Actions

Work Header

Pusong Ligaw

Summary:

"Kung kailangan kong mamatay ng paulit-ulit dito sa mundong 'to ay gagawin ko, makita lang kita at mahagkan muli, mahal ko."

In which in Adelina Soledad de Legazpi's third life or re-run in the Noli Me Tangere & El Filibusterismo, she finds hope in changing the tragic fate of the characters and saving the person she loves through a Gen-Z nursing student named Maria Clara "Klay" Infantes.

Notes:

Hi! So, this is my first work here in AO3! I have been looking for a platform to post my fanfic since last week because this show just consumed me, inspiring me to write again. I do hope you understand my writing since I'm not yet that well-versed in the Filipino language. Hopefully, it improves as I continue this fanfic. You may also imagine Adelina as you wish, but I do picture her as Maja Salvador so yes, she would be my faceclaim here. Thank you! Happy reading! I hope you love Binibining Adelina as much as I do!

Chapter 1: Ang Pagdating sa Piging

Chapter Text

Hindi lubos maunawaan ni Adelina kung bakit may nagaganap na piging sa bahay ni Kapitan Basilio sa oras na ito. Sa ikatatlong buhay na niya sa mundo ng nobelang ito ay tiyak siyang kabisado na niya ang kapalaran ng bawat karakter na naririto. Ngayon lang siya nakarinig na may pagdaraos ng piging. Hindi ba dapat ay nasa kabanata na sila ng pangingisda at nagpapakita na si Elias? Napalingon si Adelina sa kanyang pagkalito at tiningnan ang sarili sa salamin.

Alam na niya na umuulit ang kwento ng Noli Me Tangere tuwing may bagong taong pumapasok. May dinala na naman kaya si Mister Torres na tao mula sa makabagong panahon o mayroong nakadiskubre ng portal? Sino kaya siya at paano siya nagkaroon ng kakayahan na magsulat ng bagong kabanata sa nobelang ito?

Napansin nga niya na 'tila mas humaba ang mga araw kaysa dati nung nasa Amerika pa siya. Kailangan niyang makilala kung sino man ang mahiwagang tao na ito kung kaya't napagpasyahan niya na dumalo kahit bagong uwi pa lamang siya galing ng Amerika. Tumayo siya mula sa kanyang pagkakaupo sa higaan at nilapitan ang kanyang butihing kaibigan na nagtatrabaho sa kanya bilang utusan.

"Paula, maaari mo bang ihatid ang aking sulat kay Kapitan Basilio pagkatapos mo magluto ng tanghalian? Ipagbigay alam natin sa kanila na tayo ay nakarating na rito sa San Diego at maaari tayong dumalo mamaya sa kanilang piging."

"Masusunod po, señorita."

Si Paula, ang matalik na kaibigan ni Adelina, ang tanging tao na hindi siya hinusgahan at lagi siyang sinasamahan sa kahit na anong delikado na sitwasyon. Sa pagkakataong ito ay hindi alam ni Lucia na ikatlong beses na nila itong pagsasama bilang isang amo at utusan sapagka't tuwing natatapos ang nobela at babalik sa simula ay nabubura ang mga alaala ng mga karakter dito pati na rin siya.

Nag atubili si Adelina sa pag aayos ng kanyang sarili para sa piging pagkatapos niyang sumulat ng liham. Panigurado ay magkikita na naman sila ni Crisostomo Ibarra at ng kanyang kaibigan na si Fidel de los Reyes kung kaya't dapat maayos ang kanyang suot. Matagal ng magkaibigan sina Ibarra, Fidel, at Adelina. Doon pa lamang sa Europa noong bumisita si Adelina sa University College London upang magmasid sa pag-aaral ng limang babae sa kurso ng Political Economy ay nag krus na ang landas nilang tatlo. Lagi silang magkasama mag-aral sa silid-aklatan tuwing may oras sila at napag uusapan ang mga araling pwede nilang dalhin at ituro sa mga taga Las Filipinas. At kahit bumalik na si Adelina sa Amerika upang tapusin ang kanyang sariling bachelor's degree ay patuloy pa rin sila nagsusulat sa bawat isa.

Mabilis na dumating ang gabi at hindi maintindihan ni Adelina ang kanyang nararamdaman. 'Tila siya ay kinakabahan at nasisiyahan dahil ang pangyayaring ito ay wala sa hinagap niyang mangyari. Maaari pala baguhin ang kwento? Posible nga ba talaga? Mababago pa ang kapalaran ng mga tao rito?

Pagbaba niya mula sa kutsero ay dali dali niyang inakyat ang hagdan patungo sa loob ng bahay ni Kapitan Basilio. Marami siyang narinig na bulung bulungan mula sa mga nakapaligid sa kanya.

"Amiga, hindi ba siya ang bagong lipat sa bayan na ito?"

"Ay, siya nga! Ang nag iisang anak ng Alcalde ng Manila!"

"Siya ang babaeng sabi nila nakapagaral sa Amerika?"

"Napakarikit at napakayumi niya! May kaagaw na ata si Maria Clara sa pinakamagandang babae rito sa San Diego!"

"Siyang tunay, amiga!"

Napangisi na lamang ang dalaga at itinuloy ang kanyang paglalakad patungo sa sala de estar. 

"Nandito na si Adelina!" bungad ng isa sa mga kaibigan ni Maria Clara na sigurado siya ay si Sinang. Sabay sa pagtugtog ng mga muskiero ay ang kanyang pagpasok na may abot mata na ngiti. Ang mga kahel na ilaw ay talagang nagpatingkad sa kanyang magagandang katangian sa mukha. Ang kanyang mga mata na kasing kulay ng kape ay napatingin kayna Fidel at Ibarra. Pinigilan ng dalaga ang kanyang sarili na humalakhak sa gulat na ekspresyon ng kanyang mga amigo. 

"Buenas noches, mga amigo. You two look like you just saw a ghost. Ako lamang ito, si Adelina." pabirong banggit ni Adelina sa kanila at ngumisi.

"Binibining Adela! Kay tagal nating hindi nagkita!" malakas at masaya na binati siya ni Ibarra at nilapitan. "Nasisiyahan ako dahil nakita kitang muli! Natupad mo na ang iyong pangako sa amin ni Fidel na bibisitahin mo kami sa San Diego pagkatapos ng iyong pag-aaral."

Ang pagkakaibigan ni Crisostomo at Adelina ay matalik at walang halong hiya o malisya dahil naging sandalan nila ang isa't isa noong sila ay nasa Europa pa. Nasanay talaga sila na gumalaw na walang limitasyon at puna mula sa mga tao roon.

Mabilis na binuksan ni Adelina ang kanyang pamaypay at mahinhin na tumawa. Pero sa kanyang isipan ay naiinis na siya dahil gusto lamang niya tumawa ng malakas. "Ay, Ibarra. Hindi na ako sa Maynila titira. Bumili na ako ng casa at lupain dito sa San Diego."

"Dito ka na maninirahan?"

"At bakit naman hindi?"

"Crisostomo, nais mo bang ipakilala sa akin ang iyong kaibigan?"

Napalingon ang dalawa at dali daling tumabi si Ibarra nung nakita nila ang babaeng nag mamay ari sa puso niya. Si Maria Clara de los Santos.

Nakakabighani talaga ang kagandahan ng dalaga. Nagniningning ang kanyang mga mata at ang ngiti niya ay umabot na ata sa langit. Alam ni Adelina na gusto ni Maria Clara siyang makilala dahil ganoon na lamang ang pagbati ng kanyang nobyo. Yun din naman ang nangyayari tuwing sila ang nagkukrus ng landas dati. 

Ito lamang ang ika-anim na beses na nakausap ni Adelina si Maria Clara ng harap harapan dahil sa nobela ay kakaunti lamang talaga ang kanyang eksena. 

"Maria," banggit ni Ibarra na may ngiti pa rin sa kanyang labi. "Lubos kong ikinagagalak na ipakilala sa'yo ang naging kaibigan namin ni Fidel sa Europa. Si Binibini Adelina Soledad de Legazpi. Nagmula siya sa Amerika. Nagkakilala kami noong siya ay naatasan mag obserba sa isang klase na puro babae sa Inglatera."

"Nasisiyahan akong makilala ka, Adelina. Maligayang pagdating dito sa San Diego." 

"Muchísimas gracias, Maria Clara."

"Ngunit ako ay nagulat sa nabanggit ng aking nobyo tungkol saiyo. Ikaw ay nanggaling sa Amerika?"

"Siyang tunay. Ako ay pinag-aral ng aking mga magulang sa Amerika. Nais nila ako ay maging isang magaling na guro kung kaya't ako ay pinadala nila roon. Salamat sa Dios at natapos ko na ang aking pag aaral."

"Guro? Babaeng guro? Pwede ba iyon? Hindi ba dapat ang isang babae ay nag aaral lamang ng mga sulating Kristiyanismo? Hindi ba iyon ang ka-nais nais?"

Naglabas na lamang ng buntong hininga si Adelina. Kaya talaga matagal pa bago makakalaya ang Las Filipinas mula sa kamay ng mga Espanyol dahil mayroong mga taong katulad niya. Makitid ang utak. Ayaw palawakin ang sarili. Kung hindi niya napigilan ang kanyang sarili ay marahil nahampas na niya ng pamaypay si Tia Isabel sa bandang likuran pero dahil ayaw niya ng iskandalo ay nagparinig na lamang siya.

"Sa Amerika po, maaari!" parinig niya sa nag salita kanina na may ngiting napakapeke. "Dahil naniniwala ang mga taga Amerika na ang mga babae at lalaki ay dapat may pantay pantay na karapatan sa edukasyon. Doon ko po napagtanto na pwedeng mag aral ng maraming bagay na hindi nalilihis sa landas ng ating Dios. Sa kolehiyo din po ako nagtuturo, hindi lamang sa mga bata. Kung hindi sa mga gaya ni Crisostomo, Fidel, at ako. Mga college students, kung sa Ingles pa." Buong pagmamalaki niyang sinabi sa lahat. 

Pagkatapos niyang ibahagi ang kanyang saloobin ay nagbulungan ang mga tao sa paligid nila lalo na sila Doña Consolacion at Doña Victorina. Isa talaga sila sa mga pinaka paborito ni Adelina sa kwento dahil pag nag aaway sila ay para silang dalawang tandang sa isang sabungan. Minsan ay gusto na niya pumusta kahit alam na niya sino ang mananalo sa kanila. Ibinababa na lamang ni Tiya Isabel ang kanyang tingin at ngumiti. Halos umirap si Adelina sa asal na ipinakita ng matandang babae.

Plastik.

"Binibining Adelina, tsk, tsk," Napataas ang kilay ng dalaga nung narinig niya ang tinig ng kaibigan niyang mapang asar. "Hindi ka pa rin nagbabago kahit kailan. Hindi ka pa rin natututo na hayaan na lamang ang mga taong nagsasalita."

Sa totoo lang, hindi pa rin alam ni Adelina kung bakit nagkaroon ng Fidel de los Reyes Y Maglipol sa bersyon ngayon ng nobela dahil wala naman siya dati. Nagulat na lamang siya noong sinadya ni Adelina na mag krus ang landas nila ni Ibarra sa Espanya na may kaibigan siyang nagngangalang Fidel.

Inalala ni Adelina sa sandaling iyon ang huling dalawang taong dinala ni Mr. Torres sa loob ng nobela at wala naman nagbago noong sa mga panahon nila. Ganoon pa rin takbo at ang katapusan nito. Akala nga niya ay si Fidel ang dinala ng matandang guro ngunit hindi pala, isa pala siya sa mga tauhan ng kwento. Nagiging mas unpredictable na ang nobela ngayon at nagkaroon na ng bagong karakter at kabanata. 

Tunay na nakakapagtaka.

"At bakit naman ako mananahimik, Ginoong Fidel? Para ako ay tapakan na lamang nila? Tsk, hindi ka rin pala nagbabago. Tumatahimik ka pa rin kahit iniinsulto na ang iyong pagkatao."

"Ang tawag doon, Binibining Adela, ay ang pagpili ng tamang digmaan na lalabanan." Napabuntong hininga na lamang si Fidel. "Parehas talaga kayo ni Miss Klay. Pareho kayo mag isip at ang hihilig ninyo sa gulo."

"Miss… Klay?" Dahan dahang inulit ni Adelina ang pangalang nabanggit.

"Present." 

Kumurap ng ilang beses ang dalaga bago siya lumingon sa kanyang likuran upang masilayan ang mukha ni Miss Klay. Isang Mestiza de Sangley. Siya na nga ba ang dinala ni Mister Torres ngayon upang masilayan ang nobela? Anong mahika o kakayahan ang meron siya at 'tila nababago ata niya ang kwento? Niyuko ni Adelina ang kanyang ulo bilang pagbati sa dalagang nasa harapan niya. 

"Good evening, Miss Klay. I am very pleased to meet you. I am Adelina."

"Pleased to meet you rin po, Señorita Adelina."

Nanggaling nga siya sa makabagong mundo.

Tulad niya.

"Aba'y magaling ka pala mag-Ingles, Miss Klay. Lubos akong nagagalak sapagka't nakakilala ako ng babaeng pwede kong makausap sa wikang Ingles."

"Ay, salamat po for the compliment. Sya nga po pala, ang ganda ganda niyo po, señorita. Kinabahan ako ng konti sa entrance mo kanina, ang bongga kasi. Talagang yung dating mo kanina, pang star of this evening! Kabog!"

Hindi napigilan ng dalaga na tumawa sa mga nasabi ni Miss Klay dahil naintindihan niya ito sobra. Nakakamiss din pala na merong taong kapanahon mo dahil alam mo na nagkakaintindihan kayo. "Kakaunti lamang ang naintindihan ko sa iyong mga sinabi, Miss Klay. Ngunit nakatitiyak naman ako na hindi mo ako iniinsulto base sa iyong mga galaw."

"Ay, sorry po, señorita. Ang gusto ko lang po talagang sabihin ay napakaganda niyo po."

"Gracias, Miss Klay. Magaan ang pakiramdam ko saiyo. Nakatitiyak ako na masaya kang kasama at kausap." 

"Siyang tunay, Binibining Adelina. Maraming ideya at mga pananaw si Miss Klay na talagang magkakasundo kayo lalo na't pareho kayo ng mga iniisip." Masaya na pagsang ayon ni Ibarra sa sinabi niya.

"Oh, that's great to hear! Matagal ko na ring gusto na magkaroon tayo ng marami pang kaibigan na tulad natin mag isip, Crisostomo, lalo na't babae!" wika ni Adelina noong bigla niyang narinig ang tunog ng kampana na siyang nag senyales sa pagdating ni Kapitan Basilio at Kapitana Tika.

"Binibining Adelina! Ako ay nagagalak na makita kita rito sa San Diego!" bati ni Kapitan Basilio. "Kamusta ang iyong amang si Felipé? Ang Alcalde ng Maynila?"

"Maayos naman po ang kanyang kalagayan sa Awa ng Dios." wika ni Adelina.

"Ang iyong ninong? Ang Gobernador-Heneral?"

"Ninong niya pala ang Gobernador-Heneral?" bulong ng mga iba sa paligid nila.

"Maayos din po ang kanyang kalagayan dahil pabalik na siya ng Las Filipinas."

"Isang napakagandang balita iyan, Binibining Adelina! Maraming salamat sa iyong pagdalo sa piging na ito." Masayang sabi ni Kapitan Basilio. Kami ay nagagalak na ikaw ay nag pasya na dito ka sa San Diego maninirahan. Nakapag usap na kami ng iyong ama at sinigurado ko sa kanya na magiging mapayapa at maayos ang buhay mo rito dahil aalagaan ka namin. Halika na, at simulan na natin ang piging." 

Dumaan sa kanilang harapan si Sinang at niyuko ang ulo bilang pagbati sa kanilang lahat.

"Buenas noches! Bienvenidos, señores y señoras. Ang aming pamilya ang nagagalak na naririto kayo ngayon. Nawa ay mabusog tayo sa pagkain at sa masasarap na kwentuhan." bati ng Kapitan sa kanilang lahat. "Un montón de bebidas y comida." Maraming inuman at pagkain. "Tayo'y magkakasiyahan."

"Vamos para adentro!" Tayo na sa loob!

Tinapik ni Adelina ang balikat ni Klay. "Halika na, amiga, at tinawag na ata tayo nila upang kumain. Come, sit beside me."

Kikilalanin kita, Miss Klay. Aalamin ko kung anong meron sa'yo at bakit nakakaya mong baguhin ang takbo ng nobelang ito. 

Dahil may tao akong kailangang iligtas.