Work Text:
Kung sa isang salita lang ilalarawan ni Seungkwan ang college: impyerno. Pero ninais niyang pag-aralan ang kursong napili niya, tsaka walang kursong hindi mahirap — o easy peasy lang. Lahat pinagbabanatan ng buto.
Kaya naman para siyang lantang gulay nang makasakay siya sa dyip, kung ikaw ba naman ang kagagaling lang sa night shift mo bilang crew sa Jollibee pagkatapos ng isang maghapong klase at walang kamatayang deadlines? Pero sanay na siya, isa siyang eksperto sa multitasking, at wala sa lahi ng mga Boo ang pagiging mahina. No, never, kahit mangiyak-ngiyak na siya ng dugo kakaisip kung paano niya pa pagsasabay-sabayin ang kolehiyo sa trabaho. Dejoke lang syempre napapagod siya.
Pero sa hindi maipaliwanag ng mapaglarong tadhana, biglang napawi ang pagod ni Seungkwan, nang napalingon siya sa binatang katabi niya sa dyip. Sa unang tingin nito, hindi mo aakalaing may ganoong ka-gwapong lalaki ang sasakay ng dyip; miski itim na hoodie lang ang suot niya, busy sa pagse-cellphone, at jansport na halatang binili lang sa divisoria ang gamit niyang bag. Napaka-pogi niya pa rin, para siyang niluwa ng kalangitan at bumaba sa mundong ibabaw na may nakapaligid na mga anghel sa kaniya. Ano kayang genes mayroon ang mga magulang niya at nakagawa sila ng ganitong ka-perpektong mukha?
Hindi na niya namalayan na kanina pa niya tinititigan ang binata, habang ang kunduktor na kanina pa siya tinatawag ay bakas na ang pagkabugnot sa tono ng boses niya nang tawagin siya muli nito, “ Hijo, ang bayad mo kako, gusto mo pa bang umuwi o titigan yung batang katabi mo?” Medyo pahiya siya roon ah, well, hindi naman niya kasalanang may nakatabi siyang mala-artistahing lalaki sa dyip.
Tahimik na ibinigay ni Seungkwan ang bayad niya at sinabi ang lugar na bababaan niya. Iniwasan na niyang tignan ang katabi nito — na, sa kabutihang palad ay naka-headphones at hindi narinig ang mga pinagsasabi ni Kuyang Kundoktor kay Seungkwan.
Sa wakas, nakaalis na ng terminal ang dyip. Tamang silip naman si Seungkwan sa katabi niya, na tila walang imik sa kinauupuan niya. Itinuon na lang ni Seungkwan ang atensyon niya sa sarili niyang cellphone. Tatlong missed calls at sampung unread messages mula kay Soonyoung? ‘Anong katangahan na naman kaya ginawa nito?’
Bungad ang tatlong missed calls sa conversation nilang dalawa, at messages na kahit sa text lang ay naririnig pa rin ni Seungkwan ang nakakairitang boses ng kaibigan niya. “’Kala ko naman kung anong nginangawa nito, nagd-drama na naman pala kay Wonwoo.” Hanggang kailan mo ba mare-realize na gusto ka rin ni Wonwoo, Seungkwan thought, apaka tanga mo talaga, Soons. Kakabwisit.
Hindi nagtagal at dinapuan ng antok si Seungkwan, pinilit niya ‘tong labanan, pero naka- fatigue mode na ang katawan niya. Hindi na niya namalayang knock out na pala siya. Well ten minutes later, nang biglang naramdaman niyang prumeno ang dyip at napadiin ang katawan niya sa katabi niya ay biglang nagising ang buong diwa niya.
Packing sheet.
Nakatulog pala siya sa balikat ng crush, este ng katabi niya! Paanong hindi na-realize ‘yon nung lalaki sa tabi niya? Agad namang inangat ni Seungkwan ang ulo nito mula sa balikat ng binata, tila naramdaman naman niyang unti-unting nag-iinit ang mukha niya.
Aba’y sino bang hindi? Now that he’s thinking about it, nai-imagine niya ang sarili niyang tahimik na natutulog sa balikat ng katabi niya, putangina, ang romantic. Para siyang nasa isang teleserye. Feel na feel niya ang kaniyang ten-minute Kathryn Bernardo moment doon.
Inalis naman niya ang imagination na ‘yon sa isip niya, ‘Boo Seungkwan nahihibang ka na!’ He thought to himself.
“Low batt na agad?” Napatingin naman si Seungkwan nang for the first time, nagsalita ang binatang nasa tabi niya. Tahimik na pinanood ni Seungkwan na isilid ng katabi niya ang headphones nito sa bag niya. “Lokal na naman binili ni Gyu,” normal bang pati sa boses nagagwapuhan din siya? Anong klaseng gayuma ba ang nilagay ng katrabaho niya sa kinain nilang Burger Steak kanina at ganito bigla ang tama niya sa lalaking ito?
Masyado na naman siyang napatitig sa mukha ng katabi niya, at halos mapatalon na si Seungkwan sa kinauupuan niya nang lumingon sa kaniya ang binata at nagtama ang mga mata nila. Ayun na naman ang pag-iinit ng mukha niya, at ang bilis ng kabog ng dibdib niya. Pakiramdam ni Seungkwan ay dinaig niya na ang nanay niyang suki ng zumba sa dami ng pawis na lumabas sa kaniya sa simpleng eye contact nila ng jeepney crush niya.
Agad ding iniwasan ni Seungkwan ang tingin sa katabi niya, at tumingin kahit saan except sa kaniya. Pero kita niya sa peripheral vision niya na nakatingin pa rin sa kaniya ang lalaking nasa tabi nito, at bakit feeling niya ngingitian pa siya nito? Peripheral vision pa rin ba ‘yon o nagha-hallucinate lang siya?
Pero laking sisi niyang lumingon siya pabalik sa binata, na nakatitig pa rin nga sa kaniya, at nakakaloko pang ngiti sa mga labi. Nang mapansin ng binata ang mapula niyang mga pisngi ay mas lalo pang lumaki ang ngiti nito, at umiwas na rin siya ng tingin mula kay Seungkwan.
Kinuha muli ni Seungkwan ang cellphone niya, sa pag-asang madi-distract siya at makakalimutan niya ang nangyari kanina. Binuksan niya ang Facebook at Twitter niya, at, pasensya na, may hobby siyang mang-stalk ng sarili niyang profile kahit saang social media apps pa ‘yan. Proud lang talaga siya sa layout niya sa Facebook at Twitter accounts niya, tsaka natatawa siya sa sarili niyang shared posts at random posts sa timeline niya.
Gaya na lang ngayon, nakita niya muli ang shinare niyang video sa timeline niya, halos mangiyak na siya kakatawa nung una niyang mapanood ito, at ngayo’y nagpipigil siya ng halakhak sa loob ng dyip.
Finally, na-distract nga talaga siya nang mag-scroll na siya sa Twitter timeline niya. At habang nag-uusap sila ng mga kaibigan at katrabaho sa kani-kanilang group chats.
Kinuha niya ang wired earphones mula sa bulsa ng bag niya, sabay salpak sa cellphone niya habang namimili ng kung anong playlist ang ipapatugtog niya sa Spotify. At since nasa good mood na ulit siya, mga masasayang love songs muna ang naka-shuffle ngayon.
Isang earphone lang ang isinuot niya sa kanang tenga. Mabuti na lang at lumuwag nang onti ang dyip, umusog siya para dumungaw sa bintana.
Tumigil muli ang dyip, sa tapat ng palengke, habang nagsibabaan ang ibang pasahero, at may aleng pumasok at naupo sa tabi ni Seungkwan.
“Manong bayad ho,” Saad ng babaeng nang makasakay na siya sa loob, at inabot ang bayad papunta sa driver. Akmang isusuyo na sana ni Seungkwan ang bayad ng ale, nang biglang may kamay na kumuha ng bente pesos na hawak na ni Seungkwan.
Hindi sa pagiging overreacting, pero para talaga siyang nakahawak ng live wire. Grabe ang sparks. Hindi alam ni Seungkwan kung kinakabag lang siya, o na-‘love-at-first-sight’ na talaga siya sa binatang kasabay niya ngayon sa dyip. Tila ba’y nagyelo na si Seungkwan at nakaabot pa rin ang kamay niya, saka niya lang namalayan nang bumalik ang kamay ng katabi niya na inabot ang sukli sa kamay niya.
Unconsciously, napalunok si Seungkwan ng sarili niyang laway.
Malapit na siya sa bababaan niya, nang mag-play ang kanta ni Yeng Constantino na ' Jeepney Love Story' .
Coincidence? Parang masyado namang spot on ‘yun. Hindi alam ni Seungkwan kung matutuwa ba siya o matatawa na nakaka-relate siya sa lyrics ng kanta. Sa sobrang relatable ng kanta ay nadala na siya at na-distract na naman, ulit.
Isang “para po” ang narinig ni Seungkwan bago niya itigil ang kantang pinapakinggan niya nang hindi namamalayan. Sinundan niya sa tingin ang binata habang bumababa ito palabas ng dyip. Teka, paanong isang kanto lang ang pagitan ng binababaan niya sa lalaking ‘yun?
Coincidence?
Kinalaunan ay nakababa na rin si Seungkwan sa dyip, pero hindi na maalis sa isip niya ang lalaking nakatabi niya kani-kanina lang. At the same time, proud siya sa sarili niyang hindi siya napahiya nang sobra sa jeepney crush niya (if, hindi counted yung nakatulog siya sa balikat nung katabi niya kanina.)
Bigla namang nag-vibrate ang phone sa bulsa niya, agad niyang binuksan ang new unread message na ngayon lang nag-notif sa phone niya kahit five minutes ago pa nag-send.
Laking gulat niya sa kung kanino nanggaling ang bagong mensahe. Halos nabitawan na niya ang hawak niyang cellphone sa katapat na imburnal.
‘ Chwe Hansol: hi, gusto kita. oo crush nga kita, ang stalker ko siguro pero nakita ko kasi yung profile mo. ayun lang, sana napansin mo ‘tong chat ko.’
Mukhang hindi na ito ang magiging huling beses na makikita ni Seungkwan si Hansol.
