Actions

Work Header

Araw-araw, araw ng mga puso

Summary:

Kung pagbuhos lamang ng pagmamahal ang usapan, hindi na kailangan pang hintayin ni Jeno at Jaemin ang araw ng mga puso. Sa mundo ng mga lubos ang pag-ibig sa isa’t isa, kahit saang gilid o espasyo ng buhay, matatagpuan ang mga rason para sabihin ang mga salitang “mahal kita”--- dalawang salita na kayang pag-isahin ang damdamin kahit pa ng dalawang magkaibang tao.

Sa mabilisang paglipas ng mga taon, na di nila namalayang naging dekada na, nilisan sila ng kabataan nila na parang wala lamang. Ngunit sa bawat pagdapo ng panibagong kabanata ng kanilang buhay, ay ang pag-ibig na kahit daantaon ay hindi magagawang bahiran ng kupas.

Notes:

happy valentines to my nomin!! this is just some wholesome corny drabble i wrote to slay valentines. this is written in full filipino because there's no better way to write this. the first line of the drabble is actually an excerpt from jerry gracio's bagay tayo and it's very much what sparked this drabble.

para sa mga nakiki-relasyon lang sa mga bias nila this v-day, i hope you feel the love. happy v-day <33

(See the end of the work for more notes.)

Work Text:

“Araw-araw, ako ang araw mo.”

 

Kung pagbuhos lamang ng pagmamahal ang usapan, hindi na kailangan pang hintayin ni Jeno at Jaemin ang araw ng mga puso. Sa mundo ng mga lubos ang pag-ibig sa isa’t isa, kahit saang gilid o espasyo ng buhay, matatagpuan ang mga rason para sabihin ang mga salitang “mahal kita”--- dalawang salita na kayang pag-isahin ang damdamin kahit pa ng dalawang magkaibang tao. 

 

Sa mabilisang paglipas ng mga taon, na di nila namalayang naging dekada na, nilisan sila ng kabataan nila na parang wala lamang. Ngunit sa bawat pagdapo ng panibagong kabanata ng kanilang buhay, ay ang pag-ibig na kahit daantaon ay hindi magagawang bahiran ng kupas. 

 

“Walang kupas, kung ikaw lagi ang bukas.”

 

‘Yan ang laging sambit ni Jaemin kay Jeno, gamit ang kanyang kasamba-sambang mga ngiti. Pihikan man sa mga taong nais niyang makahalubilo simula pa man noon, si Jeno lamang ang bukod-tanging nakalusot sa matinding pagkatiklop ng kanyang pagkatao. Simula pa man noon si Jeno lamang ang bukod-tangi. 

 

Si Jeno lamang ang nakakapag-aya sa kanyang kumain ng longsilog sa tapat ng kanilang eskwelahan. Si Jeno lamang ang nakakaalam na mas gusto niya ang toyomansi sa longsilog kaysa sa ketchup. Si Jeno lamang ang tanging hihintayin ni Jaemin tuwing Martes sa labas ng klasrum kahit pa tuwing Lunes siya cleaners. 

 

“ Walang kupas, kahit walang bigkas ng mahal kita.”

 

‘Yan naman ang laging sambit ni Jeno tuwing nahaharap sa pag-aalinlangan, sa tuwing sinusumpong ng tampo si Jaemin, at ginagamit ang kanyang mapupungay na labi para sumimangot. Kahit walang bigkas, kabisado ni Jeno si Jaemin. Kahit walang bigkas, alam niya paano ito mahalin. At kung may bigkas man, si Jaemin lamang ang nakapagpatagpo kay Jeno ng mga salitang kailanma’y hindi niya inaasahang nakatago pala sa kanyang puso. 

 

At sa mga araw na hindi sila cleaners, na hindi kumakain sa tapsilogan sa labas, at hindi nagiging sapat ang mga salita, dala-dala pa rin nila ang puso ng isa’t isa.

 

Ilang taon ang lumipas, dumating ang puntong nag kolehiyo ang isa malayo sa lugar kung saan nila binuo ang kanilang pagkakaibigan. Ang kanilang relasyon ay binuo ng mga araw na paulit-ulit nilang inuubos ang mga oras na magkasama. Ang samahan ay binubuo at hindi lamang basta nabubuo sa mga araw na lumilipas. At sa gantong paraan, kahit pa taon ang tinagal na ‘di sila magkasama lagi kagaya ng dati, isang araw makakauwi pa rin sila bilang araw ng isa’t isa. 

 

Hindi makatotohanan na araw-araw, araw mo ang isang tao. Kagaya na lamang sa mundo mo ang isang tao. Hindi tayo ang Diyos, para lumikha ng panibagong araw, mundo o ano pa mang makalangit na mga nilalang. Pero kung sa ngalan lang naman ng pagmamahal para sa isang tao, baka siguro kayanin. Patunay dito ang mga taon na hindi sila magkasama. 

 

Si Jeno ang unang dinapuan ng pananabik sa nawalang presensya ni Jaemin. Nawala ang palagi niyang kaparte sa mga bagay na nakapaloob sa araw-araw. Yung pandesal na may palaman na peanut butter na dating dalawa ay isa na lamang ngayon. Ang kape na kasing-dami ng isang pitsel na laman ng kanyang inuman ay hindi na nauubos kahit sa kalahati man lang. Ang sinangkap niyang toyomansi sa tapsilogan ay hindi na nabawasan. 

 

Sa mga unang parte ng pagpunta ni Jaemin sa siyudad, hindi naitatak agad ni Jeno sa isip niya na mawawala si Jaemin sa araw-araw niya sa loob ng apat na taon. Apat na taon na parang naka-kahon siya sa kanyang pangungulila habang si Jaemin ay kumawala sa apat na sulok ng kanilang munting lugar para tumuklas ng mundong tatahakin niya sa kanyang kinabukasan. 

 

Ang hiling lang naman ni Jeno ay parte pa rin siya ng kinabukasan na ito. Walang duda naman na naka-ukit na siya dito dahil para kay Jaemin, kahit saan man mapunta ang tao, ang araw ay laging nasisilayan at nararamdaman ang sinag nito. Palitan man ito ng buwan sa langit, darating pa rin ito bukas. At sa mga taon na magkahiwalay sila ni Jeno, iyon ang kanilang mga gabi. 

 

Kahit buwan ang nasisilayan, ang araw ay nandyan lamang para balikan ka. 

 

Kung ang gabi ay labingdalawang oras lamang, para kay Jeno at Jaemin ito ay sobra-sobra pa sa dinoble-dobleng labing-dalawang buwan. 

 

Pero naibsan ni Jaemin ang pangungulila, dahil kahit saang sulok ng malaking siyudad, dala niya sa memorya si Jeno. Sa tuwing hinihintay niya maka-akyat ang elevator sa kanyang tirahan at sa gilid niya ay ang malaking salamin, naiisip niya na bagay silang mag picture ni Jeno dito. Sa tuwing nasa mall siya, sana kasama niya si Jeno dahil iisa lang ang mall na pasyalan sa kanila. At sa tuwing bumibili ito ng pagkain sa fast food, laging sapat sa dalawa ang kanyang binibili kahit pa siya lang mag-isa. 

 

Sila pa rin ang araw-araw ng isa’t isa, kahit pa nanatili ang gabi. Hindi kumupas dahil ang gabi lumilipas.

 

Higit isang dekada na simula nung nagkatagpo ang tali ng kanilang mga puso. Araw-araw, humihigpit ang buhol ng pag-ibig sa kanila. Timplado na ng panahon ang takbo ng pag-ibig nila na kahit araw ng mga puso ay hindi kayang tapatan si Jeno at Jaemin. Araw-araw may rason para ipagdiwang ang pag-ibig; may laman man o wala ang iyong puso.

 

Araw-araw, may pag-ibig, kahit nasa punto ka pa ng buhay mo na hindi pa napapalitan ng araw ang iyong gabi . 




Notes:

If you reached here, thank you for reading!

Twitter