Actions

Work Header

I Don't Wanna Lose (Palagi)

Summary:

Momol ang sagot sa problema ni Ryul

Notes:

ngayon na lang ulit ako nakapagsulat ng full narration na hindi ko tinantanan. wala yatang zyn sa sokor, sa pinas lang? pero hayaan nyo na hahaha. 2yul neyshun pakabusog kayo!

Chapter 1: Lollipop

Chapter Text

Wala nang ibang mas sasarap pa sa yosi na naghihintay sa’yo matapos ang isang nakakagagong araw. Buong linggo nang kumikilos ang katawan ni Ryul. Kaliwa’t kanan ang mga bagay na dapat nilang asikasuhin. Minsan nga ay ginagapang niya na lang ang kama niya sa sobrang pagod. Kung hindi na makakaabot, doon na lang siya sa sala, yakap ang mga sapatos ni Woojin.

 

Kaya grabe na lang ang saya ni Ryul nang mabakante ang isang araw nila. Ayos na rin. Makakapagpahinga kahit papaano at  makakapag-yosi na rin.

 

Iba na kasi ang sitwasyon ngayon ni Ryul. Hindi katulad dati na kahit saan siya tumambay ay magagawa niya ito. Ngayon, malabo na. Kailangan niya nang mag-ingat. Hindi puwede sa labas at mas lalong hindi rin puwede sa loob.

 

 Apat silang magkakasama sa iisang bahay. Gago lang siya pero concern din naman siya sa mga kasama niya, lalo na kay Louis. Masyado pang maaga para magkaroon ng secondhand smoke ’yon. Baka maunahan pa siya—huwag naman sana.

 

Ngayong bakante ang araw nila, napagdesisyunan ni Ryul na pumirmi na lang sa bahay. Hindi katulad nina Woojin at Louis na paniguradong nasa galaan ngayon. Si Ohyul? Hindi niya alam.

 

Tanghali na nang magising siya. Pupungay-pungay pa ang mata niya habang nakatulala sa umuusok na noodles sa kanyang harapan. Sumandal siya sa upuan at inilabas ang vape sa bulsa. Maingay na ang cellphone niya na nakasandal sa baso—nanonood siya ng anime.

 

“Ryul?”

 

“Mhm?”

 

Tumingala si Ryul nang tawagin ang pangalan niya. Nakangiting lumapit si Ohyul sa kanya, may tuwalya pa sa ulo nito—kakatapos lang yata maligo. Umupo ito sa tabi niya.

 

“Penge ako.”

 

Tumango lang si Ryul at pinagtuunan ng pansin ang pinapanood. Kasing bilis umilag ng pinapanood niya ang paghipak niya sa vape na hawak. Dalawa lang naman sila ni Ohyul, malaya siya na gawin ito. Matagal nang alam ni Ohyul ang bisyo niyang ganito, hindi niya rin naman kasi tinago. Pero nagkaroon lang sila ng kasunduan na bawal sa harap ng kung sino man.

 

“Hindi ka kakain?”

 

Pinatong ni Ryul ang vape sa lamesa at mabilis na kinalas ang hikaw sa dila niya. Tinabi niya iyon sa gilid at saka kumain ng noodles.

 

“Magaling na ba ’yan?”

 

Inubos muna ni Ryul ang sabaw bago sinagot ang katabi niya.

 

“Magaling na.”

 

Ubos na ang noodles nilang dalawa kaya nanonood na lang sila ngayon sa cellphone ni Ryul.

 

“Nasubukan mo na ba magpalit ng hikaw?”

 

Binuga ni Ryul ang usok sa gilid at hinarap ang katabi niya. Nakatitig lang ang binata sa hikaw na nasa lamesa. May bituin sa mata ni Ohyul habang naghihintay sa sagot niya. Masyadong kuryoso sa kung anu-anong bagay.

 

Kinuha ni Ryul ang hikaw at tinanggal ang pakaw nito.

 

“Dati, pero bumalik din ako sa hikaw na ’to kasi nahihilo ako kapag ibang hikaw, eh.”

 

“Bakit ganon? Hindi ba delikado ’yon?”

 

Nakasunod pa rin ang mata ni Ohyul sa kanya—sa kung paano niya ibalik ang hikaw sa dila niya.

 

“Hindi naman siguro? Basta, kung ano ’yong hikaw na ginamit sa akin, doon lang ako. Ewan ko lang sa iba.”

 

“Hindi ba masakit?”

 

“Hindi naman. Isang linggo lang ako nahirapan kumain. Pero ngayon, okay naman na. Kapag ibabalik mo nga lang siya, dapat gamit bibig—huwag ’yong idederetso mo sa butas.”

 

“Bakit?”

 

“Basta.”

 

Nang makabit ang pakaw ay dumila pa si Ryul sa harap ni Ohyul para mapakita nang malinaw dito ang itsura ng hikaw niya. Binawi niya rin naman agad iyon at kumindat sa isa.

 

“Gago!”

 

Hindi nawala ang ngiti sa labi ni Ryul habang sinusuklay ang buhok. Sa cellphone niya nakatingin si Ohyul pero magkasalubong pa rin ang kilay nito.

 

“Puwede akong mag-yosi?”

 

“Nagve-vape ka na nga, oh. Hindi ka pa ba kuntento?”

 

“Isa lang. Sa labas.”

 

Matagal bago bumaba ang kilay ni Ohyul pero kabisado ni Ryul kung ano ang kahulugan noon, kasama ang pagbagsak ng balikat nito.

 

“Yes!”

 

Panalo na naman siya. Mabilis siyang pumasok ng kwarto niya at hinalughog ang kaha ng sigarilyo na tinago niya. Binitbit niya iyon sa labas kasama ang lighter niya—regalo rin ni Ohyul noong graduation nila.

 

Hinayaan niya na lang na manood si Ohyul sa cellphone niya at lumabas siya para sa pakay niya. Mula sa glass door ng balcony nila ay kita niya si Ohyul na nasa lamesa pa rin. Tumatawa ito, kinakausap ang sarili habang nanonood.

 

Kay Ohyul lang ginugol ni Ryul ang buong magdamag na inuubos niya ang yosi niya. Pitik lang sa upos, tapos sindi ulit ng bago, at balik-nood ulit kay Ohyul sa loob.

 

Nagsalubong ang mata nilang dalawa kaya ngumiti si Ryul. Kinaway niya ang yosi na hawak niya na nagpasimangot kay Ohyul. Saglit siyang humithit bago niya ito tinapon kahit kalahati pa lang ang nababawas.

 

Nakailan na rin naman siya. Baka hindi na lang simangot ang abutin niya sa isa kung hindi pa siya hihinto. Nilinis niya ang pinagyosihan niya at pumasok na sa loob.




 

 

Sinabon nang malalang sermon si Ryul. Kasalanan niya rin naman. Nakuhanan siya ng pic kasama ang vape niya. Nakngteteng! Nasobrahan sa laro, ayan tuloy. Kamot-ulo siya na bumalik sa dorm nila. Alas-onse na sabi sa orasan, mukhang tulog na ang mga kasama niya. Ilang oras din kasi inabot nila dahil lang sa lintik niyang vape. Ayon, na confiscate tuloy ang pinakamamahal niya.

 

Ilang unos na rin kaya ang napagtagumpayan nila ng vape niya. Una, kapag lasang sunog na pero tinitiis ni Ryul na hipakin kasi hindi pa siya makapuslit bumili ng bagong juice. Pangalawa, noong muntik na itong malaglag nang umiihi siya. Pangatlo, kapag paurong itong mag charge.

 

See. Dami na nilang memories together pero lintik lang talaga ang tadhana dahil pinaghiwalay sila.

 

Pero ang vape niya pa ba talaga ang uunahin niyang isipin ngayon na kaharap niya na ang pinto ni Ohyul? Nakapaglinis na siya ng katawan kaya binitbit niya ang sarili niya dito sa kwarto ng best friend niya.

 

Dahan-dahan siyang pumasok sa loob. Tinutuok ni Ryul ang cellphone niya sa daan papunta sa kama ni Ohyul. Nang tumama ang tuhod niya sa malambot na foam ay sumampa na siya at niyakap ang katawan sa tabi niya.

 

“Diba may usapan tayo.”

 

Bulong lang iyon pero ramdam ni Ryul ang diin. Nakapikit pa rin si Ohyul, alam niyang gising ito kaya mas lalo niyang hinapit ang katawan nito sa kanya.

 

Nakasandal ang likod ni Ohyul sa kanyang dibdib habang ang kamay niya ay hinihimas ang tiyan nito.

 

“Alam ko. Sorry.”

 

“Bukas natin pag-usapan.”

 

Binaon ni Ryul ang mukha niya sa leeg ni Ohyul. Bahala na bukas. Basta ngayon ay dito muna siya nakasiksik kay Ohyul.

 


 

“Lahat, pati lighter?!”

 

“Lahat. Walang ititira.”

 

“Paano ’yong gift mo sa’kin? Kasama ’yon?”

 

“Sa’kin na, ako ang magtatago.”

 

Nilahad ni Ohyul ang palad niya. Walang ibang nagawa si Ryul kundi i-surrender iyon sa nagbigay at napakamot na lang sa kilay. Maaga siya ginising ni Ohyul dahil magge-general cleaning daw sila ng kwarto niya.

 

Iyon pala ay ilalabas lahat ni Ryul ang mga yosi na tinago niya at itatapon nila ito. Sobrang saklap, ’di ba. Sana hindi na lang siya nagising.

 

“Diyan sa may sapatos, itaktak mo ’yan!”

 

Kahit alikabok, walang lagpas sa singkit na mata ni Ohyul. Lahat ng pinagtagoan ni Ryul ay nalaman nito. Ika nga ni Ohyul kanina, puwede na silang magbukas ng tindahan sa dami nang naipon nila. Pero joke lang ’yon, ’di naman ganoon karami ang tinago ni Ryul. Naipon lang talaga sila dahil nga wala na siyang time na ubusin ito isa-isa.

 

Dahil sa insidente na nangyari, wala siyang magagawa kundi sundin ang utos ni leader. Paalam na lang talaga sa bisyo.

 


 

Day one

 

Ganado pa sa buhay si Ryul. Naisip niya pa nga na baka tamang desisyon lang din na mag-quit siya sa bisyo niya. Gumising siya na may ngiti sa labi, parang bagong Ryul itong ngayon. Parang kakapanganak lang ulit sa kanya sa mundo.

 

Ang saya. Ang gaan. Ngayon gets niya na—tama nga talaga sila. Mas masaya kapag walang bisyo sa katawan.

 


 

Day three

 

Putangina! Kahit alikabok sa laptop ni Woojin gusto niya nang nguyain. Kalokohan! Pinaniwala lang siya na magiging maayos siya pero hindi. Pangatlong araw pa lang pero para na siyang asong nauulol.

 

Yung piercing niya tuloy ang pinupuntirya niya para malibang ang sarili pero wala pa rin—iba pa rin talaga. Noon, okay lang kung hindi siya makapag-yosi palagi kasi may vape naman siya. Nakakapag-vape siya sa kwarto o sa CR o kahit nga saan basta naka-hoodie siya at patago siyang hihipak.

 

Ngayon kahit vape wala! Ano na lang kahihinatnan ng buhay niya nito?!

 

Para siyang nababaliw. Hindi siya mapakali.

 

Kaya nang kumain sila sa labas ay saglit siyang nagpaalam na may bibilhin lang. Makahulugan ang titig ni Ohyul sa kanya noon pero nag-iwas agad siya ng tingin. Masama magsinungaling—’yan ang turo sa kanya ng magulang niya—at mas lalong masama kung kay Ohyul niya ito gagawin, pero tao lang din siya. Hindi siya diyos. Hindi siya immortal na matatagalan na walang nicotine sa katawan.

 

Kaya dumaan si Ryul sa 7/11 para pumuslit na bumili ng Zyn. Yung Cool Breeze ang binili niya dahil ’yon na lang ang natira. Pagkatapos magbayad ay lumabas agad siya at gumilid para buksan ang binili.

 

Kumuha siya ng isang pouch at siniksik sa gilagid niya. Nilabas niya pa ang cellphone niya para silipin sa camera ang puwesto nito. Nakalagay naman sa gilid, hindi naman awkward kapag magsasalita siya.

 

Nagpapogi pa siya saglit sa camera bago ito tinago at tinakbo pabalik ang samgyupsalan na kinainan nila.

 

Akala mo walang ginawang kalokohan si Ryul nang makabalik siya sa mga kasama niya. Mayabang pa siyang umupo sa puwesto niya kanina at nagbato pa ng mga jokes na benta naman kina Woojin at Louis.

 

Ubos na lahat ng baon niyang jokes, hindi pa rin tumatawa si Ohyul na nasa harapan niya. Busy ito sa pagbabaliktad ng mga meat sa lutuan. Hanggang sa makapagbayad sila at ihatid sa dorm ay tahimik na ito.

 

Uminom ng tubig si Ryul pagkapasok pa lang nila ng dorm. Mula sa baso ay nakasunod ang mata niya kay Ohyul na dere-derecho lang sa kwarto nito. Tinabi niya ang baso sa lamesa at naglinis na lang ng katawan. Mukhang wala sa mood si leader, hindi na lang siya makikisabay.

 

Patulog na sana si Ryul nang biglang bumukas ang pinto niya. Nagtaklob siya ng kumot dahil sa liwanag ng ilaw.

 

“Akin na ’yang binili mo.”

 

Sumilip siya sa kumot at tumambad sa kanya si Ohyul. Mukhang galing pa yata ito sa labas dahil naka-jacket ito. Bumangon siya at binuklat ang plastic na hinagis sa kama niya.

 

“Nasa pantalon ko.”

 

Kita mo. Ni ipagtanggol ang sarili niya hindi niya na nagawa. Suko kung suko agad kay kumander.

 

“Pagtiisan mo ’yan! Kapag ikaw bumili pa ulit ng ganito, ako na magsusumbong sa’yo!”

 

Lumabas si Ohyul bitbit ang nicotine pouches at iniwan sa kanya ang isang garapon ng lollipop.

 


 

Hanggang sa dance practice nila ay bitbit ni Ryul ang mga lollipop niya. Pinagtripan pa siya nung dalawang kupal nung nakita siya eh. Siya pa talaga yung sinabihan na isip-bata? Kung alam lang nila.

 

Sobrang lala ng sitwasyon ngayon ni Ryul pero kung gagohin siya ng mga kaibigan niya eh akala mo wala nang bukas. Akala mo hindi tinuruan ng mabuting asal. Ginugulangan pa siya ng mga ito sa lollipop hanggang sa tatlo na lang ang natira sa kanya.

 

Bad trip talaga.

 

Para siyang batang nagngingipin. Kapag ganito dapat may sinusubo eh, dapat may sinisipsip. Ganoon siya noon nung tumutubo ngipin niya.

 

Huling lollipop niya na itong nasa bibig niya. Tunaw na ang candy kaya stick na lang itong pinaglalaruan niya.

 

“Pasok.”

 

Sigaw niya habang hindi inaalis ang atensyon sa laptop niya.

 

“Inubos daw nila lollipop mo?”

 

Hindi na kailangan pang lumingon ni Ryul. Tumango lang siya at patuloy pa rin sa trabaho.

 

“Saan mo ba nabasa ’yang tungkol sa lollipop? Walang talab, parang masisira pa ngipin ko diyan.”

 

Nilapag ni Ohyul sa lamesa ang isang garapon ulit ng lollipop pero iba naman ang brand ngayon. Iba’t ibang flavor. Para siyang bata na kakatapos lang mag-trick-or-treat. Kahit ano-ano na lang talaga basta hindi lang siya makapagbisyo.

 

“Bakit, may iba ka pa bang solusyon diyan?”

 

Mataray na sagot nito. Napakamot sa pisngi si Ryul at binitawan ang keyboard. Inurong niya paatras ang upuan para makaharap niya si Ohyul. Nakatayo ito, nakayuko sa kanya. Niluwa nya ang stick at tinabi iyon sa gilid saka sumagot.

 

“Meron. Pero ’di ko ’yon magagawa nang mag-isa.”

 

“Ano?”

 

Mula sa gilid ng mata ni Ryul ay alam niya nang natalo na ng kadiliman ang guardian angel niya. Nang lumitaw ang bituin sa mata ni Ohyul ay siyang haba naman ng sungay niya. Uulitin niya lang—hindi siya perpektong tao, hindi siya diyos, at mas lalong hindi siya immortal.

 

Bakit pa siya magsasayang ng ngipin sa lollipop kung may alam siyang isa pang puwedeng solusyon—matamis din ’yon, walang pinagkaiba.

 

Tumayo si Ryul at pinantayan si Ohyul. Naghahabolan lang sila ng height pero mas malapad siya kaya kahit papaano ay kaya niyang tabunan si Ohyul.

 

“Momol tayo.”

 

“Gago ka ba?”

 

Halos mawalan ng kulay ang mukha ni Ohyul nang marinig iyon. Kulang na lang ay maluwa nito ang lollipop na nasa bibig niya.

 

Sobrang OA!

 

“Ano? Kala ko ba tutulungan mo ako rito.”

 

“Oo, pero hindi sa ganyan!”

 

“Bakit? Best friend mo naman ako, ah. Tayo lang makakaalam.”

 

Sinasakal na yung guardian angel niya pero dinedma lang ito ni Ryul. Ramdam niyang makukumbinsi niya na si Ohyul. Kabisado niya ito. Alam niyang napapaisip ang binata. Alam niyang abot-kamay niya lang ang matamis nitong oo.

 

“Paano?”

 

“Ha?”

 

Niluwa ni Ohyul ang lollipop at sinalubong siya sa mata.

 

“Hindi ako marunong humalik.”

 

Parang naka-shoot ng three points si Ryul nang marinig iyon.

 

“Ako bahala. Tuturuan kita.”

 

Sa bawat hakbang niya papalapit ay sabay din sa urong paatras si Ohyul. Saka lang naestatwa si Ohyul nang tumama ang likod niya sa lamesa.

 

Mariin na lumunok si Ryul nang titigan niya ang labi ni Ohyul na nakaawang. Parang malagkit pa iyon dahil sa pinaghalong lip balm at lollipop.

 

“Dahan-dahan lang?”

 

Tumango si Ohyul. Magaan ang kamay na inabot ni Ryul ang pisngi nito. Napangiti siya nang makitang nakapikit ito.

 

Ito ba ’yung galit kanina? Pikit na pikit ngayon, oh.

 

Pinagdampi lang muna ni Ryul ang mga labi nila. Bukas ang mata niya para sa kung ano man ang reaksyon ni Ohyul. Nang wala namang magbago sa mukha nito ay doon niya inunti-unting papakin ang labi ng binata.

 

Sa una patikim-tikim lang pero nang malasahan niya na ang tamis ay humigpit na ang kamay niyang nakahawak sa panga ni Ohyul.

 

Tama nga ang hula niya. Matamis ang labi ni Ohyul. Lasang-lasa niya ang lip balm at lollipop nito. Kung matagal na sana nila itong ginawa, edi sana wala silang problema, ’di ba? Pabebe pa kasi si Ohyul eh.

 

Pinasok na ng dila ni Ryul ang bunganga ni Ohyul. Mariin na rin ang kaninang nahihiyang halik. Hinapit nito ang batok ni Ohyul para masubsob pa lalo sa bibig niya.

 

“Sa-sandali,” saglit na pinakawalan ni Ryul ang labi nito at pinaulanan naman ng halik ang panga ni Ohyul. Dinilaan niya ang pisngi nito pababa sa leeg.

 

“Ryul,” dalawang kamay ni Ohyul ang sumabunot sa kanyang buhok para iangat siya muli at ipagpatuloy ang halikan nila. Niyakap ni Ryul si Ohyul. Balat sa balat kung magdikit ang katawan nila ngayon.

 

Umupo si Ryul sa upuan habang kandong si Ohyul. Fast learner si Ohyul. Iyon nga ang dahilan kung bakit naging leader ito ng grupo nila. Gamit na gamit ang pagiging fast learner nito sa mga tinuro ni Ryul. Hindi tulad kanina, mayabang nang nakikipagsabayan ngayon si Ohyul sa kanya sa palaliman ng halik.

 

Nilalaro na rin ng dila nito ang piercing niya. Marunong na rin sumisid. Sobrang layo sa kaninang Ohyul na kabado.

 

Napangisi si Ryul nang hawakan niya ang bewang ni Ohyul at diniinan ang pagkakaupo nito.

 

“Tangina?”

 

Umubo si Ryul nang suntukin siya ni Ohyul sa tiyan. Umalis ito sa kandungan niya habang nagpupunas ng labi.

 

“Gago ka!”

 

“Anong ginawa ko?”

 

Takang-taka si Ryul habang hawak pa rin ang tiyan. Habang si Ohyul ay tumakbo na palabas ng kwarto niya. Ano ’yon? Salisi gang? Matapos makahalik, biglang takas?

 

Napahimas na lang siya ng mukha at pinakiramdaman ang sarili.

 

Ligo. ’Yon ang kailangan niya. Lokong Ohyul ’yon—matapos niya dalhin sa langit, suntok sa tiyan yung isosukli sa kanya.