Actions

Work Header

Rating:
Archive Warning:
Category:
Fandom:
Relationships:
Characters:
Additional Tags:
Language:
Filipino
Stats:
Published:
2025-05-19
Completed:
2025-05-19
Words:
1,391
Chapters:
2/2
Kudos:
7
Hits:
125

Ang tahanang hindi na sa kanila

Summary:

Ang dating tahanan ay isa na lang alaala. Ang dating pagmamahal ay isang kwento na hindi na nila muling maisusulat pa.

(Inspired by Niki’s The apartment we won’t share)

Notes:

Highly inspired by Niki’s The apartment we won’t share!! Please listen to it while reading hehe 🩷

Chapter 1: Sunoo’s POV

Notes:

(See the end of the chapter for notes.)

Chapter Text

Nanigas si Sunoo sa kinatatayuan niya. 

 

Sa kabila ng kalsada, sa kabila ng mga dumaraang mga sasakyan at taong hindi alintana ang sakit ng nakaraan, nandoon siya.  

 

Si Heeseung.

 

Parang hinigop ang hangin mula sa kanyang hininga. Ang tagal na nilang hindi nagkita, pero kahit ilang taon pa ang lumipas, kahit ilang tao na ang dumaan sa kanyang buhay, kahit ilang lungsod na ang kanyang nilibot, isa lang ang hindi nagbago—ang paraan ng pagtibok ng puso niya tuwing nakikita si Heeseung.

 

Nag-iba na ang itsura ni Heeseung. Mas matapang ang linya ng kanyang panga, mas pagod ang kanyang mga mata. Pero kahit anong pagbabago sa panlabas na anyo, siya pa rin iyon. Ang lalaking minahal niya. 

 

Napalunok si Sunoo. Napakapit sa strap ng kanyang bag, pilit kinukumbinsi ang sarili na isang tingin lang ito. Isang sulyap sa nakaraan bago tuluyang lumakad palayo.

 

Pero hindi ganoon kadali ang kalimutan ang pitong taon.

 

Flashback

 

Maliit lang ang nakuha nilang apartment noon, pero hindi kailanman nagkulang sa pagmamahal. Noong una nilang tinapakan ang sahig nito, walang kahit anong muwebles—tanging pangarap lang ang meron sila. Hinawakan ni Heeseung ang kamay niya, may kinang sa mata habang tinuturo kung saan ilalagay ang sofa, ang bookshelf, ang kama. 

 

“Dito tayo tatanda, Sunoo,” nakangiting sabi nito habang pinapaikot siya sa malawak na sala. “Dito natin bubuuin ang buhay natin.”

 

Natawa lang siya noon, hindi alam na ilang taon lang ang bibilangin at hindi na iyon kailanman matutupad.

 

Nagigising siya araw-araw sa yakap ni Heeseung. 

 

May mga umagang masaya—mga araw na puno ng halakhak, ng agahan sa kama, ng tahimik na pagdantay ng ulo sa balikat ng isa’t isa habang nanonood ng kanilang paboritong pelikula. 

 

Pero may mga umagang mahirap—mga araw ng hindi pagkakaunawaan, ng sigawan sa pagitan ng maninipis na pader, ng mga luhang hindi na pinunasan ng mga kamay ng isa’t isa. 

 

“Bakit ba parang hindi na tayo pareho ng mundo?” bulong ni Sunoo minsan, nakatingin sa kisame habang nakahiga silang magkalayo sa kama.

 

Hindi sumagot si Heeseung. Sa halip, tumalikod ito. At doon nagsimula ang pagkabasag ng lahat.

 

Ilang gabi na ang dumaan na si Heeseung ay hindi umuuwi. Hindi tumatawag, hindi nagme-message. At kahit anong pilit ni Sunoo na huwag mag-isip ng masama, unti-unting sumisiksik sa kanyang isipan ang takot,

 

baka unti-unti nang nawawala si Heeseung sa kanya.

 

Pagbalik nito kinabukasan, amoy alak ito, may bahid ng pagod at kawalan ng interes sa kanilang tahanan. 

 

“Trabaho,” ang tanging sagot nito nang tanungin niya. Pero alam ni Sunoo—hindi lang iyon.

 

Sumunod ang gabi ng kanilang matinding pagaaway. Isang gabing umalingawngaw ang tunog ng basag na pinggan sa sahig, ng mga salitang kailanman ay hindi na mababawi.

 

“Huwag mong ipilit ang hindi na kayang ayusin!” sigaw ni Heeseung, ang mga mata nito puno ng poot at pagod. “Hindi ba pwedeng bitawan mo na lang ako?”

 

Napaurong si Sunoo. Iyon na ang sagot. Iyon na ang hudyat.

 

Ilang araw pa bago tuluyang nag-empake si Sunoo. Tahimik lang si Heeseung, nakatingin lang habang isa-isang inilalagay ni Sunoo ang buhay niya sa loob ng maleta. Wala nang sigawan, wala nang iyakan. Wala na silang natirang lakas para sa kahit anong emosyon.

 

Bago lumabas ng pinto, saglit siyang lumingon. “Pa’no kung hindi kita kayang bitawan?” mahina niyang tanong.

 

Pero hindi na siya sinagot ni Heeseung

 

Back to present

 

kumakabog ang puso ni Sunoo sa kanyang dibdib. Gusto niyang lumakad palapit. Gusto niyang subukang muli. Gusto niyang itanong kung kaya pa nilang buuin ang sirang pangarap na iniwan nila noon.

 

Pero paano kung huli na ang lahat?

 

Napansin niyang gumalaw si Heeseung, tila maglalakad palapit, pero isang segundo lang, at umurong ito, bumuntong-hininga, saka nag-iwas ng tingin. 

 

At doon niya napagtantong tapos na talaga sila. Hindi na kailangan ng mga salita. Hindi na kailangang ipaliwanag pa. Ang dating tahanan ay isa na lang alaala. Ang dating pagmamahal ay isang kwento na hindi na nila muling maisusulat pa.

 

Napalunok si Sunoo, pilit na tinatanggap ang kirot. At sa unang pagkakataon sa napakaraming taon, siya na ang unang tumalikod. Siya na ang lumakad palayo. 

 

At sa bawat hakbang niya, kasabay nitong nalalaglag ang mga pangarap na minsang itinayo nila sa loob ng tahanan na hindi na kailanman magiging kanila.

Notes:

may pov si heeseung >< wait lang wahaha