Work Text:
Isang araw na naman ang lumipas para maipakita sa lahat ang pagkalugod ni Jeno kay Jaemin at ni Jaemin kay Jeno. Papunta sila ngayon sa bagong kapehan na naikwento ni Haechan sa kanila, at si Jeno ang (laging) passenger princess ni Jaemin. Marunong at kaya naman ni Jeno mag maneho, kaya niya ipag-drive ang nanay niya para mag grocery, kaya niyang dalhin sa road trip ang buong tropa nila; at higit sa lahat, kayang-kaya niya mag maneho ng dalawang oras mag-isa para mapuntahan si Jaemin sa Manila tuwing lubusang hinahanap ng kanyang katawan ang mga yakap nito. Kaya niya magmaneho, pero kapag andiyan si Jaemin mas gusto niyang magpalambing at maging prinsesa lang nito tuwing aalis sila.
Halos kalahating oras na rin sila na nasa byahe, malapit-lapit na siguro sila sa isip ni Jeno dahil halos puro mga coffee shop at restaurant na ang nadadaanan nila. Kilala kasi ang lugar na ito sa kanilang mga kapehan, na kahit pati mga galing Manila dumadayo dito. Ika nga ni Haechan, natuklasan niya lang ang kapehan na ito sa Tiktok, nakakatawa lang isipin na sila itong taga-rito pero hindi sila masyadong palapunta.
“Ano kaya sa tingin mong masarap na drink nila, bebu?” Maintrigang sambit ni Jaemin kay Jeno habang tutok pa rin sa pagmamaneho. “Best seller daw nila yung spanish latte, subukan natin!” Sabik na aya ni Jeno.
Ganito naman sila lagi, tuwing may gustong subukan ang isa sa kanila, maasahan na magkasama lagi nila itong susubukan, dahil ganon ang pag-ibig ‘di ba?
“Hmmm, wala ba silang strawberry smoothie? Nag kape na ako kanina e.” Biglang sumimangot ang kaninang naka-ngiti na mukha ni Jeno. “Bebu! Alam mo naman na pupunta tayo sa coffee shop tapos uminom ka na agad ng kape?” Tumingin palayo kay Jaemin si Jeno. Tumitig lang ito paharap sa bintana sa gilid at ‘di na muling kumibo.
Alam na ni Jaemin anong nais parating ng pananahimik ni Jeno, kabisado na niya kasi ito, nagtatampo si Jeno sa kanya. Mayroon kasing paniniwala si Jeno na ano pa ang silbi na pupunta ka sa isang coffee shop kung hindi rin naman kape ang bibilhin mo roon? Mababaw man itong dahilan sa pagtatampo ni Jeno, naiintindihan pa rin ni Jaemin dahil ang maliliit na mga bagay na ganto ang bumubuo sa minahal niyang pagkatao ni Jeno.
“Gusto mo ba talaga subukan yung spanish latte, bebu?” Hindi kumibo si Jeno habang si Jaemin naman ay hindi na siya hinintay umimik. “Kaya ko pa naman uminom ulit ng kape.” Lumingon lang ulit si Jeno paharap sa daan para lang alisin ang pagkakatalikod niya kay Jaemin, ngunit hindi pa rin ito kumikibo.
“Dito na ba ako liliko, Jen?” Nagulat at napatingin si Jeno kay Jaemin nang magtanong ito. Naalala niya bigla na siya pala ang nakatoka sa pagbibigay ng direksyon kay Jaemin gamit ang Waze. “Hala! Teka lang nakalimutan ko sundan sa maps,” Dali-daliang tinignan ulit ni Jeno ang mapa sa kanyang phone.
“Jem, sorry bebu, lumagpas na tayo ng dalawang kanto…” Tahimik niyang sambit habang may nagmamakaawang tingin kay Jaemin. Walang reaksyon si Jaemin at kalmado lang ni-reverse agad ang kotse. Bigla rin naisip ni Jeno na hindi siya tinawag ni Jaemin na bebu, bakit Jen na na lang, nagtatampo na rin ba siya kasi nagtatampo ako?
Hindi nagkibuan ang dalawa hanggang sa makarating sa loob ng coffee shop. Hindi rin sinamahan ni Jeno si Jaemin para umorder dahil agad itong dumiretso para maghanap ng upuan nila. Habang nakapila si Jaemin para umorder, napaisip siya kung ano ang nagkalabit sa gatilyo ng pagtatampo ni Jeno, dahil simula kahapon pa ito bigla-biglang nanahimik at nagmumukmok tuwing kinakausap.
Hanggang sa maka-order na si Jaemin at makabalik kay Jeno, hindi pa rin ito kumikibo kaya naman siya na ang unang nagsimula ng pag-uusapan. “Magseselpon ka na lang ba hanggang mamaya at hindi ako kakausapin…” Mahinhin na sambit ni Jaemin ngunit bakas ni Jeno mula sa boses nito ang pagdaramdam.
“Nagtatampo ka rin ba bebu kasi nagtampo ako na uminom ka na ng kape kanina???” Mabilis na ikinapit ni Jeno ang kanyang bisig kay Jaemin, magkatabi silang umupo, imbis na magkaharap dahil ganito sila ka-clingy sa isa’t isa. “Bakit naman ako magtatampo dahil doon?” Hinawakan ni Jaemin ang kamay ni Jeno upang iparating na hindi talaga ito nagtatampo. Isinandal ni Jeno ang kanyang ulo sa balikat ni Jaemin para tanggapin ang sambit nito ngunit ramdam pa rin ni Jaemin na may bumabagabag sa isa sapagkat hindi pa rin ito bumabalik sa sigla niya.
“Bakit parang nagtatampo pa rin ang Jeno bebu na yan?” Ibinaling ni Jaemin ang kanyang titig sa kanyang kaliwang balikat kung saan nakasandal si Jeno, at tsaka kinaluskos ang buhok nito, dahilan para maglaho ang panandalian ang pagmamaktol nito. Kuhang-kuha talaga ni Jaemin paano palambingin at amuhin ang nobyo.
“Hindi ka kasi nag post ng picture natin kahapon…” Nahihiyang sagot ni Jeno habang nakasimangot. “Ha bakit kahapon, bebu? E ngayon pa lang tayo magkasama, bakit ako magpopost ng picture natin???” Walang ideya si Jaemin kung bakit ito ang naging rason ng pagtatampo ni Jeno dahil wala namang rason para i-post niya ang picture nila kahapon, hindi naman nila anibersaryo, hindi naman kaaarawan ni Jeno, at hindi rin naman araw ng mga puso kahapon.
“Jemjem bebu, ako pa rin ba?” Mapungay na mata at naka-ngusong mga labi ang ngayo’y nakaharap kay Jaemin. Hindi napigilan ni Jaemin na matawa sa tanong ni Jeno habang nabibighani sa ekspresyon ng mukha nito. “Bebu hindi ko alam bakit bigla mo tinanong yan, pero ikaw naman lagi, ikaw naman simula pa lang, at ikaw pa rin hanggang dulo.” Naka-ngiting tiniyak ni Jaemin ito kay Jeno at tsaka hinalikan ang ulo nito.
Para hindi na ito muling magtampo, nag picture silang dalawa at tsaka pinost ni Jaemin sa kanyang instagram. Ilang oras rin silang nanatili sa loob ng coffee shop, pinag-usapan ang mga araw na hindi nila kasama ang isa’t isa. Mukha silang magkasintahang nasa high school, na para bang ngayon lang nakaranas ng pag-ibig, na parang unang araw pa lang ng pagiging “sila” dahil prang kahit hangin ay hindi makalusot sa sobrang dikit nila sa isa’t isa.
Hanggang sa naihatid na ni Jaemin si Jeno sa kanila at siya na lang mag-isa ngayon sa kanyang kwarto, tuloy-tuloy pa rin ang pagpasok ng like react notifications sa picture nilang dalawa ni Jeno. Samantala, nag-reply naman si Haechan sa kanilang picture, “Beh bakit ngayon ka lang nag-post, kahapon pa boyfriend’s day ah 😭😭😭”
Pagkabasa ni Jaemin sa mensahe ni Haechan, napagtanto niya kung bakit nagtatampo ang kanyang nobyo simula pa kahapon.
Tahimik si Jeno sa maraming aspeto. Hindi pala-labas ng bahay kung hindi si Jaemin ang kasama, hindi palakibo pero hindi ito suplado basta ikaw ang unang kumausap sa kanya, at higit sa lahat, hindi palakibo sa nararamdaman kahit pa sa mga kaibigan nito. Sobrang mahiyaing tao nito na hindi mo kailanman iisipin na mas siya ang nangangailangan ng lambing mula kay Jaemin. Kumbaga, isang mayumi si Jeno, hindi masyadong nagpapahayag ng lambing pero gustong-gusto niya ang nilalambing.
Kabisado lahat ito ni Jaemin, kaya kahit hindi sabihin ni Jeno, siya ang nag presenta sa sarili na magmaneho para sa kanilang dalawa. Kaya uminom ng kape si Jaemin kahit pa alam niya na magtatampo si Jeno, dahil ayaw niya makaramdam ng antok habang nagmamaneho. Alam na alam niya, kahit walang sambit, magpapalambing si Jeno na parang batang prinsesa.
Simula pa lang, alam na niya na hanggang dulo, sa kanya lang kayang buksan ni Jeno ang bersyon na ito ng kanyang sarili. Si Jaemin lang ang kayang umabot sa pinaka malambot na sulok ng puso at pagkatao ni Jeno.
