Actions

Work Header

Rating:
Archive Warning:
Category:
Fandom:
Relationship:
Characters:
Additional Tags:
Language:
Filipino
Stats:
Published:
2026-03-23
Words:
1,233
Chapters:
1/1
Kudos:
12
Bookmarks:
2
Hits:
99

panaginip

Summary:

panaginip sa pananaw ng isang repormista

Notes:

parallel of "bangungot" | elias x crisostomo

(See the end of the work for more notes.)

Work Text:

Mula alas singko ng hapon, ako ay nagnilay-nilay sa aking tanggapan. Hindi ko namalayan ang oras at gabi na pala, sa kadahilanang nakatuon ang aking atensyon sa lahat ng mga nakaraang kaganapan pagdating ko sa San Diego. Subalit, hindi pa ako inaantok—gising na gising pa ang aking diwa kahit na alas nuwebe na. Sa halip na magmuni-muni lamang ako sa silid, napag-isipan kong maglakad-lakad sa labas ng aking tahanan. Ayaw ko namang ikulong ang aking sarili sa mga negatibong pangyayari. Mahalaga ring pagmasdan ang kagandahan ng kalikasan ng inang bayan.

 

Ang daan na ito ay puno ng mga nagyayabong na puno at mahahalimuyak na bulaklak. Hinawi ko ang mga mahahabang dahon na sumagabal sa aking paningin. Sa dulo ng aking nilalakaran, mayroong lawa kung saan maaari kong ilabas lahat ng aking nadarama. Itinuro ito sa akin ni Albino noong nakaraang pagkikita namin. Aniya, hindi lamang ang paglalabas ng iyong damdamin ang magpapatahan sa iyo, kundi pati na rin ang kalikasang nakapalibot sa lugar na ito. 

 

At totoo ang kaniyang sinabi, sapagkat ako’y nakabitiw na ng ilang sigaw habang ang mga bato ay aking hinagis sa lawa. 

 

“¡Que te jodan, los frailes! ¡Que te jodan, Damaso! ¡Que te jodan, Salvi!” 

 

Matapos kong sambitin ang mga sumpang iyon nang paulit-ulit hanggang sa ako ay mapagod, gumaan ang aking pakiramdam. Umupo ako sa pinakamalapit na bato upang pagmasdan ang agos ng tubig at tinanggal ang amerikana, tanging camisa na lamang ang suot. Malapit na akong maidlip nang biglang may nagsalita.

 

“Senyor, nais niyo po bang sumama? Mukhang malalim po ang iyong iniisip, mabuting magpalipas-oras muna kayo.”

 

Tiningnan ko ang tao sa aking harapan. Naroon si Elias, nakasakay sa isang bangka. Bilang pagtugon, sumakay ako sa kaniyang bangka at tuluyang nagpahinga.

 

“Maaari po ba akong magtanong, Senyor Ibarra?” Inayos ko ang aking postura at tumango. “Ikaw po ba ay nasa mabuting kalagayan? Narinig ko ang iyong mga panaghoy kanina, kaya ako nagtungo rito upang hanapin ka.”

 

“Ah! Hindi na kinakailangan, Elias. Ikaw ay nag-abala pa,” 

 

“Malapit lang ako rito, senyor; huwag mo po akong alalahanin. Ipinangako ko po sa inyo na poprotektahan kita bilang kabayaran ng iyong pagligtas sa akin, hindi ba?” 

 

Ako’y napabuntong-hininga at nagsimulang isalaysay ang lahat ng aking mga karanasan sa San Diego: ang bangkay ng aking ama, ang mga kawalang-galang na ginawa ng mga prayle, at ang paaralan na hindi na matutuloy. Tiningnan ako ni Elias ng may halong pag-alala at malasakit sa kaniyang mga mata. Nang matapos ang salaysay, kumuha ako ng tubig sa lawa at binasa ang aking mukha. 

 

“Kung nais mong humingi ng tulong, senyor, maaari mo akong hanapin dito.” Ngumiti ako bilang pasasalamat sa kaniyang alok.

 

Tumahimik ang paligid. Tanging hampas lang ng alon sa bangka at huni ng mga ibon ang naririnig. Nakakailang ang nakabibinging katahimikan kaya nagtanong ako sa kasama, “Ikaw? Kumusta ka naman, Elias?” 

 

“Mabuti naman, sapagkat hindi ako hinahanap ng mga guwardiya sibil ngayon.” Naantig ang aking damdamin sa hagikhik niya. Hindi ko na namalayan na naagaw ang aking pansin kaya marahan akong tumawa.

 

Sinubukan kong magpahinga muli, ngunit nasasakal ako ng kuwelyo ng camisa. Hinatak ko ang kuwelyo nito palayo—nasasakal pa rin ako. Naisipan kong tanggalin na lamang ang kabit ng butones subalit nahihirapan akong baklasin ito, umiiling-iling pa para lang makuha ang tamang anggulo. 

 

Marahil ay nakita niya ang pagdurusa ko sa simpleng camisa, lumapit siya sa akin at iminungkahi, “Ah… senyor, kailangan niyo po ba ng tulong?” Tumingin ako sa kaniya, tulad ng isang batang nakasira ng porselana, at tumugon ng tahimik. Tumawa naman siyang may halong panunukso habang sinisimulang baklasin ang butones. Ang distansyang pumagitna sa amin kanina ay wala na ngayon, rinig ng isa’t isa ang malalim naming paghinga. Uminit ang aking mga pisngi kahit na malamig ang simoy ng hangin dulot ng katubigan. 

 

“Bago lang po ba itong camisa ninyo?” patuksong tanong ni Elias sa akin, bumabalik na sa kaniyang puwesto sa bangka. 

 

“Oo, bagong bili lamang ito galing Europa. Hindi ko pa ito nagagamit sa tagal kong nanirahan dito sa San Diego,” sagot ko sa kaniyang tanong habang tumatawa nang bahagya. “Maraming salamat nga pala, Elias.”

 

“Maliit na bagay, senyor. Walang anuman po,”

 

Pinagmasdan ko ang aking paligid, naghihintay ng tamang pagkakataon. Nang maramdaman ko na ang katahimikan, lumapit ako sa kaniya at nagsimulang magsalita. 

 

“Maraming salamat sa lahat ng iyong pagmamalasakit, Elias. Isa ka sa mga natitira kong karamay sa panahon ngayon, kaya tunay kitang pinahahalagahan. Ang iba sa mga kakilala ko ay lumisan nang lumabas ang mga usap-usapan tungkol sa akin—ngunit ikaw, taong nakilala ko lamang sa salu-salong iyon, ay narito pa rin, tinutulungan ako. Nais ko lamang magpaumanhin sapagkat wala akong tulong na naiaabot maliban sa pagligtas ko sa iyo noong araw na iyon. Ngayon, kung kinakailangan mo ng aking tulong, alam mo na kung saan mo ako hahanapin.”

 

“Senyor, huwag kayong mag-alala. Alam ko po ang iyong mga pinagdaraanan sa buhay, iyong mga hapis, iyong mga kaaway. Lahat ng ito ay aking ginagawa dahil naniniwala akong kaya niyo pong maligtas ang bayang ito. Kung kaya niyo po itong maligtas, tiyak na kaya ko rin po kayong iligtas mula sa panganib.” 

 

“Kinikilala ko ang iyong pagtingin sa akin,” wika ko sa kaniya, ngunit kakatwa ito sa aking paningin, kaya minabuti kong dagdagan ang aking sinabi, “...ang iyong pagtingin sa aking mga plano para sa bansa!”

 

Pinag-ukulan ko ng pansin ang sayaw nang mga alon nang biglang may bumulong, Pinahahalagahan kitang tunay—ikaw ang sinta ng aking buhay.” Nagpanggap akong hindi narinig ang kaniyang sinabi at napa-hm?” sa kaniya. Namula naman si Elias sa hiya, umiiling habang kinakaway ang kamay sa ere. 

 

Kakaiba ang aking nadarama sa pilotong ito, hindi ko ito maipaliwanag. Sana’y magkaroon ako ng pagkakataong ipaliwanag. Ang tanging tinig na umuulit sa aking utak ay “gawin ko na ba?” habang nakatingin sa kaniyang mga labi. Pinag-isipan ko ito nang mabuti, kung mananalo ba ang mga boses o ang aking dignidad. 

 

Nanalo ang mga boses, hinawakan ko ang kaniyang mga pisngi at unti-unting nilapit ang aming mga mukha. Nainip ang piloto at pinagdikit na ang mga labi. Ako pa ang nagulat sa hindi inaasahang tugon, ngunit ikinasiya ko naman ito. Nilipat ko ang kamay mula sa pisngi patungo sa mahaba niyang buhok at pinaglaruan. Matagal, marubdob, puno ng pagmamahal—kung kanina ay hindi ko maipaliwanag ang mga damdaming mayroon ako, ngayon ay wala na akong pag-aalinlangan. 

 

Upang habulin ang hininga, hiniwalay namin ang aming mga labi at huminga nang malalim. Naroon muli ang nakaiilang na katahimikan; nagpaliwanag na ako kahit na hinihingal.

 

Eres el amor de mi vida…” panandalian akong huminto at dinagdag,  y por eso lo hice.”

 

“Te amo mucho,” tugon niya. Nagulat ako sapagkat hindi ko rin inaasahan iyon. Muli niya akong tinawanan, napansin niya ang aking pagkagulat. 

 

“Ito ay lihim na hindi po maaaring malaman ng iba, lalo na kung hindi mo nais maging ‘masamang tao’ tulad ko sa kanilang mga mata, senyor,”

 

“Tatawagin mo pa rin akong ‘senyor’ matapos iyon?!” Tunay na mapanukso si Elias sa personal. “Tawagin mo na akong ‘Crisostomo’ magmula ngayon, Elias,”

 

“Opo, senyor,” muli niyang hagikhik, at hinila ako patungo sa kaniya para sa isang halik.

 

Maituturing ko itong isang panaginip,

Ngunit ito ay isa nang katotohanan para sa atin.

Wala nang pangamba sa bawat paggising,

‘Pagkat batid kong ika’y aking kapiling.

Sa liwanag, ikaw ang tanging nakikita.

Isa ka sa mga hinihiling kong natupad sa huli.

Ikaw ang pinakamamahal kong panaginip.

Notes:

Eres el amor de mi vida - you are the love of my life
y por eso lo hice - and that's why i did it

Te amo mucho - i love you very much