Actions

Work Header

pagtingin

Summary:

Matagal nang magkaibigan si Buck at Eddie. Sa kabila ng tawanan at sigawan sa classroom, ano kayang nakatago sa mga asar at ngiti nilang dalawa?

Notes:

(See the end of the work for notes.)

Work Text:

san ka na ? d2 na c maam

Habang inaayos ni Buck ang kanyang uniporme, pasimple siyang nagtext kay Eddie na ngayo’y wala pa sa classroom. Paalis na ang adviser nila at malapit nang magsimula ang first subject. Ayaw pa naman ni Ms. Cruz ng late.

ml gusto, pasok ayaw?

Nagtatype pa ulit ng message si Buck nang bumukas ang pinto sa tabi niya. Bilis-bilis pumasok si Eddie habang nakangiti nang nakakaloko. “Miss na miss mo naman ako Buck. Para kitang chix kung magmessage ah,” bulong ni Eddie sa kaliwang tenga niya. Nasa likurang bahagi sila ng classroom nakaupo at sila talaga yung definition ng ‘boys at the back’ na sobrang ingay, bihirang makinig, at hindi nagseseryoso sa klase.

“Nagdala ka pa bag tangina ballpen lang naman dala mo,” banat ni Buck

“Gago syempre alangan namang wala akong bag? Ikaw talaga ‘tol, lala mo rin e ‘no,” sagot ni Eddie. “Ikaw nga ang baba ng bag mo, hindi ko naman pinuna. Nasa bandang pwet na nga lagi yang Jansport mo,” dagdag niya.

“Yun oh, inis ka ba kasi ‘di mo kita pwet ko?”

“Asa ka gago.”

Araw-araw puro pag-iingay lang sa klase ang alam ng dalawa. Papasok na loko-loko, syempre uuwi pa ring loko-loko. Hindi naman sila yung tipo na napapapunta sa principal’s office pero minsan ay muntikan nang mapapunta sa guidance office.
——————————————————

Naglalakad ang dalawa papunta sa mall na malapit sa school nila para magpalamig. Meron silang PE kaya hingal at pagod ang inabot nila sa kanilang last subject.

“May isusuot ka na ba?” tanong ni Buck kay Eddie na may hawak na bote ng Coke Mismo na hinahampas sa mga pader na nadadaanan nila. “Sa students’ night? Wala pa boss. Ano nga ulit theme non?” sagot niya.

“90s pre. Baka magsuot nalang ako ng oversized shirt. ‘Yun lang naman ‘yun diba?”

“Ewan ko gagi, ‘di ko narinig yung announcement na ‘yan e,” sabi ni Eddie sabay tawa.

“Kailan ka ba nakinig?” sabi ni Buck na siyang tumakbo na agad papalayo dahil alam niyang tutuktukan siya ni Eddie.

——————————————————

Halos araw-araw ganito ang tagpo sa magkaibigan. Papasok, gagala, tapos gagala pa ulit, tapos uuwi na pero baka mag-aya pa ‘yan magtuhog sa may terminal. Hindi sila magkalapit ng bahay pero sabay silang umuuwi dahil nasa iisang ruta lang sila ng jeep. Minsan nagkakasabay sila pumasok pero bihira dahil nga palaging late si Eddie. Sa sobrang close ng dalawa, lagi silang nasasabihan na baka raw magkapalit na sila ng mukha. Ang OA daw nila sabi ni Buck.

Mayroon ding mga oras na tinutukso silang dalawa ng iba pa nilang kaibigan at kaklase. Minsan natutuwa si Buck, minsan nakikisali pa si Eddie, pero may isang pagkakataon na hindi kumibo si Buck noong sinabi ni Ravi, na malapit din nilang kaibigan, na bagay daw sila.

“Bakit bigla mo namang nasabi yan?” tanong ni Buck.

“Ewan ko, you guys click. Nakikita ko ‘yun pero alam ko na mas naiintindihan niyo ‘yun, at hindi malabong nararamdaman niyo rin ‘yun.”

Ha? Ano raw??

“Tol, nahahawa ka na rin sa mga kaklase natin e. Kakanood niyo ng mga romcom at BL ‘yan eh.” sagot naman ni Buck.

“I mean nagsasabi lang naman ako ng observation ko. Nakita ko kasi kayo kahapon na naglalakad pauwi. Ang saya niyo tignan eh. ‘Di naman ako magugulat. Nagfifit talaga kayo. Basta. Gawin mo na muna ‘yang reflection paper na yan.”

Magsisinungaling si Buck kung sasabihin niyang hindi niya pinag-isipan ang mga katagang binitawan ni Ravi. Ibang klase ng comfort naman kasi talaga ang mayroon siya tuwing magkasama sila ni Eddie. Pero sapat ba ‘yun para sabihing gusto niya ang best friend niya? Ewan. Hindi alam ni Buck at hindi niya rin alam kung gusto niyang alamin pa.

——————————————————

Thursday, dalawang araw ang bago ang student’s night.

Saktong isang linggo na simula nang isipin ni Buck ang mga ideya na baka nga nahuhulog na siya kay Eddie.

dami pang gustong sabihin
ngunit ‘wag na lang muna

Hindi alam ni Buck kung napapansin ni Eddie na parang ang lalim ng iniisip nito tuwing magkasama silang magsolve ng algebra sa likod kahit na mali o tuwing naglalakad sila papuntang terminal. Sa isip-isip ni Buck, paano ko ‘to magugustuhan e ang hilig nga akong asarin nito? At saka kilalang-kilala niya ‘yun e, napakalabong mahulog siya rito.

Pero kung hindi niya gusto si Eddie, bakit ba puspusan niyang iniisip ang lahat ng ‘to? Hindi ba dapat kalmado at mapayapa na siya ‘pag sinabi niya sa sarili niyang kaibigan lang ang tingin niya sa kanya?

hintayin na lang ang hanging
tangayin ang salita

Napapansin ni Eddie na iba ang kilos ni Buck. Napakaobvious. Kilalang-kilala ni Eddie ‘yang kaibigan niya. Sa isip niya, baka may problema lang sa bahay. Magsasabi naman si Buck sa kanya kung mayroong problema sa bahay o kahit ano pa man ‘yan. Ganun naman yung turing nila sa isa’t isa e. Napakacorny pakinggan pero sandalan ng isa tuwing kinakailangan.

“Haha corny puta,” mahinang bulong ni Eddie habang naglalakad mag-isa. Hindi niya alam kung nasaan si Buck pero sabi ni Ravi ay nauna na umuwi. Baka nagmamadali raw kaya hindi na inantay si Eddie dahil assigned cleaner siya.

bat umuwi k na agad hahaha grabe kaibigan m pa ba ako

Hindi nakatanggap si Eddie ng reply mula kay Buck kaya naisip niya na kakausapin niya na lang ito bukas. Hindi naman sila ganito ni Buck noon eh. Nagkakasagutan at nag-aaway pa nga sila noon pero hindi naman ganito katagal. Aaminin ni Eddie na medyo matampuhin siya kumpara kay Buck pero may mga oras naman na nagpapakumbaba siya, lalo na kung alam niyang siya ang mali. Iba talaga ang nararamdaman ni Eddie sa pakikitungo sa kanya ni Buck. Baka naman nga ay mayroon lang talagang problema sa bahay kaya lagi nang umuuwi. Bihira na lang din sila makapag-usap sa room dahil maraming groupworks ang ipinapagawa sa iba’t ibang subject at nagkataon pang hindi sila magkagrupo sa mga ‘yun. Kadalasan mang gago si Eddie, pero tunay naman ang pag-aaalala niya sa kanyang kaibigan.

——————————————————

Uwian. Friday na. Nag-aayos na si Buck ng gamit upang makalabas na ng school dahil nalimutan niyang bumili ng belt na isusuot niya sa students’ night bukas. Binitbit niya na ang bag at pinihit na ang pintuan palabas. Habang hahakbang na siya pababa ng hagdan, narinig niyang tinawag siya ni Eddie.

“Buck! Teka sabay ako!”

Lumingon sa likod si Buck at nakitang karipas na naglalakad palapit sa kanya si Eddie kung kaya’t nagmadali siya pababa ng hagdan. Muntikan na rin siyang sumubsob pero buti na lang ay napakapit siya sa railings.

Bakit ba kasi kailangan niyang umiwas? Bakit ba hindi niya masyadong pinapansin si Eddie? Ganito ba talaga dapat yung nangyayari ngayon? Ewan niya.

Hingal na hingal si Buck nang makalabas siya ng gate ng kanilang school. Paglingon niya sa likod, hindi niya na nakita si Eddie. Nakahinga na siya nang malalim. Kailangan ba talaga umabot pa sa ganito? Ewan niya pa rin.

Nagpatuloy na siyang maglakad habang iniisip ang mga katangahang ginagawa niya sa classroom nitong mga nakaraang araw para lang maiwasan ang best friend niya. Kadalasan ay nakikipagdaldalan siya kila Ravi na nasa bandang unahan ng silid kaya naiiwang mag-isa si Eddie sa likod. Nakipagpalitan din siya ng grupo sa ilang subject para hindi sila magkasama ni Eddie sa iba’t ibang gawain. Tuwing naglelecture sa iba’t ibang subject, pinipilit na lang ni Buck makinig o ‘di kaya’y magdrawing ng mata at pirmahan ang likod ng notebook niya kesa pansinin si Eddie na minsan ay nagjojoke o nagtatanong sa tabi niya. “Kaunting oras pa. Baka naman masigurado ko na. Parang hindi ko na rin kaya ‘to,” mahinang bulong ni Buck sa sarili at huminga nang malalim.

Nang makauwi siya, inilapag niya sa lamesa ang binili niyang belt, katabi ang denim jacket at denim pants niyang isusuot bukas. Nang umupo siya sa kanyang kama at buklatin ang kanyang cellphone, nakita niya ang mensahe ni Eddie sa kanya noong uwian.

ano ba problema mo tangina magtatanim na talaga ako ng galit sayo

Si Eddie naman, nakaabang sa cellphone niya para sa reply ni Buck. Alam niyang nakita na ni Buck ang message niya at lalo lang siyang nainis na hindi ito nagreply. Hindi niya na alam kung anong gagawin niya sa kaibigan niyang ‘yan. Nagtanong naman siya kay Ravi kanina kung bakit parang hindi siya pinapansin ni Buck pero ang nasabi lang ni Ravi ay “Oo nga ‘no? Pero wala naman siyang nababanggit sa akin eh. ‘Yan lagi mo ata kasi ginagalit eh kaya ‘di ka pinapansin,” natatawang sabi ni Ravi.

Malalim na ang gabi pero tila mas malalim pa rin ang iniisip ni Buck. Naaalala niya yung mga mata at tawag ni Eddie sa kanya noong uwian na siyang ikinadurog niya rin. Bakit ba siya nadudurog? Kahit nga masapak pa ‘yun dati tatawanan niya lang at hindi na iisipin.

“Shet. Gusto ko na nga ata talaga yung gagong ‘yun.”

‘wag mo akong sisihin
mahirap ang tumaya
dagat ay sisisirin
kahit walang mapala

Iniisip ni Buck, ngayong medyo sigurado na talaga siya sa nararamdaman niya kay Eddie, sasabihin niya ba? Baka hindi. Dapat hindi.

Ngayong alam niya na at wala nang kaguluhan sa utak niya, baka naman makamove on na siya. Ganon ‘yun diba? Dapat ganon ang mangyari. Miss niya nang maging kaibigan si Eddie. Kaibigan lang. Kaibigan na walang tinatagong katiting na nararamdaman.

——————————————————

Sabado, alas sais na ng gabi. Nagsimula nang gumulong ang programa ng student council para sa student’s night. Hindi mapakali si Buck sa upuan niya. Sinabi niya na kanina sa sarili niya habang nakatingin sa salamin na hindi niya na iiwasan si Eddie ngayon. Gagawin niya na ulit ‘normal’ ang pagkakaibigan nila. Back to regular programming, sabi ni Buck. Kanina pa sumusulyap sa upuan ni Eddie ngunit wala siyang nakita kahit anino nito.

“Itext ko ba?” mahinang tanong ni Buck sa sarili.

Lumalakas na ang tugtog at ang energy ng mga studyante sa covered court ay patuloy na ring tumataas. Umalis muna si Buck sa may dancefloor para icheck ang cellphone. Pagkakita niyang walang ni isang mensahe ay ibinalik niya ito sa bulsa ng kanyang maong at akmang babalik na sa dancefloor sa mga kaibigan niya ay tumigil sa kanyang harap si Ravi.

“Pogi natin ngayon ah!” biro ni Ravi sa kanya habang umapir kay Buck. “Syempre bihira lang ‘to eh!” sagot niya naman.

“Nakita mo ba si Eddie? Ba’t wala siya?”

“Hindi ko naman siya nakausap ngayong araw eh. Baka late lang. Hoy ayusin niyo nga ‘yang kung anong meron sa inyong dalawa. Please lang. Halatang-halata na hindi kayo nagpapansinan eh,” sagot sa kanya ni Ravi at mabilis nang tumungo sa gigna ng dancefloor.

Naisip ni Buck na maglakad muna at magpahangin. Parang hindi niya naman maramdaman yung saya ng event na ‘to kahit na lubos na ang sigawan sa covered court.

“Tangina bakit ba ganito? Kasalanan ko ‘to eh puta. Bakit ba— bakit ba kasi kailangan ko pang maramdaman ‘to? Tangina Ravi kasalanan mo ‘to eh. Pero kasi matagal na atang nakatago ‘yun sa akin. Ayoko na tangina gusto ko na umuwi.”

Makalipas ang ilan pang mura at tanong sa sarili, naisip ni Buck na kunin na ang gamit sa table at umuwi na. Habang naglalakad siya sa may dancefloor, nakita niya ang si Eddie na nakaupo sa isang sulok, nakatalikod sa mga tao sa dancefloor.

Nilapitan niya ito at umupo sa bakanteng upuan sa tabi ni Eddie. Nakatutok siya sa kanyang cellphone at nang maramdaman niyang may humatak sa upuang malapit sa kanya ay nakita niya si Buck na nakangiti na para bang walang nangyari.

Kumunot ang noo ni Eddie at nagscroll na lang ulit si Eddie sa cellphone niya.

“Pssst. Grabe ‘to hindi namamansin,” asar ni Buck.

“Tangina mo pala eh ‘no?” pabalang na sagot ni Eddie. Nagulat si Buck sa naging reaksyon ng kaibigang hindi niya rin pinansin nitong nakaraang linggo. Nang magsasalita ulit siya, padabog na umalis si Eddie sa kanyang upuan at dali-daling lumakad papuntang grass area. Agad din siyang tinawag at hinabol ni Buck.

Katulad ng tagpo noong nakaraang araw, mayroong isang hindi namamansin at mayroon ding patuloy na tinatawag ang isa.

Binilisan ni Buck ang lakad—baka nga takbo na ‘yon eh, para harapin si Eddie. Hinawakan niya ang kamay nito at pinigilan siyang makalayo pa. Sa hingal ni Buck, tumigil muna siya ng ilang segundo habang hinahabol ang hininga habang hawak-hawak pa rin ang kamay ni Eddie.

“Tangina bitawan mo nga ako!” sigaw ni Eddie sa kanya. Buti na lang at medyo malayo sila sa mga tao at nalulunod din ito sa mga pinapatugtog na party songs. Nagulat si Buck dahil ngayon niya lang nakita na galit si Eddie sa ganitong paraan.

“Teka mag-eexplain ak—“ hindi na natapos ang sasabihin ni Buck nang galit uling sumagot si Eddie.

“Tangina ngayon mag-eexplain ka?! Ilang beses na akong nagreach-out at nagtext tapos ang kapal ng apog mo ngayong magpaliwanag kung kailan ayaw ko na ‘yun marinig? Buck tama na. Kung ayaw mo akong maging kaibigan pa, sana sinabi mo na lang. Kung may nagawa ako, kahit tarantado ako, kaya ko namang magsorry eh! Kasi pinapahalagahan ko yung pagkakaibigan natin. Nakakapagod kayang isipin kung may nagawa ba akong mali o kung okay ka lang ba kung meron ka mang pinagdaraanan kasi hindi mo naman sinasabi sa akin. Nakakapagod Buck! Kaya kung ayaw mo akong kausapin, alam ko naman yung pwesto ko. Tapos na akong magmukhang tanga tapos tatakbuhan lang din ako. Ayaw ko nang mag-isip, Buck.”

‘Yan na ata ang pinakamahabang sagot ni Eddie sa kanya. Alam naman ni Buck na mali ang ginawa niya pero pursigido na talaga siyang maibalik ang samahan nila ni Eddie sa dati. Kahit pa ang kapalit noon ay ang sapilitang pagkalimot sa nararamdaman niyang ngayon niya lang matatanggap—at aaminin.

Tumalikod na si Eddie kay Buck ngunit pinigilan ulit siya nito at mas hinigpitan pa ang hawak sa kamay ni Eddie.

“Bitawan mo ‘ko! Putangina sasapakin na talaga kita Buck, umayos ka!”

“Wait, Eddie. Mag-eexplain ako pre, pakinggan mo,” nagmamadaling sabi ni Buck habang dahan-dahang binibitawan ang kamay ni Eddie.

“Kaya talaga kita iniwasan kasi..” mahinang saad ni Buck. Sandali siyang tumigil at umiwas ng tingin sa kaibigan niya.

“Kasi ano?”

“Kasi parang nagugustuhan na kita.” malumanay na sabi ni Buck.

‘pag nilahad ang damdamin
sana ‘di magbago ang pagtingin

“Tangina anong kagaguhan ‘yan, Buck? Gumawa ka pa talaga ng rason ha? Grabe ka naman pre haha. ‘Di mo naman na kailangan ijustfy kung ba’t ka ‘di namamansin. Nagsinungaling ka pa talaga,” hindi makapaniwalang sambit ni Eddie.

“Sorry talaga kung umiwas ako. Sadyang bago lang ako sa lahat ng ‘to, okay? Bago lang lahat sa akin. Mali ko naman talaga, pero sana ‘wag mo naman iinvalidate yung nararamdaman ko. Alam mo bang kanina pa kita hinahanap? Ilang beses na akong nagtanong kay Ravi kung nasaan ka. Bwisit na nga ‘yun sa akin sa totoo lang. Tapos nung nakita kita, hindi ko na talaga napigilang lumapit sa’yo. Kasi ano…”

“Kasi ano na naman?” inis na tanong ni Eddie.

“Kasi ang gwapo mo ngayong gabi. Alam mo last week iba na talaga tingin ko sa’yo e. Dati hindi ko naman pinapansin yung tawa mo. Yung ngiti mo. Pati nga yung mata mo napapansin ko na rin. Urat na urat akong pumunta sa event ngayon kasi gusto kong makita yung isusuot mo. Gusto na kitang makita. Gusto rin nga kitang makasayaw kahit na ang corny pero magsisinungaling naman ako sa sarili ko kung sabihin kong hindi. Tangina kung ‘di kita gusto, e ano lahat ng ‘to? Kung nabibilisan ka sa mga nangyayari, ako rin e. Ewan ko ba kung iiwasan na lang kita para matapos na ‘to o itutuloy ko ‘to kahit na alam kong galit na galit ka sa akin. Hindi ko na alam gagawin ko pre. Hindi ko na rin alam sinasabi ko ngayon pero sorry talaga. Ang gago ko na iniwasan at iniwan na lang kita bigla. Pero hindi ba ‘dun lang din naman punta nitong pagkakaibigan na ‘to hahaha. Sensya na nasira ko pagkakaibigan natin. Pero ngayong alam mo na, maniwala ka sa akin na totoo lahat ng ‘to. Ilang beses ko nang hiniling na sana nga hindi na lang totoo pero ‘di naman kaya ng pagkagago ko ‘yun. Kaya ko atang magsinungaling sa lahat bukod sa’yo at sa sarili ko.”

Nakatitig lang si Eddie kay Buck habang sinasabi ang lahat ng nararamdaman niya. Hindi niya talaga alam kung ano ba ang mararamdaman niya. Bakit parang ang bilis? Bakit ang gulo? Bakit parang akala ni Buck tapos na agad yung pagkakaibigan nila? Ano raw?

Nakatitig lang din si Buck kay Eddie. Kay Eddie na nasisinagan ng iba’t ibang kulay ng ilaw. Ngayong natignan niya nang maayos ang kaibigan, tangina ang gwapo nga. Tinitigan niya na lang nang maigi si Eddie na halatang naoverwhelm sa mga sinabi niya. Baka raw ito na yung huling beses na matitigan si Eddie nang ganito kalapit kaya sinulit na niya.

Ngayon lang din naisip ni Buck na tuluyan na ngang nagkalamat ang pagkakaibigan nila. Sinubukan niya naman talagang itago. Umiwas talaga siya dahil baka sakaling masamang hangin lang ang dumarampi sa kanya nung nakaraan pero wala e.

Wala pa ring nagsasalita sa kanilang dalawa. Hindi na kinakaya ni Buck ang tensyon sa pagitan nila kaya siya na ang naglakas-loob ulit para magsalita.

“Sige, mauuna na ako. Sobrang nahihiya na ako sa mga nangyayari hahaha gusto ko na lang sumigaw sa unan. Sorry ulit Eddie. Ingat ka pauwi,” nagmamadaling sabi ni Buck. Tumalikod na siya at akmang tatakbo na pabalik sa kanyang table para kunin na ang gamit nang bigla siyang hawakan sa braso ni Eddie.

“Aalis ka na naman ulit?” mahinang sagot ni Eddie na siyang nakapagpatigil kay Buck.

“Paano tayo sasayaw niyan kung aalis ka na agad?”

Notes:

buddie bilang boys at the back… i mean…