Work Text:
Simula noong tumungtong sa lamesa ang Grade 1 na Jeonghan para sayawin ang sumikat na kanta ni Marian Rivera na Sabay Sabay Tayo, alam na ng mga magulang niyang ilang taon din itong magiging consistent recipient ng Most Talkative Award pagpasok nito sa eskwelahan. Best Dancer sana kung hindi lang mas magaslaw ang dila niya kaysa sa katawan niya. Partida ay wala pang pabuya ang mga Tita niya sa tuwing pinapasayaw at pinapakanta nila ito. Pangalan pa lang niya ang nababanggit ay nagtatanggal na ng tsinelas si Jeonghan para mag-perform sa tuktok ng lamesa.
Pero kahit ang mga katulad ni Jeonghan na may "extrovert" sa Facebook bio niya ay nakikiramdam rin naman sa paligid. Lalo na ngayong may mga bagong mukha siyang kasabay sa van ni Manong Elvis. Grade 7 pa lang siya ay si Manong na ang nagmamaneho para sa kanya papasok at pauwi mula sa eskwelahan. Nang makaluwag-luwag si Manong, bumili na rin ito ng van para mas dumami pa ang maihatid niya. Kaya ayan, may lima siyang mga bagong kasabay sa van — karamihan pa ay mga bagong lipat. Kung may mga tulad man niyang mula elementary pa lang ay doon na nag-aaral ay hindi naman niya ka-close. Katulad ni Wonwoo na kilala niya lang dahil minsan niyang nakalaban ang section nito sa cheerdance.
Kahit ilang taon pa ang lumipas ay hindi niya makakalimutan ang section ni Wonwoo. Sila ba naman ang magsaboy ng pulbos sa ending ng performance nila. Eh section nila Jeonghan ang nakalinyang sumunod sa kanila. Ilang beses tuloy silang muntikang madulas dahil sa lintik na pulbos na 'yan.
Pero mukhang mabait naman daw si Wonwoo, nakikitawa rin 'pag nagbibiruan si Jeonghan at Manong Elvis. Pogi nga rin kahit panay ang takip ng panyo sa bibig. Minsan na nga lang magtanggal ng panyo, para ngumuya pa ng kwek kwek. Sana sa susunod na linggo ay hindi na lang tawa ang iambag ni Wonwoo. Pansin pa man din niya na tingin nang tingin sa kanya 'yung pinaka-matangkad sa kanila. Pigil na pigil tuloy si Jeonghan asarin 'yun sa tuwing namumula siya 'pag inaalok ito ng kwek kwek ni Wonwoo.
Apat na piraso na nga lang binili, iaalok pa kay tangkad. 'Pag 'yun pumayag, 'yung panulak mong buko juice magiging merienda mo na. Bwahaha.
Hay, hirap na hirap na kaya si Jeonghan kakabuhat ng usapan sa service nila!
Ganito pala kasi 'pag senior high na, dumadami ang bagong mga mukha kaya pati kakulitan ni Jeonghan, kinailangan muna ng warm-up.
Pero he has decided.. long ago.. apat na araw lang ang itatagal ng warm-up niya. Pagsapit ng Biyernes, sa isip-isip nito: I'm breaking my silence, Tito Boy.
Si Jeonghan ang unang na-dismiss sa kanilang lahat. Hindi niya rin alam kung bakit wala pa 'yung ibang kasama niya, eh 'yung dalawa sa kanila mga Grade 10 pa lang. Unang linggo pa lang ng klase kaya imposible namang nagpa-praktis na ng sabayang pagbigkas o dula-dulaan ang mga 'yun. Baka napahaba lang ang adviser's hour, balita pa man din ni Jeonghan may adviser daw sa Grade 11 na nagpaparosarya bago uwian.
Tapos may offertory pero pambili ni Ma'am ng tupig. Bwahaha, gets ko siya.
Nakikipagkwentuhan si Manong Elvis sa iba pang mga drayber nang madatnan siya ni Jeonghan. Base sa postura nila habang halatang nagmamanman sa mga pumapasok na kotse, nanghuhusga nanaman siguro ang mga ito ng mga pangit ang pagkaka-park ng kotse. Pasalamat sila at hindi MMDA si Manong dahil sigurado si Jeonghan na maninicket 'to ng tanga.
Agad na sinitsitan ni Manong Elvis si Jeonghan nang makita niya ito.
"Nauna ka nanaman," Asar nito kay Jeonghan habang ngumangata ng mani. Hay, amoy bawang nanaman sa van. "Grade 11 ka na pero 'yung uwi mo pang Grade 7 pa rin ah."
Umaktong gulat si Jeonghan sa narinig. "Pardon? What an accusation!" Umiling iling pa habang nag-aayos ng pwesto sa tabi ng driver's seat. Doon kasi ang pwesto niya dahil siya ang una at huling binababa ni Manong Elvis. Paano, magkapitbahay lang sila.
Nakabuyangyang ang mga pintuan ng van kaya kitang-kita ni Jeonghan si Manong kahit pa nanatili itong nakatayo sa labas. Kahit may mahulog pang plywood sa gitna nila mala-Aldub ay masisilip niya parin ito dahil pati mga pintuan sa likod ng van ay nakabukas na.
"Aba, humuhusay ang alaga ko mag-English ah. Hindi ka pinagbayad ngayon?" Dahil nga pinapakiramdam pa ni Jeonghan ang mga ka-service niya, si Manong tuloy ang naging buntunan ng mga kwento niya. Ilang araw na rin kasing pinuputak ni Jeonghan ang English Only Policy sa section nila. Dalawang araw rin siyang 'di makabili ng siomai tuwing uwian dahil ubos na ang baon kakabayad niya.
Bumuntong hininga pa si Jeonghan bago sumagot. "Nadali ako ng bente, 'nong. Pati pagsabi ko ng 'aray!' 'nung naipit kamay ko sa bintana, binilang pa nila. Eh si Ma'am nga 'tong Marikit 'yung pangalan. Singilin ko kaya siya?"
Natatawa na 'yung ibang mga drayber na nakikinig sa kanila pero si Manong Elvis, tumatango-tango pa. Dahil kilalang-kilala niya si Jeonghan, alam niyang para lang makaiwas sa mga susunod na singil ay baka aralin pa niyang mag-sign language.
"Hindi na lang siomai merienda mo 'nun, 'nak. Lechon manok na. 'Yung tira pwede pa nating pang-gas."
Nagkamot ng ulo si Jeonghan sa huling sinabi ni Manong. "Sus, gasolina daw. Eh 'di ka naman nagbubukas ng aircon. 'Yung matangkad sa likod, baka sa sampayan na dumiretso pag-uwi. Basang-basa sa pawis, 'nong!"
Binato na nga ng isang pirasong mani ni Manong si Jeonghan.
Si Mingyu ang tinutukoy ni Jeonghan na matangkad sa likuran. Siya rin 'yung tangkad na nangangamatis sa tuwing sinusulyapan siya ni Wonwoo. Isa sa mga huling binababa at unang sinusundo kaya sa likod nakaupo. Isa rin sa mga transferee kaya nagaalangan tuloy si Jeonghan na banggitin 'yung pangalan. Mamaya siya pa 'yung gawing sampayan eh.
Kaya kahit pa mas tahimik kaysa sa usual form niya si Jeonghan nitong mga nakaraang araw, panay pa rin ang lingon niya sa likuran ng van. Para siyang nanunuod ng pelikula tuwing palihim niyang inoobserba ang mga kasama. Natutuwa kasi siya sa kanya-kanyang mga pakulo nila.
Sa unang hilera ng mga upuan sa van, andun sina Wonwoo tsaka ‘yung dalawang Grade 10 na kasama nila — sina Sunoo at Sunghoon. Mukhang close (na magkaibigan?) na nga ‘yung dalawa kasi kahit umaga palang, akala mo pagod na si Sunoo kung paanong si Sunghoon na ang nagbubuhat ng backpack nito papasok. ‘Di pa nasasaktuhan ni Jeonghan pero hindi na siya magugulat kung akay-akay na ni Sunghoon si Sunoo tuwing uwian.
Sa tuwing nakikita nga ni Jeonghan ‘yung dalawa ay biglang gusto niyang siya na rin ang magsubo ng mani kay Manong Elvis. Antamis eh!
Sa likod naman nakapwesto si Mingyu tsaka ‘yung isa pang transferee, si Seungkwan. Sayang nga at sa likod ito pumwesto dahil siya lang ang nakakadaldalan ni Jeonghan minsan. Kung pwede nga lang na magsiksikan silang dalawa sa tabi ni Manong Elvis kaso ayaw naman niyang hita pa niya ang makapa ni Manong kaysa sa kambyo.
Si Seungkwan rin ang nanggagatong sa napansin niyang pagtingin (literal) ni Mingyu kay Wonwoo. Kwento pa nito, ‘nung nagpakilala si Wonwoo sa kanila sa unang araw na sumakay sila sa service, tinype pa daw ni Mingyu ang pangalan ni Wonwoo sa cellphone niya.
Kawawa naman si Mingyu, imbes na sa contacts mag-type ng pangalan sa notes app lang napunta. ‘Di bale Mingyu, ‘pag may tiyaga may phone number.
“Sa pagmamadali magtype, ‘di na niya naitago sakin eh,” Kahit puno pa ang bibig dahil sa chinichibog noon na chichirya, hindi nagpapigil si Seungkwan na ikwento kay Jeonghan ang nalaman niya. Nakasandal lang silang dalawa sa sasakyan habang hinihintay ang ibang mga ka-service. “Wonwoo Jeon, all-caps pa. Ambilis pang mag-type akala mo makakalimutan talaga niya. Tapos kinabukasan, pinagsuot lang din tayo ng name tag. Ansabeh?”
Sa gilid ng mga mata ni Jeonghan, kita pa niya ‘nun si Manong Elvis na nakikiusyoso sa usapan nila. Unang beses kasing may magkagustuhan sa van niya kung sakali. Sa sobrang pag-aabang niya, inalok pa niya si Seungkwan na makipagpalit ng upuan kay Wonwoo.
“Pasulyapin mo muna si Mingyu, Manong.” Sagot ni Seungkwan. “Baka ‘pag pinagtabi natin ‘di na pababain si Wonwoo eh.”
Kaya maswerte sina Mingyu at Wonwoo na may hiya pa sa katawan ni Jeonghan. Lumipas din ang ilang araw na tahimik pa ang mga buhay nilang dalawa. Kaso nga lang, naiinip na si Jeonghan.
Kasi naman, akala mo nasa music video kung magsulyapan ‘yung dalawa. Kahit limitado ang paningin niya sa rear view mirror ng van, tumatagos ang pag-aalala sa mga mata ni Wonwoo ‘pag nakikita niyang gumegewang na ang ulo ni Mingyu palapit sa bintana ‘pag nakakatulog ito.
Samantalang si Seungkwan na nauuntog na ‘di man lang tignan.. Sakit mo na, Wonwoo!
Pero ang pogi nga naman kasi ni tangkad.. Again, gets ko siya.
Kaya sigurado si Jeonghan.. mga pangalan ng isa’t isa ang numero uno sa recent searches nila Mingyu at Wonwoo kaka-stalk nila sa isa’t isa. Buti pa siya, sariling My Day lang ang paulit-ulit na pinapanuod.
Nasa Diyos ang awa, basta sa’kin ‘yung dating.
Huhugot na sana siya ng singkwenta sa pitaka niya nang makita niyang sabay-sabay na naglalakad papalapit sa sasakyan sina Seungkwan, Sunoo tsaka Sunghoon. Nagtatawanan pa at halatang may pinaguusapang maganda.
‘Yan ang pinaka ayaw ni Jeonghan sa lahat. ‘Yung may magandang nangyayari tapos hindi siya kasama. Kahit hindi na siya makapag merienda basta hindi siya napag-iiwanan sa mga ganitong pangyayari.
“Hep, hep, hep!” Nakapamewang pa si Jeonghan nang makalapit na ang tatlo sakanya. Mukhang natatanggal na ang hiya ng dalawang pumapagitna kay Seungkwan dahil nakakatingin na sila nang diretso sa mga mata ni Jeonghan.
Noong mga nakaraang araw kasi, kahit natatawa sila sa mga iilang hirit ni Jeonghan ay sa bintana pa rin sila tumitingin. Natatakot yata na ang isunod na biro ni Jeonghan ay ang panyo ni Sunghoon na may burda ng pangalan ni Sunoo.
‘Di na bago sa akin ‘yan! Si Manong Elvis nga nagpa-tattoo ng mukha ng nakilala niya sa Facebook. ‘Di ko naman inaasar… masyado. Hehe.
“Kuya, may kwento kami!” Excited pa si Sunoo habang nanatiling nakatayo sa tapat ng pintuan ng van. Si Sunghoon naman kasi ang may bitbit ng bag niya kaya ni hindi niya kailangang kumilos. Si Seungkwan ay halata ring nagpipigil ng bibig. Mukhang matindi ang chismis ah.
“This is a safe space. You are seen and you are heard.” Kahit seryoso ang mukha at pagkakasabi, tagos pa rin ang kakupalan sa sinabi ni Jeonghan.
“Kuya talaga,” Natatawang komento ni Sunoo. Luminga muna siya at nang makitang naunahan nila sina Mingyu at Wonwoo, tinuloy niya ang pagbabalita. “Pare-parehas po pala kasi kaming pinapa-print ng 1x1 picture for Monday. Tapos nakita namin si Kuya Seungkwan kaya nagsama-sama na kami.”
“Gago, oo nga pala! May ganyan din ako. Sabi na may nakalimutan ako eh,” Napakamot nalang ng ulo si Jeonghan. “Hay, bukas nalang. Oh tapos?”
Nagtaka lalo si Jeonghan nang hindi na mapigilan ni Seungkwan ang paghagikgik. Nagkahawaan pa ang tatlo at sabay-sabay nang tumawa. Walangya, pati ‘yung si Sunghoon na madalas iisa lang ang mukha namimilog na rin ang pisngi kakangiti.
“Pagdating namin, sakto andun rin si Mingyu. Tatawagin sana namin kaso ‘tong si Sunoo, may kinausap pang kaklase niya. Edi iiwan ko na muna sana para mauna na ako, kaso ‘nung paglapit ko palang kay Mingyu, kita ko may tinuturo siya sa mga nakadikit sa pader ng computer shop. Nagtago pa ako n’yan, akala mo naman talaga!”
Nagkahawaan na ng hagikgik ang apat nang maalala ni Jeonghan ang mga nakadikit sa pader ng computer shop na tinutukoy nila. Kung doon ba naman siya mananghalian madalas, makakabisado talaga niya ang bawat sulok nito.
Bukod kasi sa mga galing Google na edited ID pictures nila Zayn Malik at Harry Styles, may mga dinikit din ang may-ari ng computer shop na mga mukha ng mga nagpapaprint sa kanila. Andun nga rin si Jeonghan eh!
Ang kaibahan nga lang ay sa iba, mismong may-ari ang nagtatanong kung pwede silang maisama sa mga nakapaskil sa pader nila. Reference daw sa size ng mga pwedeng ipa-print. Pero kay Jeonghan, siya mismo ang nag-alay ng sarili niyang mukha. Baka nahihiya daw silang magtanong kaya inunahan na niya.
Kaya ‘di pa niya naririnig ang chismis nang buo, buo na ang ngiti niya. Paano, eh bukod sa kanya, andun din si Wonwoo sa pader. Dalawang versions pa, isang suot niya ang salamin niya at isang hindi. Sa sobrang pogi, dinaig pa si Zayn na isang version lang ng ID picture ang nakapaskil.
Lakas ni Wonwoo, ginawang salas ng bahay nila ‘yung comp shop.
“Hiningi ni Mingyu?” Natatawa niyang hula sa kasunod ng kwento. Nag-apir pa nga silang dalawa ni Seungkwan dahil yes!, hiningi nga ni Mingyu.
“Sabi nga ni Kuya Seungkwan, Kuya,” Singit ni Sunoo. “Hiningi ‘yung may suot na salamin si Kuya Wonwoo para siguro may matira pa.”
Taray ni Mingyu, considerate sa business. Baka kaya nag-ABM.
“Binigay naman?” Natatawa pa rin niyang tanong.
Sabay-sabay pang tumango ang tatlo. Pati si Sunghoon interesado eh. Kung ‘di lang bumalik si Manong Elvis sa kwentuhan niya kasama ang ibang mga drayber ay lima sana silang nakangiti ngayon.
“Well, yes! Kita ko, inabot eh. Ang lawak pa ng ngiti ni ate. Di ko na narinig kung anong sinabi ni Mingyu pagkatapos, binalikan ko na kasi sila Sunoo para ‘di ako makita.”
“Na para bang Imbestigador,” Umayos pa ng tayo si Jeonghan bago bumwelo ng malakas na umubo. “Kung nakita ka Seungkwan sabihan mo nalang ng excuse me po. Sumalangit nawa si Mike Enriquez.”
“Amen.”
Bago pa makatingala sa langit ang dalawa, nagsalita bigla si Sunghoon. Sa lalim ba naman ng boses ni bagets, mapapatigil ka talaga. Konting pagbibinata pa mapagkakamalan nang Ted Failon ‘tong si Sunghoon eh.
“Crush din naman po yata siya ni Kuya Wonwoo eh.”
Wow, ‘di makapaniwala si Jeonghan. Lahat pala sila sa service nila ay pakialamero sa buhay ng ibang tao. May tenga ang lupa, may pakpak ang balita at ang landing nito ay sa van ni Manong Elvis!
“Let him cook.” Sumipol pa si Sunoo. Anak ng!
“Hindi ko naman po sinasadya pero nakita ko kasi na sinave ni Kuya Wonwoo ‘yung profile picture ni Kuya Mingyu.”
Bumunghalit na talaga ng tawa si Jeonghan. Sisiguruhin niyang hindi na siya kailanman mabibiktima ng anumang bayarin ng section niya dahil may kailangan siyang pag-ipunan na regalo. Para kanila Mingyu at Wonwoo sa unang monthsary nila.
Kailangan nila ng privacy screen protector. Walangya, kahit ako na rin magkabit!
“Eh yung profile picture ni Mingyu ‘nung pandemic pa yata huling napalitan! ‘Nung inistalk ko siya kahapon, may frame pa na I was vaccinated ‘tas nakalagay Pfizer. Bonus: nakasuot pa talaga ng face mask.” Stressed na stressed pa ang pagkakasabi ni Seungkwan. ‘Di lubos akalain na nasalba ng face card ni Mingyu ang karumaldumal niyang profile picture para i-save parin ito ni Wonwoo.
“‘Di yata nagpo-post ‘yun, ‘no? Inistalk ko kayong lahat eh. ‘Yung bilang ng lahat ng pictures sa account niya, My Day ko lang sa isang araw eh.” Obserbasyon ni Jeonghan. Medyo parehas nga sila Mingyu at Wonwoo kung tutuusin. Ang nilamang lang ng account ni Wonwoo ay ang mga tagged photos sa kanya ng mga kapamilya niya. Kay Mingyu kasi ay halos wala.
“Hala Kuya, stalker ka po pala. Ma-block ka nga mamaya.” Nagbiro pa talaga si Sunoo. Ngumisi lang si Jeonghan sa sinabi nito.
Huli na kasi si Sunoo. Dapat ‘nung isang araw pa siya nito blinock dahil, “Hindi na kailangan. Nakita ko na mga mine-mention mo kay Sunghoon sa mga post ng Sundae Kids.”
“Hala!!!”
“True,” Singit ni Seungkwan. “Na para bang bali at tangi ang tawagan.”
Nagtatawanan pa silang apat nang biglang masilip ni Jeonghan sina Mingyu at Wonwoo na sabay naglalakad papunta sa sasakyan nila. Hindi na tuloy niya mabibigyan ng briefing si Manong Elvis! Bahala na muna itong makiramdam sa byahe nila pauwi. Kilala naman na siya nito, kayang-kaya sakyan ni Manong anumang trip ni Jeonghan.
“Ayan na sila.” Anunsyo ni Jeonghan. Pansin nga niya parang nahihiya-hiya pa ‘yung dalawa habang naguusap. Habang papalapit sila nang papalapit sa sasakyan, napansin pa niyang dalawa pala ang bitbit na laptop bag ni Mingyu. Isa sa kanya at isa kay Wonwoo. Ewan nga ni Jeonghan sa dalawang ‘to, nagdala na ng laptop eh wala pa namang ginagawa. O baka siya lang ‘yun?
Habang inaayos ng tatlo ang kanya-kanyang mga pwesto sa sasakyan, nagmadaling nagbilin si Jeonghan. “Okay, walang matutulog sa byahe pauwi ngayon. Mapapalaro ako.”
“Ha?” Takang tanong ni Seungkwan. Pati ‘yung dalawang bagets ay napatanga sa sinabi niya. Ano nga namang lalaruin nila sa van? Bilangin kung ilang kotse ang mumurahin ni Manong Elvis?
“Basta!” Wala nang oras magpaliwanag pa si Jeonghan. Nararamdaman na niya ang malakas na pwersa ng dalawang bading na masaya. Nang lingunin niya ang pintuan sa likod ng van, tama nga siya — andyan na ang dalawang bading na masaya.
“Hi Wonwoo! Hi Mingyu!” Kumaway pa talaga. Sunod niyang sinipulan si Manong na nakikipagdaldalan pa rin. ‘Di na napansin na puno na ang van niya sa sarap ng daldalan nila. “Manong, awat na dyan. Uwian na!”
❤︎❤︎❤︎
Hindi pa agad umandar ang van nang makabalik na si Manong mula sa mga tropa niya. Pinapainit pa kasi ang makina. Kaya si Jeonghan, lumingon na nang tuluyan sa mga kasama sa likod. Kung dati ay nagtitiis siyang kunwaring magkamot sa batok sa tuwing gusto niyang lingunin kung anong ginagawa nila, ngayon ay buong katawan pa niya ang pumihit paharap kanila Wonwoo.
“Ang init, ‘no?”
Napatigil pa si Manong sa paga-adjust ng radyo sa pagpaparinig ni Jeonghan. ‘Di na ‘to bago dahil sa araw-araw na ginawa ng Diyos, si Jeonghan ang nakatakdang mangulit sa kanyang mag-aircon naman sila pauwi. Minsan napagbibigyan, minsan sinasadya nalang lakasan ni Manong ang patugtog niya para ‘di na niya marinig si Jeonghan.
“Ibaba kita sa mall ‘nak kung gusto mo mag-aircon.” ‘Yan ang minsan na sagot nito sa ilang taon na niyang hatid-sundo.
Pero ngayon, inirapan niya lang si Jeonghan (nahahawa na talaga ito sa kanya) at sinabing, “Ano nanaman Jeonghan?”
Parang na-offend pa talaga ang katabi sa narinig mula kay Manong. Nagtatawanan na rin sila sa likod dahil oo nga, mula noong Lunes ay hindi pa napagbibigyan si Jeonghan na mabuksan ang aircon. Syempre, hindi pa sila maka-back up dito kasi hiya hiya pa sila.
“Lah!” Bulalas ni Jeonghan. “Kita mo ‘nong oh! Pawis na pawis na si Mingyu sa likod. Si Sunoo at Wonwoo lang naman mga ‘di pinagpapawisan sa van na ‘to.”
Kitang-kita pa ni Jeonghan ang pagngiti ni Mingyu sa narinig. Inuna pa talagang kiligin kaysa magpunas ng pawis.
“Magpapalaro ako!” Pumalakpak pa talaga. Umiiling-iling na rin si Manong habang natatawa dahil mukhang pati ang iba niyang mga sakay ay nahawa na kay Jeonghan. Base sa mga naririnig niyang tawa at reaksyon ay mukhang game rin naman sila. “‘Pag may nanalo ‘nong, buksan mo ‘yung aircon ah! Ngayon lang naman eh.”
Mukhang may plano ‘tong alaga ko ah, sa isip-isip ni Manong Elvis. Kung hindi ba naman niya mahalata sa panlalaki ng mata nito sakanya. Pagbigyan nalang siguro niya at singilin ng apat na pirasong siomai sa Lunes bilang merienda niya.
“Oh sige na nga,” Pagsang-ayon ni Manong, ‘di na nagawang lumaban dahil kailangan na rin niyang mag-focus sa pagmamaneho. “Oh, kayo nang bahala mainis dito kay Jeonghan ah.”
Si Wonwoo pa nga ang sumagot. “Pagpalitin mo na rin sila ng pwesto ni Mingyu ‘pag natalo kami, Manong. Kawawa talaga ‘to dito eh.”
“Nako, mas gusto ka pang katabi n’yan ni Mingyu kaysa bintana.” Bunganga talaga ni Manong minsan! Nagkagulo tuloy sila lalo dahil sa pang-aasar nito kanila Mingyu at Wonwoo. Sa tagal nilang nagpigil na asarin ‘yung dalawa, si Manong lang pala ang mauuna.
“Tsaka baka mahirapan siyang sulyapan ka ‘pag sa harapan na siya nakaupo, Kuya.” Kung hindi lang sa lalim ng boses ni Sunghoon ay ‘di pa maniniwala ang buong van na siya ang nagsalita.
Ito namang si Mingyu ‘di pa talaga tumanggi.
“Si Sunghoon ‘yun?” Pag kumpirma ni Manong na ‘di makalingon sa likod. Tuwang tuwa rin naman siya na unti-unti nang nagiging komportable ang mga sakay niya. Si Jeonghan kasi ilang taon nang komportable eh.
“Diba? Konting yosi mo pa ganyan na rin boses mo ‘nong.” Biro ni Jeonghan. At bago pa ulit sila magkagulo, sinimulan na niya ang mini-program niya sa van. “Laro tayo ng Bring Me!”
Sa tahimik ng van nila nitong mga nakaraang araw, ‘di inaasahan ni Jeonghan na magpalakpakan sila sa sinabi niya. Akala niya aangal pa ‘tong mga ‘to eh. Ayos din pala sila, ni walang kumontra. Kita pa niyang sumilip sa bag niya si Mingyu para i-check kung anong mga laman ng bag niya.
Bwahaha kalma lang Mingyu. Mananalo ka rito.
“Okay. Una, bring me buko juice tsaka turon.”
“Tanga ka!” Tawa ni Seungkwan. Siya nalang kasi ang natitirang may iniinom pa rin na buko juice mula sa binili niya kanina.
‘Ba yan! Nanunuyo na lalamunan ko eh.
“Joke lang, ito na talaga.” Pinalo-palo ni Jeonghan ang upuan bilang drum roll. “Bring me panyo na may burda ng pangalan.”
Maubo-ubo naman si Sunghoon sa narinig. Grabe pala talaga makapansin ang Kuya Jeonghan nila. Pati ba naman ‘yun hindi nakalampas sa kanya. Buong akala niya para kanila Mingyu at Wonwoo lang ‘tong pakana ni Jeonghan pero damay rin pala sila ni Sunoo.
Habang namumula na ang mukha ni Sunghoon, si Sunoo ay tawang-tawa lang. Tinapik na nga nito si Sunghoon sa likod at sinabing, “Bigay mo na dali, para may aircon tayo.”
“Ang cute naman ng panyo, may watermark.” Side comment ni Wonwoo habang tumatawang pinapanuod si Sunghoon na hinuhugot ang panyo mula sa bulsa ng pantaas niyang uniform. Maayos pa nga ang pagkakatupi at kitang-kita ang naka-cursive na pangalan ni Sunoo.
Buti nga kay Sunghoon pangalan lang ni Sunoo, eh kay Mingyu buong mukha mo! Hay, pigil na pigil pa si Jeonghan mang-asar.
“Inspection time para ‘di isipin ni Elvis Presley na dinadaya natin siya,” Tinanggal ni Jeonghan ang pagkakatupi ng panyo at pinagpag ito sa harapan nilang lahat. Nagvi-video pa nga si Seungkwan sa likod eh. “Para sa kaalaman ng lahat, Sunoo ang nakaburda dito sa panyo. At kanino ang panyo?”
Sabay-sabay silang sumagot ng “Sunghoon!”
“Exactly.” Tuwa nanaman si Jeonghan sa crowd control powers niya. Binalik na rin niya ang panyo kay Sunghoon. “Okay, Manong. You heard it. Open that fucking aircon!”
“Gago ka talaga.” Natatawang pinihit ni Manong Elvis ang bukasan ng aircon sa van. Unang buga palang ng hangin sa tapat ng mga mukha nila ay naghiyawan na silang lahat.
“Ayan, nakakita na kayo ng Elvis Presley na nagtatagalog at nagmumura.” Singit ni Jeonghan bago ituloy ang palaro niya. Syempre dahil palaro niya ‘to, nakaisip rin siya agad ng pwedeng ipapremyo sa susunod na mananalo. “Sunod na mananalo ay makikipagpalitan sa’kin ng upuan next week. Palag palag na! Maluwang dito sa harapan, pwedeng pwede na magplansta.”
“Bring it on, bitch!” Sigaw ni Seungkwan mula sa likod.
Umakto tuloy si Mingyu na nasaktan sa narinig, siya ba naman ang katabi ni Seungkwan. “Ayaw na ayaw ako katabi ah.”
Umirap lang si Seungkwan sa kanya. “Kandungin mo nalang si Wonwoo nang manahimik ka na.”
“Siraulo.” ‘Yan nalang tuloy ang nasabi ng hiyang hiya na si Mingyu. ‘Di na nagawang silipin kung anong reaksyon ni Wonwoo sa harapan. Sayang, edi nakita sana niya kung maano lumobo ang pisngi nito kakapigil ng ngiti.
Kandungan na agad? Walangya!
“Oh em gee, the revelations!” Kunwari pang gulat ang host nila. “Okay, alright.. Next item: bring me earphones na umiilaw.”
Parang may choreography pa sa kung paanong sabay-sabay ang lahat (maliban kay Manong, awa nalang) na lumingon kay Seungkwan.
Kaya unti-unti nang nauubos ang mga pailaw sa mga jeep kasi nasa tenga na ni Seungkwan lahat eh.
“Putangina niyo ah.” Pagmumura nito kahit pa humihigit na rin naman siya ng earphones (na umiilaw) sa bag niya. “Oh ito!” Nasalo naman agad ni Jeonghan nang ibato niya ito sa kanya.
“Ibang-iba talaga ang pasko sa pinas,” Kanta ni Jeonghan. “‘Di na kailangan pailawin pa ‘to. Araw-araw naming nakikitang umiilaw sa tenga mo ‘to eh. Thank you, Seungkwan. Alagaan mo ‘tong pwesto ko next week ah.”
“Ang daya, siya lang may ganyan dito eh.” Reklamo ni Wonwoo na mukhang gusto rin maranasan umupo sa harapan. Matangkad din kasi kaya mukhang siyang tinuping karton ‘pag nauupo sa van.
“‘Wag nang magreklamo, Wonwoo.” Sita ni Seungkwan. “Your time will come.”
“Tama!” Ako ang bahala sayo Wonwoo, sa isip ni Jeonghan. “Okay, malaki-laki ang premyo nitong susunod. ‘Pag nabigay niyo ‘to sakin, buong lingo bubuksan ni Manong Elvis ang aircon.”
‘Dun na napabulalas si Manong. Aba! Isang linggo din ‘yun ah. “Buong linggo kang maglalakad pauwi, pwede pa.” Pagtanggi nito sa papremyo ni Jeonghan.
“Sige na, Manong! Salitan kami sa pagbili ng meryenda mong mani next week.” Si Mingyu na nakatikim na ng lamig ay mukhang ayaw na rin bumalik sa lusak. Sumusuhol na rin eh.
Naghiyawan naman silang lahat. Magkano nga lang naman ang mani kung aircon ang kapalit? Kahit dagdagan pa nila ng palamig eh. “Oh, ano ‘nong? Lahat na kami oh. Pauwi lang naman eh!”
Wala nang nagawa si Manong dahil ‘di na natigil ang pag-iingay nilang lahat. “Oo na nga, next week lang ah! Ayusin mo Jeonghan.”
Malawak pa ang ngiti ni Jeonghan para bang ‘di siya pinagbantaan ni Manong Elvis. “Onga, one week lang. Sobrang kuripot naman.”
Kanya-kanya ang yakap ng mga kasabay ni Jeonghan sa van sa mga bag nila habang hinihintay kung anong hihingin nitong kasunod. Mga mukha ng handang ibigay ang lahat eh.
“Tandaan niyo ah, malaki ang nakasalalay dito,” Paalala niya na siyang tinanguan naman nilang lahat. “Oh, ito: bring me 1x1 picture pero dapat hindi ‘yung sainyo.”
Tawang tawa tuloy ‘yung tatlong nakasunod kay Mingyu kanina sa computer shop. Nang marinig ni Mingyu ang pinapakuha ni Jeonghan ay parang nag-automatic ang kamay niya para may kunin sa bag niya. Kitang-kita pa nga ni Seungkwan.
At kung gaano niya kabilis dinakot ang loob ng bag niya ay siya ring bilis ng pagbawi nito sa kamay niya. ‘Dun lang naalala kung kaninong 1x1 ‘yung nasa bag niya.
Pero huli na ang lahat dahil sumigaw si Seungkwan ng: “HALA SI MINGYU MAY KUKUNIN DAPAT PERO DI TINULOY!”
Subukan man ni Jeonghan na magmukhang inosente at walang alam ay ‘di rin nakakalampas ang mumunting tawa mula sa bibig niya.
“Kuya, bigay mo na please. Ngayong lang kita ‘di nakitang pawis oh.” Pamimilit ni Sunoo.
Itong si Manong Elvis na umaasa pang ‘di niya kailangan magbukas ng aircon buong linggo ay kumontra pa. “‘Nak ayos lang kung ayaw mo.”
“Lah, ‘wag ka nga!” Irap ni Jeonghan.
Bibiruin na sana ni Jeonghan si Wonwoo na pilitin si Mingyu pero naunahan na siya. Wow, what is happening? Bakit umaayon ang lahat? “Dali na, Mingyu. Para masarap naman tulog mo ‘pag pauwi na tayo.”
Walangya, ‘di na kinaya ng van at sabay-sabay silang nagtilian sa kilig! Nakakabaliw ‘yung tono ng boses eh. Parang sinusuyo pa talaga!
“Tangina, ‘di nakatanggi kay Wonwoo.” Bulong ni Seungkwan sa sarili nang makita niyang bumubunot na si Mingyu sa bag niya matapos marinig ang sinabi ni Wonwoo.
“Sunoo, abot mo nalang kay Jeonghan.” Nakataob pa kasi ang ID picture nang iabot niya ito. May pagtataka pa nga sa mukha ni Wonwoo dahil mas malapit naman siya kay Mingyu at kayang-kaya naman niyang iabot ‘yun kay Jeonghan.
Lalo pang nagtaka si Wonwoo dahil parang alam na nilang lahat kung sino ‘yung nasa picture kahit pa hindi pa naman nila ito nakikita.
“Kaninong picture ‘yan, Jeonghan?” Naunahan pa nga ng tanong ni Wonwoo ang grand reveal sana ni Jeonghan. ‘Di na naitago ang pagiging interesado.
Sinilip pa kunwari ni Jeonghan ang picture. Unang kita palang niya sa salamin ni Wonwoo ay napapalo na siya sa upuan niya. “Tangina ka Mingyu!” A few hours ago, ni hindi niya masabi ang pangalan ni Mingyu. Ngayon, minumura na niya ito sa kilig.
“Picture reveal…” Intro ni Jeonghan habang unti-unting inaangat ang picture. Kumukurap kurap pa si Wonwoo habang nagsisigawan na ang lahat. Pati si Manong Elvis kinabig ang kamay ni Jeonghan para makita nang maigi kung sino ang nandun.
“Anak ng,” Tawa ni Manong. “Ayos ah. Pogi mo dito, Wonwoo ‘nak.”
“Ayoko na! Ayoko na!” Sigaw ni Seungkwan habang inaalog si Mingyu na sinusubukan pang magtago sa kwelyo ng damit niya.
Sa wakas, rumehistro na kay Wonwoo ang nangyayari. Halata namang kilig na kilig rin pero sinikap pa rin niyang pigilan ang ngiti bago lumingon sa likod kung saan namimilipit na yata si Mingyu. “Ang luma na nyan, Mingyu. Kung gusto mo ng latest version, sabihan mo lang ako.”
“Oh my god!” Nauntog na yata si Sunghoon kakatulak sa kanya ni Sunoo.
Napabitaw tuloy si Mingyu sa kagat kagat niyang kwelyo ng damit niya. Habang nagkakamot sa sariling pisngi, sinagot niya si Wonwoo. “Okay, pahingi ako.” Sabay ngiti nang matamis.
Dati totorpe torpe lang, ngayon harapan nang nanghihingi.. Magpasalamat kayo sakin!
“Sige, sa monday.” Agad na sagot ni Wonwoo sa kalagitnaan ng pagwawala ng lahat.
“Oh, last na! Last na!” Winawasiwas pa ni Jeonghan ang mga kamay para mapatigil ang kagulugan sa likod ng van. “Wala na ‘tong premyo pero lugi naman kung ‘di magbibigay si Wonwoo, diba? So siya dapat ‘tong last.”
Si Mingyu na kakatapos lang mapagtripan ang sumagot. “Tama ‘yan. Walang tatakas, Wonwoo ah.”
Kahit ‘di pa nakaka-recover mula sa kilig dahil kay Mingyu, napareact tuloy si Wonwoo. “Ano ba ‘tong laro mo, Jeonghan? Bring me o truth or dare?”
“Shh!” Pagpapatahimik ni Jeonghan. Para sainyo rin naman ‘to, aarte pa eh! “Ito na, bibilisan ko na kasi malapit na tayo eh. For the last time, bring me: latest picture na sinave mo galing sa Facebook na hindi mo sariling picture. Go!”
“Gago ka, ang specific!” Tumatawang komento ni Seungkwan mula sa likod.
Namimilog ang mga singkit na mata ni Wonwoo sa gulat kasi.. ha? Bakit alam ni Jeonghan? Ano bang nangyayari sa van na ‘to? “Bwisit ka, Jeonghan!”
“‘Wag ka kasing masyadong komportable d’yan sa mga katabi mong bagets. ‘Di mo lang alam sumisilip silip ‘yang mga ‘yan.” Nakalahad na ang palad ni Jeonghan habang nagsasalita, handa nang tanggapin ang cellphone ni Wonwoo.
“Baliw, nakakahiya.” Napahilamos tuloy sa mukha ni Wonwoo. Si Mingyu naman ngayon ang nagtataka dahil parang may alam ang buong van na hindi niya alam. Ano kayang nakakahiya ‘dun? Baka naman picture lang ‘yun ng artista.., ‘yan ang pagkakamali ni Mingyu.
Dahil nang sa wakas ay napagdesisyunan ni Wonwoo na iabot ang cellphone niya, ang bumungad kay Mingyu ay ang profile picture niyang ilang taon na niyang hindi napapalitan.
“Ito na ang ating bakunadong tropa.” Nakangisi pa si Jeonghan habang zinu-zoom ang picture sa telepono.
“Palitan mo na ‘yan pag-uwi mo, Mingyu.” Payo ni Seungkwan na mula pa kanina ay ‘di na natanggal ang ngiti sa mga labi.
Parang tumapang si Mingyu sa nakita niya eh. Para siyang binubulungan diretso sa tenga ng: May pag-asa ka, Mingyu! Napahirit tuloy siya. “Ang luma na rin n’yan, Wonwoo. Kung gusto mo rin ng latest, sabihan mo lang ako.”
Walangya! ‘Yun na siguro ang pinaka maingay na byahe na pinagmaneho ni Manong Elvis. Kasi pati siya nakikihiyaw na rin!
“Kayong mga bata kayo, ang sakit niyo sa panga.” Napapapalo na nga ng manibela si Manong Elvis sa mga nangyayari. Ngiting ngiti rin kasi.
“And that’s the end of this program!” Pormal pang paalam ni Jeonghan. “Thank you for participating.”
Naputol ang ngitian nila Mingyu at Wonwoo nang magsalitang muli si Manong: “Oh, nasa plaza na tayo. May bababa ba dito o lahat kayo magpapahatid sa bahay?”
Napaayos tuloy ng upo si Wonwoo. “Ako po, Kuya. May bibilhin ako eh.”
Natanga na nga siguro si Mingyu dahil nang marinig niya magsalita si Wonwoo ay sumunod din siya at nagsabing “Ako rin, Kuya. He-he.”
“Gago, magde-date!”
❤︎❤︎❤︎
Ngiting-ngiti pa rin sina Mingyu at Wonwoo habang binabaybay ang daan papunta sa kilalang bilihan ng mga kartolina at iba pa malapit sa plaza nila. Nagkakahiyaan pang magdikit kahit pa nagtatama paminsan-minsan ang mga daliri. Sa unang daplis ng hinliliit ni Wonwoo sa kamay ni Mingyu, pisikal pa itong napaigtad. Ngayon, namamawis nalang ang palad niya kakapigil sa sariling hawakan ang buong kamay ni Wonwoo.
Si Wonwoo na ang naunang bumasag sa katahimikan (na 'di naman ganun katahimik dahil sa ingay ng mga naglalaro ng basketball malapit sa kanila).
"Ikaw ah," Kahit sa gilid ng mga mata ni Mingyu ay kita nito ang ngiti sa mga labi ni Wonwoo. "Bakit ka may picture ko?"
Nagulat man sa tanong ni Wonwoo ay sinubukang sumabay ni Mingyu. 'Di siya pwedeng magpatalo at liligawan pa niya 'to! "Bakit ka rin may picture ko?"
"Secret." Tuluyan nang humarap sa kanya si Wonwoo para bumelat.
Ang cute, puta.
"Edi secret din," Pambawi ni Mingyu. "Pero pahingi parin ako ng mas bago ah." Pahabol nito.
"Mhm," Bigla pang tuminis ang boses ni Wonwoo sa kilig. "Anong bibilhin mo? May assignment na kayo?"
Wala nang oras si Mingyu para humugot ng gawa-gawang assignment mula sa pwet niya. Ang nasabi nalang niya ay, "Kung ano rin bibilhin mo."
Natawa na tuloy si Wonwoo! Ano ba 'to? Sinamahan lang yata talaga siya.. "Gaya gaya ka!"
It's now or never.. kaya hinigit ni Mingyu ang braso ni Wonwoo upang ilayo ito sa kalsada sabay nginitian ito. "Gayahin mo rin ako. Magme-merienda ako pagkatapos bumili."
Sa ingay ng paligid nilang dalawa, biglang nanahimik ang lahat nang marinig ni Mingyu ang sagot sa kanya ni Wonwoo.
"Okay," Ang aliwalas tignan ng mukha ni Wonwoo sa ilaw ng papababang araw. Walang magawa si Mingyu kundi titigan lang siya. "Tapos magme-merienda din ako dito bukas. Gagaya ka ulit?"
"Oo naman," Ngiting ngiti talaga si Mingyu eh! "Simula ngayon, andito na ako palagi."
