Chapter Text
Mahirap.
Mahirap maghanap ng isang bagay na alam mong hindi mo na ulit makikita.
Hindi ko alam kung anong mali sa sarili ko, pero simula noong nawala na siya sa akin, hindi na nawala sa isip ko ang isang hangarin.
Isang hangarin na maghanap, na mag mahal.
Hindi ko alam, pero, maraming tao ang nagsabi sa akin—bakit hindi ako malungkot? Bakit tila, wala lang akong reaksyon sa mga nangyari?
Kung alam lang nila.
Tuwing gabi, may ganitong pakiramdam sa puso ko na bumabagabag sa akin na may nawawala raw ako. Gabi-gabi, hinahanap ko ‘yung mukha niya. Pakiramdam ko, kailangan ko. Nangungulila ako sa isang bagay na alam kong hindi ko na kaya ulit makamtan.
Pero palagi akong may hinahanap.
Nung una, tinanong ko sa sarili ko, nakatulog ba ako ng maayos? Baka epekto lang ‘to ng puyat.
Pero hindi—alam ko ang pagkakaiba na naging dulot sa akin ng walang tulog at may hinahangad.
Sabi ng mga kaibigan ko, baka wala na raw ako sa tamang pag-iisip. Siguro nga.
Kung totoo man ang kwento ng mga diyos, ang isang bagay na ginugol nila sa paggawa ay ang pag-ibig, at kung paano nila binigay ito sa mga tao ng may pagnanais na makamtan ito.
Kung totoo man ang sabi-sabi na malaki ang kayang gawin ng taong nangungulila, edi siguro nangyari na sa akin.
Minsan, namamangha rin ako sa mga bagay na kayang gawin ng tao para lang sa pag-ibig, para lang may pag-ibig.
Merong nawawala sa tamang pag-iisip, meron namang mga nakatikim ng saya na kanilang ninanais, tapos meron ring mga sawi, kagaya ko.
Sawi sa pag-ibig dahil nabigo akong panatilihin siya sa piling ko.
