Work Text:
Saudade
/ souˈdädə /
(n.) a deep emotional state of melancholic longing for a person one has loved but is now lost. It often carries a repressed knowledge that the object of longing might never return.
Binibining Klay,
Wala akong ideya kung nasaan ka ngayon, o kung sino ang iyong kasama, o kung ligtas ka ba, dahil ikaw ay naglaho na lamang na parang bula.
Batid kong lolokohin ko lamang ang aking sarili kung sasabihin kong hindi ako labis na nangungulila sa iyo. Sa katunayan, ilang gabi na akong hindi makatulog nang mahimbing. Kagaya ngayon. Sa mga gabing katulad nito, idinadaan ko na lamang sa pag-inom ng vino ang pagpawi ng sakit na kasalukuyang bumabalot sa aking puso. Sa iyo na rin naman nanggaling dati, hindi ba, na sa pag-inom lamang ako magaling?
Malas ko lamang at tila hindi sapat kahit ilang bote pa ng vino para malimutan ko ang libo-libong tanong na gumugulo sa aking isipan. Mga tanong na walang ibang makakapagbibigay ng sagot na nais kong marinig kundi ikaw.
Saan ka ba talaga pumaroon, at bakit hindi ka pa rin bumabalik? Ikaw lang ba mag-isa ang umalis? Kung oo, bakit tila hindi nauubos ang iyong tapang at lakas ng loob, na handa kang suungin ang kahit anong bagyo na ikaw lamang mag-isa, kahit walang armas o kakampi?
Nasa maayos ka bang kalagayan ngayon? Umuwi ka na ba sa inyo? Kasama mo na ba ang iyong pamilya? Masaya ka ba sapagkat nasa piling ka na nila? Paano ka nakauwi? Kung wala ka pa sa inyo, saan ka nagpunta?
Mayroon ka na naman bang tinutulungang pobreng pamilya kagaya ni Aling Sisa kaya ka nawawala? Kung oo, bakit hindi ka man lang lumapit sa akin para ikaw ay aking masamahan sa iyong mga balak? Bakit ba masyado kang mabait at matulungin?
Ang paglisan mo bang ito ay isa lamang sa mga pagla-lamyerda mo, katulad ng dati? Makikita pa ba kitang muli? Bakit ka umalis nang hindi man lang nagpapaalam? Bakit hanggang ngayon ay hindi ka pa rin nagpaparamdam? Wala ka na bang balak na bumalik sa San Diego? Wala ka na bang balak bumalik sa ak
Pinaparusahan mo ba ako, binibini?
Kung saan-saan na ako dinala ng aking mga paa para hagilapin ka. Ang huling nakakita raw sa iyo ay si Andeng. Ayon sa kaniya, lumabas ka raw mula sa bahay ni Maria Clara dis oras ng gabi. Buong akala niya raw ay may pupuntahan ka lang at hindi ka magtatagal, kaya’t hindi na siya nakialam pa. Susmaryosep, binibini. Lumabas ka sa dilim nang ikaw lang mag-isa? Anong pumasok sa isip mo? Ang sabi pa sa akin ni Maria Clara ay hindi naman niya alam kung saan ka nagtungo, at ganoon din ang sagot ni Mang Adong nang siya ang aking tanungin. Sinadya ko pa siya sa kaniyang tahanan dahil baka sakaling mayroon siyang ideya, lalo pa’t napansin kong napalapit ka na sa kaniya sa sandaling pamamalagi mo sa bahay ni Crisostomo.
Lahat kami rito (maliban siguro kay Tiya Isabel) ay nagugulumihanan at nababagabag na dahil muli’t muli, umalis ka nang walang pasabi. Wala ka ring iniwang liham na makapagtuturo sa amin kung saan ka maaaring hanapin. Nag-baka sakali akong makikita kita sa tahanan ni Aling Sisa, ngunit hangin lamang ang nadatnan ko roon at isang bahay na sira-sira na.
Tila nalibot ko na ang bawat sulok ng San Diego, pero ni anino mo ay hindi ko nasilayan.
Alam mo bang lumuwas pa ako sa Maynila para hanapin ka? Ayon kay Maria Clara, sa beaterio kayo unang nagkakilala. Minabuti kong pumunta roon at magtanong sa mga madre kung may nakita ba silang mestiza de sangley na madaldal, magaslaw, at kakaiba manalita, ngunit sa dalas ng pambubulabog ko roon ay halos ipagtabuyan na nila ako. Ilang beses din akong bumisita at namalagi sa Cafe La Campana, ang lugar kung saan kita unang nakita, umaasang ikaw na ang iluluwa ng pinto tuwing naririnig ko ang pagbukas nito.
Gayunpaman, paulit-ulit akong nabigo.
Pero hindi pa rin ako titigil.
Binibining Klay,
Ito na yata ang pinakamatagal mong pagla-lamyerda. Kung nandito pa ang aking amigo at nalaman niya mula sa amin ni Maria Clara ang tungkol dito, sigurado akong magiging dahilan na naman ito ng pag-aaway ninyo. Ngunit sa pagkakataong ito, maging ako ay makikisali na sa pagse-sermon sa iyo.
Batid kong tuwing may gusto kang gawin ay hindi ka nagpapapigil sa kahit na kanino, at hindi ko na rin naman gugustuhing ikahon ka sa mga nakakasakal na kaugalian o diktahan ka kung ano ang mga dapat at hindi mo dapat gawin, lalo pa’t nasaksihan ko na dati kung ano ang epekto nito sa iyo. Pero ibang usapan na ito. Maging si Crisostomo ay paniguradong sasang-ayon sa akin kung sasabihin kong masyado nang delikado itong ginagawa mo—na walang anu-ano’y nag-desisyon kang mag-lamyerda na lamang kung saan.
Hindi ko maiwasang magalit sa mundo sapagkat sa magkalapit na panahon pa kayo nawala sa akin ni Crisostomo. Tila nananadya ang tadhana, masyadong nasisiyahang masaksihan ang aking pagdurusa. Hindi pa sapat na namatayan ako ng matalik na kaibigan, ng kasangga, ng kakampi—talagang kinuha rin mula sa akin ang babaeng tinitibok ng ak ang isa sa mga taong lubos ko ring pinahahalagahan.
Sa lahat ng mga naganap, minabuti ko nang bumalik na muna sa lalawigang kinalakhan ng aking ama. Marahil ikaw ay nagtataka kung anong nagtulak sa aking gawin ang desisyong ito. Marami akong maaaring isagot, ngunit ito ang nangunguna sa listahan: pakiramdam ko'y malapit na akong takasan ng bait kung ako’y mananatili pa sa San Diego. Saan man ako magpunta sa bayang iyon, kayo ng aking amigo ang sumasagi sa aking alaala. Hindi ko mapigilan ang paninikip ng aking dibdib tuwing napagtatanto kong tunay ngang iniwan na ninyo akong mag-isa, naguguluhan, naliligaw, nalulungkot. Walang araw na hindi ko hiniling na sana’y bigyan ako ng pagkakataong makasama kayong muli. Kahit isang araw lang, o ilang oras, o kahit pa masilayan ko lamang kayo ng ilang saglit, para lamang maibsan ang aking pagdadalamhati.
Maliban pa riyan, hindi ko na rin kayang ikubli ang nagpupuyos kong galit sa mga tao sa San Diego. Nalulunod na nga ako sa kalungkutang dulot ng pagkawala ninyo, baka wala nang matira sa akin kung tuluyan din akong magpapakain sa pagkamuhi. Habang nagtatagal ako roon, lalo lamang sinasampal sa akin ang mapait na katotohanang dinungisan nila ang reputasyon ni Crisostomo at ng kaniyang pamilya, tinanggalan sila ng dangal, at nagpapatuloy pa rin ito kahit ngayong wala na siya. Hindi ko mawari kung paano nila nasisikmurang ito ang isukli sa pamilyang wala namang ibang hinangad kundi ang kabutihan at pag-unlad ng lalawigan.
Idagdag mo pa ang malupit na panghuhusgang ibinato nila sa iyo noong nandito ka pa. Tinawag ka nila ng kung ano-anong pangalang wala namang katotohanan dahil lamang kakaiba ang iyong mga gawi, pananalita, pag-iisip. Marahil ay kokontrahin mo ako rito at sasabihin mong wala akong karapatang magbigay ng komento sa aspetong ito, sapagkat maging ako ay hinusgahan ka rin noong una tayong magkakilala. Tama ka naman, at kung hindi pa malinaw sa iyo, iyan din ang isa sa mga pinakamalaki kong pagkakamali, kaya nga sinubukan kong bumawi sa iyo oras na mapagtanto ko ito. Me arrepiento de lo que he hecho antes. Hindi tulad nila.
Pero huwag kang mag-alala, binibining Klay, dahil kahit wala na ako sa San Diego, hindi pa rin ako tumitigil sa paghihintay ng iyong pagbalik. Nakiusap ako kay Mang Adong na kung maaari ay siya muna ang maging mata ko roon at agad ipagbigay-alam sa akin oras na makita ka niyang muli. Isa siya sa mga natitirang tao sa San Diego na hanggang ngayon ay pinagkakatiwalaan ko pa rin. Hindi pa man natatapos ang pag-sambit ko ng aking ipinakikiusap ay um-oo na siya kaagad. Siguro dahil maging siya ay lubos na nalulumbay pa rin sa pagkawala ng presensya ng dalawang taong nagbigay-sigla sa bayang ito, kahit pa ilang linggo na mula noong kayo ay mawala. Siguro dahil maging siya ay umaasang babalik ka pa.
Si Crisostomo… tiyak nang hindi na namin makikita pang muli, kahit ano pang pagdarasal ang gawin namin sa harap ng Panginoon. Kahit umiyak pa ako ng dugo. Ngunit ikaw, binibining Klay, malakas ang pakiramdam kong nandiyan ka pa, bagaman matagal na kaming walang ideya sa iyong eksaktong pinaroroonan.
Binibining Klay,
Masyadong tahimik ang aking mundo.
Hindi ako sanay.
Totoo pala ang sinasambit ng aking mga amigo noon—na magiging malinaw lang sa iyo ang kahalagahan ng isang bagay kapag wala na ito sa mga palad mo.
Binibining Klay,
Ngayon ko lamang napagtanto kung gaano ako kalaking duwag. Lumaki akong hindi hinahayaan ang silakbo ng damdamin na diktahan ang aking mga desisyon. Sa murang edad pa lamang, itinanim na ng Papá sa aking isipan na walang naidudulot na maganda ang pagdadalos-dalos. Walang lugar ang pagiging mapusok at mapangahas—lalo na sa mundo ng negocio, kung saan bawat kilos ay dapat kalkulado, bawat desisyon kinakailangang nakaugat sa katwiran at lohika, sapagkat isang maling galaw ay maaaring magunaw ang lahat ng mayroon ako.
Walang nagsabi sa aking pagsisisihan ko pala ang pagdala ng ganitong uri ng pag-iisip sa pagmamahal. Kung nagwawagi ang mga taong lohikal at praktikal pagdating sa pamamahala ng negocio, kabaliktaran pala ang sinasapit ng mga ganitong tipo ng tao pagdating sa pag-ibig.
Huli na nang mapagtanto ko ang aking mga pagkakamali: Masyado akong nakampanteng nasa isang sulok lamang, na pinanonood ka mula sa malayo. Akala ko’y makatutulong kung isasantabi ko ang aking damdamin at isip lamang ang tanging pagaganahin, ngunit wala naman itong nagawa kundi ang mag-iwan sa aking puso ng milyon-milyong mga bagay na pinagsisisihan kong hindi ko sinabi sa iyo.
Bakit nga ba ako nagpakain sa aking mga pangambang wala namang katuturan? Sana’y hindi ko na hinayaan pang umabot sa puntong ito bago ako nagpasiyang ipaalam sa iyo ang aking pagtingin. Lubos kong pinagsisisihang hindi ko pinahintulutan ang aking sarili na ipahayag ang lahat ng ito noong narito ka pa.
Binibining Klay, iniibig kita.
Tila sasabog na ang aking puso mula sa pagmamahal na mistula malabo ko nang maipaparamdam sa iyo nang harap-harapan.
Binibi
Klay
Mahal kong binibining Klay,
Nakita ko kung paano ka tumingin sa aking amigo noon. Nakaukit pa rin sa aking isipan kung gaano katamis ang ngiting sumisilay sa iyong labi tuwing siya ay nasa paligid. Nanatiling tikom ang aking bibig, ngunit matagal ko nang napansin ang lahat ng ito, bago ko pa man masaksihan ang iyong pagtangis sa isang madilim na tabi habang pinapanood mong haranahin niya ang kaniyang nobya. Nagkaroon na ako ng ideya sa posibilidad na nahulog ang iyong loob kay Crisostomo, noong una pa lang, tuwing pinagmamasdan kitang pagmasdan siya sa malayo. Nabuo lamang ang konklusyon sa aking isip nang gabing iyon, pagkakita ko ng iyong reaksyon sa pagsuyo niya kay Maria Clara.
Itinanggi mo ang bagay na ito nang tanungin kita ukol dito, ngunit hindi maalis ang parte sa aking ayaw maniwala sa iyo buhat na rin ng mga nauna kong obserbasyon. Hindi naman ako bulag o manhid. At isa pa, mayroong malaking pagkakaiba sa mga salitang lumabas mula sa iyong bibig at sa lungkot na nakita kong lumalangoy sa iyong mga mata noong gabing iyon.
Hindi kita masisisi kung tunay ngang inibig mo ang aking amigo. Hindi iyon nakapagtataka; isa siyang mabuting taong may magandang personalidad at dalisay na puso. Mga katangiang taglay ng isang lalaking karapat-dapat hangaan. Makisig pa, kaya rin nga kinaiinggitan ng maraming babae si Maria Clara noong mga bata pa kami sapagkat ni minsan ay hindi naman dumapo ang tingin ng aking kaibigan sa ibang babae.
Pero hindi ko rin itatangging may munting kirot sa aking puso tuwing naiisip kong mayroon kang nararamdaman para kay Crisostomo. Pilit kong nilabanan ang inggit na namumuo sa loob ko, ngunit pilit din itong kumakawala mula sa mga rehas kung saan ko ito kinukulong.
Mali bang pangarapin na ako naman ang iyong lingunin? Na sa akin mo naman ibaling ang iyong atensyon? Huhusgahan mo ba ako kung aminin kong gusto kong maging makasarili pagdating sa iyo? Na gusto kong sa akin lamang dumapo ang mga mata mo, na ako naman ang maging dahilan ng iyong pagngiti, na gusto kong ipagdamot ang iyong tawa, na gusto kong ako lang.
Batid kong wala akong karapatang maramdaman ito, wala ako sa posisyong ipagdamot ka, kaya itinulak ko ang mga emosyong ito sa kailaliman ng aking puso sa abot ng aking makakaya. Sa pinakailalim, nang sa gayon ay hindi nito maimpluwensyahan ang aking isip at hindi ako magtangkang gumawa ng kahit anong bagay na maaaring makasira sa pagkakaibigan nating dalawa. Pinangunahan ako ng aking pangamba na isang maling galaw ko lamang ay maaaring umiwas ka sa akin, o hindi mo na ako kausapin pang muli, at ako pa ang maging dahilan sa pagguho ng ating samahan.
Kaya sa lahat ng pagkakataong ninais kong abutin ang iyong mukha at pawiin ang mga luhang dumadaplis sa iyong pisngi, ibinaon ko ang aking kamay sa bulsa.
Kahit gaano ko pa kagustong yakapin ka tuwing ika’y nababalisa, o ialok ang aking balikat para iyong sandalan tuwing pakiramdam mo ay pasan mo ang buong mundo, panyo lamang ang nagawa kong ibigay.
Nagpanggap akong hindi nagwawala ang mga paru-paro sa aking tiyan tuwing mahuhuli kitang sumusulyap sa akin, o tuwing naririnig kong tinatawag mo ang pangalan ko, o tuwing ika’y nasa malapit.
Idinaan ko na lamang ang lahat sa mga biro’t pang-aasar upang matabunan nang tuluyan ang kagustuhan kong isigaw sa buong mundo ang pag-ibig ko sa iyo.
Kung alam ko lang na aalis ka nang ganon-ganon na lamang, hindi ko na sana sinayang pa ang mga pagkakataong ibinigay sa akin noon para hawakan ang iyong kamay.
Kung alam ko lang na ganito ang mangyayari sa huli, na anu’t ano pa man ay mawawala ka rin sa akin, ipagtapat ko man sa iyo ang aking pag-ibig o hindi, hindi na sana ako nagpakaduwag. Hindi na sana ako natakot na ialay sa iyo nang buong-buo ang aking puso.
Sana pala’y pinili ko na lamang sumugal.
Mahal kong binibining Klay,
Apat buwan na ang nakalipas ngunit wala pa rin akong balita sa iyo. Nakatanggap ako ng liham mula kay Mang Adong kahapon, at ayon sa kaniya hindi ka pa rin bumabalik sa San Diego.
Kung ang iyong paglisan ay isa na naman sa iyong mga biro, o “prank” katulad ng salitang paborito mong gamitin, pakiusap, itigil mo na. Por favor, binibining Klay, bumalik ka na. Pakiramdam ko ay tuluyan na akong tatakasan ng bait kung magtutuloy-tuloy pa ito. Masyado nang malamig ang aking mga gabi magmula nang ikaw ay mawala. Maghapon at magdamag ay namamalagi na lamang ako sa aking silid, mistula estatwang isinumpang manatili na lamang sa kaniyang kinalalagyan, sapagkat wala na akong mahanap pang rason para umalis sa espasyong ito. Ano pang silbi nito kung alam kong hindi naman kita makikita oras na ako’y tumapak sa labas ng pinto?
Hindi ko na alam kung hanggang kailan ko pa kayang magtiis na wala man lang akong kaalam-alam kung saan ka na ba namamalagi o kung sino ang kasama mo o kung ano na ba ang sinapit mo.
Sa bawat paglubog at pagsikat ng araw, wala akong ibang inaalala kundi ikaw. Te lo ruego, mi amor, huwag mo na akong parusahan nang ganito. Magpakita ka na sa akin.
Mahal kong binibining Klay,
Hindi ako relihiyoso o paladasal. Oo, nananalig ako sa Diyos at dumadalo ako sa mga misa, ngunit masasabi kong hindi ako tulad ng ibang tao na relihiyon na ang naging sentro ng buhay at doon na lamang umiikot ang kanilang mundo.
Ngunit sa kauna-unahang pagkakataon sa tanang buhay ko, buong maghapon akong lumuhod sa harap ng Maykapal para hilingin ang iyong kaligtasan at kasiyahan, kung nasaan ka man. Para makiusap na makita kitang muli at mayakap man lamang. Hindi ko ininda ang kumakalam kong sikmura, o ang nanunuot na sakit sa aking tuhod, dahil mas mahalaga sa akin na makarating sa Kaniya ang aking pagsusumamo. Sa unang pagkakataon ay buong araw kong hawak ang rosaryo, taimtim na nagdarasal, taos-pusong umaasang sapat na ang aking dedikasyon upang dinggin ng nasa taas ang aking mga dalangin.
Sa unang pagkakataon ay isang babae ang laman ng aking mga panalangin maliban sa aking ina. Walang iba kundi ikaw, Klay, ang babaeng nagbigay ng kulay at sigla sa madilim na kabanata ng aking buhay. Ang nag-iisang babaeng minamahal ko katulad ng pagmamahal na mayroon ako sa babaeng nagluwal sa akin dito sa mundo.
Mahal kong binibining Klay,
Kung iisipin kong mabuti, ikaw yata ang pinakamabuting taong nakilala ko. Marahil para kina Tiya Isabel at sa iba pang mapangmatang tao sa San Diego ay isa ka lamang dalagang walang modo’t matabil ang dila. Wala namang makatatanggi na matabil nga ang iyong dila, ngunit totoo rin namang masyado silang nagpapabulag sa kanilang panghuhusga kaya nabibigo silang makita ang angkin mong kabutihang loob. Bagaman sandaling panahon lamang kita nakasama, namalas ko kung gaano kabusilak ang iyong puso, pero marahil ang pinakahinahangaan ko sa iyo ay ang katapangan mong walang sinasanto. Wala kang kinikilingan. Nag-aalab ang iyong damdamin para sa mga bagay na iyong pinaglalaban, at tila wala kang taglay na takot kung sino man ang malapnos ng naglalagablab na apoy sa iyong puso.
Saan ka ba naman makakakita ng isang babaeng hindi nag-aalinlangang mangatwiran habang nakatingin nang direkta sa mata ng mga prayle? Ng isang babaeng hindi nagda-dalawang isip na ipahayag ang kaniyang opinyon sa harap ng mga nakatatanda, o kontrahin ang pangmamaliit ng ibang tao? Ng isang babaeng imbis na tumakbo palayo sa mga bagay na ikapapahamak niya lamang, tila nagkakandarapa pang lumapit sa panganib para iligtas ang mga taong mahalaga sa kaniya, o kahit pa iyong mga taong wala namang ginawa kundi husgahan siya?
Marahil ang mga ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi ka mawala sa isip ko. Mi amor, all the other women pale in comparison to you. Noong kasama pa kita, ilang beses ko na marahil nabanggit sa iyo, at sa aking sarili, na ikaw ay natatangi, naiiba, ngunit hindi ako magsasawang ipaalala sa iyo, at sa akin, na ang babaeng tulad mo ay talagang nag-iisa lamang sa mundo.
Mapalad akong kahit minsan, kahit saglit, ay nagkasundo ang bawat pwersa ng sansinukob at hinayaang magtagpo ang tadhana nating dalawa.
Mahal kong binibining Klay,
Napagpasyahan kong gugulin muli ang aking mga umaga sa pagtulong kay Papá sa pagpapatakbo ng aming negosyo. Umuwi siya kamakailan lamang mula sa kaniyang pananatili sa Europa, matapos niyang mabalitaan ang masaklap na sinapit ng aking amigo. Halos magkasunod lamang ang aming pagdating sa aming probinsya. Nitong mga nagdaang linggo, madalas kaming magkasama, patuloy na nagpaplano ng mga paraan upang mapaunlad pa ang aming tindahan, at halos doon na nga kami manirahan imbis na sa aming tahanan dala ng sobrang abala namin sa mga bagay-bagay.
Aaminin ko, sinusubsob ko ang aking sarili sa trabaho at pag-aasikaso ng kung anu-anong mga papeles dahil sa desperadong pagtatangka na alisin ka sa aking isipan kahit saglit. Patawarin mo ako, hindi ko intensyong kalimutan ka nang tuluyan, pero ito na lamang ang nakikita kong paraan upang kahit papaano’y hindi na ako habulin pa ng madilim na nakaraan at ako’y makaramdam ng katiting na kapayapaan.
Kaya lamang, kahit ano pang gawin ko’y imposible talagang ikaw ay aking matakasan. Hay, binibining Klay, tila maging ako ay isinumpa mo na? Nagkakaroon na ako ng hinalang ipinanganak ka talaga upang pahirapan ako, at sa totoo lang ay hindi na ako magtataka kung ito man ay totoo.
Marahil ay pabor sa akin ang mundo tuwing tirik pa ang araw, sapagkat sa sobrang dami ng aking pinagkakaabalahan, nawawaglit ka sa aking isip, at nalilimutan ko maging ang San Diego at ang malupit na sinapit ng aking amigo sa kabila ng kanyang dalisay na puso. Ngunit sa pagsapit ng dilim at ako’y mag-isa nang muli, kapag pipikit na para magpahinga, bigla na lamang lumilitaw sa aking isip ang iyong wangis.
Kahit ang mga panaginip ko ay hindi mo pinalalampas. Malimit na lamang akong makatulog nang maayos buhat nang mawala ka; may mga pagkakataong matagumpay akong nakakatulog, ngunit hindi rin nagtatagal nang ilang oras. Hindi ko na mabilang kung ilang beses na akong nagising sa kalagitnaan ng gabi na tumatangis at hindi mapakali, sapagkat paulit-ulit ang eksena sa aking panaginip: ikaw, na tumatakbo papalayo sa akin—minsan patungo sa kawalan, minsan patungo sa isang lugar na hindi ko mawari kung saan—at ako, na hindi ka maabutan kahit anong bilis pa ng aking mga paa. Patuloy ka lamang sa pagtakbo, ni isang saglit ay hindi lumilingon, kahit napapaos na ang aking tinig sa pagtawag ng pangalan mo.
Pagkatapos nito ay nabibigo na akong makatulog pang muli. Utak ko na mismo ang aking kalaban, kaya wala akong magawa kundi alalahanin ka habang hinihintay ang pagdating ng umaga. Ginugugol ko ang buong madaling araw sa pagbabalik-tanaw sa nakaraan, sa pag-alala kung paano kumurba ang iyong labi sa isang ngiti, ang iyong mga ngiting hindi kayang pantayan ng anumang bagay sa sansinukob. Sigurado akong maging ang mga bituin sa kalangitan ay yuyuko kapag nasilayan ito. Kapag nasilayan ka. Masyado kang maliwanag, mi amor, masyadong makislap. Ang iyong katauhan ay nakasisilaw, nakabubulag, ngunit handa akong mapaso, handa akong ibuwis ang aking paningin kung ibig sabihin nito’y mapalapit sayo’t mamalas ang iyong ningning.
Siguro nga, sa puntong ito niloloko ko lamang ang aking sarili sa pagpupumilit na burahin ka sa aking isip, lalo pa’t hindi ikaw ang tipo ng babaeng madaling makalimutan. Ginawa ko na ang lubos ng aking makakaya ngunit wala talagang lunas sa aking pangungulila’t kalungkutan.
Ang hirap umusad mula sa iyo, binibini. Nag-iiwan ka ng panghabambuhay na marka sa bawat taong iyong nakakasalamuha, sa bawat lugar na iyong nilalakaran, sa bawat pusong iyong nahahawakan. Lampas kalahating taon na kitang hindi nakakausap o nasisilayan man lang, mi amor, ngunit ang markang iniwan mo sa aking puso ay buhay na buhay pa rin. Sa palagay ko ay habambuhay ka nang mamamalagi sa aking munting mundo, at ang alaala mo ay dadalhin ko na saan man ako mapunta… at hanggang sa dulo ng aking paghinga.
Mahal kong binibining Klay,
Kasalukuyan akong pinipilit ng Papá na kilalanin ang dalagang anak ng isa sa kaniyang mga amigo. Maniwala ka, sinubukan kong ipaintindi sa kaniyang wala akong interes sa ibang mga babae, sinubukan kong sabihing hindi ko kailanman gugustuhing magkaroon ng relacion sa isang taong hindi ko naman iniibig, lalo’t higit sa isang babaeng hindi ko pa naman lubos na kilala.
Ngunit sa huli ay wala akong naging laban, sapagkat binigyan niya ako ng ultimatum na hindi ko kayang tanggihan, ng isang bagay na hindi ko kayang basta na lamang talikuran.
Sabi ng Papá, kung bibigyan ko ng pagkakataong kilalanin ang binibining nais niyang maging aking nobya, tutulungan niya akong matunton ang babaeng matagal ko nang hinahanap. Wala akong ideya kung kanino niya nalaman ang tungkol sa iyo gayong sa walong buwan kong pananatili rito, ni minsan ay hindi ko nabanggit sa kaniya ang ngalan mo. (Hindi dahil sa ikinahihiya kita, kundi dahil batid kong isang salita lamang ang lumabas sa aking bibig tungkol sa iyo ay bubuhos ang maraming tanong mula kay Papá na hindi ako sigurado kung kaya ko na bang sagutin nang hindi lumuluha)
Batid kong maraming koneksyon at kakilala ang aking ama sa iba’t ibang parte ng Las Filipinas. Isang salik kung bakit ganito na lamang kalago ang negosyo ay dahil marunong magaling makisama ang Papá, maabilidad pagdating sa pakikisalamuha sa iba’t ibang klase ng mga tao, isang bagay na hindi ko namana at hanggang ngayon ay natututunan ko pa lamang. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit ako sumang-ayon sa gusto niyang mangyari. Sapagkat malawak ang kaniyang koneksyon at may kapangyarihan siyang makipag-ugnayan sa mga opisyal ng iba’t ibang bayan. Naisip ko nang subukan ito noon, ngunit may bumubulong sa aking ipagsasawalang-bahala lamang nila ang mga liham na ipadadala ko dahil sariwa pa ang mga kaganapan sa San Diego, ang nangyari kay Crisostomo at ang kaugnayan ko sa aking amigo. Maaaring hindi nila pakinggan ang aking pakiusap, samantala alam kong hindi nila magagawang tiisin ang aking ama. Walang dudang sa tulong niya, mapapadali ang paghahanap ko sa iyo.
Natatandaan kong nabanggit sa akin ni Crisostomo na sa Bulacan ka nanggaling at doon naninirahan ang iyong pamilya, kaya pinakiusapan ko ang Papá na ang lalawigang iyon ang unahin at magpadala na ng liham sa alcalde mayor ng Bulacan tan pronto como sea posible.
Hindi ko mapigilan ang pag-asang namumulaklak sa aking puso dahil sa pagkakataong ito, mataas ang posibilidad na malalaman ko na ang iyong kalagayan at kinaroroonan. Sa wakas.
Hinggil naman sa dalagang nais ipakilala sa akin ng Papá… hindi ko alam ngunit susubukan kong humanap ng dahilan upang makalusot mula rito. Hiling ko lamang ay huwag pumasok sa isip ng aking ama na ipagkasundo kaming dalawa, sapagkat hindi ko talaga makita ang aking sarili sa piling ng iba. Kung bubuksan man ang aking puso, walang ibang nakasulat dito kundi ang pangalan mo. Tanging ikaw lamang ang nagmamay-ari nito, Maria Clara Infantes, at imposibleng mayroon pang ibang umokupa ng anumang espasyo sa aking puso gayong desidido na akong gugulin ang natitirang bahagi ng aking buhay na minamahal ka. Mula sa malayo. Kahit hindi mo alam.
Ikaw ang unang babaeng minahal ko nang ganito, at pangakong ikaw lamang din ang huli.
Mahal kong binibining Klay,
Hindi ako makapaniwala sa ipinaabot na balita ng Papá. Nakarating na raw dito ang ipinahatid na kalatas ang alcalde mayor ng Bulacan, at ayon sa liham ay wala siyang makalap ni kahit anong impormasyon ukol sa iyo. Sa dinami-raming beses daw niyang sinubukang hanapin ang iyong pangalan sa talaan ng mga naninirahan sa lalawigang iyon, ni minsan ay hindi ito lumitaw.
Binibining Klay, hindi ko mawari kung paano ito nangyari. Nakapagtataka. Hindi ka lamang naiiba, ngunit nababalot ka rin ng hiwaga. Papaanong wala ka sa anumang talaan? Isa lamang ba itong pagkakamali ng alcalde mayor? O marahil ikaw ay hindi nagsabi ng totoo noong ipinaalam mo kay Crisostomo kung saan ka nanggaling? Posible. Ngunit ano naman ang iyong dahilan para pagsisinungaling? At kung tunay ngang wala ka sa Bulacan, ibig sabihin lamang nito ay wala na akong ibang alam na lugar na pupwede mong patunguhan. Wala na akong ideya kung paano pa kita matutunton. Palagay ko ay maaari kong mapakiusapan ang aking Papá na makipag-ugnayan pa sa ibang mga opisyales sa mga karatig na lalawigan, ngunit nakasisiguro akong may hangganan din ang kaniyang pasensya at pagpayag sa pagtulong sa akin.
Talagang malupit ang mundo. Buong akala ko ay magtatagumpay na akong mahanap ka sa pagkakataong ito, ngunit tila talagang tinutulak ako palayo ng tadhana mula sa iyo.
Mahal kong binibining Klay,
Pilit kong binabalikan ang mga naganap bago ka nawala. Napagtanto kong maaaring mayroong dahilan sa likod ng iyong biglang paglisan nang hindi ito ipinaaalam sa akin o kay Maria Clara. Tiyak kong hindi ka gagawa ng isang bagay na wala sa iyong loob, at nakasisiguro rin akong mayroong rason kung bakit hindi na ako nakarinig pa mula sa iyo. Mayroon akong kutob na nais mo na lamang bumalik sa tahimik at payak na pamumuhay kasama ang iyong mga mahal sa buhay, malayo sa anumang gulo, kapahamakan, o panghuhusgang iyong naranasan pagtapak mo sa lalawigan ng San Diego. Malakas din ang aking pakiramdam na hindi mo na gugustuhin pang makasalamuha ang isang taong maaaring magpaalala sa iyo ng lahat ng nangyari dati.
Kung totoo man ito, nauunawaan ko ang iyong pinanggagalingan. Marahil ay wala ngang katotohanan ang ipinaalam mo kay Crisostomo noon nang sa gayon oras na lumisan ka ay hindi ka na mahanap pang muli. Sa puntong ito, binibining Klay, iisa na lamang ang aking hinahangad, at iyon ay ang matiyak na nasa mabuting kalagayan ka’t malayo sa panganib. Te lo prometo, wala akong intensyong gambalain pa ang iyong buhay. Hindi ko na hihilingin pang kausapin mo ako o magpakita kang muli o ika’y lumapit pa sa akin, kahit gaano ko pa ito kagusto, kahit pa nalulunod na ako sa lalim ng pangungulila ko sa iyo, kung hindi ito naaayon sa iyong kagustuhan. Irerespeto ko ang iyong desisyong magpakalayo-layo at hindi na kailanman lumingon pa sa lugar at mga taong nagdulot sa iyo ng labis na pagdurusa. Naiintindihan kita. Ako man ang malagay sa iyong posisyon ay tiyak kong ganiyan din ang aking gagawin.
Pero aaminin kong matinding sakit ang idinudulot sa akin tuwing naiiisip na maging ako’y kabod mo na lamang tinalikuran at iniwan, na tila para sa iyo ay maliit na bagay lamang ang ating pagkakaibigan at hindi ako maga-alala
Isang malaking kaginhawaan na sa akin ang masigurong buhay ka at ligtas, mahal kong Klay, at sapat na ang kaalamang ito upang paghugutan ko ng lakas para suungin ang anumang unos na ibabato sa akin ng mundo. Sapat na sa aking mahalin ka mula sa malayo, anuman ang distansya nating dalawa ngayon. Mananatili ako kung nasaan ako, ngunit magpapatuloy pa rin akong ialay sayo ang pagmamahal na ito, kahit hindi mo ito alintana, at kahit na ang mga liham na ito lamang ang tanging saksi ng aking debosyon.
Sa iyo at sa iyo lamang magpakailanman,
Fidel
