Actions

Work Header

Deepening Night, Beating Hearts

Summary:

Sa paglalim na gabi, Ang inaakalang magkaibang pagtibok ng puso ay maaari nga bang magkasabay?

Notes:

(See the end of the work for notes.)

Work Text:

 

Hindi na mabilang ni Jah kung ilang beses na siyang bumuntong hininga habang nakaupo sa madamong parte ng bakuran. Hindi na rin niya mawari kung nilalamig ba siya kaya siya nanginginig o dahil sa nararamdaman niyang kaba ngunit pinagsawalang bahala niya nalang ito at itinuon ang paningin sa langit na pakiwari niya'y parang isang nakakabighaning panaginip dahil sa dami ng mga bituwin.

 

Tama nga siguro ang sabi nila na sobrang nakakagaan sa loob ang tignan ang langit kapag may mabigat kang dinadala, dahil unti-unti ay naramdaman ni Jah na pansamantalang nawala ang kaniyang kabang nararamdaman kani-kanina lang. ngunit bumalik din ito nang marinig niya ang pamilyar na tinig ng kaniyang matalik na kaibigan.

 

"Jah suotin mo muna to, baka nilalamig ka na"

 

Hindi tinapunan ng tingin ni Jah ang kaibigan ngunit naramdaman niya ang pagdampi ng makapal na Jacket sa balikat niya. nagbigay into ng konting init sa nilalamig niyang katawan ngunit ang panginginig niya ay nanatili. Kasabay ng pagdampi ng tela ay ang pag-upo ng presensyang dahilan ng kaniyang kaba. Hindi maiwasan ni Jah na tignan ang mukha ng kaibigan niyang palihim niyang sinisinta.

 

Palihim niyang sinisinta ng mahigit Apat na taon ngunit lingid ito sa kaalaman ng kaniyang kaibigan dahil sa totoo lang, natatakot siyang umamin. natatakot siyang maisawalang bahala na lang ang limang taong pinagsamahan nila bilang magkaibigan. 

 

Patuloy niyang tinitigan ang maamong mukha ng kaibigan. Mula sa mga mata nitong mapupungay na nakatingin sa langit, papunta sa ilong nitong matangos, sa natatanging nunal sa taas ng pisngi nito, at sa labi nitong mapula na tila isang presa ngunit napalayo siya ng tingin nang binaling ng kaibigan ang tingin mula sa langit papunta sa kaniya.

 

Hindi alam ni Jah kung bakit sobra siyang kinakaban, siguro dahil nahuli siya ng kaibigan na nakatingin o dahil sa nagbabadyang mga salita sa dulo ng dila niya na pilit kumakawala at alam niyang konting kabig na lang sa dibdib niya ay masasabi na niya. Kung alin man dun ay alam niyang di maganda ang kalalabasan.

 

"Jah, May nangyari ba? Okay ka lang ba?"

 

Narinig niyang sunod-sunod na tanong ng kaibigan ngunit wala siyang gustong sagutin kahit isa dun, dahil na rin siguro iba ang mga salitang nais kumawala sa labi niya. Mariin niyang itinuon ang tingin sa langit na tila ba binibilang niya bawat bituwin.

 

"Alam mo namang nandito lang ako lagi diba? pwede mo akong sabihan Jah, kahit ano"

 

nagpakawala lang siya ng buntong hininga saka tumingin sa kaibigan ngunit hindi siya tumingin sa mga mata nito. 

 

Alam ni Jah dahil napatunayan na niya na hindi sila pareho ng nararamdaman. magkasama man sila lagi, magkatabi man sila ngayon ngunit kailanman, Hindi magsasabay ang kumpas ng kanilang mga puso, yan ang tanging bagay na sigurado siya. 

 

"Tungkol ba to sa pag-alis mo papuntang London?"

 

Isang tanong nanaman ang namutawi sa mga labi ng kaibigan ngunit tulad kanina ay hindi niya gustong sagutin. Pagkatapos ng pagtatangka niyang pag-amin sa kaibigan na nauwi lang sa pagkawasak ng puso niya dahil bago pa man siya makaamin ay nalaman niyang may sinisinta na pala ang kaibigan. Doon niya napagpasiyahan na sumama sa ina niya sa London para dun ipagpatuloy ang pag-aaral niya, tutal wala naman siyang maiiwan dito. Nagpakawala siya ng buntong hininga bago napagpasiyahan na magtangkang umamin ulit.

 

Isang buwan nalang naman ang pananatili niya rito kaya mas mabuting umamin na lang siya para sa kalaunan ay wala siyang pagsisihan. Wala siyang pakealam kung ano man ang magiging reaksyon ng kaibigan, ang gusto niya lang ay maiparating ang damdamin niyang ilang taon niyang tinago. 

 

"Lester, May Gusto sana akong sabihin"

 

mahina niyang sabi, dahil doon ay itinuon ng kaibigan ang tingin sa kaniya.

 

"Makikinig ako"

 

yun ang tanging hudyat na gustong marinig ni Jah bago siya bumuntong hininga at inihanda ang sarili.

 

"Alam mo namang sabay tayong lumaki at sabay rin nating naranasan bawat sulok ng buhay kaya sa kahit ano mang gawin ko, ikaw ang tangi kong naaalala"

 

Mahabang usal ni Jah na nagpangiti naman kay Lester, tila inaalala ang kahapong pinagsaluhan nilang magkaibigan. 

 

"Pero kasabay ng pagkakaibigan natin ay ang pag-usbong ng kung anong kaba sa puso ko, pinilit kong ipagsawalang bahala pero parang dumikit na ito sa puso ko at di na nawala"

 

nagpakawala ulit ng buntong hininga si Jah bago pinagpatuloy ang nais sabihin habang nakatingin sa kaibigan na tila ay nalilito na ngayon.

 

"Lester, alam kong ang tingin mo lang saakin ay kaibigan pero hindi ko maiwasan na umibig sayo. Apat na taon ko itong inilihim at pilit winawaksi ngunit hindi ko magawa. Hindi ko hihilingin ang iyong sagot pero hayaan mo akong sabihin to"

 

Tumaas ang tingin ni Jah papunta sa mata ng kaibigan, nababalot ng kaba ang puso niya dahil hindi niya mabasa ang mata ni Lester.

 

"Sinisinta kita Lester, Mahal kita"

 

Hindi na nakita ni Jah ang ekpresyon ng kaibigan dahil umiwas agad siya ng tingin at itinuon ang tingin sa langit, pilit na pinipigil ang nagbabadyang luhang nais kumawala sa mga mata niya. Matagal na katahimikan ang namutawi sa kanila at sa bawat segundong lumilipas ay pabigat ng pabigat ang kaniyang nararamdaman, hanggang sa di niya nakayanan at tumayo. 

 

"Salamat sa pakikinig, Mauna na ako"

 

Huling sabi niya at tumalikot, pilit ba inihakbang ang mga paang tila mabigat ngunit sa pangalawang hakbang niya ay narinig niya ang mahinang pagtawag sa kaniyang pangalan

 

"Jah"

 

mahinang boses na galing sa kaibigan niyang kaniyang sinisinta. Napatigil siya ngunit nanatili siyang nakatalikod. Nabalot siya ng kakaibang kaba nang marinig niya ang mga maingat na paghakbang papunta sa kaniya. 

 

Tila natuod siya ng maramdaman niya ang mainit na yakap mula sa kaniyang likod. Lalong kumabog ng malakas ang kaniyang puso ng marinig niya ang mahinang paghikbi ng kaibigan sa kaniyang leeg. Pumatak na rin ang luha nito sa damit niya ngunit nanatili siyang nakatayo.

 

"Jah, Sorry"

 

parang biglang nanlumo ang puso ni Jah, alam na niya at inasahan na niya ang ganitong reaksyon mula kay Lester ngunit masakit pa rin pala, mas doble pa nga. Sa kabila ng muling pagkawasak ng puso niya ay pinilit niya pa ring magsalita "Okay lang. Inaasahan ko din naman to. Hindi mo kailangang mag-sorry" pinilit man niyang magsalita ng normal ay di parin maiiwasang marinig ang pait sa boses niya.

 

"Sorry talaga Jah, naging duwag ako"

 

kung ano man ang ibig-sabihin ni Lester dun ay pinagsawalang bahala niya nalang at ninamnam ang init ng yakap ng kaibigan dahil alam niyang hindi na niya ulit ito mararamdaman.

 

"Okay nga lang, Alam ko naman sa una pa lang na di tayo pareho ng nararamdaman"

 

Litaniya niya at naramdaman niya na mas humigpit ang yakap ng kaibigan sa kaniya. gusto niyang kumawala, dahil kahit nawasak man ang puso niya ay patuloy pa rin itong tumitibok para kay Lester

 

"Jah, May sasabihin ako"

 

Kumalas si Lester sa pagkakayakap sa kaniya at ipinihit siya paharap, muli nanamang nagbadya ang luha sa mata niya ngunit pinigilan niya ito at inihanda ulit ang sarili sa kung ano man ang sasabihin ng kaibigan.  

 

"Naging duwag ako Jah, Natakot akong umamin kasi baka hindi tayo pareho ng nararamdaman yun pala ang mali ko, dapat sa una pa lang sinabi ko na"

 

Hindi mapigilan ni Jah ang magtaka sa mga salitang namutawi sa labi ng kaibigan. naramdaman niya na lang ang mahinang paghila ng kaibigan sa kaniya at iginiya siya pabalik sa kaninang pwesto nila. Umupo siya ulit habang tinitigan ng may pagtataka ang kaibigan. Ngumiti si Lester sa kaniya at kinuha ang kaniyang kamay na nagpabilis ng tibok ng kaniyang puso.

 

"Patawad at tumagal ng ganito pero, Sinisinta rin kita Jah, Mahal kita" 

 

Tila nabato sa kaniyang pwesto si Jah habang pinuproseso ng kaniyang utak ang mga katagang yun ni Lester at unti-unti ay isa-isang nagbagsakan ang kanina pang nagbabadyang luha sa kaniyang mga mata. Hindi ito ang inaasahan niyang kahahantungan ng kaniyang pag-amin at hindi rin niya inakala na pareho pala sila ng nararamdaman ngunit nabalot ng saya ang kaniyang puso. Saya na kailanman hindi mapaparisan ng kung ano pa man. Pinagsalikop ni Lester ang kanilang kanang kamay, habang nakangiti itong pinapahid ang mga luha niya. 

 

Umusod ng kaunti si Lester at iginiya ang kaniyang ulo sa balikat nito habang hinahaplos ng marahan ang kaniyang buhok upang patahanin siya sa kaniyang pag-iyak. Wala mang salita ang namutawi sa mga labi nila ay alam na nila ang ibig-sabihin ng isat-isa. Wala mang kasiguraduhan ang kanilang hinaharap ay sigurado naman sila sa isat-isa. 

 

Habang lumalalim ang gabi, kasabay nito ay ang sabay na pagtibok ng kanilang mga puso para sa isat-isa. 

 

 

Notes:

Thank you for reading! Stan SB19!

Send me anonymous messages Here