Actions

Work Header

Pahiwatig (sana di magbago ang pagtingin)

Summary:

Umuwi galing Amerika ang kababata at childhood crush ni Sunghoon, si Jongseong na nakatira sa bahay katabi ng kanila. Sa kasagsagan ng lockdown sa Pilipinas, magagawa ba niyang magtapat at makuha ang loob ng matagal nang sinisinta?

Isang kwento ng pag-ibig sa panahon ng CoVid-19.

Notes:

this story was set during the first two months of pandemic in the Ph when we entered the 60-day lockdown
you might recognize a few issues/trends/things that happened during that time. look back natin 'to after 2 years u.u

warning for cursing and other themes that may not be suitable for younger audience
tara nang balikan ang lockdown experience natin lods /o/

Chapter 1: Two-Month Lockdown

Chapter Text




Pogi: oy, san na kayo?

Riks: w8 kain p lng me

Pogi: si kuya Yeonjun?

Riks: 2log pa

Pogi: 2pm na???

Riks: normal nmn nia un??

Pogi: sabi ko nga

Jekjek: hello
anong ganap

Pogi: wala kasi dumating ka na

Jekjek: you’re really rude??

Riks: aattendance n nmn c hoon
tpos n skul yir pro feeling class pres prin hahaha

Pogi: hahahah
stumo kick kita?

Riks: WEH CGE NGA

[You removed Riki Nishimura from the group.]

Jekjek: RIKI IS BEING GALIT IN PM IBALIK MO DAW SIYA SA GROUPDSJSJK

Pogi: HAHAHAHAHAHHA
naghamon siya eh
balik ko na ba?

Ddeonu: wag muna gusto ko ng katahimikan

Jekjek: HAHAHAHA

Pogi: HAHAHAHAHAHAH
buti gising ka na

Ddeonu: sana nga hindi pa eh

Jekjek: *sana nga hindi na eh
yan i fixed it na for u

Ddeonu: tnx

Pogi: @Jaeyun nakausap mo sina kuya Yeonjun at kuya Hee?

Jekjek: not yet
kuya Yeonjun is still asleep
my baby went ligo saglit <3

Ddeonu: …tulog na lang pala ko ulit

Jekjek: wow Sun
do i sabi anything when you rant about your crush??

Pogi: langya Jake chat na nga tayo dito conyo typings ka pa rin

Jekjek: shut up at least I don’t arrogantly call myself Pogi

Pogi: mayabang ako pero di ako sinungaling
balik ko na nga si Riks ganun din naman ang ingay

Ddeonu: kulang kasi sa kick dapat pati si Jek

Jekjek: MARK THIS DAY SUNOO KIM >:/

Ddeonu: pang-ilan mo na yan ngayong buwan la bang bago

Jekjek: ALDHSLJGFHSELHSDF

[You added Riki Nishimura.]

Pogi: ayan na yung maingay

Riks: ANG KAPAL NG MUKHA MO SUNGHOON PARK AKO BUMUO SA GROUP CHAT NA TO

Jekjek: yay he knows how to spell na!

Pogi: hahahahahhahaa

Ddeonu: sana noong may pasok pa para di ka bumagsak sa quiz

Riks: SHATAHP

Jekjek: but seriously, guys
kamusta naman kayo? is it safe in your place?

Riks: ok p nman kmi dto
wlang reported case ng nag-positive
s inyo b?

Ddeonu: wag ka magtanong nasa TV nga yung barangay namin kasi maraming pasaway labas pa ng labas

Jekjek: omggg

Pogi: huy ingat kayo jan Sun

Riks: onga :(

Ddeonu: ready na ko guys
kahit wala pang covid alam niyo na yan
paunahan na lang ma-meet si rold

Riks: ANG MORBID MO TALAGA

Jekjek: you’re bwisit talaga Sun!

Pogi: not funny Sun
maraming taong namamatay at nagdudusa dahil sa virus ngayon

Ddeonu: alam ko
kaya nga mas dapat prepared na tayo mentally
bakit tingin nyo ba bubuhayin tayo ng gobyerno na to??
sa incompetence nila? sa lack of compassion nila for the public?
more than two weeks na since mag-lockdown pero wala namang ginagawa!

Jekjek: true

Riks: la tau mga2wa yn usto n Tatay Digong ih

Pogi: maka-tatay to???
di ko alam may ka-DDS pala dito hahahaha

Jekjek: can’t we kick him?

Ddeonu: DDS ka?? DDS KA?!?!
ipapa-Grab ko tsinelas ko dyan sa inyo para paluin ka sasabe ko sayo Riki!

Riks: uy d aq DDS nu!



Sasabad pa sanang muli si Sunghoon nang makarinig siya ng ugong ng kotse na pumarada sa labas. Kakaiba. Sa kasalukuyang mga pangyayari sa bansa, bihira nang makakita o makarinig ng mga sasakyang bumibiyahe kung saan man. Higit lalo sa lugar nila kung saan mahigpit ang pagpasok at paglabas ng mga naninirahan.


Sumilip siya sa bintana, hinagilap kung saang parte ng kalye nila tumigil ang narinig at napansin ang isang itim na van na naka-himpil sa tapat ng katabing bahay nila.


At dahil ubod ng tahimik ang kapaligiran, naabot ng kanyang pandinig ang mahihinang usapan ng mga taong nakatayo sa gate ng kapitbahay. Pinili na ni Sunghoon na itodo ang pag-usyoso at binuksan ang pinto para sumilip sa labas.


Eksaktong bumukas rin ang pintuan ng van at lumabas ang isang lalaking naka-face mask. Nakasuot ito ng puting damit na napapatungan ng berdeng cardigan, maong na pantalon, at may sukbit na malaking itim na bag sa balikat.


Hindi ito pamilyar kay Sunghoon. Walang miyembro ang pamilya ng kapitbahay niyang iyon na lalaki na hindi nalalayo ang edad sa kanya. Maliban na nga lang kay-


Nanlaki ang kanyang mga mata nang bumaling ang ulo ng estranghero sa direksyon ng bahay nila at nahuli siyang nakasilip sa pintuan. Tila siya binuhusan ng malamig na tubig nang magtama ang mga mata nila ng lalaki.


Kilala niya ang mga matang iyon. Walang duda. Kahit natatakpan pa ang kalahati ng mukha nito ay hindi siya maaaring magkamali.


Pabalang na naisara ni Sunghoon ang pinto saka umakyat paitaas sa kwarto niya.


Rold, siya po ba talaga ‘yon?!





Ddeonu: isipin mo, sa laki ng budget na ni-release nila wala pa ring maayos na supplies ng PPEs ang mga frontliners?!
kung di ba naman mga gago

Pogi: GUYS GUYS OMAYGAD

Jekjek: what

Pogi: bumalik siya! bumalik na siya!!!

Riks: cno

Pogi: SI JONGSEONG
YUNG KAPITBAHAY KO
YUNG KABABATA KO
YUNG NAGMAMAY ARI NG PUSO KO
BUMALIK NA SIYA

Jekjek: you mean your childhood crush?

Pogi: OO
SHET KAHIT NAKA FACE MASK ANG GWAPO NIYA PA RIN

Ddeonu: luh paano niya kaya nakita yon eh naka-face mask nga

Riks: magic

Pogi: GUYS I’M SERIOUS
BUMALIK NA SI JONGSEONG
ANONG GAGAWIN KO?!

Ddeonu: edi mag-stay sa bahay niyo ano ba dapat

Jekjek: haha your mouth is really pasmado Sun

Riks: waw cgrats hoon nkita mu n uli c crush mu

Ddeonu: di naman niya malalapitan kasi social distancing

Jekjek: aww wawa

Pogi: kaibigan ko ba talaga kayo T.T

Ddeonu: oo kaya sinasabi ko sayo: WAG KA LALAPIT
di ba galing Amerika yan? baka may baon pa yang virus

Riks: OMGGGGGG

Jekjek: how did he manage to lusot in immigration?? did he do quarantine??
baka sa kanya pa kayo mahawa Hoon!

Pogi: ANSAMA NIYO NAMAN
di naman siguro siya makakauwi sa kanila kung PUI siya or positive!
bakit di na lang kayo maging masaya para sakin? :’(((

Riks: aw sori n hoon
msaya kmi 4 u

Pogi: antagal ko siyang hinintay guys
hindi niyo lang alam

Jekjek: duh we know that’s why you never ligaw to anyone in school

Ddeonu: so anong plano mo ngayon?

Pogi: di ko alam :((( pero gusto ko siya makausap uli

Ddeonu: eto gawin mo
mangapit-bahay ka
sagap virus ganun
di ba yun gusto mo? kahit mamatay ka pa?
di ka naman papapigil eh
lapag niyo nga dito yung gif nung mga negrong nagbubuhat ng kabaong

Riks: [sent a gif]



Ddeonu: tnx

Jekjek: HAHAHAHA

Pogi: bwisit talaga kayo
alis na ko

Jekjek: lover boy don’t leave!
Hooooon
Sunghoooooon

Riks: hoon balik k d2 kwen2 k pa
kick nlng nmin c sun



Hindi na pinansin ni Sunghoon ang mga sumunod pang mensahe mula sa mga kaibigan at humiga na lamang sa kama, ang mga mata ay nakatitig sa kisame. Bagaman masama ng bahagya ang loob sa mga ito ay hindi pa rin lubusang nawala ang kagalakan sa kanyang dibdib.


Bumalik sa isipan niya ang imaheng nakita kanina. Si Jongseong, ang kanyang kababata at nagturo sa kanyang batang puso na magmahal maraming taon na ang nakalilipas.


Lumaki at nagkaisip na lamang si Sunghoon na kaibigan at kalaro na niya si Jongseong. Magkaibigan ang mga magulang nila at halos araw-araw silang magkasamang binabantayan at inaalagaan.


Ilang buwan lamang ang pagitan nila ngunit mabait na nakatatanda si Jongseong; palagi niyang inaalalayan si Sunghoon at pinagbibigyan sa mga larong gusto nito.


Kahit nang magsimula itong makakilala ng mga bagong kaibigan na kapareho nito ng hilig ay hindi niya pa rin niya iniwan ang kababata. Kung kaya’t madalas ay tangay si Sunghoon ng mga kaibigan ni Jongseong saan man sila magpunta, ang bunso sa kanilang lahat.


Lumaki siyang may paghanga kay Jongseong. Paghanga sa taglay nitong kabaitan, pagpapasensya, at siyempre, sa pagiging mapagmahal sa kanya. Ito ang unang bayani ng kabataan niya, na kung mayroon mang superhero sa totoong buhay ay sigurado siyang isa si Jongseong sa mga iyon.


Kasabay ng paglaki nila ay ang pagbabago ng simpleng paghanga niya dito. Noon ay tinitingala siya ni Sunghoon bilang nakatatanda; isang kuya na mistulang gabay niya sa pagiging mabuti ding kuya kay Yeji, ang tunay niyang kapatid.


Hanggang sa maglaon ay unti-unti na siyang nakararamdam ng kakaiba para sa kababata. Kung anong taglay na ganda ng kalooban ni Jongseong ay siya ring repleksyon ng panlabas nitong kaanyuan; ang mga matang kumikinang sa kasiyahan, ang mga ngiting kanyang ibinibigay sa kahit kanino man. Ang boses na matamis at malumanay at kailanman ay hindi nagtaas ng tinig sa kanya.


Noong una ay hindi maintindihan ni Sunghoon. Normal lamang ba na mas gusto niyang makasama si Jongseong kumpara sa iba? Na mas gusto niya gumawa ng mga bagay-bagay na sila lang dalawa?


Nang mamulat sa konsepto ng romantikong pag-ibig ay tila nabuksan ang pintong matagal na nakapinid sa kanyang isipan: ang mga pag-aasam niya noon na mapansin ni Jongseong, ang makasama ito nang silang dalawa lamang, ang di mapagod-pagod niyang pagmamasid at paghanga rito, ang lahat ng iyon pala ay tumawid at lumampas na sa antas ng pagkakaibigan.


Tawagin man siyang musmos, alam ni Sunghoon sa kanyang murang isipan kung sino at ano si Jongseong sa buhay niya.


Ito ang kanyang unang pag-ibig.





Junnie: 446 new messages tangina anong kabobohan to
sinong salarin lumabas

Jekjek: good morning kuya Yeonjun!

Riks: mrning kyah

Ddeonu: time check 4:26 pm

Junnie: pakielam ko sa time check mo

Ddeonu: bakit kuya binilang ko lang natitirang oras sa araw mo

Junnie: wag na paiiksiin ko pa yan
nagising lang ako sa announcement ng taga barangay mga bulahaw

Jekjek: do you still use the bathroom kuya?

Junnie: @Jaeyun Sim sa panaginip
ano yung inaarte ni Sunghoon kanina

Riks: dmating ung childhood cruxh nia gling US

Junnie: oh?

Jekjek: then binara ni Sun so he got tampo and left

Junnie: tsk alam niyong triggurd yon pagdating kay Jongseong
first love niya yun
magsorry kayo

Jekjek: say sorry na Sun

Riks: onga ksalanan m un ee

Ddeonu: ako na naman
kasalanan ba magsabi ng totoo

Jekjek: you just scared him by saying his crush has covid eh!

Ddeonu: bakit sigurado ba kayong wala?

Jekjek: BAKIT SIGURADO KA TOO NA MERON???

Junnie: mga tanga mag away kayo pag present na yung tao
hoy @Sunghoon alam kong nababasa mo to
mag reply ka boi

Pogi: :(

Junnie: wag mo pansinin tong mga kumag na to

Riks: c sun lng un!

Jekjek: oo nga kuya!

Junnie: tigil

Pogi: :((

Junnie: 7 years kayong di nagkita
alam namin na si Jongseong lang naman talaga ang minahal mo kahit dati pa
gawin mo kung anong gusto mo
kausapin mo, puntahan mo sa kanila
pero practice SD kasi di ka pa pwedeng mamatay hangga’t di nagiging kayo

Jekjek: +1

Riks: yaw nmen ng wattpad tragedy

Ddeonu: sorry @Sunghoon
alam ko insensitive ako sa sinabi ko kanina
good luck sa lovelife mo

Pogi: thanks guys :(((
ok lang @Sunoo Kim sanay na kami sa tabas ng dila mo
pero may point naman kayo eh
paano ko siya lalapitan eh lockdown nga

Junnie: hanapan mo ng paraan
basta mag face mask ka at please Sunghoon
WAG MO HAHATSINGAN SA MUKHA

Jekjek: lol

Riks: hahahahaahaha

Ddeonu: HAHAHAHAHAAHAH
sayo pa pala siya mahahawa ng virus

Pogi: sakit niyo naman magsalita
kala ko pa naman kakampi kita kuya Yeonjun

Junnie: tanga binabalaan lang kita
kilala ka namin kung saan saan ka lang bumabahing

Pogi: oo na alam ko naman
update ko na lang kayo huhu



Buong araw nag-isip si Sunghoon kung paano niya makakausap muli ang dating kababata. Sa iilang ingay na nasagap ng usisero niyang tenga ay tila abala pa ang mga tao sa bahay nina Jongseong sa pagdating nito. Nakita niya ang pagpasok ng ilang maleta at panaka-nakang sigawan ng pangalan ng binata, marahil ay dala ng galak ng mga kaanak sa muling pagbabalik nito.


Kung wala sanang lockdown ay maaari siyang mangapit-bahay o dili kaya’y mag-abang sa daan hanggang sa makasalubong muli si Jongseong.


Sa kasamaang palad, mahigit dalawang linggo na mula nang maipatupad ang curfew at lockdown sa kanilang lugar. Sinisita ang sinumang nasa kalye nang walang quarantine pass at mabuting dahilan para lumabas.


Gusto na niyang makausap muli si Jongseong. Makipagkuwentuhan sa mga nangyari sa kani-kanilang buhay sa nakalipas na pitong taon. Umalis si Jongseong upang mag-aral sa Amerika at doon na nanirahan.


Labis ang lungkot at iyak ni Sunghoon noong araw na papunta na ito sa paliparan. Nangako sila na mananatiling magkaibigan at magsusulatan, pipiliting bukas ang ugnayan sa kabila ng malawak na distansya sa pagitan nila.


Ganoon naman ang nangyari sa mga sumunod na linggo, hanggang sa dumalang ang palitan nila ng mga mensahe. Naging abala na si Jongseong sa pag-aaral at ganoon din si Sunghoon, idagdag pa ang magkaibang oras ng kanilang mga araw hanggang sa tumigil na ang komunikasyon nila sa isa’t-isa.


Gustuhin man niyang buksan muli ito ngunit sa tagal na hindi na nila pagkakausap ay nahiya na si Sunghoon na kamustahin pa muli ang kababata.


Sa likod ng kanyang isip ay ginamit na rin niya itong dahilan upang tuluyang kalimutan ang nararamdaman para kay Jongseong.


Ngunit lumipas man ang maraming taon ay hindi pa rin nawala ang paghanga ni Sunghoon. Nakatatanggap siya ng mga pag-amin mula sa iba ngunit hindi niya magawang magustuhan ang mga ito. Laging bumabalik sa kanyang isip ang ngiti ng isang batang may makislap na mga mata at matamis na tinig.





Napali ang atensyon ni Sunghoon sa binabasang komiks nang makarinig ng sunod sunod na mga katok sa pintuan ng kanyang silid, kasabay ng malakas na pagtawag ng kanyang ina.


“Sunghoon! Magbihis ka at kunin mo iyong ayuda galing sa barangay! Palapit na raw sila kagawad sa kanto natin!”


“Okay po, ‘ma!” Sigaw rin niya pabalik.


Kinuha niya ang jacket na nakasabit sa likod ng pinto upang ipangsuon sa suot na sando at lumabas, kung saan naghihintay ang kanyang ina na hawak ang kanilang alagang aso na si Gaeul.


“Papaliguan ko pa si Gaeul at natutulog si Yeji kaya ikaw na ang lumabas.” Utos ng ina habang pinapanuod bumaba ng unang palapag ang panganay na anak. “Kunin mo iyong stub diyan sa mesa sa sala!”


“Opo!”


Nagsuot ng face mask si Sunghoon at, dala ang piraso ng papel, ay lumabas sa may gate nila upang abangan ang mga opisyal ng barangay na mamimigay ng suportang bigas, de lata, at iba pang pangangailangan ng mga residente sa lugar.


Nakita niya ang iba pa nilang mga kapitbahay na nakaabang na rin sa tapat ng kani-kanilang tahanan. Hindi nagtagal ay dumating na ang mga tanod at nagsimula na ang pag-abot ng relief goods sa kanilang kalye.


Kakukuha lamang ni Sunghoon ng supot na para sa pamilya nila nang marinig niya ang marahang langitngit ng bakal na gate sa katabing bahay at lumabas ang isang binata na tila inaantok pa, base sa hitsura ng mabibigat na talukap ng mga mata nito at gulo-gulong buhok.


Si Jongseong.


Nanigas siya sa pagkakatayo habang pinapanuod ang kababatang iabot ang stub sa tanod at kunin ang ayudang kapalit. Papasok na ito muli ng gate nang magkamalay siyang tawagin ang pangalan ng lalaki.


“Jongseong!”


Napatigil si Jongseong sa paglalakad at bumaling sa kanya. Ilang segundo pa ang lumipas at umaliwas ang mukha nito, ang antok sa mga mata ay napalitan ng kagalakan nang sa wakas ay makilala siya.


“Sunghoon!” Gulat na bulalas rin ng binata.


“Kamusta?” Halos hindi makahinga si Sunghoon sa labis na pagtatalon ng puso sa dibdib, idagdag pa ang nakabalot na face mask sa kanyang mukha.


“I’m great!” Bati ni Jongseong pabalik. “Ikaw, kamusta na? We haven’t seen each other for so long!”


“Okay naman.” Sagot rin niya. I missed you. Sa halip ay iba ang kanyang sinabi. “Bumalik ka na pala galing US?”


“Yeah, I got back here just before the lockdown was imposed. I had to do quarantine for a while and when I got cleared, I came back home.” Paliwanag nito.


“Ah. Mabuti naman, kasi sa US ngayon andami nang cases ‘di ba?”


“Yeah, the people there are too stubborn to stay at home.” May sasabihin pa sana si Jongseong ngunit may tumawag na sa pangalan nito mula sa loob ng kanilang bahay. “Sorry, but I got to go. It was nice seeing you again!”


“Same here.” Sabi niya, bagaman malungkot na naputol na ang kanilang usapan ng kababata.


“Keep safe, Sunghoon!”


“Kayo rin!”


Kumaway ito at muling pumasok na ng bahay. Napabuntong hininga si Sunghoon saka umuwi na rin sa kanila, baon ang malapad na ngiti sa mga labi.


Rold, thank you nakausap ko na siya!!



Pogi: OMG GUYS
nakita ko si Jongseong kanina sa labas nung kumuha ako ng rasyon

Jekjek: you talked??

Riks: ansabe??

Ddeonu: may rasyon na kayo??

Jekjek: why Sun wala kayo?

Ddeonu: meron galing sa barangay pero last week pa yon
yung galing sa local city gov wala pa
HELLO JOY BELMONTE BUHAY KA PA BA

Riks: chill k lng Sun d lng ikw tga QC
wla p rn kmi ih

Jekjek: i told mom we shoulda gone to lola in Pasig :((
buti sila may Mayor Vico

Pogi: GUYS HELLO
Yung lovelife ko usapan dito

Ddeonu: mas importante ba yan kesa sa kumakalam na sikmura ng libo-libong Pilipino??

Pogi: di naman sa ganun
…wag na nga :(((

Jekjek: you’re so salbahe talaga Sunoo
just because it’s lockdown doesn’t mean it’s bawal to have a lovelife

Riks: anyare b hoon?

Pogi: tanong mo kay Sunoo

Ddeonu: ang arte tampo naman agad
sige na kwento na

Pogi: ayun nga nakita ko si Jongseong kanina!
siya yung kumuha ng ayuda nila
JUSKO MY HEART
GUSTO NA TUMALON AT MANGAPIT-BAHAY

Ddeonu: di naman ba bumula bibig mo on the spot?

Riks: hahahaha

Pogi: hindi no!
nagkumustahan lang kami
pinagquarantine pala muna siya ng 2 weeks bago umuwi dito samin
so safe siya
NEGATIVE SIYA SUNOO NARINIG MO BA YON

Ddeonu: DI MO KAILANGAN SUMIGAW
edi congrats di kayo mamamatay dyan

Jekjek: your bunganga talaga Sun i swear skdksdk
what else Hoon? yun lang?

Pogi: uu T.T

Riks: hina mu hoon

Jekjek: i bet Hoon didn’t get his number or socmed acct

Pogi: :((((((

Ddeonu: ampota-
LAPAG NIYO NGA DITO YUNG MEME NI BOBBIE SA 4 SISTERS
ANTANGA LANG

Riks: [sent an image]



Ddeonu: AYAN KA BOBO KA

Pogi: BAKIT KASALANAN KO?!

Riks: [sent an image]



Ddeonu: alam mo na ngang di mo makakausap ng personal di mo pa inuna kumuha ng deets niya!
jusko pwede ba bawiin honors mo nung school year?!

Riks: harsh mu nman sun
la nman s talino un ih

Pogi: oo nga!

Riks: pro in fair ambobo mu nga dun hoon

Jekjek: hahahaha

Pogi: waw guys salamat
salamat talaga

Jekjek: now what? you’ll wait for next ayuda pa just to see him again?

Ddeonu: juskong love story yan magkapitbahay na nga lang pero astang LDR pa

Pogi: Jireh Lim pasok!
dejoke di ko rin alam :((( bahala na
kung tadhana kami magkikita uli kami

Ddeonu: tingnan mo tong tangang to
kaya ka inabot ng 7 years dyan sa crush mo eh
puro ka hintay
parang tayo ngayon
naghihintay sa awa at ayuda ng mga pulitikong walang puso na nagtatago sa mararangyang bahay nila na galing naman sa buwis ng manggagawang Pilipino
ANO JOY BELMONTE NARIRINIG MO BA KO HA LUMABAS KA DYAN

Riks: su2god n yta s city hall 2

Jekjek: he’s really galit na
where’s kuya Yeonjun on times like this?!

Riks: 2log

Jekjek: why did i even ask

Ddeonu: may covid na kaya kumilos ka na Sunghoon Park
di mo alam ang mangyayari ngayon o bukas

Pogi: guys anong gagawin ko?!
kanina nga nung magkausap kami parang sasabog na yung dibdib ko eh!

Ddeonu: shunga kaya nga dapat chat na lang kayo para di ka atakihin sa puso!

Riks: kunin mu s su2nod n mgkta kau

Pogi: ona :(((





Bagaman nangako sa mga kaibigan ay hindi naman ganoon kadali gawin iyon. Sa mga sumunod na araw ay nahirapan si Sunghoon na matiyempuhan ang kababata at makausap ito.


Walang dahilan para lumabas siya at sa mga beses na inutusan siya ng nanay niya ay wala ni bakas ni Jongseong siyang natatanaw mula sa kanila. Marahil ay nagkukulong lamang ito sa kwarto.


“Kuya, kunin mo daw ‘yung mga sinampay sa terrace!”


Nilinga ni Sunghoon ang nakababatang kapatid na si Yeji na nakatayo sa ngayo’y bukas nang pintuan ng kanyang kwarto.


Ibinaba niya ang telepono kung saan abala siyang manuod ng video ng paborito niyang mang-aawit bago naistorbo.


“Narinig ko ikaw yung inutusan ni mama. Wag mo ipasa sa’kin.”


“Di ko kaya, puro kumot at kurtina ‘yun eh! Ikaw na lang!” Angal ng kapatid.


“Bahala ka dyan.”


“Ako na maghuhugas ng pinggan mamaya!” Hikayat muli ni Yeji.


Agad umupo mula sa pagkakahiga si Sunghoon. “Mabilis naman ako kausap.”


Nilampasan niya si Yeji at saka naglakad patungo sa balkonahe ng kanilang bahay kung saan nakasampay ang mga nilabhan ng kanilang ina.


Kasalukuyan niyang pinu-pumpon ang mga ito nang mapadako ang tingin sa bahay nina Jongseong. May terasa rin ang mga ito na katapat ng sa kanila.


Patapos na siya sa gawain nang may lumabas mula roon at nakita niya si Jongseong na may dalang gitara. Muli na namang nagbalik ang malakas na pagsikdo ng kanyang puso.


Wala nang suot na face mask ang binata, dahilan upang makita niya ang mukha nitong lalo lamang gumwapo sa paglipas ng panahon.


Bago pa niya napigilan ang sarili ay napasigaw na siya. “Jongseong!”


Narinig naman siya nito at bahagyang nanlaki ang mga mata bago sumilay ang ngiti sa mga labi. “Hi, Sunghoon!”


“Kamusta?” Pasigaw niyang tanong habang pinipilit ikubli ang saya sa muling pagkakita sa lihim na sinisinta.


“Eto, bored.” Hindi man niya narinig ang malumanay nitong pagtawa ngunit bakas naman sa mukha. “You?”


“Eto, inutusan kumuha ng sinampay.” Bahagya niya pang itinaas ang bungkos ng patong-patong na tela sa braso at kamay. “Wait mo ‘ko, ah? Ipapasok ko lang ‘to sa loob.”


Nang tumango ito ay dali-daling humangos papasok si Sunghoon upang ilapag ang mga nakuhang nilabhan. Bumalik siya sa kwarto upang kunin ang telepono saka tumakbo pabalik ng balkonahe.


Nakaupo na si Jongseong sa mahabang upuan sa sarili nilang terasa at sumusubok magpatugtog ng ilang mga nota sa gitara. Kinuha rin ni Sunghoon ang plastik na upuan na nakalagay sa sulok at umupo paharap sa lalaki.


“Jamming?”


Nag-angat ng ulo si Jongseong at ngumiti. “Yeah, ansakit na ng mata ko kakanuod ng movies eh.”


“Ako rin haha.” Pinagmasdan ni Sunghoon ang magandang tanawin habang impit na kinikilig. “Marunong ka pa rin pala tumugtog.”


“I used to play a lot noong nasa US pa ako.” Kuwento ni Jongseong.


“Kaya pala.” Tumango-tango lamang siya. “May alam ka pang Pinoy songs?”


“The old ones, ‘yung mga pinapakinggan natin dati.” Lumapad ang ngiti sa labi ng binata. “Gusto mo kanta tayo?”


“Sige!” Nasasabik niyang turan.


Tumugtog si Jongseong nang ilang kantang OPM na alam pa nito. Pinilit namang sumabay at kumanta ni Sunghoon ng malakas kahit pa bahagya siyang nahihiya dahil hindi naman kagandahan ang boses niya, lalo pa’t kailangan niyang sumigaw na siguradong hindi lamang si Jongseong ang nakakarinig kundi maging iba rin nilang kapitbahay.


Ngunit mas mahalaga sa kanya ang sandaling iyon kaysa ang sasabihin ng iba. Para silang bumalik sa pagkabata, noong kumakanta siya habang tumutugtog ng gitara si Jongseong sa gilid ng kalsada sa pagitan ng mga bahay nila.


Naputol ang masaya nilang sandali nang may marinig siyang boses na tumawag mula sa ibaba.


“Hoy, mga hijo!”


Nakita ni Sunghoon ang ina na nakatayo sa tapat ng kanilang bahay, nakatingala sa kanila ni Jongseong. “Aba’y diyan pa kayo nagkantahan ah! Hindi makatambay sa labas kaya sa balkonahe na lang!”


“Hi, tita!” Dumungaw paibaba si Jongseong at kumaway. “Sorry po sa ingay!”


“Okay lang, Jongseong! Nakabalik ka na pala! Mabuti at social distancing kayo pero Sunghoon, tingnan mo muna iyong sinaing ko at aalis ako saglit!”


“Si Yeji na ‘ma, wala naman ‘yung ginagawa!” Hiyaw na reklamo niya. Masisira pa ang sandali niya kasama si Jongseong nang dahil lang sa nilulutong kanin.


“Pinagtupi ko ng sinampay! Bumaba ka na!” Ayaw patinag na utos ng ina. “Nandiyan lang naman iyang si Jongseong! Mag-usap na lang kayo uli mamaya!”


Kakamot kamot ang ulong sumagot si Sunghoon. Wala naman siyang magagawa kundi ang sumunod. “Opo!”


Dumako ang tingin niya kay Jongseong at humingi ng paumanhin. “Sorry, Jongseong! Balik na lang ako mamaya!”


“It’s okay! Nandito lang naman tayo sa mga bahay natin. Next time na lang uli!” Natatawang sigaw nito pabalik.


“Uh, pwede ko ba makuha number tsaka socmed acct mo? Para chat na lang tayo!”


“Sure!”


Hindi alam ni Sunghoon kung papaano ang gagawin. Nahihiya siyang ipagsigawan ang detalye niya o dili kaya’y ipagawa iyon kay Jongseong, hanggang sa maisip na isulat ang kanyang numero at social media accounts sa isang papel.


Nilukot niya ito hanggang maging hugis bola at saka itinapon papunta sa bahay nila Jongseong. Tawa ng tawa si Jongseong habang pinupulot ang papel niya kalakip ang pangako na iiwanan siya nito ng mensahe.


Nahihiya namang namaalam si Sunghoon saka bumalik na sa bahay. Nang makarating sa kusina ay ipinukpok niya ang ulo sa lamesa sa hiya habang binabantayan ang kumukulong kanin.


Rold, ayoko na. Ihalo Niyo na lang po ako sa sinaing.