Actions

Work Header

1x1 Picture

Summary:

Hindi sentimental na tao si Kiyoomi.

Bagahe lang ang sentiment. Alam niya ‘to. Mangungulay. Mangungupas. Matutunaw. Di magtatagal. Para saan pa? Itatapon lang din nila picture niya kahit magbigay siya. Isusuksok sa wallet. Mayuyupi. Masisira. Itatapon. Kakalimutan. Para saan pa?

Pero iba pala. Iba pag may natatanggap.

Iba pag may nagbibigay.

Iba pag may nandyan.


Kung saan sanay nang mag-isa si Kiyoomi, sanay nang mahiwalay sa iba, pero biglang nagpalitan ng ID picture ang mga kasamahan niya sa isang training camp at, sa kinagulat niya, kasama siya rito.

Notes:

(See the end of the work for notes.)

Work Text:

Hindi sentimental si Kiyoomi.

Bagahe lang ang sentiment. Dagdag espasyo ang mga damit na di naman na kasya pero hindi matapon-tapon dahil may sentimental value. Dagdag kalat na mga screenshots at candid photos na di naman niya kailanman bibisitahin pa. Dagdag abubot na mangungulay at mangungupas at matutunaw din sa paglipas ng panahon.

Kaya hindi niya pinapansin ang ingay sa kabilang lamesa, pikit-mata habang unti-unting hinihiwa at linulunok ng tuyong lalamunan at walang ganang kalamnan ang nag-iisang piraso ng adobong manok sa kanyang plato. Hindi pinapansin ang kapansin-pansing katahimikan sa sarili niyang lamesa, ang katabing upuan na nilisan ni Motoya para makiusisa sa kaguluhan sa kabila, ang malamig na kawalan na hindi niya maibibintang sa buga ng aircon.

Isang kagat. Isang lunok. Pikit.

Walang naririnig, walang nakikita. Kain lang. Lunok lang.

Ulit.

Isang kagat—

“Omi!”

Sa pagmulat ng mata at pagtigil ng kutsara ay ang pagngisi ng isang nakakasilaw na ngiti at isang bukas na palad, mga tanawin banyaga sa kanyang mata.

Hindi siya umimik, inangat lang ang isang kilay at umirap. Sinubo ang manok. Lumunok. Tuloy lang. Walang distraction, walang sentiment, walang masasaktan—

Hindi nawala ang palad kahit pa bumagsak ang katuwang nitong ngisi. “Dali na!”

“Kung gusto mo pa ng ulam, pumila ka ulit, Miya—”

“Alam kong naririnig mo kami, Omi. Dali na! Penge ID picture!”

Inalis ni Kiyoomi ang tingin sa palad ni Atsumu bago ito dali-daling bumagsak sa ID case nitong sumasayaw sa bawat galaw ng kanyang katawan. Sa likod nito ay tatlong mukha na hindi kanya, mga mukhang anim na araw na niyang nakikita mula umaga hanggang gabi.

“Ano namang mapapala ko dyan?” 

Kabaligtaran ng sentiment ang purpose. Rasyonal at konkretong dahilan na hindi naka-ugat sa emosyon. Hindi niya nakikita iyon ngayon.

Umismid lamang si Atsumu. “Ang pakipot naman. Oy, Kourai, Tobio! Bigay niyo mga ID pictures niyo kay Omi! Ayaw tayo bigyan nang di tayo nagbibigay, e.” 

“Hindi ‘yon ang ibig sabihin ko—”

Hindi siya pinakinggan ng dalawa, ang dating tahimik niyang mundo ngayon puno na, maingay, nang sumalampak si Kourai sa mismong lamesa at dahan-dahan namang umupo si Tobio sa tabi ni Atsumu. 

“Eto akin, Kuya Kiyoomi.” Tahimik lang na inilapag ni Tobio ang 1x1 picture niya malapit sa plato ni Kiyoomi. Hindi gumalaw si Kiyoomi para kunin ito—wala siyang balak—ngunit tila nakalimutan na ng mata niya ang kanyang gabihan at napaligaw nalang ito sa litrato. 

Hindi nakangiti si Tobio sa 1x1 niya—nakasimangot pa nga, kung tutuusin—pero baka mas maganda na iyon kumpara sa napaka- awkward nitong ngiti noong unang group picture nitong training camp. Napakalayo sa taimtim nitong paghingi ng kumento sa kanyang mga spikers tuwing training, ngunit kuhang-kuha naman ang masisidhi at kalkulado niyang mga set na ibinibigay nito tuwing naglalaro.

“Ayan akin! Ang angas, di ba?” Bulyaw ni Kourai habang winawagayway ang kanyang puting-puti na ID picture—mula sa puting t-shirt, sa puting ngipin na tila lahat ay kita sa lawak ng ngiti, sa puting buhok na naka-gel para tumayo, maging sa kinang ng mata na tila inuudyok ang mundo na tignan siya, na wag siyang maliitin dahil kung hindi ay bubulagin ka nito at wala kang magagawa. 

Ibinaba ni Kourai ang litrato sa lamesa katabi ng kay Tobio at napasimangot na lamang si Kiyoomi. Hindi niya kailanman naintindihan ang kulturang ito—itong palitan ng ID picture. Binabayaran yon, tapos ipapamigay mo lang? Imbis na magamit sa mga requirements, sa mga pa-index card ng mga titser, mapupunta lang sa wallet o ID case ng kaklase? Ng teammate? Ng crush? Sus. Sayang bente.

At para saan pa? Para lang panuorin itong mangulay? Mangupas? Matunaw? Para saan pa, kung sabay ding gumagraduate ang mga pagkakaibigang nabuo sa high school sa pagsampa mo sa plataporma at pagkuha mo ng diploma? 

At lalong para saan pa, kung para lang sa mga taong nakikita mo lang dalawa o tatlong beses sa isang taon? Mga taong magkakalimutan lang din naman, at kakalimutan ka— 

Sumunod naman ang isang 2x2 picture, tila ayaw magpalimot sa agaw-atensyon nitong laki at kapakalan ng mukha na kita mula sa court hanggang sa papel. Hindi ito winagayway ni Atsumu tulad ng inaasahan niya; dahan-dahan lang na pinadausdos sa lamesa hanggang sa tumigil ito sa harapan niya. Hindi papatalo sa mala-mais nitong buhok at katakot-takot na ngisi at tingin, na tila ba may binabalak itong di kanais-nais, na tila ihuhulog nito ang bola sa net at sa isang iglap ay talo ka na.

Talo. Ngayon, pakiramdam ni Kiyoomi ay natatalo siya.

“HIndi ko hiningi picture niyo, Miya. Kumakain lang ako—”

“Omi!” Ingit nito. “Bawal KJ! Nagpalitan na halos lahat kami dito. Sige na! Ayaw mo ba non, souvenir?”

“Bibili nalang akong t-shirt sa souvenir shop kung gusto ko ng souvenir,” patay-malisya nitong sagot, walang pakealam sa simangot ni Atsumu o sa pagtawa ng sarili niyang pinsan na naglalakad na pabalik sa lamesa ni Kiyoomi.

Nilingon lang ni Motoya ang mga litrato bago inilabas ang sarili niyang wallet at sinama ang sarili niyang 1x1. “Aba, sa kanila kukunin mo tas sa sarili mong pinsan hindi? Di ko naman ata tanggap ‘yon.”

“Sino bang nagsabing kukunin ko ‘yang mga ‘yan?”

“Ayan na, binigay na namin amin,” turo ni Kourai sa apat na litratong nasa harapan niya. “Trade na, Kiyoomi!”

Hindi sentimental na tao si Kiyoomi.

Alam niya ‘to. Mangungulay. Mangungupas. Matutunaw. Di magtatagal. Para saan pa? Itatapon lang din nila picture niya kahit magbigay siya. Isusuksok sa wallet. Mayuyupi. Masisira. Itatapon. Kakalimutan. Para saan pa?

Sa lahat ng taon niya sa grade school, sa dalawang taon sa high school, kahit kailan walang nagbigay sa kanya ng 1x1. Wala ring nanghingi. Okay lang, lagi niyang sinasabi. Para saan pa, lagi niyang iniisip. Di niya ‘yon kawalan. Di rin naman magtatagal, e. Walang matatanggap, walang mawawala.

Pero iba pala. Iba pag may natatanggap.

Iba pag may nagbibigay.

Iba pag may andyan.

Rason bago sentiment. Wala siyang makukuha sa mga picture na ‘to. Wala rin siyang makukuha sa pagbigay ng sarili niyang picture—mawawalan pa nga siya kung tutuusin.

Pero bumuntong-hininga siya. Kinuha ang wallet mula sa bulsa at hinalungkat ang mga 1x1 picture na walang ibang nakahawak kundi ‘yung mismong nagprint, siya, at mga ilang guro na nanghingi nito bilang requirement.

Ngayon, kasama na doon si Tobio, si Kourai, si Atsumu, at si Motoya.

“Kiyoomi! Di ka man lang ngumiti! Pareho kayo ni Tobio, ano ba yan!” Kumento ni Kourai habang tinititigan ang litrato. 

“Omi! Para kang papatay ng tao dito!” Halakhak ni Atsumu, ni kailanman binitawan ang litrato mula nang iabot ito ni Kiyoomi. 

“Alam niyo ba one take lang yan tapos lumabas na agad siya sa studio kasi ayaw na niya mapicture-an ulit,” kwento naman ni Motoya na sinagot lang niya ng isang irap. Tumawa lang si Motoya.

“Akin na, binabawi ko na.” Binabawi na ang pagtitiwala, ang pagbubukas ng pinto—

Agad namang nilayo ni Atsumu ang kamay na may hawak sa 1x1 ni Kiyoomi. “Hep, hep! Bawal touch move!” Bulyaw nito bago agad na binuksan ang ID case para ihulog ang litrato sa likod na ngayon ay may apat na mukha na na hindi kanya.

“Sorry, Kuya, nabigay mo na,” sagot naman ni Tobio bago binuksan ang wallet at isinuksok sa clear display ang 1x1 ni Kiyoomi, katabi ng ibang mga mukhang di niya kilala.

“Gagawin ko tong motivation para matalo ka bilang ace , Kiyoomi! Hintayin mo lang, may araw ka rin!” Taliwas naman sa pagbabanta nito ang pagtatago niya ng 1x1 ni Kiyoomi sa ID case nito, mga kamay nitong mapwersa sa court ngunit maingat sa paghawak ng litrato ni Kiyoomi.

“Di pa rin ako makapaniwalang ngayon mo lang ako isipang bigyan. Masakit, Kiyo,” pailing-iling na sabat naman ni Motoya bago itago ang litrato sa sarili niyang wallet.

Hindi sentimental si Kiyoomi. Hindi talaga. Ulit-ulit niyang sasabihin yon sa sarili habang naghahandang matulog noong gabi iyon, binubuklat ang wallet para tignan ang apat na litratong nakasilip sa clear na sleeve nito.

Hindi niya alam kung itatago ng apat ang litrato niya kahit matapos ang training camp. Kahit lumipas ang Palarong Pambansa at kahit lumipas ang graduation. Hindi niya alam kung magtatagal ito, o kung kukupas at matutunaw lang din tulad ng inaasahan niya. 

Purong emosyon, purong sentiment.

Pero may rason.

Alaala ng kaisa-isang freshie na naglakas loob na diretsuhin siya sa performance niya. Alaala ng maliit na spiker na nagpaalala sa kanyang swerte siya—swerte sa katawang tila ginawa para sa volleyball, di tulad ni Kourai na nagsumikap magpatubo ng pakpak para lang makalipad. Alaala ng nakakairitang setter na, kahit ayaw niyang aminin, ay may maipagyayabang sa bawat set na handang hugutin palabas lahat ng lakas at galing ng kung sino mang nakakalaro nito. Alaala ng munting pinsan na laging andyan, na siyang nagturo sa daan ng larong pinakamamahal niya.

Higit sa lahat, andyan sila. Nagbigay. Nag-abot ng palad. Ng litrato. Umupo sa nanlalamig na upuan, sa bakanteng lamesa. Sinamahan siyang tumayo sa net. Sinamahang maglaro.

At kung tama ang pagkakakilala niya sa mga ito, sasamahan siya sa sabay-sabay nilang pagtahak sa iisa nilang pangarap.

Purong emosyon. Purong sentiment . Ngunit, sa kauna-unahang pagkakataon, hinding-hindi kukupas.







Notes:

This is based on that high school culture na nagpapalitan ng ID pictures between friends/classmates as souvenir bago matapos ang school year but make it dramatic and introspective haha. Also based on one of the first threadfics I ever made on Twitter!

Sinulat ko lang talaga 'to para may Tagalog fic akong ma-submit para sa applications sa Sinag, kaya ipost ko nalang din dito sayang naman. Saka nangalkal ako sa WIPs ko para mawala writing block ko pero walang nangyayari so... eto na muna haha. Enjoy!