Work Text:
Pumatak na naman ang maliit na kamay ng orasan sa pinakatuktok nito na nagsisilbing takda na isang oras na lamang ay mag-uumpisa na ang misa sa bayan.
Unang gabi na ng simbang gabi at balak itong kumpletuhin ni Wonwoo kasama ang kan'yang matalik na kaibigan na si Mingyu. Kasalukuyang nag-aayos si Wonwoo dahil ilang minuto na lamang ay aalis na siya ng bahay para kitain ang kaibigan.
Nagwisik ang binata ng pabango sa leeg at sa palapulsuhan bago muling inamoy ang sarili. Tumingin din ito sa salamin sa para ayusin ang magulo "raw" nitong buhok.
Nang makuntento si wonwoo sa itsura ay nagpaalam na siya sa mga magulang na lalabas na ng bahay at nagbilin na huwag pag-lockan ng pinto mamaya pag-uwi.
Mula pa lamang sa bintana nila sa sala ay tanaw na agad ni Wonwoo ang liwanag sa kanilang lugar. Magagarbo kasi mag-ayos ang mga kapitbahay nila, kaya walang paskong dumaan na madilim at tahimik ang barangay.
Katulad ng dating nakagawian ay nagpasiya si Wonwoo na lakarin ang bayan mula sa kanilang bahay dahil hindi naman ito kalayuan. Tuwang-tuwa ang binata na muli na naman niyang masisilayan ang magarbong paghahanda ng pamilya at ng kanilang mga karatigbahay ngayong pasko.
Ramdam ni wonwoo ang malamig na hanging yumayapos sa kan’yang malaporsenang balat—tila bilang isang paalala na pasko na naman.
Ilang minuto lamang ang lumipas at tanaw na ni wonwoo ang simbahan kaya't naglakad na siya papalapit dito at agad na hinanap ng kan'yang mga mata ang kaibigan.
Sa hindi kalayuan ay nakita ni wonwoo si mingyu sa ilalim ng puno na naghihintay, lumapit siya rito at tinapik ang likod nitong nakaharap sakan'ya, “pre.”
"Kanina ka pa?" Tanong ni Wonwoo nang humarap ang kasama ngayong simbang gabi.
Umiling ang binata at sinabing, "kani-kanina lang naman. Tara? Hanap tayo mauupuan?"
Tumango naman si wonwoo at naglakad na sila papasok ng simbahan.
Maaliwalas ang simbahan at kung ikukumpara sa normal na araw ay mas presko rin ang hangin ngayong gabi.
"Tinignan ko na kanina kung may mga vacant seats pa ba. Halos madami pa naman, anong oras pa lang naman." ani ng nakababata sabay tingin sa relo nitong nasa kaliwang palapulsuhan.
Iginala ni wonwoo ang paningin at napansin ngang madami-dami pa ang mga bakanteng p’westo. Napagdesisyunan ng dalawang binata na maupo sa may gitnang parte ng simbahan, sapat lang na mahagip ng lamig sa labas pati ng hangin na ibinubuga ng bentilador na nakatapat sa may bandang kanilang kinauupuan.
Hindi pa naman malapit mag-umpisa ang misa kung kaya't may iba pang mga gumagawa ng kanilang mga ninanais. Sa unahan nila ay kapasin-pansing may matandang nakaluhod at tila nagdadasal. Sa hindi naman kalayuan ay mayroong mga batang naghahabulan at sinasaway ng kanilang mga magulang.
Muling tumingin ang nakatatanda sa kan'yang katabi. Matangkad, moreno, naka-itim na pang-itaas, at nakasuot ng maong na pantalon na binagayan ng makapal at itim na salamin na walang grado—simpleng pananamit lamang ngunit pansin ni Wonwoo ang tingin ng mga dalagang napapagawi sa p'westo nila.
Ang g'wapo.
"Hm, ano nga 'yon?"
"Huh?"
"'Yung sinabi mo?"
Hindi pala namalayan ni wonwoo na habang tinititig—tinitignan niya ang kaibigan ay nasabi nito ang nasa isip.
"Wala. Ang init kako, mukha ka pang ewan sa salamin mong walang grado."
Natawa naman ang binatang kausap nito nang umirap at muling humarap si Wonwoo sa altar.
Sinundot-sundot ni mingyu ang tagiliran ni wonwoo, "stylish kaya. pogi 'di ba?"
Tinignan niyang muli si mingyu at natawa sa pagtaas-baba ng kilay nito habang isinasabay sa galaw ang salamin.
"Ewan ko sa'yo," nakangiting ani ni wonwoo at ibinaling ang tingin sa iba.
Unti-unti nang napupuno ang mga upuan at kalaunan ay umaalingasaw na sa buong simbahan ang tunog ng kampanilya na nangangahulugang umpisa na ng misa.
—
Nagsisialisan na ang mga tao sa loob ng simbahan, ngunit nakaupo pa rin ang dalawang magkaibigan matapos magpasiya na patilain ang rumaragasang mga tao palabas ng simbahan.
“Anong oras ka b’byahe bukas?” tanong ni Wonwoo sa katabi.
Matagal nang matalik na magkaibigan ang dalawa. Simula high school pa lamang ay hindi na mapaghiwalay, kaya naman nang mapagdesisyunan nilang gusto nila parehong mag-aral sa maynila ay pinagbigyan na rin ng mga magulang na humanap sila ng dorm at magsama sa iisang bubong.
Ngunit dahil sabay ang finals week nila at karamihan ng schedule ng exam ay pang-umaga, napagdesisyunan nilang mag-uwian na lamang muna. Para naman sa isang araw na may pang-hapon si Mingyu at hindi na makakaabot ng simbang gabi kung sila man ay uuwi, nagkasundo ang dalawa na magsimba na lamang sa simbahan ng kanilang unibersidad.
“Baka 8 pa lang umalis na ‘ko para may oras pa mag-aral sa library. Ikaw ba?” Tugon naman ni Mingyu.
Napaisip naman saglit si Wonwoo, “hindi ko rin sigurado eh.”
“Sabay na lang tayo bukas?”
“P’wede naman. Tapos tambay na lang din sa library, may mga hindi pa ‘ko gamay sa lessons namin eh.”
Naunang tumayo si Mingyu at sumunod naman si Wonwoo. Pinagpatuloy nila ang pag-uusap na kung saan-saan na nga napunta at ni isa sa kanila ay hindi ito napansin.
Lumabas na sila ng simbahan at ilang hakbang lamang ay nasa harap na sila ng tindahan ng mga kakanin at duon nakita ang patok na patok na puto bumbong at bibingka na paboritong kainin ni Wonwoo. Ayon sakan’ya, hindi kumpleto ang pasko, at lalong lalo na ang simbang gabi, kung walang puto bumbong at bibingka na hawak ang dalawa niyang mga kamay.
“Ate, dalawang order po ng puto bumbong, pati ng bibingka.”
Nagtatangka pa lang si Wonwoo na buksan ang pitaka niya nang iabot ni Mingyu ang bayad sa tindera, “hay nako,” at tawa na lamang ang naisagot ni Mingyu sa binata
Pareho nilang pinapanuod ang abalang tindera at ang mga kasama nilang bumibili rin. Marami-rami ang mga kotse at traysikel sa daan marahil pauwi na galing sa misa kaya’t hindi rin katahimik ang kahit gabi na sa kanilang bayan.
“Sana ilabas na lineup para sa paskuhan. Tagal ko na ring hindi nakikinig sa OPM eh.”
Tumawa ng mahina si Mingyu at tumango, “oo nga eh, para makabisado ko na rin ‘yung mga kanta,” biro naman nito na nagpatawa nang malakas kay Wonwoo—hindi alintana kung pinagtitinginan na silang dalawa ng iba pang mga bumibili.
“Oh, baka naman magdala ka pa ng printed copies ng mga kanta, ah. Mahiya ka naman.”
“Talagang binigyan mo pa ‘ko ng idea, ‘no?”
Muling napatawa ang dalawa at mahinang hinampas ni Wonwoo si Mingyu sa braso nito at pabirong sinabi na hindi na lang siya sasama sa paskuhan kung ganoon.
“Sino gusto mong tumugtog sa paskuhan?” Tanong ni Mingyu kay Wonwoo.
Umakto naman si Wonwoo na parang nag-iisip—ang kamay ay nasa ilalim ng baba at ang mga labi ay nakanguso, na siyang nagpatawa kay Mingyu. Pigil na pigil itong pisilin ang pisngi ng nakatatanda.
“Hmm. Sana kunin ulit nila Ben&Ben. Ikaw ba?”
“Sana COJ ulit hahaha.”
“Sige nga, pustahan tayo.”
“Na ano?”
“Kapag nakuha ulit ang COJ at tinugtog nila alas dose, aamin ka dun sa sinasabi mo sa ‘king gusto mo.”
Tinuktukan ni Mingyu ang ulo ni Wonwoo ngunit kalaunan ay sumang-ayon din ito, “sige. Kapag kinanta ng Ben&Ben bibingka, aamin ka rin, ah.”
—
Huling araw na ng exam nila Wonwoo habang si Mingyu naman ay mayroon pa kinabukasan. Uuwi pa rin ang huli sa kanilang probinsya kasama ang kaibigan at sabay na b’byahe kinabukasan—si Mingyu para sa kan’yang huling exam, at si Wonwoo naman ay para manatili na sa kanilang dorm dahil napag-usapan nilang sa isang araw na lang umuwi muli para hindi na mahirapan pang pabalik-balik sa byahe.
Tabi silang naglalakad ngayon habang tinatanaw ang tanawin ng kanilang unibersidad. Wala namang nagbago maliban sa mga palamuti nito, na para sa mga estudyante ay isa sa mga paalalang magtatapos na ang paghihirap nila ngayong taon.
Inikot nila ang kanilang paaralan na para bang wala silang klase sa loob ng ilang minuto, at ihahatid pa ni Mingyu si Wonwoo sa building nito dahil magkaiba sila ng kurso na tinahak.
“Gusto mo ba dito na lang magsimba mamaya?” tanong ni Wonwoo habang sila ay papalappit sa building niya.
“P’wede naman, okay lang ba sa’yo umuwi nang gabi?”
“Baliw, ikaw nga dapat tinatanong ko niyan. Ikaw ‘tong may exam pa bukas,” sabi ni Wonwoo at tumingin sa kasama.
Umaga pa lamang kaya naman ay matingkad pa ang sinag ng araw—na ngayo’y tumatama sa nakangiti nitong kaibigan. Na parang hindi ito ilang araw nang puyat. Maliban sa exam ay hindi maitatanggi ni Wonwoo na talagang nakakapagod mag-uwian at isabay pa ang kanilang pag-aaral sa gabi-gabing pag-attend sa misa.
“Actually, ayaw mo bang ako na lang uuwi? Sa dorm ka na lang mag-stay ngayong gabi para din madami ka pang oras mag-aral. Maaga pa pasok mo bukas, ‘di ba?” Tanong ni Wonwoo sa kaibigan habang may kinakalikot sa bag.
Nang makuha ang hinahanap ay ibinigay nito ang isa sa kaibigan, habang ang isa namang hawak niya ay sangkatutak na papel. Hindi kasi siya sanay mag-aral kapag wala sa papel ang inaaral niya.
“Salamat,” tugon naman ni Mingyu at sinubuan din ng biskwit ang tropa nito, “iniisip ko nga rin ‘yan eh, para sana hindi na hassle. Kaso, pa’no ka?”
“Anong paano ako? Hindi ko naman first time umuwi nang mag-isa,” pabiro nitong sabi na may diin na siya namang nagpaungot kay Mingyu.
Nagkatinginan silang dalawa. Nakasimangot si Mingyu at malaki naman ang ngiti ni Wonwoo na umaabot sa kan’yang mga mata.
“Hey, isang beses lang naman ‘yun, okay!”
“‘To naman, joke lang naman. Naiintindihan ko namang sobrang pagod mo at nakatulog ka sa cafe habang nag-aaral. Ano ba naman ‘yung isang oras kong paghihintay sa bu—” Tumawa nang malakas si Wonwoo nang mapansin na hahampasin sana siya ng nakabusangot na Mingyu at tumakbo papasok sa kanilang building.
May isang beses kasi na dapat ay sabay silang uuwi. Mas nauna ang dismissal ni Mingyu kaysa kay Wonwoo ng dalawang oras kaya sinabihan niya ang binata na magpapalipas muna siya ng oras sa cafe, mag-aaral sana at iidlip ang binata, sinabi nito na magkita na lang sila sa bus stop at ayaw na rin namang bumalik ni Wonwoo sa dorm nila dahil medyo may konting lakaran ito sa bus stop.
Nang matapos ang klase ni Wonwoo ay sunud-sunod itong nagtipa ng mensahe para sa ka-roommate na hindi naman sumasagot. Isang oras mahigit ang lumipas na nakatayo si Wonwoo sa harap ng bus stop nang mapagdesisyunan na umuwi na lamang mag-isa. Hindi naman ito ang unang beses na b’byahe mag-isa, ngunit unang beses na pinangakuan ng kaibigan na kasamang uuwi sa probinsya at hindi natupad.
Ang mas kinainis pa noon ni Wonwoo ay ang sobrang pag-aalala nito sa mas nakababata, wala pa man din ito sa dorm nila.
Kinalaunan, habang nasa ptix si Wonwoo pauwi ay umilaw ang telepono nito at nakita ang pangalan ng binatang kanina pa niya hinihintay na nagsasabing napahaba ang idlip nito habang kaharap ang laptop at kape dahil sa pagod. Pareho kasing puno ang schedule nila, kaya hindi na nakakagulat na sobra na lamang ang pagod ng mga ito. Sunod-sunod na presentations at exams ba naman.
Lubos ang konsensya ni Mingyu at ilang araw na bumawi sa nakatatanda kahit pa pinagaan na ni Wonwoo ang damdamin nito sa pagsasabi na hindi naman ito nagtatampo o kung ano man. Matapos ang insidenteng ‘yon, hindi na iyon muling hinayaan ni Mingyu na mangyari at palagi nang nagsasabi kung saan ito pumupunta kung sila man ay may planong dalawa.
“Ang tagal mo naman?” bungad ni Wonwoo sa kaibigan, nagsabi kasi ito kanina pa na papunta na siya sa simbahan kaya ang inaakala ni Wonwoo ay mas mauuna ito sa kan’ya.
Nasa harap sila ngayon ng simbahan kung saan padami na nang padami ang mga taong pumapasok upang magsimbang gabi. Malamig ang simoy ng hangin na tumatangay ng buhok nilang dalawa, maski ang maikling buhok na bagong gupit ni Wonwoo nung isang araw ay halatang natatamaan din ng malakas na hangin.
Hindi gaanong madilim sa simbahan kahit na tulog na ang araw dahil sa mga palamuti ng unibersidad at ilaw na nanggagaling sa mga poste, pati na rin sa liwanag sa loob ng simbahan.
Pareho silang nakauniporme pa. Si Wonwoo galing sa huli nitong klase—exam. Pero si Mingyu, na mas maagang natapos kaysa kay Wonwoo, ay may bitbit na plastik sa kanang kamay nito na agad din namang napansin ni Wonwoo.
“Sorry. Dumaan pa kasi ako sa tindahan ng puto bumbong at bibingka sa labas para may makain ka mamaya,” paliwanag ni Mingyu—kinakamot ang batok. Pinaghintay na naman niya si Wonwoo, pero kasi tama naman na baka mas mahaba nga naman ang pila mamaya pagkatapos ng misa, edi late na makakauwi si Wonwoo kung ganun, ‘di ba? Ayaw naman niyang abutin ng disoras ng gabi si Wonwoo sa daan, kahit pa sanay naman itong bumiyahe mag-isa.
“Hay, talaga naman,” naglabas ng bimpo si Wonwoo at pinunasan ang kumikintab—dahil sa pawis, na si Mingyu, “kainin na natin ngayon bago mag-start ‘yung mass.” Oo. Natin. Maghahati sila ni Mingyu sa iisang puto bumbong at bibingka kahit na alam naman nilang hindi iyon sapat para sakanilang dalawa.
—
Tapos na ang finals ng dalawa, si Wonwoo ay nung isang araw pa habang si Mingyu ay kahapon lang. Gumagayak na ang dalawa sa kanilang dorm, parehong simple lang ang porma ngunit malakas ang dating, kaya’t hindi na rin nakakagulat na lapitin ang dalawang kolehiyo sa unibersidad nila.
Kahapon pa bumyahe pa-Maynila si Wonwoo pero maaga pa rin ang napagdesisyunan nilang oras na pag-alis sa dorm. Ayaw na kasi nilang makisabay pa sa agos ng tao mamaya at gusto rin nilang dalawa na makapag-ikot-ikot muna bago humanap ng magandang p’westo sa field—dun sana sa maganda ang magiging tanaw sa harap.
Dalawa lang silang magkasama ngayon. Ang ibang tropa kasi nila kung hindi tinatamad ay may mga kasama naman na kasintahan. Ipinagsawalang bahala na lang iyon ng dalawa dahil wala namang kaso sakanila kung sila lang ang magkasama—baka pabor pa nga sa kanila iyon.
“Ang init. Sana hindi ganun kaaraw mamaya, sa field pa man din tayo,” ani ni Wonwoo.
Itinapat naman ni Mingyu ang dalang fan kay Wonwoo, palipat-lipat sakanilang dalawa, “bili tayo potato corner,” sabi nito na sinang-ayunan ng nakatatanda.
Hindi pa sila nakakapasok ng unibersidad pero ramdam na ramdam na nila ang simoy ng okasyon na pinakahihintay ng lahat matapos ang finals. Rinig na rinig sa labas pa lamang ang kaguluhan sa loob, samu’t saring mga boses at kanta ang madidinig dahil medyo may karamihan na ang tao sa loob.
At katulad ng inaasahan nila ay marami nga ang dadalo ngayong taon sa paskuhan. Tama lang ang desisyon nilang pumunta nang mas maaga kahit pa alas tres pa ng hapon mag-uumpisa.
Nang makatapak sa loob ng unibersidad, nagikot-ikot ang dalawa upang mamili ng mga kakainin nila, hindi kasi sila kumain bago umalis ng dorm.
May kahabaan na ang pila sa mga kainan kaya’t pumila na rin sila bago maghanap ng magandang p’westo sa field. At nang makuntento, naglatag sila ng picnic mat para hindi bitbit ang mga pagkain at iba pang mga dala.
Nagk’wentuhan lang ang dalawa at hindi iniinda ang ingay ng paligid.
Kahit halos araw-araw silang magkasama ay tila ang dami pa rin nilang hindi sinasabi sa isa’t isa sa dami ng kwentong baon nila.
Ilang tao na ang lumagpas sa p’westo nila ngunit patuloy lang sila sa pag-uusap habang padukot-dukot ng mga pagkaing kanilang binili.
Tila isang anghel si Wonwoo at nagdilang ang hiling nito kanina, hindi nga lang sa gusto niyang mangyari. Hindi gaanong maaraw ngayon. Kung sa katotohanan, may kadiliman pa nga ito, kaya hindi na kagulat-gulat na nag-umpisa nang umambon bago pa man makapagsimula ang unang mag-pperform.
Nung una, hindi nagpatinag ang dalawa ngunit ng kalaunan ay naging isang malakas na ulan na ito at kinuha na nila ang mga gamit upang sumilong. Mabuti na lang at inumin na lang ang kailangan nilang ubusin at dineretso na ang mga basura sa unang basurahang nakita.
Palakas na nang palakas ang ulan at pahirap na rin nang pahirap humanap ng matigas na lupang p’wedeng tapakan upang makaalis na sa field. Inaalalayan ni Mingyu at Wonwoo ang isa’t isa kahit na nababasa na sila pareho.
Sa iisang payong makikita ang dalawang binatang tila nagpapatintero sa gitna ng ulan. Hindi man maganda ang panahon, kita ng daan—libong estudyante ng ka-Maynilaan ang tingkad na mga ngiting nakapaskil sa mukha ng dalawang magkaibigan.
Nang makaalis sa putik, at sa wakas ay nakatapak na rin sa semento, nagmadali ang dalawang sumilong sa plaza. Ito na kasi ang pinakamalapit na masisilungan nilang hindi puno ng iba pang mga taong basang-basa rin dahil sa biglaang buhos ng ulan.
Sinara ni Mingyu ang payong—siya kasi ang naghawak nito, dahil na rin mas matangkad ito kaysa sa nakatatanda—bago nag-aalalang tumingin kay Wonwoo.
Basang-basa ang binata. Mayroon nang bakas ng tubig sa maong nitong pantalon at puro putik naman ang itim nitong sapatos. Halata rin ang basa sa asul na koton nitong pang-itaas.
Ibinaling naman ni Wonwoo ang buong atensyon sa kasama nitong binata na kung ikukumpara sa kanya ay tila mo binuhusan ng ilang tabo sa sobrang basa nito. Kahit alam ni Wonwoo na walang maitutulong ang panyong baon ay pinagsikapan pa rin nitong punasan ang mga basang parte ng katawan ni Mingyu.
Hindi naman maiwasan ni Mingyu na titigan ang mas nakaliliit. Mula sa mga singkit na mata nitong nakatago sa likod ng salamin hanggang sa labi nitong nakanguso habang abala sa pagpupunas sa nakababata. Dahil sa magandang tanawin na ‘to ay hindi mapigilan ni Mingyu mapangiti—labas pangil na ngiti, abot sa matang ngiti.
Maraming estudyante ang kasama nila sa silungan pero para kay Mingyu, silang dalawa lang ang naroon. Malakas pa rin ang ulan at nagsisiksikan pa rin sa iisang silungan. Pero maghalo man ang init at lamig ng panahon, mas pabor iyon kay Mingyu. Mas napapalapit kasi sila sa isa’t isa.
At ano naman kung pinapagalitan siya ngayon ni Wonwoo dahil mas pinayungan niya ito kaysa sa sarili? Masaya pa rin siya.
Rinig na sa buong unibersidad ang kanta ni Amiel Sol kahit patuloy pa rin ang pagbuhos ng ulan at nakatitig na lang silang dalawa sa kawalan, naghihintay kung kailan titigil ang iyak ng ulan.
Naramdaman ni Mingyu ang pagtama ng siko ni Wonwoo sa kan’yang tagiliran.
“Eto na ‘yung part na mag-aangry confession ka sa ’kin,” hagikgik ng nakatatanda.
Tangina, gumaganda na naman sa mga paningin niya ang tropa.
Napatawa naman si Mingyu sa ideya at napaisip.
Bakit nga naman hindi, ‘di ba? Maliban sa angry na part.
“Sus, nagpaparinig ka lang ata, eh. Man, sabihin mo lang kung may gusto ka sa ‘kin, kiss pa kita,” matapang naman nitong sagot.
“Sobrang kapal mo lang.” Tuwid na mukhang sabi ni Wonwoo at ginulo naman ng isa ang buhok ng nakatatanda sabay tumawa.
Nang tumila ang ulan ay patapos na rin ang unang mang-aawit. Kahit matagal na nakatayo ang dalawa ay naisip pa rin nilang umikot na lang muna sa campus dahil huling araw na rin naman nila sa taon na ito.
Muli silang bumili ng pagkain lalo na ng maiinom. Hindi pa rin tuyo ang kanilang mga damit na nakakapit pa rin ang lagkit sa katawan kaya’t ngayon pa lamang ay tanggap na nilang magkakaroon sila ng sakit sa mga susunod na raw. Huwag naman sana.
Paulit-ulit lang ang ginagawa nila nang mapagdesisyunang bumalik nang muli sa field at humanap ulit ng magandang p’westo at mas malapit sa stage at hintayin ang pinakasabik silang mapanood—ang Ben&Ben.
Lumubog na ang araw at unti-unti na ring nagsisialisan ang mga tao ngunit tila puno pa rin ang field sa sikip nito. Pero hindi alintana ng dalawa dahil ilang minuto na lang ay ang pinakahihintay na nila ang aapak sa stage.
Sumabay ang dalawa sa tilian at sigawan ng bawat isang estudyante ng kanilang unibersidad.
Kahit anong biro pa ni Mingyu nung nakaraan ay alam nilang dalawa sa mga sarili nila na kabisado nila sa puso nila ang bawat kanta ng Ben&Ben, kaya’t nakakasabay sila sa mga kantang tinutugtog ng banda.
Ramdam nila ni Wonwoo na tumayo ang kanilang balahibo, hindi lamang sa kasabikan, kundi dahil kasama sila—at ang libu-libong estudyante ng unibersidad na sumigaw na sana’y maikulong na ang mga kurakot sa bansa.
‘Di kalauna’y narinig na rin ang pinakahihintay ni Wonwoo na tugtugin ng banda.
Bibingka
Hindi alam ni Wonwoo kung nagdidelusyon lang ba siya pero mas malakas ang simoy ng hangin ngayong gabi kumpara nitong mga nakaraang araw, at kahit kaninang maulan. Parang may yumayakap sa kan’ya habang tumutugtog ang paboritong kanta.
Napabaling ang tingin ni Wonwoo sa katabi na matagal na palang nakatingin sa kan’ya. Sinuklian nito ang ngiti ng binata at muling tumingin sa harap at sumabay sa lirikong buong puso nitong kinakanta.
Masayang pinagmasdan ni Mingyu ang kaibigan na sumasabay sa indayog ng melodiya.
Kung sila’y nasa isang nobela, ito na siguro yung punto na aamin ang sa kanila.
Hindi alam ni Wonwoo kung paano b’bwelo. Ayon sa napagkasunduan nila nung nakaraan ay kung tutugtugin man ng Ben&Ben ang bibingka ay aamin ito sa nagugustuhan niya.
Tangina. Paano naman niya sasabihin na si Mingyu ang nagugustuhan?
Parang sinet-up ata ni Wonwoo ang sarili sa kapalpakan.
Sobrang lakas ng tibok ng puso ni Wonwoo at hindi na siya muling makatingin sa katabi. Natatakot itong marinig ng nakababata ang lakas ng tibok nitong sinisigaw ang nag-iisang pangalan ilang taon na. Kanina lamang ay sa gitarista ni Rob Deniel pa siya kinikilig, ngayon ay sa katabi na niya…gan’to ba ang nagagawa ng bibingka?
Pero sige. Kung magiging sila man matapos niyang umamin, edi masaya. Kung hindi, hindi nalang din siya magpapakita sa binata buong bakasyon. Madali lang naman makaisip ng palusot kung sakali.
“Wonwoo,” napatigil ang binata sa pakikipag-usap sa sarili nang madinig ang pangalan nitong sambitin ng taong kanina pa niya pinoproblema, "pre."
Tumingin siya rito nang seryoso.
Tumutugtog pa rin ang bibingka.
Nakayakap pa rin sa kan’ya ang malamig na simoy ng hangin.
At pinagpapawisan na ang kan’yang mga palad.
Seryoso ring nakatingin, at nakangiti, si Mingyu.
“Eto na ‘yung part na aamin ka sa akin.”
Tangina. Pagkatapos ng gabing ‘to dapat hawak na nila ang kamay ng isa’t isa.
