Actions

Work Header

Firsts

Summary:

Sa dami ng first time ni Wonwoo, laging may isang common denominator: si Mingyu.

Notes:

Yay! First time ko gumawa ng hihigit lang sa isang chapter, kaya sana mapanindigan. Ewan, kabag lang po ito. Mabilis lang din ang pacing nito at puro timeskips. 'Wag sana mabibigla haha kasi kagaya ng title, iikot lang tayo sa firsts nila. Fluff lang ito mga kapatid! Kilig kilig lang tayo dito. Yun lang! :D

Chapter 1: First Offense

Summary:

Bago ang lahat, bakit nga ba sila magkaaway?

Simple lang. Hindi dahil sa isang malaking bangayan o matinding kasalanan. Walang "you betrayed me" moment. Walang ganoon. Ang mayroon lang? Isang Mingyu Kim na ginawa yatang full-time job ang pang-aasar sa kanya, at isang Wonwoo Jeon na may maiksing pisi.

Chapter Text


"Siraulo ka talaga!" bulalas ni Wonwoo habang pinapagpagan ang kaniyang uniporme na nabahiran ng putik dahil sa pagkakadapa.

 

Panibagong araw, panibagong kagaguhan na naman! Brought to you by Mingyu Kim. Sa araw-araw ba naman na ginawa ng Diyos, parang misyon ng lalaking ‘yon na sirain ang araw niya. At sa tuwing magkikita sila, hindi puwedeng walang eksena. At sino ang kontrabida, malamang si Mingyu. Siyempre, sila ba naman kasi ang main characters - ayon kay Seungkwan ng mag-rant siya dito.



Nakangisi lang si Mingyu, nakasakay sa kaniyang mountain bike na parang bida sa sariling pelikula. Paano ba naman kasi, mula sa kanto ay bigla itong sumulpot at humarurot papunta kay Wonwoo. Oo, malapit lang pala ang bahay nila sa isa't-isa. Late na rin nalaman ni Wonwoo. Tsaka, hindi rin naman siya interesado na malaman pa.



Siyempre, si Wonwoo na likas na magugulatin, ay napaatras at... ayun, nadapa. Swak pa sa bato na mukhang nag-abang lang talaga sa kaniya. Awa na lang!



"Sa susunod, gumilid ka kasi." pang-aasar ni Mingyu sabay ikot-ikot ng gulong ng bisikleta niya na parang walang nangyari.



"Nakita mo naman siguro kung gaano kalawak 'tong daan eh bakit dito ka pa dumiretso? Sino ka ba sa tingin mo, ha?!" balik ni Wonwoo, halos manginig na sa inis habang nanlilisik ang mga mata sa likod ng kaniyang makakapal na salamin.



Kung tingin mo eh matatakot si Mingyu, aba eh nagkakamali ka. Mas lalo pa ngang lumapad ang ngiti nito. "Aminin mo na lang kasi. Miss mo ako no?"



"Patawa ka masiyado. Pwede kang comedian." Kaso, ngumisi lamang ulit ang binata at sinabuyan pa siya ng tatlong flying kiss. Oo, tatlo. The nerve! Sa utak lang yan ni Wonwoo ah, at baka kung ano pang lumabas sa bibig niya.



Sa totoo lang, kalmado naman talaga siyang tao. Matalino, masipag, tahimik, at hindi maikakaila-maganda siya. ‘Yung tipong kahit maglakad lang sa corridor, parang may sariling background music. Bading? Oo. Proud bading si Wonwoo. At kung may award para sa “Pinaka-Maamong-Cat-Energy,” sa kaniya na ‘yon. Malambing, mahinhin, pero huwag ka-may panabla rin kung kailangan.



Kaya nga hindi niya maintindihan kung bakit, mula nang pumasok sa eksena si Mingyu ngayong Senior High, bigla na lang siyang naging bida sa sariling kdrama-plot twist after plot twist. Akala niya tahimik lang ang school year, pero hindi kasi biglaang may Mingyu. As in, kung umulan ng kamalasan eh siguradong si Mingyu ang ulap. Delubyo na kung delubyo!



Normalize na isisi lahat ng kalbaryo kay Mingyu? Yes, please.



"Sus, 'wag na magtampo ang baby ko na 'yan," sabay kindat ni Mingyu na parang may sariling fanclub. "Nag-mwa mwa na nga 'yung tao oh. Nasaan yung mwa mwa ko?"

Ikinuom ni Wonwoo ang kamao at iniangat para makita ng lalaki. "Ito oh mwa mwa, gusto mo sa cheeks?"



"Ang bayolente mo talaga, baby. Kaya sayo ako eh."



"Sumemplang ka sana!"



"Sweet. See you sa school bukas, baby."


Tapos biglang alis. Ganon lang. Walang hiya. Wala man lang pasintabi. Si Wonwoo? Naiwang nakatayo, napapakamot na lang sa hindi makati.



Bago ang lahat, bakit nga ba sila magkaaway?



Simple lang. Hindi dahil sa isang malaking bangayan o matinding kasalanan. Walang "you betrayed me" moment. Walang ganoon. Ang mayroon lang? Isang Mingyu Kim na ginawa yatang full-time job ang pang-aasar sa kanya, at isang Wonwoo Jeon na may maiksing pisi.



Naalala niya noong Grade 11, unang pasok ni Mingyu kasi transfer student ang binata. Pumasok na parang hindi late - kahit halatang late. Wala pa naman ang guro nila sa Basic Calculus at may biglaang meeting ang faculty. Pero siyempre, may oras na sinusunod ang mga estudyante. Kung late ka, late ka na talaga. May earphones pa na suot yan, na para bang walang tao sa paligid niya. Samantalang si Wonwoo, a.k.a. Mr. Organized, ay nasa room na bago pa mag-7 a.m., may baong gtec, at may backup refill pa. Gano'n siya ka-prepared, bestie.



Walang malapit na bakanteng upuan maliban sa tabi ni Wonwoo kung kaya't kinulbit siya ni Mingyu.



"Pwede ba dito?" tanong ng bagong salta, sabay ngiti - 'yung tipong alam mong may balak.



"That seat is reserved." sagot ni Wonwoo na may kasamang please-don’t-sit-here aura. Totoo naman kasi, doon nakaupo si Seungkwan. Lumabas lang ito saglit kasi sumakit ang tiyan niya kaya sa clinic ito dumeretso. Pero bago pa niya masabing humanap ka ng ibang upuan e ayun, umupo na si Mingyu. Parang walang narinig. O baka sadyang nagbibingi-bingihan.



At doon nagsimula ang lahat.



Si Wonwoo gusto ng tahimik? Si Mingyu, sige ang kulbit kung kani-kanino.



Si Wonwoo may color-coded notes? Si Mingyu burara. Tanda niya humiram ito ng notes dati. Binalik din naman agad ng lalaki ang hiniram nitong notes sa kaniya. Color-coded pa rin naman, kaso gawin ba naman na coloring book yung likuran sa dami ng doodles na para bang kinder yan. Aba! hindi ba basic decency na kapag may hiniram ka ay ibabalik mo dapat yun nang maayos?



Si Wonwoo na nagpapaalala pag hindi maayos ang gawa sa group report? Pero si Mingyu, gumagawa ng slides with matching GIF pa ng sikat na personalities na maire-relate niya sa topic. Biruin mo ba naman, ang reporting nila may kinalaman sa Judaism, bakit mo lalagyan ng picture ni Juday? O kaya naman buoyancy pero picture ni Beyoncé?! Mapapa-jusko po, jusko po! ka naman talaga.



Si Wonwoo na may sariling papel, ruler, at correction tape? Si Mingyu, kulang na lang ay pag-aralin niya kasi lahat na yata ay hiniram - tapos may pahabol pang may stapler ka rin? Pinahiram niya ng pilot pen dati, pero bumalik ito na wala na ang tip! gtec yun, gtec!



Araw-araw, ganyan. At ang hindi niya talaga gets sa lahat ay bakit siya ang bunot ng bwiset na Mingyu? Parang teleserye na walang commercial break eh. Nadadagdagan lang lalo ang listahan ng mga dahilan kung bakit hindi sila pwedeng magsama sa iisang lugar.



Sa sobrang dami ng interaction nilang nakakabwisit, napagtanto na lang ni Wonwoo na baka kampon lang talaga ito ni Satan*s. Oa na kung oa, pero kung paulit-ulit nangyayari e sino ba ang hindi maiinis? Idagdag mo pa na tuwang-tuwa yung tao kapag sasabog na siya sa pinaghalong iyamot at inis.



At habang ang buong klase natatawa sa banter nila, si Wonwoo? Nagpi-pray na sana maging absent si Mingyu kahit isang araw lang.



Spoiler: Never nangyari.



Kaya ito siya ngayon, nakapamewang sa tabi ng washing machine habang ibinababad ang uniporme na kanina ay suot niya lamang.


May araw ka rin, Mingyu Kim!