Work Text:
Alam na agad ni Renjun kung kanino galing ang mga yabag na papalapit sa kanya. Siguro dahil halos kalahati na ng buhay niya nang kinakabisado ang tunog ng mga ‘to. Maingat kahit alam mong nagmamadali. Nagmamadali dahil magsisimula na ang seremonya.
“Nandito ka,” bulong ni Mark nang tumabi na ito sa kanya. Medyo hingal pa ang boses nito. Halatang tumakbo para lang hindi ma-late. Sino ba kasing gugustuhing ma-late sa ganito?
“Malamang, alangan namang ako pa wala?” Balik ni Renjun sa kanya na may kaunting pagsusuplado, ‘yong ‘di masyadong halata. Saka na niya pagsasabihan si Mark kapag nakalabas na sila ng simbahan.
Natawa lang si Mark. Mahina lang. Magsisimula na ‘yong misa. Sakto lang ang dating niya.
Hindi na pinigilan ni Renjun maiyak. Siguro kasi, nandoon siya para mapanood kung paano makarating dito sila Donghyuck at Jeno. Kahit si Hyuck lang naman talaga ang malapit sa kanya noong una, naging parang bestfriend na rin niya si Jeno. Kay Jeno siya nagrereklamo kapag naiirita siya kay Hyuck, at mas madalas pa sa madalas ‘yon. Naisip rin niya na oo nga, matanda na sila, nasa ganitong edad na sila. Unti-unti nang kinakasal ang mga kaibigan nila. Si Renjun? Siyempre naiisip niya rin ‘yon, na baka posible rin para sa kanya. Na baka ito rin pala ay para sa kanya, ‘yon ang kung may papayag o magpapapayag sa kanya.
Hyuck, madalas akong maligaw, wala akong sense of direction, sabi mo. Pero kung wala nga, bakit tumama naman ako sa daan papunta sa’yo. Ang dali nga eh. Walang pagod, ni hingal.
Pinapangako ko sa’yong mananatili sa tabi mo, sasamahan ka saan mo man gusto, kasi dahil sa’yo natutunan kong gusto ko rin pala makita ang buong mundo, basta ikaw ang kasama ko.
Kitang kita ni Renjun ‘yong saya nila Hyuck at Jeno, damang dama din niya. Ang tagal nilang hinintay ‘to at nakita rin ni Renjun kung paanong talagang saktong sakto sila para sa isa’t isa, laging nagtatagpo sa iisang punto, tamang tama lang. Sino ba naman si Renjun para hindi mainggit, tao lang rin naman siya na gusto ring sumaya.
Jeno, sa’yo ko natutunang puwedeng maging tahimik ang pag-ibig. Madalas kasi wala akong masabi, o hindi lang sumasapat ang mga salita, sapat nang tingnan kita at alam mo na kaagad ang ibig kong sabihin.
Pinapangako kong mamahalin kita sa parehong ingay at katahimikan, sa gitna ng daluyong at banayad na mga alon.
Naalala niya kung paanong kasisimula pa lang nila, sinabi na agad ni Hyuck kay Renjun na tingin niya si Jeno na talaga, na balang araw alam niyang ikakasal sila, magkakapamilya, tatandang magkasama. Kahit pa ilang beses silang muntik maghiwalay dahil pasaway lang talaga sila, ito pa rin naman ang dulo. Kaya okey na rin. Siguro puwede talagang ganoon, ‘yong umpisa pa lang, alam mong ‘yon na, alam mong ito rin ang kahahantungan.
Bigla siyang naistorbo sa pagmumuni-muni niya nang kalabitin siya ni Mark. Pagtingin niya dito, saktong inaabutan siya ng panyo.
Gusto sana niyang magtaray pero hindi kasi niya mapigilang ngumiti, “Style mo talaga, ‘no?” Kinuha niya ang panyo at pinahid ang mga luha. Siguro dahil sa mga ganyan ni Mark kaya laging kumportable sa kanya si Renjun. Itong mga maliliit na bagay na para bang pinaaalala sa kanya na oo, nakikita siya ni Mark. Pinapanood, pinagmamasdan.
Napatawa lang nang mahina si Mark at saka lalong inilapit ang sarili kay Renjun, “Nakakaiyak talaga mga kasal ‘no.”
Tango lang ang naisagot ni Renjun, pinipigilan itodo ang paghikbi dahil hindi naman siya ang kinasal.
“Ikaw, kailan mo gusto?” Mahinang tanong ni Mark habang nakangiti na parang may tinatagong sikreto, na para bang nababasa nito ang iniisip niya.
Iirap sana si Renjun pero naalalang nasa simbahan pa sila, kaya sinagot niya ito ng isa pang tanong, “Ikaw ba?”
Mabilis ang sagot ni Mark, “Kung kailan mo nga gusto.” Nakangiti ito, halatang pinagmamalaki ang banat niya.
Napairap na talaga si Renjun, pero hindi rin niya maiwasang mangiti. Siguro namumula na rin siya, pero hahayan niya na lang. Ganito naman kasi sila ni Mark. Laging puro amba, wala namang pumapalag. Ilang taon na ring ganito. Lumalabas sila nang silang dalawa lang, o ‘di kaya minsan kasama sila Hyuck at Jeno at iba pang mga kaibigan nila, pero wala namang umuusad. Hindi rin alam ni Renjun kung ano bang dapat umusad. Kung wala lang ba talang gustong sumubok sa kanila, o baka hindi lang talaga ganoon ang tingin ni Mark sa kanya. Pero sa tuwing magbibiro ng ganito si Mark, napapaisip siya kung may laman ba, kung may higit bang ibig sabihin, napapaisip siya kung may kailangan na siyang sabihin.
Noong undergrad pa sila, lagi siyang tinutukso ni Hyuck na crush niya si Mark. Hindi naman niya dineny kahit kailan. Sabi pa nga niya noon, sino ba kasing hindi crush si Mark, lahat ata ng taga-CAL at one point nagka-crush kay Mark kaya parang hindi naman big deal. Noong graduate na sila saka lang naman sila naging close talaga kahit pa orgmates sila noon. Ibang year kasi si Mark at para kay Renjun, parang impenetrable ‘yong mundo niya, kasi iba ng kanya, kahit pa sa parehong department naman sila. Si Hyuck naman, schoolmate noong high school si Mark kaya ayon, sadyang nag-overlap ang circles nila. Maybe it was bound to happen, them being close, kahit hindi agad agad, but when it happened, it felt right.
You may now kiss.
Go in peace and glorify the Lord will your life.
“Dala ko sasakyan, sabay ka na sa’kin pa-reception?” Bulong ni Mark sa kanya habang pinapanood ang pagsakay nila Hyuck at Jeno sa sasakyan, kasabay ang lahat ng pumapalakpak at humihiyaw habang ang iba naman ay hindi pa rin tapos umiyak.
Tumango lang si Renjun, dahil ganito nga sila, natural na ‘yong mga ganito, magsasabay, mag-uusap na para bang may higit pa sa kung ano ang alam nilang meron sa kanilang dalawa. Iniisip ni Renjun kung may salita ba para dito, ‘yong para bang palagi silang nasa bingit ng posibilidad, ang kinakailangan lang ay may maunang humakbang paharap, o sumunggab ba, basta. Alam ni Renjun na magkaibigan naman sila, pero minsan parang ang kumplikado isipin kung ‘yon lang ba talaga, o baka dahil siguro alam rin niya na kung pagbibigyan man, higit doon ang gusto niya, kung puwede lang naman.
Sa maikling byahe mula simbahan pa-reception, iniisip ni Renjun na baka ganito lang rin talaga ang mga kasal, mapapaisip ka talaga, lalo na siguro para sa mga katulad niyang single pa rin, hindi sigurado kung para sa kanya ba talaga ang magmahal na aabot ng kasalan. Siguro kasi pag umabot kang trenta, parang imposibleng hindi maisip ang mga bagay na pangmatagalan. Iniisip ni Renjun kung katulad rin ba niya si Mark, kung ito rin ang iniisip niya ngayon mismo, kung tingin ba niya ay meron ding para sa kanya, kung gusto niyang maging parang katulad rin nila Hyuck at Jeno.
Ngayon, nandito sila sa reception sa kasal ni Hyuck at Jeno, sa iisang mesa kung saan sila lang naman talaga ang magkalapit, ang iba mga high school at work friends na nila Hyuck at Jeno. Sabay nilang pinakinggan ang bawat isang nagsalita, mga kuwento tungkol kina Hyuck at Jeno, mula sa mga kapamilya, kababata, katrabaho. Sabay silang nagtawanan, nagpalitan ng tinginan, nagngitian, na para bang sila rin ay may sariling mundo.
“Kuha kong beer, gusto mo?” Si Mark, kasi sino pa ba? Buong gabing sila lang halos ang magkausap, at madali lang ang lahat. Sa loob loob ni Renjun, paulit ulit lang na: gusto kong alagaan siya. Sa tuwing tatamaan ng mata niya si Mark, para bang may kung anong lumalago sa dibdib niya. Alam naman niya kung ano, ayaw lang niyang pangalanan pa.
Tumango lang si Renjun. Mula sa layo ng dalawang mesa, nakita niyang nakatingin sa kanya si Hyuck. Kinindatan lang siya nito at ngumiti na parang may alam na kung ano. Natawa siya at saka umirap, alam naman na niya ang sasabihin nito. Si Mark. Basta tungkol kay Mark. Oo na, Hyuck, sabi ni Renjun sa sarili, gagawan ko na ng paraan.
Pagbalik ni Mark, dalawang Pale n alata ang dala. Napangiti lang si Renjun dahil oo nga pala, alam ni Mark na ito lang ang iniinom niyang beer. Tulad ng maraming bagay tungkol sa kanya na alam rin ni Mark dahil sa ilang taon nilang pagiging magkaibigan. Oo magkaibigan. Okey naman siguro ‘yong ganito, ang magsimula sila sa pagiging magkaibigan at baka naman puwede na nilang tingnan kung may iba pa silang puwedeng puntahan.
“Gusto mong sumayaw?” Mahinang tanong ni Mark, pagtingin ni Renjun sa paligid, nakita niyang halos lahat ay sumasayaw rin, sila Hyuck at Jeno ang pinaka-nasa gitna. Alam niya ang kanta, alam na alam niya. Ilang beses niya na ring pinakinggan ‘to na iisang tao lang iniisip niya.
Baby I love you so
I'll never let you go
Tumango si Renjun at kinuha ang kamay ni Mark. Sumunod siya dito hanggang makarating sila kasama pa ang mga taong nagsasayaw rin, nasa kani-kanilang mga mundo.
I'll give you everything
Darling you can have it all
Nilagay ni Renjun ang mga kamay sa balikat ni Mark habang napunta sa beywang niya ang mga kamay nito. Natural lang, hindi kailangang pilitin. Nang magtagpo ang mga mata nila, ngiti ang hatid nila sa isa’t isa. Mga ngiti na may nais sabihin.
I'll give you my hand, and my heart
Every piece, every piece of myself
Tiningnan ni Renjun sina Hyuck at Jeno na napagigitnaan ng lahat, kasalukuyang umiiral sa sarili nilang mundo, na para bang sila lang rin ang nasa kuwartong ito. Inisip ni Renjun si Mark, ganito kalapit sa kanya, at para bang may isang buong mundong hawak rin si Renjun, ang kulang na lang ay angkinin niya ‘to, kasi baka puwede naman pala, baka pareho naman pala talaga sila ng gusto at alam nila pareho kung kanino ito hahanapin.
Storms may come
In my arms you'll feel the warmth
Si Mark ang unang nagsalita, “Ano nang gagawin natin?”
Your head is safe on my shoulder
Your troubles will all be over
Bumuntong-hininga si Renjun, maláy na hindi lang isang bagay ang tinatanong ni Mark, maláy na may iba rin itong gustong sabihin, maláy na siya na lang ang hinihintay nito.
“Ano bang gusto mo?”
Hinila ni Mark papalapit si Renjun sa kanya, ang isang kamay nito’y nakayakap sa beywang niya, “Ito.” Halos bulong.
“Ito?” Mahina lang ang boses ni Renjun. Nilapat niya ang ulo sa balikat ni Mark, at hindi niya alam kung tibok ba ng puso niya ang nararamdaman niya o kay Mark, o baka sa kanilang pareho, sabay.
Naramdaman ni Renjun ang pagtango ni Mark at napangiti siya. Siguro, ganito talaga sila, parehong ayaw gamitin ang mga salitang mas direkta, na para bang may binubuo silang kung anong lenggwahe na sila lang makakaalam. At kung ano man ang lahat ng ito, ay sila lang ang pinakamakakaintindi.
Nilayo ni Renjun nang kaunti ang sarili kay Mark, ‘yong saktong mahaharap niya ito, kulang sa isang dangkal ang pagitan ng mga mukha nila, “Sure ka na ba?” Hindi maiwasan ni Renjun ang mangiti.
Sinalubong ito ng ngiti ni Mark, pero hindi na ito tumango, lalo lang lumapit, unti-unti, hanggang sa magtagpo, at para bang pareho nilang nalaman ngayon lang mismo, na ang tagal na nilang hinihintay ito. Pero okey na rin, dahil dito rin naman ang dulo, o simula, basta. Ito. Ito na.
Nang tingnan uli nila ang isa’t isa, napatawa lang sila na parang may sikreto silang sila lang ang nakakaalam. Hindi na inisip ni Renjun kung may nakatingin ba sa kanila ngayon. Ganito naman siguro ang mga kasal, mapapaalala sa’yong totoo pa rin naman ang magmahal. Kaya ngayon, siya naman ang lumapit. Isang halik na nagsasabi paulit-ulit, halika sa aking tabi, dito ka lang lagi sa malapit. At hahalikan siya pabalik ni Mark na puro pagpayag lang ang sinasabi.
Parang natunaw ang buong kuwarto at sila lang ang nanatili. Wala naman silang balak umalis. Lalo lang nilang hinigpitan ang hawak sa isa’t isa.
Nagsimula ang panibagong kanta.
Wala na kong kakailanganin pa
Kung ito ay panaginip lang
Ang buhay kong ito'y mawiwindang
Huwag na sana 'kong gumising mag-isa
Hindi. Hindi panaginip. Hindi na.
