Work Text:
"Pakiramdam ko talaga, dapat sa ibang era ako pinanganak e," sumbat ni Namtan habang hawak-hawak ang special edition vintage na bote ng Pepsi na nabili niya lang naman sa 7-Eleven na nasa baba ng hotel nila.
"Gutom lang 'yan." Inabutan siya ni Emi ng platong may dimsum. "Kahit ako, mababaog kapag inuna ko ang Pepsi kaysa pagkain."
Napairap na lang si Namtan.
"At tsaka dapat nag-e-enjoy tayo dito sa Hong Kong! Masarap daw ang pancit dito!"
Tahimik na lamang siyang sumabay sa dalawa niyang kaibigan na kumakain, pero 'di maalis sa isip ni Namtan ang mga sinabi niya.
_________
"Mylabs, ano ba naman 'tong hotel na na-book mo? Si Ed Caluag ba tayo para dito mag-stay? Ang luma naman." Kitang-kita ang pangingilabot ni Bonnie habang nakahawak siya sa nobya niyang hatak-hatak ang mga karitong bagahe.
"Sabi kasi ng tukmol diyan, gusto niya ng vintage feel. Sisihin mo siya, mylabs. Huwag ako." Niyapos niya ang braso ng naiinis na nobya.
"Diyos ko naman, isang linggo tayo dito tapos ganito? Asan na ba 'yun at mai-alay sa mga kaluluwa rito?"
Natawa si Emi sa nobya niyang halatang natatakot, pero may time pa rin talagang mainis kay Namtan.
E kasi naman, hindi naman siya mukhang marupok, pero sobrang luma na talaga ng hotel na pinasukan nila.
Sabi nga ng receptionist e apat na dekada na raw itong nakatayo, at na-survive pa talaga ang World War.
"Andun na sa kwarto niya at ayaw niya raw tayong ka-share." Tawa ni Emi sa sarili.
"Bakit daw?"
"Ayaw niya raw makisali sa pag-gawa natin ng baby."
Tinignan siya ni Bonnie ng masamang tingin. "Hanggang dito ba naman, ayan pa rin ang nasa utak niyong dalawa?"
Natawang bahagya ulit si Emi habang tulak-tulak na ang bagahe at ang kaniyang nobya.
"Bilisan mo na para makarami tayo."
_________
Maganda ang kwarto ng hotel. Malinis at halatang alagang-alaga. Pakiramdam ni Namtan ay bumalik siya sa makalumang panahon, noong naglipana pa ang mga gang at gyera sa Hong Kong.
Gagala sana sila para sa sikat na night market dito, pero hindi na natuloy dahil bago pa man sila makagala, e sinalubong na sila ng malakas na ulan sa lobby. Babagyo pa ata.
Badtrip na naman si Bonnie.
Kaya ayun, sinuyo siya ni Emi at napa-book ng five-star restaurant na nakalagay sa tuktok ng hotel. Hinayaan na lang sila ni Namtan mag-suyuan, at ganun talaga ang dalawang 'yun.
Gusto niya rin naman magpaiwan mag-isa at magbasa. Bilang isang rookie director, napahilig talaga siya sa historical setup dahil sa mysterious vibes na binibigay nito sa mga manonood, kasama na siya.
Isang historical-themed drama ang binabasa niya ngayon sa kwarto dahil sa nakakasabik ang mga tagpo, kaya sabik na rin siyang basahin at tapusin ito. Dinig na dinig ang malakas na kulog na halos yumanig na sa buong silid.
Walang ano-ano'y nag-ring ang lumang telepono na akala ni Namtan ay display lamang.
"Hello?" sagot ni Namtan.
"Hello, sino ito? Ikaw 'yung tumawag sa akin," sabi ng isang babae sa kabilang linya sa salitang Ingles.
"Ay, ikaw ang tumawag sa akin." Na-weirduhan man ay sinagot niya pa rin ang tumawag na babae.
Natahimik naman ang babae nang bahagya.
"Ha? Hindi ako ang tumawag sa'yo. Ibaba ko na."
Napakamot na lang sa hindi makati si Namtan.
Hanggang Hong Kong ba naman, pagti-tripan siya ng mga tao?
"Okay."
Pabalik na sana sa pagbabasa si Namtan nang mag-ring muli ang telepono.
"Hello?"
"Nananadya ka ba?" Ingles na ngayon ang gamit ng babae.
"Ikaw ang tumawag, seryoso," sagot din ni Namtan sa paputol-putol niyang Ingles. Hindi niya naman kasi alam na masusukat ang English skills niya sa kung sino mang tumatawag sa kaniya.
"Teka, tunog Thai ka."
"Kasi Thai ako," naiinis na singhal ni Namtan. "Asan ka ba? Baka sira 'tong phone."
"Nasa hotel sa Granville ako ngayon," sagot ng babae. "Siguro ay may malfunction ang model na ito dahil bagong labas pa lang ito sa publiko."
"Baka 'yung sa'yo lang. Parang kay lolo ko na kasi ata itong sa akin e. Tumawag ka na lang sa front desk, please."
"Bakit ako ang tatawag?" Narinig ni Namtan ang buntong-hininga galing sa kabilang linya.
"E baka kasi sabi mo may problema 'yang model mo."
"Fine. Bye."
Napatingin na lang si Namtan sa telepono nang patayan siya ng babae. Hindi niya na lang inisip ang mga pangyayari at bumalik na lang sa pagbabasa.
_________
Pagod na pagod galing pamamasyal si Namtan.
Gusto niya na lang talaga magbabad sa bathtub ng hotel habang umiinom ng wine at ngumunguya ng mamahaling cheese. Hindi niya namalayang nakatulog na pala siya sa tub kung hindi nag-ring ang telepono.
Muntikan pa talaga siyang mamatay sa Hong Kong, Diyos mio.
"Hello?" sabay nilang sabi sa mouthpiece na ikinatawa nilang dalawa.
"Akala ko ba magrereklamo ka na sa front desk?" unang nagtanong si Namtan sa babae.
"Nagreklamo na ako at mukhang walang nangyari. Okay naman daw ang model ng teleponong ito. Bago daw kasi; baka daw ako ang hindi marunong gumamit. Akalain mo 'yun, ittrato nila ako na para bang isang lola?"
Napatawa nang malakas si Namtan sa loob ng kwarto niya.
"iPhone nga, marunong ka. Telepono pa kaya?"
"Ano 'yun?"
Ay, baka Android user.
"Wala! O siya, ibaba na natin at mukhang may gagawin ka pa ata..."
"Teka lang!" pagpigil ng babae sa telepono. "Manonood kami ng sine kasama ang kaibigan ko, at nakakaburyo na intayin siyang mag-ayos."
"Bakit mo naman kinukwento ito sa akin?"
"Ah... eh..." Rinig ni Namtan sa telepono ang parang pagpipigil ng babae sa kung ano mang gusto niyang sabihin.
Bigla tuloy na-curious si Namtan.
"Baka pala busy ka. Sige, sa susunod na la—"
"Hindi ako busy." Mabilis na sagot ni Namtan.
Totoo naman kasi. Kung hindi sa babae ay baka tulog pa rin siya sa tub, at malay na lang ng lahat kung bigla siyang malunod doon, 'di ba?
"Ano nga palang pangalan mo?" tanong nito.
"Ang pangalan ko ay Bambi."
"Wow, tunog mayaman naman 'yan. Ako naman si Namtan."
"Sugar ang ibig sabihin niyan sa Thai, hindi ba?"
"Oo."
"Katulad mo siya. Ang sweet."
Tinago na lang ni Namtan sa malakas niyang tawa ang kilig na naramdaman niya sa sinabi ng babae.
_________
Parang maaasahang orasan, sa tuwing papatak ang alas otso ay kusang tumutunog ang telepono sa kwarto ni Namtan.
"Bambi?" hula niya.
"Nananadya ka na talaga." Matamis na tawa ang bumalot sa tenga niya. "Bakit ka napatawag?"
"Huh? Ikaw kaya ang tawag nang tawag diyan. Paano mo ba nakuha ang numero ng teleponong ito?"
"Hindi ko alam. Bigla na lang tumutunog ang telepono ko, kaya sinasagot ko. Pero ibigay mo na rin sa akin ang numero mo."
Saglit na natigil si Namtan para basahin ang numerong nakasulat sa teleponong nasa loob ng kwarto niya.
"Ayan," sambit niya. "May number ka na ng idol mo."
Napatawa ang dalaga sa kabilang linya. "Sobrang taas talaga ng kumpiyansa mo sa sarili."
"Hindi ah! Kung mataas, e 'di sana niyaya na kita sa labas."
Tila natigilan ang babae sa kabilang linya bago nagsalita muli.
"Gusto mo ba?"
"Ha?"
"Okay lang sa akin. Pero huwag ngayon at may lakad kami ng papa."
Natigil sandali si Namtan bago mabalot ng pula ang buong mukha niya. Hindi niya akalain na sa simpleng biro ay seseryosohin siya ni Bambi. Nahihiya na nga siya sa boses pa lang ng dalaga na sobrang tamis, tapos makikita niya pa sa personal?
Pero bahala na. Chance niya na itong umuwing may girlfriend.
"Bukas kaya?" Matapos ang ilang sandali ay naitanong niya na rin.
"Hmm... sige."
Habang dumadaan ang araw ay mas lalong napapasarap ang usap ng dalawa. Minsan ay hindi maintindihan ni Bambi ang kung ano mang sinasabi ni Namtan sa kaniya. Natutunan din kasi ni Namtan na sobrang strikto pala ng amain nito, kaya limitado lang ang alam niya.
Kasi, sino bang hindi may alam ng 7-Eleven?
Hindi niya na lang tinanong masyado at baka mapagod na ang dalaga kaka-isip.
__________
"Hindi rin kasi ako mahilig bumisita sa social media ko, kaya minsan nahuhuli ako sa balita." Kwento ni Namtan. "Pero mahilig naman ako magbasa ng mga libro at diyaryo."
"Ako naman ay mahilig makinig ng radyo para subaybayan ang mga kuwentong nagugustuhan ko."
"Bagay talaga tayo." Asar ni Namtan sa babae.
"Ano, ice cream tayo sa labas? Ang lungkot ng panahon ngayon at ang init."
"Sige, kita tayo sa lobby!" Masiglang tugon ng babae. "Ano bang suot mo?"
Tinignan ni Namtan ang damit niyang pang-itaas.
"Naka-blue akong polo at simpleng white trousers lang. Pero ibigay mo pa rin sa akin ang cellphone number mo para sigurado tayong magkikita."
"Huh? Wala ako no'n, Namtan."
"Wow! Ganun ba kaistrikto ang papa mo?"
"Siguro nga," tawa ni Bambi.
"Kita na lang tayo sa lobby. Naka-dilaw akong bestida para malaman mo rin ang itsura ko ngayon."
_________
Dalawang oras naghintay si Namtan sa lobby, pero walang lumitaw na naka-dilaw na bestida o babaeng nagngangalang Bambi.
_________
"Inom ka lang, pre!" Hinagod ni Emi ang likod ng bugnutin nilang kaibigan.
"Kalimutan mo na 'yang mga pa-fall. Malay mo, poser pala 'yan?"
Isang hapon ay tumawag na lang si Namtan sa group chat nilang tatlo nina Emi at Bonnie para mag-ayang uminom. Batay sa mga ikinuwento nito sa kanila, minulto ata ang best friend nila.
Paulit-ulit pang sinasabi ni Namtan kanina, "Ako naman kasi magbabayad ng ice cream, e!"
"Ang saklap niyan, bes! Bilhan mo pa nga ako ng cocktail." Pabirong udyok ni Bonnie sa kaibigan.
"Tse!"
"Tama na kasi 'yan, te. Hindi mo pa nga nakikita 'yung tao, ganiyan ka na umasta."
"Ganda kasi ng boses niya... Uto-uto talaga ako..." Akmang iiyak sana si Namtan, pero nauna atang umakyat ang alak sa lalamunan niya.
"Ano ba naman 'yan! Di susuka at lalong di susuko tayo, di ba?!" Sagip ni Emi na humingi naman ng saklolo kay Bonnie para buhatin ang kaibigan nila palabas ng club na nasa tapat lang ng hotel, pabalik sa kwarto niya.
Muntik nang hindi umabot si Namtan sa inidoro.
Nang ilalabas na niya lahat ng sama ng loob niya pati na rin ang Peking duck na pinatikim sa kaniya nina Emi at Bonnie, gumapang naman siya papunta sa lumang telepono.
Inangat niya lang ito. Sinubukan niyang magsalita sa mouthpiece kahit alam niyang wala nang kuwenta pang makipag-usap sa ghoster na si Bambi.
"Bambi–"
"Namtan?"
Sobrang kalasingan na lang talaga siguro ni Namtan at nagha-hallucinate na naman siyang may kausap siya.
"Namtan naman!! Anong oras na at napatawag ka? Saan ka ba galing? Naghintay ako buong araw sa'yo sa lobby."
Napamulat saglit ng mata si Namtan.
Totoo nga, kinakausap nga ulit siya ni Bambi.
"Hindi akwoah tumawah sa'yo..." Pilit niyang sambit. "Lasing ako."
"Ah, okay..." Maririnig sa kabilang linya ang singhot ni Bambi na para bang nasa kalagitnaan siya ng pag-iyak.
"Alam ko namang ayaw mo akong makausap, kaya nga hindi mo ako kinita, di ba?"
"Anong–" Kumunot ang noo ni Namtan sa narinig. "Alam mo problema sa'yo? 2026 na, pero ghoster ka pa rin! Sabi mo five minutes ka lang mag-aayos, bakit ka inabot ng buong araw?"
"Anong sabi mo?"
"Ang sabi ko, ghoster ka!"
"Hindi," tila ay natigil ang pagsinghot ni Bambi. "Anong taon na kamo ang sabi mo?"
"Wala ka bang phone para i-check ang calendar? 2026 na nga kasi. Ang kulit mo naman."
"Lasing ka na talaga." Rinig ni Namtan ang pagkaluskos ni Bambi sa mga gamit niya na para bang may pupuntahan.
"1965 pa lang. 361 ang room mo, di ba? Pupuntahan kita diyan."
Hindi na pinatay ni Namtan ang tawag.
_________
"Namtan, sabihin mo naman kung niloloko mo ako." Hagulgol ni Bambi sa kabilang linya, halatang kakabalik niya lang sa kwarto niya.
"Isang linggo nang walang umuupa sa room 361." Patuloy nito.
Alas-singko na at nakatulog na si Namtan habang hawak-hawak ang telepono. Hindi na niya narinig o naintindihan ang mga sinabi ni Bambi, na tuloy-tuloy ang pag-iyak sa kabilang linya.
________
Pagkagising ni Namtan kinaumagahan, ay tinawagan niya agad si Bambi.
Hindi niya matandaan, pero narinig niya sa kaniyang panaginip ang pag-iyak ng dalaga. Ghoster man ito, ay nag-aalala pa rin siya rito.
Kasi paano kung istrikto lang pala ang papa niya at pinigilan siyang kitain si Namtan no'ng araw na iyon?
Ngunit nang sagutin siya ni Bambi, isang malamig na boses lang ang bumungad sa kaniya.
"Huwag mo na akong tawagan, manloloko." Sabay pinatayan siya nito.
"Wait, Bambi–! Nakatulog lang naman kasi ako..." Sinubukan pang muli ni Namtan na tumawag, ngunit bigo siya nang wala nang sumagot sa mouthpiece ng telepono.
_________
Nang siya ay mas lalong nahimasmasan pagkatapos ng sinabi sa kaniya ni Bambi, ay dali-dali itong bumaba sa front desk para tanungin ang isyu sa kwarto niya.
"Ah, miss..." Tawag niya sa babaeng naka-toka sa baba.
"Yes?"
"May sira ata 'yung telepono sa taas at nagda-dial mag-isa ng number kahit hindi ko naman ginagamit." Sambit niya sa wikang Ingles.
Takang tumingin sa kaniya ang babae na para bang nawe-weirduhan sa sinabi ni Namtan.
"Ma'am, palamuti lamang po ang telepono sa lahat ng kwarto ng hotel at putol na po lahat ng linya nito. Imposible pong makapag-dial pa ang ganitong model."
Natulala si Namtan sa narinig.
"Ha?"
"Alam niyo bang ang telepono sa kwarto niyo ay galing sa showroom ng room 221?"
Pagkatapos ng rebelasyong iyon ay dali-dali siyang nagpaalam at sinabing baka nalasing lang siya kagabi. Ngunit dumiretso pa rin siya sa showroom 221.
Sa loob ay isang showroom ng mga vintage na gamit mula sa iba't ibang bansa. Sabi ng front desk ay ito raw ang silid ng anak ng may-ari ng hotel. Kumpleto ang mga gamit at ayaw itong ipagalaw ng anak.
Nalaman niya rin na lumipat na sa Thailand ang buong pamilya ng may-ari ng hotel dahil sa kagustuhan ng anak nito. Nagtaka pa nga no'ng una ang ama nito dahil wala naman silang kamag-anak sa Thailand para lumipat doon.
Binuksan ni Namtan ang isa sa mga drawer na wala nang laman, at doon siya nagkaroon ng ideya.
_________
Huling gabi na ng grupo sa Hong Kong.
Nakaplano talagang manonood silang tatlo ng fireworks sa kalapit na amusement park, pero dahil heartbroken si Namtan sa ghoster niyang ka-mu, ay nagpaiwan na lang ito sa kwarto niya.
Nakatitig lang siya sa telepono habang inaantay na sumapit ang alas-otso.
Pagpatak ng alas-otso ay sakto namang nag-ring ang telepono.
"Hindi ba't sinabi kong huwag mo na akong tawagan pa?" Bungad sa kaniya ni Bambi.
"Hayaan mo akong magpaliwanag ng kahit ilang minuto lang."
Rinig sa boses ni Namtan ang desperasyon dahil sa plano niya lang malalaman kung tama ang hinala niya.
Hindi niya narinig sumagot pa si Bambi, kaya nagpatuloy siya.
"Hindi ka ba nagtataka kung bakit laging alas-otso tumutunog ang telepono natin?"
"Pagod na ako para isipin pa ang mga ganiyang bagay."
Napangiwi na lang si Namtan, kaya iniba niya agad ang tanong.
"Nasaan ka ngayon?"
"Nasa kwarto ng hotel na pagmamay-ari ng papa ko." Inis na singhal sa kaniya ni Bambi.
Pero hindi na lang niya ito pinansin.
"Anong taon?"
"1965."
"Puwede bang humiling ng isang huling pabor sa'yo, Bambi?"
Natigil saglit ang kabilang linya bago siya nakarinig ng malalim na hininga. "Huling hiling na ito, Namtan."
Tumango naman si Namtan na para bang nakikita siya ni Bambi.
"Puwede ka bang maglagay ng litrato mo diyan sa pulang drawer ng kwarto mo? Pakisulatan na rin ng petsa."
"Paano mo nalaman na may pula akong drawer dito?" Takang tanong ni Bambi.
"Hindi na importante."
Nagtataka si Bambi sa tono ni Namtan na para bang nagmamadali, pero sinunod pa rin niya ito. Kumuha siya ng isa sa mga litrato niyang kuha ng papa niya sa kaniya, sumulat ng taong 1965, bago isinilid sa unang baitang ng pulang drawer niya.
"Tapos na."
"At bago ko makalimutan, pakisulat na rin ang number ko na ito at tawagan mo ako kapag sumapit na ang taong 2026." Dagdag ni Namtan habang pinaulit-ulit ang number na meron siya ngayon sa SIM card niya.
"Hindi ko maintindihan."
"Uuwi na ako ng Thailand bukas, Bambi." Nakangiti man, ay nanginginig na ang boses ni Namtan.
"Alam mo bang kahit ilang araw lang tayong magkausap ay may nararamdaman na agad ako sa'yo?"
"Bakit ganiyan ka magsalita?" Tila ay natatarantang sambit ni Bambi sa kabilang linya.
"Puntahan mo ako rito, Namtan. Isang baitang lang ang agwat natin. Room 221 ako."
Umiling si Namtan habang pinupunasan ang tumutulong luha sa kaniyang mga mata.
"Huwag na, Bambi. Basta tandaan mo, kahit anong panahon pa man tayo magkita, mahal na mahal pa rin kita."
Binaba na ni Namtan ang mouthpiece.
Pagkatapos no'n ay dahan-dahan niyang inangat ang cord ng telepono...
Hindi nga ito nakakabit sa kahit ano.
___________
Tapos nang mag-impake pauwi ang grupo.
Pero bago sila pumunta sa airport, ay dumaan muna si Namtan sa room 221.
Kinilabutan siya nang makita niya ang litrato ni Bambi sa loob ng pulang drawer na kahapon lang ay walang laman.
Sa likod nito ay may nakasulat na 1965, at may ilang marka ng patak ng di malaman kung ano.
_________
Nakauwi na sila ng Thailand.
Hanggang sa pag-uwi ay hindi pa rin siya tinatantanan nina Emi at Bonnie tungkol sa ghoster daw na nakilala niya sa Hong Kong. Ikinuwento pa talaga nila ito sa iba pa nilang mga tropa na sina Milk at Love.
Hindi sila naniniwala na galing sa nakaraan si Bambi, at wala na rin siyang plano na ipagpilitan ito sa kanila.
Ayun at may tumawag sa phone niya.
Unknown number.
"Hello?"
"Hello, Namtan?" Bumilis ang tibok ng puso ni Namtan nang marinig niya ang pamilyar na matamis na boses galing sa kabilang linya.
"Ako nga."
"May mensahe ako para sa'yo." Tugon ng babae.
Nagtaka si Namtan. Hindi na ba siya nakikilala ni Bambi?
"Paumanhin, mahal. Hindi na kita naintay." Panimulang sambit ng babae sa wikang Ingles.
"Bambi, anong ibig mong sabihin?"
Natigil sandali ang boses sa phone, pero bumalik ito agad.
"Sorry, hindi po ako si Lola."
Natigilan si Namtan.
"Namayapa na siya limang taon na ang nakalilipas." Patuloy ng babae.
"S-Sino ka pala?"
"Apo niya ito. Film. Film Rachanun Mahawan. Marami akong gustong itanong sa in.."
Hindi natuloy ni Film ang sasabihin nang makarinig siya ng malakas na singhal sa kabilang linya.
"Bakit po kayo umiiyak?" Tanong nito.
Pilit na pinipigilan ni Namtan ang hagulgol na pilit namang kumakawala sa kaniya habang kinukuha niya ang wallet na naglalaman ng lumang litrato ni Bambi.
Nang makita niya ang tamis ng ngiti nito, ay hindi niya na napigilan ang sarili at napaiyak na lang nang bahagya.
Tahimik lamang na nakikinig si Film.
"Uhm, Namtan?" Tawag nito. "Alam mo ba na sa tuwing nalulungkot ang lola at napapaiyak mag-isa, ay bumibili ito ng ice cream?"
Mas lalong napaiyak si Namtan nang marinig ang sinabi ng apo.
"Mukhang matindi ang kalungkutan mo ngayon. Gusto mo mag-ice cream tayong dalawa?"
Marahas na pinunasan ni Namtan ang mga luha na ayaw tumigil sa pagtulo.
Kung hindi niya nalibre ng ice cream ang babaeng minahal niya sa Hong Kong, ay babawi na lang siya sa apo nitong tumawag sa cellphone niya.
"Sige, pero anong taon diyan sa'yo ngayon?"
"2026." Narinig niya ang mahinang tawa ni Film. "Sabi ni Lola, magtatanong ka raw ng ganiyan, at tama nga siya. Miss na miss ko na siya."
May nabuong ngiti sa gitna ng mga luha na pumapatak sa mga mata ni Namtan.
"Ako rin, miss na miss ko na siya."
