Work Text:
Sa buong kaharian ng Sapiro, nag-uumapaw ang kasabikan. Ang mga lansangan ay nililinis, ang mga bandila’y isinasabit, at ang bawat tahanan ay abala sa paghahanda. Ang mga diwata sa buong Encantadia nagbubulungan sa saya—Dahil sa wakas ang kanilang Hara Armea ay ikakasal na. Marami ang umusisa kung ano ang magiging kulay ng telang gagamitin ng Hara. Pinag-uusapan ito ng mga engkantada sa bawat sulok ng kaharian—sapagkat anuman ang piliin ng Hara ay tiyak na gagayahin ito sa Sapiro.
Ngunit lingid sa kanilang kaalaman, ang kanilang Hara ay nananatiling tahimik sa kaniyang silid—tulala, at nilalamon ng bigat na hindi nila kailanman malaman. Tahimik lamang sa kaniyang silid si Hara Armea, ngunit ang katahimikang iyon ay hindi kapayapaan—kundi bigat, mabigat na tila bumabalot sa bawat sulok at dingding. Maingat na inayusan siya ng kaniyang mga dama habang inihahanda ang sarili para sa kasal na labag sa kaniyang kalooban. Ang gintong tela ng kaniyang kasuotan ay tila tanikala, at ang bawat hikbi ng sutla ay paalala na ang araw na ito’y hindi para sa pag-ibig, kundi ang araw siya ay pinagkaitan.
Tinitigan ni Armea ang kaniyang sarili sa salamin, at sa pagtingin niya, isang reyna ang tumititig pabalik—ngunit itinutulak lamang upang maging asawa.
“Mahina ka, Armea!” saad niya sa babaeng nasa salamin.
“Ano ang tingin nila sa akin?” tanong niya sa kaniyang dama, nanginginig ang tinig. hindi sumagot ang dama at patuloy lang ito sa pag ayos sa kaniya. pero nandon sa mata ng dama ang lungkot na parang naawa ito sa kaniya.
“AKO SI HARA ARMEA—MULA SA LAHI NG MGA SANG’GRE! ANG DUGONG DUMADALOY SA AKING MGA UGAT AY DUGO NG PINAKAMAKAPANGYARIHANG DIWATA, ANG AKING MGA MAGULANGNG AY MGA RAMA AT HARA NG ENCANTADIA! SA AKIN NAKASALALAY ANG KARANGALAN AT KAPANGYARIHAN NG SUSUNOD NA LAHING ISISILANG—AT GAYON PA MAN—KUNG TRATUHIN AKO NG MGA KONSEHO AY PARA BANG HINDI AKO NAGMULA SA MGA SANG’GRE!" Nang bigkasin ni Armea ang mga salitang iyon, biglang yumanig ang buong Sapiro. Umugong ang mga pader ng palasyo, Napaatras ang kaniyang mga dama, napuno ng takot at gulat ang kanilang mga mata—sapagkat hindi nila inasahan na ang galit ng isang Hara.
At ngayo’y narito siya—nakaupo sa harap ng salaming may ginintuang ukit, hinahayaang ayusin ng kaniyang mga dama ang buhok at kasuotan na hindi niya kailanman pinili. Ang kasalang ito’y hindi bunga ng pag-ibig, kundi ng pasya ng Konseho—isang kautusang binalot sa salitang tradisyon, ngunit ang tunay na mukha’y pag-agaw.
“Ayon sa sinaunang batas,” wika ng Punong Konseho na si Tabun ilang araw na ang nakalilipas, “hindi maaaring mamuno nang nag-iisa ang isang babae. Upang manatili sa trono, kailangan mong mag-asawa. At ang Konseho ang pipili ng magiging Hari.”
Hindi na sumagot si Armea noon. Natutunan na niyang manahimik kapag ang katwiran ay sinasakal ng kapangyarihan.
Habang isinusuot sa kaniya ang kasuotang kulay lupa at ginto—mga kulay na iniutos ng kaniyang ina at pinaboran ng Konseho—napadako ang kaniyang paningin sa isang sulok ng silid. Nandoon ang isang lumang baul na matagal nang hindi niya binubuksan. Hindi ito bahagi ng mga handog sa kasal. Hindi rin ito pinansin ng mga dama. Ngunit sa sandaling iyon, may kung anong humila sa kaniyang damdamin.
“Iwan niyo muna ako,” mariin ngunit mahinahong utos niya.
Nag-atubili ang mga dama, subalit sumunod.
Nang magsara ang pinto, tumindig si Armea at nilapitan ang baul. Ang susi nito’y pamilyar—isang munting susi na minsang isinabit ng kaniyang ama sa kaniyang palad noong bata pa siya.
“Para sa araw na kakailanganin mo ang katotohanan,” ang sabi noon ni Haring Ybrahim.
Bahagyang nanginig ang kaniyang kamay habang binubuksan ang baul.
Sa loob ay naroon ang ilang piraso ng lumang kasulatan, mga selyong hari, at isang dokumentong nakabalot sa bughaw na seda—ang parehong bughaw na minsang nagpapangiti sa kaniyang ama. Sa itaas ng kasulatan ay malinaw ang sagisag ng trono ng Sapiro.
Para sa pinakamamahal kong anak na si Armea
Nanikip ang dibdib ni Armea habang binabasa ang bawat linya. Hindi iyon hula. Hindi iyon lihim na bilin lamang ng isang ama. Isa iyong ganap na kautusang pangkaharian—may selyo at basbas ang liham.
Isinasaad doon na si Armea ang tanging tagapagmana ng trono ng Sapiro, walang kondisyon, walang kahati, at walang pangangailangang mag-asawa upang maging ganap na Hara. Ipinahayag din ng hari na ang sinaunang batas na nagbabawal sa pamumuno ng babae ay lipas na at hindi na dapat pairalin, sapagkat ang tunay na lakas ng pamumuno ay hindi nasusukat sa kasarian, kundi may pagmamahal sa knaiyang nasasakupan.
At sa huling bahagi ng habilin, binanggit ang isang pangalan.
Ang pangalan ng punong Konseho.
Siya ang pinagkatiwalaan ng hari upang ingatan ang kasulatang ito. Siya ang hinirang na Punong Konseho hindi dahil sa dugo, kundi dahil naniwala si Ybrahim na bilang babae, ipagtatanggol niya ang karapatan ng kaniyang anak.
Ngunit kabaligtaran ang nangyari.
Nang ipatawag ni Armea ang Konseho, nagtipon ang mga kawal at mga konsehi sa Bulwagan. Suot pa rin niya ang kasuotang pangkasal—tila paalala ng tangkang ipataw sa kaniya ang kapalaran.
“May nais akong itanong,” mariing wika ni Armea, ang tinig ay hindi nanginginig. “Alam ba ninyo ang tungkol sa huling habilin ng aking ama?”
Nagkatinginan ang mga kasapi ng Konseho. Si Tabun ay nanatiling tuwid, ang mukha’y tila batong walang bitak.
“Walang ganoong kasulatan,” mariin nitong tugon. “Ang huling pasya ng hari ay ipinasa sa Konseho.”
Tahimik na humakbang si Armea pasulong. Mula sa kaniyang mga kamay, inilatag niya ang kasulatan sa gitna ng bulwagan.
“Kung gayon,” aniya, “ano ito?”
Nag-iba ang ihip ng hangin. Ang mga selyo’y malinaw. Ang lagda ng hari’y hindi mapagkakamalan.
Nanlaki ang mga mata ng ilan sa Konseho. May mga napaupo. May mga napasandal.
“Hindi iyan totoo,” mariing sigaw ng Punong Konseho. “Isang huwad! Isang panlilinlang!”
Ngunit bago pa siya makalapit, nagsalita ang isa sa matatandang Rama—isang saksi sa lagda ng hari.
“Iyan ang tunay na selyo,” wika nito. “At ang sulat-kamay… akin ding nasaksihan.”
Sa sandaling iyon, bumagsak ang maskara ni Tabun.
Inamin ng mga ebidensiyang inilabas ni Armea—mga tala, mga liham, at mga saksi—na sinadya ni Tabun na itago ang habilin. Bilang pinsan ng ama ni Ybrahim, layon niyang ipamana ang trono sa sarili niyang dugo—sa kaniyang pamangkin—gamit ang sinaunang batas bilang sandata.
“Ginawa ko ito para sa dugo namin!” sigaw ni Tabun. “Hindi para sa isang babaeng hahayaang lamunin ng kaharian!”
Ngunit ang kaniyang tinig ay wala nang kapangyarihan.
Sa utos ni Armea, si Tabun ay inaresto at inalisan ng tungkulin. Ang Konseho, sa unang pagkakataon, ay yumukod sa harap ng isang Hara—hindi dahil sa takot, kundi dahil sa katotohanan.
Kinansela ang kasal.
At sa harap ng buong Sapiro, binasa ang Huling Habilin ni Haring Ybrahim.
Sa araw na iyon, hindi lamang napatunayan ang karapatan ni Armea sa trono—kundi ang kaniyang lakas bilang pinuno.
Sa gitna ng katahimikan ng palasyo nang gabing iyon, muling binuksan ni Armea ang bughaw na seda. Hinawakan niya ito nang mariin, at sa unang pagkakataon matapos ang mahabang panahon, ngumiti siya—isang ngiting alam niyang ikatutuwa ng kaniyang ama.
"Avisala Eshma Ado, nawa'y maging payapa ang iyong Ivtre sa Devas"
Hindi man siya pinili ng Brilyante ng Hangin.
Ngunit pinili siya ng kaniyang ama.
