Work Text:
Hinawak ni Rocket ang puting tali na nakakabit sa kaniyang nabiling Hello Kitty na lobo. Si Hello Kitty ay umindayog sa kaliwa’t kanan kada hakbang ni Rocket papunta sa kaniyang tahanan. Nasayahan siya sa kaniyang nabili, sa kaniyang lumulutang na lobo. Ginamit niya ang kaniyang pera na pinaghirapan niyang ipunin.
Sa sobrang saya ni Rocket, hindi niya kagad namalayan ang kaniyang lumuluwag na kamay. Ito ang kamay na kung saan hawak-hawak niya si Hello Kitty. Nang makita ni Rocket si Hello Kitty papunta na nang langit, wala na siyang maaaring gawin upang ibalik ang kaniyang lobo.
Lumiit at lumiit si Hello Kitty, hanggang sa mawala siya sa mga ulap. Walang nagawa si Rocket kundi panoorin ang kaniyang nabitawan na lobo. Di na niya alam na pumutok na si Hello Kitty sa kung saan di makikita ni Rocket. Napabuntong-hinga ang maliit na demonyo sa kaniyang nagawa.
Binaba niya ang kaniyang kamay papunta sa kaniyang bulsa. Kinuha niya ang kaniyang pitaka at ito’y binuksan niya. May lumabas na maliit na gamu-gamo pagkabukas niya sa kaniyang pitaka na ubos na ang laman. Napabuntong-hinga na naman si Rocket.
“Sayang lang pala pera ko.” Napaisip tuloy si Rocket. Sa kaniyang ginamit na pera ay sana’y pinangastos niya nalang sa pagkain. Napatingin si Rocket sa kaniyang tiyan na busog na sana ngayon. Itinuloy niya ang kaniyang lakbay papunta sa kaniyang bahay na nakasimangot.
