Actions

Work Header

pahintulot

Summary:

ang tanging hiling lamang ni mingyu sa diyos ay pahintulutan siyang muling ipagkatiwala sa kanya ang puso ni wonwoo.

Notes:

hello! the shirebound and busking series is finally back with its final installment!

grabe… ilang months na nga ba ang lumipas since part 2 was posted? honestly, hindi ko na mabilang. i feel like you might want to reread parts 1 and 2 para maramdaman ulit ang love story nila (if you’re ready to feel the heartbreak again, hahaha).

wala na akong masyadong masabi, pero if you’re here reading this now, thank you sa pagtitiis at paghihintay sa last part. thank you din for reading the previous parts, kahit medyo masakit sila pareho. pero tulad ng sinabi ko noon, i only write minwon with happy endings, and in every universe i’ve created and will continue to create-wonwoo and mingyu will always find their way back to each other. no matter what obstaclesor heartbreak they face, they are always meant to be together. there is no universe where they are apart, no story where their love doesn’t endure. :)

this is only the first part of pahintulot. i decided to split it into two because i felt we needed a pause (kahit na ang tagal niyo nang naghintay but it's really necessary for me haha) before skipping forward in time. that said, the next chapter will be the final one, as it jumps to the present.

anyway, this note is getting long, but i just wanted to say: s&b is back and will finally have its happy ending. the last part will be posted next week!

s&b playlist: shirebound & busking

thank you for waiting! sending all my love <3

merry christmas, everyone.

Chapter Text

Giliw kung pahihintulutan mo ako

Ipagkakatiwala ko sana sa 'yo ang puso ko

Alamat lang ba ang pahinga

Ng dalawang puyat sa

Pira-pirasong mga bugtong

Nagtatanong

Sagot ay 'di mahalaga

Sapat na sa 'king nar'yan ka

Paumanhin paumanhin

Salat sa kasanayang linawin

Giliw kung pahihintulutan mo ako

Ay ipapakilala ko sana sa 'yo ang buong mundo

 

▶︎ •၊၊||၊|။||||။‌‌‌‌‌၊|• 2:14



November 2019 

Isang buwan na ang lumipas mula nang maghiwalay sina Mingyu at Wonwoo. Para kay Mingyu, wala nang hihigit pang sakit kaysa ang makita si Wonwoo na unti-unting nadudurog dahil sa kanya, dahil sa mga pagkakamaling nagawa niya at sa lahat ng pinagdaanan nilang dalawa sa loob ng isang taon. 

Sa bawat araw na lumilipas, dala pa rin ni Mingyu ang bigat ng pagsisisi, alam niyang kahit tapos na ang lahat, ang sugat na iniwan niya ay walang kapantay na sakit sa kanilang dalawa. 

Pero sa kabila ng lahat, mas mabuti na rin siguro ang kung ano man ang nangyari. Mas mabuting tinapos na nilang dalawa ang lahat, dahil alam ni Mingyu sa sarili niya na hindi na niya kayang ibigay kay Wonwoo ang mundong nararapat para sa kanya. 

Inaamin niyang masyado siyang nalunod sa trabaho, sa mga pangarap, sa ambisyong unti-unting umagaw ng oras, atensyon, at pagmamahal na dapat ay para kay Wonwoo. At sa huli, kahit masakit, mas pinili niyang pakawalan si Wonwoo kaysa manatili sa isang relasyon kung saan siya mismo ang dahilan ng sakit.

Hindi niya kayang dagdagan pa ang sakit. Hindi niya kayang mabuhay sa mundong nasasaktan si Wonwoo. 

Alam niyang nasaktan niya si Wonwoo—isang bagay na pinangako niya sa sarili na hinding-hindi niya kailanman gagawin. Naging makasarili siya, at higit sa lahat, naging duwag. Hinayaan niyang tuluyan siyang lamunin ng mga pangarap, ng mga bagay na akala niya ay mas mahalaga noon. 

Hindi namalayan ni Mingyu na sa bawat pagpiling inuuna niya ang iba, unti-unting nawawala sa kanya ang taong pinakamamahal niya—hanggang sa isang araw, wala na siyang hawak kundi ang alaala na lamang ni Wonwoo.

Duwag siya sa pagkakataong basta na lamang niyang tinapos ang lahat. Sa sobrang pagkaduwag niya, ang tanging paraan na naisip niya upang mabawasan ang sakit na dinadala ni Wonwoo ay ang bumitaw na lang. Akala niya, sa pag-alis niya, mas magiging magaan ang lahat—hindi niya inakalang ang mismong pagbitaw ang siyang magiging pinakamalalim na sugat.

Noong mga panahong sobrang abala siya sa paghabol sa career niya, nakalimutan niyang may isang taong nag-aalala at naghihintay sa kanya sa bahay. Galit siya sa sarili niya dahil alam niyang maraming beses naghintay si Wonwoo—at maraming beses rin siyang hindi dumating.

Sa mga oras na abala siya sa pagbuo ng panibagong buhay at bagong mundong ginagalawan, nakalimutan niyang may isang taong piniling manatili sa tabi niya. Naalala niya ang mga gabing ginising siya ng mga tawag ni Wonwoo—hindi para makipag-away, kundi para lang itanong kung nakakain na ba siya, kung okay lang ba siya. Pero sa halip na sagutin, mas pinili niyang ipagpaliban. 

Ngayon, wala na si Wonwoo sa buhay niya. Wala nang tatawag para siguraduhing ayos lang siya. Wala nang yayakap sa kanya tuwing uuwi siyang pagod mula sa trabaho. Wala nang tatawa sa mga korni niyang biro, wala nang magpapaalala sa kanya na minsan, hindi lang mga pangarap ang dapat niyang ipaglaban. 

At ngayong gabi habang nakatitig siyang mag-isa sa langit, hindi niya maiwasang itanong sa sarili: kung hindi ba siya bumitaw, may paraan pa kaya para bumalik si Wonwoo? O huli na nga ba ang lahat? 

Hindi na ba talaga muling makakapiling ni Mingyu ang taong minahal at minamahal pa rin hanggang ngayon nang higit pa sa lahat o sadyang may mga pag-ibig na dumarating lang upang turuan tayong mawalan? 

Ito na ba ang parusang kaakibat ng pagbitaw sa isang pag-ibig na handang manatili? 

 

▶︎ •၊၊||၊|။||||။‌‌‌‌‌၊|• 2:14

 

December 2019 

Hindi ipinagsabi ni Mingyu na wala na sila ni Wonwoo. Sa katunayan, kahit sa sarili niyang mga magulang o sa mga kapatid niyang matagal nang malapit kay Wonwoo, hindi niya kailanman binanggit ang tungkol sa paghihiwalay nila. Ang tanging nakaaalam lang ng totoo ay sina Seungcheol, Vernon, at Jaehyun.

Kaya isang buwan makalipas ng kanilang paghihiwalay, nagulat na lang siya nang tumawag ang nanay niya at diretso siyang tinanong kung wala na ba talaga sila ni Wonwoo. Wala na rin siyang nagawa kundi aminin. Sinabi ng nanay niya na nakausap niya ang mama ni Wonwoo, at doon niya pa nalaman ang lahat.

Pinaalam na pala ni Wonwoo sa pamilya niya. At kahit masakit, hindi rin naman masisisi ni Mingyu si Wonwoo kung pinili na nitong magsabi ng totoo. 

Wala na rin naman talaga sila. 

Siguro, gusto na lang ni Wonwoo na tuluyan nang mag-move on—na burahin ang mga bakas ni Mingyu sa buhay niya. 

Para kay Mingyu, karapat-dapat naman na makausad na si Wonwoo, na makahanap ng mundong hindi niya kailangang maghintay. 

Siya naman? Hindi niya alam kung kaya rin ba niyang gawin ‘yon. Kasi kahit tapos na ang lahat, lahat ng bakas ni Wonwoo ay naiwan pa rin sa kanya. 

Ang pagbitaw ay hindi kailanman naging katumbas ng paglimot.

Isang buwan ang nakalipas noong sabihan siya ng management na kung sakaling may magtanong tungkol sa relationship status niya, kailangan niyang sabihin na single siya—na wala siyang nililigawan o karelasyon. At ginawa ni naman ni Mingyu ‘yon , dahil totoo naman na single na talaga siya.

Halo-halo ang naging reaksyon ng publiko. May mga natuwa, may mga nagulat, at siyempre, may mga nagduda. Hindi na rin naman bago kay Mingyu ang mga tsismis, lalo na sa industriyang ginagalawan niya ngayon. May mga fans na nagsabing mas mabuti nang mag-focus siya sa career, habang may iba namang hindi kumbinsido—naniniwala pa rin silang may tinatago siyang relasyon. 

Dati, meron. Ngayon, wala na.

At sa gitna ng ingay ng opinyon at haka-haka ng mga tao, iisa lang ang alam ni Mingyu: kahit sabihin niyang single siya sa harap ng lahat, may isang pangalan pa ring hindi niya kayang bitawan sa loob ng sarili niya.

Napagtanto ni Mingyu na wala pala siya masyadong pinagsabihan noon patungkol kay Wonwoo maliban sa manager at publicist niya. Ang may alam lang naman talaga na mayroong ‘sila’ ni Wonwoo ay ‘yung mga kaibigan nila, mga taong nakapaligid sa kanila, at ‘yung iba nilang kaibigan sa Elbi. Pero ni isa naman walang lumabas na rumor tungkol sa kanila, people that were really close to them respected their privacy. Hindi nga niya alam paano na lang nalaman ng mga boss sa management. 

Although hindi naman sila nangialam noong una, pero noong talagang sumikat na siya at sumabak na rin sa iilang movies at series, maraming beses siyang pinaalalahanan na mag-ingat. Sinabihan siya na dapat hindi sila makikitang magkasama in public kasi maapektuhan nun ‘yung trabaho niya. At kung gusto niyang protektahan si Wonwoo, dapat walang makaalam. 

Pakiramdam ni Mingyu may mga panahong nakaramdam si Wonwoo na hindi siya proud sa relasyon nila. Pero ang totoo niyan, si Mingyu ang hindi proud sa sarili niya. Sobrang bait ni Wonwoo sa lahat—sa pamilya, kaibigan, at mundo. 

Si Wonwoo na nandiyan para sa kanya noong mga panahong tinatahak niya ‘yung mga pangarap niya. 

Si Wonwoo na sandalan niya tuwing sumusuko na ang katawan at isip sa bigat ng mundong ginagalawan niya.

Si Wonwoo na nandiyan para pasayahin siya. 

Si Wonwoo na palaging nagpapaalala sa kanya na magpahinga muna, at lumaban muli kapag kaya na niya ulit.

Si Wonwoo na nawala sa kanya. 

Kaya kahit na marami na siyang naabot sa buhay ngayon, hindi pa rin maipagmamalaki ni Mingyu ang sarili niya. Kasi sa lahat ng tagumpay na hawak niya, ang pinakamahalagang bagay ang siya namang wala.

Isang buwan na naman ang lumipas nang hindi namamalayan ni Mingyu. Mas naging busy siya nitong mga nakaraang buwan kasi kaliwa’t kanang endorsements, shoots, at recording ‘yung ginagawa nila. Pero sa kabila ng lahat ng ‘yan, walang araw na hindi sumasagi sa isip niya si Wonwoo. 

Kumusta ka na kaya, Wons? Miss na miss na kita. 

Minsan nakatitig lang siya sa phone niya. Gusto niyang i-text si Wonwoo kaso lang sobrang gago naman niya kung gagawin niya ‘yun. In-unfollow na rin kasi ni Wonwoo ‘yung private account niya sa Instagram at Facebook. Hindi rin nagpo-post sina Seungkwan at Jeonghan kaya wala talaga siyang balita tungkol dito. 

Kahit naman gustong-gusto niyang kumustahin ‘to, hindi naman na puwede. 

Oo at madalas si Mingyu sa ABS-CBN building pero hindi naman din siya nagagawi sa building kung saan naka-station si Wonwoo. Minsan gusto niyang puntahan pero pinipigilan niya ‘yung sarili niya kasi hindi na nga puwede. 

Dapat hayaan na niya si Wonwoo sa buhay niya kasi kung patuloy siyang magpaparamdam, baka mas lalo lang gumulo. 

Baka okay na si Wonwoo.

Baka nakahanap na siya ng bagong mundong hindi na kasama si Mingyu.

Baka masaya na siya sa buhay na hindi na kailangang magtago, hindi na kailangang magsinungaling sa harap ng publiko para lang magmahal.

Pero alam ni Mingyu na may pareta sa kanya na kailan man hindi na magiging buo. 

Napapikit siya at saka bumuntong hininga. Hinanap niya ang pangalan ni Wonwoo sa contacts niya, nagdalawang-isip bago pinindot. Tumagal ng ilang segundo ang pagtingin niya sa screen bago niya pinatay ang telepono at ibinato ito sa kama niya.

“Ang bigat pa rin, Wons. Sobrang bigat, mahal,” bulong ni Mingyu sa sarili niya habang pinapahid ang mga luhang pumatak mula sa mga mata niya. “Miss na miss na kita, Wons,” 

Kailan ba magiging magaan, Wonwoo? 

 

▶︎ •၊၊||၊|။||||။‌‌‌‌‌၊|• 2:14

 

December 2019

“Kuya, anong pinagdasal mo?” tanong ni Dino nang makauwi sila mula sa simbahan. 

Hindi nabuo ni Mingyu ang simbang gabi pero nakumpleto ito ng pamilya niya. Ngayon ang huling araw nito kaya talagang sinikap ni Mingyu na makauwi nang maaga para makasama siya. Pinilit pa ni Mingyu si Wendy para lang maaga siyang makauwi, buti na lang may kabutihan pang natitira sa Manager niya. Ngayon, may isang linggo siyang bakasyon bago ulit magtrabaho at pangako ni Mingyu sa sarili niya na igugugol niya lang ang bakasyon niya sa pamilya rito sa Laguna. 

Tumingin ulit si Mingyu sa sala nila. Sa sulok ng sala, nakatayo ang isang malaking Christmas tree na punong-puno ng mga palamuti. May mga pula at gintong bola, fairy lights na kumikislap sa bawat galaw ng hangin na pumapasok mula sa bintana, at bituin sa tuktok na sinabit pa mismo ni Mingyu noong isang linggong umuwi siya rito. 

Sa ilalim ng Christmas tree nila, nagkalat na ang mga nakabalot na regalo, karamihan galing kay Mingyu, na laging siguradong may natatanggap ang bawat isa sa pamilya kahit pa ‘yung mga pinsan niya.

Hindi agad nakasagot si Mingyu sa tanong ng kapatid. Umupo muna siya sa bagong bili nilang sofa at inilibot ang mga mata sa sala. Grabe rin pala ang napundar ni Mingyu para sa pamilya, dati lang pangarap niyang mabigyan sila ng sariling bahay, ngayon ay sobra-sobra na. May sarili na silang lupa, bahay, at mga sasakyan. Halos lahat ng gamit sa bahay ay bili rin ni Mingyu.

Binigyan niya rin ng libangan ang mga magulang niya kaya nagtayo sila ng isang business dito sa Los Baños. 

Ngayon naman, may pinapatayong bahay si Mingyu sa Tagaytay na pangarap nila noon ni Wonwoo. Hindi rin niya alam kung bakit niya tinuloy ‘yun, siguro dahil gusto niyang tuparin ang pangarap na ‘yon kahit na wala na si Wonwoo sa tabi niya. Pero ang totoo niyan, alam niyang dahil parte pa rin si Wonwoo ng bawat pangarap na binuo niya noon hanggang ngayon, kahit na hindi na ito dapat kasama sa plano. 

Napakagat labi siya at pinilit ang sariling huwag nang isipin pa. Pero paano ba niya pipigilan kung sa bawat sulok ng bahay na pinapatayo niya, sa bawat bagay na pinaghirapan niya, may bahagi pa rin si Wonwoo?

Natauhan lang siya nang marinig ulit ang boses ng kapatid niya.

“Kuya, okay ka lang?”

Mabilis siyang napatango, pilit na ngumiti. “Oo naman, Dino,” sagot niya sa kapatid. “Ano nga ulit ‘yung tanong mo?” 

“Anong pinagdasal mo kanina? Si Pharita kasi sabi niya gusto niya lang makapagtapos ng pag-aaral. Ikaw ba, Kuya?” 

Ngumiti si Mingyu. “Ah, s’yempre pinagdasal ko na good health palagi tayong lahat tapos more blessings sa’tin. Ikaw ba, Onid?” 

Ngumiti si Dino. “Gusto kong pumasa kami sa thesis defense saka mas madalas ka umuwi dito, Kuya,” 

Napatawa si Mingyu at umiling. "Mas madalas naman na akong umuuwi ngayon, ah?"

"Oo nga," sagot ni Dino, saka naman nagkibit-balikat. "Pero sana mas madalas pa dun," ani nito at maya-maya, may dinugtong pa, pero parang nagdalawang-isip siya bago magsalita. "Tapos… may isa pa pala akong hiniling pero ‘wag ka sanang magalit?" halos patanong ang tono ng boses niya sabay tumayo ito mula sa kinauupuan niya at humarap kay Mingyu.

Napakunot ang noo ni Mingyu, agad na nagduda sa sinabi ng kapatid. "Bakit naman ako magagalit? Si Lord nga hindi nagalit?" biro niya sa kapatid at saka ngumiti. 

"Eh kasi…" Napakamot si Dino sa batok, na para bang nag-aalangan pa rin siya sa sasabihin niya.

"Ano nga ‘yun?" pilit ni Mingyu sabay taas ng kilay.

"Pinagdasal ko na sana magkabalikan kayo ni Kuya Wonwoo,”

Natahimik ang buong sala. Sa labas, naririnig pa rin ang ingay ng kalsada—ang kanta ni Jose Mari Chan na marahang tumutugtog mula sa radyo ng tatay niya sa kusina, ang mahinang halakhak ng kanilang nanay na kausap ang isang kamag-anak sa telepono,at  ang malakas na ihip ng simoy ng Disyembre. 

Napatingin si Mingyu sa kapatid niya, hindi niya alam kung matatawa o maiiyak siya, eh. "Sa dami ng mga bagay na hihilingin mo at ipagdadasal mo, bakit ‘yun pa, Onid?"

"Eh kasi Kuya," umupo ulit si Dino, pero ngayon ay mas seryoso na ang mukha niyang nakatingin sa nakakatandang kapatid. "Alam ko namang hindi ko dapat pakialaman ‘to kasi wala naman akong bilang sa relasyon niyo, pero Kuya, aminado ka naman, ‘di ba? Hindi ka pa rin okay. ‘Pag nandito ka sa bahay, minsan ang tahimik mo lang. Tapos ‘yung mga tanong tungkol sa future, hindi mo na rin masyadong sinasagot na dati lagi mong sinasagot. Ewan ko, pero ramdam ko lang na kahit anong gawin mo parang may kulang eh,"

Hindi kaagad nakasagot si Mingyu. Inayos niya ang pagkakaupo niya at bahagyang tumingala sa kisame kahit wala naman siyang makukuhang sagot mula roon. Pilit niyang pinoproseso ang mga sinabi ng kapatid. Grabe rin pala ‘tong si Dino, sobrang observant naman talaga. 

Bumuntong hininga si Dino at saka nagpatuloy pa. "Alam ko namang baka hindi na pwede, na baka okay na si Kuya Wonwoo sa buhay niya. Pero gusto ko lang malaman na kung sakaling may natitira pang pagkakataon, sana hindi mo na hayaang mawala nang tuluyan ‘yung bagay o taong nagpapasaya rin sa’yo kasi alam kong mahal na mahal mo pa rin siya. Hindi ko ako sigurado kung nagme-make sense mga sinasabi ko kuya,” 

Tumawa si Mingyu, pero mahina lang ito, parang gusto niya na lang alisin ang bigat ng usapan. "Nag-aaral ka ba talaga ng Engineering, Onid? Parang pang psychology program ‘tong mga sinasabi mo, ah,"

Ngumisi lang si Dino "Seryoso kasi, Kuya. Magpapasko na oh, season of giving ngayon. Bigyan mo sarili mo ng kalayaang maramdam kung ano ba ang dapat maramdaman. Bigyan mo ‘yung sarili mo ng pagkakataong maging masaya,” 

Napailing si Mingyu at bahagyang ngumiti. Naiintindihan naman niya ang mga sinabi ng kapatid. Alam niya ring malapit si Dino kay Wonwoo dahil nagsilbi rin ‘tong pangalawang kapatid sa dalawa niyang nakabatang kapatid. 

Kaya naman sa ilalim ng mga ilaw ng Pasko, hindi niya maiwasang maramdaman ang kirot na hanggang ay hindi pa rin nawawala. 

Kahit hindi naman sabihin ni Dino ‘yun, matagal na rin namang pinagdasal ni Mingyu ‘yun kahit alam niyang malabo na. 

Napatingin ulit siya sa kapatid niya. “Mukhang malabo na ‘yun, Onid. Ayoko nang makadagdag pa sa bigat. Baka okay na si Kuya Wonwoo mo,”  

“Hindi mo rin sigurado, Kuya,” sagot ng kapatid. “Anim na taon kayo, Kuya. Mahirap mag-move on kung halos anim na taon mong kasama ‘yung isang tao,”  

“Makapagsalita ka kala mo may nakasama ka na nang six years ah?” 

“Bakit? ‘Di ko naman kailangang ma-experience para masabi ‘yun.” natatawang sagot ni Dino. “Oo nga pala, nagpunta si Kuya Wonwoo dito nung nakaraan pero wala ka kaya sayang naman,” 

Nagulat si Mingyun sa sinabi ni Dino. Si Wonwoo nagpunta rito sa kanila? Ngayon, mas naging interesado si Mingyu sa usapan nilang magkapatid. “Dito sa bahay?” 

“Oo,”

“Bakit daw?” 

"Naghatid ng mga regalo," sagot ni Dino na parang wala lang naman sa kanya, pero hindi nakalagpas kay Mingyu ‘yung ngisi ng kapatid. "May dalang malaking paper bag tapos may pangalan namin ni Pharita,"

Parang tinamaan ng malamig na hangin si Mingyu. "Ano raw ‘yun?"

"Eh ‘di mga regalo nga," sagot ni Dino na parang nang aasar pa. "Pinabuksan ko agad ‘yung sa’kin, s’yempre. May bagong gaming mouse, tapos limited edition ‘yung model. Alam niya kasing sira na ‘yung gamit ko dati, eh,” 

Napatitig si Mingyu sa kapatid. "Talaga?"

Tumango si Dino. "Kay Pharita naman, mga damit ata. Tuwang-tuwa si bunso, akala mo nanalo sa raffle sa Christmas party eh,"

Hindi agad nakapagsalita si Mingyu. Alam niyang likas namang mabait si Wonwoo, lalo na sa mga pamilya nila, pero hindi niya inasahan na magbibigay pa rin ‘to ng regalo sa mga kapatid niya. 

Tumingin si Dino kay Mingyu, parang sinusukat ang reaksyon nito bago muling nagsalita. "Nagtagal din siya dito saka nakipagkwentuhan pa kila Nanay at Tatay. ‘Di ko alam kung nag-usap sila tungkol sa’yo, pero mukha namang ang dami nilang napagkuwentuhan. Tawa nga nang tawa si Mama, eh. Parang hindi nga kayo naghiwalay eh,"

"Nagtagal siya dito?" ulit ni Mingyu. Nagtanong kaya si Wonwoo tungkol sa kanya? Kinumusta kaya siya sa mga magulang niya? 

"Oo, mga tatlong oras din. Naabutan niya pa ngang nagluluto si Nanay ng sopas kasi umaga siya pumunta tapos pinilit siyang kumain kahit sabi niyang busog siya. Eh, alam mo naman si Nanay, ‘di ba? Hindi ka tatantanan hangga’t ‘di ka nakakahigop ng luto niyang sopas,” 

Napailing si Mingyu at bahagyang natawa. Alam niyang ganoon nga ang Nanay niya na kahit sino pang dumaan sa bahay ay hindi ito papayag na hindi man lang makakain bago umalis. 

“Ah,” ani Mingyu. “Kayo? Nakapag-usap kayo?” 

“Oo naman. Kinamusta niya kami ni Pharita saka sabi niya ‘di naman magbabago pakikitungo niya sa’min dahil lang naghiwalay kayo,” 

Napatango si Mingyu at saka ngumiti. 

"Nagpasalamat naman si Kuya Wonwoo kila Nanay," dugtong ni Dino. "Tapos ang sabi niya miss na raw niya sina Nanay ar Tatay,” 

Biglang natahimik si Mingyu. Parang biglang sumikip ang dibdib niya. Hindi niya alam kung anong dapat niyang maramdaman, eh. Tuwa? Lungkot? Pagsisisi?

"Dino," mahina niyang sabi, bahagyang tumingin sa Christmas tree. "Bakit mo hindi agad sinabi sa’kin?"

Nagkibit balikat si Dino. "Ewan. Gusto ko lang munang malaman kung gusto mo pa ba siyang makita. Gusto mo pa ba siyang makita, Kuya?” 

“Kapag sinabi ko bang hindi, maniniwala ka?” tanong ni Mingyu. 

Natawa si Dino. “Hindi rin.” 

Hindi na sumagot pa si Mingyu sa kapatid. Napatitig na lang siya sa Christmas tree nila sa sala, anak ng tokwang Pasko ‘to, bakit parang ang bigat sa dibdib? Dati rati kasi lagi niyang kasama si Wonwoo na salubungin ang pasko, eh. 

Sa loob ng anim na tao nilang magkarelasyon, anim na pasko silang magkasama palagi. Lagi pa nilang nakukumpleto ang simbang gabi at ang laging dasal ni Mingyu sa Diyos ay na sana lagi lang masaya si Wonwoo. 

Ngayon ang unang pasko na hindi niya kasama si Wonwoo. 

Napansin niyang nakatingin pa rin si Dino sa kanya, parang naghihintay ng sagot. Pero anong isasagot niya? Na oo, gusto pa rin niyang makita si Wonwoo? Na kahit ilang beses na niyang sinubukang kumbinsihin ang sarili na okay na siya, na wala nang dapat ipaglaban pa, isang simpleng kwento lang tungkol kay Wonwoo ay parang sinuntok na naman siya pabalik sa nakaraan?

Hindi niya kayang sabihin ng malakas. Kaya tumawa na lang siya. “Ang saya naman ng wish mo ngayong Pasko, Onid,”

“Malay mo naman matupad, Kuya,”

Napailing si Mingyu. “Tama na nga ‘yan, kakain pa tayo.”

Hindi man sinabi ni Mingyu pero marami siyang hiniling kanina sa simbahan. Marami siyang pinagpasalamat sa Diyos pero marami rin siyang tinanong at hiniling habang nakaluhod.  

Pinagdasal niya na sana matupad ni Wonwoo ang buhay na lagi nilang pinag-uusapan ni Mingyu. 

Pinagdasal niya rin na sana maging masaya lang palagi si Wonwoo. 

Pinagdasal niya na sana hindi na ‘to umiiyak tuwing gabi. 

Pinagdasal niya na sana matagpuan ni Wonwoo ang katahimikan at kapanatagan na hindi niya kayang ibigay.

Hindi alam ni Mingyu kung paano niya ulit makakausap si Wonwoo o may pagkakataon pa bang makapag-usap ulit sila o mag-krus ang mga landas nila, pero sana kahit wala na sila sa tabi ng isa’t isa, maging masaya lang si Wonwoo sa buhay, okay na si Mingyu. 

 

▶︎ •၊၊||၊|။||||။‌‌‌‌‌၊|• 2:14

 

January 2020

"Grabe, ilang months na tayong hindi nagkikita, Mingyu? Hindi ka rin naman kasi nagpapakita eh," natawa na lang si Jeonghan sa sinabi habang tinatapik ang braso ni Mingyu. "Bakit? Akala mo siguro galit ako sa’yo, ‘no?"

Napakamot si Mingyu sa batok, napabuntong hininga bago tumingin ng diretso sa mga mata ni Jeonghan. “Oo. Akala ko galit ka sa’kin, Han,”

Tumaas ang kilay ni Jeonghan sabay ngumiti. “May point ka rin naman do’n, charot lang,” sabi nito sabay iling. “Pero alam mo ‘yun, Mingyu. Sana nakapag-usap din tayo bago nangyari ‘yun. Namiss din kita,"

Ngumiti si Mingyu, pero may bahagyang lungkot sa mga mata niya. Hindi niya alam kung anong mas matimbang—ang ginhawang naramdaman dahil hindi galit si Jeonghan o ‘yung bigat na kahit isang beses ata hindi manlang sila nakapagkumustahan simula noong nag-iba iba na ang mundo nilang lahat. 

Buti nga nandito si Jeonghan sa bahay nila Seungcheol, at buti na lang din ay nakapunta si Mingyu. 60th Birthday kasi ng Mama ni Seungcheol at close din naman kasi talaga si Mingyu sa pamilya ng matalik na kaibiigan niya kaya hindi rin niya kayang palampasin ‘tong birthday ni Tita Bethina. 

Bago pa siya tuluyang malunod sa sariling iniisip, isang malakas na boses ang bumungad sa kanila.

“Kain na tayo!”

Napatingin si Mingyu sa naglalakad papunta sa kanila. Si Seungcheol, na may dalang tray ng pagkain at halatang abala sa pag-aasikaso ng mga bisita. Pero ang hindi niya napigilan mapansin ay ang paraan ng pagtitig ni Seungcheol kay Jeonghan—grabeng pagmamahal

Walang nagbago sa dalawa, ganoon pa rin sila tulad ng dati. Sila pa rin sina Seungcheol at Jeonghan na nagmamahalan mula noong nasa Elbi sila hanggang ngayon. Masaya pa rin silang magkasama.

Nagtagpo ang mga mata nila ni Jeonghan, at parang nabasa nito ang iniisip niya. Pero sa halip na magsalita, ngumiti lang ito bago lumapit kay Seungcheol at kinuha ang tray na hawak nito. 

"Akin na 'yan, Cheol. Magpahinga ka naman, love,"

Umiling si Seungcheol pero hinayaan naman ang kasintahan sa ginawa sabay nagsalita, “Okay lang naman ako, love,” nakangiti nitong sabi. Pero bago umalis si Jeonghan, marahang kinurot ni Seungcheol ang pisngi nito.

Nakatingin lang si Mingyu sa dalawang kaibigan. Hindi niya mapigilang isipin na pareha naman sila ng estado ni Seungcheol sa buhay. Pareha silang nasa iisang sikat na banda ngayon, parehong nasa spotlight, pero hindi ‘yon naging dahilan para magkahiwalay sila ni Jeonghan. Naitawid nila kahit ano pa ‘yung mga pinagdaanan nila, kahit ano pa nga yatang conflict sa schedule, at kahit ano pang dumating sa kanila. Hindi katulad nung nangyari sa kanila ni Wonwoo.

Biglang bumigat ang pakiramdam ni Mingyu. Mingyu knew this wasn’t the right time to think about or dwell on the past. It wasn’t the moment to let the memories resurface, especially when he had so many things to focus on now.

“Mingyu?” tanong ni Jeonghan na ngayon ay nakatayo sa harap niya at iniaabot ang isang plato. “Lalim ng iniisip mo, ah,”

Napangiti si Mingyu. “Wala. Gutom lang,”

Nagkibit balikat si Jeonghan habang nakangiti kay Mingyu. "Okay lang ba sa'yo pag-usapan?" Habang binabaybay nila ang mabangong hangin mula sa open window sa may balcony nila Seungcheol. 

"Oo naman, pero sorry pala, Han,” Sagot ni Mingyu pagkatapos niyang umupo. 

"Sorry saan?" Tanong ni Jeonghan.

"Sa nangyari. Yung sa'min ni Wons," sagot ni Mingyu, na bahagyang ikinibit ang mga balikat, na parang nag-aalangan pang sabihin ‘yun kay Jeonghan.

“Tangeks, di naman ako kasali sa relasyon niyo,” Sagot ni Jeonghan, may halong biro ang tono nito pero alam ni Mingyu na kahit ganyan ‘yung sabihin ni Jeonghan, may opinyon pa rin ‘to sa nangyari lalo na’t saksi si Jeonghan sa lahat kahit noong nag-uumpisa palang sila ni Wonwoo sa Elbi. 

TInitigan ni Mingyu ang kaibigan. "Kahit na. S’yempre best friend mo si Wons. Masakit makitang nasaktan ang isang kaibigan,” 

Tumawa saglit si Jeonghan sabay sabing, “Nalungkot ako s’yempre nung nabalitaan ko ‘yun, Gyu. Hindi lang naman ako, si Seungkwan din saka ‘yung iba nating kaibigan sa Elbi," sagot ni Jeonghan pero nakangiti pa rin siya. "Akala ko kayo na eh. We were all rooting for the two of you. Akala ko talaga sa kasalanan na ang punta. Grabe pagmamahalan niyo eh. Pero ganun naman talaga ang buhay. Saka wag kang mag-alala, walang sinabing masama si Wonwoo. Alam mo namang walang masamang tinapay ‘yon sa lahat. He’s thankful for everything, good and even the bad things,” 

Tahimik lang si Mingyu. Actually, hindi niya alam kung anong isasagot niya. Somehow, alam niya ‘yung isasagot ni Jeonghan. At oo, tama rin ito sa parte na walang masamang tinapay sa lahat si Wonwoo. Si Wonwoo na ata ang pinakamabait na tao na nakilala niya sa mundong ‘to. Minsan naiisip nga ni Mingyu kung deserve ba niya na masaksihan ang kabutihan ni Wonwoo sa loob ng anim na taon. 

"Oo nga pala," biglang sabi ni Jeonghan, "Gusto mo ko tanungin kung kumusta na siya, ‘no?"

Napahinto si Mingyu. Parang isang pinto kasi ‘yung tanong ni Jeonghan, eh. ‘Yung tipong pilit niyang sinasara pero nabuksan ulit ng mga alaala. Tama rin naman si Jeonghan, gustong-gusto niyang tanungin ‘to tungkol kay Wonwoo. 

Gusto niyang tanungin kung ano nang nangyayari sa buhay ni Wonwoo, kung kumusta na ba ‘to pagkatapos ng lahat. But there were things that kept holding him back from asking those questions, parang may invisible na pader na pumipigil sa kanya. Baka kasi, kapag nagtanong siya, muling bumalik ang lahat—’yung sakit, pagsisisi, at ang mga bagay na sinubukan niyang talagang kalimutan na. 

Hindi niya gustong mukhang desperado kasi siya naman ang may kasalanan ng lahat, or worse, like he was still hanging on to something that was long gone. And yet, in moments like this, when he allowed his mind to wander, the thought of Wonwoo was always there, lingering, waiting to be acknowledged. 

It’s not just physical distance that separates them; there’s an emotional distance too. And no matter how hard Mingyu tried to forget, that connection, broken as it may be, would always remain a part of him.

Marami siyang gustong itanong pero ngumiti lang si Mingyu. “Sana okay lang siya,”

“Hindi ko masasabing okay lang siya totally. Pero alam kong magiging okay din siya,” sagot ni Jeonghan. “Sa ABS-CBN pa rin naman siya nagtatrabaho. Ewan ko lang kung nagkakasalubong kayo pero wala naman siyang nakukwento about doon. Alam kong sinusubukan niya na ring mag-move on na,” 

Sinusubukan niya na ring mag-move on na.

May kirot ‘yun. 

‘Wag muna, Wons. Ayusin ko lang muna ang lahat. Please? Nagmamakaawa ako. 

Alam naman ni Mingyu na panigurado ay sinusubukan na talagang mag-move on ni Wonwoo pagkatapos ng lahat ng nangyari sa kanila. 

Kung siya naman ang tatanugin ngayon, wala pa siyang ni isang effort para mag-move on.

“He’s working on his book din pero sabi niya matatagalan pa bago matapos,” tuloy ni Jeonghan. “‘Yun lang naman lately if curious ka,”  

Tumango si Mingyu. At least okay si Wonwoo. At least he’s still chasing his dreams even without him. Hinihiling ni Mingyu na sana makamit ni Wonwoo ang lahat ng pangarap niya sa buhay. “Si Seungkwan? Hindi siya galit sa’kin?”

Natawa si Jeonghan. “Tangeks, hindi nga kami galit sa’yo, Gyu. Kilala ka naming lahat. Inis siguro noong bago lang kayong break pero naintindihan ka rin namin. Wala rin namang patutunguhan kung magagalit kami sa’yo saka ano ka ba ha? Magkakaibigan tayo. Hindi porkit best friend namin si Wonwoo eh dapat galit kami sa’yo, kahit si Wons ayaw ng ganun. Nakita namin kung gaano ka kabuti sa kaibigan namin, Gyu. Baka may mga bagay lang talagang hindi nagwo-work. Baka may mga pagmamahalan lang talagang hindi pang hanggang dulo and that’s okay,” 

Nagkatinginan sila ng saglit. “Thank you, Jeonghan,”  

"Ang dami ko pang gustong sabihin, pero baka hindi pa ‘to ‘yung tamang panahon, Gyu," sabi ni Jeonghan habang nakangiti pa rin.  

“Anong ibig mong sabihin?” 

“Wala, wala,” ani Jeonghan. “Basta pareho kayong okay ngayon, okay na rin kami dun. Gusto ko lang malaman mong wala naman kaming kinakampihan. Pareho namin kayong kaibigan,”

“Naiintindihan ko, Han. Salamat,” 

“Kung kayo talaga sa huli, pagkakagpuin kayo ng tadhana. Sa ngayon siguro, baka hindi pa ngayon ang tamang oras. Baka kailangan niyo munang abutin ‘yung mga pangarap niyo tapos malay niyo sa mga susunod na taon magkita ulit kayo,” sambit ni Jeonghan at tinapik si Mingyu sa braso. “Baka sa taon na ‘yun ay okay na o kaya pwede pa.” 

Ang tanging sagot lang na naibigay ni Mingyu ay isang ngiti. 

Sana tama si Jeonghan. 

Sana tama siya na may tamang oras pa, at kung dumating man ‘yon, sana p’wede pa. 

Series this work belongs to: