Actions

Work Header

sa pagitan ng tapos at simula (minsan sa litrato at pinta)

Summary:

kung hindi malikot si shoyo hinata, hindi mawawala ang number nila. kung hindi siya malikot, hindi niya siguro makikilala si tobio kageyama.

or

a filipino reincarnation fic sa buwan ng wika that no one asked for.

Notes:

(See the end of the work for notes.)

Work Text:

   "Sa lahat ng mawawala, number pa ng gamit natin, 'no?"

    Nakagat na lang ni Shoyo ang labi nang sabihin iyon ni Tsukishima. Hindi naman siya makaalma dahil alam niyang kasalanan niyang nawala niya ang number nila. 

    "Mahahanap din natin 'yun. O kaya kapag hindi pa natin nahanap after five minutes, sabihin na natin sa guard." Naging mahinahon man si Yachi, alam ni Shoyo na kinakabahan din ito sa sitwasyon nila kaya mas lalo siyang na-guilty.

    "Sorry na kasi," naiiyak niyang sagot.

    Umirap lamang si Tsukishima pero bahagya nitong tinapik ang balikat niya. Paikot-ikot ang mata nilang tatlo, malamang ay nagtatakha na ang iba pang namamasyal dahil sa dami ng art pieces, silang tatlo ang tanging mukhang interesado sa sahig ng museo.

    Mangiyak-ngiyak lalo si Shoyo habang umiikot ang maga dahil siya rin naman ang dahilan kung bakit sila nasa museo na ito. Hindi kasi siya mapakali sa panaginip niyang ilang araw na siyang ginagambala.

    Hindi niya sigurado kung anong panahon iyon dahil hindi naman siya interesado sa history ng Pilipinas. Kung walang bunot, floorwax, at paso, paniguradong hindi siya ipapasa ng guro niya sa Hekasi noong elementarya. 

    Sa isip niya, panahon iyon ng Espanyol dahil sa mga kasuotan nilang barong, maging ang suot ng kapatid niya na saya—ngunit hindi rin siya tiyak dahil sa pananalita ng kanilang kausap.

    "I can't afford to lose this, my love."

    Napapikit sandali si Shoyo dahil sa boses na naman sa isip niya. Saglit siyang tumingala, at nasaktan lang ang mata dahil dumiretso ang liwanag ng ilaw sa mata niya.

    "Huy, okay ka lang?" 

    Nilingon niya si Yachi na humawak sa braso niya. Napansin niya rin si Tsukishima na walang emosyon ang mukha habang nakatingin lang din.

    Ngumiti siya. "Oks lang. Nahilo lang nang slight."

    "Pwede naman tayong huminto muna saglit, Sho." Lumingon si Tsukishima bago ibinalik ang tingin sa kaniya. "The worst that could happen would probably be having us wash the plates."

    Natawa siya roon ngunit pinigilan niyang lumakas ang boses niya. "Ano 'to, resto?" 

    Ngumisi lang si Tsukishima.

    "Pero 'di nga, ayos lang ako." At nagthums up pa siya para mas sigurado.

    Doon lamang tumango si Yachi. "Ganito na lang. Hiwalay tayong tatlo, hindi pa naman tayo nakakaakyat so rito na lang sa floor na 'to tayo mag-ikot tapos after 30 mins, balik tayo rito." Tiningnan niya ang dalawang lalaki. "G?"

    "Goods me," sagot ni Shoyo kasabay ang pagtango ni Tsukishima.

___

 

    Tulad ng napag-usapan, naghiwa-hiwalay silang tatlo. Hindi pa rin nawawala ang guilt ni Shoyo dahil imbis na sana ay nage-enjoy sila, lalo na si Tsukishima sa pagkuha ng litrato, heto sila at naghahanap ng nawawalang number ng gamit nila. 

    "Tatanga-tanga kasi eh," bulong niya sa sarili.

    Malakas siyang bumuga ng hangin at pinasok ang silid na alam niyang sinaglit lang nila dahil marami ang tao kanina. Ngayon, iginala niyang muli ang mata ngunit kasabay nito ang panlalamig dahil tila mas lumakas ang aircon. Wala na kasi ang mga tao, bukod sa isang matandang lalaki sa dulo ng silid.

    “Kanina ko pa ‘to gusto ikutin.” Kahit na may hinahanap, nakaramdam pa rin ng tuwa si Shoyo dahil medyo nasolo niya ang kwarto. Kanina niya pa ito tinitingnan pero ayon nga, dahil sa dami ng tao, hindi sila nagtagal.

    “Bakit?”

    Nanlaki ang mata ni Shoyo nang magsalita ang matanda.  Oo nga pala, walang masyadong tao kaya kahit bulong ay maririnig ang echo sa silid.

    “Po?” magalang niyang tanong.

    Humarap sa kaniya ang matanda at doon niya lang ito natingnan nang tuluyan. Nakasuot ito ng asul na polo at brown na short. Maputi ang matanda, at mayroon itong katangkaran. Mukhang heartthrob sa panahon nila.

    “Bakit gusto mo itong ikutin? Mukhang wala namang magandang tingnan dito. Puro lamang litrato galing sa hindi kilalang tao,” sagot nito, nawala ang mata dahil sa pagkakangiti.

    Gusto mang ma-offend ni Shoyo dahil sa sinabi ng matanda, tama naman ang tinuran nito kung titingnan mula sa perspektibo ng isang taong hindi hilig maningin ng mga larawan. 

    “Ah, ako po kasi interesado sa mga pictures. Ang galing nga po at may ganitong section dito ngayon. Hindi po nila ginagawa ito masyado,” sagot niya, tinutukoy ang pagbibigay ng museo ng silid sa mga hindi kilalang maniniyot. “At tingin ko naman po ay maraming may gustong tumingin, ang dami po ng tao rito kanina eh.”

    Tumango ang matanda. “Hmm, siguro nga. Hindi ko na lang papansinin na hindi naman nila tiningnan nang mabuti ang larawan dahil matapos nilang mag… selfie, ay agad din silang nagsisipag-alisan.” At muling tumingin sa larawang kanina pa nito tinitingnan. 

    Gusto mang sumagot ni Shoyo na marahil ay ganoon ang kanilang paraan ng pag-appreciate sa pictures, hindi niya na itinuloy. Mukhang attached ang matanda sa silid at baka ito naman ang ma-offend niya kung susubukan niyang ipagtanggol ang iba.

    Sa halip na magsalita pa, bumaling si Shoyo sa larawang katabi niya. Tatlong litrato ito ng bukid, mukhang bagong kuha lamang dahil sa linaw. Sa gilid nito makikita ang pamagat, “daanan lamang”. Kung titingnan, mababaw ang pamagat ngunit habang tinitingnan ni Shoyo, nakikita niya na iisang bukid man ang nasa likod, sa unang litrato ay may naglalaro, sa ikalawa ay may naglalaba, at sa ikatlo ay bukid lamang.

    “Ang astig…” 

    Sunod-sunod niyang tiningnan ang mga litratong kuha ng mga hindi kilala. Namamangha siya dahil dama ang istorya ng bawat kuha, at gusto niya ring ganoon ang mararamdaman ng makakakita ng kuha niya kahit na hindi naman siya professional.

    Nang makarating sa dulo kung saan wala na ang matanda, hinanap niya ito at nakitang nakaupo na ito ngayon sa bench sa gitna ng silid. Ngumiti si Shoyo sa sarili at nilingon ang litratong mukhang paborito ng matanda. 

     Huh…

     Hindi ito litrato. 

    Hindi… litrato ito. Litrato ng isang painting.

     “Ang likot!”

    Muling napapikit si Shoyo dahil sa pagsakit ng kaniyang ulo. Sinubukan niyang idilat ang mata upang titigan nang maayos ang litrato. Masasabi niyang matagal na ang litrato dahil sa quality, at may pagka-blurred din na para bang gumagalaw ang kumuha nito. 

    “Tino at Silas,” bigkas niya sa pamagat nito.

    Dahil sa kalabuan, inilapit niya ang mukha upang makita ang painting sa larawan. Isiningkit niya ang mata, at tila ba nanikip ang kaniyang dibdib nang makita ang tila dalawang binata na nakatalikod.

    “Aray,” bulong niya sa sarili. Gusto man niyang kumapit sa kung saan, hindi niya magawa dahil hindi niya gustong makasira ng pagmamay-ari ng museo. 

    Suminghap siya, kumuha ng hangin habang ang mata ay nakatingin sa dalawang binatang nakasuot ng itim na tuxedo, nakatalikod ang dalawang ito, at nakaharap sa tila isang lumang bahay.

    “Pareho kayo ng naging reaksyon ng apo ko nang makita niya ang painting na ‘yan.”

    “Ay, jusko po lolo—nagulat ako sa inyo!” Kung hindi niya napigilan ang sarili, malamang ay nahampas niya pa ito.

    Mukhang natawa ang matanda dahil doon. “Pasensya na, nagulat ba kita?”

     Ay hindi po! Muntik lang po akong atakihin sa puso.

     Hindi siya umimik at ngumiti na lang.

    “Hindi ko maalala kung pang-ilang lolo, ngunit kapatid daw ng aming ninuno ang lalaki sa kaliwa—si Tino.” Itinuro nito ang lalaking may itim na buhok. Ang kamay ay nakapatong sa balikat ng lalaki sa kanan, ‘di hamak na mas maliit kumpara rito. “Ang kwento sa akin ng lola ko, magkaaway raw ang dalawang iyan noon. Palaging nagpapaligsahan sa kung sino ang magaling sa kung saan.” Natawa ito. 

    “Talaga po?” nagulat niyang tanong dahil kahit na nakatalikod, dama niya ang tawa mula sa dalawang binata.

    Tumango ito. “Oo, ngunit nang mawala ang ama niyang lolo ko, nawalan din daw ng gana sa lahat, pero hindi hinayaan iyon niyang kaibigan niya.” Ngumiti ito. “Lagi raw binabato ng maliit na bato ang lolo ko hanggang sa napikon ito.”

    Sabay silang natawa sa sinabi nito. Hindi alam ni Shoyo ngunit ang gaan sa dibdib ng ikinekwento ng matanda.

    “Bumalik daw ang sigla ng lolo ko, at iyan ang araw na ipininta sila ng isa pa nilang kaibigan dahil iyan lang araw na nakita nilang nagtatawanan ang dalawa sa harap ng maraming tao,” dagdag nito. 

    “Ano pong nangyari sa kanila?” udyok niya. Nagsisimula nang bumigat ang kaniyang pakiramdam. 

    Naglaho ang ngiti sa matanda. Hindi siya nito binigyan ng tingin bago nagsalita. “Ang bahay na iyan sa tapat nila sa painting ay ipinundar nila pareho. Isang gabi, bago pormal na tirhan ang bahay na iyan, diyan sila naglagi upang matulog.” Nanghina ang boses nito. “Dahil maraming natutuwa sa buti ng magkaibigan na iyan, may mga nainggit at sinunog ang bahay. Ang sabi ng aking ama, muntik nang hindi makaligtas ang lolo ko sa sunog kung hindi siya itinulak mula sa ikalawang palapag ng kaniyang kaibigan. Himala nga raw na iilang lapnos at bali ng buto lamang ang nakuha ng aking lolo. Mabilis daw ang naging pagkalat ng apoy, at dahil sa bali ng buto na nakamit, hindi niya na nabalikan ang kaibigan,” pagpatuloy nito.

    Hindi namalayan ni Shoyo na tumulo na ang kaniyang luha habang nakikinig sa kwento ng matanda. Tila nararamdaman niya sa kaniyang balat ang lapnos na sinapit ng kaibigan ng lolo ng matanda sa tabi niya. Hindi siya makapagsalita, at ang mata ay nakatutok lamang sa litrato sa harap nila.

    “Pasensya ka na kung nagdulot pa ako ng kalungkutan sa iyo. Natuwa lang ako dahil pareho kayo ng reaksyon ng aking apo, dahilan kaya niya kinuhanan ng litrato ang painting na iyan.”

    Umawang ang bibig niya. “Apo niyo po ang nagpicture?”

    Tumango ito. “Oo, bata pa siya no'n kaya nanginginig pa ang kamay.” Tiningnan siya nito, sinipat mula ulo hanggang paa. “Tingin ko ay kaedad mo ang apo ko na iyon.”

    Dahil hindi niya alam ang sasabihin, hindi na lamang siya umimik. Muli, tinitigan niya ang larawan na nagpabigat sa kaniyang puso. Nilibot niya ang paningin sa silid at doon lamang napansin na may mga pumapasok nang muli upang kumuha ng litrato.

    “Gusto ko po sanang itanong kung anong nangyari sa lolo niyo…” tanong niya, ang mata ay ibinalik sa larawan. 

    “Mahaba raw ang naging buhay nito, ngunit hindi na muling bumalik ang sigla. Tila nang kinuha ng Panginoon ang kaibigan, kinuha rin siya Nito mula sa kaniyang pamilya.”

    Doon siya tuluyang nanahimik. Masyadong bumigat ang naging pakiramdam ng naging silid, at muling siyan napakapit sa dibdib dahil hindi siya makahinga. Kumurap si Shoyo nang paulit-ulit na mukhang napansing ng matanda dahil agad itong sumaklolo sa kaniya.

    Hindi niya marinig ang sinasabi nito at tila sumarado ang kaniyang tainga. Naramdaman na lamang niya ang pag-akay nito sa kaniya, maging ang pagdampi ng kaniyang balat sa upuan. 

     “Dito tayo titira?”

     “Dito tayo titira.”

    Malakas siyang suminghap, nabigla at agad na inikot ang paningin. Nalaglag ang mata ni Shoyo sa number tag sa bulsa ng matandang katabi at tila nagising siya sa dapat niyang ginagawa.

    “P—pasensya na po sa abala… may hahanapin pa po ako.” Tumayo siya at dire-diretsong lumabas ng pinto. Hindi niya na pinansin ang tawag ng matanda at naglalad nang hindi alam ang patutunguhan.

     Lumang panahon, kasiyahan, nasusunog na bahay, umiiyak nang walang dahilan—wala naman ako sa KDrama anong nangyayari sa'kin?

     Naiinis siyang bumalik sa paghahanap ng number tag, kahit na mabigat pa rin ang puso. Mas bumigat pa dahil trenta minutos na ang nakalipas, wala pa rin siyang number tag na nahahanap.

    Bigo siyang bumalik sa napag-usapang kitaan at naabutan niya na roon ang dalawang kaibigan. Nag-uusap ang dalawang ito at hindi napansin nag pagdating niya.

    “Musta?” bungad niya.

    “Sho!” salubong ni Yachi. “May nakita ka?”

    At mas lalo siyang nalugmok.

    “Ayos lang. Nagtanong ako kanina sa guard kung anong gagawin, magbabayad lang naman daw tayo ng fifty pesos,” singit ni Tsukishima.

    “Yung gamit natin?” 

    “Basta marecognize natin.”

    Malungkot man, sabay nilang tatlo tinahak ang daan papunta sa baggage counter. Mahaba ang pila dahil hapon na rin, at marami nang nag-uuwian.

    “Okay ka lang ba talaga?” muli, tanong ni Yachi. 

    “I told you, it's fine. Fifty pesos lang, tangeks.” Si Tsukishima ulit. “Namumutla ka oh.”

    Ngumit siya sa pag-aalala ng mga kaibigan. Hindi niya alam kung sasabihin niya ang nangyari, o hahayaan na lang ang sariling isipin ito hanggang sa makalimutan niya.

    Pero… “naniniwala ba kayo sa reincarnation?” 

    Nagkatinginan si Yachi at Tsukishima na agad niyang ikinahiya. Sana hindi isipin ng dalawang ito na ang weird niya. 

    “Oo?” patanong na sagot ni Yachi. “Nice thought, actually. Imagine being alive before, knowing na ‘yung mga taong nakakasalamuha mo ay namasalamuha mo na sa past life.”

    Tinaasan siya ng kilay ni Tsukishima. “Not really. Ayoko na ng second life.”

    Natawa sila sa sagot ni Tsukishima.

    Akmang magsasalita pa si Shoyo nang may mahagip ang paningin niya. Nanlaki ang mata niya nang makitang muli ang matandang kausap niya kanina pero ngayon ay may kasama na itong dalawang binata na mukhang kaedad nila. Ngunit ang paningin ni Shoyo ay sa nakasuot ng puting hoodie, at black na short. Nakasimangot.

     Pero hindi iyon ang dahilan ng gulat niya. Sa kamay nito, nandoon ang kanina pa nilang hinahanap.

      9

     “Number natin ‘yon ah,” bulalas niya.

    Mukhang naagaw nila ang atensyon ng dalawa dahil agad itong tumingin. Nagkatinginan sila ng matanda, at agad siyang kumaway. Bagama't nahiya siya dahil iniwan niya ito, nakaramdaman pa rin siya ng gaan. 

    “Kilala mo, Sho?”

    “Kanina lang.”

    Nang makalapit sa kanila ang dalawa, agad na ipinaliwanag ni Shoyo ang nangyari. Sinabi niya pa kina Yachi kung paano niya nakilala ang matanda, at habang nagkkwento siya, hindi niya mapigilang mailang dahil sa titig ng binata sa tabi ng lolo nito.

    “Ay apo, ito iyong bata na sinasabi ko sa'yo kanina. Mukhang nagustuhan niya rin iyong painting na kinuhanan mo noong bata ka pa.” Humarap ito sa kaniya. “Apo ko, si Tobio, at kaibigan niya. Si Tadashi.”

    Kahit naiilang, ngumiti si Shoyo sa kaharap. “S—”

    “Silas,” biglang banggit ni Tobio.

    Ilang segundong katahimikan ang namutawi sa pagitan nilang anim bago siya unang nakabawi. “Shoyo, ako si Shoyo,” ngumit siyang muli. “Ito naman po ang mga kaibigan ko, Hitoka at Kei,” pagpapakilala niya.

    Matapos iyon ay mukhang nakahanap ng pag-uusapan ang apat, at siya ay naiwan kay Tobio. Nilingon niya ito dahil hindi pa rin nito binibigay sa kaniya ang number nila.

    “Uh… kami na next, pwede ko na makuha?” 

    Walang emosyon siyang tiningnan ni Tobio. Naiinis siya rito, hindi niya alam kung bakit. Ngunit naiinis din siya dahil ang bilis ng tibok ng puso niya ngayong magkatabi sila.

    “Salamat,” bulong niya. 

    “Sa susunod, ‘wag tanga. Baka ‘yung iba, i-claim agad gamit niyo.” Iyon na ata ang pinakamahaba nitong nasabi sa ilang minuto nilang magkatabi.

    Nilingon niya ito, tuluyang nainis. “Maka-tanga?” Sumimangot siya. “Ikaw nga tinawag akong Silas.”

    “Connect?”

    “Wala, nakakainis ka lang.”

    “Para kang tanga.”

    “Kakikita pa lang natin, nakaka-dalawang tanga ka na!”

     “Shh!” 

    Naikom ni Shoyo ang bibig dahil sa sumaway na guard. Si Tobio kasi!

    “See? Tanga—”

    Sinubukan niyang suntukin ito. “Wala ka bang alam na ibang insulto?” galit niyang tanong, pero hindi niya maikaila. Ang gaan ng loob niya habang nagsasalita ito.

        “Tobio, nakakainis ka.” Hindi niya alam bakit niya sinabi iyon.

    Mula sa gilid ng mata, tiningnan siya nito. “Naiinis din ako sa'yo.”

    “Kung—”

    “Next na po!”

    Naudlot ang sasabihin niya dahil siya na ang kukuha ng gamit. Nang makuha, agad niyang tiningnan si Tobio na nasa likod niya lang saka inilabas ang dila, na sinagot lang nito ng irap.

    Walang naintindihan si Shoyo sa naging ganap sa araw na ito, pero ang alam niya, gusto niyang umiyak na naman, at ayaw man niyang pansinin, iniisip niya kung ito ba ang sagot sa ilang araw niyang panaginip. Si Tobio ba ang dahilan kung bakit siya nandito sa museo ngayong araw na ‘to?

    Kung oo… sana, oo.

    

Notes:

filipino fic for august!!