Actions

Work Header

but I won't last a day without you (sapagkat ang araw na wala ka ay siya ring paglisan ng aking puso)

Summary:

Kaya naman kasing aminin ni Zhang Hao na napasarap lang talaga ang kaniyang tulog, at aakuin naman niya ang kasalanan ng paggising nang tanghali at magkaroon ng deduction sa graded recitation nila. Maiintindihan naman kasi ni Zhang Hao na wala nang pag-asa ang traffic sa Pilipinas. Tatanggapin naman niya ang katotohanan na matagal na ang kaniyang laptop at panahon na rin upang ito'y masira. Matitiis naman ni Zhang Hao ang mapait na kapeng nabili niya sa kanto, o kung bakit biglang iba na ang timpla ng sawsawan ng paborito niyang turo-turo. Pwede namang habaan ni Hao ang pasensiya sa paghahanap ng kaniyang pitaka, o kung totoo man siyang malas at walang intensyon ang nakapulot na ito’y ibalik, dadaan na lang siya ulit sa proseso ng pagkuha ng ID at pagkakasyahin ang natitira niyang pera. Pero kapag wala ang nobyo sa tabi niya? Para siyang kakapusin ng hininga at nandidilim bigla ang paligid. Hindi na sumisikat ang araw, at hindi na humuhuni ang mga ibon.

o

Masama ang araw ni Hao, sumabay pa na kailangang umuwi ni Hanbin sa probinsya.

Notes:

- just trying to figure out if I can still write 🙃 so sorry if this turned out rusty + errors and grammatical errors! (like ng and nang)

- this is fast paced and conversation driven so don't expect a very detailed plot.

- the 'series of unfortunate events' aren't that extreme. oa lang talaga ang tao 😆 you know that type of moment na may nangyaring negative sa araw mo so you treat every little inconvenience as something big because you're just so... done. That's more like it!

(See the end of the work for more notes.)

Work Text:

Gumising si Zhang Hao sa maling parte ng kama. Paano ba naman kasi, idinilat niya ang kaniyang mga mata sa ingay ng katahimikan na siyang hindi tugma sa nakakagawian niya sa araw-araw.

Pangalawang taon na si Zhang Hao sa kolehiyo. Dalawang taon na ring kailangan niyang gumising ng alas-kwatro nang umaga dahil hindi pabor sa kaniya ang mundo at hindi siya nilulubayan ng alas siyeteng simula ng klase. Madali lang naman kasi siguro ang buhay kung ang tanging pagkakaabalahan niya ay ang kaniyang sarili, ang mga gamit na kaniyang kakailanganin, at ang pagkondisyon sa kaniyang utak para sa siguradong mahaba at nakakapagod na araw; matapos ay aalis gamit ang sarili niyang sasakyan at hindi magmumukhang pinagdaanan niya ang bawat baha at lindol ng buhay bago makapasok sa pamantasan kung saan siya nag-aaral. Masakit nga lang harapin ang katotohanan na hindi pare-parehas ang takbo ng istorya ng bawat tao, at nataong hindi sapat na maswerte ang kapalaran ni Zhang Hao at kailangan niyang gumising nang pagkaaga-aga upang makipag-unahan sa mga kasama niya sa apartment na kaniyang tinutuluyan na hindi makapaghunos dili para lang magamit ang nag-iisang kubeta na mayroon sila upang maligo at ibigay ang buo nilang sikap upang hindi mahuli sa kani-kanilang klase. Mabuti sana kung doon na lamang natatapos ang kalbaryo, ngunit naninirahan siya sa Pilipinas na walang maayos na plano sa paggawa ng mga kalye at mailap ang awa ng kinauukulan sa mga katulad niyang puso ang pagkokomyut.

Kaya naman nang maramdaman ni Hao na kwestyonable ang haba ng oras ng kaniyang pagpapahinga, bumungad sa kaniya ang oras na tumama sa alas sais y medya. Tila naiwan pa ni Zhang Hao ang sariling utak sa kaniyang panaginip nang siya ay bumangon. Idinako niya ang kaniyang paningin sa kabuuan ng kwartong kaniyang tinutulugan at napasinghap nang mapagtanto na umalis na ang kaniyang mga kasama. Naiwan na lamang si Jiwoong, kaibigan at kahati rin ni Hao sa silid na mukhang walang balak kumilos nang may hinahabol na oras dahil online ang modality ng klase niya ngayong araw. Maayos ang mukha nito habang nakatutok ang mukha sa laptop at taimtim na umiinom ng kape. Binigyan niya si Hao ng isang maaliwalas na ngiti nang mapansin niya ang kaniyang gising na presensya, sumunod ang pagbati nitong “Good morning, Hao! Wala ka atang 7 am class today?”

Ngunit hindi umimik si Hao. Sa halip ay walang delikadesa siyang umalis sa kama at hinablot ang tuwalya niyang nakasampay sa likod ng pintuan. Isinukbit niya ang telang iyon sa kaniyang balikat habang natatarantang naghalungkat ng disenteng masusuot sa kahoy na aparador na pinaghahatian ng apat na lalaking nakatira sa isang malawak na paupahan.

“Hala, meron?” dagdag ni Jiwoong at binigyan si Hao ng problemadong tingin, na parang obligasyon ng binata na matakot para sa pwesto ng kaibigan.

“Is Kim Jiwoong present?”

“Meow.”

Napahinto bigla si Hao sa kaniyang ginagawa at napakunot ang noo. Samantalang nagpakawala ng pekeng ubo si Jiwoong matapos isara ang kaniyang mikropono at camera dahil kasalukuyan siyang nasa zoom meeting upang dumalo ng online class. Lumingon siya kay Hao at napakamot sa kaniyang bunbunan, senyales ng kahihiyan na nagtatanim ng espasyo sa sistema niya.

“Sabi ni prof mag meow daw for attendance,” katwiran ni Jiwoong sa paniniwalang ang pagtigil ni Hao ay dulot ng kahiwagaan nito sa kaniyang narinig, o kung bakit may klase si Jiwoong ng alas sais nang umaga.

“May graded recitation kami,” bulong ni Hao sa sarili imbes na intindihin ang pinagsasabi ng kasama. Napakagat siya sa kaniyang ibabang labi nang tuluyan siyang sampalin ng sitwasyong kinabibilangan niya ngayon. Nanginginig din ang kaniyang mga kamay habang ipinagpapatuloy nito ang paghahanap sa isang pares ng kaniyang medyas. Ang hindi niya mapirming kamay ay repleksyon ng kumukulo niyang loob, pinipigilan ang sarili na huwag magpakawala ng anumang luha dahil wala na siyang panahon para rito.

Huminga nang malalim si Hao upang magbigay ng katiting na kapayapaan sa sarili bago niya isinara ang aparador at kumaripas ng takbo sa banyo.

 

* * *

 

Sadyang mabilis ang paggalaw ng oras. Hiling ni Hao ang parehas na bagay sa daloy ng mga sasakyan sa kalsada. Halos 6:50 na siya nakaalis ng apartment, alanganin na ito upang pumasok sa klase nang tamang oras kahit anong pilit ang kaniyang gawin. Umabot naman ng limang minuto ang pagsubok niyang magbook ng Angkas sa tangkang matulin na pagbabiyahe, at gano'n na lang din kahaba ang kaniyang pasensiya bago niya ito isawalang-bahala at nagpasya’ng dumalo na lamang sa pilahan ng UV express dahil sa kawalan ng pagtanggap sa kaniyang booking. Pero kung minamalas nga naman ang tao, umabot ng isa pang limang minuto ang paghihintay upang mapuno ang sasakyan. Ang malala pa, hindi iyon ang pinakamatinding oras ng paghihintay dahil halos labinlimang minuto ng nakatengga sa traffic ang UV express mula nang tumakbo ito. Walang magawa si Hao kundi iinat ang kaniyang binti nang kaunti dahil sa pangangalay sa pag-upo sa isang siksikang espasyo at isandal ang ulo niya sa bintana habang nakapikit ang kaniyang mga mata, ngunit imbes na siya’y umidlip at kalimutan saglit kung paano nagsimula ang araw nang negatibo, pilit niyang inalala ang mga araling binasa niya kagabi para sa recitation ngayon, at ang pagkadismaya sa posibilidad na ang kaniyang pagsisikap ay mapupunta sa wala dahil mukhang minarkahan na siya’ng absent ng propesor. Ibinukas niya ang mga ito nang maramdaman niya ang muling paggalaw ng sinasakyan, subalit wala ring tatlong segundo nang ibinalik niya ang paningin sa kadiliman— hindi para alalahanin ang mga pinag-aralan, o magmukmok sa nalalasap na kasawian, ngunit ngayon ay ipinagdasal niya na sana ito na ang huling masaklap na pangyayari.

 

* * *

 

Hindi iyon ang huling kapaitan na hatid sa kasalukuyang araw ni Hao. Sa katunayan nga, mukhang nagsisimula pa lang ang kamalasang mararanasan ng binata.

 

mahal: bebi gising na ikaw? have a nice day!

Sent 2 hours ago.

mahal: don't forget to have your breakfast, okay?

Sent 2 hours ago.

mahal: class ka na?

Sent an hour ago.

mahal: just finished gmeet. I miss you.

Sent 30 minutes ago.

 

Unknown Number: gud am sir,,mark angelo fm 6gadgets.sir in4m k lng p kyo sa laptop nio sir,,kelngn nmn sir ifactory reset laptop nio sir pra mgwa.reply bk kyo sir 4 go sgnl thx

 

“Malungkot ka ata ngayon, Hao?” Napaangat si Hao ng tingin nang dumaan ang pangungusap na iyon sa kaniyang pandinig. Tapos na ang unang klase niya at nakatambay na lang siya ngayon sa student’s lounge kasama ang kaniyang mga kaibigan. Napailing si Hao at ngumiti nang tipid kay Taerae na siyang nagbato ng katanungan na iyon upang ilayo ang kasama sa pagbibigay ng pag-aalala, kahit na ang totoo e walang kasinungalingan sa hinuha ng kaibigan at tunay na malayo sa pagkakaroon nang maayos na kondisyon ang kaniyang sarili— dumagdag pa sa pagkakataon ang pagkasira ng napaka-importanteng gamit para sa kaniyang pag-aaral. “Wala, need daw ifactory reset ng laptop ko para maayos, e andami kong files na nakasave ro’n.”

Nagkibit-balikat si Matthew, isa pa sa mga kaibigan ni Hao, bilang senyales ng pakikinig kahit na sabay itong naglapag ng baraha dahil abala siyang nakikipaglaro ng Uno kay Taerae, “May back-up ka naman ng files mo?”

Sinuklian ito ni Hao ng simpleng tango, “I have it in my flash drive naman,” Hindi mawari ni Matthew ang hitsura ni Hao, at kung paano tila pabagsak nang pabagsak ang emosyong kaniyang pinapakita habang siya’y patuloy na nagsasalita, “pero onti na lang din talaga, bibigay na laptop ko… medyo nakakapanghinayang lang.”

“Ayaw mo ba bumili ng bago, Hao? Karereceive mo pa lang din naman ng stipend. Ang tagal na rin kasi ng laptop mo, e. High school ka pa ata niyan,” suhestiyon ni Taerae ngunit ginalaw ni Hao ang kanyang ulo sa magkabilang gilid upang ipakita ang hindi niya pagsang-ayon.

“Hindi pa kaya. Magbabayad pa ako ng upa sa apartment ngayong buwan, ayoko namang humingi kila mama hangga’t kaya ko pa,” sumipsip si Hao ng kapeng nabili niya sa kanto bago tumambay, ngunit simpait ng buhay niya ang bumungad na lasang kaniyang natikman. Malinaw niyang naalala na nagbilin at nagbayad siya ng dagdag na pera upang damihan ang gatas kesa sa kape. Bakit hindi ito ngayon pabor sa kaniyang dila? Malakas siyang tumikhim sa tangkang pagpapalayas ng katapangan sa kaniyang lalamunan upang patuloy na makapagsalita nang maayos,
“S- Siguro pupunta na lang akong comp shop para matuloy ko ginagawa ko. Kakayanin ko naman.”

“Gusto mo hiramin muna laptop ko, Hao?” Biglang napalingon ang binata sa kaniyang likod nang may magsalita malapit sa kaniyang batok. Lumulan sa kaniya ang kararating lang na si Gunwook na may suot na ngiti at nakayuko nang kaunti upang bigyan ng magaang halik sa pisnge ang katabi niyang si Matthew. Naupo ito sa pagitan nilang dalawa at dali-daling inilabas ang laptop sa kaniyang bag.

“Really? Wala ka bang ibang gagawin?” tanong ni Hao habang nangungusap ang mga mata dahil sa alok ng kaibigan.

“Yeah, but may class ako ng 11.”

Umusod papalapit si Hao upang bigyan ng yakap ng pasasalamat ang kaibigan, “Ibabalik ko rin agad, promise! May need lang akong iedit na due bukas! Thank you!” Masigla niyang sambit at bumalik sa kaniyang pwesto upang buksan ang hiram na laptop at isalpak ang flash drive na kaniyang pagmamay-ari.

Inilibot saglit ni Taerae ang kaniyang paningin at kaagad siyang pinamunuan ng pagtataka, “Asan pala buntot mo, Hao?”

Kinakunot ito ng kilay ng taong nabanggit, “Buntot?” batid ni Hao at inihinto ang pagtitipa sa keyboard ng password na ipinagbigay-alam sa kaniya ni Gunwook.

“Jowa mo,” saad ni Matthew sa ngalan ng gustong iparating ni Taerae.

“He has a name!” patutsada ni Hao, walang parte ng katawan niya ang gustong gawing biro lamang ang paraan ng pagtawag ng mga kaibigan sa kaniyang nobyo.

“Hala, oo nga, wala si Hanbin?” pansin ni Gunwook na may tono ng pagkabigla, na parang ang katotohanang iyon ay sapat na upang guhuin ang mundo ni Zhang Hao.

“Umuwi muna ng Bulacan si Hanbin,” pagpapaliwanag ni Matthew na tila nasa posisyon siya upang malaman ang lahat ng nangyayari.

“Bakit daw?” tanong pabalik ni Taerae habang nakapako ang atensyon sa kaibigan niyang parte ng relasyon, inuudyok niya ito na maglabas ng kasagutang lalabas mismo sa kaniyang bibig.

Nagpakawala ng malalim na hininga si Hao bilang repleksyon ng mabigat niyang puso dahil sa kakulangan ng presensya ng kaniyang nobyo at marahang napailing, “Walang wifi sa dorm ni bin ngayon kaya umuwi na muna siya sa kanila.”

“Online class din kasi ngayong week si bin,” dagdag muli ni Matthew. Ikinasingkit naman ito ng mata ni Hao nang hindi niya namamalayan, “Bakit mo alam?”

Ngunit umirap lamang si Matthew ng makapa ang akusadong tono sa boses nito, “Roommate ako ng boyfriend mo, malamang?! Ako pa talaga pagseselosan?” Dipensa ni Matthew habang sinusuri ang sunod na magiging galaw ni Taerae na siyang kalaban niya sa paglalaro.

Itinuro ni Hao ang sarili na para bang hindi siya makapaniwala sa narinig, “Kailan ba ako nagselos?”

Nagbigayan ng tingin ang mga kasama ni Hao nang kaniya itong sambitin at nagpakawala ng tawa nang sabay. Pakiramdam tuloy ni Hao e wala siyang pag-asa upang maipagtanggol ang sarili… kung nandito lang sana si Hanbin.

Inilagay niya sa kamay ang kaniyang cellphone bago magpatuloy sa orihinal niyang gawain. Pagkatapos ay iginalaw niya ang kaniyang hinlalaki sa lumabas na kahon ng mga letra upang bumuo at magpadala ng mensahe.

 

To: mahal

I miss you too :(

Sent!

 

Laman ng tatlong salita at isang emoticon na iyon ang libo-libo niyang damdamin.

“E bakit hindi mo na lang siya bisitahin? Kulang kulang dalawang oras lang naman biyahe pa San Jose.”

Lang,” sarkastikong saad ni Matthew at Taerae sa planong isinulong ni Gunwook.

“Tsaka kung kaya umalis niyan ni Hao, nandito pa ba ‘yan sa tabi natin ngayon? e sanggang dikit sila palagi ni bin,” komento ni Taerae at ngumisi bago bumulalas ng “Uno!”

“Andaya!”

Nanatiling tahimik si Hao imbes na iligtas ang sarili sa ibinatid ng mga kaibigan, dahil wala naman siyang intensyon na lumihis sa kung ano’ng totoo. Kung wala lang talaga siyang onsite classes sa buong linggo, wala naman siyang pakielam sa pagbagtas nang higit sa dalawang oras na biyahe para lamang mapalapit kay Hanbin at makituloy muna sa tahanan nito na kasama ang kaniyang mga magulang.

“Akala ko nga masama timpla mo kanina pagkakita natin kasi magkahiwalay kayo ngayong araw,” wika ni Matthew na nasundan ng mahinang tawa.

Napaismid si Hao dahil dito, “Yeah, that, and nalate rin ako sa first subject ko,” katwiran niya at sinimulang itutok ang kaniyang pansin sa malinis, makulay, ngunit hindi tapos na PowerPoint presentation sa kaniyang harapan.

“May recitation kayo ngayon ‘di ba? Late ka’ng nagising?”

“Pustahan nalate ‘yan ng gising kasi napuyat siya kakareview.”

“Edi hindi ka nakapagrecite kasi marked as absent ka?”

Umiling si Hao, “I did, pero binigyan ako ng 20 deduction points.” Biglang umasim ang mukha niya, pinipigilan ang sarili na magpakita ng anumang bahid ng panghihinayang dahil maswerte pa rin siya kung tutuusin, gayunpaman, normal lang siguro ikalumbay ang mga bagay na hindi pumabor sa iyong kagustuhan. Hindi naman iyon kawalan ng kuntento sa kung ano'ng mayroon ka, ngunit simple itong pagkapit sa mga pangyayari na alam mong dapat ay itinrato ka nang magiliw dahil ginawa mo ang lahat ng iyong makakaya upang magkamit ng kaaya-ayang resulta.

Ang sandaling kanilang pinagsasaluhan ay humantong sa bahagyang pamamayani ng katahimikan nang ituon nila ang atensyon sa kanya-kanyang mga gawain. Malinaw na maririnig ang tunog ng daliri ni Hao sa keyboard ng laptop habang mabilis niyang tinatranscribe ang aralin para sa kaniyang report, si Matthew at Gunwook ay abala sa pag-uusap tungkol sa ganap ng buhay ng isa't-isa, samantalang si Taerae ay biglang napunta sa kabilang lamesa upang batiin ang iba pa niyang kaibigan mula sa org na kaniyang kinabibilangan.

Nang siya ay bumalik, nagbukas siya ng katanungan para sa lahat, “Saan pala tayo kakain mamaya, guys?”

“SM Manila tayo?” pagbibigay ni Gunwook ng opinyon.

“Mix & Match na lang?” dagdag pa ni Matthew.

“Wait, tignan ko kung may pera pa ako,” singit naman ni Hao at binuksan ang bag niya upang kunin ang kaniyang pitaka. Ngunit umusbong sa kaniya ang pagtataka ng wala siyang makapa na maliit na lagayan ng pera sa loob.

“Bakit?” Napansin ito ni Matthew at tinapunan si Hao ng nag-aaalalang tingin.

Mariing napalunok si Hao at mas lalong nilapit ang bag niya sa kaniyang katawan upang magkaroon ng maayos na oportunidad sa paghahanap. Baka hindi lang maayos ang paggalugad ng kaniyang kamay. Baka nasiksik niya lang sa bulsa o kung saan. Ngunit nang lumipas ang ilang minuto at wala pa ring pitaka ang nasa kaniyang paningin, nagsimula siyang mawalan ng matinong pag-iisip.

“Bakit, Hao?”

“Nawawala wallet ko,” nanghihinang tugon ni Hao sa tanong ni Taerae na parang hindi pa siya makapaniwala.

“Saan ka ba huling gumamit ng pera?” pag-kakakulka ni Gunwook at agad na tumayo upang bigyang-pansin ang mga lugar na maaaring laman ang pitaka ng kaibigan.

Nagsimulang manikip ang dibdib ni Hao kasabay ng pamumuo ng luha sa gilid ng kaniyang mata, “Nando’n I.D ko, may 500 pang laman ‘yon, budget ko pa ‘yon bukas,” katwiran ni Hao imbes na sumagot nang matino.

“Okay, okay, hinga lang malalim. Hahanapin natin,” pagpapakalma ni Matthew at malumanay na hinagod ang likod ni Hao.

Dahan-dahang kinuha ni Taerae ang bag na hawak ni Hao upang tignan ang mga laman nito. Mayroong gamit na binder, isang piraso ng ballpen, library card, charger, power bank, tumbler na walang lamang tubig, bote ng pabango, lip balm, maliit na bilog na lalagyan ng katinko, itim na payong, at mga naipong tiket mula sa pagsakay ng bus at ejeep, ngunit walang bakas ng pitaka, o pera, o kahit kakarampot man lang na barya. Lumingon si Taerae kay Matthew na umaasang may mahahanap siya sa pangalawang pagkakataon, ngunit sumenyas si Taerae sa paraang nagpababa sa pag-asa ni Matthew.

“10:25 pa lang naman, may time pa before next subject… ‘yung kape ba na ‘yan ‘yung last mong binili? ‘Yung may stall sa tapat ng school?” pagkekwestyon ni Gunwook at itinuro ang plastic cup na nasa lamesa, sinagot ito ni Hao sa pamamagitan ng pagtango nang tahimik habang ginagawa ang makakaya niya upang huminahon.

“Sige, pupunta ako ro’n tapos magtatanong ako. Libutin niyo rin ‘yung campus tsaka tanungin niyo ‘yung guards kasi baka may nagsauli sa kanila,” utos ni Gunwook at sinukbit ang bag sa kaniyang balikat para umalis.

“Okay, just text me,” bilin ni Matthew at pinanood nila ang likod ni Gunwook na naglalakad palayo.

Ipinikit ni Hao ang kaniyang mga mata. Hindi para alalahanin ang mga pinag-aralan, o magmukmok sa nalalasap na kasawian, hindi rin para magdasal— ipinikit niya ang kaniyang mga mata sa hiling na mabawasan ang bigat ng kaniyang puso.

Dahil mukhang hindi naman siya ang gumising sa maling parte ng kama. Ang mundo ata ang gumising sa kaliwang banda imbes na sa kanan, at si Zhang Hao ang napili nitong pagbuntungan.

 

* * *

 

“Wala akong nakita, dong, e. Ibibigay ko sa guard kung meron man.”

“Sige, kuya, salamat po.”

Iyon na ata ang panglimang tindahan na napagtanungan ni Hao at ng kaniyang mga kaibigan tungkol sa kaniyang pitaka. Limang beses na ring narinig ni Hao ang mga salitang ‘hindi,’ ‘wala,’ at ‘pasensiya na.’ Gasgas na ang mga iyon sa kaniyang pandinig, ngunit wala siyang magawa kundi ilabas ang bigat sa kaniyang dibdib sa pamamagitan ng paghinga nang malakas, ngumiti nang mailap, at umakto na hawak-hawak niya ang pag-intindi sa sitwasyon. Dahil wala namang may kasalanan sa nangyari, at ayaw din niyang akuin ang responsibilidad dahil hindi niya naman inaasahang mahuhulog niya ang wallet niya. Isa pa, masyado nang mahaba ang araw sa kaniyang nakasanayan, gusto niya na lamang umuwi, humiga sa kama at magpahinga, siguro’y ilalaan ang natitira niyang lakas upang kausapin si Hanbin sa telepono, ikekwento niya ang kaniyang araw at mabubuo ito sa mga kwentong hatid ng nobyo pabalik. Pagkatapos ay ipipikit niya ang kaniyang mga mata at aasa sa tsansang mas magiging magaan ang naghihintay kinabukasan. Gano'n naman palagi. May mga pagkakataon talaga na susubukin ang kaniyang pasensiya, at kailangan niya lang magpakatatag upang makatawid sa susunod na daloy ng buhay, at pwede na siya ulit magsimula.

Naupo sila sa bakanteng pwesto sa tapat ng tindahan ng siomai na madalas nilang kinakainan, ngayo’y hindi para magbato ng katanungan kundi lagyan ng laman ang kanilang sikmura.

“Magandang hapon po, ‘tay! Apat na order po ng fried siomai with rice, salamat po!” bungad ni Gunwook sa tindero at nag-abot ng higit sa isang daan na pera.

“Promise, magbabayad ako bukas,” pakikiusap ni Hao kay Gunwook nang tuluyan itong sumalo sa kanilang lamesa at itinutok ang kamalayan sa pagbibilang ng kaniyang sukli. May dala-dalang kahihiyan ang pagkatao ni Hao, hindi kasi kailanman naging pabor sa kaniya ang pagkakaroon ng utang sa ibang tao.

“Huwag na, ano ka ba?!” suway ni Gunwook nang matapos siya sa pinagkakaabalahan at ibinaon ang pangako ni Hao sa ilalim ng kaniyang tawa, “Kapag ako naman nawalan ng wallet ililibre mo rin ako, ‘di ba?” pagpapagaan pa niya ng loob ng binata.

“Hao, kain ka muna kwek-kwek.” Hindi naman pag-aalok ang intensyon ni Matthew, dahil pagkatapos niya itong ihipan upang pawiin ang init ay walang pasabi niyang isinubo ang pagkain sa bibig ni Hao. Muntikan na tuloy siya mabulunan kaya agad siyang binigyan ng tubig ni Taerae na nasundan ng malakas nilang tawanan dahil sa kaniyang naging reaksyon.

Itinikom ni Hao ang kaniyang bibig pagkatapos uminom dahil nag-uumapaw ang kaniyang nadarama. Hindi gano'n kasarap ang suka na kapares ng kwek-kwek na kaniyang nalasahan, pero wala naman nang pake si Hao roon dahil sapat na sa kaniya ang makatagpo ng mga kaibigang nagpapagaan sa mabigat niyang bagahe na humahantong upang gawing ekstraordinaryo ang mga normal at hindi kaaya-ayang bagay.

Ipinatong niya ang kaniyang baba sa kaniyang palad nang hindi niya maiwasang mapatulala sa sahig. Hindi naman porket pakiramdam niya ay kaya niya nang tiisin ang kalbaryo ay magiging mabuti na rin ang kaniyang lagay. Kuntento naman siya sa kanlungan ng mga kaibigan, ngunit hindi niya maiwasang isipin na may kulang na parte ang kaniyang puso— may nawawala, hindi makakapagfunction nang maayos hangga’t hindi nakukumpleto.

Hindi buo dahil wala’ng Hanbin sa tabi niya.

Hindi mapigilan ni Hao na mainis nang kaunti sa sarili dahil minsan niya nang ipinangako na hindi siya magiging katulad ng iba na hindi kayang mabuhay nang wala ang kanilang other half. Nang ipagbigay-alam ni Hanbin na mawawalay siya ng isang linggo, ang pinakamalapit lamang na deskripsyon sa emosyong ipinakita ni Hao ay ang pagpapaalam ng isang tao sa hindi niya gaanong kalapit na panyero. Ngunit ngayon na aktwal niya itong nararanasan, walang deskripsyon ang tugma upang ilarawan ang hirap. Walang araw na hindi iniisip ni Hao ang presensya ng nobyo, at ang mahika nitong taglay upang hindi lang pagaanin, kundi ganap na alisin ang pagod na nararamdaman ng binata. Gusto niya sanang umiyak, magwalling, o dramatikong lumuhod sa sahig habang humahagulgol, ngunit sadyang kalabisan naman ang mga iyon.

Kaya naman ng maramdaman niya ang paglapag ng plato na may lamang kanin at siomai, iniangat niya ang kaniyang tingin at pinilit na ayusin ang sarili. Ngunit nang ibuka niya na ang bibig para magpasalamat, napagtanto niyang wala na ang mga kaibigan sa kaniyang tabi, at pumalit ang anyo ng isang lalaking nakaupo sa kaniyang harap, nakasuot iyon ng sumbrero at nakangiti sa kaniya nang malapad. Awtomatikong nanlaki ang mga mata ni Hao.

“Masama raw araw mo ngayon, mahal?”

Alam ni Hao ang boses na iyon kahit sa gitna pa ng busina ng mga sasakyan at ingay ng mga tao. Malambing. Puno ng pagmamahal. Para sa kaniya lamang. Saksi ang tatlong piraso ng siomai at isang takal ng garlic rice kung paano mabilis na tumayo si Hao sa kaniyang kinauupuan upang bigyan ng mahigpit na yakap si Hanbin.

“Anong ginagawa mo rito?” malabo pa ang mga salita ni Hao dahil kasalukuyang nakabaon ang kaniyang mukha sa dibdib ng minamahal, unti-unti ring nababasa ang damit ni Hanbin dahil kung kanina ay iniisip lamang ni Hao ang pag-iyak, ngayon ay tuluyan nang nagpapakawala ng luha ang kaniyang mga mata.

Ngumiti nang matamis si Hanbin nang marinig ang boses ni Hao. Marahan niyang tinapik-tapik ang likod ng nobyo upang ito'y pakalmahin, at nang siya’y nakatiyak na sapat na ang oras na sila’y magkadikit, inialis ni Hanbin sa bisig niya si Hao upang pagmasdan ang mukha nito at punasan ang mga luha niya gamit ang kaniyang hinlalaki. Wala naman ang salitang malabo sa bokabularyo ni Hanbin, dahil pagdating kay Hao, ang lahat ay malinaw at sigurado, kaya naman nagbigay din siya ng diretsong sagot.

“Gusto ko kasi kumain ng siomai.”

Natawa si Hao sa narinig at mahinang hinampas si Hanbin, “Dumayo ka pa talagang Maynila para lang kumain ng siomai?”

Inenganyo ni Hanbin ang nobyo na bumalik sa kanilang pwesto. Samantalang inilibot ni Hao ang paningin upang hanapin kung saan bigla napadpad ang mga kaibigan. Nando'n sila sa kabilang gilid, payapang ngumunguya ng siomai at masayang pinapanood ang mini reunion ni Hao at ng kaniyang kabiyak.

“And I came to give you this.”

Nagningning ang hitsura ni Hao nang makita ang pitaka niya sa kamay ni Hanbin.

“You found it?!” masigla niyang sambit at hindi magkanda-ugaga na mahawakan at suriin ang mga laman nito. Sa kasiyahang palad, nando'n pa rin ang sari-sari niyang ID, ang pera niya para sa buong linggo, at ang polaroid picture na kuha ang mukha nilang dalawa na kaniyang pinaka-iingatan.

“Sinubukan kong magtanong tanong kanina pero wala raw nakakita,” pagpapaliwanag ni Hanbin at inurong ang plato ni Hao papalapit sa kaniya.

“Edi saan mo nahanap?”

Pinisil ni Hanbin ang piraso ng kalamansi, nagbuhos ng saktong toyo, at sinamahan ng katamtamang chili oil na pasok lamang sa panlasa ni Hao bago siya nagsalita, “Nagpost ako sa freedom wall ng school, luckily may student na nakapulot and minessage nila ako.” Pagkatapos ay ibinalik niya ang plato sa direksyon ni Hao at inanyayahan ang nobyo na simulan ang pagkain.

“Sabi nila tinry ka raw nilang icontact but hindi ka nagrereply.”

“Thank you,” sinserong ani ni Hao, at iyon na ata ang unang beses sa araw na hindi pilit ang ngiting lumabas sa kaniyang labi.

“I just have a question,” ipinagkrus ni Hanbin ang braso sa kaniyang dibdib. Ipinahaba naman ni Hao ang kaniya upang abutin ang bibig ni Hanbin at subuan siya ng piraso ng siomai na walang pag-iisip din niyang tinanggap.

“What is it?”

Sinigurado ni Hanbin na wala nang laman ang kaniyang bibig bago magsalita, “Bakit hindi mo sinabi sa ‘kin?”

Ikiniling ni Hao ang kaniyang ulo bunsod ng pagkalito, “Tell you what?”

“I have to hear from your friends pa na you're having a hard time.”

Napahinto si Hao sa pagsandok ng kanin sa kutsara at matamang tinitigan ang nagmamaktol na si Hanbin. Hindi naman tunog galit ang pagkakabigkas niya no’n, sa katunayan ay malumanay pa nga ito na sapat lamang upang iparating kay Hao na gusto niyang malaman at intindihin ang dahilan ng kaniyang aksyon.

Walang bahalang ikinibit ni Hao ang kaniyang balikat, “Ayaw lang kasi kitang istorbohin.”

Napaismid si Hanbin bilang tugon.

“Hao,” matatas niyang pagtawag, “If there comes a time when I treat you as an ‘istorbo,’ I need you to punch me in the throat hard so I can come to my senses.”

Itinaas ni Hao ang kanan niyang kilay at determinadong tumango, “Oh, I will.”

Hindi mapigilan ni Hanbin ang mamula nang mapansin ang mapang-asar na mukha ni Hao, kaya naman idinapo niya ang kamay sa labi at pasintabing tumikhim.

Lumipas ang oras kasabay ng paglalim ng gabi. Natapos silang kumain, ngunit nagpatuloy ang kanilang kwentuhan tungkol sa mga makabuluhan at walang kwentang bagay. Hindi rin huminto ang ligayang dala-dala ni Hao sa kaniyang puso na dulot ng pakikipag-usap kay Hanbin nang harap-harapan at walang bumabalakid na malayong distansya. Lumalalim ang gabi at kinailangan nang magpaalam ng mga kaibigan ni Hao upang umuwi. Hindi man nababawasan ang mga tao sa kainan maski ang ingay ng mga sasakyan bunsod ng rush hour, ngunit pabawas na nang pabawas ang enerhiya ni Hao at Hanbin kaya may mga pagkakataong sila’y mananahimik, dadamhin ang simoy ng hangin habang pinapakinggan ang tunog ng lumang telebisyon na nagpapalabas ng unang teleserye ng gabi, pagkatapos ay sila ay mabibingi sa malakas na paghiyaw ng Maynila na halatang gustong magpapansin sa mga tao nito. Mas lalong sumaya ang puso ni Hao sa kapayapaang namamagitan sa kanilang dalawa ng nobyo, lalo na ngayong nakasandal ang ulo niya sa balikat ni Hanbin at dahan-dahan na siyang hinihila ng antok.

“Hindi ka pa ba uuwi? Mag-aalas otso na, ah?” tanong ni Hao na para na lamang bulong sa hangin ang lakas. Hindi naman sa tinataboy niya na ang kasintahan sa kabila ng pananabik niya rito sa buong araw, pero ayaw niya rin namang mahirapan ito sa pagkokomyut.

Umiling si Hanbin kahit ba’y nililimitahan niya ang paggalaw upang hindi maistorbo si Hao, “Hindi na ‘ko uuwi.”

“May internet ka na ulit sa dorm?” bakas ang tuwa sa boses ni Hao dahil sa nalaman.

“Wala pa rin, pero inaya muna ako ni Taerae na tumuloy sa condo niya, okay lang naman daw sa roommate niya basta aalis din ako after one week.”

Hindi inaasahan ni Hao na aalukin siya ni Taerae ng gano'ng bagay, “Talaga?”

“Ayaw ako pauwiin ng mga kaibigan mo, e. Baka masyado mo raw kasi akong mamiss,” biro ni Hanbin na kinarolyo ng mata ni Hao.

“Bin?”

“Hmm?”

“Huwag ka na aalis ulit, ah?”

Natawa nang mahina si Hanbin dahil dito kaya siniko siya ni Hao, “Seryoso nga! Aagawin na kita kila mama, itatanan na kita!” mas lalong kinainis ni Hao nang lumakas ang hagikgik ng nobyo.

“Anong nakakatawa?” pagtataray niya kaya naman minabuting itago ni Hanbin ang kaniyang emosyon at sinimulang haplusin ang buhok ni Hao.

“Nothing,” tipid niyang sabi at tinaniman ng malambot na halik ang noo ni Hao, “Let's do that.”

Kaya naman kasing aminin ni Zhang Hao na napasarap lang talaga ang kaniyang tulog, at aakuin naman niya ang kasalanan ng paggising nang tanghali at magkaroon ng deduction sa graded recitation nila. Maiintindihan naman kasi ni Zhang Hao na wala nang pag-asa ang traffic sa Pilipinas. Tatanggapin naman niya ang katotohanan na matagal na ang kaniyang laptop at panahon na rin upang ito'y masira. Matitiis naman ni Zhang Hao ang mapait na kapeng nabili niya sa kanto, o kung bakit biglang iba na ang timpla ng sawsawan ng paborito niyang turo-turo. Pwede namang habaan ni Hao ang pasensiya sa paghahanap ng kaniyang pitaka, o kung totoo man siyang malas at walang intensyon ang nakapulot na ito’y ibalik, dadaan na lang siya ulit sa proseso ng pagkuha ng ID at pagkakasyahin ang natitira niyang pera. Pero kapag wala ang nobyo sa tabi niya? Para siyang kakapusin ng hininga at nandidilim bigla ang paligid. Hindi na sumisikat ang araw, at hindi na humuhuni ang mga ibon.

Ipinikit muli ni Hao ang mga mata habang dinaramdam ang haplos ni Hanbin. Sa wakas ay hindi para alalahanin ang mga pinag-aralan, o magmukmok sa nalalasap na kasawian, hindi rin para magdasal, at hindi dahil mabigat ang kaniyang puso, ngunit dahil kalmado siya sa kaniyang kinalalagyan, sa yakap at presensya ni Hanbin, na may hatid na panatag at katahimikan.

Notes:

Bakit hindi na lang magpaload si Hanbin? Ewan ko rin. You can talk to me on twitter ^^