at umalis na rin silang tatlo.
1:30 PM. Saktong nasa klase na si Jungwon, News Writing I class niya at mahilig magpanotes ang prof niyang si Miss Kang. Kinuha naman niya ang binder notebook niya at bungad naman ang filler nito pang News Writing I class niya. Hindi maalala ni Jungwon kung saan niya naisuksok ang ballpen. Tinignan na niya ang magkabilaang bulsa, pati na ang lanyard at polo kung nakakabit ba doon, pero wala. Hindi niya makita. Tsaka niya naalalang ipinahiram niya ito sa makulit na Kuyang AMV kanina. Medyo naiinis na naman siya pero mas nakuha ng atensyon niya nang magdiscuss na ang prof niya kaya naman kinuha na lang niya ang spare ballpen niya sa may bulsa ng backpack niya. Naisip na lang niya na sana ibalik ang ballpen. May pangalan pa nga niya ito na nakabalot sa may lalagyan ng tinta sa loob, katulad ng ballpen niya ngayon. Yang Jungwon - 4JRN1. Sana lang talaga, may mga mabait pang nilalang sa mundo pero kung hindi man maibalik, sana ay nakatulong man lang si Jungwon sa kapwa estudyante niya.
2:45 PM. Kasalukuyang nakatambay si Sunghoon sa dorm nina Jaeyun at Riki habang nagrereview silang apat nila Jongseong sa upcoming quiz nila para sa Financial Markets. Mahirap na, si Miss Son pa naman prof nila. Mabait pero strict pagdating sa grades kaya nakikinig silang tatlo kay Jongseong na naglilead ng review nila. Pahinga muna sila ng 20 minutes, dahil halos isang oras na silang nag-aaral. Napansin ni Sunghoon na gamit ni Riki ang ballpen na hinahanap niya kanina habang nagsosolve ito. “Hoy gago, akin na ‘yang ballpen ko. Bumili ka ng sa’yo! Yaman yaman mo eh.” Sabi niya. Tinignan naman siya ni Riki sabay turo sa kamay niya. “Eh kanino ‘yang gamit mo! ‘Di ba sa’yo ‘yan, ha?” sagot ni Riki kaya naman napatingin si Sunghoon. Ay shet! Oo nga pala. Doon sa Journ na scholar ng Registrar itong ballpen na ‘to. Tinignan naman ni Sunghoon at aba, sakto! May pangalan. Yang Jungwon - 4JRN1. Napakamot na lang sa batok si Sunghoon at nagkaroon pa siya ng atraso bigla sa hindi naman niya kakilala. Sakto naman at bukas niya kukunin ang transcript niya. Sana lang ay nandun ang scholar. Natawa na lang ito at itinago na sa bag ang ballpen at baka maubos pa niya ang tinta nito, o maiwala niya nang hindi sadya. Mas okay nang safe ‘yung ballpen.
10:04 PM. Hindi makalimutan ni Sunghoon ang pangyayari kanina. Cute na may pagka-masungit ang scholar kaya naintriga siya. Hindi naman niya ugaling mangstalk pero binabagabag siya ng isip niya kaya naman nagtry siyang magsearch sa Facebook. Sakto namang may lumabas at may mangilan ngilan silang mutual friends. Tama ngang from Journalism ito at 2nd year pa lang. Ahead siya ng first year. Kita naman niyang puro org dps at mga nakapublic na posts lang ang kita sa profile nito. Kita rin niyang friend ito ni Jaeyun sa Facebook kaya naman nagchat siya dito.
Park Sunghoon: pre, may kilala kang yang jungwon?
Sim Jaeyun: Saan mo nakilala? Classmate ko yan nung high school, taga AB. Bakit?
Park Sunghoon: ah wala naman. siya kasi yung may-ari nung ballpen na taga registrar pala hahahaha
Sim Jaeyun: Kala ko crush mo eh. Reto kita, gusto mo?
Park Sunghoon: gago hahahahahaha
11:12 PM. Napangiti na naman si Sunghoon nang maalala niya. Inisip na lang niyang bigyan ito ng kung ano man, tinapay o kape, kasi kita niyang pagod ito sa work. Para makatulong naman siguro. Sana nga, ayos lang. At natulog si Sunghoon na excited dumating ang kinabukasan.
The next day, 1:03 PM. Binuksan na ni Sunoo ang ilaw sa office nila habang nag-ayos si Jungwon ng mga forms na gagamitin. Silang dalawa naman ngayon ni Sunoo ang nakaschedule ngayon dahil may klase si Heeseung ngayong araw at nakapagtrabaho na ito noong umaga. Hinila na ni Jungwon pataas ang blinds ng window nila at sakto nga naman talaga oh, si Kuyang AMV ang una sa pila. Nakangiting nakaharap ito sa kanya habang inaabot ang resibo, at sinuklian naman niya ito ng ngiting sakto lang nang kunin niya ang inabot nito. Ayaw naman niyang sungitan. Good mood siya today at medyo nahiya rin si Jungwon sa pagsusungit na nagawa niya kahapon. Hindi naman sinasadya eh, nagkataon lang. Sabi pa nga niya, Hindi naman lahat ng taga-Registrar, masungit. Kulang lang sa pahinga, ganon. Alala niyang tinawanan lang siya ng mga ka-scholar pero alam niyang agree rin ang dalawa dahil totoo naman iyon. Kinuha niya ang file organizer para sa mga transcript at hinanap nito ang pangalan ng estudyante. “P… Park… Park Sunghoon, ayun.” Sabi niya nang makita niya ang transcript nito. Ibinalik muna ni Jungwon ang file organizer sa may lamesa sa tabi niya at tinatakan ang resibo gamit ang stamp na RECEIVED at tsaka niya pinirmahan. Iniabot naman niya ang document at resibo papunta kay Sunghoon, “Ito na po, Sir.” Kinuha ni Sunghoon ang resibo at transcript niya, pero may nilagay rin ito sa may window niya. Ang ballpen niya, na may kasamang ensaymada at instant coffee. Gulat naman si Jungwon kaya napatingin siya kay Sunghoon. “Sir…?” tanong ni Jungwon sabay turo sa mga inabot nito sa kanya. Napangiti na lang si Sunghoon sabay sagot, “Pansin ko, pagod ka kahapon. Sorry rin pala, makulit ako! Hehe. Pambawi na lang. Thank you ulit sa tulong!” sabi nito habang nakangiti nang malaki. “Thank you po, Sir…” nahihiyang balik ni Jungwon nang kunin ang mga ito. Kumaway naman si Sunghoon bago umalis. Napangiti naman si Jungwon nang itabi niya ang mga pagkain sa gilid at kinausap ang nakasunod sa pila.
3:05 PM. Tinapik ni Sunoo si Jungwon habang gumagawa ito ng assignment dahil wala namang tao sa may window. “Wonie, break ka muna. Do’n ka sa pantry. Kainin mo ‘yung bigay ng manliligaw mo,” tukso ni Sunoo kaya naman nakakuha ito ng palo sa likod. “Gago, aray!” bulong ni Sunoo nang palitan si Jungwon sa may upuan. “‘Di ko manliligaw ‘yon!” sagot ni Jungwon nang kunin niya ang itinabing pagkain at inumin sa may gilid, bago maglakad papuntang pantry. Nang makarating sa pantry, umupo siya sa upuan at napangiti na naman siya nang makita niya ito. Inalog niya muna ‘yung kape bago tanggalin ang straw nito at itinusok sa may ibabaw bago uminom. At tsaka niya kinuha ang ensaymada para buksan. Hindi niya napansin na may nakadikit palang papel dito kaya naman binasa na niya.
hi jungwon!
sorry nga pala kahapon, ang kulit ko, nadala ko pa ballpen mo. ito pambawi ko ah? pero hindi ko mapromise na last time na yung pangungulit ko. add mo ako sa fb. park sunghoon, yung taga amv na pogi. hintayin ko ah! hehe enjoy your meal. :D
sunghoon
3:08 PM. Napangiti naman si Jungwon sa sulat ni Sunghoon. Parang gago. Bulong nito sa isip kaya naman binuksan nito ang Facebook at pinindot ang search box habang ngumunguya ng ensaymada. Park Sunghoon, studies at UST AMV College of Accountancy. Natatawa na lang si Jungwon nang ilock niya ang cellphone habang inuubos ang pagkain nang makabalik na sa loob kasama si Sunoo.
3:30 PM. Kakatapos lang ng klase ni Sunghoon sa Accounting Research Methods. Medyo masungit kasi ang prof niyang si Sir Do kaya naman hindi rin nila makuhang ilabas ang cellphone nila. Mahirap na, baka trouble pa. Chineck naman ni Hoon ang cellphone niya habang naririnig niyang nag-uusap ang mga kaibigan sa gilid. Nanlaki ang mata niya nang nakita niya ang pinaka-unang notification sa screen niya. “Gago,” ayan nalang ang nasabi niya’t kaya naman nag-uusisa agad ang mga kaibigan kung ano ba ‘yung nakita niya’t parang gulat na gulat ito.
Yang Jungwon sent you a friend request.
