Work Text:
sa araw-araw ng buhay natin sa alternatibong sansinukob, ikaw pa rin ang pipiliin ko.
sa isang alternatibong sansinukob, mas pipiliin ko pa ring halikan ang mga labi mo sa harap ng madla, mapailalim man tayo sa mapangutyang titig at komentaryo nila, ay hindi ako magtatago’t mahihiya. sa bawat dapit-hapon sa sansinukob na iyon ay uuwi ako sa’yo, may pagod na tumatagos sa kaibuturan ng diwa ko na ikaw lamang ang kayang umamo, at ako’y mananatili sa mga bisig mong tahanan ko.
sa pagkakataon na may bagong mundo mang mabuo, at bagong ikaw at ako ang magtagpo, ika’y makikilala ng diwa kong ito kung saan ang hubog mo ay nakaukit dito at ikaw lamang ang tunay na bubuo.
patuloy kang mahal, minamahal, at mamahalin, hanggang sa pagkatapos magunaw ang mundo,
shane
