Actions

Work Header

In the Name of Love

Summary:

Wynter Jeon Sanchez already has his life set. He wants to be a renowned fashion designer based in Paris, designing clothes for celebrities and supermodels, enjoy the life of luxury, and maybe fall in love and get married to a man that he’ll meet there. What he did not expect is for him to be stupidly in love with the probinsyanong driver his dad personally hired for him, throwing his plans all over the place.

Notes:

Hello! This is my first minwon fanfic. I've been so obsessed with langit lupa trope and there aren’t enough fanfics about them so I decided to create my own. Hope you guys enjoy!

Disclaimer: This is a work of fiction. Unless otherwise indicated, all the names, characters, businesses, places, events and incidents in this book are either the product of the author's imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.

Chapter 1

Notes:

(See the end of the chapter for notes.)

Chapter Text

ALAS ONSE na ng gabi at kasalukuyang nilalakad ni Migo ang daanan papuntang sakayan ng jeep nang biglang kumalam ang kaniyang sikmura. Kinuha niya ang kaniyang pitaka at napabuntong hininga na lang ng malalim nang makita ang mga barya na aabot ng 20 pesos at dalawang piraso ng candy. Huling pera niya na kasi ito para sa kanyang pamasahe at kung gagastusin niya ito para sa pagkain ay tiyak na maglalakad sya papunta sa bahay ng kaniyang amo. Wala naman sanang problema roon, sanay naman si Migo sa mahabang lakaran bilang laking probinsya ngunit dahil bagong salta pa lamang siya sa Maynila, hindi niya pa alam ang mga pasikot-sikot ng daanan at malaki ang tiyansa na maligaw siya. Kumuha na lamang siya menthol candy para kahit papano ay maibsan ang kaniyang gutom na nararamdaman.

 

Biglang nagvibrate ang kaniyang cellphone sa bulsa kaya’t kinuha niya ito at nakita na tumatawag ang kaniyang Tatay.

 

“Anak, nakarating ka na ba sa terminal? Kung may nakita ka na mga nakapila na jeep baka iyon na yung sakayan, tapos magtanong ka na lang kung dadaanan ba sila ng Mckinley Road.” sambit ng kaniyang Tatay Manuel. 

 

“Opo ‘Tay nakita ko na po, kaso madadaanan ba nitong jeep yung bahay nila Sir Richard? Hindi ko kasi alam ang itsura ng bahay nila eh.” tanong ni Migo sa kaniyang ama. 

 

“Ay naku, hindi pu-pwede ang mga jeep sa loob ng subdivision nila. Mga pribadong sasakyan lang na nakaregister sa security nila ang pwedeng makapasok. Sosyal kasi ang mga bahay diyan puro mayayaman at mga artista ang mga nakatira.” 

 

“Hala eh paano ako makakapasok niyan ‘Tay? Wala naman ako sasakyan na dala, ‘saka di ko din alam yung pasikot-sikot sa loob ng subdivision nila, baka maligaw pa ‘ko.” Nagkakamot na ulong tanong ni Migo.

 

“Huwag kang mag-alala, tinawagan ako ni Sir Richard kanina, ‘kako sinabihan niya na raw yung security guard na may darating silang bagong driver. Sabihin mo lang daw yung pangalan mo at ipakita mo na rin yung driver’s license mo. Ihahatid ka rin daw ng guard doon sa bahay nila mismo.”

 

Nakahinga siya ng maluwag. “Mabuti na lang po kung ganoon, akala ko lalakarin ko pa simula sa gate hanggang bahay nila eh.”

 

Napatigil siya sa paglalakad nang makarating na sa pila ng mga jeep. “Oh siya sige ‘Tay, sasakay na ‘ko, ikamusta mo na lang ako kay Nanay tsaka kay Mabel ah.”

 

“Sige ‘nak, mag-iingat ka palagi ha? Pasensiya ka na napilitan ka pa tumigil sa pag-aaral para lang magtrabaho para sa pamilya natin. Kung hindi lang ako naaksidente baka 3rd year ka na sana sa kolehiyo ngayon…”

 

“Huwag niyo na ‘pong isip iyon ‘Tay, ang importante ay ligtas kayo. Magfocus na lang po kayo sa pagpapagaling at ako na pong bahala sa mga gastusin sa bahay at sa pag-aaral ni Mabel.” 

 

Katatapos lang ng pangalawang taon ni Migo sa kolehiyo nang mabalitaan niyang naaksidente ang kaniyang Tatay Manuel. Nagtatrabaho ito bilang family driver ng isang mayamang negosyante sa Maynila. Kuwento ng kaniyang Tatay, nagmamaneho siya para sunduin ang bunsong anak ng kaniyang amo sa school nang bigla may matulin na kotse na bumunggo sa kaniyang gilid na naging dahilan para tumilapon ang sasakyang minamaneho niya. Ayon sa imbestigasyon ng pulis, isa itong kaso ng drunk driving.

 

Laking pasasalamat na lang nila at buhay pa ang kaniyang ama, ang kaso lang ay napuruhan ang kanang binti at tuhod nito. Sinagot naman ni Sir Richard ang hospital bills at physical therapy ng kaniyang ama, ipinakulong din nito ang driver na bumunggo sa kaniya. 

 

Matagal nang nagsisilbi ang kaniyang ama sa pamilya ni Sir Richard. Isa ito sa mga tauhan na pinagkakatiwalaan niya kaya’t namroblema ito nang malaman na matagal itong hindi makakapagmaneho dahil sa tinamo nitong sugat sa aksidente. Mabuti na lamang at naturuan siya ng kaniyang Tatay kung paano magdrive kung kaya’t noong inirekomenda siya bilang kapalit na driver nito ay pumayag kaagad si Sir Richard. Malaking bagay din na anak siya ng dating driver nito sa pagpayag ng amo. Aniya, mas mabuti nang maghire ng kapamilya kaysa ng bago at baka may makapasok pa na may masamang intensiyon sa pamilya ng negosyante.

 

Isinuksok niya pabalik sa kaniyang bulsa ang cellphone nang matapos ang kanilang pag-uusap at sumakay na ng jeep patungong Mckinley Road. Pagbaba niya ay agad niyang nakita ang subdivision na nasa kabilang kalsada. Sa itsura pa lamang ng signage ay maiisip mo na na puro mga prestihiyosong tao ang nakatira dito.

 

Tama naman ang sinabi ng kaniyang Tatay dahil nang pumunta siya sa guard house at nagpakilala ay pinasakay siya nito sa motor na gamit nila pangronda at inihatid sa isang malaking bahay. Matayog ang mga gate nito at malawak ang bakuran.

 

Bahay pa ba ‘to? Mansion na ata ang tawag dito eh. Bulong ni Migo sa sarili. Pinindot niya ang doorbell na nasa gilid ng gate. Maya-maya pa ay nagbukas ang gate at lumabas ang isang lalaki na nakasuot ng unipormeng pang guwardiya.

 

“Ikaw ba si Miguel Kim Ramos? Anak ni Manuel Ramos?” 

 

“Opo, ako po yung bagong driver nila si Sir Richard.”

 

“Patingin ako ID mo.” Binigay niya ang kaniyang lisensya sa lalaki. Saglit itong tiningnan at may kinausap sa walkie talkie na nakasabit sa chest pocket nito.

 

“Sige pasok ka na, dumiretso ka doon sa gilid na bakuran makikita mo yung daanan papuntang kusina, nag-iintay si Sir Richard doon.” Nagpasalamat siya at tumungo sa direksiyon na tinuro nito.

 

Pagpasok sa loob ay namangha siya sa itsura ng bahay. Dalawang palapag lamang ang bahay pero mataas ang ceiling nito at may makikinang na chandelier. Malawak ang loob at iba’t-ibang mamahaling paintings ang nakasabit sa pader. Medyo madilim na rin sa loob dahil malapit na maghatinggabi kung kaya’t kakaunting ilaw na lang ang nakabukas. May malaking dining table sa gitna at doon ay nakita niyang nakaupo ang kaniyang magiging among si Sir Richard. Tumayo ito at kinamayan siya. 

 

“Ikaw na ba yung anak ni Manuel, Migo? Aba’y may itsura pala ito eh, kamukang kamuka mo ang tatay mo!” Nakangiting bati nito sa kaniya. 

 

“Magandang gabi po, Sir Richard. Opo, ako po yung panganay ni Tatay Manuel.” Nahihiyang sagot ni Migo.

 

“Kamusta naman ang tatay mo? Is the treatment going well?”

 

“Opo, salamat po sa tulong na ibinigay niyo. Sa ngayon po ay sumasailalim na po siya sa physical therapy para po sa tuhod niya.”

 

“Mabuti naman kung ganoon. By the way, kumain ka na ba? Kung hindi pa ay ipaghahanda kita kay Manang Lucing. May natira pa atang pagkain sa dinner kanina.” 

 

Nahihiya man ay hindi na tumanggi si Migo sa inalok ni Sir Richard. Ang huling matinong kain niya pa kasi ay nitong umaga pa na hinanda ng kaniyang Nanay bago siya lumuwas. Halos labing tatlong oras ang biyahe niya mula probinsiya hanggang Maynila at ang tanging tanghalian niya lamang sa bus ay ang nilagang kamote na baon niya. Habang nag-iintay sa paghanda ng pagkain ay tinanong niya si Sir Richard tungkol sa kaniyang magiging trabaho.

 

“Ah sir, tanong ko lang po kung bukas na po ba ako magsisimula? ‘Saka anong sasakyan po ba yung imamaneho ko para ma-check ko po yung makina at ma-test drive.”

 

“Yung White na BMW Sedan yung imamaneho mo. Bukas, i-test drive mo lang yung kotse dito sa loob ng subdivision para masanay ka sa sasakyan. Sa lunes ka na magsimula kasi tamang tama may pasok yung anak kong si Wynter sa school. Mostly siya yung ihahatid at susunduin mo. Naku, medyo may pagkamaldita yun ha, kaya sa una pa lang humihingi na ko ng pasensiya. Mailap kasi iyon sa mga taong hindi niya pa masiyadong kilala.”

 

Iyon ata yung bunsong anak na hinahatid ni Tatay. Sambit ni Migo sa isip-isip niya.  

 

“Oh siya nahanda na pala yung pagkain, maiwan na muna kita, alam ‘kong pagod ka sa biyahe. Yung kwarto na tutulugan mo pala ay nandon sa gilid kung saan nakapark ang mga sasakyan.” Sambit ni Sir Richard at nagsimula nang umakyat ng hagdan papuntang second floor kung nasaan ang opisina at kwarto nito.

 

Nagsimula nang kumain si Migo. Bukod sa labis na gutom ay masarap rin ang pagkakaluto ng beef kaldereta na tirang ulam kaya naparami siya ng kain. Nasa kalagitnaan siya ng pagsasandok ng kanin nang may marinig siyang yapak ng mga paa galing hagdan papuntang kusina. Napalingon siya rito at napatulala na lang nang makita ang isang lalaki. May suot ito na salamin at silk na pajamas. 

 

Hesus ko po, ang ganda niya. Ngayon lang nakakita si Migo nang matuturing mong isang ‘magandang lalaki’. Ang mga kalalakihan kasi na nakikita niya sa probinsya ay medyo malalaki ang mga pangangatawan, may pagkagaspang ang itsura, kadalasan, may tumutubong balbas sa mukha. Pero ang lalaking nasa harap niya ay sobrang maamo ang mukha at balingkinitan ang katawan, matangos ang ilong at singkit ang mga mata. Maputi din ang balat nito. Aakalain ‘mong babae sa sobrang kinis at ganda. Ngunit nasira ang kaniyang pantasya nang tingnan siya nito ng mariin at tinaasan ng kilay.

 

“Who the hell are you? A thief? How did you get into our house?” Sunod-sunod na tanong nito sa kaniya. Ang maamo nitong mukha ay naging matapang, habang ang mga braso nito ay nakahalukipkip.

 

“Ay hindi po ako magnanakaw, ako po yung bagong driver niyo, kararating ko lang din po dito.” Hindi na niya natuloy ang pagsandok ng kanin dahil sa kaba na nararamdaman. Muntik pa ‘kong mapagkamalang magnanakaw.

 

“Tsk. I told Dad that I don’t need a new driver! I can drive myself na nga eh!” Singhal nito. “Whatever. Get out of my way, I need to get myself a glass of milk.” Agad naman tumabi si Migo para makaraan ang lalaki. Pinanood niya itong buksan ang refrigerator at nagsalin ng gatas sa baso. Habang umiinom ng gatas, napansin ata nito na kanina pa niya pinapanood ang lalaki kaya napatigil ito sa pag-inom at lumingon sa kaniya.

 

“Anong tinitingin-tingin mo diyan?” Mataray na tanong nito.

 

“Ah, w-wala po.” Napaiwas ng tingin si Migo. Gusto niyang kurutin ang sarili dahil hindi niya mapigilan ang tumitig. Eto na ata yung anak ni Sir Richard, ang maldita eh. 

 

Napa-tsk na naman ito at umirap. Nilagay nito ang baso sa sink at padabog na naglakad palabas ng kusina. Napabuntong hininga na lang si Migo at nagsimulang hugasan ang pinggan at mga kutsara na pinaggamitan niya, pati na rin ang baso na pinag-inuman ng gatas. Wala siyang choice kundi pakisamahan ang anak ng kaniyang amo dahil kailangan niya ang trabahong ito para sa kaniyang pamilya. 




*



MAAGANG GUMISING si Migo para maligo at mag-ayos ng sarili. Lunes na kasi ngayon at kailangan niyang ihatid si Wynter sa school. Alas-siyete ng umaga ang pasok nito kaya’t alas singko y medya pa lamang ay tapos na siya mag-ayos. Lumabas na siya ng kwarto at pumunta na ng kusina.

 

“Migo, ‘nak, halika muna kumain ka muna ng almusal.” Aya sa kaniya ni Manang Lucing. “Habang tulog pa sila Wynter mauuna tayo laging kumain ha, para diretso na pag-alis pagkatapos nila mag-almusal at di na sila mag-antay.” Nagpasalamat si Migo sa ginang at umupo na para magsimulang kumain.

 

Magaan ang loob niya kay Manang Lucing dahil naalala niya rito ang kaniyang Nanay. Mabait din kasi ito at maalaga. Mabilis na kumain si Migo. Pagkatapos ay hinugasan niya na rin ang pinagkainan. Lumabas na siya ng kusina para pumunta kung saan nakapark ang gagamiting sasakyan panghatid. Ang turo kasi ng kaniyang Tatay ay palaging i-check ang kondisyon ng sasakyan bago i-drive para iwas aksidente rin. Kaya heto siya ngayon at sinusuri ng mabuti ang makina, gulong, pati na rin ang ilalim ng sasakyan para makasiguradong walang tumutulong kung anong likido galing sa kotse.

 

Makalipas ang ilang minuto ay narinig niyang may papunta sa kaniyang direksyon. Napadiretso siya ng tayo ng makita ang mag-amang si Sir Richard at ang anak nito na si Wynter. 

 

“Magandang umaga po Sir Richard at Sir …Wynter, ready na po yung sasakyan panghatid.” Bati niya sa mag-ama. Bumati rin pabalik si Sir Richard habang umismid naman si Wynter sa kaniya.

 

“Oh magkakilala na pala kayo ni Wynter. Wyn, siya yung sinasabing ‘kong kapalit ni Manong Manuel.” 

 

“Dad! Didn’t I tell you na marunong na ako magdrive? Bakit naghire ka na naman ng driver? You seriously need to stop treating me like a kid!” Maktol ni Wynter sa ama. Nakasalubong na naman ang kilay nito at nakapamaywang. Pinanood lang ni Migo ang pagtatalo ng mag-ama sa harap niya. Pinili na lang niyang manahimik dahil wala naman siyang karapatang makialam sa pag-uusap ng mag-ama.  

 

“Wyn, baka nakakalimutan mo, yung huling sabi mo na marunong ka na magdrive, binangga mo sa poste yung bagong biling kotse ng Kuya Simon mo. Ang laki ng ginastos ko para malinis lang kalat mo. ‘Saka paano ka makakapagdrive eh wala ka ‘pang lisensiya? Baka hulihin ka lang diyan sa highway.” Sermon nito sa anak.

 

Napanguso na lang si Wynter at wala nang nasabi dahil tama ang lahat ng sinabi ng ama. Isang linggo din siyang grounded dahil sa insidenteng ‘yon.

 

Cute.

 

“Sige, Migo, hatid mo na si Wynter sa school nila. Mabuti ‘pang maaga kayo makaalis para ‘di kayo maabutan ng traffic.” Tumango siya at binuksan ang pintuan ng backseat para makapasok si Wynter sa loob. Nang makasakay ito ay sumakay na rin siya sa driver’s seat at nagsimula nang magmaneho papuntang gate. Automatic itong nagbukas nang makalapit ang sasakyan kaya nagtuloy-tuloy na si Migo lumabas. 

 

Nasa kalagitnaan na sila ng kalsada ngayon at tahimik lang ang biyahe nila. Mabuti na lamang at may built-in navigation system ang sasakyan kaya kailangan niya lang sundan ang direksiyon nito papunta sa eskwelahan ni Wynter. Sumulyap siya sa rearview mirror at nakitang naka-poker face lang ito habang nakatingin sa bintana.

 

Sinubukan niyang basagin ang katahimikan na bumabalot sa kanila.

 

“Sir–”

 

“Don’t talk to me.” Putol nito sa kaniya. 

 

“Sungit.” 

 

“What did you say?”

 

“Wala po.” Napakagat na lang ng labi si Migo. Tatanungin niya sana ito kung puwedeng buksan ang radyo dahil gusto niyang makinig sa music. Bahala na, buksan ko na lang.

 

Pinindot niya ang screen para magbukas ang radyo. Nagsimula nang tumugtog ang music, at kahit papano ay napawi nito ang ilang na kaniyang nararamdaman. Mukhang isang uri rin ng R&B song ang tumutugtog kaya mas kumalma siya dahil hilig niya ang makinig dito.

 

“Sa loob ng aking BMW Sedan, F*ck f*ckin’ sa ‘king BMW Sedan, Ang hiling di malagot–”. Agad na pinatay ni Migo ang radyo. Gusto niya na lang magpalamon sa lupa dahil sa sobrang hiya. Hindi niya inakala na pinapatugtog pala ang ganitong klase ng kanta sa radyo. Nasaktuhan pa na BMW Sedan ang kotseng minamaneho niya.

 

Dahan-dahan siyang tumingin sa rearview mirror at tumambad sa kaniya ang hindi maipintang mukha ni Wynter.

 

“What the fuck kind of song is that?! Nananadya ka ba?!” 

 

“S-Sorry po, Sir! Hindi ko naman alam na ganoon pong klaseng kanta ang ipapatugtog sa radyo….” Pahina ng pahina ang boses niya. 

 

“Ugh, Just keep it off! So annoying.” 

 

Haaay unang araw sa trabaho, kahihiyan kaagad. Ganito ba talaga ang mga tugtugan sa Maynila? Puro budots kasi pinapatugtog sa probinsya. Bukod sa budots, puro rin mga love song na noong 1990s pa ni-release ang naririnig niya sa kanilang baryo kaya hindi niya lubos akalain na may mga kanta na kagaya ng BMW ang pinapayagan i-ere sa radyo. 

 

Hindi na ulit niya binuksan ang radyo. Nagpatuloy ang biyahe nang tahimik at tanging tunog lang ng aircon at busina ng mga sasakyan ang naririnig. Lumipas ang 20 minutos at nakarating din sila sa eskwelahan. Itinigil niya ang sasakyan sa harap ng gate at bumaba para pagbuksan ng pintuan si Wynter.

 

“My class ends at 5, so you better be here before that time.” Sambit nito pagkababa. Tumango naman si Migo at sinara ang pintuan sa backseat. Pinagmasdan niya itong maglakad papasok ng gate at sinalubong ang dalawang kaibigan nito. 

 

Habang nag-uusap ang tatlo, napansin niyang nakatitig ang mga kaibigan nito sa kaniya kaya nginitian niya ito at nagbow ng kaunti.

 

Bigla kumaway ang isang kaibigan ni Wynter kaya itataas niya na sana ang kanang kamay para kumaway pabalik kaya lang napansin niyang masama ang tingin ni Wynter sa kaniya kaya’t hindi niya na ito tinuloy. Pumasok na lang siya ng sasakyan at nagsimulang magmaneho pabalik sa bahay nila. 

 

Sungit talaga.

 

Notes:

Please leave a kudos if you liked this chapter! Comments are also very much appreciated :))