Work Text:
Magkaibigan na sina Donghyuck at Mark noong bata pa lang sila. Kahit pa mas matanda ng isang taon si Mark kaysa kay Donghyuck ay mabilis pa rin naman sila naging malapit sa isa’t isa. Hindi rin kasi gano’n kalayuan ang bahay nilang dalawa, mga dalawang bahay lang ang pagitan, kaya madalas bumisita si Donghyuck sa bahay ng nakatatanda. Inaasar pa nga noon ni Mark na forced friendship daw sila kasi naging magkaibigan lang sila dahil magkumare ang mga magulang nila.
Noong unang beses na sinabi ‘yon ni Mark sa isa, umuwi bigla si Donghyuck na nagtatampo at umiiyak. Sinuyo rin naman agad siya sa paraan na pampawala talaga ng tampo niya: halik sa pisngi at chuckie.
Naging mas malapit sila noong Grade 5 si Donghyuck at Grade 6 si Mark. Lagi silang magkasama; papasok hanggang uwian. Naghihiwalay lang sila tuwing pupunta na sa rooms nila, pero nagsasama ulit tuwing recess at lunch.
“Sana classmates na lang tayo,” ika noon ng batang Mark. May halong lungkot sa boses nito, nakatungo at nakanguso habang naglalakad sila ni Donghyuck pauwi. “Bakit naman?” tanong ng batang Donghyuck, ang isang kamay ay nakakapit sa isang strap ng bag niya habang ang isa ay bitbit ang plastic folder ni Mark.
Tumingin naman sa kaniya ang isa, ang ibabang labi nito ay nakalabas. “Para magkasama tayo everyday.” Napangiti naman si Donghyuck sa sinabi ng isa. Kung sana’y maging mabait sa kanila ang mundo at hinayaan sila magsama araw-araw, gabi-gabi.
Pero siguro kabaitan na rin ng mundo na nakilala nila ang isa’t isa. Siguro sapat na ‘yon.
“Gusto mo magkasama tayo araw-araw?” Tumango naman si Mark habang nakatingin pa rin sa nakababata. Ngumisi si Donghyuck at sinabi, “edi bumalik ka sa Grade 5.” Nawala ang ngiti ni Mark at inirapan na lang ang isa sabay naglakad nang mabilis papalayo. Natawa lang si Donghyuck at binilisan din ang lakad para makahabol sa nakatatanda.
Pagtapak nila sa highschool, 2nd year si Mark habang si Donghyuck ay 1st year, doon sila nagkaroon ng maliit na circle of friends. Si Renjun at Jeno na kaklase at naging kaibigan ni Mark noong 1st year pa lang siya. Si Jaemin, Chenle, at Jisung naman ang mga naging kaibigan ni Donghyuck. Naging magkalapit din naman silang pito dahil hanggang highschool ay hindi pa rin mapaghiwalay ang dalawa.
Nakasanayan na talaga ni Donghyuck na bitbitin ang bag ni Mark tuwing uwian, minsan si Mark naman ang may bitbit ng bag niya, pero syempre bago ‘yon sa mga mata ng mga bago nilang kaibigan.
Si Chenle ang unang nakapansin o kaya’y unang pumansin sa gawain nilang ito. Sobrang lapit ng dalawa sa isa’t isa hindi niya mapigilang obserbahan ang magkaibigan. Madalas niyang makita ang pag-aalaga ni Donghyuck kay Mark, katulad ng pagbili ng softdrinks para sa kanilang dalawa, o kaya ‘yung pag-ayos ng buhok ng isa. Minsan pa nga nakikita niya pinaglalaruan ni Mark ang kamay ni Donghyuck habang nakikipag-usap ito sa iba.
Si Chenle rin ang unang nagtanong. Nilapitan niya kaagad sina Donghyuck at Mark na papalakad na palabas ng gate ng eskwelahan. “Kayo ba?” Napahinto naman ang dalawa at tinignan si Chenle na para bang nagtataka sa tanong nito.
“Anong kami ba?” tanong ni Donghyuck, litong-lito sa biglaang tanong ng isa. Tinuro-turo naman sila ni Chenle na para bang maiintindihan agad nila ang senyales na ‘yon. “Kayo ba? Magjowa ba kayo?”
“Huh?!” gulat na sabi ng dalawa. “Kakalaro mo ‘yan ng COD, beh,” natatawang sabi ni Donghyuck, “hindi kami magjowa tungaks.”
Napakamot naman si Chenle sa ulo, halatang hindi naniniwala. “Eh? Duda ako. Lalo na sa’yo, Hyuck! ‘Raulo ka pa naman!”
“Tangina mo ahㅡ” Akmang aamba na sana si Donghyuck nang may kamay sa dibdib niya para pigilan siya. “Bestfriends lang kami, Chenle,” ika ni Mark na may matamis na ngiti sa labi.
“Okay…” Pinanood ni Chenle maglakad papalayo ang dalawa. Nagdududa pa rin talaga siya lalo na, “tangingang ‘yan, napakalapit sa isa’t isa naglalakad lang naman.”
Pagkatapos no’n, dumalas ang pagtutukso sa kanilang dalawa. Kahit ibang section o ibang grade ay inaasar sila. Kahit nga mga guro ay nakisali. Araw-araw natatanggap nina Donghyuck at Mark ang mga salitang “bagay kayo!”, “kayo ba?”, “ang tamis niyo naman, pasintabi naman sa mga single oh!”, o kaya “stay strong po sa inyo!”.
Madalas na lang nila tawanan ang mga asar sa kanila. Noong una tinatanggi pa nila, lalo na si Donghyuck, pero wala pa rin naniniwala kahit ilang tanggi pa ang gawin, kaya naisipan na lang nila na hayaan.
Noong christmas party nga pinagtabi sila para kuhanan ng litrato. Meron pang mga nag-uutos na “akbay naman diyan”, “isang yakap lang oh”, “kiss sa cheeks nga”, pero ayon, tinatawanan lang nilang dalawa.
Minsan nga ay biglang may lalapit na guro sa isa sa kanila para kumustahin ang “relasyon” nilang dalawa o kaya sasabihan na “alam mo, sobrang bagay kayo. Sana tumagal kayo ha.”
Kung tutuusin, wala naman problema kay Donghyuck ang mga tukso. Sanay na sanay na kasi siya sa pang-aasar ng mga tao basta ay simpleng biruan lang. Kaya madalas niyang tawanan ang mga sinasabi ng mga tao tungkol sa kanila ni Mark. Pero hindi pa rin niya mapigilan isipin ang nararamdaman ng nakatatanda, lalo na alam niya na hindi ito sanay sa atensyon.
Tuwing may mang-aasar sa kanila, pasimple siyang sumisilip sa reaksyon ni Mark, pero lagi naman niya itong nakikita na nakangiti o kaya’y tumatawa.
“Mark,” panimula ni Donghyuck. Naglalakad na silang dalawa pauwi at dala-dala nito ang bag ni Mark. “Naiinis ka na ba sa mga asar sa’tin?” Tumingin naman sa kanya ang isa nang nakataas ang isang kilay habang ngungumuya (kumakain ito ng kwek-kwek).
“Hindi. Bakit naman ako maiinis?” takang pagkakasabi ni Mark. Napakamot na lang si Donghyuck ng ulo at nagkibit balikat. “Wala lang. Baka lang kasi naaasar ka na sa mga pinagsasabi nila tapos ayaw mo lang sila pagsabihan kasi, ano, may pagka-people pleaser ka eh—Aray!” Napahawak siya sa ulo niya nang binatukan siya ni Mark.
“Siraulo ka ah!”
“Eh sa totoo naman!”
Tinakpan ni Donghyuck ang sarili niya gamit ang bag ni Mark nang umamba ulit ang isa. Inirapan na lang siya nito at nagpatuloy maglakad kaya sumunod na lang din sa kanya ang nakababata.
“Hindi ako naiinis, okay? Promise. They’re not doing anything that could harm us naman, so it’s okay lang,” sabi ni Mark.
“Nag-english tuloy bigla…” bulong naman ni Donghyuck habang nakanguso. Hindi siya nakaiwas sa paghampas sa kanya sa braso. “Ano ba!” sigaw ni Mark habang natatawa, “Parang gago kasi eh!”
Pagkatapos nila magtawanan ay nagsalita muli si Donghyuck. “Sigurado ka riyan ah! Basta sa’kin, wala rin problema. ‘Tsaka ‘wag kang mag-alala, Mark, wala naman din ako gusto sa’yo!”
Tinawanan lang siya ng isa at pabirong inirapan.
Kung parang nag-iba man ang ihip ng hangin at tahimik silang dalawa hanggang sa parehas na sila nakauwi ay hindi na ‘yon pinansin ni Donghyuck.
Noong lunch time, kasabay ni Donghyuck kumain sina Chenle, Jaemin, at Jisung. Hindi niya kasabay kumain si Mark dahil may tatapusin pa raw ito at pasahan na mamaya. Kung sa isip-isip niya ay para bang iniiwasan siya ng isa ay hindi na ulit ito pinansin ni Donghyuck.
Parang ang boring ng baon ko, sabi ni Donghyuck sa kanyang isip kahit na paborito niya ang baong ulam.
Buti na lang may madaldal siyang katabi at na-di-distract siya sa pag-iisip.
“Hyuck, hindi ba talaga kayo ni Kuya Mark?” Napasinghap na lang nang malalim si Donghyuck dahil sa paulit-ulit na tanong ni Chenle. “Oo nga! Anak ng tokwa naman oh!”
Umismid naman si Chenle at lumapit lalo kay Donghyuck kahit na magkatabi na silang dalawa. “Weh? ‘Di nga? Wala ka talagang nararamdaman kay kuya?” Napatigil do’n si Donghyuck saglit pero buti na lang hindi ito napansin ng isa. “Wala nga, Chenle,” pagod na sagot ni Donghyuck habang nakapikit ang mga mata na para bang pinapakalma ang sarili.
Kung nagdalawang isip man doon si Donghyuck ay hindi niya rin alam kung bakit pero hindi na lang niya ito pinansin. Ulit.
Napasimangot naman si Chenle dahil sa mga sagot ng isa. Akala ni Donghyuck ay makakakain na siya nang matiwasay pero akala niya lang pala ‘yon.
“Eh si Kuya Mark? Wala ba talaga siyang gusto sa’yo?” Kasama nga rin pala nila si Jaemin.
Doon siya napatigil na napansin ng mga kaibigan niya. Napatulala lang ito sa kanyang pagkain.
May gusto nga ba sa kanya si Mark? Parang wala naman siya napapansin sa isa. Wala rin naman pinagkaiba ‘yung pagtrato niya kay Donghyuck at sa ibang tao.
Tinagilid ni Donghyuck ‘yung ulo niya at nakakunot ang noo habang nakatitig pa rin sa baon niya. “Wala naman siguro? Kaibigan lang naman turing ni Mark sa’kin,” sabi niya habang tumatango-tango, “at gano’n din ang turing ko sa kanya.” Sinubo na niya ang pagkain at napansin niya ang mga kakaibang tingin sa kanya ng tatlo.
Lumunok muna siya bago magsalita. “Oh? Ba’t ganyan kayo makatingin?”
Sabay-sabay bumuntong-hininga ang tatlo. May pailing-iling pa ng ulo. “Wala, kuya. Sarap mo lang kutusan,” ika ni Jisung sabay layo nang inangat ni Donghyuck ang kamay niya na may hawak na kutsara, akmang papaluin siya nito. “Tangina mo ah! Ikaw kutusan ko riyan eh.”
“Eh kasi naman, kuya,” panimula ulit ni Jisung na ngayon ay nakakapit sa braso ni Jaemin, “wala ka ba talagang gusto kay Kuya Mark?”
Umirap si Donghyuck. “Ano ba! Wala nga! Ba’t ba paulit-ulit kayo?” Napahilamos na lang siya dahil sa inis. Sanay man siya tanungin ng mga ganito pero nakakarindi rin talaga. Napabuntong hininga na lang siya at sinapo ang noo habang nakapikit. “Magkaibigan lang kami ni Mark, okay? Parang magkapatid na nga turing namin sa isa’t isa,” sambit ni Donghuck sa tatlo.
Nagtinginan naman ang tatlo, tila nag-uusap sila gamit mata. Hinayaan na lang sila ni Donghyuck at tinuon na lang ang atensyon niya sa baon niyang nanlalamig na.
Wala talaga siyang gana.
Alas kwatro na ng hapon at nasa labas na agad ng classroom ni Mark si Donghyuck para hintayin ‘to. Gawain na nila ito kahit noong elementary pa sila. One time nga sinabihan siya ni Mark na hindi naman daw niya kailangan hintayin ito, pero matigas ulo ni Donghyuck kaya patuloy niya pa ring ginagawa, kaya hinayaan na lang din siya ni Mark. Minsan naman hinihintay rin siya ng isa, sadyang mas mabilis nga lang si Donghyuck.
Nakasandal lang si Donghyuck sa pader, malapit sa tapat ng pinto dahil mukhang hindi pa tapos ang klase nila Mark. Kinuha niya ang cellphone niya sa bulsa at ginulo na lang ang mga kaibigan niya sa group chat nila.
Maya-maya ay may naramdaman siyang daliri na tinusok ang tagiliran niya dahilan na napatalon siya sa gulat. “Uy puta ka!” Umaray si Donghyuck nang hampasin siya ng nakatatanda. “Language, Hyuck!” sita ni Mark kahit na may maliit na ngiti sa labi nito.
“Ay sorry,” ika ni Donghyuck at tumingin-tingin sa gilid para tignan kung may gurong nakarinig, “tara na ba?” Tumango naman ang isa. Kinuha naman agad ni Donghyuck ang bag ni Mark nang walang imik at nauna na naglakad. Ilang segundo rin ay nakahabol na ang isa at sabay silang naglakad papalabas ng kanilang paaralan.
Tahimik silang dalawa habang naglalakad. Ito ‘yung katahimikan na nakasanayan nilang dalawa, hindi katulad noong nakaraan.
Lagi naman nagdidikit o nagtatama ang balikat nila tuwing naglalakad, pero hindi malaman ni Donghyuck kung bakit grabe ang tibok ng puso niya nang maramdaman ang pagdaplis ng kamay niya sa kamay ni Mark. Para bang biglang nangati ang kanyang kamay at maaalis lang ito kapag nahawakan niya ang kamay ng isa.
Pasimpleng niyang ipinilig ang kanyang ulo para mawala ang nasa isip niya.
Baka kabag lang ‘to.
Medyo napatalon siya nang hinawakan ni Mark ‘yung palapulsuhan niya. Tinignan naman siya nito na may pag-aalala sa mga mata. “Bakit? Anong meron?” Umiling si Donghyuck habang umiiwas ng tingin. “Wala lang ‘yon. Bakit pala? May kailangan ka ba?”
“Yayayain lang sana kita kumain ng isaw. Gusto mo ba?” Tinignan naman ni Donghyuck kung saan nakaturo ang nakatatanda at nakita niya ang ihawan na hindi naman kalayuan sa kanila. Tumango ito at siya na mismo humawak sa kamay ni Mark. “Sige. Tara. Libre mo ‘ko ah!”
Inirapan siya ni Mark at mahinang kinurot ‘yung tagiliran niya, “tangina mo! Puro ka libre. ‘Lika na nga!”
Tumawa na lang si Donghyuck at tuluyang hinila ang kaibigan papunta sa ihawan.
At kung sobrang bilis ng tibok ng puso niya at pulang-pula ang kanyang pisngi, sana hindi na ito napansin ng isa.
Noong sabado, nagkayayaan ng overnight sa bahay ni Chenle. Parang noong una lang nanonood lang sila at naglalaro ng baraha, pero bakit naman biglang napunta sa masinsinang usapan? Bakit biglang naging siya ang topic?
“Akala ko ba overnight lang? Ba’t bigla niyo ‘kong hina-hot seat? Kingina niyo ah,” reklamo ni Donghyuck habang binabalasa ang mga baraha. “Frustrated na kasi kami eh. ‘Raulo ka kasi,” asar ni Jaemin na natawa naman dahil sa pagsipa sa kanya ni Donghyuck.
“Pero kuya gusto lang talaga namin sabihin sa’yo ‘yung napapansin namin,” malambing na sabi naman ni Jisung. Baka pa kasi maasar nang todo si Donghyuck at mainis lang. Napabuntong hininga na lang ang isa at tumango. “Sige na. Ano ba ‘yung napapansin niyo na ‘di ko alam at dapat kong malaman?”
“Gan’to kasi ‘yan, Hyuck,” panimula ni Jaemin, “feeling namin… may gusto ka kay Kuya Mark.”
Binalot silang apat ng katahimikan nang ilang minuto. Ni isa walang umiimik. Si Donghyuck palipat-lipat lang ng tingin sa tatlo niyang kaibigan habang nakataas ang isang kilay. Anong pinagsasabi ng mga ‘to? isip ni Donghyuck.
“Ha?”
“Habimbara.”
“Kingina ka, Chenle! Ano ba pinagsasabi niyo?”
Napabuntong hininga na lang si Jaemin. “Para sa’min lang naman ay parang gusto mo si Kuya Mark. Like, ‘di lang siya crush, gano’n.” Kumunot lang lalo ‘yung noo ni Donghyuck. Hindi talaga niya maintindihan kung bakit gano’n naisip ng mga kaibigan niya. Ang alam kasi niya sa sarili niya wala siyang gusto sa kababata niya. ‘Di ba?
“Paano niyo naman nasabi ‘yon?” tanong ni Donghyuck habang iniisip din ang sagot sa sariling tanong.
“Sa mga tingin mo, p’re,” sagot ni Chenle habang kumakain ng chichirya. “Kakaiba mga tinginan mo kay Kuya Mark eh. Ang lagkit. Ang tamis. Ang soft. Halatang inlababo, shet!”
Kusa nang kumuha si Chenle ng unan para pangprotekta sa hampas ni Donghyuck dahil ayon ang madalas na reaksyon ng kaibigan kapag inaasar. Ngunit, napatigil siya nang makita si Donghyuck nakatulala at nakakunot ang noo. Halatang malalim ang iniisip.
Gano’n ba talaga ang tingin ko kay Mark? Napapansin kaya ni Mark ‘yon? Pero mukhang hindi naman kasi wala siyang sinasabi sa’kin. May gusto ba talaga ako kay Mark?
“Hyuck?”
Tumingala si Donghyuck at tumingin sa mga kaibigan na may pag-aalala sa mga mata nila. “Ha? Anong meron?” tanong nito.
“Okay ka lang ba?” alalang tanong ni Jaemin. Madalas man nila asarin si Donghyuck, pero hindi pa rin nila mapigilan na mag-alala sa kaibigan lalo na sa mga iniisip nito. Kahit pa man gusto nila malaman ni Donghyuck ang totoong nararamdaman nito, ayaw rin naman nila na masira ang pagkakaibigan nito kay Mark.
Dahan-dahang tumango si Donghyuck, “oo naman,” ika nito. Bumuntong hininga naman si Jisung at lumapit sa kanya. “Halika na nga rito, kuya. ‘Wag na lang muna natin isipin ‘yon. Magsaya na lang muna tayo.”
At sa gabing ‘yon hanggang sa kinaumagahan, hindi pa rin matahimik ang isipan ni Donghyuck.
Noong 3rd year na si Donghyuck at si Mark naman ay 4th year na, doon lang nag-sink in sa nakababata na maghihiwalay na talaga silang dalawa ni Mark dahil papasok na ito sa kolehiyo. Ramdam agad ni Donghyuck ang kaba sa kanyang puso kahit naiisip pa lang niya. Parang hindi niya kaya na wala sa tabi niya si Mark.
“Saang school ka pala mag-co-college?” tanong ni Donghyuck habang pinapanood ngumuya ang isa. Hindi niya alam kung bakit pero bata pa lang sila hilig na niya panoorin ngumuya si Mark. Weird man pero nakakatuwa kasi talaga. Noong bata pa lang din sila ay nakasanayan na niyang punasan ang mga butil ng kanin o dumi sa gilid ng labi ni Mark dahil makalat ito kumain.
Kumuha siyang tissue at simpleng pinunasan ang gilid ng labi at pisngi nito.
“Hmm, baka Ateneo?”
“Wow naman burgis,” asar ni Donghyuck.
“Kasi!” daing naman ni Mark. “Gusto kasi ni mommy, okay? Okay lang din naman sa’kin kasi nando’n naman kukunin kong course.” Tumango-tango naman si Donghyuck.
“Ang layo naman,” bulong nito pero narinig din naman ng nakatatanda. Tipid na ngumiti si Mark sa isa pero may bahid na lambing. “Pwede pa rin naman kitang puntahan dito,” malumanay na sagot ni Mark habang hinahaplos ang buhok ng isa.
Tinaasan naman niya ng kilay ang kababata. “Mag-uuwian ka? Nakakapagod naman ‘yon, Mark.” Natawa naman ang isa. Mukhang masesermonan pa siya nito kahit hindi niya naintindihan ang ibig sabihin ni Mark.
“Mag-do-dorm ako, baliw! I mean, I’ll go home every weekend. And if ever man na may classes ako on Saturdays, then I’ll just figure it out.”
Bago pa man mapigilan ni Donghyuck ang sarili at pag-isipan pa muna sana ang susunod na sasabihin, ay wala na siyang nagawa. “Pwede rin naman kitang puntahan do’n.”
Si Mark naman ang napataas ng kilay ngunit may malambing na ngiti pa rin sa labi. “Pupunta kang Katipunan para sa’kin?”
“Oo naman! Kaya ko naman eh! Ano? Ikaw lang mag-iisip ng paraan? Sus,” sagot ni Donghyuck habang umiiwas ng tingin. Ramdam kasi niya ang pag-iinit ng mukha niya, ‘yung bilis ng tibok ng puso niya, ‘yung namamawis niyang mga kamay, pero hindi niya alam kung bakit. Hindi niya alam kung bakit para bang nahihiya siya. Kinikilig ba ak—
“Nga pala, inom daw tayo sabi nina Renjun at Jeno. Tayong pito raw,” sabi ni Mark. Nililigpit na niya ‘yung pinagkainan nila at tinabi sa gilid ‘yung baunan nila. Kumunot naman noo ni Donghyuck. “Bakit daw?”
Nagkibit-balikat si Mark bago sumagot. “Pa-graduate na raw kami eh,” ika nito at bahagyang tumawa. “Ang layo-layo pa ng graduation niyo!” reklamo naman ng nakababata. Natawa naman ang isa dahil sa reaksyon nito.
“Saan daw?” tanong pa rin ni Donghyuck. Wala rin naman siya magagawa (baka awayin pa siya ni Renjun kapag nagreklamo pa siya sa plano). “Sa bahay raw ni Onej,” sagot ni Mark. Tumango-tango naman si Donghyuck. “Sabay ba tayo?”
Ngumiti si Mark nang napakalambing parang sasabog na ‘yung puso ni Donghyu—
“Kailan ba tayo hindi nagsabay pumunta sa mga ganap?” pang-aasar ni Mark bago siya nagpalit ng pwesto at nahiga sa hita ni Donghyuck.
Naiwan doon si Donghyuck na hinahaplos ang buhok ng isa, nakatitig sa magandang mukha nito, at nag-iisip kung ano nga ba itong nararamdaman niya sa kaibigan.
Noong uwian, hinihintay ni Donghyuck si Mark sa labas ng classroom at nag-aaral. Oo, masipag si Donghyuck at mahalaga sa kanya na mataas mga grades niya. Napatingala siya nang may tumapik sa braso niya at nakita niyang si Mark na pawis na pawis.
“Oh, ba’t pawis na pawis ka?” tanong ni Donghyuck habang kinukuha ang panyo sa bulsa at magaang pinunasan ang buong mukha ng isa. Humagikgik lamang si Mark at kinuha ‘yung notebook na hawak ni Donghyuck sa kabilang kamay at binasa ‘yung inaaral ng kababata. “Isa kasi ako sa cleaners ngayon eh.”
“Wow naman. Ang bait. Kung ako ‘yan tumakas na ako,” sagot naman ni Donghyuck. Inirapan lang siya ni Mark at binalik sa kanya ‘yung notebook. “Ulol! Ikaw nga nag-aaral oh. Good boy naman ang bebe na ‘yan.”
Naramdaman ni Donghyuck nag-init ang pisngi niya. Namumula yata mukha niya. Hindi niya alam kung bakit, pero sana hindi mahalata ng isa.
Tumikhim siya at binalik na lang ‘yung notebook sa bag niya para umiwas sa tingin ng nakatatanda. “May quiz kasi kami sa Monday. Advance study lang para scan-scan na lang sa Monday.”
Aalis na sana silang dalawa, dala-dala na ni Donghyuck ‘yung bag ni Mark, nang may sumigaw ng pangalan ng nakatatanda kaya sabay silang napalingon sa sumigaw.
“Mark! Teka lang! MARK!”
“Ang ingay mo naman, Xiaojun,” reklamo ni Mark. Kumunot naman ‘yung noo nito nang makita ‘yung dala ng kaklase. “Ba’t may dala kang bulaklak? May nililigawan ka?”
“‘De, ano—teka nga! Puta!” inis na sabi ni Xiaojun habang hinahabol ‘yung hininga niya. Hingal na hingal siya kakatakbo at kakahanap kay Mark. “Wooh! Shet! Okay, anyway, oh,” sabi nito at sabay abot ng palumpon sa isa. “May nagpapabigay. Para sa’yo raw ‘yan.”
Kinuha naman ni Mark nang may pagtataka sa mukha. Wala ‘tong card o kahit ano pa man para malaman niya kung kanino galing. “Kanino galing ‘to?” tanong niya sa kaklase niyang hinihingal pa rin.
“Ayaw niya pasabi eh. Basta bigay ko lang daw ‘yan sa’yo,” sagot ni Xiaojun. Bigla naman ito ngumiti nang mapang-asar at sinusundot-sundot ‘yung tagiliran ni Mark. “Yieee! ‘Kaw ah! May manliligaw ka na pala ‘di ka nagsasabi. Grabe talaga si Mr. Canada, yesss!”
Si Donghyuck? Ayan, nasa gilid, tahimik na pinapanood lang ‘yung pang-aasar ni Xiaojun kay Mark na may hawak-hawak na malaking palumpon ng mga bulaklak na hindi alam kung kanino galing. Nakaramdam siya ng kaba bigla sa dibdib nang marinig niya ‘yung “manililigaw” sa bibig ni Xiaojun. Hindi niya mawari kung ano ‘yung nararamdaman niya at parang nawala siya bigla sa mood.
Kanino kaya galing ‘yon? May nanliligaw kay Mark? Sino kaya? Kaklase kaya ni Mark? Pogi ba ‘yon? Maalagaan niya ba si Mark katulad ng pag-aalaga ko sa kanya—Ay ano ‘yon?
“—yuck? Hyuck!” Kumurap-kurap naman ‘yung mga mata ni Donghyuck at nilipat ang tingin sa nakatatanda na nasa harapan na niya bitbit-bitbit ang palumpon. Kanina pa pala siya nakatulala, hindi niya namalayan na nakaalis na si Xiaojun at kanina pa pala siyang tinatawag ng kaibigan.
“Tara na?” Tumango lamang si Donghyuck at inayos ang pagkakabitbit ng bag ni Mark at nauna nang maglakad (maya-maya rin naman binagalan niya ang lakad para makahabol ang isa at para magkatabi silang naglalakad, pero hindi naman kailangan ipagkalat pa ‘yon).
Pagdating nilang dalawa sa bahay ni Jeno ay nandoon na pala halos lahat ng mga kaibigan nila. Sila na lang pala hinihintay kaya puro pang-aasar ang bungad sa kanila.
“Tagal naman nitong love birds na ‘to! Nag-loving loving siguro ‘tong dalawang ‘to,” pang-aasar ni Chenle, ang laging nanguuna sa asaran, lalo na at natutuwa siya sa namumulang mukha ni Donghyuck sa bawat asar sa kanila.
“Ta’s ‘di man lang kayo bumili ng yelo? Ay talaga nga naman oh!”
“Tanga wala naman kayong sinabi!”
Kahit pa nakikipagbangayan si Donghyuck sa mga kaibigan ay hindi niya pa rin maiwasan na magnakaw ng tingin sa kababata para lang makita ang reaksyon nito sa pangangasar sa kanila ng mga kaibigan. Ngunit nakangiti lang ito; tinatawanan ang sagutan nilang magkakaibigan.
Para bang wala lang sa kaniya ‘yung mga asar sa kanila. Mas naguluhan lang din tuloy si Donghyuck. May gusto ba sa kanya si Mark o wala?
At bakit parang nananakit dibdib niya tuwing naiisip niya na wala talagang gusto sa kaniya ang kaibigan?
“Hyuck? Hyuck!”
Tumingin siya kay Mark na mukhang kanina pa siya tinatawag dahil nakakunot na ang noo nito.
“Bingengot nito!”
Tinawanan lang niya ito. “Sorry na nga! Ano ba ‘yon?” Doon niya napansin na nasa pinto ulit ito at katabi niya si Jeno na nagsusuot ng tsinelas. “Saan kayo pupunta?” tanong niya sa dalawa.
“Bibili lang kami ni Onej ng yelo at dadagdagan ‘yung beer,” sagot naman ni Mark at binuksan na ang pinto. Kumunot naman ang noo ni Donghyuck. P’wede naman ako ‘yung kasama ah?
“San Mig lychee ah!” sigaw ni Renjun.
“Oo na! Bye na!”
Mukhang nakita yata ni Mark kung gaano kakunot ‘yung noo ni Donghyuck kaya bahagyang napangiti ito at tinawag ang lalaki. “Hyuck,” bigla rin naman nag-focus ‘yung paningin ni Donghyuck kay Mark at kita niya ang maliit ng ngiti sa labi nito, “babalik din kami agad.” Wala rin naman siya magagawa kaya dahan-dahan siyang tumango at sinarado na ni Mark ‘yung pinto.
Pag-upo niya sa may sopa ay agad siyang binatukan ni Renjun. “Grabe kakaupo ko lang!” Inirapan naman siya nito at humalukipkip. “Bibili lang ng yelo, seselos ka naman diyan agad?” Kumunot na naman noo ni Donghyuck—parang malapit na siya magka-wrinkles kakakunot ng noo niya.
“Huh? Anong selos? ‘Di naman ako nagseselos ‘no,” sabi niya habang hinihimas-himas ‘yung likod ng ulo niya. “‘Tsaka ba’t naman ako magseselos? Siraulo ka pala eh.”
Bumuntong hininga naman si Renjun at umirap ulit. Hindi na niya kinakaya ‘yung kaibigan niya. “‘Di raw nagseselos pero grabe ‘yung kunot ng noo nung nakitang magkasama sila bibili,” mapanuyang sabi nito.
Hindi na lang pinansin ni Donghyuck ang kaibigan at nilaan ang atensyon sa cellphone niya. “Hindi naman nakakunot noo ko. Ba’t ako magseselos?” bulong naman nito sa sarili sabay tingin sa may pinto. Tagal naman nilang bumalik.
Pagkabalik na pagkabalik nina Mark at Jeno, agad na tumayo si Donghyuck at tinulungan si Mark sa dala nitong yelo. Dalawang plastic lang naman ng yelo ‘yon. “Hoy! Ako tulungan mo at puro alak dala ko!” sigaw ni Jeno habang nagtatanggal ng tsinelas. Saglitan lang niya tinignan si Jeno at patuloy pa ring naglakad papuntang kusina. “Kaya mo na ‘yan. Malaki ka naman na.”
“Tanginang ‘to favoritism,” bulong ni Jeno sa sarili habang si Mark naman ay tinatawanan lang silang dalawa at naupo na sa sopa, katabi ng iba nilang tropa. Lumiwanag naman mukha niya nang makita ang sisig sa may maliit na lamesa sa harapan.
“Oh my god! Sisig!”
Nilapit ni Jaemin ‘yung plato palapit kay Mark, “niluto ‘yan ni Hyuck,” ika nito habang minamasid ang reaksyon ng nakatatanda. Pansin naman niya ang maliit na ngiti sa labi nito, kitang-kita rin ang kinang sa mga mata nito.
Malalim na ang gabi at nakakailang bote na rin silang lahat. Hindi nga rin alam ni Donghyuck kung bakit biglang may dalawang bote na ng The Bar sa lamesa, eh ang usapan ay chillnuman lang. Ayan, ang nakarami pa ngang inom ay ‘yung may pinakamababang alcohol tolerance. Sino ‘yon? Si Mark.
Nasaksihan na ni Donghyuck kung paano malasing si Mark. Ang lasing na Mark ay tahimik, pero tawa nang tawa, medyo malikot, at clingy . Sobrang clingy ni Mark kapag nalalasing ‘to. Tipong umaangal ito kapag humihiwalay ka sa kanya o tinatanggal ‘yung yakap niya sa’yo.
Cute na sana. Sarap nga panggigilan, kaso nga lang kasi hindi niya katabi ang kababata. Hinila kasi siya agad ni Chenle sa tabi nito noong papunta na sana siya sa tabi ni Mark. Kaya ito siya ngayon, kanina pang nakatitig sa pwesto nina Mark at Jeno.
Si Jeno nakikipagkwentuhan lang kay Jaemin na katabi niya sa kanan habang nakasandal naman ang ulo ni Mark sa balikat nito at mukhang inaantok na. Wala naman silang ginawa pero parang ang may mapait na nalalasahan si Donghyuck bukod pa sa alak na nainom.
Napakibot ang kanang mata niya nang makita niyang kinuha ni Mark ang kamay ni Jeno at pinaglaruan. Kinagat niya ‘yung daliri niya habang pinapanood pa rin ang dalawa. Hindi rin alam ni Donghyuck kung bakit siya nagkakaganito. Kung bakit parang gusto niyang hablutin si Mark at ilayo kay Jeno. Ito ba ‘yung selos na sinasabi ni Renjun? Hindi naman siguro.
Pinanood niya si Mark na dumaing kay Jeno na inaantok na siya at noong nakita niya si Jeno na aalalayan na dapat si Mark ay hindi na niya kayang pigilan ang sarili at tumayo sa pwesto niya. Bago pa man mahawakan ni Jeno si Mark ay agad niyang marahang hinawakan ang braso ng nakatatanda.
“Ako na. Samahan ko na lang ‘to sa kwarto,” sabi ni Donghyuck kay Jeno. Nakatingin lang siya sa mapungay na mata ni Mark na nakatitig lang din sa kanya. Nakanguso rin ito, halatang nagrereklamo na inaantok na ito.
“Okay lang naman kahit ako na maghatid sa kwarto—”
“Ako na, p’re.” Natawa na lang si Jeno at hinayaan na lang ang kaibigan na alalayan ang isa papunta sa kwarto.
Nakapalupot ang mga braso ni Mark sa leeg ni Donghyuck habang nakahawak naman siya sa baywang nito kaya halos binubuhat na talaga niya ang nakatatanda. Buti na lang ay ilang lakaran lang ang guest room sa bahay ni Jeno.
Pagkapasok nila sa kwarto ay agad niyang pinahiga ang nakakatanda sa kama. Aalis na sana siya para kumuha man lang ng tubig at bimpo para linisin ang mukha nito at palitan ng damit dahil alam niyang ayaw na ayaw ni Mark natutulog na amoy alak, pero napatigil siya nang hinawakan siya nito sa pulsuhan.
“Saan ikaw pupunta?” daing ni Mark habang nakatingala sa kanya. Mapungay ang mga mata nito at maamo ang mukha. Napapadasal na lang talaga si Donghyuck dahil sa ka-cute-an ng isa, lalo na ‘pag lasing ito.
“Kukuha lang ng tubig at bimpo. Pupunasan kita. Hihiram din ako ng damit kay Jeno,” malambing na sabi ni Donghyuck kay Mark. Ngumuso naman ang isa pero bumitaw rin at humiga nang pa-starfish sa kama. “Okay… pero tabi tayo matulog ha,” sabi nito habang kinukusot ang mga mata.
Pumintig naman ang tainga ni Donghyuck sa narinig. Tayo? Matulog daw kami? Tabi kami?! Buti na lang nakapikit ang isa at lasing ito kaya hindi niya makikita ang pamumula ng pisngi ni Donghyuck. Hindi rin alam ni Donghyuck kung bakit siya ganito maka-react eh mula bata pa naman sila ay sanay na silang magkatabing matulog.
Tumikhim si Donghyuck bago magsalita ulit. “Ah, oo, sige. Teka lang.”
Paglabas niya ng kwarto, bumungad sa kanya si Jeno na may dala-dalang tubig. Tinaasan siya nito ng kily nang tinitigan ang mukha niya. “Oh? Ba’t ka namumula?” Ay putangina naman . “Wala, ano lang ‘yan, sa alak,” sagot naman niya. Tinignan naman siya ng kaibigan na para bang natatawa sa sinabi niya.
“Hindi ka naman gaano uminom kanina, pero sige, sabi mo eh.” Inirapan na lang ni Donghyuck ang isa at nanghiram na lang ng damit at bimpo para kay Mark. Syempre, hindi pa rin siya nakatakas sa pang-aasar nito nang ibinigay sa kanya ang mga gamit.
Pagkatapos niyang punasan, palitan ng damit, at painumin ng maraming tubig si Mark ay humiga na siya sa tabi nito (hinila talaga siya ni Mark at syempre wala na siyang nagawa). Nakapatong ang ulo ni Mark sa dibdib niya at nakapulupot ang braso at hita sa katawan niya. Hindi alam ni Donghyuck kung saan niya ilalagay ‘yung mga kamay niya at hindi niya rin alam kung bakit ba siya parang kinakabahan.
Maya-maya rin ay nakapatong na ang isa niyang kamay sa may ulo ni Mark habang ang isa ay hinahaplos ang braso na nakayakap sa kanya.
Tahimik ang paligid. Ang tanging naririnig lang ay ‘yung tunog ng aircon at ‘yung mga mahihinang boses ng kanilang mga kaibigan sa labas. “Hyuck?” mahinang tawag sa kanya ni Mark. Oh? Gising pa pala ‘to? ‘Kala ko natutulog na.
“Hm? Bakit gising ka pa?”
Inayos ni Mark ang yakap niya bago sumagot. “Wala lang. Nawala antok ko eh,” sabi nito pero rinig na rinig sa boses ang bakas ng antok dito. Bahagyang natawa naman si Donghyuck dahil sa isa. “Matulog ka na. Halata sa boses mo na inaantok ka na, Mark,” ika niya. Nakakuha naman siya ng mahinang daing sa isa.
“Gusto pa kita kausap eh.”
Tangina ba’t ba bumibilis ‘yung tibok ng puso ko ‘pag nagsasabi siya ng mga ganyan?
May gusto ba talaga ako kay Mark?
“Why is your heart beating so fast?” tanong ni Mark. Marahang kinuskos nito ang ulo sa dibdib ng nakababata habang pinapakinggan nang maigi ang puso ni Donghyuck. “Are you okay?” tanong ulit nito at tumingala para makita ang mukha ng isa. Kitang-kita sa mga mata nito ang pag-alala. Magaang hinimas-himas ni Mark ang dibdib ni Donghyuck.
Sana lang hindi rin mapansin ni Mark na lalo lang bumilis ang pagtibok ng puso ni Donghyuck dahil sa ginagawa niya.
“W-Wala lang ‘yan. ‘Wag mo na pansinin,” sabi ni Donghyuck habang umiiwas sa mga mata ni Mark. “Matulog na lang tayo, okay?” Tango lang ang naging sagot ni Mark pero nakanguso pa rin ito. Inayos nito muli ang ulo sa dibdib niya at naglabas ng malalim na buntong hininga.
Akala ni Donghyuck nakatulog na ang isa pero bigla ulit itong nagsalita. “Hyuck,” tawag ulit ni Mark sa kanya. “Hm?”
“Once I’m in college na and sa ADMU na ako nag-aaral, will you really visit me there?” tanong ni Mark. “Pupuntahan mo talaga ako?” habol na bulong naman nito habang pinaglalaruan ‘yung dulo ng damit ni Donghyuck.
Hinigpitan ni Donghyuck ang pagkayakap niya kay Mark and tumitig sa kisame. “Oo naman,” mahinang sagot niya sa isa.
Kahit saan ka pa mag-aral, kahit saan ka pa magpunta, kahit gaano pa kalayo ‘yan, pupuntahan at pupuntahan kita. Basta ikaw, gagawin ko ang lahat ng makakaya ko.
“Kung p’wede lang bisitahin kita ro’n araw-araw eh.” Marahang kinurot naman siya ni Mark sa tagiliran niya dahil sa sinabi. “Don’t do that! That’s tiring! I can visit din naman dito, like every weekends, gano’n,” angal naman ni Mark.
“Don’t tire yourself out para lang sa’kin.”
Bumuntong hininga na lang si Donghyuck. “Ba’t ako mapapagod kung ikaw ‘yung pupuntahan ko?” bulong niya sa sarili. Hindi niya alam kung narinig ‘yon ng isa, pero mukhang nakatulog na rin ito kasi ang lalim na ng paghinga. Inayos na lang niya ‘yung paghiga ni Mark sa kanya at pinikit na niya ang kanyang mga mata.
Kay bilis nga naman talaga ng araw at heto, graduation na nina Mark, Renjun, at Jeno.
“Donghyuck! Ba’t ba ang tagal mo riyan sa taas? Aba napakakupad!” Napapikit na lang si Donghyuck dahil ang aga-aga ay binubunganga na agad siya ng mama niya. May kinuha lang naman siya sa kwarto niya. OA lang talaga ng kanyang nanay.
“May kinuha lang po! Si OA naman eh,” reklamo ni Donghyuck habang bumababa ng hagdan, may hawak-hawak itong maliit na kahon. Nilagay niya muna ito sa maliit niyang bag at lumapit sa nanay niyang naghihintay sa may pinto, halatang naiinip na sa kabagalan niyang kumilos.
“Aba ay male-late na kasi tayo sa recognition mo at sa graduation ni Mark!”
“Mama, ilang lakaran lang talaga ‘yung school sa bahay natin,” pangangatwiran ni Donghyuck. Pagkatapos ng saglit na bangayan ng mag-ina, naglakad na sila papunta sa eskwelahan para sa Recognition at Graduation day. Sa bawat hakbang at makita ang paaralan na papalapit nang papalapit sa paningin ni Donghyuck ay mas lalong napapamukha sa kanya na hindi na niya muli makakasama si Mark sa pagpasok at sa pag-uwi.
Oo, OA man siya dahil may bakasyon pa naman, may iilang buwan pa sila para magsama, pero masyado na rin kasing nasanay si Donghyuck na sobrang lapit lang ni Mark sa kanya. Literal na ilang lakaran lang ‘yung bahay nila sa isa’t isa, pero magbabago na iyon ‘pag nagsimula nang pumasok ang isa sa kolehiyo at lumipat na sa Maynila. Ilang gabi na iniisip ni Donghyuck ang mangyayari sa kanilang dalawa ni Mark kapag nag-aaral na ito sa Ateneo.
Madalas pa rin kaya kami mag-uusap? Paano kapag sobrang busy ni Mark? Magagawa kaya talaga ni Mark umuwi rito tuwing may free time siya? Magagawa ko kayang dumayo roon para sa kanya? Paano kapag hindi rin pala niya ako kayang kitain?
Paano kung may nagustuhan siya roon?
May gusto ba ako kay Mark—
Pagkatapos ng program at nagsipuntahan na ang mga estudyante sa kani-kanilang mga magulang o kaibigan, hinanap agad ni Donghyuck si Mark. Nang makita ang binata, agad niyang hinila ito sa medyong pribadong espasyo, sa kung saan unti lang ang mga tao. Hindi niya alam kung bakit siya kinakabahan, kung bakit sobrang bilis ng tibok ng puso niya, pero sana hindi iyon mahalata ni Mark.
“Hyuck? Why? May problema ba?” alalang tanong ni Mark. Huminga lang ng malalim si Donghyuck bago kunin ang maliit na kahon galing sa bulsa niya at ibinigay niya ito sa isa nang walang imik. Kita sa mukha ni Mark ang pagkawala ng pag-aalala at napalitan ito ng pagtataka nang kinuha niya ang kahon sa kamay ni Donghyuck.
Tinitigan niya muna ito bago ibalik ang tingin sa kababata. Tinaasan niya ito ng kilay at may maliit ng ngiti ang gumuhit sa labi niya. “What’s this for?” Pinagmasdan ulit ni Mark ang kahon. Maliit lang ito tapos kulay itim. May puting laso rin na nakatali. May nakasulat na “from: DH” sa may takip at may drawing pa na maliit na puso sa tabi nito.
“Regalo. Para sa’yo,” tipid na sagot ni Donghyuck. Pinunasan niya ang pawisan niyang mga palad sa kaniyang hita at pinanood ang nakatatanda na maingat na binubuksan ang regalo. May maliit na ngiti pa rin sa labi nito at lalo lang lumaki ang ngiti nito nang makita ang nasa loob ng kahon.
Sa loob ng kahon ay isang kuwintas na may palawit na paboritong bulaklak ni Mark. Kasama nito ay isang simpleng singsing na pilak. Pinanood lang ni Donghyuck ang isa habang hinahaplos nito ang palawit gamit ang hintuturo. Tumikhim naman si Donghyuck at bahagyang lumapit kay Mark.
“G-Gusto mo bang isuot ko sa’yo?” Tangina bakit ba ako nauutal?!
Inangat naman ni Mark ang ulo niya at muntikan nang malagutan ng hininga si Donghyuck dahil sa kagandahan nito, lalo na at nakakasilaw ang ngiti nito. Tumango naman si Mark at bumulong ng “okay” bago kunin ni Donghyuck ang kuwintas at pumunta sa likod ng kababata.
Marahang hinawakan ni Mark ang kuwintas pagkatapos isuot sa kanya ng binata. Humarap ulti siya sa isa. Parang hindi na mawala-wala ang ngiti sa labi nito, pero sino ba si Donghyuck para magreklamo? Eh ang ganda-ganda pa naman.
“Thank you, Hyuck. Ang ganda. Sobra,” sinserong sabi ni Mark sa kanya. Isinuot na rin nito ang singsing at pinagmasdan din ito na saktong-sakto sa daliri niya. Bigla naman ngumuso ito at tinignan si Donghyuck na may halong kalungkutan sa mga mata nito. “Pero wala akong regalo sa’yo,” malungkot na sambit ni Mark, “bibilhan na lang kita bukas—”
“Okay lang,” pagputol ni Donghyuck sa binata. Ngumuso lang lalo si Mark. “Pero—”
“Okay lang, kasi pa-parehas naman tayo ng singsing…” Nanlaki ang mga mata ni Mark sa sinabi ng kababata. Agad niyang kinuha ang dalawang kamay ni Donghyuck para hanapin ang singsing sa mga daliri nito. Sana lang hindi marinig ni Mark ang kabilisan ng tibok ng puso ni Donghyuck.
“Hala oo nga! Ang cute! Same tayo ng ring!” sabi ni Mark habang pinagtabi ang kamay nilang may singsing.
“Binili ko ‘yan para kasama mo pa rin ako hanggang sa mag-dorm ka sa Maynila,” nahihiyang sabi ni Donghyuck habang iniiwasan ang mga mata ni Mark. Panigurado ay pulang-pula na ang pisngi at tainga niya. Puta ang corny ko naman! Baduy!
Bahagyang natawa naman si Mark. “Thank you. ‘Di ko to tatanggalin kahit sa pagligo.”
“Uy ‘wag naman. Mumurahin lang ‘yan baka mangalawang.” Natawa ulit si Mark at tumango-tango. “Tara na. Baka hinahanap na tayo nina mommy at tita,” sabi ng binata at hinila na si Donghyuck sa kamay.
At kung hinigpitan man ni Donghyuck ang paghawak sa kamay ng kababata ay hindi na ‘yon pinansin ni Mark.
Pagkatapos ng isang taon, 1st year college na si Mark at nag-apartment na lang ito malapit sa Ateneo, habang si Donghyuck ay nasa 4th year high school na. Marami ang nangyari noong bakasyon. Puro gala ng magtotropa, sinamahan ni Donghyuck si Mark magpasa ng mga requirement, tinulungan niya rin ang kababata na maglipat ng mga gamit sa kaniyang apartment.
Hindi nga lang talaga masanay si Donghyuck na pumasok at umuwi mag-isa araw-araw, pero nababawi rin naman ang pangungulila niya sa tuwing umuuwi si Mark kapag free ang schedule nito. Minsan siya rin ang dumadayo sa binata–katulad ng sinabi niya noon–kapag hindi kinakaya ng oras ni Mark na makauwi.
Patagal nang patagal ay mas napagtatanto na ni Donghyuck ang kaniyang nararamdaman sa kaibigan.
Pagtapak niya sa unang taon sa kolehiyo, doon niya inamin sa sarili na may gusto nga talaga siya kay Mark (sinabi niya ito sa mga kaibigan niya pero puro asar at “tangina mo! Tigas kasi ng ulo mo!” ang natanggap niya). Hindi man niya alam kung kailan nagsimula, pero alam niyang malalim na.
(“Sabi-sabi ka pang hindi mo gusto si Kuya Mark eh grabe nga ngiti mo nung pumunta siya sa graduation mo tapos binigyan ka ng regalo!”
“Tangina mo, Chenle! Manahimik ka na nga!”)
Ilang beses siyang kinulit ng mga kaibigan niya na umamin na kay Mark, pero lagi siyang umiiwas; lagi niya iniiba ang usapan. Gustuhin man umamin ni Donghyuck sa nakatatanda, ay naduduwag pa rin siya; nandoon pa rin ang takot na baka hindi gano’n ang tingin sa kanya ng isa. Natatakot siya na baka masira ang pagkakaibigan nila kapag umamin siya rito. Natatakot siyang lumayo sa kanya si Mark.
Natatakot siyang mawala sa kanya si Mark.
Kaya kahit na maging magkaibigan lang talaga sila, basta makakasama niya pa rin si Mark, okay lang.
Pero kasalukuyang ilang araw na silang hindi nakakapagkita at nakakapag-usap dahil sa parehas silang maraming ginagawa at hindi rin tugma ang schedule nila sa isa’t isa. Minsan (madalas) nalulungkot si Donghyuck kapag hindi na nakakasagot ang nakatatanda sa mga mensahe niya dahil sa daming ginagawa o pagod.
Hindi na rin siya gaano nag-me-message kay Mark dahil ayaw na niya itong guluhin pa. Ilang beses niyang binabalikan at binabasa ang mga nakaraan nilang pag-uusap. Minsan pa nga natutukso siyang mag-message o tawagan pero pinipigilan niya talaga ang sarili, dahil baka maistorbo niya lang ang nakatatanda.
Ngunit dahil pagod na ang mga kaibigan niya sa paulit-ulit niyang “miss ko na siya :(“ sa GC nila, ay pinilit nila si Donghyuck na puntahan na lang si Mark sa eskwelahan nito mismo “para hindi ka na magmukmok nang parang tanga riyan!” ayon kay Jaemin.
Kaya heto siya ngayon, naghihintay sa labas ng Ateneo. Nilakasan na lang niya ang loob para i-message si Mark noong nakaraan na pupuntahan niya ito sa eskwelahan. Nagulat din si Donghyuck na agad din sumagot ang isa. Napangiti pa nga siya nang halatang na-excite ang nakatatanda sa ideya na pupuntahan siya ng kaibigan.
Tinignan niya ‘yung dala-dala niyang pumpon na bulaklak. Tulips ito at oo, dumaan pa siyang dangwa para bumili tapos pumunta na sa Ateneo. Bakit may pabulaklak? Wala lang. Gusto niya lang. Sobrang tagal na kasi nilang hindi nagkita. Na-miss niya—
Inangat niya ‘yung kaniyang ulo nang may marinig siyang pamilyar na tawa sa hindi kalayuan sa tinatayuan niya. Nawala ang ngiti sa labi niya nang makita si Mark na may kasamang iba at mukhang masaya silang nag-uusap. Kitang-kita ang kinang sa mga mata ni Mark, malawak ang ngiti nito, parehas pa sila nagtatawanan kaya nagkakapitan sila sa isa’t isa, medyo nakakairita kasi bakit kailangan hawakan ‘yung braso ni Mark—
“Hyuck!” Naputol kaagad ‘yung mga nasa isip niya at nakita ang kaibigan na palapit sa kanya. Malawak pa rin ang ngiti. Kumikinang pa rin ang mga mata. Pero kasama pa rin ang isa pang lalaki. Buti na lang hindi gaano pansin sa paningin ni Mark ‘yung paghigpit ng hawak ni Donghyuck sa mga bulaklak na hawak-hawak niya.
“Did you wait long?” tanong agad sa kanya ng isa nang magkaharapan na sila. Hindi agad nakasagot si Donghyuck, dahil napatitig siya sa mukha ng kaibigan. Sa tagal na nilang hindi gaano nagkikita o nagsasama, ngayon na lang talaga niya nakita nang maayos ang istura ni Mark. Nagpagupit na pala ito ng buhok. Binalik na rin niya sa itim ang buhok niya. Ang pogi lang talaga, putangina.
“Hyuck? Okay ka lang ba?” Bahagyang umiling si Donghyuck para makapagpokus siya. “Okay lang, okay lang. Hindi naman ako naghintay nang matagal, don’t worry,” sagot niya sa binata. “Ikaw? Kumusta ka naman?” Ngumiti naman si Mark, pero nahalata niya agad ang pagod sa mga mata nito.
“Ito, pagod na pagod na. I was so busy for the last 2 weeks. Good thing I survived that.”
“Oo nga. Mahalaga tapos na. Proud ako sa’yo,” ika ni Donghyuck. Halos isang minuto sila nagtitigan. Tila ba’y nag-uusap ang kanilang mga mata. Parehas may maliit ng ngiti sa labi. Ganito pala nagagawa sa hindi nila pagkita ng dalawang linggo.
Naputol lang ang katahimikan nang malakas na tumikhim ang kasama ni Mark. Muntikan na samaan ng tingin ni Donghyuck ang lalaki, pero buti na lang hindi pa naman siya gano’ng kabastos. Hindi naman niya kilala ito at hindi niya alam kung ano ba ang lalaking ito sa buhay ni Mark.
“Ay! Oo nga pala, sorry,” paghingi ng tawad ni Mark sa kasamahan niya. Inirapan lamang siya nito pero may ngiti pa rin sa labi. “Hyuck, ito nga pala si Jaehyun. Higher year, pero may tinetake pa rin siyang classes na kung nasaan ako. Jaehyun, meet Donghyuck, childhood friend ko.”
“Ah, so ikaw pala si Donghyuck?” sambit ni Jaehyun pagkatapos silang ipakilala ni Mark sa isa’t isa. May halong pangangasar 'yung tono ng boses nito, para bang may alam siya tungkol sa kaniya. Medyo napakunot naman ang noo ni Donghyuck dahil dito. Anong meron sa kanya? Kinukuwento ba siya ni Mark sa kaibigan? Magiging mayabang na ba ako n’yan?
“Opo? Ano pong meron?”
Bago pa man makasagot ang isa, nagsalita na agad si Mark at marahang hinila ang braso ni Donghyuck para maglakad palabas. “Una na pala kami Kuya Jae! Lots of catching up we need to do pa!” ika ni Mark na may ngiti sa labi habang kumakaway sa kaibigan, naka-akbay na rin ang braso niya sa balikat ng isa. Kahit pa nagtataka si Donghyuck sa mga nangyayari ay hinayaan na lang niya si Mark na hilahin siya palayo. At kahit pa na kating-kati siyang tanungin si Jaehyun kung ano ba dapat sasabihin niya, wala na rin naman na siyang nagawa kung hindi kumaway rin sa lalaking natatawa sa kanilang dalawa.
Naglalakad na sila papunta sa sakayan at si Donghyuck naman ang nakakapit sa braso ni Mark. Tumingin naman siya sa lalaki at ngumisi nang nakakaloko. “Ikaw ah, kinekwento mo pala ako sa mga college friends mo ah.” Inirapan lang siya nito pero kita pa rin ang maliit na ngiti na gumuhit sa labi niya. “Miss mo ko ‘no?” pang-aasar muli ni Donghyuck.
Tumingin si Mark sa taas, kunyari pinag-iisipan ‘yung sagot sa tanong ng isa. “Parang hindi naman?” Si Donghyuck naman ang umirap dahil nabalik sa kaniya ang pangangasar. “Baka naman ikaw ang nakaka-miss sa’kin,” sabi ni Mark.
“Oo,” walang alintalang sagot ni Donghyuck. Tumingin naman sa kanya si Mark at nagtitigan lang sila roon halos mga isang minuto. Napangiti na lang ang nakatatanda. “Kaya ba may dala kang bulaklak?” ika niya at bumaba ang tingin sa bulaklak na kanina pa dala-dala ni Donghyuck. Napatingin naman ang isa sa tinutukoy nito at dahan-dahang binagay sa kanya, tila para bang nahihiya ito.
“Miss nga talaga ako. May pa-flowers pa talaga si pare,” natatawang sabi ni Mark. Pinagmasdan niya ang magagandang bulaklak na ngayon ay hawak-hawak niya. Tumingin ulit siya sa nakababata at binigyan ito ng matamis na ngiti. “Thank you.”
“I miss you, too. ‘Wag kang mag-alala.” Sakto ay may jeep na dumating at agad na hinila si Mark para makasakay sila rito. “Tara na nga,” sabi ni Donghyuck. Kung nag-init man ang pisngi at tainga ni Donghyuck ay sa kanya na na ‘yon.
Nang makarating sila sa isang cafe na nirecommend ni Mark, agad na nagprisinta ang nakatatanda na mag-order para sa kanilang dalawa. Inilapag ni Donghyuck ‘yung gamit nilang dalawa nang may nahanap siyang pwesto sa may bandang dulo. Ginala niya ‘yung tingin sa bawat parte ng cafe, pinagmamasdan ang mga tao na halos lahat ay estudyante. Madalas din siguro rito si Mark, isip niya.
Pagkatapos umorder ni Mark, pumunta agad siya sa pwestong nahanap ni Donghyuck at naupo sa tapat nito. "May inorder akong cake. Papatikim ko sa'yo kasi feeling ko magugustuhan mo 'yon." Bahagyang tumaas ang dalawang kilay ng isa at ngumiti. "Wow naman. Ang sweet."
Nakakuha naman si Donghyuck ng hampas sa kamay niya. "Parang ungas naman 'to. 'Di 'wag kang kumain!"
"Joke lang! 'To naman!" natatawang sabi ni Donghyuck. Hilig niya talagang pikunin ang kaibigan. Gustong-gusto niya nakikita ang pagkunot ng noo nito. Lalo kasi nagiging cute sa paningin niya.
"Kumusta ka naman, Hyuck?"
Napatingin naman si Donghyuck sa nakatatanda sa biglang pagtanong nito. Humalukipkip siya at sumandal sa lamesa. Tumango-tango siya bago sumagot. "Okay lang naman."
"Medyo naging busy lang, dahil finals na, pero kinaya naman. Halos tapos ko na mga pendings ko," pagpapaliwanag ni Donghyuck habang pinapanood ang mga ginagawa ni Mark habang nakikinig ito sa kanya. Ang pagtingin sa kanya nang diretso, pagkalikot nito sa resibo na lukot-lukot na kasi kanina pa nito tinitiklop-tiklop, at sa bawat tango nito sa mga sinasabi niya.
Napatingin naman siya sa leeg ni Mark nang may nakita siyang makintab alahas. Saglit niyang tinitigan ‘yon nang mapagtanto niyang ayon pala ang kuwintas na binigay niya kay Mark noong graduation nito.
“Suot mo pa pala ‘yan,” ika ni Donghyuck, nakatingin pa rin sa alahas. Tumingin din naman dito si Mark at ngumiti. “Oo naman! I never took it off. Hindi rin naman siya nangalawang,” sagot ni Mark at humagikgik. Napangiti na lang din ai Donghyuck dahil dito. (Oo, kinikilig din siya.)
"Anyway, ikaw ang kumusta na?" tanong ni Donghyuck. Binigyan niya ng diin ang "ikaw", dahil totoo namang mas naging busy si Mark kaysa sa kanya. Mga ilang beses din tinanggihan ni Mark ang mga yaya sa kanya ng tropa nila ni Donghyuck dahil sa dami ng ginagawa nito.
Napahilamos si Mark sa kaniyang mukha at nagbuntong-hininga bago sinagot ang nakababata. “Ayon, buhay pa naman. Grabe lang talaga ngayong sem na ‘to. Ang daming readings, reporting, assignments, tapos dagdag pa ‘yung mga gawain sa org.”
“I’m so tired,” mahinang sabi ni Mark habang minamasahe ang sintindo niya. Parang may kumirot sa dibdib ni Donghyuck nang marinig niya ang sinabi ng nakatatanda. Halatang halata ang pagod sa boses nito.
Hindi alam ni Donghyuck kung anong pwede niyang gawin, kaya doon na lang siya sa madalas niyang ginagawa noong highschool pa lang sila ni Mark. Magaan niyang pinatong ang kamay niya sa tuktok ng ulo ni Mark at marahang hinaplos-haplos. “You did so great for the past 2 weeks. I’m so proud of you,” malumanay niyang sinabi.
Dahan-dahang inangat ni Mark ang ulo niya at naramdaman niya kaagad ang mga luhang namuo sa kaniyang mga mata. Agad din niyang pinunasan ‘yung mga mata niya nang dumating na mga pagkain at inumin nila. Nang nakaalis na ‘yung naghatid ng kanilang order ay mahina niyang hinampas ang kamay ni Donghyuck.
“Ikaw kasi eh!”
“Uy bakit ako?!”
“Bwiset ka! Bakit ka kasi nagpapaiyak?!”
“Luh inang ‘to! Gusto lang naman kita i-comfort!”
Naiiyak na natatawa si Mark habang pinupusan pa rin ‘yung mga mata niya. Wala na rin nagawa si Donghyuck kung hindi natawa rin dahil sa kalagayan ng kaibigan. “Kumain na nga lang tayo! Parang ewan ‘to!” natatawang sabi ni Donghyuck habang magaang pinupunasan ang mga basang mata ni Mark.
Nang magsimula na silang kumain, tinuloy nila ‘yung kanilang kumustahan sa isa’t isa. Nagkwentuhan sila tungkol sa mga ganap sa kanilang buhay. Lahat ng pagod, stress, iyak, kalokohan, kasiyahan, at kalungkutan. Para bang walang pinagbago sa Mark at Donghyuck noong High School.
“Balita ko nagyayaya ng inuman sila Chenle ah,” ika ni Mark bago kumagat sa kaniyang inorder na burger. Tumango naman si Donghyuck para sabihing alam niya ‘yung sinasabi ng isa. “Nabasa ko nga sa GC. Sa Friday raw, para wala pasok kinabukasan. Sasama ka ba?”
Tumango si Mark. “Wala naman na ako backlogs or any other plans, so yeah, sasama ako. Ikaw ba?”
Syempre, kasama ka eh. “Oo, sasama ako. Natapos ko naman na rin lahat ng kailangang tapusin,” sagot ni Donghyuck habang kumukuha ng fries sa plato ni Mark, dahilan na sinamaan siya ng tingin nito.
Saglit silang pinalibutan ng katahimikan nang magsalita ulit ang nakatatanda. “Hyuck, I have a question.” Tinignan ni Donghyuck si Mark habang umiinom. Nang napansin niyang seryoso ang mukha nito, binaba niya ang baso at sumandal sa lamesa para tignan nang maayos ang isa. “Ano ‘yon?” malumanay na tanong ni Donghyuck.
Kita ni Donghyuck ang pagdadalawang-isip ni Mark. Hinayaan niya lang muna ang nakatatanda. Ayaw naman niya itong pilitin o madaliin sa kung ano man sasabihin niya sa kaniya, lalo na’t mukhang seryosong-seryoso ito.
Huminga nang malalim si Mark bago diretsong tumingin sa mga mata ni Donghyuck, bumuka ang ang bibig at, “Hyuck, do you like someone?” mahina at nahihiyang tanong ni Mark sa kaibigan. Muntikan nang mabilaukan si Donghyuck sa sariling laway dahil sa pagkabigla niya sa naging tanong ng kababata.
Bakit niya natanong? May napansin ba siya? Alam niya kayang may gusto ako sa kaniya? May nagugustuhan ba siya ngayon kaya niya natanong si Donghyuck?
Kung anu-ano na pumapasok sa isip ni Donghyuck. Hindi niya rin alam kung anong isasagot kaya nanahimik muna siya. Binasa niya ang ibabang labi at napakunot ang noo. Pinag-iisipan niya nang mabuti kung anong sasagutin sa isa. Hinayaan lang din naman siya ni Mark. Tahimik lang itong naghihintay ng sagot.
“Bakit mo natanong?” tanong ni Donghyuck. Nagkibit balikat lang si Mark at binigyan ang isa ng maliit na ngiti. “Wala lang. Curious lang bigla.” Mahinang natawa si Donghyuck dahil dito. Ang cute lang .
“Meron,” sabi ni Donghyuck, “noon.” Napatitig naman sa kaniya si Mark. Hindi maipinta ni Donghyuck kung ano ang reaction ni Mark. Hindi niya mahulaan kung ano ang iniisip ng kaibigan. Ramdam din naman ni Donghyuck ‘yung pagbilis ng tibok ng puso niya. Hindi naman siya umamin; wala naman siyang binanggit na pangalan, pero parang sinabi na rin kasi niya kay Mark na gusto niya ito noon.
Hanggang ngayon.
Nabasag ang katahimikan nang nagtanong si Mark. “Noon… so hindi mo na siya gusto ngayon?”. Ngumisi lang si Donghyuck at nagkibit balikat, “secret na ‘yon.” Napabusangot naman agad si Mark dahil sa sagot nito. “Damot naman,” bulong ng binata at umirap.
“Eh ikaw? Do you like someone ba?” pagbalik naman ni Donghyuck ng tanong kay Mark, na biglang umayos ang upo at tumikhim. Halatang nabigla na nabalik sa kaniya ang tanong. Tumikhim ulit siya at humalukipkip.
“Binalik pa talaga sa’kin ‘yung tanong. Parang tanga lang,” bulong ni Mark sa sarili, pero rinig na rinig pa rin ni Donghyuck kaya natawa na lang siya. Minsan talaga hindi niya alam kung sino ang mas matanda sa kanilang dalawa.
“Syempre, para fair. Tinanong mo ‘ko eh, tatanungin din kita, ‘di ba?”
“Daming alam.”
“Anyway,” panimula ni Mark, “meron.”
Halos malagutan ng hininga si Donghyuck dahil sa sagot ng isa. Pero pinigilan niyang mawala ang ngiti sa kaniyan labi, para hindi pa ito mapansin ni Mark.
Parang nadurog ‘yung puso niya. Hindi naman sa inaakala niyang hindi magkakagusto si Mark sa ibang tao. Hindi naman sa bawal na magkagusto si Mark. Masakit lang pala na marinig galing sa taong gustong-gusto mo na may nagugustuhan ‘tong iba.
Mas masakit isipin na baka mataas ang posibilidad na hindi siya ang taong nasa puso’t isip ni Mark.
“Talaga?” sagot ni Donghyuck. Binaba niya ang tingin sa natitirang inumin sa baso at pilit na ngumiti kay Mark. “Oo,” sagot ni Mark, “pero noon din.” Napatingin muli si Donghyuck kay Mark. Hindi niya alam kung napansin man ng isa ang ningning at pag-asa sa kaniyang mga mata, pero hindi na niya ito inintindi.
“Eh ngayon?”
“Secret din.” Dumila pa sa kaniya si Mark at parehas na lang silang natawa.
Mabilis lang dumaan ang araw at Biyernes na. Nagpabango si Donghyuck at gumayak na papunta sa bahay ni Chenle. Doon napag-usapan ng magkakaibigan na mag-inom dahil malawak ang salas nila Chenle.
Tinitignan ni Donghyuck ang sarili sa salamin para tignan kung presentable na ba ang itsura niya. Hindi niya nga lang mapigilan ‘yung ngiti na pilit na kumukurba sa kaniyang labi sa tuwing naaalala niya na makikita niya muli si Mark. Sabik na sabik na siyang makita ang isa. Kala mo’y hindi sila nagkita ng nakaraan lang.
Ramdam din niya ang pagbilis ng kabog ng kaniyang puso. Kabadong-kabado sa biglaan niyang plano kagabi. Hindi niya alam kung bakit pero bigla siya nagkaroon ng ideya na umamin kay Mark mamaya. Kapag bagsak na halos lahat, yayayain niya ang kaibigan sa labas, at doon niya sasabihin ang lahat ng nararamdaman niya.
Hindi siya tiyak sa mangyayari pagkatapos man niyang umamin. Iiwasan ba siya ni Mark? Tatanggihan ba siya nito? Masisira ba ang pagkakaibigan nila? Mananatili ba silang magkaibigan? Gusto rin kaya siya ni Mark? Sasabihin ba ni Mark na may iba siyang gusto?
Halos masiraan na ng ulo si Donghyuck sa kakaisip ng mga p’wedeng mangyari, pero isa lang ang alam niya: handa siyang sumugal sa kahit ano. Masabi lang niya ang nilalaman ng kaniyang puso sa kaibigan niyang matagal na niyang iniibig.
Isa lang ang kaniyang sinabihan sa barkada. Si Jaemin. Halos mag-lag na ang cellphone niya sa grabeng tadtad ng mga messages ni Jaemin sa kaniya. Nang kumalma na ang kaibigan, tinanong siya nito kung sigurado na ba talaga siya sa gagawin niya. Kung handa na ba siya sa p’wedeng mangyari. At ang sagot lang ni Donghyuck ay: “Kung ano man ang maging desisyon niya, rerespetuhin ko ‘yon. Kahit ano ang kaya niyang ibigay, kahit pa baka lumayo sa’kin, okay lang. Tatanggapin ko. Sana lang hayaan niya akong mahalin siya hanggang sa makakaya ko.”
“Tangina ang matured mo riyan, beh.” Ayon naman ang sagot sa kaniya ni Jaemin, na kung saan nakatanggap din ito ng malakas na hampas sa braso galing kay Donghyuck.
Kasalukuyan ay nasa may salas ang magkakaibigan, nagsisimula nang mag-inuman. Nabalutan ang silid ng kanilang mga tawanan at kwentuhan, lalo na at may kaniya-kaniya na silang buhay ‘mula sila ay nasa kolehiyo na. Wala man nagsasabi kahit sino sa kanila ngunit ramdam nila ang pagkakamiss sa bawat isa.
Kay sarap nga naman bumalik sa pagiging high school student. Kung saan halos araw-araw silang magkasama. Kung saan walang nahuhuli sa balita. Kung saan kahit saan magyaya, makakasama ang lahat.
Palalim nang palalim ang gabi at tumahimik na ang paligid. Sina Jisung at Renjun ay nakatulog na sa sahig, si Jeno ay nag-cecellphone na lang sa sopa, nakatuon naman ang pansin ni Chenle sa kaniyang cellphone habang humihipak, at si Jaemin naman ay tahimik na umiinom ng kape na kaniyang tinimpla kani-kanina lang.
Si Donghyuck? Ayon, umiinom pa rin ng alak habang naghahanap ng tiyempo para yayain sa labas si Mark na ngayon ay nanonood lang sa TV. Umiinom din ito, pero mukhang wala pa naman tama. Pasilip-silip si Donghyuck sa gawi ni Mark.
Halos malagutan ng hininga si Donghyuck nang may naramdaman siyang sipa sa kaniyang binti. Pagtingin niya sa gilid ay si Jaemin na pinandidilatan siya ng mata at sumesenyas na gawin na niya ang dapat niyang gawin bago pa siya malamon ng takot.
Nagbitaw ng malalim na buntong hininga si Donghyuck bago itinungga ang natitirang alak sa bote at kinalabit si Mark sa braso. Nang nilingon siya ng isa, pasimple siyang huminga nang malalim bago magsalita. “Labas tayo? Pahangin lang,” ika ni Donghyuck, “at may sasabihin na rin ako.”
Ilang segundo pa siyang tinitigan ni Mark, siguro sinusubukang alamin kung ano nasa isip ng kaibigan, at dahan-dahang tinango ang ulo. Sumenyas si Donghyuck kay Jaemin na lalabas lang sila saglit kahit pa alam naman na ng isa ang gagawin nila. Tumango lang ang kaibigan at nagtaas ng hinlalaki.
Buti na lang merong bakuran sa bahay ni Chenle kaya roon sila dumiretso. Malalim na ang gabi kaya tahimik dito at malamig. Buti na lang parehas silang naka-jacket.
Halos ilang minuto rin silang nakatayo lang doon sa labas. Pinagmamasdan ang kagandahan ng mga bituin at ng buwan. Pero kung anu-ano rin ang pumapasok sa isip ni Donghyuck. Kahit ilang beses pala siya mag-practice sa kwarto ‘yung mga sasabihin niya kay Mark, mawawala rin agad ‘to kapag kasama na talaga niya ang isa.
Gayunpaman, pinilit pa rin niya ang sarili na magsalita. Hindi na niya hahayaan ang sarili na mapangunahan ng takot. “Mark,” tawag ni Donghyuck. Humuni lamang ang lalaki bilang senyales na ituloy lang ang kaniyang gustong sabihin. “Naalala mo ba nung tinanong mo ko nakaraan kung may nagugustuhan ba ako ngayon?”
“Yes. And sabi mo diba noon?” sagot ni Mark na ngayon ay nakatingin na sa kaniya. Tumango naman si Donghyuck bago magpatuloy. “Tapos ‘di ba hindi ko sinabi sa’yo kung gusto ko pa ang noon ko hanggang ngayon? Well, to answer your question, oo. Gusto ko pa siya hanggang ngayon.”
Dahil sa hindi nakatingin si Donghyuck kay Mark, hindi niya nakita ang saglit na sakit sa mga mata ng binata. Ngunit agad naman ito nawala at ningitian si Donghyuck nang tinignan siya. “Really? Kailan mo pa siya gusto?” tanong ni Mark, pilit na hindi pansinin ang kirot sa kaniyang dibdib.
“Actually, hindi ko alam,” panimula ni Donghyuck habang nakatingin na sa mga kumikinang na bituin. “Unang nakapansin talaga ‘yung mga kaibigan ko, pero pilit kong tinatanggi, dahil parang imposible naman. Pero patagal nang patagal—siguro simula nung nagkolehiyo na—doon ko inamin sa sarili ko na ‘ah, gusto ko pala talaga siya’. Gustong-gusto ko pala talaga siya.”
Nahihirapan na si Mark makinig sa kung paano i-kwento ni Donghyuck ‘yung pagkagusto niya sa taong ‘yon. Napangiti na lang siya nang mapait. Halos hirap na siyang ilunok ang namumuo sa lalamunan niya. Sumisikip ang dibdib. Mga luha ay nagbabadyang bumagsak sa kaniyang mga mata.
Pero lahat ng ‘yon ay hindi pansin ni Donghyuck pero hindi ito nakatingin sa kaniya.
“Parang… mahal mo na yata siya?” tanong pa ni Mark. Hindi niya kayang pigilan na magtanong pa kahit sobra na siyang nasasaktan. Kahit pa nanginginig na ang mga kamay niya. Napansin naman ni Donghyuck ang nginig sa boses ni Mark kaya napatingin agad siya rito. Nanlaki ang mata niya sa pagkagulat nang makita niyang si Mark na naluluha na, mga luha ay tuluyan nang tumulo, at hindi na napigilan ni Mark ang kaniyang hikbi.
Nataranta naman si Donghyuck dahil dito. Ngayon lang kasi niyang nakita ang kaibigan na umiyak nang ganito. Hinawakan agad ni Donghyuck ang mukha ni Mark, palad ay nakalapat sa bawat pisngi na basang-basa sa luha. Marahan niyang pinunasan ang mga luha—kahit pa tuloy-tuloy ito—gamit ang hinlalaki. Magaan niyang tinapik ang pisngi ng isa at tinignan naman siya ni Mark at parang nadurog ang puso ni Donghyuck dahil sa itsura nito.
“Hey, hey, bakit ka umiiyak?” malumanay na tanong ni Donghyuck. “Ma…Ma-Mahal mo ba siya, Hyuck?” naiiyak na tanong ni Mark, sumisinghot-singot pa ito. Kumunot naman ang noo ni Donghyuck, saglit na nalito sa tinatanong ni Mark. “...Oo. Mahal ko.” Doon naman napahagulgol si Mark at doon din mas lalong nag-alala si Donghyuck. Hindi niya alam kung anong nangyayari. Hindi niya alam kung bakit grabe ang iyak ng kaibigan. Hindi niya alam kung ano ang nasa isip ni Mark dahil iyak lang to nang iyak na para bang bata na hindi napagbigyan.
“Mark? Hey, I’m getting worried. Anong nangyayari, hm?”
“Ang– Ang sakit, Hyuck,” iyak ni Mark habang pinupunasan ang mga luha kahit pa hawak-hawak pa rin ni Donghyuck ang mukha niya. “Anong masakit, Mark?” nag-aalalang tanong ni Donghyuck. Tinignan naman niya si Mark mula ulo hanggang paa para malaman kung ano ang masakit sa kaibigan. Nasugatan ba ‘to? May pasa ba ‘to? May nagawa ba siya? Baka nasa loob? Kailangan ba niya dalhin sa ospital si Mark? Jusko naman—
“Hyu-Hyuck, Hyuck, ba-bakit hindi ako, Hyuck?”
“Ha?” Naguluhan bigla si Donghyuck dahil dito. Kung anu-ano na ang nasa isip niya, pero hindi niya talaga maisip kung anong nangyayari. Hindi niya alam kung anong gagawin. Hindi niya alam kung anong gusto ni Mark. “Mark, anong ibig mong sabi—”
“Mahal naman kita eh.” Napatigil naman si Donghyuck. Nanigas siya sa kinakatayuan niya. Tumigil ang oras, mundo, ang paligid. Parang tumigil na rin ang puso niya. Parang hindi siya makahinga. Tama ba ‘yung narinig niya? Totoo ba ‘to? Hindi ba siya nananaginip? Mahal ba talaga siya ni—
“Mahal na mahal kita eh. Bakit hi-hindi na lang ako, H-Hyuck?” Iyak pa rin nang iyak si Mark. Kahit anong punas niya ay patuloy pa rin ang pagdaloy ng luha sa kaniyang pisngi. Kahit pa hirap na hirap siya magsalita at nanginginig pa rin ang boses (kahit pa boses ngongo siya dahil sa sipon kakaiyak) pilit pa rin niyang sabihin ang lahat ng nararamdaman niya.
“Bata pa lang tayo—noong high school pa lang tayo—gusto na kita eh. Tuwang-tuwa pa nga ako kapag inaasar nila tayo. Kinikilig ako sa bawat tukso kahit nag-aalala ka no’n na baka hindi ako komportable sa mga gano’n. Kinikilig ako sa lahat ng ginagawa mo para sa’kin. I am always happy when I’m with you. I’m always at peace. I love being close to you. I love being with you, kahit pa hanggang kaibigan lang. I love you so much that I would willingly accept na hanggang friends lang talaga tayo. That’s what I thought before, pero ngayon na nalaman kong may gusto kang iba—may mahal kang iba—ang sakit pala. Sobrang sakit pala, Hyuck.” Diretsong tumingin si Mark sa mga mata ni Donghyuck. May mga luha pa rin sa mga mata niya, pero kay ganda pa rin pagmasdan para kay Donghyuck.
“Mahal na mahal kita, parang kaya kong hilingin na sana ako na lang. Sana ako na lang ‘yung mahal mo. Sana ako na lang ang nilalaman ng puso’t isip mo. Pe-pero,” ramdam na naman ni Mark na umaangat ang luha, nanginginig ang labi niya at mga mata, “kung mahal mo talaga siya. Wala na akong magagawa kung hindi tanggapin na lang. At maging masaya para sa’yo. Pipilitin kong tanggapin, even though I feel like it would take years and—”
“Mark.”
Kumunot ang noo ni Mark at suminghot. “Wait. I’m not yet done, please. I—”
“Mark,” tawag muli ni Donghyuck. May maliit, pero matamis na ngiti sa kaniyang labi. Mga mata ay malambing na nakatingin kay Mark. “Mark, ano ba ang sinasabi mo?” natatawang sabi ni Donghyuck. Lumalim naman ang kunot ng noo ni Mark. Ramdam niya ang kirot sa kaniyang puso, dahil sa sakit at inis. Pinagtatawanan ba ni Donghyuck ang nararamdaman niya? Binabalewala lang ba niya ‘to?
“Wha–”
“Anong sinasabi mo, Mark, eh ikaw ang mahal ko.”
Napatigil naman si Mark. “Ha? …ako?” tanong niya, hindi pa gaanong napoproseso ang sinabi ng isa. Natawa naman si Donghyuck at tumango. Binaba naman niya ang mga kamay niya para yakapin si Mark sa baywang at higitin ito papalapit sa kaniya. “Oo, ikaw. Ikaw lang naman talaga.”
Bago pa man makapagsalita ulit si Mark ay pinagpatuloy ni Donghyuck ang pagsasalita. “I’m sorry for making you think that I love someone else. Napaiyak pa tuloy kita,” malungkot na sabi ni Donghyuck, halata ang pagsisisi sa kaniyang mga mata, “pero ikaw lang naman ang mahal ko. Ikaw lang naman ang minamahal ko. Noon hanggang ngayon. Ikaw lang ang laman ng puso’t isip ko, Mark. Sorry kung ngayon lang ako nakakuha ng lakas ng loob para umamin. Natakot lang ako na baka mawala ka sa’kin; na baka lumayo ka sa’kin. Pasensya, mahal. Babawi ako sa’yo,” dinikit ni Donghyuck ang noo nilang dalawa at pumikit habang si Mark ay nakatingin pa rin siya, kahit pa halos maduling na siya.
“Pero sa ngayon, gusto ko munang sabihin sa’yo na mahal kita. Mahal din kita. Mahal na mahal kita, Mark. At mamahalin kita sa bawat araw at gabi, hanggang sa tayo ay tumanda.”
Napapikit naman si Mark nang marahang hinalikan ni Donghyuck ang noo niya. Hinalikan din ang mga mata niya, ilong, dalawang pisngi, baba, leeg, hanggang sa tinapat sa kaniyang labi at dahan-dahang nilapat ni Donghyuck ang sariling labi, magaan na halik pero punong-puno ng pagmamahal.
“Pasok na tayo sa loob?” malambing na tanong ni Donghyuck na kung saan ay sinagot siya ni Mark ng tango. Bumalik sila sa loob ng bahay nang magkahawak ang kamay at dumiretso sa isang guest room ni Chenle.
Humiga silang dalawa sa kama, magkaharap, at magkahawak pa rin ang mga kamay. Hinahalik-halikan ni Mark ang mga kamay ni Donghyuck at hindi mapigilan ng isa na mapangit at ibalik sa isukli sa kaniya ang mga halik pero sa mukha naman ni Mark. “Thank you… for loving me,” nahihiyang sabi ni Mark habang may maliit na ngiti sa kaniyang labi. Bahagyang umiling si Donghyuck at nilapit lalo ang mukha sa isa at hinaplos ang mukha nito gamit ang isang kamay. “No, Mark. I should be the one thanking you for loving me. Salamat sa pagtiis.”
“At salamat din sa biglaan mong pag-amin sa’kin,”dagdag ni Donghyuck bilang pang-aasar kay Mark, ang kaniyang nobyo.
“Ikaw kasi eh!” daing naman ni Mark sabay hampas sa braso ni Donghyuck na natatawa lang sa kaniya. “Parang tanga kasi mag-confess! You made me cry pa.” Hinigpitan ni Donghyuck ang yakap niya sa isa at pinudpod ng halik ang mga mukha nito; humihingi ng paumanhin.
“Sorry na nga, mahal,” halik sa mata, “sorry na po,” halik sa pisngi, “mahal kita,” at halik sa labi.
Ang daming nararamdaman ni Mark ngayon, hindi na niya maisa-isa pa, pero ang alam niya ay sobrang saya ng puso niya na halos sasabog na sa sobrang kilig, tuwa, at pagmamahal na ibinigay—binibigay—sa kaniya ni Donghyuck.
Wala na siyang mahihiling pa.
“Antok na ako, mahal,” ika ni Mark, mga mata’y mapungay na ngunit may maliit na ngiti pa rin sa labi. “Okay,” sagot ni Donghyuck, binalutan niya ng kumot ang katawan nila at hinila si Mark na para bang hindi pa sila gano’n magkadikit sa isa’t isa. “Tulog na, mahal. At bukas mahal pa rin kita. At sa kinabukasan. At sa kinabukasan ng kinabukasan. At sa kinabukasan ng kinabukasan ng kina—”
“Oo na! Oo na!” pagsaway ni Mark, natatawa sa kakulitan ng kaniyang nobyo. “Matulog na tayo!”
Magkayakap, magaan ang pakiramdam, at masaya ang puso.
Kinaumagahan ay naunang nagising si Donghyuck. Tinignan niya ang orasan at alas otso palang pala ng umaga. Nalipat naman ang tingin niya sa katabi niyang mahimbing pa rin ang tulog. Hinaplos niya ang namamagang mata ni Mark gamit ang hinlalaki niya, dulot ng pag-iyak nito kagabi. Pero kahit gano’n, kay ganda pa rin titigan ni Mark.
Halos ilang minuto rin siya nakatitig kay Mark hanggang sa unti-unti nitong minulat ang mga mata. Nang tuluyang nagising na si Mark, bahagya itong nagulat dahil nakatingin lang sa kaniya si Donghyuck na may matamis na ngiti sa labi. Napakunot naman ang noo ni Mark at kinusot ang mga mata.
“Hyuck? Why are you staring at me?” tanong nito at tinakpan ang bibig para humikab. “Wait… tulo laway ba ako? Oh my god, Hyuck—”
“Ang sarap pala gumising kapag ikaw agad nakikita ko,” malambing na sabi ni Donghyuck, lalong lumaki ang ngiti nito at nilapit ang mukha para bigyan ng magaan na halik ang noo ni Mark, na ngayon ay nag-iinit at namumula ang mukha dahil sa sinabi ng nobyo.
Pero totoo naman.
Ang sarap naman talagang gumising kung ganito lagi ang bungad sa bawat paggising ni Mark.
