Work Text:
Mapagmataas ang mga de los Reyes.
Tanyag na pamilya ng mga abogado't negosyante na maging mga alkalde't punong bayan ay nagkakandarapa para sa kanilang presensya at mga opinyon sa mga kuro kuro. Walang patapong salita at ang kilos ay may tindig ng dignidad. Hindi yumuyuko sa kahit na kanino.
Pero sa unang pagkakataon sa buhay ng binatang heredero ay hindi niya maiangat ang kanyang ulo. Buong puso siyang nagdarasal sa simbahan para sa kanyang hiling - ang makita muli ang kanyang nag-iisang binibini. Ang natatanging babae na nagpakita sa kanya ng bangis ng katarungang lumaban sa mga nangaapi, magkaroon ng malasakit sa kapwa at higit sa lahat tignan sila bilang kapantay - mapababae man o lalaki, mapa-ilustrado o indio.
Nagkaroon ng pagpapakumbaba si Fidel.
"Dios ko," pagsusumamo niya, "Marahil wala akong karapatan para muling makita siya - matapos kong maging ignorante sa aking bayan at sa pagtrato sa kanya noong kami't nagkakilala... Marahil iyon na nga ang aming huling pagkikita at hindi na muling magtatagpo ang aming landas..."
Dinig ang malalim niyang paghinga para hindi makawala ang kanyang mga luha,
"Pero nais ko siyang makita. Kailangan ko siyang makita kahit saglit para magpatuloy ako sa tatahakin kong bagong buhay. Por favor..."
Tahimik ang Panginoon mula sa krus, taimtim ang mga mata pero walang tugon sa kanyang hinagpis.
Ilang minuto ding nakaluhod si Fidel, umiiyak at pilit na binubuo ang sarili.
Masakit man ay kailangan niyang kumilos at magpatuloy. Nagdurugo man ang bawat tibok ng kanyang puso, batid niyang ang kanyang mga kababayan ay naliligo din sa sariling mga dugo sa kamay ng mga naghahari-harian sa bayan na ito. Gustuhin man niyang manatili dito at hintayin na lamang ang kanyang iniibig ay kailangan niyang gawin ang kanyang parte sa rebolusyon.
Pinahid niya ang natitirang luha at inayos ang sarili bago tumayo't nilisan ang simbahan. Kanyang binaybay ang daan patungo sa ilog ng San Diego para kitain si Elias. Ito na rin ang huling araw niya sa masalimuot na bayan.
Dahil sa pangalan ng kanyang pamilya at mga koneksyon, nakagawa siya ng paraan para hindi tuluyang dakpin at ikulong. Noong nakuha niya ang apruba ng kanyang panandaliang kalayaan ay agad niya inihanda ang mga kayamanan at ari-arian niya. Ang iba'y ipapamana sa malalayong kamag-anak, ang iba'y ibabahagi sa kanyang mga trabahador... at ang iba'y palihim at masusi niyang ibinigay sa kanilang grupo ng mga tulisan.
Inasikaso niya ang mga papeles na magpapawala sa ilustradong si Fidel de los Reyes y Maglipol para maging tulisanes na si Naliwanagan.
Sa kanyang paglalakad, napansin niya ang mga alitaptap sa di kalayuan. Ang langit ay magtatakipsilim. Payapa ang buong paligid na tila nakahinto ang mundo.
Pakiramdam ni Fidel ay may nagbago sa hangin at nagpalinga linga ito para tignan kung may sumusunod sa kanya ngunit wala namang tao.
Taimtim niyang pinagpatuloy ang kanyang mga hakbang. Maya-maya pa'y napansin niya ang mga batong hagdanan.
"Nakapagtataka. Wala akong naalalang ganitong daanan sa ilog ng San Diego..." Sinubukan niya ang ibang ruta pero lagi siyang dinadala sa parehas na lugar. Pinagpawisan ng malamig ang binata.
"Ine-engkanto na yata ako o baka naman tuluyan na akong nawalan ng bait."
Wala siyang nagawa kundi ang magpatuloy at tinahak ang hagdanang bato. Sa kada hakbang niya'y pakiramdam niya'y bumibigat ang kanyang pakiramdam. Hindi siya makalingon o makahinga ng maayos. Tila nasa gitna siya ng kanyang kamalayan at di niya maaninag ang nasa harapan niya. Kapag pumipikit siya'y mga sari-saring letrang nakapluma ang nakikita niya. Masyadong mabilis para mabasa.
Hindi niya napansin na sa isang saglit, sumilip ang pulang buwan.
Mawawalan na ng lakas ang kanyang mga binti at sigurado siyang mawawalan ng malay nang biglang gumaan ang hangin. Tila ba lumubog siya sa tubig at ngayon ay nakaahon.
Kinapa kapa ang sarili kung ayos lamang siya. Pero ang bumungad na paligid sa kanya ay ninakawan muli siya ng hininga -
May ilog siyang natatanaw pero hindi ang San Diego - maitim at madumi ito. May mga bangkang ngayon niya lamang nakita sa tanan ng buhay niya at mga gusali sa di kalayuan na kakaiba ang istruktura.
Umikot siya at batid na nasa batong gusali siya. May mangilan-ngilang tao na - ¡ay, caramba! - ano ang kanilang kasuotan? Pinagtitinginan siya ng mga ito at ningingitian. Mabilis niyang ibinaba ang ang kanyang bombin sa kanyang mga mata at madaliang naglakad. Hindi pa siya tuluyang lumalayo ay may humarang sa kanya.
"Kuya, nagpe-period cosplay ka? Ang galing, ang realistic ng costume mo!" Hindi pa napro-proseso ni Fidel ang sinabi ng babae ay may nilabas itong gamit,
"Pwedeng pa-picture?"
"A-Anong -" Di pa siya tapos magsalita ay bigla nalamang tinapat ng babae ang rektanggulong gamit sa kanila. Kita niya ang kanyang sarili sa maliit na salamin bago may pinindot ang estranghera at masayang tinignan ang nakuhang tila larawan nila.
"Yieee thank you po, kuya! Bagay na bagay sa'yo suot mo! Ang gwapo mo!" pagtili nito bago umalis at pumunta sa kaibigan nito. Tinuro turo pa siya at nang makutoban ni Fidel na akmang lalapit sa kanya ay tarantang umalis sa kinaroroonan niya.
Muli niyang siniyasat ang paligid nang makahanap siya ng lugar na layo sa mga mata ng tao. Pamilyar ang mga batong gusali kahit ang ibang parte ay sira-sira at pundasyon na lang ang natitira.
May napansin din siyang mag guardia sibil pero hindi siya pinapansin ng mga ito.
"Parang isang fuerte?" bulong niya sa sarili, "Anong ginagawa ko dito?"
May tumutunog ng gitara sa di kalayuan. Binibigyang kulay ang takipsilim gamit ang malambing nitong boses. Pagkatapos ay kampana ng simbahan. Napaisip siya, mabuti siguro kung magtungo siya dito baka may mahanap siyang kasagutan.
Napadpad siya sa tarangkahan at mulling nanibago sa pamilyar at di pamilyar na mga bagay na nakikita niya. Mga kalesa at ibang klaseng karwahe na walang kabayo, wikang pinaghalong Tagalog at Ingles imbes na Tagalog at Espanyol at mga kakaibang kagamitan na di niya mawari. Lalong lalo na ang maliit na rektanggulo na hawak hawak ng mga tao.
Napansin niya ang isang itim na lapida sa tabi nito - Fort Santiago; Fuerte de Santiago. Imposible, nasa Maynila, Intramuros siya? Ibig sabihin ang ilog na natanaw niya ay ang Ilog Pasig? At higit sa lahat, anong panahon ito? Iba ang kasuotan at pagkilos ng mga tao dito.
"Hindi maari... Ito ba... Ito ba ang tinutukoy ng binibini?"
Hinigpitan niya ang pagkakahawak sa kanyang tungkod. Samu't saring mga katanungan ang naguunahan sa kanyang isip. Kung tama nga ang kanyang hinala, ibig sabihin ay tauhan lamang siya sa isang nobela. Hindi siya totoo at kathang-isip lamang. Pati na rin ba ang sawi at pagdurusa maging kilusan at pinaniniwalaan nila'y imahinasyon lamang?
"Klay..."
Mula sa pagkalito at pangamba ay nagkaroon ng mumunting pag-asa. Mukhang dininig ng Diyos ang kanyang hiling. Binigyan siya ng pagkakataong makita si Klay pero ang kapalit nito ay ang kaalaman ng kanyang realidad. Kung ito nga ba ay matatawag na realidad.
"Binibining Klay, nasaan ka?"
Naalala niya ang kampanang kanyang narinig at ang ideya na pumunta sa simbahan na pinagmulan nito. Walang lohika ang tila lubid na hinihila siya papunta rito. Minabuti nitong sundan ang kanyang nararamdaman.
Di nagtagal ay nakarating siya sa Basílica Menor y Catedral Metropolitana de la Inmaculada Concepción.
Sa maikli niyang paglalakad, nabatid niya ang mga taong nakaksalubong ay mga turista - ang iba pa nga'y mga dayuhan. Kaya din maraming mga nagtitinda sa paligid-ligid. Hindi sila nagtataka sa kaanyuan ni Fidel dahil inaakala nilang parte lamang siya ng atraksyon sa Intramuros. Mabilis niyang natutunan na ngumiti lamang kapag may gustong kumuha ng larawan niya.
Iwinaksi muna niya ang mga muni-muni tungkol sa kanyang pag-iral. Determinadong hindi aksayahin ang binigay na pagkakataon sa kanya.
Mas tahimik sa simbahan - kahit ang mga tao ay humihina ang boses dahil sagrado ang lugar. Inalis niya ang suot na bombin at pumasok siya sa loob. Bumungad ang nagtataasang kisame at makulimlim na mga ilaw. May mangilan ngilan na nakaupo at nakaluhod nagdarasal. Dahan-dahan siyang pumunta sa altar.
At doon sa pinakaunang upuan ay may isang dalagang taimtim na nagdarasal. Kahit iba ang hitsura at ayos nito kilala agad ni Fidel kung sino siya. Makikilala niya ito saan mang lugar o panahon.
Napahinto siya sa paglapit sa kanyang giliw. Walang matinong rason para magkita sila. Sa sino man, isang katatawanan na ang isang tauhan na gaya niya ay magkakagusto sa isang tunay na tao.
Bigla siyang nagdalawang-isip. Paano kung nalimot na siya ng kanyang tinatangi? Paano kung balewala lamang sa kanya ang kanilang pinagsamahan? Na isa lamang kabanata ang kanilang tuksuhan at tawanan sa takbo ng nobela.
Ang kasagutan nga ba ng Diyos sa kanyang dasal ay ang marahas na katotohanang hindi sila kailanman magiging para sa isa't isa. Na sapat na minsang nagtagpo ang kanilang mga landas? Kinuyom niya ang kanyang palad.
Marahil narinig ng langit ang kanyang pagaalinlangan dahil biglang tumayo ang dalaga matapos na magpunas ng kanyang luha at saktong hinarap siya.
Hindi binigyang hustisya ng kanyang alaala kung gaano kaganda ang babaeng hinahangaan.
Nanlaki ang mga mata nito at maya-maya pa ay lumuluha na.
"Fidel?"
Sa pagsambit ng kanyang pangalan ay agad niyang nilakad ay natitirang hakabng papunta sa kanya.
Marahan niya pinunas ang mga luha ng binibini gamit ng kanyang panuelo.
"Bawal ang uhog o sipon ha," pagbating bungad nito.
Napatawa ang dalaga, "Anong ginagawa mo dito?"
"Ano pa nga ba't kundi sagutin ang iyong dasal na makita muli ako," panunukso niya.
"Baliw talaga 'to," asar na sagot ng babae.
Di nagtagal ang ngisi sa labi ni Fidel, "Pero ang katotohanan ay ang dasal ko ang natupad. Ang makita kang muli Binibining Klay. Ikaw lamang ang sagot sa araw araw kong panalangin."
Maingat niyang kinuha ang kamay nito at binigyan ng halik, "Sana ay ipinanganak ako sa mundong ito. Siguro nga naging tayo ng walang hadlang o sakit."
Huminga siya ng malalim, "Batid ko nang tunay ang mga sinabi mo sa akin noon."
Napasinghap si Klay. Kung dati ay pinipilit niyang ipaliwanag ang sarili niya na lahat sila ay bahagi lang ng nobela ni Jose Rizal, ngayon ay nawalan siya ng boses.
"Huy Fidel," pag-alo nito sa binata, "Hindi porke't tauhan kayo sa isang libro ay hindi na totoo ang lahat ng naranasan natin. Totoo ang lahat ng iyon. Totoo kayo at napamahal na din kayo sa akin."
"Ikaw din nagsabi sa akin diba? Na paanong naging kathang-isip lamang ang lahat kung totoo ang nararamdaman ko para sa inyo?"
Hinawakan ni Klay ang kanyang mukha para magusap ang kanilang mga mata, "Hindi ako magpupumilit kay Sir Torres na bumalik kung balewala lang kayo sa akin."
Napanganga si Fidel at parang nabingi sa narinig, "Tunay ba ang iyong sinasabi? Hindi mo ba ako pinapaasa, Binibining Klay?"
Napapako siya sa pagitan ng pag-asa at pagdududa, "Huwag mong biruin ang nangungulila kong puso."
"Totoo nga! Bakit ayaw mo bang bumalik ako?"
Agad-agad na sumagot si Fidel, "Wala akong ibang nais kundi ang makasama ka at manatili sa tabi ko kahit makasarili ito. Nagpapasalamat ako na nag-krus ang ating mundo at nakilala kita," hinigpitan niya ang pagkakahawak kay Klay, "Buong puso at pagkatao ko ay nakuha mo na."
"Mahal na mahal na mahal kita. At ikaw na lamang ang mamahalin ko hanggang sa dulo ng aking buhay."
Hindi kinakaya ni Klay ang muling pagtatapat ni Fidel ng kanyang damdamin. Kita ng binata kung paano siya namula at ibinaling ang tingin sa iba't ibang direksyon. Kasabay ang pagsilay ng matamis na ngiti nito.
Katulad ng oras na sila ay namaalam sa isa't isa, nagiging buo na ang takipsilim sa labas ng simbahan. Ang kahel at dilaw ng araw ay sumasaliw sa dilim ng gabi. Ramdam ng isa't isa na malapit ng matapos ang kanilang hiniram na oras.
"Babalik ako, Fidel" determinadong pangako ni Klay, "Kaya kailangan mong mabuhay."
Tumango ito at idinikit ang noo kay Klay, "At hihintayin kita, kahit ilang araw, buwan o taon ang lumipas."
Pagmulat ng mata ni Fidel ay nakatayo na siya sa parang ng ilog ng San Diego. May kirot man sa muling paghihiwalay, may gaan sa puso niya. Para bang muli siyang nakahinga. Para bang sumilay muli ang araw sa kanya.
Nilibot niya ng tingin ang San Diego at sa malawak na langit hawak ang pangakong muling maglalandas ang kanilang mundo, "Hanggang sa susunod nating pagkikita, mahal ko."
