Work Text:
Grabe din si Lord.
'Pag nagpadala ng pagsubok, sabay-sabay.
Ibang klaseng kapaguran ang nararamdaman ngayon ni Sunghoon. Grabe talaga ang hirap mamuhay sa Pilipinas. Buong araw ka na nga nagtatrabaho, kailangan mo pa mag-commute ng mahigit isang oras pauwi. Sayang din yung oras na binabyahe, pwede na sanang ipahinga at ihiga sa kama.
Pagkatapos ng trabaho niya, kailangan pa niya mag-abang ng jeep. Malas, dahil alas syete na ng gabi, kalagitnaan pa lang ito ng rush hour. Punuan malamang ang mga jeep.
May sampung minuto rin itong naghintay bago nakapag-para ng jeep na maaari niyang isiksik ang sarili niya. Pag-upo niya sa may likuran ng drayber, may nakatabi siyang isang lalaki, base sa uniporme nito ay kolehiyo pa lamang, na parang siksik na siksik sa gilid niya dahil sa katabi nitong isa pang lalaki na medyo may edad na. "Malamang kaedaran ito ni tatay", aniya sa kaniyang isip.
Hindi ito pinansin ni Sunghoon. Itinuon na lamang niya ang kanyang atensyon sa tumutugtog sa speaker ng jeep.
"...ng walang takot at walang pangamba.. tadhana'y merong trip---"
Napatigil sa pagsabay sa kanta si Sunghoon sa kanyang isip dahil muling sumiksik ang katabi nitong lalaki sakanyang gilid. Hindi na ito nakatiis dahil napipitpit na ito sa bakal sa sandalan ng upuan ng drayber kaya bumaling na ito sa katabi.
Nagulat siya sapagkat nakatingin na ito sakanya at parang hindi maipinta ang mukha. Nanginginig pa ang pang-ibabang labi nito. Sa pagtataka, inilibot ni Sunghoon ang kanyang paningin sa binata at nakita niyang ang katabi nitong mama ay nakahawak sa kanyang hita.
Agad napailing si Sunghoon. "Kuya, maling hita yata ang hawak mo", malakas na sabi ni Sunghoon. Sa lakas ng kanyang pagkasabi, agad napatingin ang lahat ng mga pasahero sa mama dahilan upang alisin nito ang pagkakahawak sa binata.
Ang ibang mga magulang na nasa jeep din ay sabay sabay na nagsabi-sabi.
"Napakadami talaga ng bastos ngayon, walang pinipili. Balot na balot naman ang binata. Naku"
Hindi pa rin nakuntento si Sunghoon. "Palit tayo ng pwesto." Agad namang sumunod ang binata at nagpasalamat.
"Salamat po, kuya." Sa unang pagkakataon mula ng makilala niya ang binata, nakita niya itong ngumiti at sabihin na nating dramatic at oa, pero parang nagliwanag talaga ang paligid. "Sunoo", sambit ng binata.
Para namang natanga sa kanyang pwesto si Sunghoon at tanging, "Ha?" na lang ang kaniyang nasagot.
Nang maintindihan niya ang nais nitong sabihin, ginantihan naman niya ito ng kanyang ngiti, "Sunghoon".
Grabe din si Lord.
'Pag nagpadala ng biyaya, sabay-sabay.
