Work Text:
Isang simpleng hapon para sa lahat. Para sa mga estudyante na pinagsasaluhan ang mainit na turo-turo, para sa mga nautusan saglit sa palengke, para sa mga tindero at tindera na nagpapahinga dahil sa buong oras na pagkakabilad sa tirik na araw, at para sa ukayan nila Ryul.
Hindi na bago kay Ryul ang hapon na ganito. Mabagal, matumal, at nakakaantok. May mga iilan na pumapasok para lang magtingin, may ibang nagtatagal, at kahit papaano meron ding mga bumibili. May kita pa rin naman, hindi kalakihan, pero sapat na para sa simpleng hapon na ganito.
Mag isa lang syang tao sa ukayan. Hindi kasi sya masasamahan ni mark na pinsan nya dahil may pasok ito. Sa tiyahin nya talaga ang ukayan, rumaraket lang sya pandagdag ipon. Magbabantay lang naman sya, mag aayos ng damit, maglilinis, walang mahirap sa trabaho nya. Kaya nung nangangailangan ng tao sa ukayan, hindi na sya nag dalawang isip pa na magpresinta.
Mabagal ang kamay ni Ryul na pinapaypayan ang sarili nya gamit ang karton na pinunit niya lang. Malalim na rin ang pagkakatulala niya sa labas. Ang background noise nya ay ang pinaghalong ingay ng mga dumadaan na sasakyan, ang mga iilang tao na nagkekwentohan sa daan, at ang radyo nilang kanina pa umaawit.
Sawa na si Ryul sa mga kwento ni Papa Dudut. Nanghehele pa naman boses ni Papa Dudut. Iniiwasan nya talaga na makinig dyan dahil baka makatulog sya lalo na’t nakakantok ang init ng haring araw kaya tumambay na lang sya sa easy rock. Maaaliw pa sya sa mga kanta. Minsan nga ay sumasabay pa sya, todo bigay kapag alam ang lyrics. Pampatanggal lang ng bagot sa katawan.
Nang maramdaman na ni Ryul ang ngalay sa pagkakaupo ay napagpasyahan nya na tumayo at mag inat. Pinatunog ang buto at binitawan ang karton na pamaypay. Kinuha niya ang walis tambo sa gilid at nagwalis. Ngayong malapit na si Ryul sa mga nakasansan na damit ay mas amoy na amoy nya na ito. May pamilyar na amoy ang mga damit na inaalagaan nya. Hindi sya makapulot ng tamang salita para ilarawan kung ano ang amoy na iyon. Hindi nya rin alam kung anong dahilan kung bakit ganun ang amoy. Dahil ba sa kulob, sa kalumaan, sa alikabok na nabuo. Hindi nya alam.
Napahinto sya sa pagwawalis at inayos ang damit na malalaglag na sa hanger. Basta na lang kasi itong siniksik kaya inayos nya na. May gusot na tuloy kaya pinagpag nya muna. Kapag ganitong nag aayos si Ryul ng mga damit at masyado siyang nakukulong sa isip nya, napapaisip sya… kung sino ba ang dating nagmamay ari ng damit na hawak nya. Naiisip nya na sa bawat damit na naka sampay sa loob ng apat na sulok na ito ay may kwento. Na baka itong hawak nya merong may paborito dito noon. Baka hilig ang ganitong kulay. Baka sinusuot ito sa mga importanteng okasyon. At minsan napapaisip si Ryul sa kung anong dahilan at paano napadpad ang damit na ito dito. Nagsawa na ba ang dating may ari? Maliit na ba masyado sa kanya? Iba na ang mga tipo ng damit na sa aparador nito? Hindi nya alam, pero nakakaaliw isipin.
Masyadong malikot ang imahinasyom ni Ryul kaya hindi sya madaling nabuburyo. Kaya ayos lang kahit maiwan syang mag isa kasama ng mga damit na ito. Makakahanap naman sya ng paraan para maaliw ang sarili.
Pati ang ibang hilera ng damit ay inayos nya rin, babad sa ginagawa, hindi nya namalayan na may kasama na pala sya. Nasa unahan ito, hinahawi ang mga longsleeve. Inipit ni Ryul ang walistambo sa kili-kili nya at umaktong nag aayos pa rin ng damit pero ang totoo ay pasimple syang nagnanakaw tingin sa lalaki sa unahan. Matangkad ito kaya kitang kita agad sya ni Ryul. Muntik na mabali sa kamay ni Ryul ang hanger nang bigla syang lingonin ng lalaki buti na lang agad syang nakaiwas at nagkunwari na may ginagawa. Saglit nya lang itong napagmasdan pero nasaulo agad ni Ryul ang itsura nito. Sya yung tipo ng may maamo na muka, makapal ang kilay, matangos ang ilong, manipis ang kulay rosas na labi, pero ang pumukaw sa atensyon ni Ryul ay ang mga mata nito.
Parang ang daming gusto sabihin.
Ipinagsawalang bahala na lang ni Ryul ang lahat ng nasa utak nya at bumalik sa pwesto nya sa harapan. Mamaya na lang ulit siya maglilinis bago siya magsara at para naman hindi nya ubosin ang oras sa panonood sa lalaki ay naglaro muna sya sa cellphone nya. Mas mabuti na iyon kaysa mahuli pa sya nito.
“Kuya bayad oh. Don to sa tig-singkwenta,” binitawan ni Ryul ang cellphone nya at kinuha ang bayad. Tinignan nya rin muna ang damit na binili nito saka nilagay sa plastic.
Sya na. Kaharap nya na ngayon yung lalaki na pinagmamasdan nya kanina. Nilapag nito ang limang piraso ng mga longsleeve na damit. Ibat iba ang kulay at istilo ng mga yon. Yung isa stripes ang disenyo, yung isa naman may kwelyo, pero kapansin pansin ang ibat ibang kulay nito. Lahat matingkad. Gantong mga kulay siguro ang hilig nya.
“450 lahat,” hindi sya pinansin ng lalaki, nilingon nito ang pinanggagalingan nya. Sumilip din si Ryul, yung karton na may price yata ang tinignan ng lalaki. Yung pinanggalingan ng mga damit na kinuha nito. Napakamot si Ryul sa sintido nya at nag maangmaangan na lang. Tinupi nya ang mga damit at nilagay sa loob ng plastic.
Kinuha ng lalaki ang plastic at naglapag ito ng buong limang daan.
“Saglit susuklian kita.”
Ngumiti lang ang lalaki sa kanya na napaghinto kay Ryul sa pagkuha ng singkwenta pesos.
“Oy!”
Hindi siya nito pinansin at dire-diretso lang lumabas. Ayaw nya ba na nililibre sya? Singkwenta rin kaya yon no. May pang kwekwek sana sya pauwi. Tinabi na lang ni Ryul ang limang daan at sumubsob muli sa lamesa. Binigyan na nga ng discount, tumatanggi pa.
“May inaabangan ka ba?”
“Ha? Wala ah!”
Isang malisosyong tingin ang natanggap ni Ryul sa tiyohin nya. Anong inaabangan? Wala syang inaabangan no! Porket palinga linga lang may inaabangan na? Kailangan ba may inaabangan agad kapag ganon? Hindi naman ah!
Nakanguso tuloy sya habang pinupunasan ang mga sapatos.
“Pangatlong linggo na to ah…” bulong nya sa sapatos na hawak.
“Oh sige na! Inaabangan ko nga. Curious lang ako, yun lang yon.”
Kung sino man ang makakita kay Ryul na kinakausap ang mga sapatos ay siguradong mapapatakbo ito sa takot. Pero no choice sya. Wala naman syang kaibigan na mapagsasabihan nito, ayaw nya rin sabihin sa tiyohin nya dahil ang awkward naman non. Kung hindi nya pagtitiisan ang mga sapatos na ito e baka maging bugnotin na lang sya buong maghapon.
Eh pano ba naman kasi. Yung customer nyang mahilig sa polo eh hindi pa bumabalik. Gaya ng sabi nya kanina, pangatlong linggo na to. Pangatlong linggo na hindi pa napadpad ulit sa ukayan. Nagsawa na ba sya sa mga damit sa ukayan? Maraming tinabi si Ryul na tiyak nyang magugustuhan ng lalaki. Mga damit na sinuksok nya sa pinakadulo para walang makabili. O baka wala itong pera? Ayan, ang kulit kasi! Hindi kasi nito tinatanggap ang mga discount nya. Sikreto naman na nilang dalawa yon eh. Kaso baka nahihiya lang talaga yon na tumanggap.
“Ryul pakikuha nga yung panungkit natin dyan!”
Binitawan ni Ryul ang sapatos at kinuha agad ang inuutos sa kanya.
“Anong kukuha–“
Napahinto sya nang makita ang tao sa likod ng tiyohin nya. Dumating sya.
“Ikaw na nga ang manungkit, may tao yata sa harap.”
Tinapik sya sa balikat ng tiyohin nya bago ito umalis. Tinignan nya pa muna ulit ito bago nilapitan.
“Anong susungkitin?”
“Yung bag sa itaas. Gusto ko makita.”
“Ayon?”
Tumango ang lalaki at binulsa ang cellphone. Agad kumilos si Ryul at sinungkit ang bag na gusto nito. Pinagpag pa muna iyon ni Ryul bago iabot sa kanya. Umukit ang ngiti sa lalaki nang mahawakan na nito ang bag. Nanonood lang si Ryul pero nahahawa sya sa simpleng kasiyahan nito.
“Tignan mo baka sira yung zipper.”
Sinunod sya nito. Binuksan at sinara nya paulit ulit. Sinilip din kung may iba pang sira ang bag.
“Ano. Okay na yan sayo?”
Ngumiti ulit sa kanya ang lalaki at tumango. Nauna itong tumalikod at naglakad paalis. Mukang magbabayad na yata. Agad humabol si Ryul bitbit ang panungkit.
“Magbabayad ka na? Hindi ka pa titingin sa iba? Marami kaming bagong damit.”
Walang sagot kaya inunahan na lang ni Ryul ang tiyohin nya sa paglalagay ng mga gamit sa plastic. Pinabayaan na lang din sya at hindi na sinita. Si Ryul din ang kumuha ng sukli, muli nyang hinarap ang lalaki at inabot lahat.
“Thank you,” ngumiti sa kanya ang lalaki at tumango. Tumalikod na ito at lumabas na ng ukayan. Naiwang nakatanaw si Ryul sa likod ng lalaki. Walang kamalay malay na malawak na pala ang ngiti nya.
Simula ngayon hindi na lang long sleeve ang mga itatabi ni Ryul kundi pati mga bag na.
Yumuko si Ryul at tinakpan ang mukha. Inaantok pa sya.
“Wag ka nga matulog.”
Kumunot ang noo ni Ryul at bumulong sa pinsan nya.
“Hindi ako natutulog, nagdadasal ako!”
Tuwing linggo silang nagsisimba ng pamilya nya. Simula bata ay ito na ang nakalakihan ni Ryul, na ang linggo ay dapat nilalaan sa Dyos. Gustohin man ni Ryul na matulog pa at tanghali na gumising ay hindi pwede, kailangan maagang gumising para hindi mahuli sa misa. Mayayari din sya kapag hindi sya sumama. No Choice talaga.
Pinigilan ni Ryul ang hikab na gustong kumawala sa kanya. Tinitigan nya ang pari na nagsesermon sa harap. Malapit na rin naman to matapos, lalabanan nya na lang ang antok nya. Ilang saglit pa bago nagsipila ang lahat sa altar para kumain ng ostya. Tahimik na pumila si Ryul. Tinanggap nya ang ostya at agad itong sinubo. Medyo nalito pa sya kung saan ang upuan nila mabuti na lang ay kinalabit sya ni Mark kaya sumunod sya dito. Nang makabalik sa pwesto ay lumuhod si Ryul. Pumikit sya pero walang dasal na binubulong ang utak nya. Basta nakapikit lang sya, pinipilit pa rin na makasalisi ng idlip. Ang gago nya talaga. Mamayang gabi na lang sya babawi ng dasal. Luluhod pa sya para kwits na sila ni Lord.
“Tara mag almusal.”
Tumango lang si Ryul at sinuot ang sombrero nyang itim. Lumihis ang tiyohin at tiyahin nya sa kanilang dalawa ni Mark dahil may pupuntahan daw ang mga iyon at didiretso ng palengke. Samantalang sila naman ay papunta sa madalas nilang kainan tuwing linggo pagkatapos magsimba. Sa lugawan. Paborito ni Ryul kumain doon dahil masarap ng tokwa’t baboy nila lalo na pag isasahog na sa lugaw. Iyon ang inorder nya.
Nasa kalagitnaan sila ng kwentuhan habang pinagsasalohan ang lugaw nang sumigaw si Mark. Napalingon tuloy si Ryul dahil nasa likod nya ang kausap nito.
“Uy suki! Wala kang pwesto?”
“Oo eh. Pwede makiupo?”
Kahit malamig na ang lugaw ay parang napaso ang bibig ni Ryul at nasamid sya dahil sa taong nasa harapan nya ngayon.
Walang iba kundi si Ohyul. Oo, alam nya na ang pangalan ng binata. Tutal hindi naman na ito estranghero sa buhay nya. Wag nyo na lang tanongin kung pano nya nalaman ang pangalan nito.
Sinipa ni Ryul ang paa ni Mark sa ilalim habang inuusog ang mga mangkok nila para mabigyan ng pwesto sa lamesa ang pagkain ni Ohyul. Patay malisya si Mark at nakangiti lang, madaldal na agad ito sa pag usisa kay Ohyul kahit hindi naman talaga sila close.
Nagsimba rin pala si Ohyul. Mag isa lang sya at ayon sakanya ay dito rin talaga sya sa lugawan dumidiretso pagkatapos ng misa. Napaisip tuloy si Ryul nang marinig iyon. Bakit hindi nya napapansin noon si Ohyul. Ang dami na palang pagkakataon na nagkasalubong sila.
“Pakainin mo muna sya. Ang chismoso mo talaga, Mark!”
Sita ni Ryul sa pinsan dahil sunod sunod ang tanong nito at hindi makasubo nang maayos si Ohyul. Tumawa lang si Ohyul sa gilid kaya parang na conscious tuloy si Ryul.
“Magbubukas ba kayo ng ukayan mamaya?”
Sumipa si Mark sa ilalim.
“Hindi! Ah…eh.. hindi kasi kami nagbubukas kapag linggo. Pahinga namin.”
Napa ahh si Ohyul nang marinig ang sinabi ni Ryul. Gusto ng tumakbo paalis ni Ryul kahit hindi pa sya bayad. Nahihiya sya. Wala ba syang kwenta kausap?
“Araw araw ka talagang nagbabantay don?”
Akala lang pala ni Ryul. Nagtinginan pa sila saglit na magpinsan bago sumagot si Ryul. Maya maya habang natural na ang agos ng usapan nila ni Ohyul ay nagpaalam si Mark na mauuna na syang umalis. Nagtataka si Ryul pero tinapik lang sya ni Mark sa balikat. Naiwan tuloy sila ni Ohyul sa lamesa.
“Gusto mo pa ng tokwa?”
Alok ni Ohyul. Pangalawang round ng pagkain at ng kwentuhan. Hindi tulad kanina, hindi na nahihiya si Ryul ngayon. Parang palagay na sya na magkwento kay Ohyul at tanungin din ito ng mga kung ano ano. Sa saglit na kwentuhan na iyon ay nakilala ni Ryul ang noon ay pinapanood nya lang na maghawi ng damit sa nagsiksikan na hanger sa kanilang ukayan.
Hindi man sya maayos na nagsimba kanina natupad pa rin ang mga dasal nya. Ang simpleng umaga sa lugawan na iyon ay ang magiging tulay sa pagkakaibigan nila ni Ohyul. Dahil pagkatapos ng umagang iyon, nagbunga na ito ng ilan pang sumunod na pagkikita.
Hanggang sa mapunta si Ryul sa sitwasyon na ito.
Isa. Pasada sa manggas, konting pagpag sa polo shirt na kupas, at isa pang huling tingin sa salamin.
Dalawa. Ayan na! Kahit biyernes at araw ng palengke, sa tumpok ng mga taong dumadaan sa labas ng ukayan, hindi nahirapan si Ryul na hanapin si Ohyul.
Tatlo.
"Ohyul na naman? Tangina hulog ka talaga dyan no!"
"Wag ka nga maingay!"sita nya kay Mark at pinalayas ito.
Apat.Nang tumunog ang pintuan, hudyat na may taong pumasok. Agad bumagsak ang mata ni Ryul sa bundok ng damit na nasa harap nya. Kahit hindi alam ang gagawin, kumilos ng kusa ang kamay nito. Kunwari may ginagawa para hindi mahalata na kanina pa siya naghihintay kay Ohyul.
At lima…
Lima nang tawagin siya ni Ohyul.
"Ryul, may bago ba kayo? Nakita ko paskil nyo sa labas ha, 3 for 100? Totoo ba yon?"
Ito na naman sya. Sa araw araw na nag babantay sya sa ukayan nato ni isang reklamo na sana bumilis ang araw ay hindi nakaligtaan ni Ryul. Ilang linggo ang hinintay nya para sa araw na ito pero ano ngayon? Ano ang lagay ngayon? Dinadagsa ang dibdib, buhol ang dila, pinagpapawisan. Daig pa ni Ryul ang kabayong tumakbo ng ilang kilometro sa malawak na lupain. Ganito naman eh, ganito palagi. Ganito ang epekto ni Ohyul sa kanya.
Akala nya noon sa lugawan mas magiging matimbang ang pagiging platonic na pagtingin nya kay Ohyul pero hindi, dahil sa mga sumunod na taon na nakilala nya ng lubos si Ohyul ay nahulog lang sya.
"Oo. Totoo yon. Daming new arrivals na binagsak nung isang araw, pili ka na," ngiti lang ang sinagot nito at naghanap na sa mga naka hanger na damit. Sa ganito kuntento na si Ryul. Iyon bang nakatayo lang sya sa likod, pinapanood kung paano yumuko si Ohyul para maghanap ng damit, kung paano magsalubong ang kilay nito sa pag co-concentrate.
Kuntento na sya sa katahimikan na pinagsasaluhan nila at kung kailangan man sya ni Ohyul, hindi na nito kailangan pang hanapin sya dahil si Ryul mismo ang lalapit. Kahit na trabaho nyang pagsilbihan ang ibang namimili, wala yon ah, walang wala pagdating kay Ohyul.
Gaya nga ng alaska sa kanya. Hindi damit ang tinatrabaho nya kundi si Ohyul, si Ohyul, at si Ohyul lamang.
"Ayos ba?"
"Bagay ba sa akin?"
Dalawang magkaibang damit ang hawak nito. Band shirt, yan ang mga gusto ni Ohyul. Hindi tulad noon na mga longsleeve o polo, iba na ang trip nitong suotin.
Nirvana at Pink Floyd.
"Parehong bagay sayo"
"Ano nga kasi! Bagay ba?"
Ilang beses na nila itong ginagawa bakit ba hindi naniniwala si Ohyul kapag ganon ang sagot ni Ryul? Hindi naman siya nagsisinungaling. Talagang bagay naman ang dalawang damit na hawak nito sa kanya. Lalo na kung pa-partneran pa iyon ni Ohyul ng low waist jeans at ang leather jacket nito. Idagdag mo pa ang mataas nitong boots. Talagang bagay na bagay kay Ohyul. Kahit na madalas gusto nyang balutin si Ohyul ng kumot dahil sa suot nito. Low waist jeans na nga, naka crop top pa, napapakamot ulo na lang talaga sya.
"Sukatin mo muna yang nirvana"
"Mhmm… yan din naisip ko! Tara na."
Nauna na si Ohyul sa fitting room habang siya ay hindi alam kung paanong yakap ang gagawin sa mga damit na bitbit nya.
"Pumikit ka na! Lalabas na ako!"
"Ok."
At pumikit nga talaga si Ryul. Nakapikit ito habang hinihintay na lumabas si Ohyul. Kahit na nakatayo lang sya doon yakap yakap ang mga damit, kahit nagmumukha syang tanga, pumikit si Ryul.
Maya maya pa ay rinig nito ang pagkalas ng lock sa pinto at pagbukas nito.
"Ano. Bagay ba?"
Dahan dahan sa pag mulat si Ryul. Agad bumagsak ang dalawang mata nito sa nirvana shirt na kaninang hawak lang ni Ohyul.
"Ba-Bagay naman."
"Feeling ko ang laki ng tyan ko. "
Hindi magkandaugaga ang binata sa pagsipat sa sarili sa salamin. Paulit ulit ito sa reklamo na ang laki na ng tyan nya at hindi na kakain. Sinisi pa nga si Ryul dahil sa pagyaya nya ditong kumain ng lugaw at balut.
"Bagay sayo yung damit. Pero ganyan ba talaga yan? Hindi naman ata ganyan style nyan?"
"Tinali ko, ganda diba? Ang angas ko tignan."
Tinali nito ang damit kaya mas lalong naging hapit sa kanyang katawan. Tama naman si Ohyul, ang angas nyang tignan sa suot nya ngayon.
"May nagbigay sakin ng CD. Puro mga paborito kong banda na pinagsama sama. Pinapakinggan ko nga kanina eh bago ako pumunta dito."
"Kanino galing?"
"Ewan, iniwan sa upuan ko eh. Kinuha ko na lang, sayang din kasi. Ang mahal na ng CD ngayon no!"
Sisiw yan kay Ryul. Kayang kaya nya yan kahit magkano pa ang abotin para lang mailagay ang buong discography ng mga paboritong banda ni Ohyul–na paborito nya na rin.
Noong unang beses makahanap ni Ohyul ng Nirvana na damit sa ukayan. Halos maglupasay ito sa tuwa at halikan ang sahig. Doon rin nakilala ni Ryul ang Nirvana at ang MCR. Kahit hindi mga ganon ang trip nya pinakinggan nya pa rin. Dahil para mas matagal ang kwentuhan nila ni Ohyul ay kailangan alam niya lahat ng gusto nito. Kaya sinimulan nyang pakinggan lahat ng yon. Kahit malapit na syang palayasin sa kanila dahil sino bang matinong tao ang magpatugtog sa umaga ng welcome to the black parade at ang all i wanted ng paramore sa tanghali at heart shaped box ng nirvana sa gabi. Tangina mas madalas pa nga nyang saulohin ang lyrics ng mga yon kesa kumain. Mabuti na lang ay may maganda ding nangyari dahil tuwang tuwa naman si Ohyul kapag naririnig nya si Ryul na sumasabay sa radyo kapag iyon ang tugtog.
Ibang iba na ang Ohyul ngayon kaysa sa Ohyul na una nyang nakilala noon. Pero siguro kahit lumipas man ang maraming taon, kahit magbago ulit ang istilo ng pananamit ni Ohyul, kahit gaano kaingay o katahimik ang matipuhan nitong mga kanta, magbago man sya o hindi, ang pagmamahal ni Ryul ay mananatili. Umulan man, umaraw, o bumagyo, sigurado si Ryul na ang pagmamahal nya kay Ohyul ay malabong magbago. Magkaron man ng bagong uso, ang pagmamahal nya ay hinding hindi malalaos.
"Ryul, wag mo ipapagalaw yan ha. Babalikan ko yan."
"Kinulang ipon ko, pagbalik ko na lang ulit."
Nilagay ni Ryul sa dulo ang isang jacket at tinabunan iyon ng iba pang damit. Sinigurado ni Ryul na hindi nya makakalimutan ang pwesto non. Dahil mamaya pag alis ni Ohyul kukunin niya yon at sya ang magtatago sa lugar na wala talagang makakakuha.
"Magbabayad ka na?"
"Oo, kailangan ko na umuwi may gagawin pa akong essay.”
Naunang maglakad si Ohyul papunta sa harap habang si Ryul naman ay nakasunod bitbit ang mga nakuha nitong damit.
"250 lahat to.”
"Salamat!" Inabot ni Ryul ang dalawang plastic at ang sukli nito.
"Una nako ha. Nextime na lang tayo gumala, may gagawin pa kasi ako."
"Oo, sige lang. Unahin mo yan."
"Sige. Bye. Text na lang kita."
Humabol ang mata ni Ryul sa paglabas ni Ohyul. Ngayon pa lang alam na ni Ryul na wala siyang magiging maayos na tulog tuwing gabi. Matik yan, aabangan nya ang text ni Ohyul sa kaniya.
"Hoy Ryul! Akin na yung kulangn non na 300"
"Tyang? Anlaki naman…"
"Anong anlaki? akin na, malulugi ako sayo eh!"
Kamot sa kilay na lang ang nagawa ni Ryul habang inaabot ang tatlong daan na ipon nya. Dahil ang totoo wala namang talagang 3 for 100. Walang discount sa araw na to. Binababaan lang talaga ni Ryul ang presyo ng damit kapag si Ohyul na ang bumibili. Kinukuntyaba nya ang Tiyahin nya na singilin si Ohyul ng dalawang daan at kung magkano ang kulang siya na ang bahala doon. Napapailing na lang ang mga kasama nya sa ukayan dahil sa kalokohan nya.
Bakit niya ginagawa yon? Kasi tanga sya.
Tanga si Ryul. Dalawang taon na syang tanga kay Ohyul. May balak ba syang umamin? Wala. Kasi duwag si Ryul. Baka iyong mga araw na tinatanaw nya mawala dahil sa lintek na nararamdaman nya. Maayos ang pagkakaibigan nila ngayon. Paano kapag umamin sya? Pano pag biglang nawala si Ohyul?
Paano ang dalawang taon na iningatan nya? Paano yung mga damit na patuloy nyang tinatago kasi nangako si Ohyul na babalik sya? Paano na?
Siguro ibabaon nya na lang din. Gaya sa Ukay Ukay. Bahala ng matabunan, bahala ng mapailalim at bahala na rin si Ohyul na mag hukay. Sana lang sa paghuhukay ni Ohyul makita niya ang feelings ni Ryul na parang vintage shirt. Sana mapansin nya. Sana subokan nya rin tong sukatin. Kasi malay nya naman, bagay silang dalawa.
Pakiramdam ni Ryul, napakabagal ng isang linggo. Gusto nya ng hilahin ang orasan at gawing biyernes ang araw. Dahil sa biyernes nandon si Ohyul, makikita nya na ulit ito. Madalang na lang kasi nya makita si Ohyul. Marami itong pinagkakaabalahan sa eskwela o may mga gimik na pang kanya. Hindi naman pwedeng isiksik na lang palagi ni Ryul ang sarili nya sa buhay ni Ohyul o humingi kahit palugit lang ng atensyon nito. Pero kung bibigyan sya ni Ohyul ng papel, talagang makiki-papel sya. Kaso malabo pa yan.
Maraming bagong damit ang ibinagsak sa ukay-ukay ngayon, maraming magugustuhan si Ohyul at maraming magiging rason si Ryul na kausapin siya. Ang tanong, mag re-reply kaya?
Mainit pa rin ang panahon. Tirik ang araw kaya nagpasya si Ryul na lumabas ng ukay-ukay para mag merienda muna. Bigla kasi nyang naisip kumain sa turo-turo at uminom ng samalamig. Naiwan si Mark sa ukayan, bahala na sya don, kaya nya na yon. Pero napahinto na lang si Ryul ng bulagain sya ng taong inaasam nyang masilayan. Si Ohyul ito pero may kasamang iba.
Hindi alam ni Ryul kung tutuloy pa ba sya. Kung uunahin ang tiyan na kumakalam o sasalisi ng alis kasi masakit sa mata ang nakita. Mukang kaklase nya pa ito dahil pareho sila ng unipormeng suot. Iba ang ngiti sa labi ni Ohyul, iba yung kislap sa mata habang kausap yung kasama. Bago ang mga version na ito kay Ryul.
Iba talaga manakit si Ohyul no. Dadalhin nya pa doon sa paborito nilang tambayan. Pinatikim nya rin ba dito yung paborito nilang kainin? Tinuruan kung pano gumawa ng sawsawan? Aning na yata si Ryul sa mga iniisip niya dala ng selos. Sakanila lang dapat ang tambayan na ito. Kundi dahil kay Ryul hindi ito malalaman ni Ohyul. Sya lang din dapat ang nasa tabi ni Ohyul, ang kasama kumain, kakwentuhan matapos ang mahabang araw nito. Sa kanya dapat nagrereklamo si Ohyul kung hindi na naman gumagana ang kaliwang earphones nya at sya dapat ang dahilan ng pagtawa ni Ohyul.
Dahil sa selos, kusang naglakad ang paa ni Ryul patungo sa ikakasakit nya. Sya lang din nagbibigay ng dahilan sa pagmumukmok eh. Imbis na umiwas talagang dumiretso pa sya at nagkunwaring walang nakita.
“Bente pesos ho na tokneneng,” hindi talaga ito ang madalas na order ni Ryul, kay Ohyul ito. Pero masama ang pakiramdam nya eh baka ma comfort sya ng paboritong pagkain ni Ohyul.
“Oh Ryul bakit ngayon ka lang? Nauna pa sayo si Ohyul.”
Kahit yung tindero kilalang kilala na sila. Kasi tambayan nila to! Dito sila madalas kumain— na silang dalawa lang! Kahit nasa piniritong tokneneng ang mata hindi nakaligtas sa kanyang paningin ang paglingon sa kanya ni Ohyul nang marinig ang pangalan nito.
“Ryul! Andito ka rin pala?”
“Uy Ohyul! Uwian mo na?”
Nakapaskil ang palaging ngiti ni Ryul sa tuwing kaharap nya si Ohyul. Saglit nyang tinignan ang katabi nito na nakangiting tumango rin sa kanya.
“Oo, Si Ryle pala, niyaya ko sya dito kumain. Okay lang ba?”
Ryle. Ryul. Ryle. Ryul. Tangina katunog pa talaga ng pangalan nya. Pati ano nga yon? Parang may pumintig kay Ryul nang marinig ang huling sinabi ni Ohyul. Okay lang daw ba? Bakit? Bakit niya sasabihin iyon. Hindi naman sya ang may ari nito. Parang may kung anong bumulong kay Ryul na siguro alam din ni Ohyul na tambayan nila ito at ang mag aya ng iba ay dapat kailangan magpaalam sa isat-isa. Pero kabaliktaran naman ang ginawa nito.
“Oo naman. Kuya oh, bayad ko”
“Kumusta? Hindi ako makapag ukay, may pinag iiponan kasi ako.”
“Ano naman?”
“Pupunta kami sa gig,” singit nung kupal na Ryle Oo, kupal sya. Kahit hindi pa sya kilalang lubos ni Ryul, sya na ang pinaka kupal sa mundo, sya na ang pinaka ayaw niyang tao na nabubuhay sa mundo. Si Ryul na ang masama, sige, magsisimba nalang sya sa linggo pambawi ba.
“Ah ganon ba. Maraming bago eh, punta ka nalang don pag may time ka”
“Mhmm, miss ko narin tumambay don. Saka di narin tayo gumaga—”
“Una na ako, Ohyul. Pakabusog kayo.”
Kahit mainit ang baso, tiniis iyon ni Ryul. Makaalis lang sa harapan nilang dalawa. Gusto nya ng magtago sa bundok na damit mawala lang sa paningin nya si Ohyul at Ryle.
“Ryul… Galit ka ba sakin?” Doon siya napahinto. Agad siyang lumingon at nang makita ang paakyat na lungkot sa mata ni Ohyul ay bigla nyang tinalikuran ang lahat. Bigla siyang umamo.
“Ha? Hindi!”
“Gusto pa sana kita ka-kwentuhan eh”
“Sige pala. Dito muna ako.”
Dito muna sya. Basta bumalik lang ang kaninang kislap sa mga mata ni Ohyul. Dito muna sya kahit maya maya lang hindi na siya mapapansin ni Ohyul. Dito muna sya kahit hindi sya makasabay sa pinag uusapan. Dito muna sya kahit pakiramdam nya nanliliit na sya. Sa mga naririnig nya pa lang pakiramdam nya napakalayo nya na kay Ohyul. Napag iiwanan na sya. Dumoble yung bigat sa katawan nya lalo na’t ngayon naririnig nyang kahit mag review ay sabay sila ni Ryle.
Gusto rin ni Ryul ng ganon. Yung makakasama sya ni Ohyul mag aral. Pero sobrang labo dahil kulang pa ang ipon nya. Huminto kasi ito sa kolehiyo, kinapos sa pera. Ngayon, anlaki ng sisi nya. Kumapal yung galit nya sa sitwasyon nya. Sana nag aaral din sya ngayon kasama ni Ohyul. Sana sa kahit saang sulok ng paaralan si Ryul ang kasama ni Ohyul. Sana nakaka relate sya sa mga pinag uusapan nila.
“Una na ako, baka hinahanap nako don eh.”
“Ganon ba? Sige, magkita na lang tayo sa susunod ha.”
Ramdam ni Ryul ang pamamasa ng mata nya kaya aalis na sya. Hindi nya na kakayanin pang tumagal pa don. Wala narin namang saysay, ubos na ang kinakain nya. Hindi rin naman sya kailangan don dahil mukang may sarili silang mundo ni Ryle. Mundo na hindi sya kasali, wala syang pwesto. Kaya pagdating sa ukayan. Nang makita ang mga pamilyar na hilera ng damit, medyo gumaan ang loob ni Ryul. Dahil sa ukayan na to dito nya saglit maibabaon ang nararamdaman nya kay Ohyul. Kahit umiyak sya dito walang makakahalata, pwede nyang gawing dahilan ang alikabok na nagpapuwing sa kanya.
Dito sa ukayan magiging kuntento sya. Maalala yung mga bagay na pinagsaluhan nilang dalawa ni Ohyul noon. Sa pagsusukat ng damit, paglalaro sa mga sapatos, sa pagsabay sa kanta mula sa radyo. Sa mga damit na lang nato mabubuhay ang presensya ni Ohyul at iyon ang yayakapin nya. Ang multo ni Ohyul sa ukayan kaysa yung nasa labasan na malayong mapasakanya.
