Work Text:
Ang banas.
Halos tatlong oras na kayong nag-eensayo sa maliit na bulwagan niyo sa campus. Dula ang final exam niyo sa Rizal kaya kasama mo ngayon ang mga kagrupo mo sa klase. Halos tatlong oras na ring sira ang mga aircon dito kaya pakiramdam mo'y konting tiis pa sa loob ay matutunaw ka na lang sa entablado.
Pambihirang buhay 'to. Para kang nasa pugon.
Ang dami-daming pera ng unibersidad pero hindi man lang maipagawa ang mga aircon nilang laging bumibigay.
Lumingon ka sa paligid at nakita mong unti-unti na ring nagsisi-alisan ang mga kaklase mo, mag-aalas dos na kasi ng tanghali. Tapos na ang mga klase niyo ngayong araw. Sa wakas. Malalamnan na rin ang kanina mo pang kumakalam na sikmura. Hindi na rin naman ito bago, palagi ka naman talagang gutom.
Binuksan mo ang cellphone mo at naalalang may usapan kayo ng mga kaibigan mong sabay-sabay mag-merienda sa labas. Base sa mga text nila ay ikaw na lang daw ang pupuntahan dahil malapit lang sa main gate ang bulwagan.
Tiningnan mo ang oras. May ilang minuto pa naman bago kayo magkita kaya umupo ka muna sa sahig at ipinunas ang tuwalyang ipina-baon ng nanay mo sa tumatagaktak mong pawis.
Ang banas banas talaga.
"Jhoanna!" Tawag sa'yo ng kaklase mong bilang na lang sa daliri ang hibla ng bangs sa ulo. "Kanina ka pa hinihintay ng kaibigan mo sa labas."
Napakunot ang noo mo. Tiningnan mo ulit ang cellphone mo para silipin kung may nagsabi ba sa mga kaibigan mo na nandito na sila. Wala naman.
"Sino?" Tanong mo na lang sa kanya.
"Yung maganda na Nursing." Sagot ni bangs girl. "Si Vergara."
Lalong nag-salubong ang kilay mo. Ang random? Sa pagkakaalam mo ay sa pinakadulo pa ng campus ang Nursing building at isa pa'y wala namang message si Colet na hinihintay ka niya.
Agad ka na lang tumayo at isinakbit ang tote bag mong kulang sa laba sa kaliwa mong balikat, saka mo pinasalamatan si bangs girl at tuluyan ka nang lumabas ng bulwagan. Maaga din siguro nagkaroon ng vacant si ate mo Colet kaya dito na siya dumeretso.
Maginha-ginhawa naman sa labas kumpara sa pugon na pinanggalingan mo. Ramdam na ramdam mo ang hangin na dumadaan sa pawisan mong mga braso at binti. Buti na lang at ipinag-baon ka din ng nanay mo ng damit na pamalit, pwede nang pigain ang suot mong t-shirt sa sobrang pawis.
Grabe. Isinusumpa mo talaga ang unibersidad na ito.
Natanaw mo na sa di kalayuan ang kaibigan mo, nakaupo sa baitang ng hagdan ng bulwagan at may hawak na inumin. Nang makita ka'y itinaas ang kamay at kumaway sa direksiyon mo. Nginitian mo naman ito pabalik.
Habang papalapit kayo sa isa't-isa'y napansin mong malawak ang ngiti ng kaibigan mo. Puting-puti ang ngipin at halos kumikinang na ang mga mata. Mukhang maganda ang gising.
"Ganda ng ngiti natin ah." Bati mo sa kanya. "Saan ka galing, Cols? Ba't di mo sinabi na nasa labas ka pala, sana pinapasok kita sa loob para doon ka na lang naghintay."
Charot. Mainit nga pala sa loob. Pero nasabi mo na eh, hindi niya din naman alam na bulok ang aircon sa loob. Okay lang 'yon.
Nagkibit-balikat lang si Colet at iniabot sa'yo ang hawak-hawak niyang plastic na may palamig. Agad mo itong tinanggap at idinikit ang straw sa iyong mga labi.
"'Yan ang gusto ko sa'yo. Ubusin ko na 'to ah?" Paalam mo, pero di pa man sumasagot ang kaibigan mo'y nahigop ka na.
Ito talaga ang perks kapag marami kang kaibigan. Maraming nagbibigay sa'yo ng pagkain. Kapag marami kang sinasabi, alam na alam nila kung paano ka patahimikin.
Nakatanggap ka ng text mula sa kaibigan niyong si Gwen. Naglalakad na daw sila papalabas mula sa gymnasium. Medyo malapit lang 'yun sa bulwagan kaya ini-angat mo ang ulo mo at humarap muli kay Colet para sabihin ito.
"Papunta na da—" Napatigil ka. May nakabungad na mga bulaklak sa harap mo ngayon, hawak-hawak ni Colet na nakangiti pa rin sa'yo. Napakurap ka. "Ano 'to?" Taka mong tanong.
"Bulaklak," Walang pag-alinlangang sagot nito. "para sa'yo, Jho."
Eh? Obvious naman na bulaklak pero para saan? Labo din nitong kaibigan mo eh.
"Bakit? Kanino galing?" Kinuha mo sa kamay niya ang mga bulaklak para tingnan kung may card o note man lang. Wala. Ngumisi lang ito lalo.
Bakit ba ngiting-ngiti itong kaibigan mo? Hindi ka sanay. Medyo nakakatakot nang tingnan. Karaniwan kasi ay siya ang bugnutin sa inyong barkada.
Napakamot sa likod ng ulo at napaiwas ng tingin si Colet habang hinihintay mo ang sagot niya. Luh.
"Sa'kin." Mahina niyang sagot pero klarong-klaro sa pandinig mo.
huh?
Ano raw?
Pakiulit?
"Sa'yo? Bakit?"
"Jho, kasi," Umpisa nito habang humahakbang papalapit. "alam kong medyo sudden pero...pwede bang manligaw?"
Nanlaki ang mata mo at muntik mo nang maibuga sa mukha ni Colet ang sago sa bibig mo. Kung hindi pa sagad ang kunot ng noo mo kanina, pwes, dikit na dikit na ang mga kilay mo ngayon sa taka.
"ANO?"
"Oh! Awat! Awat!" Rinig mong sigaw ng mga kaibigan mo na nananakbo papalapit sa inyo.
Hindi mo na alam kung paano nag-umpisa pero tinutulak ka na ni Mikha sa dibdib, pilit kayong pinaghihiwalay ni Colet na hawak-hawak mo ngayon sa kwelyo.
"Jho, bitaw!" Tarantang sabi nito bago niya kayo tuluyang mapag-hiwalay. "Bakit kayo nag-aaway?"
Nakapalibot na silang tatlo sa inyong dalawa at hawak kayo parehas sa mga balikat. Kita mo si Colet sa kabilang dako na may lungkot sa mga mata, nakatingin pa rin sa'yo na para bang nagmamakaawa. Ano ba naman itong kaibigan mo. Ang ganda ganda pero buang.
"Ilayo niyo nga sa'kin 'yang tropa niyo." Sagot mo sa kanila. "Baka hindi ako makapag-pigil diyan, sinasabi ko sainyo."
"Jho naman." Rinig mong pagtawag na naman ni Colet sa pangalan mo.
"Tigilan mo 'ko, Colet. Hindi ako nakikipag-biruan sa'yo."
"Teka! Eh, bakit ba?" Takang tanong ni Gwen na ngayo'y nasa pagitan niyo na. "Anong nangyari?"
"Siya ang tanungin niyo." Inis mong bigkas.
Napabuntong-hininga si Mikha bago humarap kay Colet. "Cols, ano bang ginawa mo?"
Matagal bago ito sumagot. Ini-iwas mo na muna ang tingin sa kanya pero ramdam mo pa rin ang mga mata niya sa'yo.
Huminga siya nang malalim. "Mikhs, 'di ba crush mo dati si Jho?"
Gulat kang napalingon kay Mikha na ngayo'y napatingin din sa'yo, namumula nang bahagya. Nagpipigil ng tawa naman si Gwen na nasa tabi nito.
Nagkatinginan din si Mikha at Aiah na kasalukuyang nasa tabi mo. Kumurap isang beses. Kita mong tumaas ang isang kilay ni Aiah kaya napaharap ulit si Mikha kay Colet. Hinampas niya ito sa likod ng ulo.
"Parang tanga 'to mag-throwback. First year pa tayo non."
Ay legit? Ngayon mo lang nalaman 'yon.
Ini-harap ni Colet ang buong katawan niya kay Mikha. "Wala naman na 'di ba?" Seryosong tanong ni Colet sa kanya.
Nagkatinginan ulit kayo ni Mikha bago siya umiwas. "Ito si issue! Wala na 'no."
"Oh, ba't ka namumula?" Mahinang kantyaw ni Gwen sa likod nito.
"Imbento? Hindi naman!"
"Mikhs, mahal ko na ata siya." Agaw-atensyong pag-sambit ni Colet habang nakahawak sa magkabilang pisngi ni Mikha. "Hindi ka naman magagalit di 'ba?"
Lalo lang namula ang mukha ng kausap. "Ano ba yan, Colet!" Hinampas ni Mikha ang mga kamay nito palayo. "Pero ano? Si Jho natin? Mahal mo?"
Ang taas naman ng boses non. Kung hindi ka siguro galit kay Colet ay na-offend ka na sa tono ng isa mo pang kaibigan.
Gulat na gulat, Mikha Lim? Crush mo nga ako noon.
Pero nag-panting na naman ang tenga mo sa narinig mo kay Colet. "Sabi ko sainyo nasisiraan na 'yan eh."
Akma na namang lalapit sa'yo si Colet pero nahawakan agad ni Gwen ang balikat niya kaya hindi ito natuloy. "Jhoanna kasi, seryoso nga ako. Mukha ba akong nagbibiro? Gustong-gusto kita. Hayaan mo akong patun—"
"Kadiri!" Iritang pag-kamot mo sa hindi naman makati. "Colet, ano ba nangyayari sa'yo? Na-binat ka ba? Nabarog ang ulo kanina? Hindi naman kita ginagayuma diyan pero bakit ka nagkaka-ganyan?"
Sasagot pa sana si Colet nang biglang busalan siya ni Gwen gamit ang baon niyang buchi. Palaging may baon na buchi yan si Gwen eh, ngayon ka lang nakinabang. Sa damot ba naman.
"Hep! Wag ka nang sumagot, boss. Nanggigitil na si Jho sa'yo oh."
Di mo napansin na taas-baba na pala ang dibdib mo sa inis. Tuloy ang haplos ng kamay ni Aiah paikot sa likuran mo. Wala siyang imik, halatang invested na invested sa mga kaganapan. Si bakla naman. Chismis at drama ang bumubuhay at dumadaloy sa dugo nitong kaibigan mong 'to eh.
"Teka nga." Sambit ni Mikha. "Aiah, ikaw nga muna kay Jho. Kausapin muna namin to si labergirl."
Itinulak nila Gwen at Mikha papalayo sa'yo si Colet at pinaupo sa kabilang dako ng hagdanan.
"Cols, ano ba 'to, prank? Sasakay naman kami eh." Pabulong na tanong ni Gwen.
"Oo nga." Segunda naman ni Mikha.
Makabuluhang tinignan ni Colet sa mata ang mga kaibigan niya.
"Seryoso nga ako." Pangungumbinse nito. "Ngayon ko lang na-realize pero palagay ko'y matagal na kaming nakatadhana sa isa't-isa. Malakas ang pakiramdam ko na si Jho ang "the one" ko."
Sabay na napapikit si Gwen at Mikha sa sagot na narinig nila. Paktay ka diha. Wala silang ibang reaksyon kundi ang mapapunas na lamang ang mga palad sa mukha. Hindi sila makapaniwala.
Inusisa nilang mabuti ang itsura ni Colet bago nila napag-tanto na seryoso talaga ang kaibigan nila. Nagkatinginan ang dalawa bago ulit humarap si Mikha kay Colet, hawak na nito ang magkabilang balikat niya.
"Osige, I'll bite. Eh bakit naman biglaan 'tong realization mo? Tagal na nating magkakaibigan tapos ngayon ay ipapakita mo na patay na patay ka sa kanya."
"Kaya nga. Kahapon, sinabi mo kina Staks na hindi mo nakikita sarili mong magkakagusto sa kahit sinong kaibigan mo kasi you think that it's weird. So, what brought this on?"
Malumbay na umiling si Colet. Tila nawawalan na siya ng pag-asang may maniniwala sa kanya. Eh, totoo naman talaga ang lumalabas sa bibig niya. "Hindi niya 'ko naiintindihan. Iba ang nararamdaman ko para kay Jhoanna."
Binuksan ni Colet ang bag niya at kinuha ang cellphone sa loob nito. Mukhang may hinahanap kaya mapag-pasensyang naghintay ang dalawa niyang kaibigan sa harapan nito. Baka sakaling maliwanagan sa kung ano mang ipapakita ni Colet.
"Ito. Napanood ko kasi 'to kagabi." Paliwanag ni Colet matapos matagpuan sa camera roll ang video na naging sanhi nitong lahat. "Dito ko na-realize na iniibig ko si Jho. Hindi siya mawala sa isip ko."
Magkabila ang hawak ni Mikha at Gwen sa cellphone ni Colet at parehong nanlaki ang mga mata nang ma-recognize ang video na tinutukoy ni Colet.
Napamura si Mikha at napa-hagalpak naman ng tawa si Gwen dahil sa pinapanood nila.
"Anak ng—" Pagpigil ni Mikha sa sarili. Ngali-ngali nitong ihampas sa ulo ni Colet ang cellphone niya sa pagka-badtrip. "Hindi pag-ibig 'yan, ungas! Iba tawag diyan!"
Busangot ang mukha ni Colet sa reaksyon ng mga kaibigan niyo.
"Pag-ibig 'to!" Dinig mong pag-kontra niya bago ito humarap ulit sa direksyon niyo ni Aiah na inaabutan na ni Mikha ng cellphone ni Colet. "Jho, mahal kita! Isang chance lang, please."
Hindi mo ito pinansin at agad na sinilip ang video na tinutukoy nila. Gumugulong na si Gwen sa sahig kakatawa nang bigla mong narinig ang kanta mula sa video. Nakita mo ang sarili mo sa screen.
Oh, kalma —
Ay pucha.
Yung video ng audition mo pala sa dance crew ng unibersidad kung saan sumayaw ka ng Lagabog ang napanood niya.
Kunot-noo kang tumingin sa direksiyon ni Colet at nakita mong nasa harapan mo na naman siya. Hinawakan nito ang dalawa mong kamay at tinitigan nang masinsinan ang mga mata mo.
"Jho, please..." Umpisa nito, muntik ka nang mawala sa itim at lalim ng bilugan niyang mga mata. "i-lagabog mo ako." Seryoso niyang bigkas sa'yo.
Hindi ka na makapag-pigil.
Madiin mong ipinikit ang mga mata mo at bumilang sa tatlo. Konting-konti na lang ay puputok na ang sintido mo sa mga nangyayari.
Pambihirang buhay talaga 'to. Gutom ka na nga, nahihibang pa ang mga kasama mo.
"Lumayo ka sa'kin, Cols. Please lang."
"Pero mahal kita, Jhoanna." Giit na naman nito.
Diyos ko.
Ang kulit ni Colet.
Huminga ka nang malalim.
Tiningnan ulit ang nasa harap mo.
Ayaw pa din umalis.
Hindi mo na kaya.
Sorry po, Lord.
"Punyemas, Maria Nicolette! Iba-balibag na talaga kita kapag hindi ka pa tumigil!" Hiyaw mo habang pasugod kay Colet na kuhang-kuha ang inis mo ngayong araw.
Nataranta na naman ang tatlong niyong kaibigan kasi hawak mo na sa leeg si Colet. Nakagulong na siya sa sahig pero nakangiti pa din si tanga. Nakaupo ka kasi sa hita niya. Nabuang na talaga.
"Oh, kalma! Kalma!" Natatawang awat sa'yo ni Gwen habang si Aiah naman ay hinihila ka na naman palayo sa kaibigan niyo.
Nagpupumiglas si Colet sa pagkaka-yapos ni Mikha sa kanya. "Wag niyong awatin! Wag niyong awatin! Pumapayag ako! I-balibag mo ako, Jho!"
"Talaga namang—isang sapak lang! Kulang 'to sa alog ng utak!"
"Pota. Magpa-awat ka na, Colet. Kakalasin ka niyan nang buhay." Pagmamakaawa halos ni Mikha sa ugok na hawak niya ngayon. "May laro pa tayo bukas. Sa isang araw ka na lang magpa-kalas kay Master, parang awa mo na."
Unti-unti na nitong kinakaladkad palayo si Colet habang si Gwen naman ay inuubo na kakatawa habang hawak-hawak ang magkabilang-paa ng buhat nila.
Ang ingay ingay pa rin ni Colet kahit nakalayo na sila. Hindi na nahiya.
"Mahal, hindi ako titigil! Iyong-iyo lang ako, Jhoanna Robles!"
"Kilabutan ka nga!" Sigaw mong pabalik sa kanya. "Tandaan mo ang araw na 'to, alas dos nang hapon, sinumpong kang tanga ka!"
"I love you, too, baby ko!"
Nilingon mo ang kasama mo.
Sa pagkakataon na iyon ay wala nang nagawa si Aiah. Pinakawalan niya na ang pagkakahawak sa braso mo. Kung ano mang mangyari, kasalanan na ni Vergara 'yun.
Hinabol mo yung tatlong itlog papalabas ng campus at doon mo ulit sinakal si Colet na abot langit pa din ang ngiti sa'yo, kahit inaawat na kayo ng mga tsuper sa kalsada.
