Work Text:
Ikaw yung una
Pero huli na
Nang ‘yung sabihin na
Wala ka na talaga
Akong pag asa sa iyo
Kahit lumuha pa ako
(Lumuha pa ako)
Salamat sa pananakit mo
Ohh ohhhh
Ayan ang kantang kasalukuyang pinapatugtog at damang damang kinakanta ni Mingyu sa loob ng computer shop ng mga Jeon. Sinigurado niya pang ito ay ang version ni Bhousz MaLatek sa YouTube at hindi ang original ni J Rice. Mas maganda raw kasi ang autotune effects ni Bhousz MaLatek dahil nakakadagdag ito sa feels niya habang kumakanta. Habang nakasimangot, sinigurado niyang tugma ang facial expressions niya sa vibes ng kanta habang ang kanang kamay niya ay nakalagay sa dibdib for the dramatic effect. Buong puso itong kumanta at mukhang may balak pa atang lunukin ang microphone ng suot-suot niyang headphones.
Kasabay naman ng pagtulo ng imaginary luha niya ay dahan-dahan ding tumutulo ang pawis niya papuntang kwelyo ng unipormeng suot niya. Matapos kasi ang klase niya ay dumiretso siya sa comshop. Cleaner pa nga siya ngayon ngunit nagawa niyang tumakas. Ito ang dahilan kung kaya’t pagbukas niya ng Facebook matapos niyang magbayad ng sampung piso para sa isang oras sa PC #1 ay sakto namang may message sa 8 - Jose Rizal group chat nila. Isang malaking “@Kim Mingyu tumakas ka na naman sa cleaners susumbong kita kay maam!!!” ang bumungad sa kanya pagkapindot niya ng enter sa password niyang MingyuPogi06 sa fb.com.
Akala mo nga ay may malaki siyang lihim na tinatago sa account niya at nagawa pa niyang takpan ang keyboard niya bago i-type ang kanyang password. Ayon kasi sa kanya, baka raw may mang “rak” ng facebook niya. Maliban naman sa mga legendary dragons niya sa Dragon City at Tetris account niyang rank 100 na ay wala na namang ibang laman ito. Marami lang talaga siyang alam.
Salamat at sinaktan mo ako
Ohhhohhh
Dahil ako'y babangon
At ipapakita ko
Na kay–
Naputol naman ang pagsesenti niya sa harap ng computer nang biglaang may nambatok sa ulo niya, na naging dahilan ng paglaglag ng suot niyang headphones. “Hoy!” Lumingon si Mingyu para tignan kung sino ang sumira sa moment niya. Tumambad naman sa kanya ang mukha ng kalaro niyang si Jeonghan na tambay din sa comshop. Mukhang kakagaling lang din nito sa school dahil naka-uniform din ito at nakasabit pa ang Jansport bag sa balikat.
Umupo si Jeonghan sa may PC #2 sa tabi ni Mingyu, “Nag-cutting ka?” Tanong nito.
“Hoy, di ah! Uwian na namin.”
“Ah, ako kasi nag-cutting.” Sagot nito at ngumisi.
Tumayo siya panandalian at sinabi sa bantay, “2 hours nga po sa PC 2!” Nang bumukas ang monitor niya ay saka niya naman pinindot ang CPU para magbukas ang PC.
Binalik niya ang tingin kay Mingyu at sinabi, “Pre, peram nga ng notebook mo.”
“Anong notebook?”
“Cheat sa GTA.”
Nanlaki naman ang mata ni Mingyu. Ang notebook kasi na hinihingi ni Jeonghan ay notebook na naglalaman ng mga cheat codes sa GTA na inipon niya simula Grade 5 pa lang siya. Sa harapan ng writing notebook na ito ay may nakasulat na “GTA Cheats” sa may gitna, at maliit na “By Kim Mingyu” sa may ibaba gamit ang permanent marker. Lahat naman ng codes na nakasulat doon ay handwritten niya rin gamit ang hiniram niyang ballpen sa mama niya na ginagamit pa nito panglista ng utang. Bawat code pa nga ay may katabing dash sabay kung ano ang mangyayari ‘pag ginamit mo ito. Kung papipiliin, paborito niya raw ay HESOYAM. Ingat na ingat siya sa notebook na ‘to dahil pinaghirapan niya raw ipunin yon lahat.
“Wag ka maingay, baka may makaalam.” Bigkas niya nang seryoso kay Jeonghan. Kung makaarte kala mo secret ni Victoria ang laman ng notebook niya eh.
Kinuha niya ang bag niya sa ilalim at nilabas ang notebook. “Oh, balik mo agad ah.” Para naman kay Jeonghan, maliban sa pananagasa sa mga NPC gamit ang monster truck niyang ginamitan niya rin ng cheat code, paborito niya rin daw ang BEKKNQV. Nasa may pang-apat na pahina ito ng notebook ni Mingyu at may nakalagay sa gilid na “attract women”. Feeling niya kasi siya si Bugoy na Koykoy sa dami niyang chikababes. Tatlong wife, what a life.
“Wala crush mo?” Tanong ni Jeonghan habang sine-set up ang laro niya.
“Ingay!”
“Kunwari pa eh alam naman ng lahat na nandito ka sa comshop para sa bantay eh.”
“Kahit na! Ingay mo pa rin.”
“So, wala nga? Papa niya bantay eh.”
“Nasa school pa yon nakita ko kanina may meeting daw yung mga SSG.”
“Ahh, kaya pala nagpapatugtog ka lang diyan. Para kang sira kanina, tangek.” Kinuha ni Jeonghan ang headphones ng pc niya at sinuot ito. Ginamit niya ito as props para gayahin si Mingyu kanina. “Sabi mo, ‘Salamat sa pananakit mo Ohh ohhhh’ Pucha, kala ko kung anong nangyari sayo e!” Sabi niya sabay hagalpak ng tawa.
Binigyan siya ni Mingyu ng isang mahinang bagsak sa braso, “Tarantado.”
“Tanong ko nga si Shua kung tapos na meeting nila,” Sabi ni Jeonghan.
Si Joshua naman ay ang SSG president na kasalukuyang nililigawan ni Jeonghan. Oo, si Jeonghan na mahilig mag-cutting at matulog sa klase ay may lakas loob na ligawan ang presidente ng Supreme Student Government. Gaya nga ng sabi niya kay Joshua para mapapayag itong magpaligaw, bagay sila dahil opposites attract. Ito namang isa, matalino pero may pagkauto-uto rin.
“Yan, may nagagawa ka ring maganda.” Habang naghihintay naman ng sasabihin ni Jeonghan ay binalik ni Mingyu ang atensyon sa computer. Sinuot niya ulit ang headphones at pinalitan ang tugtugan niya sa YouTube. Pinindot niya ang search bar at saka nag-type, namimiss kita jhomajikero lyrics. Rinig naman ang pag-click! ng mouse niya sa pagpindot niya sa unang video na lumabas. Pagka-play ay ginalaw galaw niya pa ang ulo niya sa beat. Feel na feel!
Matapos ay lumipat naman siya ng tab para mag-post ng status sa Facebook.
Nasan ka na ba mahal ko?
Namimiss kita 'pag 'di ka nakikita
Ano ang dapat kong gawin
Para lang malaman mong ikaw ang mahal ~ 🎶🎵
time check; 12:49 pm!!
atm jeon comshop soundtrip 😊🤣
Ilang minuto lang matapos niyang pindutin ang post ay nagkaroon naman ng maliit na number 3 ang notifications niya pati na ang pagbukas ng GC nila.
Choi Seungcheol liked your post.
Choi Seungcheol commented on your status, “punta q jn wait!!!!”
Xu Minghao commented on your status, “sama.”
DOTA 🖥️👾💻⌨️
Seungcheol: Oy san ka
comshop nga
Seungcheol: Punta ko ha
Minghao: Sama ko
Seungcheol: Sino nandyan
si jeonghan lang
Minghao: Sino bantay?
papa ni wons
Minghao: Ge
Minghao: Cheol daanan mo ko
Seungcheol: Sige tara
Nawala naman ang pokus niya sa computer nang kalabitin siya ni Jeonghan. “Kakatapos lang daw ng meeting nila, pre.” Sabi nito. “Punta raw sila dito.”
Panigurado kaya sasama si Joshua ay manonood na naman ito ng Jamich. Hilig kasi nitong panoorin ang mga short films nila. Paboritong kanta rin nito ang By Chance (You and I) at palaging pinapatugtog sa gitara. Kaya nga nakuha ni Jeonghan ang loob niya eh. Pano ba naman, pinakitaan lang siya ng By Chance (You and I) dance moves ni Jeonghan ay tumiklop agad siya.
Ang SSG Vice President naman na si Wonwoo ay paniguradong papalitan ang papa niya sa pagbabantay ng comshop. Panalong panalo na naman si Mingyu at gagamitan na naman ng pangmalakasang pagpapapansin skills niya.
Hindi naman sikreto na matagal nang may gusto si Kim Mingyu kay Jeon Wonwoo. Simula pagkabata, palagi niya nang minamata ang bunsong anak ng may ari ng computer shop na palagi niyang tinatambayan. Ang ganda raw kasi ng mukha nito, tapos matalino pa. Tapos mabait. Tapos malumanay magsalita. Tapos parang hindi gagawa ng kasalanan sa mundo. Tapos parang ang sarap sarap daw alagaan. Basta. Si Mingyu ay down bad para kay Wonwoo. Down bad crying at the computer shop.
Si Wonwoo ang dahilan kung bakit gusto niya palagi sa may PC #1 mag-rent.
Ang pc na palagi niyang nirerent ay PC #6 dahil birthday niya raw ito. Pero simula nung masilayan niya ang ganda ng mukha ni Wonwoo, lumipat siya sa PC #1 dahil mas malapit ito sa pwesto ng bantay. Sanay na nga siya sa PC #6 pero dahil kay Wonwoo, nag-adjust talaga siya para mas malapit.
Isang beses nga eh, tapos na siya mag-computer at paalis na sana. Sinabi niya kay Wonwoo sa pinakamalambing na boses, “Wonwoo, pa-shutdown naman ng PC #6.” Titig na titig lang siya sa binata habang nakatutok ito sa monitor. Ang amo kasi ng mukha ni Wonwoo.
“Okay na.” Inangat nito ang ulo niya at saka tumingin sa customer sa harap niya. Huminto naman ang mundo ni Mingyu dahil sa tatlong segudong eye contact na yon. Dito niya napatunayan na hindi nagsisinungaling si Athena Dizon.
“Tangina, sino nagpatay!”
Kaso naputol naman ang She’s Dating the Gangster fantasies niya nang may sumigaw. Napatayo si Wonwoo at napatingin kung saan nanggaling ang ingay. Tumingin siya kay Mingyu, “Akala ko ba PC #6 ka!?”
Awkward na ngumiti si Mingyu, “Ay, #1 pala.” sabi niya at napakamot na lang sa ulo.
Si Wonwoo rin ang dahilan kung bakit inspired siyang pumasok sa school.
Magkaklase kasi sila ngayong grade 8. Lahat ng lakas ng loob niya ay nakalaan lang talaga sa comshop. Kahit papaano ay nahihiya pa rin naman siya sa crush niya ‘no.
Ang daily routine lang ni Mingyu sa school ay titigan ang crush niya at magpanggap na nag-aaral nang mabuti.
Palagi rin siyang nag-iiwan ng Bueno chocolate sa upuan nito. Minsan sinasamahan niya ng sticky notes na may nakasulat na samu’t saring short messages na kinuha niya lang galing sa Pinterest. Natuwa pa nga ang mama niya na kumuha siya ng sticky notes noong namimili sila ng gamit sa National dahil akala niya nag-aaral nang mabuti ang anak niya. Kaso lang ang agenda pala nito ay daigin pa ang Fres candy sa pa-short message. #ExFRESyourself
At dahil naman presidente at top 1 ito ng klase ang crush, hangang hanga siya sa tuwing nagtataas ito ng kamay sa recitation. Halos araw-araw namumula ang braso ni Minghao sa kakahampas ni Mingyu dahil sa kilig. Si Minghao kasi ang seatmate niya at laging kadaldalan.
Kahit anong gawin ni Wonwoo ay automatic na hampas sa braso ni Minghao ang kasunod nito. Maliliit na bagay kagaya ng pagbibigay ni Wonwoo ng 1/4 na papel sa kanya ay dahilan na ng pagbungisngis niya sa klase. Syempre, hindi rin mawawala ang paghampas niya sa braso ni Minghao.
“Parang tanga ‘to!” Pagrereklamo ng seatmate niya.
“Binigyan ako 1/4 oh! Feeling ko crush niya rin ako.”
“Pre, binigyan niya halos lahat ng kaklase natin para sa quiz sa TLE.”
“Oh ano naman?”
“Feelingero ka.” Reality check mula kay Hao sabay himas sa braso.
Bilang mga mahilig mag-eskandalo sa klase, suki rin silang dalawa sa sita ng teacher nila. Walang araw ang hindi lumipas na hindi nagsasabi ng “Xu at Kim!” ang teacher na nasa harapan nila. Kung magsalita kasi si Mingyu ay kala mo nakalunok ng microphone. Pinaninindigan nila ang pagiging boys at the back.
Araling Panlipunan time noon bago mag-recess nang sitahin si Mingyu ng teacher nila kahit absent naman siya. May pinapasulat kasi ito sa notebook nila habang nagta-type siya sa kanyang laptop nang may marinig na ingay galing sa likod. Dahil canon event na lahat ng AP teacher ay may lapel mics, rinig sa bawat sulok ng room nila ang sigaw ng teacher na, “Kim Mingyu!” habang nakapokus pa rin sa laptop niya.
Kulang na lang ay makagat ni Mingyu ang dila niya. Nananahimik na lang sa bahay nila napagalitan pa eh.
Natawa naman ang mga kaklase nila kaya napaangat ng tingin ang teacher nila. “Ma’am, absent po si Mingyu.” Sabi ni Minghao.
“Ay, sorry,.” Sabi nito at bahagyang natawa na lang. Nagtawanan naman ang buong klase. Kasama si Wonwoo kaya napalingon ang teacher nila sa kanya.
“Absent pala ang shota mo, Jeon, ‘di mo sinabi.”
Namula naman si Wonwoo habang naghiyawan ang mga kaklase nila. Alam naman kasi ng lahat na crush na crush ni Mingyu si Wonwoo. Shiniship pa nga sila ng buong section nila eh.
Samu’t saring “Ayiee!” naman mula sa kaliwa’t kanan ang pumasok sa tenga ni Wonwoo na naging sanhi ng pagpigil niya ng ngiti. So far, hindi pa naman nakakatanggap si Mingyu ng “ew” galing kay Wonwoo sa tuwing tinutukso sila ng mga kaklase niya.
“Luh, si Ma’am.” na lang ang nasabi ni Wonwoo habang pinipigilan ang pagngiti.
Nang ikwento naman ito ni Minghao kay Mingyu ay kinilig na naman ito na parang bulateng binudburan ng asin. At syempre, ‘sing pula na naman ng kamatis ang braso ng kaibigan niya.
“Sila Cheol susunod din daw.” Sabi ni Mingyu kay Jeonghan nang makita niya ang mga comment nito sa post niya.
Si Seungcheol at Minghao ay dalawa pa sa mga kalaro ni Mingyu. Palagi ring mga tambay sila sa comshop. Kahit minsan nga ay wala naman silang pera, pupunta pa rin para lang makiepal sa mga naglalaro. Pambansang tambayan na kasi ng purok nila ang computer shop ng mga Jeon. Pambansa raw pero sa purok lang nila.
“Tangina eepal na naman yon si Cheolito. Wala na namang sampu yan pang-computer.” Natawa na lang si Mingyu.
Si Jeonghan at Seungcheol naman ay magkaklase sa grade 9. Ito ang palagi niyang kasama sa pagsilip sa section ni Joshua tuwing recess. Usapan bibili ng turon, pero rekta silang dalawa sa room ni Joshua. Nandoon din kasi ang crush ni Seungcheol na si Jihoon. Pinagkaiba lang, hindi niya pa ito maligawan. Sinusungitan lang kasi siya ng binata.
Maya’t maya lang ay niluwa ng pintuan sina Minghao at Seungcheol na nilibot ang mga mata para mahanap sila Mingyu. Nang makita ang dalawa, lumapit ito sakanila at naupo sa bangkong hinatak lang nila galing sa iba.
“Ano, ‘di kayo magrerent?” Tanong ni Jeonghan.
“Wala ko pera.” Sabi ni Cheol.
“Yan na nga ba ang sinasabi ko.”
Lumapit naman si Cheol at nakiepal sa laro ni Jeonghan. Konting agwat na lang ang layo niya sa monitor at halos palitan na si Jeonghan sa upuan. “Tangina, magkapalit kayo mukha niyan.” Tukso ni Minghao na nasa tabi lang ni Mingyu habang ginagamit ang cellphone.
“Eto kasi napakaepal naman oh!” Reklamo ni Jeonghan.
“Gago, tuturuan ka na nga ng cheat aarte pa eh.” Sagot ni Seungcheol at saka lumipat naman sa computer ni Mingyu. “Aba, lumipat pa nga sakin.” Sabi ni Mingyu.
Matapos naman ang ilang minutong pangungulit ni Seungcheol sa dalawa habang patawa-tawa lang si Minghao sa gilid, narinig nila ang pag-chime ng pinto. Dahil may inaasahang makita, lumingon si Mingyu dito at hindi naman siya nabigo dahil bumungad sakanya ang mukha ng kanina niya pa hinihintay. Parang nag-slowmo na naman ang mundo niya pagpasok ni Wonwoo. Kaka-wattpad niya yan eh.
“Yan na hinihintay mo.” Pagkalabit sakanya ni Jeonghan.
Napalingon naman ang dalawang asungot (ayon kay Jeonghan) sa kung saan nakatingin ang dalawang may-ari ng pc na pinapakialaman nila. “Ay bebe time pala,” banggit ni Minghao.
“Sabihin niyo lang kung nakakaistorbo kami ah.” Sabi ni Cheol.
“Kanina pa, tanga.” Sagot ni Jeonghan na ikinatawa ni Minghao.
“Papa-extend na naman si Mingyu nyan. Kala mo walang computer sa bahay nila eh.”
“Shua! Dito.” Tinaas ni Jeonghan ang kanang kamay niya para mapansin ng nililigawan. Hinatak ni Jeonghan ang bangko sa pc na nasa tabi niya at dito pinaupo si Joshua nang makalapit sila ni Wonwoo. “Hi, guys!” Bati sakanila ni Joshua.
Tikom naman ang bibig ni Mingyu nang makalapit na sakanya ang crush niya. Palagi kasi siyang iniiwanan ng salita kapag nasa harap niya na ang binata at tanging mga mata niya na lang ang nagsasalita para sakanya.
Pero hindi naman marunong magbasa si Wonwoo ng mga mata.
Kahit pa ilang tao ang magsabi sakanya na may gusto sakanya si Mingyu, hinding hindi siya maniniwala dito maliban na lang kung sakanya mismo nanggaling. Isinabuhay niya na ang katagang “Never assume unless otherwise stated”.
Hindi naman niya tinatanggi na natitipuhan niya rin ang binata. Hindi rin naman kasi nagkulang si Mingyu sa pagpapakita sakanya na gusto siya nito sa kilos at kung paano siya tratuhin. ‘Di naman malabo na may pag-asa sila kung magagawa lang nitong magsalita.
Kung tutuusin ay naiinis na nga si Wonwoo. Naghihintay lang naman kasi talaga siya. Ano ba naman kasing mahirap sa “Wonwoo, crush kita. Pwede ba manligaw?” diba? Pero wala eh. Parang sinulat ng Eraserheads ang kanta nilang Torpedo para kay Mingyu.
“Nagsumbong sa akin si Seokmin. Sabi niya tumakas ka raw sa cleaners.” Bungad ni Wonwoo kay Mingyu na ikinagulat nito.
“Oo nga! Pagalitan mo nga yan, pres.” Gatong naman ni Minghao.
“Huy, ‘di ah. Inayos ko yung mga bangko.” Depensa ni Mingyu.
“Weh! Ginalaw galaw mo lang yon kunwari tas sabay takbo pauwi ka eh.”
“Epal ka, kotongan kita.” Akmang sasapakin ni Mingyu si Minghao sa braso pero nakaiwas ito.
Binalik niya ang tingin niya kay Wonwoo at nakita itong napailing na lang sakanya, “Hehe.” Sambit niya.
Lumapit si Wonwoo sa papa niya para makipagpalit sa pagbabantay. “Ikaw na diyan ah, manonood ako laban ng Ginebra.” Sabi nito sa anak.
“Nandyan si Mingyu oh, popormahan ka ata.” Panunukso pa nito bago umalis sa pwesto.
“Dun ka na nga, Pa.” Biro ni Wonwoo sa tatay. Umalis ito nang tumatawa at nagawa pang kindatan si Mingyu. Hindi naitago ni Mingyu ang pamumula ng pisngi niya kaya binalik niya na lang ang tingin sa monitor.
Napansin niya rin na ang iba sa mga kaibigan niya ay nagsarili na.
Si Jeonghan at Joshua ay kala mo nakulong sa sarili nilang bubble sa gilid niya. Nanonood si Joshua ng Classmates Love Story ng Jamich sa Youtube habang si Jeonghan naman ay pinapanood siya. Salu-salo ng kaliwang kamay ang mukha niya habang nakadantay ang kaliwang siko sa lamesa ng computer, nakapokus lang ang mga mata kay Joshua habang hinihintay na mag-loading ang laro niyang The Warriors. Naol.
Samantalang si Seungcheol naman ay nakahanap ng tao sa kompyuteran na uutuin. Inumpisahan niya sa simpleng “Turuan kita ng cheat diyan,” hanggang sa kunin niya na ang upuan. Kasalukuyan na siyang nakaupo at naglalaro sa computer habang ang binatang mukhang may-ari talaga ng PC ay nakatayo sa gilid niya.
Napansin din ni Mingyu si Minghao na mukhang lalapit kay Wonwoo. “Uy, san ka punta?”
“Re-rent na lang din. Bagot na ko.”
“Ako na magsasabi.”
“Para-paraan ka talaga, tukmol!”
“Akin na sampu mo, daming ebas!”
Agad din namang napansin ni Wonwoo ang paglapit ni Mingyu kaya nag-angat siya ng tingin mula sa pagtutok niya sa computer. “Bakit?” Tanong niya rito.
“PC #13 daw si Minghao, one hour.” Sagot ni Mingyu at saka inabot ang barya.
“Okay.” Tanging sambit ni Wonwoo.
“Ano pala…” Nakasabit ang kanang kamay sa batok at nag-iiwas ng tingin na banggit ni Mingyu.
“Ano?”
“May gagawin ka bukas?”
“Huh?”
“A-after school… Sa uwian.”
“Uh… wala naman. Bakit?” Alam na ni Wonwoo kung saan patungo ang pag-uusap na ito. Kaya naman ay kinagat niya ang pang-ibabang labi niya upang pigilan ang ngiti na nagbabantang magpakita sa kanyang mukha. Halos paulit ulit na “Finally!” naman ang ume-echo sa isip niya.
Huminga nang malalim si Mingyu para kumuha ng lakas ng loob magpatuloy sa sasabihin. “Uh… pwede bang ano…” Sa pagkakataong ito, binaling na niya ang tingin sa kausap at ramdam niya ang paglakas ng kabog ng dibdib niya nang magtama ang mga mata nila. Napapikit siya panandalian at ilang santo na ata ang dinasalan para lang hindi pumalpak sa pinaplanong sabihin.
Pinanlakihan ni Wonwoo si Mingyu ng mata na para bang nagsasabi na naghihintay siya sa sasabihin nito. “Ano?”
“P-pwede ba kitang ayain lumbas?”
Mabilis na sabi ni Mingyu. Para siyang nabunutan ng tinik nang lumabas ang mga salitang kanina pa niya gustong sabihin. Mga ilang segundo ang lumipas nang nagkatitigan lang ang dalawa habang naghihintay si Mingyu ng sagot galing kay Wonwoo. Bumilis naman ang tibok niya sa kaba. Pucha, rejected ba?
“Libre ko! Kahit mag-siomai lang tayo doon sa may kanto, o kaya doon sa may likod ng school. Ikaw bahala, kung anong gusto mo. Burger tayo! O kaya fries, tapsilog, o kaya siopao. Tsaka saglit lang naman eh, promise. Ipapaalam pa kita sa papa mo—”
“Okay.” Pagputol ni Wonwoo kay Mingyu bago pa man nito mabanggit lahat ng pagkain sa kantang Overdrive ng Eraserheads.
Akala mo ay tumakbo si Mingyu ng marathon sa hingal niya sa pagsasalita nang putulin ito ni Wonwoo. “Ha?” Hinihingal niyang tanong.
“Okay nga.”
“Okay?”
“Okay, sasama ako sayo.”
“Seryoso?” Hindi makapaniwalang tanong ni Mingyu. Sinagot naman ni Wonwoo ang tanong niya ng isang tango. Ramdam niya ang pag-angat ng gilid ng mga labi niya sa tuwa at hindi napigilan ang ngiti na umukit sa mukha niya. “Di nga?” Paninigurado niya pang muli.
“Paulit ulit, gusto mo ba bawiin ko?” Pabirong pagbabanta ni Wonwoo.
“Hindi syempre!” Halata sa boses ni Mingyu ang kilig. Napatitig na lang siya kay Wonwoo nang ilang mga segundo at tila naubusan ng mga salita. Sa pagkagat na lang ng kanyang mga labi niya nilabas ang kanina pa nararamdaman.
Muling pinanlakihan naman siya ni Wonwoo ng mata, at mukhang naghihintay ng sunod na sasabihin ng binata bago pa ito halos matulala.
Nang manumbalik sa ulirat ay bahagyang napaubo si Mingyu at inayos ang pagtayo. “A-ano…” Pagsisimula niya. “Bukas na lang. Pagtapos ng klase natin, hintayin kita sa labas ng room. Diba kasama ka sa cleaners bukas?”
“Oo.” Sagot ni Wonwoo.
“O-okay. Bukas, ha?”
Tumango si Wonwoo at ngumiti, “Okay.”
Kala mo ay lalabas na ang puso ni Mingyu sa dibdib niya sa sobrang lakas ng kabog nito. Napasapo pa siya sa dibdib niya na parang si Bobbie Salazar sa Four Sisters and a Wedding. Bakit parang kasalanan ko?
Agad na tumalikod si Mingyu at humingang malalim. Dahan dahan siyang humakbang papalayo kay Wonwoo at papalapit sa pc niya.
Isang hakbang.
Dalawang hakbang.
Tatlong hakbang.
“Yes!” Pabulong na sigaw ni Mingyu sa tuwa.
Napaangat pa ang mga kamao sa ere. Pumayag lang naman ang crush niya na makipag-date sakanya, sino ba namang hindi matutuwa diba? Mukhang wala nang makakasira sa araw ni Mingyu at halos hindi na talaga mabura ang ngiti sa mga labi niya. Bumalik siya sa kanyang computer habang nakaukit pa rin ang malaking ngiti sa kanyang mga labi.
Lingid naman sa kaalaman niya ay ganon na lang din ang ngiti na nakaukit sa labi ni Wonwoo habang pinagmamasdan siya.
—--
“Hindi nga!?” Tanong ni Minghao.
“Oo nga! Pumayag nga siya kahapon.” Pagmamalaki ni Mingyu.
“Weh,” Hindi makapaniwalang sagot ng kaibigan.
Pagtapak pa lang ni Minghao sa loob ng silid nila ay agad siyang hinila ni Mingyu para ikwento ang kaganapan kahapon. Ilang “Di nga?!” na yata ang lumabas sa kanyang bibig matapos sabihin ni Mingyu na “May date kami ni Wonwoo mamaya.”
Sino ba naman kasing maniniwala na si Mingyu na ilang taon nang torpe sa nararamdaman niya ay biglaan na lang sasabihing may date sila ng taong ginugusto niya diba? Mamaya nananaginip lang pala nang gising itong kaibigan niya eh.
“Saan kayo pupunta?”
“Kakain ng pares.” Sagot ni Mingyu at patango-tango pa.
Tumango lang si Minghao, “Ah, okay.”
“Bakit gagi? Di ba ayos yung pares? Tapsilog kaya?”
“Di naman. Ano gagawin mo? Aamin ka na?”
“Kagabi ko pa nga iniisip eh. Siguro?” Hindi siguradong sagot ni Mingyu at saka nagkibit balikat.
Bahagyang natawa si Minghao sa kaibigan, “Ayan na chance mo oh! Magkabayag ka naman kahit minsan.”
“Takot ko lang gagi,” Pag-amin ni Mingyu. Ang totoo niyan, kagabi niya pa iniisip kung anong sasabihin niya kay Wonwoo. Halos magmukha na siyang tanga sa harap ng salamin niya kakaulit ng, “May gusto ako sayo.” Bawat linya at pagkunot na nabubuo sa mukha niya ay halos kinabisado niya at namili kung alin ang pinakamaganda. Pati na rin ang tono at paraan ng pagbigkas niya ng apat na salita na iyon.
“Hindi naman papayag si Wonwoo sumama sayo kung wala kang chance eh.” Banggit ni Minghao na pinagmulan ng kakarampot na pag-asa sa buong sistema ni Mingyu.
Oo nga naman, diba? Hindi naman siguro manhid si Wonwoo. Alam niya naman siguro na ang pagpayag na sumama kay Mingyu ay may ibig sabihin. Maliban na lang kung sumama lang siya para sa libre.
“Bahala na.” Huling sagot ni Mingyu bago pa man pumasok ang first period teacher nila kasabay si Wonwoo na dala-dala ang laptop nito.
Laking gulat ni Mingyu nang magtagpo ang mga mata nila dahil bigla na lang itong bahagyang ngumiti sakanya. Nanlaki ang mata niya at narinig na lang bigla ang intro ng Tadhana ng Up Dharma Down sa utak niya. Mabilis siyang nag-iwas ng tingin para itago ang mga pisngi niyang nangangamatis dahil sa simpleng ngiting nasilayan niya mula kay Wonwoo. Samantalang napangisi na lang si Wonwoo at dahan-dahang umiling. Patay na!
—-
Matapos ang klase nila ay agad na lumabas ang magkaibigan sa silid. “Ge, pre, una na ko.” Bungad ni Minghao habang suot suot ang backpack at handa nang umuwi.
“Wait,” Sabi ni Mingyu nang nakakagat sa labi.
“Bakit? Gago, kinakabahan ka ba?” Nalilibang na tanong ni Minghao. Pano ba naman kasi, mamutla-mutla si Mingyu at dagdag pa ang postura niyang halos nakatupi na ang mga tuhod na tila ba mayroon siyang calcium deficiency kaya nanghihina ang mga buto. Halos hindi na rin maipinta ang mukha niya.
Napabuntong hininga na lang si Mingyu at naupo sa may sirang upuan sa labas ng classroom nila. “Medyo?” Sagot niya sa kaibigan.Napahagalpak naman si Minghao.
“Gagi kasi first time ‘to eh! Sino ba namang di kakabahan?”
“Tangek, di yan. Mabait naman si Wonwoo! Kung ‘di magiging maganda kinalabasan, edi at least sinubukan niyo.” Payo ng kaibigan. “Carpe Diem lang, tol,” pagpapatuloy nito.
“Wow… Naknampucha, makata ah?”
“Ito, tarantado, pinapayuhan ka na nga eh!”
Naputol naman ang pag-uusap nang dalawa nang may lumabas mula sa silid nila at bahagyang tinawag si Mingyu. Napabalikwas ng tayo si Mingyu dahil kilalang kilala niya ang boses na iyon. “B-bakit?”
“Wait lang, ha?” Sabi ni Wonwoo.
“Ah, sige lang.”
“Palagay na pala diyan ng bag ko, okay lang?”
“H-ha?”
“Yung bag ko kako, pahawak na. Okay lang ba?” Pag-ulit nito.
“A-ah. Sige, akin na.”
Inabot naman ni Wonwoo kay Mingyu ang kanyang blue na Cose bag. “Kunin ko na lang maya. Thanks!” Huling sabi ni Wonwoo bago ito bumalik sa classroom para maglinis.
“Oh, paki sara ng bunganga!” Panunuksong muli ni Minghao sa kaibigan.
Halos matulala si Mingyu sa buong palitan na yon kasama ang crush niya, at si Minghao ay isang strong witness. May checklist na nga siya sa mga bagay na ginagawa ni Mingyu sa tuwing kausap si Wonwoo, at lahat yon ay ‘di hamak na naipamalas niya kanina.
- Bahagyang nakaawang ang mga labi ✔
- Naghuhugis puso ang mga mata ✔
- Namumula na parang kamatis ✔
- Lunok nang lunok ng laway ✔
- Bigla-biglang nag-aayos ng damit ✔
At higit sa lahat, ang pinakapaborito niya, dinidilaan ang mga labi ✔ ✔ ✔ ✔ ✔
Wala na ‘to. Masyado nang malakas ang tama.
“Gago! Ambango ng bag niya!” Bulaslas ni Mingyu habang nakaupo at kandong-kandong ang bag ni Wonwoo.
“Oh, bahala ka na diyan ah. Una na ko.” Pagpapaalam ni Minghao.
Mga ilang minuto matapos magpaalam ni Minghao ay agad din namang lumabas si Wonwoo. Agad namang napabalikwas na naman ng tayo si Mingyu at sinalubong ang binata.
“Ano, tara?” Tanong nito, habang inaabot ang bag niya sa kandungan ni Mingyu.
“Ako na,” Sabi ni Mingyu at iniwas ang bag sa kamay ni Wonwoo sabay sabit sa kaniyang kanang balikat. Akmang hahawakan niya rin sana ang pulsuhan ni Wonwoo upang bahagya itong hilahin paalis ngunit nag-alinlangan siya.
“O-okay lang ba?” Tanong ito.
Nanlaki naman ang mata ni Wonwoo sa simpleng ginawa ng binata. Patango-tango pa siyang namangha habang nakaukit ang isang maliit na ngisi sa kanyang labi. May rizz naman pala si Mingyu eh! Rizzpeto.
Nang makakuha ng tango mula kay Wonwoo ay pinagpatuloy ni Mingyu ang nais gawin. Ramdam ni Mingyu mula sa kanyang mga daliri papunta sa kanyang buong sistema ang kuryente na dumaloy nang magdikit ang kanilang mga balat. Nagtipon muna siya ng lakas at saka nagsalita, “Tara?”
Alas siyete pa lang nang gabi kung kaya’t marami pa ang mga estudyanteng nakakasalubong nila dahil ito ang oras ng uwian. Lahat naman sa paligid nila ay abala sa kanya-kanyang ginagawa at halo-halo ang ingay na naglalabas masok sa kanilang mga tainga. Pero para kina Mingyu at Wonwoo, mas nakakabingi ang katahimikan nilang dalawa. Magkatabi naman silang naglalakad papalabas ng paaralan, ngunit halatang halata sa kanilang bawat hakbang ang kanilang pagkakailangan. Walang nagsasalita at ilang minuto silang nanatili sa ganoong lagay habang hinahayaan ang ihip ng hangin na halikan ang mga balat nila.
Awkward. Dapat ba may sabihin ako? Isip ni Mingyu.
Napabuntong hininga siya habang iniisip ang dapat sabihin. Napatingin naman si Wonwoo sakanya dahil dito, “Bakit?” Tanong nito.
“Ah, wala.” Sabi ni Mingyu at nag-iwas tingin. Ayan na naman si Torpedo.
Bahagyang napaikot na ang mga mata ni Wonwoo. “Saan ba tayo pupunta?” Pagbubukas niya ng usapan upang maibsan ang pagiging awkward nila sa isa’t isa. Napa-fine I’ll do it myself siya eh.
Saktong nakalabas na sila ng paaralan nang sumagot si Mingyu, “Ay oo nga pala, ikaw, saan mo ba gusto?” Pagbabalik nito ng tanong.
Napakunot naman ang noo ni Wonwoo. “Eh, ikaw nag-aya.”
Kinamot na lang ni Mingyu ang kanyang batok. “G-gusto mo mag siomai?” Halatang halata ang pamumula ng mga tainga ni Mingyu kung kaya’t napahagikgik si Wonwoo.
Nabigla si Mingyu sa biglaang pagtawa ni Wonwoo, “B-bakit?”
“Wala. Sige, tara siomai tayo.” Sa pagkakataong ito naman ay si Wonwoo ang humila kay Mingyu. Habang nangunguna siya at hila-hila pa rin si Mingyu ay hindi na niya napigilan ang pagngiti sa sarili. Bakas sa mukha ni Wonwoo ang kilig, samantalang ang binatang hinahatak niya ay litong-lito na at pulang pula. Nilingon niya ito at halos huminto na naman ang mundo ni Mingyu.
Si Wonwoo.
Ilang taon na niyang crush.
Hawak-hawak ang kamay niya.
Tila biglang nag-alisan ang lahat ng kaba niya at gumaan bigla ang kanyang pakiramdam. Huling buntong hininga ni Mingyu at sa paghinga niya palabas ay naging banayad ang lahat. Bumalik sa normal ang buong sistema niya maliban sa mabilis na pagtibok ng puso niya.
Dahil kahit anong gawin ni Mingyu ay bibilis at bibilis ang tibok ng kanyang puso kung ihaharap sakanya si Wonwoo.
Ngunit sapat lang ito at magaan. Nakakaginhawa.
Si Wonwoo ay sapat, magaan at nakakaginhawa.
Sinuklian niya ang ngiti ni Wonwoo at hinayaan na itong dalhin siya kung saan. Matapos ang ilang minutong paglalakad ay nakarating sila sa harapan ng isang kariton na nagtitinda ng mga tusok-tusok.
“Kala ko siomai?” Tanong ni Mingyu.
“Ayan oh, may siomai rin naman sila.” Depensa ni Wonwoo habang tinuturo ang siomai na naka-display sa maliit na estante.
Bahagyang natawa si Mingyu. “Okay, kuha ka.”
“Libre ‘to ha.”
“Hindi ah, sisingilin kita mamaya.” Nakakuha rin siya ng lakas na loob na biruin ang binata.
Tinaasan naman siya ng mga kilay ni Wonwoo. “Eh ‘di na, uuwi na lang ako,” Umarte pa ito na aalis kaya hinawakan siya ni Mingyu sa braso at bahagyang hinila pabalik.
“Joke lang! Syempre, libre ko.” Sambit ni Mingyu nang hindi nabubura ang ngiti sa mga labi. “Kuha ka na kahit anong gusto mo.” Nagkibit-balikat si Wonwoo at natawa nang mahina.
Kumuha si Mingyu ng stick at plastic cup, “Ilan gusto mo?”
“Tatlo lang.”
Agad namang tumusok si Mingyu ng tatlong siomai at nilagay ito sa baso. Nagpiga rin ito ng calamansi at saka nagsalin ng toyo. “Bawang?”
“Sige.” Sagot ni Wonwoo. Naglagay agad si Mingyu ng bawang nang makuha ang sagot ng binata.
“Chili oil?” Tanong niyang muli.
“Konti lang.”
Hindi naman napigilan ni Wonwoo ang pagngiti habang pinapanood si Mingyu gawin lahat ng kanyang kahilingan. Ramdam niya ang pagiging isang ganap na prinsesa na lahat ng kagustuhan ay binibigay. Acts of Service siguro ang love language nito, kung kaya’t ito namang isa ay tuwang tuwa sa natatanggap niyang serbisyo. Kung Grab lang siguro si Mingyu ay tiyak na 5 stars ang rating niya dito plus tip pa. Tipong bibili lang siya ng pandesal sa Cocopan ay igagrab pa niya kahit nasa kanto lang nila ang tindahan, ganon!
“Ikaw, ano sayo?” Tanong ni Wonwoo kay Mingyu matapos nitong iabot ang baso ng siomai sakanya.
“Wait, ikaw muna.” Agad na naramdaman ni Wonwoo ang pag-init ng magkabilang pisngi niya sa naging sagot ni Mingyu. “May gusto ka pa ba?” Tanong nitong muli. Kuya, one point po kay Wonwoo sobrang sikip niya!
“Wala na naman. Kuha ka na ng iyo.” Sagot ni Wonwoo na akala mo naman ay siya ang magbabayad.
Matapos makakuha ng samu’t saring tusok-tusok ni Mingyu ay gumilid ang dalawa para kumain. Nanatili ang dalawa sa kumportableng katahimikan na namamagitan sa kanilang dalawa at tanging tunog lamang ng mga sasakyan sa kalsada ang ingay na naririnig. Presko rin ang simoy ng hangin na dahan-dahang sinusuklay ang kanilang mga buhok.
Nang mapalakas ang ihip ng hangin ay tumama ito sa mukha ni Wonwoo na naging dahilan ng bahagyang pagngiwi niya. Napansin ito ni Mingyu kaya napalingon siya sa binata. Halos nakasimangot ang mukha nito at bahagyang nakapikit ang mga mata habang nakapalobo ang kanang pisngi dahil sa nginunguyang siomai bago pa man magdesisyon ang hangin na istorbohin ang pagkain niya.
Nagpakawala si Mingyu ng maliit na tawa dahil sa nasaksihan. Wala nang ibang sinigaw ang utak niya kundi “cute pucha”.
Napansin naman siya ni Wonwoo, “Bakit?” Tanong nito bago nilunok ang kinakain.
“Wala.” Ngumisi naman si Mingyu at napakunot ang noo ni Wonwoo. “Hanggang anong oras ka pala pwede?” Pag-iiba nito ng usapan.
“9 sabi ni papa. Wala na raw extension.”
“Alam niya ako kasama mo?”
“Oo, sinabi ko.”
“Anong sabi niya?”
“W-wala naman.” Nauutal na sagot ni Wonwoo.
Ang totoo niyan ay tinukso-tukso pa siya ng ama. Nang marinig mula sa bibig ni Wonwoo mismo ang mga salitang “Inaya ako ni Mingyu,” ay agaran ang paglawak ng ngiti nito at sunod-sunod na panunukso ang lumabas sa mga bibig. Bilang malapit sa ama, lahat ng bagay ay nilalabas ni Wonwoo dito. Alam ng papa niya na mayroong namamagitan sakanila ni Mingyu. Alam din nito na naghihintay lang ang anak niya na gumalaw ang binata kung kaya’t ganon na lang ang saya niya nang malamang sa wakas ay naglakas loob ito. Pero dahil sa hiya ay ayaw ibahagi ito ni Wonwoo kay Mingyu.
Dahan-dahang lumipas ang mga oras habang patuloy lamang silang dalawa sa maliliit ng usapan.
Napatingin naman si Mingyu sa relo sa kaliwa niyang kamay. 7:30 PM. Isang oras at kalahati na lang.
“May gusto ka pang kainin?”
“Hmm, ‘di ko alam. Ikaw ba?”
“Pares tayo para hapunan na, gusto mo?” Aya ni Mingyu.
Agad din namang umoo si Wonwoo kaya dali-dali silang nagpunta sa Paresan na alam ni Mingyu. Isang pares food cart lang ito sa may gilid ng kalsada. May mga upuan at lamesa sa gilid, at saka mga baso at jug na puno ng tubig sa tabi nito. Medyo marami-rami rin ang mga tao na nandoon para kumain.
“Uy, Mingyu!”
“Kuya Paul! Pa-order kami.” Bati ni Mingyu sa mukhang may-ari ng paresan.
“Ano gusto mo?” Paglingon niya kay Wonwoo.
“Uhm.. Pares mami.”
“Kuya Paul, pa-order kami isang order ng pares with rice at saka pares mami. Dagdagan mo na rin ng isang extra rice, kuya.”
“Oh, sige sandali…” Sagot nito habang ang atensyon ay sa pagbabalot ng ibang order. “Pakilala mo naman ako diyan sa kasama mo.”
“Si Wonwoo, kuya.”
Napatingin ito kay Wonwoo at nginitian siya ng binata. Bahagyang nanlaki ang mga mata nito at napatingin naman kay Mingyu. “Ay ito pala si Wonwoo? Yung crush mo?”
“Kuya naman!” Bulaslas ni Mingyu.
Ramdam ni Wonwoo ang pag-init ng mga pisngi niya. Nagpakawala siya ng mahinang tawa at nag-iwas ng tingin. Malaki naman ngiti na nakaukit sa mukha ng lalaki at nagbigay ng mga mapanuksong mga tingin. “Alam mo ba, crush na crush ka netong alaga ko. Madalas yan si Mingyu dito nakain, at wala na siyang ibang sinasabi kundi gaano ka niya ka-crush at sobrang nahihiya raw siya sayo.” Pagkuwento nito sakanya.
Mistulang nangamatis naman ang mga tainga ni Mingyu sa pula. “Si Kuya Paul talaga oh!” Pabiro niyang pagreklamo. “Basta, yung order namin ha. Upo na kami doon.”
“Oh siya, sige. Hatid ko na lang pagkain niyo ng crush mo.” Patuloy na panunukso nito.
“Umisa pa talaga siya oh.” Bulong ni Mingyu na nagpatawa kay Wonwoo.
Naupo sila sa pangdalawahang upuan sa may tabi ng food cart. Magkaharapan na naupo ang dalawa nang magtanong si Wonwoo, “Lagi ka nandito?”
“Madalas, after school din. Kasama ko palagi sila Minghao. Tagal na rin naming kilala yan si Kuya Paul.” Tumango naman si Wonwoo sa naging sagot ni Mingyu.
“Wait, kuha ako tubig,” sabi nito at saka mabilis na kumuha ng dalawang basong puno ng tubig sa may gilid kung nasaan ang mga jag. Kumuha rin si Mingyu ng dalawang kutsara at dalawang tinidor para sakanila. “Minsan sumasama rin si Jeonghan tsaka Seungcheol,” pagpapatuloy niya sakanyang kwento habang dahan dahang nilalapag ang mga kinuha sa mesa.
“Pano kayo naging close kila Jeonghan?” Mausisang tanong ni Wonwoo.
“Ah, wala. Nakakalaro kasi namin sila sa shop niyo e,” Pagpapaliwanag ni Mingyu habang pinupunasan ang mga kutsara’t tinidor na kinuha niya kanina. “Minsan din dinadala ni Jeonghan si Shua dito,” Pagpapatuloy niya at saka inabot ang kutsara at tinidor na para kay Wonwoo sakanya. “Si Cheol din, minsan naaaya niya si Ji. Ayon, dinadala nila yung mga nililigawan nila dito.”
“Eh bakit dinala mo ko dito?”
Nanlaki naman ang mga mata ni Mingyu sa naging tanong ni Wonwoo. “Ha?”
“Kung dinadala nila yung mga nililigawan nila dito, eh bakit dinala mo rin ako?” Tuloy-tuloy na sabi ni Wonwoo nang hindi pinuputol ang tingin sa lalaki sa harapan niya. Bakas ang pagkabigla sa mukha ni Mingyu, samantalanag nanatiling kalmado ang kay Wonwoo. Mukhang may balak itong paaminin si Mingyu right here, right now! Kung kaya’t dinaan na lang niya sa simpleng tanong ang nais marinig. Ika nga ng Ritemed, ‘wag mahihiyang magtanong!
“A-ah, eh ano…” Nag-aalinlangang pagsisimula ni Mingyu. Kinuha niya ang isang baso ng tubig sakanyang tabi at nilagok ang lahat ng laman.
Bahagya siyang pinanlakihan ni Wonwoo ng mga mata.
“Ah, ano kas—” Naputol naman ang sasabihin ni Mingyu nang dumating si Kuya Paul dala-dala ang pagkain nila.
“Gyu, oh. Enjoy kayo ng crush mo.” Panunukso pa nitong muli.
“Kuya talaga oh!” Sagot ni Mingyu at saka ito umalis habang patawa-tawa.
“A-ano, tara kain na tayo!” Pag-iiba ni Mingyu ng usapan. Mahinang natawa at napaikot na lang ang mga mata ni Wonwoo. Ayan na naman siya sa katorpehan niya.
Tinanggal ni Mingyu ang pagkain nila mula sa tray. Nilagay niya ang pares mami sa kanyang harapan na kinalito ni Wonwoo. “Akin yung pares mami eh?”
“Wait, timplahan kita.” Sagot nito.
Napangiti si Wonwoo sa kanyang sarili habang pinapanood si Mingyu na tinitimplahan ang pagkain niya. Magmula pa kanina ay parang ang tanging ganap niya lang buong gabi ay magmaganda habang si Mingyu ang gumagawa ng lahat. Mula sa sawsawan ng siomai hanggang sa pagtimpla ng pares mami ay ni hindi man lang nadumihan ang kamay niya.
Hindi naman itatanggi ni Wonwoo na kanina pa siya kinikilig. Ikaw ba naman pagsilbihan buong gabi ng isang Kim Mingyu, hindi ba halos kiligin buong pagkatao mo? Tugma lang naman ang tinitibok ng puso nila kung tutuusin. Lalo na ngayong gabi. Hindi maipagkakaila na napatunayan ni Mingyu ang sarili niya kay Wonwoo. Natatanging kulang na lang ay pagsabi niya ng nararamdaman niya nang diretso.
Habang pinapanood si Mingyu sa kung ano mang ginagawa niya sa pagkain ni Wonwoo (Hindi naman siguro lason) ay walang ibang hiling si Wonwoo kundi sa sana bago matapos ang gabi ay magkaroon ng progreso ang kung anong meron sila. Sa paglalim kasi ng gabi ay ganon na lang din ang paglalim ng nararamdaman niya para dito. Nag-play pa talaga sa utak niya ang kanta ni Taylor Swift na You’re Losing Me. Say Something, babe! Do something! Ang oa?
“Ayan, okay na. Try mo.” Nilapag ni Mingyu ang pares mami sa harap ni Wonwoo. Inabot niya rin ang isang extra rice na inorder niya kanina, “Baka gusto mo magkanin.”
“Masarap!” Bulaslas ni Wonwoo nang matikman ito.
“Ayos, diba?” Proud na sabi ni Mingyu.
Nagsimulang kumain ang dalawa. Kasabay ng kabusugan sa kinain ay nabusog din sila sa maiinit na kwentuhan. Nagpalitan sila ng maraming kwento tungkol sa mga bagay-bagay. Nagsimula sa “Anong paborito mong kulay?” hanggang sa napunta pa ito sa mga chismis patungkol sa eskwelahan nila. Bilang bise kasi ng student council ay maraming nalalaman itong si Wonwoo.
“Si Ma’am Santos nga eh, kilala mo?”
“Yung English teacher?”
“Oo. Buntis na naman daw siya,” Sabi ni Wonwoo. “Sabi lang yan sakin ni Joshua ah. Ewan ko don, ang dami niyang nasasagap na chismis.”
“Bakit kaya lahat ng english teachers laging buntis?” Pabirong tanong ni Mingyu na ikinatawa ni Wonwoo. Bahagya pa itong napahampas sa braso ni Mingyu sa kakatawa, “Oo nga ‘no? Tapos yung mga cashier din sa Mercury, lagi rin silang buntis!”
“Baka nasa requirement nila yon bago sila ma-hire.” Pagbibirong muli ni Mingyu.
Nagpatuloy lamang ang gabi nila nang hindi namamalayan ang paglipas ng oras. Eksaktong 8:30 naman ay umalis na ang dalawa sa paresan at nagpaalam kay Kuya Paul. Syempre, hindi nawala ang panunukso nito nang umalis sila. “Ingat kayo pauwi ng crush mo!” Sabi nito na ikinaikot ng mga mata ni Mingyu.
“Tara? Hatid na kita sa inyo.”
Napalingon si Wonwoo sa kaniyang relo, “May 30 minutes pa eh. Pwede bang ano…”
“Ano? Ayaw mo pa bang umuwi?” Tanong ni Mingyu.
“Ayaw pa. Pero wala na rin naman akong gustong puntahan.”
Napatingala si Mingyu at nag-isip, “Hmm… Ganito na lang.”
“Ano?”
“Lakad tayo papunta sa inyo, tapos balik tayo dito. Tas lakad tayo papunta ulit sa inyo. Hanggang sa mag alas nuebe, saka ka na umuwi.” Animado nitong pagpapaliwanag.
Marahang tumawa si Wonwoo sa plano nito. “Sige!” Pagsang-ayon niya.
“Okay lang sayo?”
“Oo. Tapos doon tayo dumaan sa may likod, mas matagal yung daan doon eh.”
Paulit-ulit na tumango si Mingyu at malaking ngumiti kay Wonwoo, “Okay! Sige, tara.”
Nagsimula naman ang dalawa sa plano nila. Dumaan sila sa may likuran ng school papunta kila Wonwoo. Mas matagal at mahaba kasi ang lalakarin kapag doon dumaan.
“May tanong pala ako,” Sabi ni Wonwoo.
“Ano ‘yon?”
“Bakit lagi mo kong binibigyan ng bueno?”
Napahinto si Mingyu sa narinig. “H-ha?”
“Alam ko sayo galing ‘yon ‘no.” Bigkas ni Wonwoo.
“A-ah… Wala lang. Paborito ko kasi ‘yon.”
“Ikaw pala may favorite eh, bakit sakin mo binibigay?” Tila nanigas naman si Mingyu at napahinto sa paglalakad. Nilingon siya ni Wonwoo at tinaasan ng kilay na parang naghihintay ng sagot.
Sa isip isip ni Mingyu ay baka hindi pala nagustuhan ni Wonwoo ang simpleng pakulo niyang ganon. Bakas sa mukha niya ang kaba habang itong isa naman ay napangisi. “Joke lang! Ito naman,” Bulaslas ni Wonwoo.
Sarkastikong tao kasi si Wonwoo. Yung tipong minsan mahirap basahin kung seryoso o nagbibiro lang ito. Pakaba masyado! Pakabading.
Bumalik naman sila sa paglalakad at bumalik si Mingyu sa tabi ni Wonwoo, “Pa’no mo ba nalaman na sakin galing?” Tanong niya.
“Ah, feeling ko lang.” Mabilis na sagot nito.
Kumunot naman ang noo ni Mingyu at tumingin dito, “Eh paano kung hindi pala sakin galing?”
“Okay lang,” sagot ni Wonwoo habang naglalakad pasulong at nananatiling sa daan ang mga tingin, iniiwasan ang mga mata ni Mingyu na nakadando sakanya. “Kung ‘di sayo galing, eh ano naman? Sino bang kasama ko ngayon?” Pagpapatuloy niya.
Napatigil na naman si Mingyu sa mga hakbang at sabay na nag-apoy ang mga mukha nila dahil sa sinabi ni Wonwoo. Maski si Wonwoo ay nangamatis ang mukha habang nakatitig sa sahig, iniiwasan pa rin ang tingin ni Mingyu. Ano ‘to sahig?
Makalipas ang ilang segundo ay dahan-dahang inangat ni Wonwoo ang paningin niya at nagtama ang mga mata nila ni Mingyu. Bakas sa mga itsura nila na parehas silang naguguluhan. Pulang pula ang mga pisngi na parang may blush blindness.
“Mingyu, may tanong ulit ako.” Over naman sa ask!
“Ano yun?”
“May gusto ka ba sa akin?”
“Ha?” Nabigla naman si Mingyu sa biglaang tanong na iyon.
“Sabi ko, gusto mo ba ako?” Pag-ulit ni Wonwoo.
Nanatiling nag-iinit ang mga pisngi nilang dalawa. Kung tutuusin ay nahihiya rin naman si Wonwoo. Hindi niya nga rin alam kung saang lulalop niya nahanap ang lakas ng loob upang kumprontahin si Mingyu. Pero ika nga ni Taylor Swift, kung hindi ngayon, kailan pa? Sinabi niya yan.
Tinaas ni Wonwoo ang dalawang kilay niya kay Mingyu na hindi makatingin nang duretso sa kaniya, “Ano?”
“Wait lang, AFK lang ako.” Bulaslas ni Mingyu na para bang naglalaro lang sila ng Dota.
Bahagyang natawa si Wonwoo. “AFK ka diyan!” Hindi makapaniwala niyang sabi.
Humagikgik na lang din si Mingyu. Sakto ring may dumaang motor kaya’t iginiya ni Mingyu si Wonwoo sa tabi ng kalsada. Kaya pala AFK eh. Away From Kalsada.
Inangat ni Mingyu ang tingin at nagtama ang mga mata nila ni Wonwoo. Huminto sila sa may ilalim ng poste. “Joke lang.” Bigkas ni Mingyu.
“So?” Hindi makapaghintay na sabi ni Wonwoo.
Bumuntong hininga si Mingyu at tinitigan si Wonwoo na tila kinakabisado ang mukha nito. Sa ilalim ng poste na nagsisilbing liwanag nila sa dilim ng gabi, kitang-kita ni Mingyu kahit ang pinakamaliit na detalye sa mukha ni Wonwoo na hindi makikita kung hindi bibigyang pansin nang maigi.
Mula sa kilay, mata, ilong, maski ang maliliit na pekas nito sa pisngi. Ang bawat lukot at kunot. Ang pilikmata. Ang sulok ng mga labi.
Gusto niya ito lahat para sa kaniya.
“Matagal na.” Madiin ngunit malumanay na sabi ni Mingyu.
“Ha?”
“Matagal na kong may gusto sayo,” pagpapatuloy ni Mingyu. “Magsimula pa lang pumasok tayong Junior High School, wala nang ibang tinignan yung mata ko.”
Hindi naman alam ni Wonwoo na may mas ibibilis pa pala ang pagtibok ng puso niya ngayong gab. Ramdam niya na halos sumisigaw na ng “Medic! Medic!” ang bawat parte ng katawan niya dahil may ilang libong paru-parong hindi mapakali ang nakapasok sa tiyan niya.
Malamig ang ihip ng hangin, ngunit tila siya si Elsa dahil init ang nararamdaman niya sakanyang pisngi. The cold never bothered him anyway.
“Ang totoo niyan, nahihiya talaga ako sayo. Hindi ko nga rin alam saan ako nakakuha ng loob para ayain ka ngayong gabi eh.” Namumulang sabi ni Mingy na umabot sakanyang tainga. “Pero ayon… siguro panahon na rin para umamin sayo.”
“Gusto kita, Wonwoo. Matagal na.” Walang pag-aatubling sabi ni Mingyu.
Natahimik naman si Wonwoo. Dinilaan ni Wonwoo ang kanyang mga labi at lumunok. “Uhh…” may pag-aalinlangan niyang sabi. Ano na boi? Akala ko ba kung hindi ngayon, kailan pa? Sabi ni Sabrina Carpenter, diba? Sinabi niya rin yan.
“Wala naman akong ineexpect na maging sasabihin mo.”
“A-ano…”
“Okay lang, promise.”
“Hindi, k-kasi…”
“Naiintindihan ko nama—“
“‘Wag ka nga makulit.” Pagputol ni Wonwoo kay Mingyu. “Pagsalitaan mo muna ako, pwede?”
“Ay…” Teluk ka ah.
Bahagyang umubo si Wonwoo at bumuntong hininga. “Alam ko naman,” bigkas niya habang ang mga mata ay nanatili lang na na kay Mingyu. “Alam ko naman kasi hindi naman ako manhid. Gusto ko lang talaga marinig galing sayo. Kasi kung ako naman yung tatanungin, gusto rin kita eh.”
“Ha?” Hindi makapaniwalang tanong ni Mingyu. Tila ang paru-paro sa tiyan ni Wonwoo ay umalis at nakahanap ng panibagong tahanan sa tiyan ni Mingyu. Ramdam niya ang gulo na ginagawa nito sakanyang katawan na naging dahilan ng pamumula ng kaniyang pisngi.
“Ang sabi ko, gusto rin kita.”
“Ha?”
“Ulit-ulit na naman. Bawiin ko na lang kaya,” pagbibiro ni Wonwoo.
“‘W-wag naman,” sabi ni Mingyu na maririnig ang pagpipigil niya ng ngiti. “Seryoso ba?” Paninigurado niya rito. Tinignan niya ang mukha ni Wonwoo at tumango naman ito sakanya nang paulit-ulit.
“Hindi nga?” Tanong niyang muli.
“Ikaw, kanina ka pa paulit-ulit. Babawiin ko na lang talaga.”
“H-hindi!” Bulaslas ni Mingyu.
“Seryoso ako, Mingyu. Gusto kong subukan kasama ka.”
Tila gumaan naman ang pakiramdam ni Mingyu sa narinig. Sabay din na nanahimik ang paru-paro sakanilang mga tiyan at nanumbalik ang kanilang katawan sa homeostasis. Taray? #agham
Rinig nila ang kuliglig pati na ang iilang sasakyang dumadaan, ngunit mas malakas ang sabay na tibok ng kanilang puso. Nginitian ni Wonwoo si Mingyu na siyang sinuklian naman ni Mingyu. Sabay din silang tumango sa isa’t isa na parang nagkaroon ng kasunduan.
“Okay.” Sabi ni Mingyu.
“Okay.” Sabi rin ni Wonwoo.
Nilahad ni Mingyu ang kanyang palad kay Wonwoo. “Tara?” Pag-aya niya rito.
Nagpatuloy ang gabi nila sa maliliit na kwentuhan habang magkahawak ang kamay. Kulang na lang din ay mapunit ang mga pisngi nila sa pagngito.
Nang makarating kila Wonwoo, namaalam din sila sa isa’t isa. “See you bukas.” Sabi ni Wonwoo at akmang papasok na ng bahay.
“Wons,” pagtawag ni Mingyu dito.
“Oh?”
“Thank you ah.”
Malawak ang ngiti na binigay ni Wonwoo kay Mingyu. Binuksan niya ang gate nila. “Ingat ka!” Sabi nito bago pumasok.
Ngumiti naman si Mingyu at kumaway. “Bye,” muling paalam ni Wonwoo at pumasok sakanila.
Nanatili siya sa labas nila Wonwoo nang ilang mga minuto bago naglakad pauwi sakanila.
Halos mapunit naman ang pisngi ni Mingyu sa kakangiti. Puno ng saya ang buong sistema niya. Daig niya pa ata ang nanalo sa lotto. Kulang na lang ay sumigaw siya ng “finally finally finally finally!” sa tuwa.
Sabi nga ni Heneral Luna, mga ginoo may nangyayari na!
Sakanya na si Wonwoo. Padlock. Tapon susi. Ang mag-jinx ay mamalasin nang sampung taon.
Magmula ngayon ay may paggalaw na ang relasyon nila ni Wonwoo at hindi na siya magta-tyaga sa simpleng pasulyap suluya dito. Sa wakas ay tapos na rin ang kanyang torpedo era.
At higit sa lahat, may ka-partner na siyang maglaro ng Fireboy and Watergirl.
