Chapter Text
Minsan nang may nagtanong kay Stacey sa isang pageant na sinalihan kung ano ang ambag niya sa lipunan.
Sinagot niya ng kibit-balikat dahil wala naman siyang matinong sasabihin.
Sabi ni ate Maloi nung maikwento niya ang ganap, normal na mamamayan lang naman sila ng Pilipinas.
Tinanggap na din lang ni Stacey.
Simple lang kasi ang buhay. Ayaw na niya ma-stress pa. Masyadong madaming gawain para magdagdag pa.
“Hoy, Stacey!” Sigaw ng dispatcher sa pila ng tricycle na si ate Aiah. “Pasimple ka pang kunyari naghahanap ng lilim, singit ka na sa pila!”
“Pake ko ba sa pila?! Napakainit kaya! Bahala ka na magturo sakin kung sino isasakay ko!” Balik ni Stacey. Bumangon mula sa pagkakahiga niya, tinanggal nadin yung cap na nakatakip sa mukha.
Tumawa si ate Aiah. “Gurl joke lang! Ginigising lang kita, tulog ka nanaman!”
“Panget ng trip.” Reklamo ni Stacey. Humiga ulit. Balik sa muni-muni.
Ulilang lubos sila ni ate Maloi. Parehong natutong kumayod simula nung teenager sila at namatay sa aksidente ang mga magulang. Binuhay sa marangal na paraan yung bunso nilang kapatid na si Sheena.
Kung ano-anong raket na ang napasok nila ng ate niya.
Gamit yung bike ni Sheena na nabili nila sa kapitbahay na junk shop, halinhinan silang naging tindera ng balut. (Dr. Quack Quack, proud si Stacey dun sa pangalan na yun) Natigil lang dahil nasira yung bike kaya lumipat naman sila sa pagtitinda ng Idol Cheesedog sa ilalim ng riles ng LRT sa may Carriedo. Na-clearing operation naman yung business na yun kaya naging ‘manghuhula’ pa nga sila pareho sa Quiapo. Tinigil naman nila yun nung minsang may dumating na grupong may dalang mga bata sa pwesto nung lola na katabi ng sa kanila. Natakot sila pareho sa trip ni lola. Parang legit kasi talaga kaya tumigil na sila. Kesa madali pa ng karma. May pa-trance kuno pa kasi yung lola. Naakusahan pa nga na soulmates eme yung dalawang batang babae na magkaholding hands lang naman.
Umabot na sila sa kasalukuyan na driver sila pareho ng mahiwagang public transportation ng bansang kinalakihan. Si ate Maloi na bumabiyahe ng Lawton-Dapitan-Dangwa na ruta sa isang dilaw na jeep at siya naman na nagmamaneho ng tricycle sa toda na umiikot sa barangay nila.
May mga araw na maayos ang kita at nakakapag-Jollibee silang tatlo kasama si Sheena. May mga araw din naman na matumal at Payless lang ang hapunan.
Tulad ngayon.
Ubos na ubos na ang oras ni Stacey kakatambay sa pilahan ng toda. Tanging kausap niya lang si ate Aiah na nakilala niya lang din mula sa kaka-raket nila ng ate Maloi niya.
Nakalaban niya nung nagpa-pageant pageant siya para lang sa kaunting pera. Si ate Aiah yung nanalo sa isang ganap na 1st runner up naman si Stacey. Nilapitan siya sa backstage pagkatapos ng pa-program para lang tanungin kung ano daw ba yung ‘deeper meaning’ nung sagot niya sa Q&A portion na ‘the coconut nut is not a nut kasi kumukutikutitap ang mundo’. Pinaliwanag naman niya. Tapos sinabi niya yung totoo na feeling niya kaya siguro siya natalo kasi di siya gets nung mga judge na puro lolo.
Tinawanan lang siya ni ate Aiah. Akala niya yun lang ang magiging interaction nila. Pero naging regular yung nagkikita sila kasi pareho silang sumasali sa mga pageant sa city nila kaya kalaunan eh sila nadin ang laging nagiging magka-kwentuhan tuwing waiting time sa backstage.
May-ari pala ng prangkisa ng mga tricycle at jeep ang pamilya ni ate Aiah. Natuwa lang sa kanya kaya niyakag siya na maging driver nung nalaman na marunong pala siyang magpatakbo ng motor. Sinali na din si ate Maloi. Bayaran nalang daw nila ng rent to own yung tricycle at jeep kasi meron silang ganun na walang gumagamit. Nataon lang na paborito nila ni ate Maloi yung kulay nung mga sasakyan kaya din um-oo na sila sa offer. Sayang naman. Regular na kabuhayan din ang dala kaya malaki ang utang na loob nila.
“Sasali ka ba sa Ms. Barangay Bloom, Staks?” Tanong ni ate Aiah. “Hinahanap mo na ba mag heels at magpaganda?”
Kibit-balikat lang si Stacey. “Ewan, ate.” Sagot niya. “Wala akong pang puhunan sa isusuot tsaka sa pa makeup at ayos pag sumali ako. Bayaran sa school ni Sheena. Higpit kami ngayon ni ate Maloi.” Pahabol na paliwanag.
“Sayang naman ganda mo beh.”
“Sayang naman talino ni Shee pag inuna ko pa yung trip ko.”
“Ayun lang.”
Bumaba si Stacey at inayos saglit yung pagkakaparada ng tricycle. Nakita yung kunot-noo ni Aiah. Nagpapaikot ng lapis sa kamay nito. “Ano nanaman yan, ate Aiah?” Tanong niya.
“What..if..” Simula ni Aiah.
“Ay! Aynako parang alam ko na yan!” Sigaw ni Stacey. Tinakpan ang parehong tenga. “Nye nye nye wala akong naririnig!”
“What if lang naman, Staks!” Sabi ni Aiah. “Sayang kasi talaga!”
“Ayoko, ate Aiah! Napakadami ko nang utang sayo dadagdagan mo pa!”
“Di naman utang kasi!”
“Kahit na! Ikaw nalang sumali diyan sa Ms. Barangay Bloom na yan ichi-cheer pa kita ng go sexy sexy love pag swimsuit portion na! Yung blue yung isuot mo! Rampa!”
“Nasasawa na ako! Lagi nalang panalo!”
“EDI. WOW naman pala! Ikaw na ang reyna!”
“Dali na kasi, Stacey! Ako na magme-make up at ayos sayo! Pati yung isa kong gown yun nalang isuot mo para walang gastos!”
“Ano ba yan, ate Aiah! Feeling ko talaga binubudol mo lang ako!”
“Hoy hindi ah! Gusto mo para fair sasali na din ako tapos patalo!”
“Bakit ba kasi gustong-gusto mo na sumali ako dun?!”
“Malaki kasi yung premyo bai! 50 thousand daw! Yung kumakandidatong mayor kasi yung sponsor.” Biglang seryoso na sabi ni Aiah.
Natigil si Stacey. Umurong ang namumuong rant sa lalamunan niya.
Singkwenta-mil. Ang laki na nun para sa isang normal na mamamayan ng Pilipinas na katulad niya.
Hindi man mabubuo yung iniipon nila ni ate Maloi na pang-tustos sa college ni Sheena, malaki padin ang madadagdag kahit kalahati lang.
Kung pang-araw araw ang usapan, ilang taon din silang dadalhin ng ganun kalaking pera. Matipid naman silang tatlo kung tutuusin.
Mabibili na niya yung gusto ni Sheena na purple na backpack. Pamalit dun sa gamit nung bunso nila na nakuha nila sa donation drive at may mukha ni Judy Ann.
Mapapalitan na niya yung sira na pulang salamin ng ate Maloi niya. Kahit sampung pares pa nga di siya maghihirap. Madami siyang na-tropa na gumagawa ng salamin sa Carriedo. Kontratahin niya nalang yung manliligaw ng ate niya dun sa isang shop na si ate Colet. Baka nga lifetime supply pa ang ibigay nun, sila naman yung may-ari ng tindahan. Itataya niyang sasagutin na yun ni ate Maloi panigurado kung sakali.
Singkwenta-mil. Di lang siya ang makikinabang.
Ang daming umiikot bigla sa isip niya.
“Ano? Tulala ka na diyan bigla?” Tanong ni Aiah. “Naisip mo na ibig ko sabihin noh?”
Napalunok ng laway si Stacey. “Oo.” Pabulong na sagot niya.
“Ang laking tulong nun, Staks.”
“Oo..malaki nga.”
“Masasara niyo na ni Maloi yung natitira niyo sa trike tsaka sa jeep.”
“Yeh.”
“Kahit pumasada nalang kayo for fun. Wala na kayong iisipin.”
“Tru.”
“Malayo-layo din ang mararating. Makakauwi kayo sa probinsiya kung gusto niyong dun na mamuhay ulit.”
“Hindi..mamuhay, ate. Kahit..pahinga lang saglit.”
“Ayun ang kailangang-kailangan niyong mag-ate.”
“Kelan..ba yang..pageant na yan?”
“Sa isang buwan daw. December 8. Birthday yata nung anak ng kandidato kaya madaming ganap.”
“Hmm.”
May sumakay na sa tricycle ni Stacey kaya medyo wala siya sa wisyo na umupo nadin sa harapan para paandarin.
“Pag-isipan mo, Staks.” Yakag ni Aiah. “Malayo din ang mararating. Makaka-angat kayong magkakapatid sa laylayan kahit papano.”
Medyo natatawa na binuhay ni Stacey yung pink na Bajaj three wheeler niya.
“Gusto ko lang naman pumasada ng payapa, ate Aiah. Binigyan mo pa ako ng isipin.” Biro niya. Tinesting yung silinyador niya.
Nginitian lang siya ni Aiah. “Ano ba namang klaseng kaibigan ako kung di kita sasabihan na magpaganda din paminsan-minsan?”
“Wankosayo, ate Aiah. Sige na. Pag-usapan natin yan siguro ng masinsinan pag-ikot ko ulit dito.”
Hindi naman kasi alam ni Stacey na matatagalan pala yung pag-ikot niya ulit sa pila ng BloomToda.
