Actions

Work Header

Wishlist

Summary:

budget: 250

wishlist: Kim Seokjin

Notes:

of course, a special filo christmas yoonjin au special dedicated para sa mga nakalista sa noisy and filo yoonjinnists who stuck with me this 2023.

Work Text:

Hindi alam ni Seokjin kung pinaprank ba siya ng mga kaklase niya o ano. Tumingin pa siya sa mga kaibigan niya para lang tingnan kung may nakatingin ba sa kanya na pinapanood kung anong magiging reaksyon niya sa kanyang nabunot. Kanina niya pa ito binabalik-baliktad pero tanging iyon lamang ang nakasulat sa papel na nabunot.

 

Wishlist:

si Kim Seokjin sana

- Pusakal

 

Wala namang nakatingin sa kanya. Mukha nga silang may sari-sariling pinagkakaabalahan— may mga nagtitinginan kung sino ang nabunot ng isa't isa habang meron naman siyang naririnig na nagrereklamo kasi masyadong mahal ang nakalagay sa wishlist ng nabunot nila sa kabilang banda.

Paano pa kaya siya na pangalan niya ang nakasulat sa wishlist ng nabunot niya? Hindi niya alam kung matatawa ba siya na may gusto makuha siya o kung maooffend ba siya na nilagay siya sa wishlist eh 250 pesos lang naman ang budget nila para sa exchange gift. Worth 250 lang ba siya sa paningin ng nabunot niya?

"Kapal ng mukha ng nabunot ko. Miss Dior Blooming Bouquet? YSL Black Opium? Wala akong pake. Baygon ka sa'kin." rinig niyang reklamo ng katabi na si Taehyung. "Ikaw lods? Sino nabunot mo?"

Iniwas niya ang papel para sana itago ito pero mas mabilis ang mata ng kaibigan.

"Hoy gago!" Malakas na tumawa si Taehyung, na agad nakatawag ng pansin ng mga kaklase. "Sino nagsulat ng Kim Seokjin sana sa wishlist nila?"

"Gagi seryoso?" tanong ni Jimin sa kanya bago hinablot ang papel na nakatiklop sa kanyang kamay. "Hoy totoo nga!" At tumawa na din. "Lagyan po namin siya ng ribbon sa ulo tapos kayo na bahalang mag-unbox. Matagal ba po kaming naghahanap ng aampon sa kanya eh. Medyo malakas nga lang po siyang kumain tapos kakaiba yung tawa pero mabait naman po siya kapag tulog."

Nahampas tuloy ni Seokjin si Jimin. "Halata namang joke time lang 'to, pinansin niyo pa." umiiling-iling pang sinabi ni Seokjin bago kunin ang papel sa kaibigan. "Kay—" tiningnan niya muli ang papel. "Pusakal? Ano... pakilagay na lang kung ano talaga yung gusto mo tapos pakilagay na lang sa locker ko."

"Pa'no pag seryoso siya?" tanong ni Taehyung. "Ikaw nga lang nilagay niya dyan oh." turo pa ng kaibigan sa papel pero pinalo lang siya ni Seokjin sa braso.

"Basta kung kayo si Pusakal, palagay na lang kung ano talaga wishlist mo pero kung seryoso ka—" tumawa siya nang bahagya. "Teka 'di ko alam. Ano- siguro pag-usapan na lang natin sa party."

"Willing po kami ilagay siya sa box kung ayaw niyo pong ribbon lang. Baka nga naman maging Adonis bigla 'tong room 'pag pumasok 'to na nakaribbon eh— aray!" Nakanguso pang reklamo ni Jimin nang kurutin siya ni Seokjin. "Kami na nga tumutulong eh."

Hinila na lamang ni Seokjin ang mga kaibigan paupo para ayusin na ang kanilang mga gamit at makauwi na. Bukas na lang niya iisipin kung ano ba ang ireregalo niya para kay Pusakal. Kasi ngayon, mas gusto niyang isipin kung—

"Pero sino kaya talaga 'yun?" tanong ni Jimin nang makalabas na sila. "Lakas ng trip eh. Ikaw ba naman gustong regalo."

"Daming choices. Dami palang mababa standard sa room natin." biro naman ni Taehyung. "Joke lang kasi. Pogi mo lods, pakiss." pagbawi niya sa pang-aasar nang makitang manghahampas na ito.

Inirapan lamang ni Seokjin ang kaibigan at dumiretso na sa kanyang locker. Pagkabukas palang nito ay may nahulog na papel.

 

sorry, 'di ko alam na 'yun pala

talaga nilagay ng kaibigan ko. kahit ano

na lang ang iregalo mo. :]

- Pusakal

 

"Uy gagi—" agad na lumingon-lingon si Jimin sa paligid para sana hanapin kung sino sa mga kaklase nila ang pinakamalapit na maaaring naglagay ng papel sa locker ni Seokjin. "Pa'no niya nalagay 'yan agad? Kakalabas palang ng buong klase ah." may pagkamangha niyang tanong.

Interesado din si Seokjin sa kung sino ang naglagay nito pero may iba pa siyang napansin. "Iba nga 'yung sulat." puna niya kaya napatingin ang dalawa niyang kasama.

"Hala oo nga. So talagang 'di si codename Pusakal nagsulat nung Kim Seokjin sa wishlist." sabi ni Jimin. "Pero gagi, mas mahirap magregalo ng kahit ano. Tanong ka ulit bukas sa room kung pwedeng lagyan ka na lang namin ng ribbon sa ulo dali."

"So 'di ka talaga niya wish?" tanong ni Taehyung habang binabasa ulit ang mga papel sa kamay ni Seokjin na busy pa titigan ang sulatkamay sa mga ito. "Sayang. Makakatipid ka na sana. Ribbon lang kailangan mo sa ulo o kaya sa leeg."

"Huy, anong ulo 'yan? Rated PG lang po tayo dito. 'Di pa po tayo ready sa matured roles. Pero ano, feeling ko wish rin siya n'yan. 'Di naman isusulat yun ng kaibigan niya nang walang basis." tugon ni Jimin pero isang bagay na lang ang nasa isip ngayon ni Seokjin habang nakatingin sa pangalawang papel na nakuha.

Hindi ba sulat 'to ni Yoongi?

 

*****

 

"Sorry na nga eh." pangungulit ni Jungkook habang tinutusok ng daliri niya ang pisngi ni Yoongi na hanggang ngayon ay 'di pa din makausap. "Yoongi, kausapin mo na ako~ Please, please, please, sana machoose. Gusto mo hipan ko pa lahat ng kwek kwek mo para 'di ka mapaso."

"I don't think he's mad though. Maybe he found it amusing?" nakangiting sinabi ni Namjoon, sa pag-asang ito ang makakapagpagaan ng loob ng kaibigan.

"Gagi, what if nga pumasok siya ng christmas party natin tapos nakabox pa siya?" tawang tawa na tanong ni Hoseok na siya namang agad nagpasimangot kay Yoongi na lalo lamang ikinalakas ng tawa niya.

"Eh kung shut up ka na kaya muna, Hobi? 'Di nakakatulong eh. Galit na nga sa'kin 'to tapos ganyan pa itatanong mo." saway ni Jungkook sa kaibigan.

Tinapik-tapik na lang ni Namjoon ang likod ni Yoongi. "Naclarify mo naman yata d'on sa iniwan mong note sa locker niya na hindi ikaw nagsulat n'on. He probably thinks it's just a joke between friends."

"Eh pa'no pag nalaman niyang may gusto ako sa kanya because of that? Syempre iisipin n'un bakit siya pa ang nakalagay d'un sa dinami-dami natin sa room." sagot ni Yoongi na halos paiyak na.

"Oh eh 'di good? Malay mo, 'yan na pala plot twist ng taon mo, maclutch niyo pa bago mag new year. Bakit kasi ang torpe ng beshy ko— Aray! Bakit naman nangungurot?" Reklamo ni Hoseok pagkatapos paluin ang kamay ni Yoongi na kumurot sa kanya.

Tumawa naman si Jungkook dahil dito. "Torpe pala eh—"

"Sige, magsalita ka pa. Baka nakakalimutan mo kasalanan mo 'to?" sinamaan ng tingin ni Yoongi si Jungkook.

Mabilis namang ngumuso ito. "Bakit parang kasalanan ko? Tinanong kita, Ano ilalagay ko sa wishlist mo? Tapos ikaw busy kakacellphone, google pa more pa'no ka babati kay Seokjin ng happy new year kahit never naman talagang nagmessage dun sa isa. Remind lang kita, ikaw nagsabi ng Si Kim Seokjin sana tapos sinulat ko lang tapos ako pa masama."

"Daming tapos ampota, ikaw kaya tapusin ko d'yan— Aray kasi, Hobi! Bakit ka gumaganti ng kurot eh kasalana—"

"Si Seokjin!" bulong ng kaibigan sa kanya kaya dali-dali siyang napaayos ng tayo habang kunwari ay nanonood lamang ng nilulutong kwek kwek ni Aling Marie. Wow, so very interesting naman these tangerine balls, isip-isip niya 

"Pero kailan nga kayo bibili ng regalo? Sa Friday na 'to eh. Aabot kaya kung oorder ako sa Shopee?" Rinig nilang tanong ni Jimin sa mga kaibigan. "Hayop kasi 'tong nabunot ko. Aquaflask ang gusto ampota eh 250 lang naman budget natin. Bibilhan ko 'to ng Hello Kitty na inuminan, 'yung may straw pa."

Tumatawa pa si Taehyung na kumuha ng isang stick para makakuha na din ng kwek kwek. "Eh 'di 'pag 'di umabot, print ka ng screenshot, 'yun ibigay mo."

Umusog naman sa gilid ang grupo nilang magkakaibigan para makakuha ang grupo nina Seokjin ng tusok-tusok nang maayos pero pakiramdam niya ay matutunaw na siya. Namamalikmata ba siya o talaga bang nakatingin sa kanya si Seokjin? Kailangan na niya yatang uminom ng gamot mamaya.

"Hoy, Jimin, ano codename ng nabunot mo? Baka ako 'yan." tanong ni Jungkook sa kaklase. "Kung ako 'yan, 'wag naman Hello Kitty. Kuromi naman para bagay pa din sa aesthetic ko."

"Bakit? Ano ba codename mo? Isa ka pala sa makakapal ang mukha na hihingi ng Aquaflask pero 250 lang budget." tanong sa kanya nito.

"Eh y'un gusto ko eh. Ironman codename ko— 'yun ba nabunot mo?"

"Secret, walang clue. Advance you're welcome na lang siguro sa Hello Kitty tumbler mo. Sisiguraduhin kong mukhang Doraemon na Hello Kitty pa yung bibilhin ko." sagot ni Jimin bago isubo ang isang squid ball. "Ikaw lods? Ano balak mo na ibigay d'un sa nabunot mo?" tanong ni Jimin kay Seokjin.

Agad na tumahimik ang grupo nila at hinintay ang kung anumang isasagot ng kaklase habang pasimpleng nagtitinginan sa isa't isa. 

"Sarili ko."

Natigilan ang grupo nina Yoongi sa isinagot ni Seokjin pero iba ang pagkakaestatwa ni Yoongi. Kung kanina ay hindi niya sigurado kung napatingin lang o talagang nakatingin lang sa general direction niya ito, ngayon ay sigurado na siyang tinititigan siya nito. 

Nang nagawa na niyang umiwas ng tingin, agad namang natawa si Seokjin.

"Kaso binawi eh. Ready na sana ako eh maglagay ng ribbon sa buhok." pagtutuloy nito na ikinasamid ni Yoongi.

Nagkatinginan naman si Hoseok at Jungkook.

"Hala, sayang." kantyaw ng dalawa, nagngingitian pa.

"Oo nga eh." tawa naman ni Seokjin. "Magpapabili na sana ako ng ribbon para sa'kin eh."

"Bili ka pa din." suhestyon naman ni Hoseok. "Magagamit mo pa din naman pangbalot sa ireregalo mo. Anong kulay ba dapat bibilhin mo?"

Umarteng nag-iisip pa si Seokjin. "Hmm... 'Di ko pa alam eh. Ano kayang bagay sa'kin?"

Nagulat naman si Yoongi nang bigla siyang siniko nang mahina ni Namjoon sa tagiliran. "Huy! Ano daw bagay kay Seokjin?" tanong nito sa kanya.

Napatingin tuloy siya kay Seokjin pero mabilis ding nag-iwas ng tingin nang makitang nakatingin na ito sa kanya. "Ha? B-bakit ba ako tinatanong niyo? Anong malay ko?" kunwaring pagalit na tanong niya at biglang tumusok ulit ng isang squid ball sa kawali ni Aling Marie ngunit nang mapatingin siya kay Seokjin ay halos manghina ang mga tuhod niya dahil nakatingin pa din ito sa kanya.

"Ano sa tingin mo ang bagay sa'kin, Yoongi?" nakangiting pag-uulit nito ng tanong sa kanya.

"Ako."

Sabay-sabay na napatingin sa kanya ang kanyang mga kaibigan, maging ang mga kaibigan ni Seokjin.

"Ikaw?" malawak ang ngiti ni Seokjin habang sinisigurado sa sagot niya.

"A-ang ibig kong sabihin, ako pa talaga tinanong mo eh sinabi ko na nga kanina, ano bang malay ko sa kung anong bagay sa'yo?" iwas ang tingin niyang sagot dito na ikinatawa naman ng kaklase.

"Ah, gan'un pala. Akala ko kasi alam mong ikaw–" pigil ngiti niyang sinabi pero halos bumigay na nang makitang namula si Yoongi. "I mean, akala ko alam mo na isa-suggest mong kulay ng ribbon na bagay sa'kin. Sorry na, Gi. 'Wag ka na magalit." nakangiti lang na panunuyo ni Seokjin. "Pero ewan ko pa talaga. Sabi niya kasi kahit ano na lang daw. Napagtripan lang talaga ng kaibigan kaya gan'un yung nakasulat."

"Regaluhan mo ng hollowblock." Tawang tawa naman si Taehyung sa kanyang sariling suhestyon. "Kahit ano pala ha."

"Magreready na talaga ako magvideo 'pag ikaw na mag-aabot ng pang-exchange gift mo. Hintayin kong mahampas ka ng Baygon sa mukha ng nabunot mo dahil sa mga suggestions mo." umiiling naman na sinabi ni Jimin sa kaibigan.

"Pero feeling ko talaga, Jin, crush ka nung nabunot mo. Sa dami ng gwapo sa klase natin, bakit pangalan mo pa nakasulat 'di ba? Pwede namang ako kasi gwapo din nama—"

"Maasim ka kasi, gagi." pagpuputol ni Jimin sa kaibigan.

Sinamaan lang siya ng tingin ni Taehyung bago humarap kina Namjoon. "Pero 'di ba? Common sense na lang 'yun? Bakit kasi isusulat ng tropa mo pangalan ni Jin kung 'di mo siya crush?"

Nagkibit balikat lang si Hoseok bago tumingin kay Jungkook. "'Di ko alam eh. Sa tingin mo, Ggukie, bakit kaya si Seokjin 'yung sinulat?"

Tumingin pa saglit si Jungkook kay Yoongi bago ngumiti nang malapad. "Feeling ko ano— narinig niya lang din sa kaibigan niya na si Kim Seokjin sana— AAAHHH PUTANGINA!" bago nagmamadaling iluwa ang bagong lutong kwek kwek na isinubo sa kanya ni Yoongi.

"Kumain ka pa, Ggukie. Namamayat ka na eh. Dami mong kwento." kunwaring walang pakialam na sagot ni Yoongi pero sa kaloob-looban niya ay gusto na niyang maiyak dahil baka malaman ni Seokjin na siya si Pusakal at punung-puno ang likod ng notebook niya ng pagpapractice ng kanyang magiging pirma kapag napalitan na ng Kim ang apelyido niya.

Halos mapaluhod naman sa kakatawa sina Taehyung at Jimin sa malapit nang umiyak na Jungkook habang umiinom ito ng gulaman pagkatapos mapaso ng kwek kwek.

"Pero pa'no nga kung crush ka nung nabunot mo?" tanong ni Namjoon.

Gusto na sanang tapakan ni Yoongi sa paa ang kaibigan pero bigla niyang nakitang ngumiti si Seokjin.

"Itatanong ko kung pwedeng ipangkwek-kwek muna namin yung 250 na budget sana pangregalo ko sa kanya tapos tatanungin ko siya kung bakit niya binawi yung unang wishlist niya eh ready na ako ibalot sarili ko." sagot nito sa kaibigan niya.

Hindi niya alam kung guni-guni niya lang pero pakiramdam niya ay nakatingin ito sa kanya habang sumasagot. Pero bakit naman sa kanya titingin si Seokjin eh si Namjoon ang nagtanong 'di ba? Guni-guni niya nga lamang siguro.

"Baka nahiya lang siguro, 'di ba Yoongi?" tanong sa kanya ni Namjoon.

Nagkibit balikat na lamang siya bilang sagot dahil pakiramdam niya ay pipiyok lang siya kapag pinilit niya magsalita dahil sa kaba.

Hindi niya tuloy napansin ang ngiti ni Seokjin habang pinapanood siya.

"Eh kayo? Kailan kayo bibili ng regalo niyo?" tanong ni Jimin.

"Ako bukas siguro since half-day lang tayo." sagot ni Namjoon. "Hindi ko lang sure sa kanila."

"What if ano— what if sabay-sabay na tayong bumili bukas?" suhestiyon ni Hoseok na agad namang sinang-ayunan ng karamihan.

Hindi naman agad maka-oo si Yoongi kasi kapag sumama siya, baka mahalata ni Seokjin na siya si Pusakal- or worse, na may gusto siya sa kanya. Paano kapag nalaman ni Seokjin tapos ma-weird-uhan ito sa kanya kasi sinulat niya siya sa wishlist niya? Eh 'di mapipilitan siyang lumipat sa ibang bansa para lang magmove-on—

"Huy."

Nagulat siya nang may pumindot nang bahagya sa ilong niya. Halos matumba siya nang matauhan kung gaano kalapit na si Seokjin sa kanya.

"Sorry. Tulala ka kasi." mahinang sabi nito sa kanya bago humarap sa mga kaibigan ni Yoongi. "Baka 'di komportable si Yoongi na may iba kayong kasama so okay lang kung—"

"Okay lang naman." nahihiya niyang sabi. "Sorry, nagku-kwenta lang magka'no na utang ko kay Aling Marie." pagpapalusot niya.

"Ah- teka kukunin ko lang ang listahan ko." nakangiting sabi ng may-ari ng paboritong tusok-tusok nilang magkakaklase bago tumayo at pumasok sandali sa loob ng bahay niya.

"Sigurado ka?" bulong ni Seokjin sa kanya. "Okay lang na magkakasama tayo bukas?"

Tumango na lamang siya at umusog palayo kay Seokjin dahil pakiramdam niya ay rinig na nito kung gaano na kalakas ang kabog ng dibdib niya.

Lumabas na muli si Aling Marie at binuklat ang kanyang pulang notebook. "Yoongi..." sabi niya pa habang iniisa-isa ang mga pangalan ng mga estudyanteng nakalista rito. "Ah- Yoongi Kim!" malakas niyang bulalas bago tumingin kay Yoongi. "Yoongi Kim, 'di ba?"

Napatingin pa siya sandali kay Seokjin bago dali-daling tumakbo si Yoongi palapit kay Aling Marie. "Ate naman! Hindi Kim apelyido ko." kunwari ay natatawa pa niyang sinabi pero bakas naman sa boses niya ang kaba. "Min po."

"Ha? Eh 'di ba sabi mo—" takang tanong ni Aling Marie bago nakita ang pangdidilat ng mata sa kanya ni Yoongi. "Ah oo nga! Tama! Sorry, bhe! Min nga pala ang apelyido mo."

Bahagyang nakahinga nang maluwag si Yoongi dahil mabilis lang makapick up si Aling Marie. "Haha, si ate talaga makakalimutin na."

"Sorry na nga. Nakalimutan kong Min talaga apelyido mo tapos nagpapractice ka lang na tawaging Yoongi Kim dahil d'un sa crush mo. Nasanay na kasi ako masyado. 'Yun na kasi gamit mong pangalan dito mula nung first year kayo!" natatawa namang sagot ni Aling Marie sa kanya.

Ramdam na ramdam na ni Yoongi ang pagkapula ng mukha niya. Sana talaga biglang bumuka ang lupa at lamunin siya. Nakatingin na din sa kanya si Seokjin. Wala na- nagets na siguro nito na crush niya siya—

"Sorry na kasi, ate! 'Wag mo naman ako ilaglag kay Namjoon na crush ko siya." kunwari ay nahihiya pa siya pero nilakasan niya din naman ang boses niya para marinig ng mga kasama.

"Ha? Ako?" takang tanong ni Namjoon sa kanya.

"Yieeeee may crush pala sa'yo si Yoongi eh." asar naman ni Taehyung kay Namjoon.

"Eh thirteen years na kasi kaming tropa niyan. Hirap na 'di magkagusto." pagsisinungaling pa lalo ni Yoongi, umaasang maniniwala sa kanya ang grupo nina Seokjin. Kitang kita na niya ang pagpipigil ng tawa ng sarili niyang mga kaibigan.

"Ah. Oo nga." Napatingin sila lahat kay Seokjin pero sa kanya lamang ito nakatingin. "Bagay kayo." sabi pa nito bago ngumiti.

Nag-usap pa sandali ang mga kaibigan niya at mga kaibigan ni Seokjin kung anong oras at saan magkikita-kita bukas pero silang dalawa ay tahimik lang sa gilid na nakikinig hanggang sa nagpaalam na sina Jimin at Taehyung sa kanila kaya umalis na din si Seokjin kasama ng dalawa.

"Nailusot mo pa 'yun?" tsaka palang nakatawa nang malakas si Hoseok. "Childhood friends to lovers pala ang nais nitong tropa natin. Ibang Kim pala ang gusto."

"Sorry, Yoongi pero tropa lang talaga tingin ko sa'yo." Tinapik pa ni Namjoon ang balikat niya.

"Gago! Mangilabot nga kayo. Ingay niyo kasi eh. Wala nga akong balak umamin kay Seokjin. 'Di naman ako magugustuhan n'un." malungkot ang ngiti niyang sinabi.

Inakbayan siya bigla ni Jungkook. "Hayyyy, hirap maging torpe pero mas masakit sa ulo magkatropa ng torpe. Hayaan mo bukas, ilalayo namin sina Jimin at Taehyung para masolo mo si Seokjin."

"Gagi 'wag na. Baka awkward. 'Di naman kami close n'un." Tinanggal niya pa ang pagkakaakbay sa kanya ng kaibigan. "Iniisip ko pa nga kung anong paliwanag ang gagawin ko kapag nalaman na niyang ako ang nabunot niya tapos ngayon kailangan ko pa isipin pa'no ako magpapanggap na okay lang ako kasi kasama ko siyang gagala eh 'di ko nga siya matingnan kasi pucha bakit ang gwapo?"

Patuloy lang sa pang-aasar ang mga kaibigan niya sa kanya hanggang sa nagdesisyon na silang umuwi na para makapagpahinga.

Hindi nga lang nila nakita na bumalik pala si Seokjin kasi nagtext ang kuya niya para magpabili ng kikiam at fishball. Pero paano nga naman siya makikita? Eh nagtago agad siya nang marinig niya ang pangalan niya?

Mabuti na lang talaga at hindi siya nakita. Pulang pula na kasi siya at hindi pa niya mapigilang mangiti. Bakit ba kasi bagay ang pangalan ni Yoongi sa apelyido niya?

 

*****

 

"Kayo na lang kaya pumunta?" nagtago pa sa ilalim ng kumot niya si Yoongi. "Sabihin niyo may sore eyes ako."

"Nakabihis ka na tapos ngayon ka pa magbabackout. Tara na." Hinila siya patayo ni Hoseok. "Si Jungkook inuubos na yung pandesal at hotdog sa baba. 'Di 'yun kayang pigilan ni Namjoon."

"Eh kasi naman." Napanguso pa si Yoongi. "Feeling ko talaga alam na ni Seokjin na crush ko siya. Aayusin ko na passport ko. Pupunta na akong ibang bansa para magmoveon."

"Tanga. New York Cubao nga tinatamad ka na bumyahe eh. Tara na. 'Di mo kami mauutusang dalhin yung regalo mo para d'un sa nabunot mo at mas lalong 'di mo kami mauutusang kunin 'yung regalo mo kay Seokjin." Hinila na naman siya patayo ni Hoseok.

"Putangina, oo nga pala. Hindi pa ako nakakapag-isip ng sasabihing palusot." Nahigang muli si Yoongi. "Hobi, alam na niyang crush ko siya, huhu."

"Oh eh 'di maganda nga. Sayang pagpapractice mo ng pagpirma ng Yoongi Kim sa likod ng math notebook mo kung 'di uusad lovestory niyo 'di ba?" Hinila na naman siya ng kaibigan. "Oo, tanga, alam namin. Nakita namin 'yun. 'Wag ka na magkaila. Huling huli ka na kaya tumayo ka na o ibibigay namin kay Seokjin 'yung notebook mo."

Mabilis na tumayo si Yoongi dahil sa pagbabanta ng kaibigan. Baka makita pa ni Seokjin pati yung FLAMES ng pangalan nila pati ang ilang Seokjin Min na nakasulat sa likod ng notebook niya bago siya nakapagdesisyon na mas gusto niya sa pandinig ang Yoongi Kim.

Pagkatapos mag-almusal ay naglakad na silang apat papunta sa kanilang eskwelahan dala ang kanilang mga ipangreregalo. Halos kumpleto na din ang kanilang klase nang sila ay makarating. Kakadating lang din ng mga inorder na pagkain ng kanilang klase para sa kanilang party.

"Buti talaga medyo nakaluwag-luwag na 'yung klase natin this year kaya 'di na potluck. Tatlong taon tayong nagtiis sa maputlang spaghetti ng nanay ni Jackson eh." bulong ni Hoseok sa kanilang magkakaibigan.

"Hoy, gago, narinig kita! Susumbong kita kay Mommy!" banta sa kanya ni Jackson.

"Eh di isumbong mo! Samahan pa kita. Tatanong ko bakit puro wrapper din 'yung shanghai!" sagot naman ni Hoseok pero nabigla siya nang hampasin siya ni Jungkook. "Ano na naman?"

"Gago ka! Ako nagdadala ng shanghai!" sagot ng kaibigan sa kanya na siyang ikinatawa ng mga kaklase.

Dumating na maya-maya pa ang kanilang adviser kaya naupo na sila sa kani-kaniyang upuan na ngayon ay nakasandal lahat sa may dingding, paikot ng kanilang classroom para maluwag ang gitna para sa program na inihanda ng officers.

"Bago tayo magsimula, lagay niyo na muna ang mga regalo niyo dito sa lamesa." utos sa kanila ni Miss Minchin. "Tapos sino nga ba maglilead ng opening prayer?" tanong nito kay Jihyo na siyang presidente ng kanilang klase.

Sa apat na taon niyang umaattend sa christmas party ng kanilang section, ni minsan ay hindi man lang siya sumali sa kahit anong palaro kaya ang tanging hinihintay na lamang niya ay ang huling bahagi ng program: ang exchange gifts.

"So bale, what we're going to do is, someone will go first then whoever they picked will go next!" ngiting ngiti na pag-eexplain ni Mina sa mga kaklase.

"Ano daw?" bulong ni Jeonghan sa katabi.

Tumingin naman sa kanya si Soonyoung bago ngumiti. "Rawr daw—" biglang may lumipad na pamunas sa ulo niya.

"Next year talaga isusuggest kong sa zoo ang fieldtrip natin para malagay ka na namin sa kulungan ng tiger." umiiling na sinabi ni Momo bago humarap sa mga kaklase. "Basta kung sino nabunot, siya susunod. Una na si Jihyo kasi siya naman president."

Gaya nga ng hula ni Jimin, natuktukan si Taehyung ni Seulgi dahil niregaluhan siya nito ng Baygon. Nahampas din ng Good Morning na bimpo ni Shuhua si Jackson. Tawang tawa din sila dahil nag-away na naman si Jimin at Jeongyeon.

"Coffee lover ka 'di ba? Bakit ayaw mo ng mug?!" reklamo ni Jeongyeon. Magpapang-abot na sana ang dalawa ngunit mabuti na lamang at naawat naman sila ng mga kaklase.

Sa sobrang pagkawili niya sa panonood sa ibang tao ay halos nakalimutan na niya na siya nga pala ang nabunot ni Seokjin. Naalala na lamang niya nang tumayo na ito para kunin ang paperbag na inaabot sa kanya ni Wendy.

Kinabahan pa siya nang biglang maglabas si Seokjin ng clip na may ribbon at nilagay sa buhok niya pero bigla itong tumawa. "Joke lang." sabi niya na siyang ikinatawa ng mga kaklase bago pumunta sa mga regalo at kumuha ng isang ampao. "Ano, naclarify naman sa'kin na pinagtripan lang siya ng tropa niya kaya ganun nakalagay sa wishlist niya. Kaso wala talaga akong maisip na ireregalo sa kanya so ito na lang. Hi Pusakal. Sana okay lang na ito 'yung ibibigay ko."

"Panget mo kabonding, Jeongyeon. Sana cash na lang din binigay mo." malakas na sinabi ni Jimin para lamang marinig siya ng kaklase na nasa kabilang dulo ng classroom.

"Sabihin mo cloutchaser ka lang 'pag nagpopost ka ng hashtag coffee is life." sagot sa kanya nito.

Sasagot pa sana si Jimin pero naunahan naman siya ni Jungkook. "Sana din cash na lang binigay mo sa'kin lods. O kaya si Kuromi. Ano gagawin ko kay Hello Kitty?!"

Nagtawanan na naman ang mga kaklase pero halos wala nang marinig si Yoongi habang naglalakad papunta kay Seokjin na nasa kanya lang din ang atensyon. Wala bang magpapatugtog dyan ng Tingin by Cup Of Joe and Janine Teñoso?

"Thank you. Sorry sa abala." mahina niyang sinabi bago abutin ang ampao. Ngiti lamang ang isinagot sa kanya nito bago bumalik sa upuan. Pagkabigay niya ng regalo sa kanyang nabunot ay naupo na siya sa kanyang pwesto.

"See? Mukhang 'di naman niya talaga minasama 'yung unang wishlist." bulong sa kanya ni Namjoon.

Tumango na lamang siya bago nilabas ang wallet para itago ang nakuhang regalo kaso hindi pala kasya ang ampao dito kaya nilabas na niya ang laman nito.

Pero imbis na 250 pesos, isang puting papel ang nakatupi sa loob.

 

Alam kong binawi mo pero gusto ko

pa ding ibigay ako sa'yo. Kwek kwek date?

Kung may sukli, pwede rin tayong mag-Zagu.

- Seokjin

(walang surname, kinuha mo na kasi)

 

Mabilis niyang itiniklop ang nakuhang papel sa kaba na makita ng mga kaibigan at takot na maasar ng mga ito. Pasimple lang sana niyang titingnan si Seokjin pero nakatingin na pala ito sa kanya.

Lord, sign na ba ito na hindi sayang ang pagpapractice niya ng pirma kung magiging Yoongi Kim ang pangalan niya?