Work Text:
Minsan naiisip ni Sunoo kung sinadya ba ng tadhana na magkrus ang landas nila ni Heeseung sa murang edad.
Grade 1. First day. Nagtulakan na agad sila sa pila dahil pareho nilang ayaw maging line leader. Pareho silang pinagalitan, pero sa gitna ng sermon, napatingin sila sa isa’t isa at sabay tumawa—maingay, may takot, pero magaan.
at simula nung araw na iyon, hindi na sila mapaghiwalay.
Magkatabi sa klase. Magkasama sa lunch. Magkaaway minsan, pero hindi natutulog nang hindi sila bati. Sa bawat paglipas ng taon, naging pamilyar ang presensya ni Heeseung sa buhay ni Sunoo—parang hangin. Hindi laging ramdam, pero palaging nariyan.
Habang lumalaki sila, unti-unting lumalalim ang kanilang koneksyon. Mula sa mga simpleng palitan ng baon, hanggang sa tahimik na pag-upo sa rooftop ng high school building nila tuwing lunch break.
Si Heeseung—parang isang liwanag sa umaga. Palaging puno ng enerhiya, parang sinag ng araw na walang pag-aalinlangan kung saan sisikat. Madaldal siya, minsang walang preno, pero palagi mong mararamdaman ang init ng presensya niya—parang komportableng sinag sa malamig na umaga. Kahit hindi niya sabihin, nariyan siya. Para kay Sunoo.
At si Sunoo… tahimik, mapagmasid, laging nagmamasid sa mundo na parang may sariling kwento sa likod ng kanyang bawat tingin. May mga damdaming itinatago niya sa mga ngiting banayad at tinging hindi nagtatagal. Hindi dahil sa takot, kundi dahil alam niyang ang damdaming iyon ay parang hangin—kapag pinilit mong hawakan, baka tuluyang mawala.
Hindi niya alam kung kailan nagsimula.
Baka noong binigyan siya ni Heeseung ng extra yakult kahit obvious na gustong-gusto rin niya ito.
O baka noong hinawakan siya ni Heeseung habang tumatawid, kahit wala namang kotse na dadaan.
O baka dahil sa dami ng pagkakataong ipinadama nito sa kanya kung gaano siya ka-importante… kahit wala itong sinasabi.
"Sapat na sa 'kin ang ganito oh,
Ang pagmasdan ka sa malayo..."
Hindi niya kailangan ng kahit ano mula kay Heeseung—hindi ng mga salita, hindi ng pangako. Sa tuwing nasa tabi niya ito, parang kumpleto na ang araw niya. Hindi na kailangang umamin. Basta’t nasa tabi niya si Heeseung, sapat na.
Pero may mga sandaling sumisikip ang kanyang dibdib. Mga gabing tila kulang ang hangin, at ang puso’y pilit na kumakawala sa katahimikan.
May mga sandaling gusto niyang isigaw ang matagal nang kinikimkim.
Na mahal niya ito. Matagal na.
Pero sa dulo, palagi siyang nauuwi sa malalim na buntong-hininga—parang panalangin na hindi kailanman mabigkas, at damdaming pinili na lang itago sa dilim.
---
"Sunoo, tara na. Gabi na," tawag ni Heeseung kay Sunoo habang nakatayo sa gilid ng bench, hawak ang plastic bag na may natirang snacks at dalawang bote ng tubig. May lamig sa hangin, pero hindi niya alintana. Sanay na siya sa ganitong gabi kasama si Sunoo—tahimik, simple, at palaging may hindi nasasabi.
Nasa park sila, halos walang tao, kundi ang kaluskos ng mga dahon at mahinang tunog ng mga insektong hindi nila matukoy kung ano. Si Sunoo ay nakaupo, hawak ang malamig na bote ng Mt. Dew, nakatingala sa langit na puno ng mga bituin—parang isang canvas ng mga tanong na ayaw sagutin.
"Teka lang," tugon ni Sunoo. "Ang ganda ng mga bituin oh."
Umupo si Heeseung sa tabi niya, hindi agad nagsalita. Pinanood muna niya ang langit, sabay napabuntong-hininga. Para bang may gusto rin siyang itanong—o baka aminin—pero mas pinili na lang niya na tabunan ito ng katahimikan.
"Kung bibigyan ka ng chance pumili ng isa sa mga bituin," tanong ni Heeseung, "alin ang pipiliin mo?"
Napangiti si Sunoo, hindi tinanggal ang paningin sa itaas.
"Hindi ko alam. Lahat sila parang… pare-pareho lang. Lahat maliwanag, lahat malayo."
Tumingin si Heeseung kay Sunoo, bahagyang ngumiti.
"Ako kasi… ikaw ang pipiliin ko."
Napatigil si Sunoo, hawak pa rin ang bote pero tila biglang bumigat sa kamay. Hindi niya alam kung narinig ba niya ng tama. O kung puso niya lang ang umaasa.
"…Anong ibig mong sabihin?" mahina niyang tanong, halos pabulong, para kung sakaling masaktan siya, hindi masyadong marinig ng mundo.
Tumawa si Heeseung, ‘yong tawang parang cover-up. Parang may pinagtatakpan.
"Wala. Nagjojoke lang. Ikaw kasi… para kang bituin minsan. Nandiyan, pero ang hirap abutin."
Ngumiti si Sunoo. Mahina. Pilit.
Parang sinubukan niyang pigilan ang damdamin niya para hindi ito malaman ni Heeseung.
At sa likod ng ngiting ‘yon, humiyaw ang puso niya.
Sabihin mo na. Please. Heeseung, sabihin mo na.
Pero wala. Tumawa lang ulit si Heeseung, sabay binago ang usapan.
Gaya ng dati.
Gaya ng palaging nangyayari.
At gaya ng nakasanayan, si Sunoo na lang ang nagtago ng mga salitang hindi kailanman masasabi.
"Hindi ko naman yata ikamamatay
Kung hindi ko mahawakan ang iyong kamay…"
Parang hindi naman totoo ‘yong sinasabi ng paborito niyang kanta. Kasi sa totoo lang, sa bawat segundong hindi niya masabi, tila ang mga piraso ng puso niya ay unti-unting namamatay.
Parang sa bawat “hindi ngayon,” ay isa ring paalam sa pagkakataong sana'y naging "oo."
Parang sa tuwing hindi niya mahawakan ang kamay ni Heeseung, parang siya na rin ang bumibitaw sa sarili niyang damdamin— isang damdaming pilit niyang kinukulong sa kanyang dibdib,
dahil alam niyang kapag pinalaya niya ito,
ayon talaga ang totoong kanyang ikamamatay.
---
Ilang linggo ang lumipas.
Graduation na nila.
Ang buong paaralan ay abala sa mga huling sandali ng kanilang pagsasama. Toga, mga ngiti, at ang mga kwento ng mga natutunan at karanasan. Lahat ay punung-puno ng kasiyahan, ng excitement para sa bagong yugto ng kanilang mga buhay.
Ngunit sa kalagitnaan ng lahat ng ito, naroroon si Sunoo, hindi matahimik, hindi makapagsaya. Hindi dahil wala siyang dahilan para magdiwang, kundi dahil may isang tao siyang hinahanap. O mas tamang sabihing, may isang tao siyang hinihintay.
Si Heeseung. Ang pangalan ng lalaking iyon ay patuloy na tumatatak sa kanyang isipan, pati na rin ang mga sandaling wala siyang lakas na itago ang tunay na nararamdaman.
Nasa dulo ng hallway si Heeseung, kasama ang mga kaklase nila—lahat ay tumatawa, ang mga mata’y kumikislap sa kasiyahan. Ang bawat tawa ni Heeseung ay nagiging musika sa mga pandinig ni Sunoo, ngunit sa mga sandaling iyon, para bang ang lahat ng sigla ay nagiging mabigat sa kanyang pakiramdam.
Dahil pagkatapos nito ay magkakahiwalay na sila. Lilipat ng unibersidad. Magiging iba na ang mga direksyon ng kanilang mga buhay.
Kaya niya pa bang manahimik?
"Sunoo!”
Si Heeseung. Laging may buhay sa bawat tawag nito, laging may init na sumasabay sa bawat salitang binibitawan. Tumakbo si Heeseung papunta sa kanya, may hawak na garland na gawa sa candy, isang simpleng bagay, ngunit para kay Sunoo, parang isang alon ng mga alaala—mga alaala na alam niyang hindi kailanman matutumbasan ng kahit anong salita.
"Para sa’yo. Kahit alam kong hindi mo ‘yan kakainin, pero cute, diba? Pinaghirapan ko 'yan!"
Natawa si Sunoo, ngunit ang tawang iyon ay malabo, puno ng luha na hindi pa kayang ipahayag. "Ang baduy mo.”
"Baduy daw. Pero nakangiti naman siya.”
Si Heeseung, minsan kasi, may mga sulyap siyang ibinibigay—mga sulyap na hindi kayang ilarawan ng mga simpleng salitang tulad ng ‘maganda’ o ‘cute.’ Parang may mga lihim na nais iparating, mga kwento na hindi kailanman matutuklasan. Sa mga sulyap na iyon, parang may isang mundo na hindi kayang abutin ni Sunoo, parang may isang mundo na laging naroroon sa bawat titig, sa bawat paghinga.
"Sapat na sa akin (na sa akin)
Hindi na aamin (na aamin)
Hindi na aasa (na aasa)
Ako'y maligaya (maligaya)”
Sapat na sa kanya ang mga sulyap na iyon, sapat na ang mga ngiting walang malalim na pangako, sapat na ang mga sandali na magkasama sila.
"Sunoo…” Biglang bulong ni Heeseung, ang mga mata ay parang may tinatagong lihim. "May sasabihin sana ako pero—”
ang sagot ay: oo, kaya niya pa
"Heeseung, wag na,” putol ni Sunoo, ang kanyang mga labi ay may pilit na ngiti, ngunit ang mga mata ay puno ng hinagpis. "Alam ko na.”
Napatigil si Heeseung. "Sigurado ka?”
Tumango si Sunoo. Walang pag-aalinlangan. Kasi sa mga sandaling iyon, alam niya na minsan, may mga bagay na hindi na kailangan aminin, may mga bagay na hindi kailangang ipilit. May mga damdamin na, kahit hindi masabi, ay ramdam na ramdam ng puso.
At kung hindi man sila para sa isa’t isa, kung ang tadhana ay hindi na sila paglalapitin pa, kung hanggang dito na lang ang kanilang kwento, masaya pa rin siya. Kasi sa kabila ng lahat ng hindi nasabi, sa lahat ng mga pangarap na hindi na matutupad nang magkasama, sa mga salitang hindi na kailanman masasambit pa, may mga sandali pa rin na nagkasama sila.
At para kay Sunoo,
lahat ng iyon,
sapat na.
