Actions

Work Header

Rating:
Archive Warning:
Category:
Fandom:
Relationship:
Characters:
Additional Tags:
Language:
Filipino
Stats:
Published:
2022-06-01
Words:
5,001
Chapters:
1/1
Comments:
4
Kudos:
89
Bookmarks:
11
Hits:
1,543

convenience store confessions

Summary:

A reminder from Renjun Huang:

'Wag kang mahuhulog sa best friend mo, nakakatanggal ng angas.

Notes:

(See the end of the work for notes.)

Work Text:

Natapos na ang ikalawang semestre nina Renjun at Jaemin sa kolehiyo kung kaya naman napagpasyahan nilang magkaibigan na tumambay at mag-inuman sa isang chillbar sa mall malapit sa kanilang unibersidad.

"Para sa mga nagdududa sa pag-mamahal," ani ng bokalista ng bandang tumutugtog sa chillbar na pinuntahan nila.

Agad niyang naramdaman ang malakas na pagyugyog sa kanya ni Jaemin mula sa kaniyang gilid nang magsalita ang bokalista.

“Aray, ha,” reklamo ni Renjun na hindi naman pinansin ni Jaemin.

Sinalubong ng malakas na hiyawan ng iba pang mga tao sa loob ng chillbar ang unang kalabit ng gitara habang ang kaibigan naman ni Renjun ay abala pa rin sa pang-aasar sa kanya.

"Ayan na, Injunnie, baka naman pagkatapos ng kantang ‘to ready ka nang magmahal."

“Baliw,” saad ni Renjun sabay singhal, “parang ang dali-dali lang, ah.”

“Madali lang naman kung padadaliin mo,” tugon sa kanya ng kaibigan na tinigilan naman na ang pang-aasar at ibinalik na ang atensyon sa bandang tumutugtog sa harapan.

Sa totoo lang handa naman siya, palagi naman siyang handang magmahal.

Mahal niya nga bestfriend niya, eh.

Napapikit si Renjun nang mariin dahil sa naisip niya at agad na lang ibinalik kay Jaemin ang panunuya, "’Sus, parang ‘kala mo ikaw ready ka mag-commit."

"Ready kung sa’yo."

Laking pasasalamat ni Renjun sa madilim na paligid dahil madali niyang maitatago ang pagpula ng kaniyang pisngi. Batid naman niyang biro lamang ‘yon para kay Jaemin, bagay na madalas nitong ginagawa sa iba pa nilang mga kaibigan, pero ang mga simpleng salita na iyon ay nagdulot ng iba't ibang emosyon para sa kanya.

"Gago," sagot ni Renjun habang tumatawa nang mahina, “kilabutan ka nga sa mga pinagsasabi mo.”

Sa paglalim ng gabi, nagpatuloy lamang ang banda sa pagtugtog ng mga kanta na pang-broken-hearted habang mas lalo namang dumarami ang mga tao sa kanilang paligid.

Sa kalagitnaan ng isang kanta napukaw ang atensyon ni Renjun nang pumasok ang isang maingay na grupo ng kalalakihan sa loob ng chillbar. Hindi na sana niya ito pagtutuunan ng pansin ngunit kasama sa grupo ang dating kasintahan ni Jaemin na si Jeno.

Ipagsasawalang bahala na sana ni Renjun ang nakita at hahayaan na lang na hindi malaman ni Jaemin na nasa iisang lugar sila ng ex niya, ngunit napagtanto ni Renjun na huli na ang lahat nang marinig niya ang kaniyang kaibigan na magmura nang malutong.

"Putangina naman,” ani Jaemin sabay inom ng boteng nasa harap niya, “sa lahat ba naman ng lugar, bakit dito ko pa siya makikita?!"

Tuluyang inubos ni Jaemin nang isang lagukan ang beer na hawak niya sabay padabog na nilapag ito sa mesa.

“Galit na galit lang?” malokong tanong sa kanya ni Renjun. Nang hindi siya sagutin ng kaibigan ay nagbukas na lang si Renjun ng panibagong bote ng beer at inilapag iyon sa harapan ni Jaemin.

"Hayaan mo na sila,” pag-alo ni Renjun kay Jaemin, “baka mag-cecelebrate lang din dito dahil kakatapos lang ng sem."

Nang matapos magsalita si Renjun ay ibinaba na ulit ni Jaemin ang bote ng beer sa mesa. Bagama’t kumalma na nang kaunti ang kaibigan niya, bakas pa rin sa mukha ni Jaemin ang pagka-irita. Pinalipas na lamang iyon ni Renjun at sinimsim ang sariling alak.

‘Di nagtagal at mas lumalim pa ang gabi. Sinipat ni Renjun ang kaniyang telepono upang tignan ang eksaktong oras ngunit bumungad sa kanya ang isang mensahe mula sa ex ni Jaemin.

> Jeno, 11:38PM
Injun, ‘wag kayo masyadong maglasing, ah
‘Tsaka paki-alagaan na lang si Nana
Salamat ^^

Agad niyang ibinalik sa bulsa ang kaniyang telepono at nilagok ang beer na nasa harapan niya.

Tangina naman, diba ex ka na?!

Pabagsak niyang inilapag ang beer sa mesa kung kaya’t lumingon sa kanya si Jaemin. Ginawaran niya lang ng isang tipid na ngiti ang binata sa tabi niya upang hindi na ito magtanong pa.

Oo, alam ni Renjun na wala naman siyang rason upang mairita ngunit ramdam na ramdam niya ang pagka-inis sa ex ni Jaemin.

“Nakakunot na naman noo mo,” biglang saad ni Jaemin sa tabi niya. Lumapit si Jaemin at sinubukang ipatag ang umbok sa noo ni Renjun ngunit agad na naka-iwas ang binata.

“Ano ba! Ang dumi kaya ng kamay mo,” iritableng sabi ni Renjun sa kaibigan.

“Sungit mo naman.”

“Sayang lang kasi skincare ko,” depensa ni Renjun.

Madaling araw na at nagsasalit-salitan na lang sa asaran at kwentuhan ang dalawang magkaibigan nang magsimula nang magpaalam ang banda na kanina pa tumutugtog.

“Guys, huling kanta na namin ‘to,” saad ng bokalista, “may mga mag-rerequest pa ba diyan?”

Sari’t saring pamagat ng kanta ang lumipad sa ere, ang iba sa mga ito ay halos malabo na ang pagkakasabi dahil may tama na mula sa alak ang sumisigaw nito. Laking gulat ni Renjun nang biglang may tumayo sa upuan at sumigaw nang pagkalakas-lakas. Nang sinubukan niya itong hanapin nakita niya na walang iba kundi si Jeno ang gumawa ng eksena. Hindi inaasahan ni Renjun na makikisali rin si Jeno sa pagsigaw ng pamagat ng kanta.

“Sana,” paulit ulit na sigaw ni Jeno habang nakatayo sa kaniyang upuan.

“Anong kanta po iyon, kuya?” sabi ng bokalista sa entablo habang tumatawa at nakaturo sa may bahagi ng barkada ni Jeno.

“Sana,” pag-ulit ni Jeno ngunit sa kalmadong boses naman ngayon.

“Sige sige kuya, this is Sana by I Belong to the Zoo,” sabi ng bokalista bago magsimula ang iba pang miyembro ng banda sa pagtugtog.

Umuwi na tila bang lahat nagbago na
Nawalan na ng sigla ang 'yong mga mata
Ngayon ko lang naramdaman ang lamig ng gabi
Kahit na magdamag na tayong magkatabi

Habang kumakanta ang bokalista ay maririnig ang boses ng iba pang tao sa loob ng chillbar na nagrereklamo dahil masyadong masakit ang kanta para sa kanila o ‘di naman kaya ay dahil hindi nasunod ang kantang sinigaw nila.

Bakit ka nag-iba?
Mayro'n na bang iba?

Nagpatuloy lang ang iba sa pagsabay sa pagkanta ng banda, tila ninanamnam ang mensahe na nais iparating ng kanta. Sa kabilang banda naman ay pinagmamasdan ni Renjun ang kaniyang kaibigan na naka-upo nang tahimik sa gilid niya. Masasabi ni Renjun na masasama ito sa bihirang mga pagkakataon kung saan hindi niya mawari kung ano ang tumatakbo sa isipan ni Jaemin.

“Jaem, ayos ka lang?” pagkumusta niya sa kaibigan.

“Oo, ayos lang naman ako.”

Hindi kumbinsido si Renjun sa sagot ni Jaemin sa kanya ngunit hindi na niya ito pinilit pang magkwento dahil baka mas lalo lang lumala ang dinadamdam nito. Walang ibang magawa si Renjun kundi tapikin ang balikat ng kaibigan upang pagaanin ang loob nito.

Sana sinabi mo
Para 'di na umasang may tayo pa sa huli
Sana sinabi mo
Hahayaan naman kitang sumaya't umalis
Sana sinabi mo
Para 'di na umasang may tayo pa sa huli
Sana sinabi mo
Hahayaan naman kitang umalis

Nakarinig si Renjun ng malakas na asaran mula sa kabilang parte ng chillbar kung nasaan ang mesa ng barkada ni Jeno. Puro kantsawan at pang-aasar kay Jeno ang kanilang sinisigaw.

“Jeno sa ‘yong-sa ‘yo ‘yong kanta, oh.”
“Jeno martyr.”
“Jeno ‘Mapagpalaya’ Lee.”

Maya-maya pa ay napuno ng boses ng barkada ni Jeno ang buong chillbar at nang marinig ni Jaemin ang pangangantsaw sa kaniyang ex ay mas lalo itong nanlanta sa kaniyang kinauupuan. Inobserbahan ni Renjun ang matalik na kaibigan ngunit hindi pa rin niya mawari ang problema, pero isa lang ang sigurado siya, malungkot si Jaemin.

“Jaemin Na, okay ka lang ba? ‘Yong totoo, sabihin mo na sa ‘kin.”

“Okay nga lang ako,” mahinang tugon ni Jaemin sa kanya.

Nasapo ni Renjun ang kaniyang noo dahil sa inaasta ng kaniyang kaibigan.

Pucha, ano ba kasing nangyari para magkaganyan si Jaemin.

“Jaem, gusto mo bang lumabas na?” pasigaw na tanong ni Renjun sa kaibigan dahil sa ingay sa kanilang paligid.

Hindi agad nakapagbigay ng sagot si Jaemin kaya’t tinanong niya ulit ito gamit ang mas kalmadong boses, “Nana, gusto mo na bang lumabas?”

Nag-angat lang ng tingin ang kaniyang kaibigan at alam na agad ni Renjun ang sagot, “Oo, gusto ko nang umalis”. Ganoon niya kakilala si Jaemin. Kabisado niya bawat kibot at pagkunot ng noo ng kaibigan. Alam na alam niya ang mga bagay na gusto at ayaw ni Jaemin, higit sa lahat alam din niya kung kelan masaya at nasasaktan ang matalik na kaibigan.

Habang nagliligpit ng gamit nilang dalawa si Renjun, hindi niya maialis sa kaniyang isipan ang pagtataka sa kung ano nga ba talaga ang totoong nangyari sa pagitan nila Jaemin at Jeno. Ang alam niya lang ay naging magkarelasyon ang dalawa at wala pang ilang buwan ay agad na itong humantong sa hiwalayan.

“Jaemin, magpababa muna tayo ng tama. ‘Di kita kaya iakyat sa dorm mo,” ani Renjun nang makarating na sila sa labasan ng mall.

“Jaemin, parang awa naman ayusin mo yung lakad mo,” saad pa ni Renjun sa kaibigan sa kalagitnaan ng paglalakad nila papunta sa taxi bay ng mall.

“Kuya sa South Residences po,” sabi ni Renjun sa driver na agad namang pumayag na ihatid sila.

Nang makapasok sila sa taxi ay napansin ni Renjun na madalas ang pagsipat ng driver sa kanila gamit ang rear view mirror. Napakajudgemental naman nito ni kuya, tinig niya sa isip.

“Sir, ‘di naman ho siguro susuka ‘yang kasama mo, ‘no?” tanong ng driver kay Renjun nang mapatingin ulit ito sa rear view mirror at makita na halos gawin nang unan ni Jaemin si Renjun. “Mahirap ho kasing maglinis ng suka sa sasakyan.”

Isang malalim na hininga ang pinakawalan ni Renjun bago pa siya magsalita.

“Ahh kuya hindi naman ho, ‘tsaka may plastic naman po kaming bitbit,” tugon ni Renjun sa driver na agad din namang ibinalik ang atensyon sa kalsada.

Sa kahabaan ng kanilang biyahe ay nanatili lang silang dalawa sa ganoong ayos, si Jaemin na halos gawin nang unan ang kabigan at si Renjun na naka-akay pa rin kay Jaemin.

Kita mula sa pwesto ni Renjun ang oras na nakalagay sa dashboard ng taxi. 3:41AM, mahinang basa niya sa kaniyang isip.

“...Nono, Jeno, salamat,” tulog na salita ni Jaemin kasabay nang paghigpit niya sa pagkakayakap kay Renjun.

Aray, pakshet.

Kahit labag man sa kalooban ni Renjun, kailangan niyang luwagan ang pagkakahawak sa kanya ng kaibigan para siya’y makahinga.

“Sir, ang sweet naman ng jowa mo. Hanggang sa pagtulog pangalan mo pa rin binabanggit.”

Hindi alam ni Renjun kung tatawa ba siya o malulungkot dahil sa sinabi ng driver. Sa huli, mas pinili na lang niyang tumawa at kimkimin ang sakit na dinulot ng mga salita ng driver sa kanya.

Pero parang pinaglalaruan pa rin siya ng tadhana. Dahil habang ibinabaon niya sa limot ang sakit na kani-kanina lang ay binabalot siya, nagsimula namang tumugtog sa radyo ang isang kantang naglalarawan sa kung anong nararamdaman niya para sa matalik na kaibigan.

Oh 'wag kang tumingin
Nang ganyan sa 'kin
'Wag mo akong kulitin
'Wag mo akong tanungin

Alam ni Renjun na mali. Alam niyang hindi tama dahil kakalabas pa lamang ni Jaemin mula sa isang relasyon. Pero may parte sa utak ni Renjun na nagsasabi sa kanya na baka ito na ‘yong pagkakataon niya—pagkakataon nila.

Dahil katulad mo
Ako rin ay nagbago
'Di na tayo katulad ng dati
Kay bilis ng sandali

Pero dahil sa inaasta ni Jaemin ngayon, hindi mapigilang ‘di mag-isip ni Renjun na baka hindi pa ito ‘yong panahon para sa kanilang dalawa, na baka wala talagang tamang panahon para sa kanilang dalawa.

Sa kaniyang pag-iisip ay hindi na namalayan ni Renjun na may luha nang dumadaloy sa kaniyang mukha. Agad niya itong pinunasan at sinubukang pakalmahin ang sarili dahil baka magising ang kaibigan dahil sa kaniyang paghikbi.

Tinatawag kita
Sinusuyo kita
'Di mo man marinig
'Di mo man madama
Oh, kay tagal din kitang mamahalin
Oh, kay tagal din kitang mamahalin

Ngunit kahit masakit, patuloy pa ring panghahawakan ni Renjun ang nararamdaman para sa kaibigan. Patuloy pa rin niyang aasahan ang kinabukasang, kahit gaano man ‘yon kalayo, kahit abutin ng ilang taon, silang dalawa naman.

Nang matapos mag-abot ng bayad si Renjun, dahan-dahan niya nang tinulungan lumabas sa sasakyan si Jaemin. Akay-akay ni Renjun ang binata na walang ibang ginawa kundi pakiligin at pakirutin ang kaniyang puso.

“Tangina, bakit ba kasi siya?”

Libo-libong tanong ang tumatakbo sa isipan niya habang kasama at inaalalayan ang kaibigan sa paglalakad, ngunit hindi na ito pinagbalingan ng pansin ni Renjun. Hinayaan na lang niya magpalutanglutang ang mga iyon sa kaniyang isipan.

"Tubig," sambit ni Jaemin gamit ang isang mababang boses na nagpatindig sa balahibo ni Renjun.

"Nauuhaw ka?"

"Oo."

Walang ano-ano ay nagpasya si Renjun na pumasok na muna sa convenience store sa ibaba ng condo ng binata. Habang papunta sila ay patuloy pa rin ang pag-alalay ni Renjun kay Jaemin sa paglalakad.

Malamig na hangin at katahimikan ang sumalubong sa dalawa sa convenience store. Pagpasok ay agad na dumeretcho ang dalawa sa mga upuan malapit sa bintana upang mapa-upo si Jaemin.

"Diyan ka lang ah, bili lang ako ng tubig natin," bilin ng nakatatanda.

Tanging tango lamang ang isinukli sa kanya ni Jaemin na agad isinandal ang ulo sa mesa pagka-alis ng binata.

Pagkabalik ni Renjun ay nadatnan pa rin niya ang kaibigang nakayuko at tila umiidlip na sa mesa. Matinding pagpipigil ang ginawa ni Renjun para lang hindi haplusin ang tuktok ng ulo ni Jaemin.

“Hay.”

"Jaem," pagtawag niya sa kaibigan, "ito na yung tubig mo."

Agad rin namang nag-angat ng ulo si Jaemin sa pagtawag sa kanya ni Renjun. “Salamat,” sabay lagok ng tubig na parang matagal na panahon siyang hindi nakainom nito.

Habang ginawaga iyon lahat ni Jaemin ay nanatili lang sa kanya ang titig ni Renjun.

“Injunie, bakit ka nakatitig?” Pagtatanong ng nakababata kay Renjun.

“Ahh, wala lang,”

“‘Di nga, alam ko ‘yang mga tinginan mo,” saad ni Jaemin na nagpabilis sa tibok ng puso ni Renjun, “ano nga yun, Injunnie?”

“Wala nga lang nga,” pag-iwas ni Renjun sa tanong, “tinignan ko lang kung okay ka na ba.”

Alam naman ni Renjun na hindi maganda ang pagsisinungaling ngunit sa mga pagkakataon na ganito ay kailangang maging mabilis sa pag-iisip ng palusot upang hindi mabunyag ang totoong tumatakbo sa isipan niya.

“‘Sus ako pa ba,” pagyayabang ni Jaemin

“Gago, halos sumuka ka na nga kanina sa taxi,” pagbara ni Renjun sa kaibigan.

Nagpatuloy lang ang dalawa sa kanilang asaran nang mapansin ni Jaemin na lumiliwanag na ang paligid.

“Umaga na pala.”

“Hah?”

“Sabi ko umaga na pala.”

“Ahh, oo nga.”

Biglang nakaramdam ng pagka-ilang si Renjun dahil si Jaemin naman ang nakatitig sa kanya. Kaya’t agad niyang naisipang magtanong na lang sa binata tungkol sa kung ano pa ang gagawin nito ngayong araw.

“Jaem, please lang naman, mamaya mo na ako titigan nang husto. Nakakabother,” sambit ni Renjun nang hindi pa rin tumigil si Jaemin sa pagtitig sa kanya kahit na kung ano-ano na ang kanilang napag-usapan.

“Bakit, bawal ba tignan ang best friend ko?” sagot ni Jaemin sa kanya.

“Best friend.”

Tila mga punyal na tumagos sa puso ni Renjun ang dalawang salitang binitawan ni Jaemin. Hindi na rin niya napigilan ang pagbagsak ng kaniyang mukha dahil sa narinig.

“Tangina ang sakit nun ah.”

Bagamat nagdulot ito ng sakit sa kaniyang puso, pinili na lamang ni Renjun na ibalik ang ngiti sa kaniyang labi nang sa ganoon ay hindi mapansin ng kaniyang best friend ang pagkalungkot niya.

Patuloy lang ang pagtaas ng araw sa kalangitan at kasabay nito ay ang pagtama ng sinag sa mukha ni Jaemin kung kaya’t mas nabibigyan ng liwanag ang mukha ng binata.

Batid ni Renjun na may itsura ang kaibigan ngunit dahil sa sinag ng araw ay mas lalo pang umaliwalas ang itsura nito.

“Bakit ka na naman nakatitig sa akin?” Tanong ni Jaemin kay Renjun.

Pagkarinig sa tanong ng kaibigan ay agad na iniwas ni Renjun ang tingin at ibinalik ang atensyon sa labas ng bintana.

“Tama ka na, bakla. Mapapa-amin ka nang wala sa oras.”

Ilang minuto ang lumipas at katamikan lang ang nanaig sa pagitan nilang dalawa. Paminsan-minsan ay simpleng susulyap si Renjun kay Jaemin at makikita nito na nag-aalis ng tingin sa kanya ang kaibigan. Habang makikita rin naman ni Jaemin si Renjun na nag-iiwas ng tingin kapag lilingon na siya.

Tila ba mga batang naglalaro sina Renjun at Jaemin dahil sa kanilang ginagawa ngunit walang kahit anong panghuhusga o pang-aasar ang maririnig mula sa kanino man sa dalawa dahil sa loob-loob nila ay alam nila ang ibig sabihin ng mga tinginang iyon.

‘Di makalaunan ay binasag na ni Renjun ang katahimikan, “Jaem, mauna ka nang magsalita.”

“Hah? Ahh, okay,” nalilitong sagot ng binata kay Renjun, “itatanong ko lang naman kung bakit ka tingin ng tingin sa akin.”

“Ahhhh, yun ba,” tugon ni Renjun, “sabi ko nga kasi diba tinitignan ko kung okay ka lang.”

Muli nanamang nagsinungaling si Renjun sa kaniyang matalik na kaibigan, ngunit hindi iyon pinalampas ni Jaemin.

“Injunnie, alam mong alam kong nagsisinungaling ka lang,” mahinahong saad ni Jaemin, “ano nga kasi ‘yon, may problema ka ba?”

“Oo, meron. Namromroblema ako kasi mahal kita.”

“Sige na nga,” panimula ni Renjun, “nagtataka lang kasi ako kung bakit ganun yung reaksyon mo kanina sa chillbar nung nakita natin si Jeno. Tapos naalala ko pang hindi mo naikwento sa akin yung pinakarason kung bakit kayo naghiwalay.”

Nang matapos iyon sabihin ni Renjun ay bakas sa mukha ni Jaemin ang gulat dahil iyon pala ang tumatakbo sa isipan ng kaibigan. Hindi maipagkakaila ni Jaemin na hindi talaga niya sinabi kay Renjun ang totoong rason ng kanilang hiwalayn ni Jeno dahil importanteng bahagi noon si Renjun.

Hindi dahil pinagselosan siya ni Jeno, kung hindi dahil alam ni Jeno na sa simula’t sapul si Renjun ang laman ng puso ni Jaemin, kung kaya’t pinalaya siya nito.

Lumipas ang ilang segundo at hindi pa rin makapagisip ng deretcho si Jaemin sa kung ano ang isasagot niya kay Renjun. Sa totoo lang ay kasalukuyang dinadaga ang puso ni Jaemin dahil sa mga nangyayari.

“Ahh ganon, hindi mo talaga sasagutin, okay,” dismayadong ani ni Renjun.

Isang malamim na singhal ang pinakawalan ni Jaemin bago pa siya mag-simula magsalita, “Nagulat lang kasi ako na nandun din siya ‘di naman palainom yun si Jeno.”

“Waow kilalang kilala.”

Tumango lang si Renjun sa naging tugon sa kanya ni Jaemin. Sa totoo lang ay hindi niya talaga alam kung anong sumanib sa kanya at iyon ay kaniyang tinanong, baka dahil sa selos, sa inggit, o sa alak. Hindi niya alam.

Matapos sagutin ni Jaemin ang unang tanong ay sumimsim muna ito ng tubig bago pa sagutin ang ikalawang tanong ni Renjun.

“Sa kung bakit hindi ko naman kinwento sa’yo yung rason ng hiwalayan namin, hindi ko kasi alam kung saan ako maguumipisa,” pag-amin ni Jaemin sa kaniyang kaibigan.

Kumunot ang noo ni Renjun dahil sa kalituhan na dinulot sa kanya ng sagot ni Jaemin.

“Paanong hindi mo alam kung saan magsisimula?” sagot ni Renjun

“Di ko rin alam kung paano ko ikwekwento sa’yo,” dagdag pa ni Jaemin.

“Tangina Jaemin, nangaliwa ba siya?”

“Hindi hindi, walang ganun na naganap,” mabilisang sagot ni Jaemin kay Renjun.

“Alam mo kung ayaw mo ikwento sabihin mo lang para hindi na tayo nag uubos pa ng oras dito.”

Tuluyan nang sumikat ang araw at pareho pa rin silang naka-upo sa harap ng bintana ng convenience store, mas dumarami na ang tao na dumadaan sa labas at pumapasok sa convenience store kaya’t ang katahimikan na kanina’y kanilang tinatamasa ay nawala na.

“Gusto mo na ba umakyat?” Medyo inis na tanong ni Renjun kay Jaemin.

Naiintindihan naman ni Renjun ang pagdadalawang isip ni Jaemin na magkwento sa kanya tungkol sa naging relasyon niya kay Jeno, naiintindihan niya na may mga bagay na minsan ay mas mabuti kung sinasarili na lamang, pero ang hindi niya tanggap ay ang pagiwas ni Jaemin sa pagsasabi ng totoo.

Mauunawaan naman ni Renjun ang kaibigan kung sasabihin nito na hindi niya pa kaya ikwento ang mga nangyari sa pagitan nila ni Jeno, ang rason kung bakit sila naghiwalay, at kung bakit tila hindi pa rin siya nakakalimot.

Makalipas ang ilang segundo ay nagpakawala ng isang malalim na hininga si Jaemin at tuluyang humarap sa gawi ni Renjun.

“Teka lang, ito na, sasabihin ko na sa’yo,” panimula ni Jaemin, “naghahanap lang ako ng lakas ng loob para maikwento ko na sayo.”

Agad na tumigil si Renjun sa pagliligpit ng pinagkainan nila nang marinig ang sinabi ni Jaemin.

“Nung una hindi naman talaga dapat kami magiging magkasintahan ni Jeno,” pag-amin ni Jaemin sa kaniyang kaibigan.

“Hah, edi ano lang ba dapat kayo?” Gulat na tanong ni Renjun.

“Ako muna,” saad ni Jaemin na nagpatahimik kay Renjun.

“Dapat pagseselosin lang namin ‘yong ex ni Jeno para magkabalikan sila,” pag-amin ni Jaemin, “kasi mahal pa ni Jeno yung ex niya.”

Bakas ang gulat sa mukha ni Renjun dahil sa kaniyang mga narinig mula sa kaibigan, “ano ba ‘yang pinagsasabi mo, parang kwentong barbero lang.”

Napangiti ng konti si Jaemin dahil sa sinabi ni Renjun, “totoo nga kasi tsaka pwede bang ako muna magsalita?”

Walang ibang nagawa si Renjun kung hindi tumango sa direksyon ni Jaemin.

“Kaso habang ginagawa namin ‘yon, habang pinagseselos namin yung ex ni Jeno nalaman namin na may iba na pala,” tumuwid sa pagkakaupo si Jaemin bago magpatuloy, “kaya ayun, nagusap kami ni Jeno na tatapusin lang namin yung sem tapos maghihiwalay na kami.”

Muling inayos ni Jaemin ang kaniyang pagkakaupo, tila hindi mapakali dahil sa kaniyang ginagawang pagkkuwento sa matalik na kaibigan.

“Dalawang linggo bago matapos yung sem nag-text sa akin si Jeno, nagyayayang kumain sa labas, sumama naman ako, kasi nga diba ‘magkasintahan’ kami, habang kumakain kami bigla niyang sinabi na may gusto siya sa akin,”

“Oh,” natigilan si Renjun dahil sa nalaman, “tapos anong sinabi mo?”

“Sabi ko kay Jeno ‘I’m sorry’, pero di pa ako tapos magsalita bigla nalang niya akong iniwan dun sa kainan.”

“Edi ano yun, tapos na yung kontrata niyo dun?” Tanong ni Renjun sa kaibigan.

“Yung totoo hindi ko pa alam nun,” ani ni Jaemin, “pero nag-text ulit siya pagkatapos ng finals sabi naman niya gusto daw ulit niyang makipagkita at hihingi daw siya ng tawad sa pagiwan sa akin dun sa kainan.”

“Pumayag ka naman?” Dugtong ni Renjun.

“Oo, pumayag ako kasi wala namang mawawala sa akin diba,” saad ni Jaemin.

Hindi maipinta ang mukha ni Renjun habang pinapakinggan ang kwento ng kaibigan, hindi niya alam kung papaano iproproseso lahat ng sinabi ni Jaemin sa kanya.

“Nung nagkita na ulit kami ni Jeno humingi agad siya ng tawad sa pagiwan sa akin noong nakaraan,” ani ni Jaemin, “sobrang tahimik naming dalawa nun, lalo naman na ako kasi wala naman na akong sasabihin, nakapagpaumanhin na siya, ano pa ba dapat kong sabihin di’ba.”

Napatango si Renjun dahil sa sinabi ni Jaemin, tama naman, wala naman na dapat pagusapan pa sina Jeno at Jaemin, kaya para saan pa ang pagkikita nila.

Ibinuka ni Jaemin ang kaniyang bibig upang magsalita ngunit walang kahit anong tunog na lumalabas mula doon, “Uhmm.”

“Ano? Di pa ba tapos dun yung kwento?”

Tanging iling na lamang ang naigawad ni Jaemin sa tanong ni Renjun dahil hindi niya mahanap ang kaniyang boses dahil sa kaba.

“Tapos may sinabi si Jeno sa akin.”

“Ano sinabi niya? Pakaba ka naman ampota,” naiinip na saad ni Renjun.

“Tinanong niya ako kung hindi ka raw ba nagseselos sa amin noon,” sabi ni Jaemin.

Bumilis ang tibok ng puso ni Renjun dahil sa sinabi ni Jaemin ngunit sinubukan niya na hindi ito pinakita.

“Sinabi ko kay Jeno na hindi naman, tapos bigla siyang tumawa dahil sa sagot ko,” ani ni Jaemin na halata nang kinakabahan sa patutunguhan ng kanilang usapan.

“Tapos sabi ni Jeno sa akin, ‘Jaem, halatang halata kaya na nagseselos siya.’”

Tuluyang namula si Renjun dahil sa kahihiyan na kaniyang nararamdaman.

“Nagulat ako sa sinabi niya kasi alam ko naman na hindi ka selosong kaibigan,” huminto muna sa pagsasalita si Jaemin, “tapos sabi ko kay Jeno, ‘sus, hindi naman selosong kaibigan yun si Renjun.’”

Mas naging seryoso ang mukha ni Jaemin pagkatapos niya iyon sabihin, “tapos mas lalong lumakas ‘yong tawa ni Jeno dahil sa sinabi ko, tapos sabi niya, ‘Jaem, kayo na lang ata ang hindi nakakaalam, pero kitang kita sa mga kilos niyo kapag magkasama kayong dalawa, mahal niyo ang isa’t isa. Mahal na mahal.’”

Kung maari lang na tumalon ang puso mula sa dibdib ay marahil matagal nang ginawa iyon ng puso ni Renjun. Sa bilis ng tibok ng puso niya ay parang iyon na lamang ang kaniyang naririning at wala nang kahit ano pang ibang ingay sa kaniyang isipan kundi iyon.

Maraming tanong ang lumutang sa isipan ni Renjun matapos niya marining ang mga iyon mula kay Jaemin, sobrang halata ba niya kapag palihim niyang sinisipat ang kaibigan? Halata bang iba ang ngiti na iginagawad niya kay Jaemin kaysa sa ngiti niya sa ibang tao? Halata ba na mas masaya siya kapag kasama niya si Jaemin?

“Malamang bakla, halatang halata, may nakapansin na nga.”

Marami pang ibang taong na lumutang sa isipan ni Renjun pero ang lahat ng iyon ay nalunod at napalitan nalamang ng takot.

“Bakit namutla ka bigla?” tanong ni Jaemin sa binata.

“Tapos, ano pang sinabi ni Jeno?” Pagiwas ni Renjun sa tanong ni Jaemin.

“Sabi niya okay lang daw na hindi maging kami, kasi may iba naman daw akong gusto, kumbaga papalayain na raw niya ako,” malumanay na saad ni Jaemin.

Hindi alam ni Renjun kung saan kumukuha ng lakas ng loob ang kaibigan upang maging kalmado sa sitwasyon na ito, ngunit isang tingin lamang niya sa binata ay nakita niya ang bakas ang butil ng pawis sa noo nito kahit na malamig naman sa loob ng convenience store na tinatambayan nila.

“Tapos nun, ano pang ibang sinabi ni Jeno?” tanong muli ni Renjun sa kaibigan.

“Wala na, patapos na kami kumain nun, nagbayad nalang kami tapos umalis na.”

Muling nabalot ng katahimikan ang paligid nina Renjun at Jaemin ngunit ngayon ay may tensyon na sa hangin na pumapalibot sa kanilang dalawa. Mabigat ang hangin na nakapalibot sa kanila tila dala dala nito ang bigat ng mga salitang kahit sino sa kanila ay walang lakas ng loob bigkasin.

“Renjun.”

“Jaemin.”

Sabay na tawag ng dalawang binata sa isa’t isa. Sinubukang lingunin ni Renjun ang kaibigan ngunit biglang dinaga ang kaniyang dibdib kung kaya’t marahan niyang ibinalik sa dati ang pihit ng kaniyang ulo.

“Ikaw na mauna,” paubaya ni Renjun.

“Okay,” saad ni Jaemin sabay hinga ng malalim bago muli magsalita, “teka nakalimutan ko bigla sasabihin ko, mauna kana.”

Tumawa na lamang ng mahina si Jaemin upang gumaan ang hangin sa paligid nila.

“Jaemin,” mahinang pagtawag ni Renjun sa kaibigan, “Jaem.”

Puno ng kaba ang dibdib ni Renjun dahil sa kanyang gagawin, alam niya na maraming bagay ang nakataya rito, kung kaya’t ganoon na lamang ang bilis ng tibok ng puso niya.

“Jaemin,” pagtawag ulit niya sa kaibigan, ngayon mas buo at mas may tapang.

Sinubukang lumingon ni Renjun sa gawi ng kaibigan at doon ay sinalubong siya ng mga mata ni Jaemin na kasing kislap ng mga bituin, “ang hirap naman neto, tangina.”

Bahagyang natawa ang binata sa harap ni Renjun dahil sa kanyang sinabi at ang mahinang tawa na iyon ay naging sapat upang maibsan ang pagkabog ng dibdib ni Renjun dahil sa kabang nararamdaman.

Nang humupa na ang kanilang tawanan ay napagtanto ni Renjun na lagi’t lagi naman siyang napapakalma ng presensya ni Jaemin, na sa tuwing magkasama silang dalawa ay nagiging mas matapang siya, na mas nagiging handa siyang humarap sa kahit anong pagsubok dahil sa huli alam niyang may masasandalan siya.

Kaya’t kahit alam ni Renjun na maraming bagay ang maaalangan dahil sa gagawin niya, susubukan pa rin niya, lalakasan pa rin niya ang kanyang loob upang masabi ang nararamdam para sa kanyang kaibigan.

“Mahal kita,” pangunguna ni Jaemin habang nakatingin kay Renjun.

Tila nag pintig ang tengga ni Renjun dahil sa narinig at nagkusang tumulo ang kanyang mga luha na agad din naman niyang pinunasan.

“‘Yan yung sasabihin mo diba?” tanong sa kanya ni Jaemin.

Sinubukang mag salita ni Renjun ngunit walang kahit anong tunog ang lumabas sa kanyang bibig kaya’t tumango na lamang siya habang tinatahan ang sarili.

“Oo,” pagsubok ulit ni Renjun na mag salita kahit na nanginginig pa ang kanyang boses dahil sa pag-iyak.

“Mahal din kita, Renjun,” tugon ng binata sa kanya.

Dahan-dahang lumiit ang puwang sa pagitan nilang dalawa dahil sa pag lapit ni Jaemin kay Renjun, “Mahal din kita, Injunnie.”

Samu’t saring emosyon ang dumaloy sa katauhan ni Renjun dahil sa kanyang mga narinig, bagama’t alam niya na ito ay hindi isang panaginip ‘di pa rin niya maialis sa sarili ang pagkabahala na maaring dulot lamang ito ng alak sa kanya. Kung kaya’t ipinatong niya ang kanyang kamay sa ibabaw ng kamay ni Jaemin upang masigurado niya na hindi lamang ito isang ilusyon na hatid sa kanya ng alak.

Hindi na alam ni Renjun kung gaano sila katagal na nakaupo sa loob ng pamilihan nang magkahawak ang kamay sa mesa, basta’t nagulat na lamang siya ng maramdaman ng sinag ng araw na tumatama ng direkta sa kanyang mga mata.

“Jaem, gusto mo na ba umakyat?”

“Ikaw ba?” Tugon sa kanya ng binata

Tara na, baka nahihiya lang yung kahera na paalisin tayo.”

Tuluyan nang tumayo ang dalawang binata sa kanilang pwesto at sa kanilang pagtayo ay saglit na inalis ni Renjun ang pagkakahawak niya sa kanang kamay ni Jaemin para ayusin ang kanilang gamit at ayusin ang upuan na kanilang inupuan.

Agad na nagpakawala ng mahinang pagproprotesta si Jaemin nang paghiwalayin ni Renjun ang kanilang mga kamay, tila ba hindi na ulit hahawakan ni Renjun ang kanyang mga kamay.

Nang makita ni Jaemin na tapos na sa pagliligpit at pag-aayos si Renjun ay agad na niyang inabot ang kamay sa harap ng binata, nagpapahiwatig na dapat na ulit itong hawakan.

“Ang kulit naman,” natatawang saad ni Renjun.

“Hawakan mo na ulit kamay ko,” ani naman ni Jaemin sa isang malambing paraan.

Walang ibang nagawa si Renjun kung hindi kunin ang kamay ni Jaemin at hawakan muli ito.

Lumabas silang dalawa sa pamilihan at naglakad na papasok sa gusali ng condo ni Jaemin. Sa kanilang paglalakad ay bakas na bakas ang ngiti sa labi ng dalawang binata.

Notes:

helo kung umabot ka rito maraming maraming salamat sa pagbabasa!! [umiyak]

i guess this is my second contribution sa renmin tag dito sa ao3 sdskjs tbh nagsimula lang 'tong fic na 'to as an activity for my fil4 class and wala talaga akong plano na ipost 'to dito since i don't feel confident in my writing style yet pero ayern tinulungan and minotivate ako ng kaibigan ko kaya ayan pinost ko na :>>

special thanks to hannah (moonpower) for being my beta reader!!!

lastly, konting eme about this fic:
1. this was an upcycled fic, supposed to be dotae ang pairing dito pero pinalitan ko siya before rewriting it kasi parang mas may sparks kapag renmin lol
2. i first wrote this way back feb 2021 mga panahon na iniiyakan ko ang basic accounting at org works

eto na sure na last na, songs mentioned in this fic:
a. Sana by I Belong to the Zoo
b. Burnout by 3D (Danao, Dancel, Dumas) 

twt