Actions

Work Header

I Do.

Summary:

May nadiskubre si Soonyoung tatlong araw bago ang kasal niya.

Notes:

For prompt TT079: Kung saan nagka-cold feet si Soonyoung bago ang kasal niya kay Wonwoo, at muling binisita ang ex niyang si Jihoon dahil di siya pinapatahimik ng break-up nilang walang matinong closure.

📍Taft 🛫 Amanpulo

Maraming salamat sa mga mods para sa pag-organisa nitong Fic Fest! Isang song recommendation c/o our prompter :) para sa pagbabasa.

(See the end of the work for more notes.)

Chapter Text

Hindi kailanman sumagi sa isip ni Soonyoung ang magpakasal. Bilang kamakailan lang naman noong naaprubahan ang kasalan ng parehong kasarian sa bansa, wala sa mga unang plano ni Soonyoung ang pag-iisang dibdib sa kung sinumang maging kasintahan niya. Tinanggap niya na ngang mamamatay siyang matandang binata. Sino nga bang mag-aakala na haharap siya sa altar? 

Ngayong nasa huling linggo na siya’y legal na kinikilalang single, naalala niya kung bakit nga ba hindi siya panatiko ng pagpapakasal. Ilang buwang pagpaplano at pag-oorganisa para sa sinasabing pinakaimportanteng araw ng buhay ng isang tao. Lahat ng stress, pag-aalala, at pag-aayos para sa iisang araw lang. Hindi niya inisip na isalang ang sarili niya sa ganoong klaseng paghihirap. Pero walang silbi ang pagbabalik ng nakaraan niyang mga saloobin. Dahil ikakasal si Kwon Soonyoung kay Jeon Wonwoo tatlong araw mula sa araw na ito.


Nakadestino sa Ilocos si Wonwoo hanggang dalawang araw bago ang kasal dahil kailangan niyang tapusin ang isang Joint Venture Project ng firm niya para maubos ang alalahanin niya bago lumipad papuntang Palawan. Magkasabay sa flight sina Soonyong at Wonwoo at natira na lamang si Soonyoung sa kanilang bahay sa Quezon City para makapagpahinga at mag-ayos kung kailangan man. Masaya si Soonyoung sa oportunidad na ito matapos ang delubyong dinanas niya sa paggawa ng kanilang dream wedding. Mas siya naman kasi ang tumutok sa mga kailangan asikasuhin dahil mas madali para kay Soonyoung ang mag-lie low sa trabaho at tumanggi muna ng mga projects, bilang isang artista.

Iba sa mga nakaraang miyerkules ni Soonyoung ang araw ngayon. Payapa at maaliwalas ang gising niya dahil wala siyang meeting at reservation na kailangan puntahan.  Presko mula sa sampung oras niyang tulog, umupo lang si Soonyoung sa sala at masayang nanood ng TV. Sa totoo lang, sa sobrang busy at abala nitong mga nakaraang buwan, ngayon niya lang naisip na hindi siya nakakuha ng panahon at oras para huminga at pag-isipan ang susunod na yugto ng buhay niya na kanyang papasukin. Sa araw na ito sa susunod na linggo ay isa na siyang ganap na may asawa.

Bigla niyang naisip ang sarili niyang kasal. Marami nga palang tao doon. Kahit na napagdesisyunan na nila ni Wonwoo na gawing pribado ang kanilang kasal, hindi niya pa rin matanggal ang pakiramdam na ilalatag niya ang pagkatao niya para pagmasdan ng ibang tao. Masaya siyang ibahagi ang pagmamahal na mayroon sila at ipagdiwang ito kasama ng kanilang mga piling saksi. Pero may takot at pag-aalinlangan na baka husgahan lang ang kung ano mang mayroon sila. Mas madali lang sana kung magsabihan lang sila ng “I Do.” ta’s biglang mawawala ang mga nakapaligid sa kanila at sila lang ang matitira. Wala na ang mga manonood. Sila lang at ang kanilang pag-ibig para sa isa’t isa. Pero hindi naman posible ‘yon. 

Biglang may umaakyat na takot sa sistema ni Soonyoung. Hindi ba normal naman ang kaba sa ganitong okasyon? Binabalik ni Soonyoung ang atensyon pabalik sa pinapanood niya pero hindi niya mailing lang yung kabang nararamdaman niya. Sinubukan niyang tumayo at maglakad paikot ng sala. Bakit parang may mali kung kailan napakalapit na ng kasal? Madalas ba siyang kabahan? Ni hindi nga siya pinagpawisan noong nagpropose siya kay Wonwoo eh. 

Bumalik na lang si Soonyoung sa pagkaka-upo at inisip kung may mga naging karanasan ba siya sa na kinabahan din siya nang ganito. Binalikan niya ang mga panahon niya sa pagkabata na naalala niyang naramdaman niya ang ganitong klase ng kaba. Masyadong adventurous si Soonyoung, kahit noong bata pa. Yung kaba na mayroon siya sa tuwing susubok siya ng hindi niya alam ay yung masayang kaba. Hindi ganitong klase ng kaba na parang may nagbabadyang sama at sakit. Binura ni Soonyoung ang naunang mga ideya at nagsimula ulit ang pag-iisip. Ngayon, mula sa simula ng pag-aayos para sa kasal. Biglang dumilat si Soonyoung noong naalala niya yung isang araw na nasa meeting siya kasama ang supplier ng bulaklak para sa kasal. Ito ata ang pinakaunang beses na napansin niya ang presensiya ng ganitong klase ng kaba. Sumakit lang ang tiyan niya na para bang may dapat siyang katakutan at taguan. Inisip niya noon kung may deadline siya o kaya shoot na nakalimutang puntahan? Baka naman yung Paella na kinain niya noong umaga? O kaya baka may bagong allergy na pala siya sa mga bulaklak. Baka ayun nga. Itinaboy niya lang yung naramdaman niya at nagpatuloy sa ginagawa niya noon. Nakaalala pa siya ng pangyayaring sumunod dito noong tumitikim siya ng pagkain sa food tasting. Biglang bumalik yung naramdaman niyang bigat sa loob. Parang kabag na hindi kayang maidighay o mautot. Napatanong ulit siya sa sarili niya kung may mga nakalimutan siyang gawin o hindi naipasa. Dapat na ba siyang magpatingin sa doktor? Kaba lang ba talaga ‘yon dulot ng pagpaplano? Dahil ba malapit na yung kasal? 

Nagsidagsaan ang mga tanong sa utak ni Soonyoung. May ibig sabihin ba dapat ang nararamdaman niya? Totoong ilang beses na palang nagparamdam ang takot na ‘to pero hindi naman siya mukhang big deal noon. Bakit bumabalik ang kaba na dapat sana’y nakalimutan niya na? Normal ba ang ganitong pakiramdam na parang may mali sa ginagawa niya? Dapat ba itigil yung kasal? Hindi niya na ba mahal si Wonwoo? Napatigil at agad na umiling si Soonyoung sa naisip. Hindi posible ‘yon. Kung may isang bagay na sigurado at pang-habang buhay sa mundo, ‘yon ang pagmamahal ni Soonyoung. Hindi basta-bastang nawawala lang dahil sa takot o kung anuman ang pag-ibig niya. Kaya itong kakaibang kaba na nararamdaman niya, dapat niyang maintindihan kung bakit nangyayari ito. Kung saan nanggagaling ang takot at pagdududang na ito. 

Napabulagta si Soonyoung sa sofa at napabuntong hininga. Parang mas lalo siyang napagod kaysa magpahinga. Itinigil na niya ang malalim na pag-iisip tungkol sa kanyang mga damdamin at tumayo papuntang kwarto nila. Ibinaling niya na lang muna ang natitira niyang lakas sa pag-aayos ng mga gamit na may kinalaman sa kasal. Tinignan ni Soonyoung ang mga natitirang papeles na mayroon sila. Itinabi na niya ang mga flight tickets, ang mga ID, mga resibo, pera, at mga anik-anik na baka kailanganin sa altar. Nilinis niya ang dresser at study table niya dahil matagal-tagal pa bago ang balik mula kasal. Tapos na niya ang paglilinis at pagliligpit ng mga kailangan nila noong napansin niya ang isang kopya ng wedding invitation nila sa may lamesa sa pwesto ni Wonwoo. Binuksan niya ito mula sa sobre. Isang pahina lang itong puti at may disenyo ng mga bulaklak. Simple pero maganda at elegante. Sinilip niya para tingnan kung para kanino sana yung invitation at bakit natira pa pero wala namang pangalang nakalagay.

 

Ah.

 

Sa ‘di niya malamang dahilan, biglang lumuwag ang dibdib ni Soonyoung. May paghinga siyang biglang inilabas na hindi niya alam na pinipigil niya pala. Biglang nagsiilaw ang mga bumbilya na nasa madidilim na sulok ng kanyang isip at biglang nagkaroon ng kahulugan lahat ng tanong niya kanina. Ang hindi niya mapagtanto, madiskubre, at mahulaan ay biglang nagkaroong anyo. 

Ang natitirang imbitasyon na hawak-hawak ni Soonyoung ay para kay Jihoon.

Hindi inisip ni Soonyoung na susundan pa siya ng kanyang nakaraan hanggang ngayong literal na mga araw bago siya ikasal. Matagal niyang isinawalang bahala, na baka wala lang naman talaga ang naramdaman niya. Sinubukan niyang hindi pansinin pero ang katawan ay may sariling paraan ng pag-alala, sa hindi pag-usad, at sa pagtabi ng mga alaala at sakit. Ang nakaraan na akala niya’y limot niya na ay hindi pa pala tuluyang wala sa kanyang sistema. Wala sa mga plano ni Soonyoung ang magbitbit pa ng mga bagahe mula sa gusot niyang nakaraan. Walang bahid ng pag-aalinlangan at pagsisisi ang babagabag sa kinabukasang inaasahan at inaasam niya. Ang mga multo ay hinaharap at pinapalaya(s). Na siyang gagawin ni Soonyoung. Tatlong araw bago ang kasal niya.

Notes:

unang beses ko lang 'tong sumali sa ficfest kaya nawa'y pagpasensiyahan niyo na ang pagkukulang hahahuhu :') sana magustuhan niyo pa rin hanggang sa pagtatatapos ng kwento!